Magtayo ng Isang Muog ng Espirituwalidad at Proteksyon
Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, kapag umaasa tayo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sumusulong nang may pananampalataya, tayo ay napapalakas laban sa kaaway.
Mga kapatid, sa pagtatapos ng kumperensyang ito, nagpapasalamat ako sa ating Ama sa Langit para sa mga payo, katotohanan, at paghahayag na ibinahagi sa pulpitong ito sa nakalipas na dalawang araw. Tinuruan tayo ng mga tagapaglingkod ng Diyos na tinawag para mangusap ng Kanyang mga banal na salita. Pinaalalahanan tayo ng Panginoon sa paghahayag sa mga huling araw, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”1
Habang minamasdan ko ang malaking kongregasyong ito ng mga Banal, at nakikinita sa aking isipan ang mga miyembrong nanonood ng pangkalahatang kumperensya sa iba’t ibang dako ng mundo, naisip ko ang pagtitipon sa Aklat ni Mormon nang magpakita si Jesucristo sa mga Nephita pagkatapos ng Pagpako sa Kanya sa krus. Itinuro Niya sa kanila ang ebanghelyo at hinikayat sila na, “Magsiuwi kayo sa inyong mga tahanan, at bulay-bulayin ang mga bagay na aking sinabi, at tanungin ang Ama, sa aking pangalan, upang kayo’y makaunawa.”2
“Magsiuwi kayo sa inyong mga tahanan, at [magbulay-bulay]” ang kasunod na hakbang sa pagsasapuso ng mga sinabi ng mga propeta at lider ng Simbahan sa sagradong pulong na ito. Ang mga tahanang nakasentro kay Cristo ay mga muog para sa kaharian ng Diyos sa lupa sa panahon na, tulad ng ipinropesiya, ay “sasalantahin [ng diyablo] ang mga anak ng tao, at pupukawin sila na magalit laban sa yaong bagay na mabuti.”3
Ang mga tao ay nagtatayo ng mga muog sa lahat ng panahon sa kaysaysan para hindi mapasok ng kaaway. Kadalasan, ang mga muog na ito ay may isang bantay sa tore kung saan ang mga bantay—tulad ng mga propeta—ay nagbibigay ng babala tungkol sa mga nagbabantang panganib at pagsalakay.
Noong unang panahon ng mga pioneer sa Utah, ang aking lolo-sa-tuhod na si Thomas Rasband at ang kanyang pamilya ay ilan sa mga naunang nandayuhan na pumasok sa Heber Valley sa magandang Wasatch Mountains ng Utah.
Noong 1859, tumulong si Thomas sa pagtatayo ng Hebert fort, na itinayo para sa kanilang proteksyon. Ito ay isang simpleng istruktura na yari sa mga trosong cottonwood na inayos nang magkakatabi, na siyang naging hangganan ng muog. Ang mga bahay na yari sa troso ay itinayo sa loob ng muog gamit ang istruktura ding iyon. Ang istruktura ay nagbigay ng kapanatagan at kaligtasan sa mga pamilyang pioneer na iyon habang pinatatatag nila ang kanilang mga tahanan at sumasamba sa Panginoon.
Gayon din tayo. Ang ating mga tahanan ay mga muog laban sa mga kasamaan ng mundo. Sa ating mga tahanan lumalapit tayo kay Cristo sa pamamagitan ng pagkatutong sundin ang Kanyang mga kautusan, pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal nang magkakasama, at pagtulong sa isa’t isa na manatili sa landas ng tipan. Ang panibagong pagbibigay-diin sa personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya sa tahanan gamit ang kurikulum na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nilalayong “palalimin ang ating pagbabalik-loob at tulungan tayong maging higit na katulad ni Jesucristo.”4 Sa paggawa nito, tayo ay magiging “[mga] bagong nilalang”5 tulad ng sinabi ni Pablo, na ang mga puso at kaluluwa natin ay nakaayon sa Diyos. Kailangan natin ang lakas na iyan para maharap at maiwasan ang mga pagsalakay ng kaaway.
Kapag namuhay tayo nang tapat dahil sa pananampalataya kay Jesucristo, madarama natin ang payapang presensya ng Espiritu Santo, na gagabay sa atin patungo sa katotohanan, maghihikayat sa atin na mamuhay nang matwid sa mga pagpapala ng Panginoon, at magpapatotoo na buhay ang Diyos at minamahal Niya tayo. Lahat ng ito ay nangyayari sa loob ng muog ng ating sariling mga tahanan. Ngunit tandaan, ang ating mga tahanan ay kasinglakas lamang ng espirituwal na lakas ng bawat isa sa atin sa loob ng ating tahanan.
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo.”6 Bilang buhay na propeta, tagakita, at tagapaghayag ng Panginoon sa panahong ito, ang bantay sa tore ng ating muog, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, nakikita niya ang kilos ng kaaway.
Mga kapatid, tayo ay nakikipaglaban kay Satanas para sa mga kaluluwa ng mga tao. Ang magkabilang panig sa labanang ito ay natukoy na sa premortal na buhay. Hindi tinanggap ni Satanas at ng ikatlong bahagi ng mga anak ng ating Ama sa Langit ang Kanyang mga pangako ng kadakilaan. Mula noong panahong iyon, ang mga kampon ng kaaway ay nakikipaglaban na sa matatapat na pinipili ang plano ng Ama.
Alam ni Satanas na bilang na ang kanyang mga araw at kakaunti na lang ang oras. Bagama’t siya ay tuso at mapanlinlang, hindi siya mananalo. Gayunman, patuloy siyang nakikipaglaban para mahila niya ang ating mga kaluluwa.
Para sa ating kaligtasan, dapat tayong magtayo ng isang muog ng espirituwalidad at proteksyon para sa ating mga kaluluwa, isang muog na hindi mapapasok ng yaong masama.
Si Satanas ay isang ahas na tuso, padahan-dahang pumapasok sa ating isipan at puso kapag ibinaba natin ang ating mga depensa, kapag nalulungkot, o nawawalan tayo ng pag-asa. Tinutukso niya tayo ng kanyang matatamis na salita, nangangako ng kaginhawahan, kapanatagan, o pansamantalang saya kapag nalulungkot tayo. Binibigyang-katwiran niya ang kapalaluan, kalupitan, kasinungalingan, pagiging hindi kuntento, at imoralidad at kalaunan maaari tayong maging “manhid.”7 Lilisan ang Espiritu sa atin. “At sa gayon lilinlangin ng diyablo ang kanilang mga kaluluwa, at maingat silang aakayin pababa sa impiyerno.”8
Sa kabilang banda, madalas nating madama nang napakalakas ang Espiritu kapag umaawit tayo ng mga papuri sa Diyos gamit ang mga salitang ito:
Diyos ay moog na matibay,
‘Di matinag na tanggulan.
Diyos ay moog na matibay,
Sa ‘ti’y laging kaagapay.9
Kapag nagtatayo tayo ng muog ng espirituwal na lakas, makakaiwas tayo sa mga tukso ng kaaway, tatalikuran siya, at madarama ang kapayapaan ng Espiritu. Matutularan natin ang halimbawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na, nang tuksuhin sa ilang, ay nagsabing, “[Lumayo ka sa akin, Satanas].”10 Kailangang matutuhan ng bawat isa sa atin kung paano iyan gawin sa buhay.
Ang gayong matwid na layunin ay malinaw na nailarawan sa Aklat ni Mormon nang ihanda ni Kapitan Moroni ang mga Nephita sa pagharap sa pagsalakay ng isang mapanlinlang, uhaw sa dugo, at uhaw sa kapangyarihan na si Amalikeo. Si Moroni ay nagtayo ng mga muog para proteksyunan ang mga Nephita “upang sila ay mabuhay sa Panginoon nilang Diyos, at upang mapanatili nila ang yaong tinatawag ng kanilang mga kaaway na layunin ng mga Cristiyano.”11 Si Moroni ay “di matitinag sa pananampalataya kay Cristo,”12 at matapat “sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos … at paglaban sa kasamaan.”13
Nang dumating ang mga Lamanita para makipaglaban, nanggilalas sila sa paghahandang ginawa ng mga Nephita, at sila ay natalo. Pinasalamatan ng mga Nephita “ang Panginoon nilang Diyos, dahil sa kanyang walang kapantay na kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway.”14 Nagtayo sila ng mga muog na poprotekta sa kanila sa labas, at pinalakas nila ang kanilang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo sa loob—sa kaibuturan ng kanilang mga kaluluwa.
Ano ang ilang paraan na mapapalakas natin ang ating sarili sa panahon ng kaguluhan, upang tayo ay maging “mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang maisagawa ang dakilang gawaing ito”?15 Tingnan natin ang mga banal na kasulatan.
Tayo ay masunurin. Iniutos ng Panginoon kay Amang Lehi na pabalikin ang kanyang mga anak sa Jerusalem upang “hanapin ang mga talaan, at dalhin ang mga yaon dito sa ilang.”16 Hindi nagtanong si Lehi; hindi siya nagtanong kung bakit o paano. Gayon din si Nephi, na tumugon ng “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”17
Kumikilos ba tayo nang may kahandaang sumunod tulad ni Nephi? O mas kukuwestiyunin natin ang mga utos ng Diyos tulad ng mga kapatid ni Nephi, na dahil sa kawalan nila ng pananampalataya ay tumalikod kalaunan sa Panginoon? Ang pagsunod, na ginawa nang “buong kabanalan ng puso,”18 ang hinihingi ng Panginoon sa atin.
Tayo ay nagtitiwala sa Panginoon, na nagsabi kay Josue habang naghahanda siyang pamunuan ang mga Israelita patungo sa lupang pangako, “Magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.”19 Nagtiwala si Josue sa mga salitang iyon at pinayuhan ang mga tao, “Magpakabanal kayo; sapagka’t bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang Panginoon sa inyo.”20 Hinati ng Panginoon ang mga tubig ng Jordan at natapos ang 40 taong paggala-gala ng mga Israelita sa ilang.
Naninindigan tayo sa katotohanan, tulad ng ginawa ng propetang si Abinadi sa Aklat ni Mormon. Dinakip, at dinala sa harapan ni Haring Noe at ng masasamang saserdote nito, itinuro ni Abinadi ang Sampung Utos at nangaral nang may kapangyarihan na si Cristo ay “bababa sa mga anak ng tao, at … tutubusin ang kanyang mga tao.”21 Pagkatapos, nang may pananampalataya sa kaibuturan ng kanyang puso, ipinahayag niya, “O Diyos, tanggapin ang aking kaluluwa,”22 at si Abinadi ay “nagdanas ng kamatayan sa pamamagitan ng apoy.”23
Tayo ay gumagawa at nagpapanibago ng ating mga tipan sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento at pagsamba sa templo. Ang sakramento ang pinakamahalagang bahagi sa pagsamba natin sa araw ng Linggo, kung saan natatanggap natin ang pangako na “sa tuwina ay mapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin].”24 Sa pamamagitan ng sagradong ordenansa na iyan, nangangako tayo na tataglayin natin ang pangalan ni Jesucristo, susundin Siya, at gagawin ang ating mga responsibilidad sa banal na gawaing ito tulad ng ginawa Niya. Sa templo, “[maisasantabi natin] ang mga bagay ng daigdig na ito”25 at madarama ang presensya ng Panginoon at ang Kanyang pambihirang kapayapaan. Mapagtutuunan natin ng pansin ang ating mga ninuno, pamilya, at buhay na walang hanggan sa presensya ng Ama. Kaya’t hindi nakapagtatakang ipinahayag kamakailan ni Pangulong Nelson sa Roma, “Ang kabutihang magmumula sa templong ito ay hindi masusukat.”26
Dapat maging tapat tayo sa lahat ng ating ginagawa. Dapat marunong tayong makahiwatig at mayroong disiplina sa sarili nang sa gayon ay hindi na natin kinakailangang palaging tukuyin kung ano ang tama at kung ano ang mali. Dapat nating isapuso ang mga salita ni Pedro, ang Apostol noon sa Simbahan na nagbabala na, “Kayo’y maging mapagpigil, kayo’y maging mapagpuyat; ang inyong kalaban na diablo, na gaya ng leong umuungal, ay gumagala na humahanap ng masisila niya.”27
Kapag masigasig nating pinatibay ang ating mga muog, tayo ay magiging katulad ni Jesucristo, bilang Kanyang mga tunay na disipulo, na ang ating kaluluwa ay nasa Kanyang pangangalaga.
Ang inyong patotoo tungkol kay Jesucristo ay ang inyong personal na muog, ang kaligtasan para sa inyong kaluluwa. Nang itayo ng aking lolo-sa-tuhod at ng kapwa niya mga pioneer ang Heber Fort, paisa-isa nilang inilagay ang mga troso hanggang sa ang muog ay “nakalapat na mabuti”28 at sila ay naproteksyunan. Angkop din ang paraang ito sa ating patotoo. Bawat isa sa atin ay nagtatamo ng patotoo mula sa Banal na Espiritu kapag nangungusap Siya sa ating espiritu, nagtuturo ng “katotohanan sa mga loob na sangkap.”29 Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, kapag umaasa tayo sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sumusulong nang may pananampalataya, nang hindi natatakot, tayo ay napapalakas laban sa mga tukso ng kaaway. Ikinokonekta tayo ng ating mga patotoo sa kalangitan, at nabibiyayaan tayo ng “katotohanan ng lahat ng bagay.”30 At, tulad ng mga pioneer na pinrotektahan ng isang muog, tayo ay ligtas na nayayakap ng mga bisig ng pagmamahal ng Tagapagligtas.
Itinuro ng propetang si Eter, “Kaya nga, sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya, na gumagawa ng isang daungan sa mga kaluluwa ng tao, na siyang magbibigay sa kanila ng katiyakan at katatagan, nananagana sa tuwina sa mabubuting gawa, inaakay na purihin ang Diyos.”31
Mahal kong mga kapatid, iniiwan ko sa inyo ang aking basbas na humayo nang nagtitiwala sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo. Tulungan ang mga nanghihina at, sa lakas ng Espiritu na nasa inyo, magiliw na akayin sila pabalik sa muog ng espirituwalidad at proteksyon. Sikaping “maging tulad ni Jesus”32 sa lahat ng inyong ginagawa; iwaksi ang masama at mga tukso; magsisi, tulad ng payo kahapon ng ating mahal na propeta; maging matapat ang puso; maging matwid at dalisay; magpakita ng awa at pag-ibig; at mahalin ang Panginoon ninyong Diyos nang may katapatan ng isang tunay na disipulo.
Ang ating mga patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, ang ating mga tahananan, pamilya, at pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay magiging personal nating muog ng proteksyon na nakapalibot sa atin at pananggalang natin sa kapangyarihan ng yaong masama. Taimtim kong pinatototohanan ito sa inyo sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo, amen.