2010
Isang Kasaysayan ng mga Templo
2010


Isang Kasaysayan ng mga Templo

Sa kapwa sinauna at makabagong panahon itinuturing ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon ang pagtatayo ng mga templo bilang trabahong talagang kailangan nilang gawin.

Isang Lugar na Inilaan

Ang mahalagang ideya tungkol sa isang templo ngayon at noon pa man ay isa itong lugar na itinalaga para sa sagradong paglilingkod; sa mas mahigpit na paraan, ang templo ay isang gusali na itinayo para sa at para lamang sa mga sagradong gawain at seremonya.

Ang salitang Latin na templum ay katumbas ng salitang Hebreo na beth Elohim at nangangahulugang tirahan ng Diyos; kung kaya’t ang literal na kahulugan nito ay bahay ng Panginoon.

Ang ganitong mga istruktura ay itinayo sa iba’t ibang kapanahunan, kapwa ng mga sumasamba sa mga diyus-diyusan at ng mga alagad ng tunay at buhay na Diyos. Bagamat ginamit ang nakabakod na lugar sa labas ng ganitong mga templo bilang mga lugar ng pangkalahatang pagtitipon at pampublikong seremonya, palaging may mga lugar sa kaloob-looban na tanging ang mga inilaang priest o saserdote ang makapapasok doon, at kung saan ay sinasabing nadarama ang presensya ng Maykapal. Ang mga templo ay hindi kailanman itinuring na mga lugar para sa pangkaraniwang pagtitipon ng publiko kundi mga sagradong lugar na itinalaga sa pinakasagradong mga seremonya ng partikular na sistema ng pagsamba.

Ang Tabernakulo ng Sinaunang Israel

Ang Tabernakulo ng Sinaunang Israel

Noong unang panahon, ang mga tao ni Israel ay kilala sa mga bansa bilang mga tagapagtayo ng mga santuwaryo sa pangalan ng Diyos na buhay. Ang serbisyong ito ay hiniling sa kanila ni Jehova, na sinasabi nilang pinaglilingkuran nila. Ang kasaysayan ng Israel bilang isang bansa ay nagsimula sa Exodo. Pagkalabas nila kaagad mula sa Egipto na puno ng pagsamba sa mga diyus-diyusan inutusan silang maghanda ng isang santuwaryo, kung saan maipapamalas ni Jehova ang Kanyang presensya at maipaaalam ang Kanyang kalooban bilang kanilang tinanggap na Panginoon at Hari.

Ang tabernakulo ay sagrado sa Israel bilang santuwaryo ni Jehova. Itinayo ito batay sa inihayag na plano at iba pang mga kailangan dito (tingnan sa Exodo 26–27). Ito ay maliit at nabubuhat na istruktura, at, bagamat tolda lamang, gawa ito sa pinakamainam, pinakamahalaga, at pinakamamahaling mga materyal na pag-aari ng mga mamamayan. Ang napakainam na kondisyong ito ang handog ng isang bansa sa Panginoon. Iyon na ang pinakamainam na maibibigay ng mga tao sa lahat ng aspeto, at pinabanal ni Jehova ang nabanggit na kaloob sa pamamagitan ng Kanyang banal na pagtanggap.

Nang maging matatag na ang Israel sa lupang pangako, nang, makalipas ang apat na dekada ng paggala sa ilang ay nasakop o naangkin sa wakas ng mga pinagtipanang tao ang sarili nilang Canaan, ang tabernakulo ay binigyan ng lugar na paglalagakan sa Silo; at nagpunta doon ang mga lipi upang alamin ang kalooban at salita ng Diyos (tingnan sa Josue 18:1; 19:51; 21:2; Mga Hukom 18:31; I Samuel 1:3, 24; 4:3–4). Pagkatapos ay inilipat ito sa Gabaon (tingnan sa I Mga Cronica 21:29; II Mga Cronica 1:3) at kalaunan pa sa Lungsod ni David, o sa Sion (tingnan sa II Samuel 6:12; II Mga Cronica 5:2).

Templo ni Salomon

Templo ni Salomon

Hinangad at binalak ni David, na pangalawang hari ng Israel, na magtayo ng bahay sa Panginoon, na sinasabing hindi angkop na siya, na hari, ay manirahan sa isang palasyong yari sa cedro, samantalang ang santuwaryo ng Diyos ay isang tolda lamang (tingnan sa II Samuel 7:2). Ngunit nagsalita ang Panginoon sa bibig ng propetang si Nathan, na tumatanggi sa panukalang handog, dahil si David, na hari ng Israel, bagamat sa maraming bagay ay isang taong may pusong tulad ng sa Diyos, ay nagkasala; at ang kanyang kasalanan ay hindi napatawad (tingnan sa II Samuel 7:1–13; I Mga Cronica 28:2–3). Gayunman, pinayagan si David na tipunin ang materyal para sa bahay ng Panginoon, ang gusali na hindi siya kundi ang anak niyang si Salomon, ang dapat magtayo.

Nang maupo na sa trono si Salomon sinimulan na niya ang trabaho. Inilatag niya ang pundasyon sa ikaapat na taon ng kanyang pamumuno, at ang gusali ay natapos sa loob ng pito at kalahating taon. Ang pagtatayo ng Templo ni Salomon ay panimula ng bagong panahon sa kasaysayan, hindi lamang sa kasaysayan ng Israel kundi sa buong mundo.

Batay sa kinikilalang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari, ang templo ay natapos noong mga 1005 b.c. Sa arkitektura at pagtatayo, sa disenyo at halagang nagastos dito naging tanyag ito bilang isa sa mga pinaka-kagila-gilalas na gusali sa kasaysayan. Ang mga serbisyo ng paglalaan ay tumagal nang pitong araw—isang linggo ng banal na pagdiriwang sa Israel. Ang malugod na pagtanggap ng Panginoon ay ipinamalas sa ulap na lumukob sa mga sagradong silid kaya’t hindi nakapangasiwa ang mga saserdote, “sapagka’t napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay ng Dios” (II Mga Cronica 5:14; tingnan din sa Exodo 40:35; II Mga Cronica 7:1–2).

Nadungisan ang Templo ni Salomon

Ang maluwalhating karingalan ng napakagandang istrukturang ito ay panandalian lamang. Tatlumpu’t apat na taon makalipas ang paglalaan nito, at limang taon lamang pagkamatay ni Salomon, nagsimula nang mawala ang kagandahan nito; at di nagtagal ang paglalaho ng kagandahang ito ay nauwi sa pagkasira dahil ninakawan ito at sa huli ay tuluyan itong nadungisan. Si Salomon ay naligaw ng landas dahil sa pakana ng mga babaing sumasamba sa mga diyus-diyusan, at ang kanyang pagiging suwail ay nagpasimula ng kasamaan sa Israel. Di nagtagal nawala na ang kabanalan ng templo, at inalis ni Jehova ang Kanyang pangangalaga sa lugar na hindi na banal.

Ang mga Egipcio, kung saan iniligtas ang mga tao mula sa pagkaalipin, ay muling tinulutang apihin ang Israel. Nasakop ni Sisac, hari ng Egipto, ang Jerusalem, “at kaniyang dinala ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon” (I Mga Hari 14:25–26). Ang pagdungis sa templo ay nagpatuloy sa pagdaan ng mga siglo. Makalipas ang dalawandaan at labing-anim na taon ng paninira ng mga Egipcio, inalis ni Achaz, na hari ng Juda, ang altar at ang bautismuhan at ang iniwan ay isang bahay na lamang sa lugar na minsang kinatayuan ng templo (tingnan sa II Mga Hari 16:7–9, 17–18; tingnan din sa II Mga Cronica 28:24–25). Kalaunan ay nilubos ni Nabucodonosor, hari ng Babilonia, ang pagsira sa templo at winasak ang gusali sa pamamagitan ng pagsunog dito (tingnan sa II Mga Cronica 36:18–19; tingnan din sa II Mga Hari 24:13; 25:9).

Ang Templo ni Zorobabel

Ang Templo ni Zorobabel

Dahil dito, mga 600 taon bago ang pagparito sa lupa ng ating Panginoon, ang Israel ay wala nang templo. Ang mga tao ay sumamba sa mga diyus-diyusan at naging masama silang lahat, at tinalikuran sila ng Panginoon at ang kanilang santuwaryo. Ang kaharian ng Israel, na tinatayang binubuo ng 10 sa 12 lipi, ay nasakop ng Asiria bandang 721 b.c., at makalipas ang isang siglo ang kaharian ng Juda ay nasakop ng mga taga Babilonia. Sa loob ng 70 taon ang mga mamamayan ng Juda—na kilala noon bilang mga Judio—ay nanatiling alipin, tulad ng inihula noon (tingnan sa Jeremias 25:11–12; 29:10).

Pagkatapos sa ilalim ng mabait na pamamahala ni Ciro (tingnan sa Ezra 1, 2) at ni Dario (tingnan sa Ezra 6), pinayagan silang bumalik sa Jerusalem at minsan pang nagtayo ng isang templo ayon sa kanilang pananampalataya. Bilang alaala ng taong namahala sa pagtatayo, ang muling inayos na templo ay nakilala sa kasaysayan bilang Templo ni Zorobabel. Bagamat mas mababang klase ang pagkayari at mga kasangkapan ng templong ito kumpara sa napakagandang Templo ni Salomon, gayunman ito ang pinakamainam na maitatayo ng mga tao, at tinanggap ito ng Panginoon bilang handog na sumasagisag sa pag-ibig at katapatan ng Kanyang mga pinagtipanang anak.

Ang Templo ni Herodes

Ang Batang si Jesus sa Templo

Mga 16 na taon bago isinilang si Cristo, pinasimulan ni Herodes I, na hari ng Judea, ang muling pagtatayo ng noon ay sira at gibang Templo ni Zorobabel. Nanatiling nakatayo ang istrukturang iyon sa loob ng limang siglo, at walang dudang nasira ito sa paglipas ng panahon.

Maraming pangyayari sa buhay ng Tagapagligtas noon sa lupa ang nauugnay sa Templo ni Herodes. Kitang-kita sa banal na kasulatan na bagaman tutol sa pagkawala ng dangal at pangangalakal na nagbigay-dungis sa templo, kinilala pa rin ni Cristo ang kabanalan ng mga silid sa loob ng templo. Kahit ano pa ang itawag dito, sa Kanya ito ay bahay ng Panginoon.

Ang tuluyang pagkawasak ng templo ay ipinropesiya ng ating Panginoon noong nabubuhay pa Siya sa lupa (tingnan sa Mateo 24:1–2; Marcos 13:1–2; Lucas 21:6). Noong a.d. 70 ang templo ay tuluyang natupok ng apoy kaugnay ng pagsakop ng mga Romano sa Jerusalem sa ilalim ng pamumuno ni Tito.

Mga Templo sa Sinaunang Amerika

Dumalaw si Jesucristo sa Sinaunang Amerika

Ang Templo ni Herodes ang huling templong itinayo sa Eastern Hemisphere o silangang bahagi ng mundo noong unang panahon. Simula nang masira ang sagradong gusali hanggang sa panahon ng muling pagkakatatag ng Simbahan ni Jesucristo noong ika-19 na siglo, ang tanging tala tungkol sa pagtatayo ng mga templo ay ang nabanggit sa Aklat ni Book of Mormon, na nagpapatunay na nagtayo noon ng mga templo sa lugar na kilala ngayon bilang kontinente ng Amerika, ngunit kaunti lamang ang detalyeng nasa atin tungkol sa pagtatayo at kakaunti ang impormasyon sa pangangasiwa ng mga ordenansang may kinalaman sa mga templo sa kanluran. Nagtayo ang mga tao ng isang templo noong mga 570 b.c., at nalaman natin na itinayo ito alinsunod sa pagkayari ng Templo ni Salomon, bagamat mababang klase ang pagkayari nito kumpara sa napakaringal at napakamahal na istrukturang iyon (tingnan sa 2 Nephi 5:16).

Nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Panginoon sa mga Nephita sa kanlurang kontinente, natagpuan Niya ang mga tao na nakapalibot sa templo (tingnan sa 3 Nephi 11:1–10).

Gayunman hindi binabanggit sa Aklat ni Mormon kung may mga templo noong panahon na mawasak ang templo sa Jerusalem; at, isa pa, nagwakas ang bansang Nephita sa loob ng mga apat na siglo pagkamatay ni Cristo. Dahil dito, malinaw na sa magkabilang panig ng daigdig ay tumigil ang pagkakaroon ng mga templo sa pagsisimula ng Apostasiya at ang mismong konsepto na ang templo ay hiwalay sa iba pang mga gusaling ukol sa relihiyon ay naglaho sa sangkatauhan.

Apostasiya at Pagpapanumbalik

Sa loob ng maraming siglo walang ginawang santuwaryo para sa Panginoon; sa katunayan, lumalabas na hindi kinikilala na kailangan ang gayon. Totoo na nagtayo ng maraming gusali at karamihan sa mga ito ay magaganda at malaking halaga ang ginugol sa pagtatayo. Ang ilan sa mga ito ay inilaan kina Pedro at Pablo, Santiago at Juan; ang iba ay kina Magdalena at sa Birheng [Maria]; ngunit walang itinayo sa pamamagitan ng karapatan at pangalan upang parangalan si Jesus, ang Cristo. Sa kalipunan ng mga kapilya at dambana, ng mga simbahan at katedral, ang Anak ng Tao ay walang lugar na matatawag Niyang sa Kanya.

Nang maipanumbalik lamang ang ebanghelyo noong ika-19 na siglo, taglay ang mga kapangyarihan at pribilehiyo nito noong unang panahon, muling naipamalas ang banal na priesthood sa mga tao. At tandaan na ang awtoridad na magsalita at kumilos sa pangalan ng Diyos ay kailangan sa isang templo, at ang templo ay walang-saysay kung wala ang sagradong karapatan ng banal na priesthood. Sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang ebanghelyo noong una ay naipanumbalik sa lupa, at muling naitatag ang sinaunang batas. Sa paglipas ng panahon, sa pamamagitan ng ministeryo ng Propeta, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inorganisa at itinatag sa pamamagitan ng mga pagpapamalas ng banal na kapangyarihan.

Mga Templo sa mga Huling Araw

Pagtatayo ng Kirtland Temple

Inumpisahan ng Simbahang ito sa pagsisimula pa lang ng kasaysayan nito na maglaan para sa pagtatayo ng templo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 36:8; 42:36; 133:2). Sa unang araw ng Hunyo 1833, sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, kaagad na ipinag-utos ng Panginoon ang pagtatayo ng isang banal na bahay kung saan ipinangako Niyang pagkakalooban ang Kanyang mga piling tagapaglingkod ng kapangyarihan at awtoridad (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 95). Ang mga tao ay tumugon sa panawagan nang kusang-loob at tapat. Sa kabila ng matinding kahirapan at sa harap ng walang tigil na pang-uusig, ang gawain ay natapos, at noong Marso 1836 ang unang templo sa makabagong panahon ay inilaan sa Kirtland, Ohio (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 109). Ang mga serbisyo ng paglalaan o dedicatory services ay kinakitaan ng mga makalangit na pagpapamalas na katulad ng naranasan sa pag-aalay ng unang templo noong unang panahon, at kalaunan ay nagpakita ang makalangit na mga nilalang sa mga sagradong silid kaakibat ang paghahayag ng kalooban ng Diyos sa tao. Sa lugar na iyon ay muling nakita at narinig ang Panginoong Jesus (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:1–10).

Sa loob ng dalawang taon mula nang ilaan ito, ang Kirtland Temple ay iniwan ng mga taong nagtayo nito; napilitan silang umalis dahil sa pang-uusig, at sa kanilang pag-alis ang sagradong templo ay naging isang pangkaraniwang bahay.

Naunang nandayuhan ang mga Banal sa mga Huling Araw sa Missouri at kalaunan ay sa Nauvoo, Illinois. Hindi pa sila nagtatagal sa paninirahan sa kanilang bagong tirahan nang marinig nila ang tinig ng paghahayag na nananawagan sa mga tao na muling magtayo ng isang sagradong bahay sa pangalan ng Diyos.

Bagamat may katibayan na muling mapipilitang umalis ang mga tao, at kahit alam nilang iiwan kaagad ang templo kapag natapos na ito, gumawa sila nang buong lakas at sigasig upang tapusin at malagyan ng angkop na mga kagamitan ang gusali o istruktura. Ito ay inilaan noong Abril 30, 1846, ngunit bago pa matapos ang gusali, nagsimula ang mahabang paglalakbay ng mga tao.

Ang templo ay iniwan ng mga taong nagtayo nito sa kabila ng kahirapan at sakripisyo. Noong Nobyembre 1848 ito ay naging biktima ng sinadyang pagsusunog, at noong Mayo 1850 iginuho ng isang buhawi ang mga labi ng nangitim na mga dingding o pader.

Noong Hulyo 24, 1847, ang mga Mormon pioneer ay nagtayo ng panirahan sa kinalalagyan ngayon ng Salt Lake City. Makalipas ang ilang araw, tinukoy ni Brigham Young, na propeta at lider, ang isang lugar sa mga palumpong at, sa paghampas ng kanyang tungkod sa tigang na lupa, ay sinabing, “Dito itatayo ang templo ng ating Diyos.” Ang lugar na iyon ay ang magandang paligid ng templo, at sa paligid nito ay lumitaw ang lungsod. Ang Salt Lake Temple ay itinayo sa loob ng 40 taon; ang batong pinakaibabaw ay inilagay noong Abril 6, 1892, at makalipas ang isang taon ay inilaan ang natapos na templo.

Isang Banal na Gawain

Tampico Mexico Temple

Sa kapwa sinauna at makabagong panahon itinuturing ng mga pinagtipanang tao ng Panginoon ang pagtatayo ng mga templo bilang trabahong talagang kailangan nilang gawin. Malinaw na ang isang templo ay higit pa sa kapilya o simbahan, higit pa sa sinagoga o katedral; ito ay gusaling itinayo bilang bahay ng Panginoon, sagrado sa pinakamalapit na pakikipag-usap sa pagitan ng Panginoon at ng banal na priesthood, at inilaan sa pinakamataas at pinakasagradong mga ordenansa. Isa pa, upang talagang maging banal na templo—na tanggap ng Diyos at kinilala Niya bilang Kanyang bahay—kailangang may handog o alay, at kapwa ang handog at nagbigay ay kailangang karapat-dapat.

Ipinapahayag ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ito ang nagmamay-ari ng banal na priesthood na muling ibinalik sa lupa at ito ay binigyan ng banal na utos na magtayo at panatilihing maayos ang mga templong inilaan sa pangalan at sa paglilingkod sa tunay at buhay na Diyos, at pangasiwaan sa loob ng mga sagradong gusaling ito ang mga ordenansa ng priesthood, na ang epekto ay maybisa kapwa sa lupa at sa kabilang-buhay.

Ang loob ng Kirtland Temple batay sa kuhang larawan sa pagsisimula ng ika-20 siglo.

Pinahiran ng langis ni Moises si Aaron upang magsilbing priest o saserdote sa tabernakulo.

Ang tabernakulo ay nagsilbing isang templo na nabubuhat noong gumagala ang Israel sa ilang.

Natapos noong 1005 b.c., ang Templo ni Salomon ang isa sa mga pinaka-kagila-gilalas na gusali sa kasaysayan.

Ang mga serbisyo ng paglalaan ng Templo ni Salomon ay tumagal nang pitong araw—isang linggo ng banal na pagdiriwang sa Israel.

Noong sakop sila ng Babilonia, ang mga Judio ay pinayagang bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo.

Ipinapakita ng maraming pangyayari sa buhay ng Tagapagligtas noon sa lupa na kinikilala Niya ang kabanalan ng templo.

Nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa kontinente ng Amerika, Siya ay nagpunta sa templo.

Pagkatapos ng maraming taon ng apostasiya, ang awtoridad na kinailangan sa pagsamba sa templo ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith.

Ang unang templo sa mga huling araw ay inilaan sa Kirtland, Ohio, noong Marso 1836.

Di nagtagal pagdating sa Salt Lake Valley, ipinahayag ni Brigham Young, “Dito itatayo ang templo.”

Mula 1893 hanggang sa kasalukuyan, mahigit 130 mga templo na ang naitayo at inilaan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Tampico Mexico Temple. Inilaan noong Mayo 20, 2000.

Apia Samoa Temple. Inilaan noong Ago. 5, 1983. Muling inilaan noong Set. 4, 2005.

Madrid Spain Temple. Inilaan noong Mar. 19, 1999.