2010–2019
Pangwakas na Mensahe
Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2019


2:3

Pangwakas na Mensahe

Nawa’y ilaan at muli nating ilaan ang ating buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak—sa magkabilang panig ng tabing.

Mahal kong mga kapatid, sa pagtatapos ng makasaysayang kumperensyang ito, nagpapasalamat tayo sa Panginoon para sa Kanyang inspirasyon at proteksyon. Ang mga mensahe ay nagturo at espirituwal na nagpalakas sa atin.

Ang mga nagsalita ay hindi binigyan ng mga paksa. Bawat isa sa kanila ay nanalangin at humingi ng personal na paghahayag sa paghahanda ng kanilang mga mensahe. Para sa akin, kamangha-mangha kung paano nagtugma-tugma ang mga temang iyon sa isa’t isa. Habang pinag-aaralan ninyo ang mga ito, sikaping matutuhan kung ano ang nais ituro ng Panginoon sa inyo sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod.

Napakaganda ng musika. Lubos kaming nagpapasalamat sa maraming indibidwal na nakibahagi sa paghahatid sa atin ng musika, na pinagsama-sama ang kanilang mga talento, para maanyayahan ang Espiritu ng Panginoon sa bawat sesyon. At Kanyang binasbasan ang mga panalangin at mga kongregasyon sa bawat sesyon. Tunay ngang ang kumperensya ay muling naging espirituwal na piging para sa ating lahat.

Kami ay umaasa at nananalangin na ang tahanan ng bawat miyembro ay magiging isang tunay na santuwaryo ng pananampalataya, kung saan makapananahan ang Espiritu ng Panginoon. Sa kabila ng kaguluhan sa paligid natin, ang tahanan ng isang tao ay maaaring maging payapang lugar, kung saan ang pag-aaral, pagdarasal, at pananampalataya ay malalakipan ng pagmamahal. Maaari tayong maging tunay na mga disipulo ng Panginoon, naninindigan at nagsasalita para sa Kanya saanman tayo naroon.

Ang layunin ng Diyos ay dapat na maging layunin natin. Nais Niya na piliin ng Kanyang mga anak na bumalik sa Kanya, handa, karapat-dapat, na-endow, nabuklod, at tapat sa mga tipang ginawa sa mga banal na templo.

Ngayon ay mayroon tayong 162 inilaang mga templo. Ang pinakaunang mga templo ay sumasagisag sa pananampalataya at mithiin ng ating mga minamahal na pioneer. Ang bawat templong itinayo nila ay bunga ng kanilang malaking sakripisyo at pagsisikap. Ang bawat isa sa kanila ay maituturing na isang napakagandang hiyas sa korona ng mga pinoneer na simbolo ng kanilang mga nagawa.

Sagradong responsibilidad natin na pangalagaan ang mga ito. Kaya, ang naunang mga templong ito ay muling aayusin at pagagandahin, at, ang ilan ay mapapasailalim sa masusing restorasyon. Gagawin ito para mapreserba ang pambihirang kasaysayan ng bawat templo hangga’t maaari, pananatilihin ang nakasisiglang kagandahan at pambihirang kahusayan ng mga henerasyong lumipas.

Ang mga detalye para sa St. George Utah Temple ay nailabas na. Ang mga plano para sa renobasyon ng Salt Lake Temple, Temple Square, ang kalapit na plaza malapit sa Church Office Building ay ibabalita sa araw ng Biyernes, Sabado, Abril 19, 2019.

Ang Manti at Logan Utah Temple ay gagawan din ng renobasyon sa darating na mga taon. Kapag handa na ang mga planong iyon, ibabalita rin ang mga ito.

Sa paggawa nito, kakailanganing isara ang mga templong ito sa mahaba-habang panahon. Maipagpapatuloy ng mga miyembro ng Simbahan ang pagsamba at paglilingkod sa templo sa ibang mga kalapit na templo. Kapag natapos na ang bawat proyekto, ang bawat makasaysayang templo ay muling ilalaan.

Mga kapatid, itinuturing natin ang templo na pinakasagradong gusali sa Simbahan. Kapag ibinalita namin ang mga plano sa pagtatayo ng isang bagong templo, nagiging bahagi ito ng ating sagradong kasaysayan. Ngayon, mangyaring makinig mabuti at nang tahimik. Kung ibabalita ko ang isang templo sa lugar na espesyal sa inyo, iminumungkahi ko na yumuko na lamang kayo at tahimik na magpasalamat sa pamamagitan ng isang panalangin sa inyong puso. Ayaw natin ng anumang hiyawan na nakakabawas sa kasagraduhan ng kumperensyang ito at sa mga banal na templo ng Panginoon.

Ngayon ay masaya naming ibinabalita ang planong pagtatayo ng marami pang templo, na itatayo sa mga sumusunod na lugar:

Pago Pago, American Samoa; Okinawa City, Okinawa; Neiafu, Tonga; Tooele Valley, Utah; Moses Lake, Washington; San Pedro Sula, Honduras; Antofagasta, Chile; Budapest, Hungary.

Salamat, mahal kong mga kapatid.

Kapag binabanggit natin ang ating mga luma at bagong templo, nawa’y ipakita natin sa ating kilos na tayo ay mga tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo. Nawa’y pagbutihin natin ang ating buhay sa pamamagitan ng ating pananampalataya at pagtitiwala sa Kanya. Nawa’y magamit natin ang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala sa pamamagitan ng pagsisisi natin sa bawat araw. At nawa’y ilaan at muli nating ilaan ang ating buhay sa paglilingkod sa Diyos at sa Kanyang mga anak—sa magkabilang panig ng tabing.

Ibinibigay ko sa inyo ang aking pagmamahal at basbas, tinitiyak sa inyo na patuloy ang paghahayag dito, sa Simbahan ng Panginoon. Magpapatuloy ito hanggang sa “ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na.”1

Iyan ang basbas ko sa inyo at pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo! Ito ang Kanyang Simbahan. Tayo ay Kanyang mga tao. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.