Si Cristo: Ang Ilaw na Lumiliwanag sa Kadiliman
Kung nadarama ninyong lumalamlam ang ilaw ng inyong patotoo at nagdidilim na, lakasan ninyo ang inyong loob. Tuparin ang inyong mga pangako sa Diyos.
Mula sa opisina ko sa Relief Society Building, tanaw na tanaw ang Salt Lake Temple. Tuwing gabi, nang eksakto sa oras, ang mga ilaw sa labas ng templo ay sumisindi sa paglubog ng araw. Ang templo ay isang tanglaw na patuloy na nagbibigay-liwanag sa labas lamang ng aking bintana.
Isang gabi nitong nakaraang Pebrero, di-pangkaraniwan ang dilim sa aking opisina nang lumubog ang araw. Nang tumanaw ako sa bintana, madilim ang templo. Hindi sumindi ang mga ilaw. Bigla akong nalungkot. Hindi ko makita ang mga tore ng templo na nasusulyapan ko tuwing gabi sa loob ng maraming taon.
Ang kadilimang nakita ko kung saan inaasahan kong makakakita ako ng liwanag ay nagpaalala sa akin na ang isa sa pinakapangunahing pangangailangan natin upang umunlad ay ang manatiling nakakonekta sa pinagkukuhanan natin ng liwanag—si Jesucristo. Siya ang pinagmumulan ng ating lakas, ang Ilaw at Buhay ng Sanlibutan. Kung walang matibay na koneksyon sa Kanya, magsisimula tayong mamatay sa espirituwal. Dahil diyan, ginagamit ni Satanas ang mga pamimilit ng mundo na nararanasan nating lahat. Kumikilos siya upang palamlamin ang ating ilaw, sirain ang koneksyon, putulin ang power supply, at iwanan tayong mag-isa sa dilim. Ang mga pamimilit na ito ay karaniwang nangyayari sa mortalidad, ngunit masigasig si Satanas na ihiwalay tayo at sabihin sa atin na tayo lang ang nakakaranas ng mga ito.
Ilan sa Atin ay Hindi Makakilos Dahil sa Kalungkutan
Kapag nangyari sa atin ang mga trahedya, kapag hindi na tayo makahinga sa sobrang pasakit sa buhay, kapag binugbog tayo gaya ng lalaki sa daan patungo sa Jerico at iniwang halos patay na, ay darating si Jesus at magbubuhos ng langis sa ating mga sugat, maingat tayong itatayo, dadalhin tayo sa isang bahay-tuluyan, at aalagaan tayo.1 Sa mga nalulungkot sa atin, ang sabi Niya, “Pagagaanin ko … ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, … upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.”2 Pinagagaling ni Cristo ang mga sugat.
Ang Ilan sa Atin ay Pagod na Pagod Lang
Sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland: “Hindi nilayon na tumakbo tayo nang higit na mabilis kaysa ating lakas. … Ngunit sa kabila niyon, alam ko na marami sa inyo ang tumatakbo nang napakabilis at na minsan ay halos nauubos na ang pinanggagalingan ng lakas at emosyon.”3 Kapag napakaraming inaasahan sa atin, maaari tayong huminto at itanong sa Ama sa Langit kung ano ang mga bagay na isasaisantabi natin. Bahagi ng karanasan natin sa buhay ay matutuhan kung ano ang hindi dapat gawin. Ngunit gayunpaman, nakakapagod kung minsan ang buhay. Tinitiyak sa atin ni Jesus, “Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”4
Nakahanda si Cristo na samahan tayo sa pagpasan sa pamatok at paghila para gumaan ang ating mga pasanin. Si Cristo ay kapahingahan.
Nadarama ng Ilan sa Atin na Hindi Tayo mga Tipikal na Miyembro ng Simbahan
Sa iba-ibang kadahilanan, hindi natin madama na tanggap o katanggap-tanggap tayo. Makikita sa Bagong Tipan ang malaking pagsisikap na ginawa ni Jesus upang tulungan ang lahat ng uri ng tao: ang mga ketongin, mga maniningil ng buwis, mga bata, mga taga Galilea, mga patutot, mga babae, mga Fariseo, mga makasalanan, mga Samaritano, mga balo, mga kawal na Romano, mga mapangalunya, at hindi malinis. Sa halos lahat ng kuwento, tinutulungan Niya ang isang taong hindi tanggap ng lipunan.
Nakasaad sa Lucas 19 ang tungkol sa punong maniningil ng buwis sa Jerico na nagngangalang Zaqueo. Umakyat siya sa isang puno para makita ang pagdaan ni Jesus. Si Zaqueo ay nagtatrabaho sa pamahalaang Romano at itinuturing na masama at makasalanan. Nakita siya ni Jesus sa itaas ng puno at tinawag siya, sinasabing, “Zaqueo, magmadali ka, at bumaba ka; sapagka’t ngayo’y kinakailangang ako’y tumuloy sa bahay mo.”5 At nang makita ni Jesus ang kabutihan ng puso ni Zaqueo at ang mga bagay na ginawa niya para sa iba, tinanggap Niya ang ibinigay nito, sinasabing “Dumating sa bahay na ito ngayon ang pagkaligtas, sapagka’t siya’y anak din naman ni Abraham.”6
Magiliw na sinabi ni Jesus sa mga Nephita, “Iniutos ko na walang isa man sa inyo ang umalis.”7 Natanto iyan ni Pedro sa Mga Gawa 10 nang sabihin niyang, “Ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao’y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal.”8 Patuloy na iniuutos sa mga disipulong Kristiyano at sa mga Banal sa mga Huling Araw na magpakita ng tunay na pagmamahal sa isa’t isa.9 Ganito rin ang paanyaya ni Jesus sa atin tulad ng paanyaya Niya kay Zaqueo: “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung [kayo] ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa [inyo], at hahapong kasalo [ninyo], at [kayo’y] kasalo ko.”10 Nakikita tayo ni Cristo kung nasaan tayo.
Ang Ilan sa Atin ay Nababalisa Dahil sa mga Tanong
Mga ilang taon na ang nakalipas, nabalisa at nainis ako dahil sa mga tanong na hindi ko mahanapan ng mga sagot. Isang Sabado ng umaga, nagkaroon ako ng munting panaginip. Sa panaginip ay nakakita ako ng isang gazebo, at natanto ko na kailangan kong pumasok doon. Limang arko ang nakapalibot dito, pero ang mga bintana ay yari sa bato. Nagreklamo ako sa panaginip, ayaw kong pumasok dahil napakaliit at napakadilim nito. Pagkatapos ay naisip ko na matiyagang tumunaw ng mga bato ang kapatid ni Jared para gawin itong malinaw na salamin. Ang salamin ay bato na dumaan sa proseso ng pagbabago. Nang hipuin ng Panginoon ang mga bato ng kapatid ni Jared, nagliwanag ang mga ito sa madilim na mga sasakyang dagat.11 Kaagad akong napuspos ng hangaring pumasok sa gazebong iyon kaysa sa iba pang lugar. Iyon ang mismong lugar—ang nag-iisang lugar—para sa akin upang tunay na “makaunawa.” Ang mga tanong na bumabalisa sa akin ay naroon pa rin, ngunit ang mas malinaw sa isip ko ay ang tanong pagkatapos kong magising: “Paano mo mapalalakas ang iyong pananampalataya, tulad ng kapatid ni Jared, upang ang iyong mga bato ay maging ilaw?”12
Ang ating mga mortal na utak ay nilikha para maghanap ng kaunawaan at kahulugan nang paunti-unti. Hindi ko alam ang lahat ng dahilan kung bakit napakakapal ng tabing na lumalambong sa mortalidad. Hindi ito ang yugto sa ating walang hanggang pag-unlad kung saan nasa atin ang lahat ng sagot. Ito ang yugto kung saan pinalalakas natin ang ating kapanatagan (o kung minsan ang ating pag-asa) sa katunayan ng mga bagay na hindi nakikita. Ang kapanatagan ay dumarating sa mga paraang hindi laging madaling maunawaan, ngunit may ilaw sa ating kadiliman. Sinabi ni Jesus, “Ako ang ilaw, at ang buhay, at ang katotohanan ng daigdig.”13 Sa mga naghahanap ng katotohanan, tila sa una ay kamangmangan ang pumaroon sa isang maliit at madilim na silid na may mga bintanang yari sa bato. Ngunit sa pagtitiyaga at taos-pusong pagtatanong, gagawin ni Jesus na salamin at ilaw ang mga bintana natin na yari sa bato. Si Cristo ang ilaw upang makaunawa tayo.
Nadarama ng Ilan sa Atin na Hindi Tayo Kailanman Magiging Lubos na Karapat-dapat
Ang tina na mapula sa Lumang Tipan ay hindi lamang matingkad kundi hindi rin ito kumukupas, ibig sabihin ang matingkad na kulay nito ay kumakapit nang husto sa lana at hindi kumukupas maraming beses man itong labhan.14 Ginagamit ni Satanas ang pangangatwirang ito para madama natin na hindi na tayo mapapatawad: ang maputing lana na namantsahan ng mapula ay hindi na kailanman babalik sa pagiging maputi. Ngunit ipinahayag ni Jesucristo, “Ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad,”15 at ang himala ng Kanyang biyaya ay na kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, ibabalik tayo ng Kanyang mapulang dugo sa kadalisayan. Hindi ito lohikal, gayunpaman ito ay totoo.
“Bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng bagong paligong tupa.”16 Binigyang-diin ng Panginoon: siya “na nagsisi ng … kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito.”17 Sa madaling salita: Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan.18 Lahat ay nagkakamali; lahat ay nagkakasala.19 Magsilapit sa akin at magsisi.20 Hindi ko na maaalala pa ang inyong mga kasalanan.21 Kayo ay muling mapagagaling.22 Ako ay may gawaing ipagagawa sa inyo.23 Ginagawang maputi ni Cristo ang lana.
Ngunit ano ang kinakailangan nating gawin? Ano ang susi para muling makakonekta sa kapangyarihan ni Jesucristo kapag nanghihina tayo? Napakasimple ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ang susi ay ang gumawa at tumupad ng mga banal na tipan. … Hindi ito isang komplikadong [paraan].”24 Gawing sentro ng ating buhay si Cristo.25
Kung nadarama ninyong lumalamlam ang ilaw ng inyong patotoo at nagdidilim na, lakasan ninyo ang inyong loob. Tuparin ang inyong mga pangako sa Diyos. Itanong ang inyong mga katanungan. Matiyagang tumunaw ng bato na gagawing salamin. Bumaling kay Jesucristo, na patuloy na nagmamahal sa inyo.
Sinabi ni Jesus, “Ako ang ilaw na nagliliwanag sa kadiliman, at ang kadiliman ay hindi ito naunawaan.”26 Ibig sabihin niyan ay gaano man ang pagtatangka ng kadiliman, hindi nito mapapatay ang ilaw na iyon. Hindi kailanman. Magtiwala na nariyan ang Kanyang liwanag para sa inyo.
Tayo, o ang mga taong mahal natin, ay maaaring pansamantalang magdilim. Sa kaso ng Salt Lake Temple, ang facility manager, si Brother Val White, ay halos agad na tinawagan. Napansin ng mga tao. Ano ang nangyari sa mga ilaw ng templo? Una, personal na pinuntahan ng mga staff ang lahat ng electrical panel sa templo at manu-manong binuksan ang mga ilaw. Pagkatapos ay pinalitan nila ang mga baterya sa automatic power supply at sinubukan ang mga ito para makita kung bakit hindi ito gumana.
Mahirap ibalik ang mga ilaw nang kayo lang mag-isa. Kailangan natin ng mga kaibigan. Kailangan natin ang isa’t isa. Tulad sa mga facility staff sa templo, matutulungan natin ang isa’t isa sa pamamagitan ng personal na pagtulong, kinakargahan ng kuryente ang ating mga espirituwal na baterya, kinukumpuni kung ano ang sira.
Ang ating indibiduwal na ilaw ay maaaring tulad lamang ng isang bombilya sa isang puno. Ngunit mapapaliwanag pa rin natin ang ating maliit na ilaw, at magkakasama, nahihikayat natin ang milyun-milyong tao na magtungo sa bahay ng Panginoon. Higit sa lahat, tulad ng paanyaya ni Pangulong Nelson, madadala natin ang liwanag ng Tagapagligtas sa ating sarili at sa mga taong mahalaga sa atin sa pamamagitan ng simpleng pagtupad lamang sa ating mga tipan. Sa iba-ibang paraan, ginagantimpalaan ng Panginoon ng lakas at kagalakan ang katapatang iyan.27
Pinatototohanan ko na minamahal kayo. Alam ng Panginoon kung gaano kayo nagsisikap. Kayo ay umuunlad. Magpatuloy lang kayo. Nakikita Niya ang lahat ng inyong mga lihim na sakripisyo at gagantimpalaan kayo para sa ikabubuti ninyo at ng mga mahal ninyo sa buhay. Ang gawain ninyo ay may kabuluhan. Hindi kayo nag-iisa. Ang mismong pangalan Niya na Emmanuel ay nangangahulugang “sumasa atin ang Dios.”28 Tiyak na Siya ay sasainyo.
Humakbang pa nang kaunti sa landas ng tipan, kahit napakadilim para matanaw ang nasa malayo. Muling magsisindi ang mga ilaw. Pinatototohanan ko ang katotohanan sa mga salita ni Jesus, at ang mga ito ay puspos ng liwanag: “Magsilapit sa akin at ako ay lalapit sa inyo; masigasig akong hanapin at inyo akong matatagpuan; humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan.”29 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.