2010–2019
Paghahangad ng Kaalaman sa Pamamagitan ng Espiritu
Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2019


2:3

Paghahangad ng Kaalaman sa Pamamagitan ng Espiritu

Dapat nating matutuhang makilala ang katotohanan hindi lamang sa pamamagitan ng ating mapangatwirang isipan kundi sa pamamagitan ng napakabanayad at marahang tinig ng Espiritu.

Mga kapatid, paulit-ulit na sinabi sa atin ng Panginoon na “maghanap ng kaalaman maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”1 Makatatanggap tayo ng liwanag at pang-unawa hindi lamang sa pamamagitan ng lohikal na pangangatwiran ng ating isipan kundi sa pamamagitan din ng patnubay at inspirasyon ng Espiritu Santo.

Ang karagdagang pinagkukunang ito ng kaalaman ay hindi palaging bahagi ng buhay ko.

Ako, at ang mahal kong asawang si Irene, ay sumapi sa Simbahan 31 taon na ang nakararaan noong bagong kasal pa lang kami. Kapwa kami lumaki sa Colombia, ngunit ilang buwan matapos kaming ikasal, tumira kami sa Germany dahil sa trabaho ko. Batang-bata pa kami noon at maraming pangarap at inaasam; talagang kapana-panabik at masayang panahon iyon para sa amin.

Sister at Elder Held

Habang nakatuon ako sa aking propesyon, nadama ni Irene na makatatanggap kami ng mensahe mula sa langit, nang hindi nalalaman kung paano o kailan. Kaya nagsimula siyang tumanggap ng lahat ng uri ng ahente ng mga encyclopedia, vacuum cleaner, cookbook, gamit sa kusina, at marami pang iba, palaging naghihintay sa kakaibang mensaheng iyon.

Isang gabi sinabi niya sa akin na dalawang binatang naka-amerikana ang kumatok sa pinto namin at nakadama siya ng napakalinaw na impresyon na patuluyin sila. Sinabi nila na nais nilang kausapin siya tungkol sa Diyos ngunit babalik na lamang kapag nasa bahay na rin ako. Ito na ba ang inaasahang mensahe?

Sinimulan nila kaming dalawin, at sa paggabay nila, nagbasa kami sa mga banal na kasulatan at naunawaan ang kahalagahan ni Jesucristo bilang aming Tagapagligtas at Manunubos. Di nagtagal nanghinayang kami na nabinyagan kami noong mga sanggol pa kami, binyag na hindi isang tipan. Gayunman, ang muling mabinyagan ay mangangahulugan din ng pagiging mga miyembro sa bagong Simbahang ito, kaya kinakailangan talaga naming maunawaan ang lahat tungkol dito.

Pero paano namin malalaman na ang sinasabi sa amin ng mga missionary tungkol sa Aklat ni Mormon, kay Joseph Smith, at sa plano ng kaligtasan ay talagang totoo? Kunsabagay, naunawaan namin mula sa mga salita ng Panginoon na “makikilala [namin] sila sa pamamagitan ng kanilang mga bunga.”2 Kaya, sa napakasistematikong paraan, sinimulan naming siyasatin ang Simbahan sa paghahanap ng mga bungang iyon gamit ang mga mata ng aming mapangatwirang isipan. Ano ang nakita namin? Ang nakita namin ay:

  • Palakaibigan at masayahing mga tao at kahanga-hangang mga pamilya na nakauunawa na nilayong makadama tayo ng galak sa buhay na ito at hindi lang paghihirap at pagdurusa.

  • Isang simbahan na walang suwelduhang ministro ngunit ang mga miyembro mismo ay tumatanggap ng mga tungkulin at responsibilidad.

  • Isang simbahan kung saan si Jesucristo at ang mga pamilya ang sentro ng lahat, kung saan nag-aayuno ang mga miyembro nang minsan sa isang buwan at nagbibigay ng donasyon para tulungan ang mga maralita at nangangailangan, naghihikayat ng malusog na pamumuhay, nagtuturo sa amin na iwasan ang mga nakasasama sa katawan.

Bukod pa rito:

  • Gusto namin ang pagbibigay-diin sa personal na pag-unlad, edukasyon, pagsisikap at self-reliance.

  • Nalaman namin ang tungkol sa kahanga-hangang humanitarian program.

  • At humanga kami sa mga pangkalahatang kumperensya na may magagandang musika at malalim na espirituwal na mga alituntuning ibinabahagi roon.

Nakikita ang lahat ng ito, wala kaming makitang mali sa Simbahan. Sa halip, gustung-gusto namin ang lahat ng aming nakita. Gayunman, di pa rin kami makapagdesisyon na magpabinyag dahil nais naming malaman muna ang lahat.

Ngunit kahit hindi pa kami nagdedesisyon, matiyaga kaming inihahanda ng Panginoon, hinuhubog Niya kami, at tinutulungan kaming matuklasan na dapat naming matutuhang makilala ang katotohanan di lamang sa pamamagitan ng aming mapangatwirang isipan kundi sa pamamagitan din ng napakabanayad at marahang tinig ng Espiritu, na nangungusap lalo na sa aming puso.

Ang tinig na iyon at ang nadama namin ay dumating isang gabi matapos ang 10 buwang pag-aaral ng ebanghelyo, nang mabasa namin sa Mosias 18: “Yamang kayo ay nagnanais na … magpasan ng pasanin ng isa’t isa, … at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, … kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon?”3

Tumimo sa aming puso at kaluluwa ang talatang iyon sa Aklat ni Mormon, at bigla naming nadama at nalaman na wala nang dahilan para hindi magpabinyag. Natanto namin na ang mga naising binanggit sa mga talatang ito ang naisin din ng aming puso at iyon ang talagang mahalaga. Mas mahalaga ito kaysa pagkaunawa sa lahat ng bagay dahil sapat na ang alam namin. Lagi kaming umaasa sa gumagabay na kamay ng mapagmahal na Ama sa Langit at tiwala kami na patuloy Niya kaming gagabayan.

Kaya, noong araw ding iyon, nagtakda kami ng petsa para sa aming binyag, at di nagtagal nabinyagan kami sa wakas!

Ang binyag nina Elder at Sister Held

Ano ang natutuhan namin mula sa karanasang iyon?

Una, nalaman namin na lubos kaming makapagtitiwala sa mapagmahal na Ama sa Langit, na palaging tumutulong sa atin na maging tulad ng alam Niya na kaya nating marating. Napatunayan namin ang malalim na katotohanan ng Kanyang mga salita nang sabihin Niyang, “Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, … sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan.”4

At pangalawa, natutuhan namin na, bukod sa aming mapangatwirang isipan, isa pang aspeto ng pagkakaroon ng kaalaman ay makapagbibigay sa amin ng patnubay at pang-unawa. Ito ang banayad at marahang tinig ng Kanyang Banal na Espiritu na nangungusap sa ating puso at sa ating isipan.

Gusto kong ikumpara ang alituntuning ito sa kakayahan nating makakita. Binigyan tayo ng ating Ama sa Langit hindi ng isa kundi dalawang pisikal na mata. Sapat na ang makikita natin sa isang mata lang, ngunit ang pangalawang mata ay nagbibigay ng ibang pananaw. Kapag nagsama sa ating utak ang dalawang pananaw, lumilikha ito ng tatlong dimensiyunal na imahe ng ating paligid.

Gayon din, nabibigyan tayo ng dalawang mapagkukunan ng impormasyon, sa pamamagitan ng ating pisikal at espirituwal na kakayahan. Ang ating isip ay lumilikha ng isang persepsiyon sa pamamagitan ng ating pisikal na mga pandamdam at ng ating pangangatwiran. Ngunit sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, binigyan din tayo ng Ama ng pangalawang pananaw, na siyang talagang pinakamahalaga at tunay, dahil mula ito sa Kanya. Ngunit dahil ang mga bulong ng Espiritu ay kadalasang napakabanayad, maraming tao ang walang alam sa karagdagang pinagkukunang iyon.

Kapag ang dalawang pananaw na ito ay pinagsama sa ating kaluluwa, isang buong larawan ang nagpapakita sa katunayan ng mga bagay kung ano talaga ang mga ito. Sa katunayan, sa pamamagitan ng karagdagang pananaw ng Espiritu Santo, ang partikular na “mga realidad,” na nailalarawan sa pamamagitan ng pang-unawa ng ating isipan, ay maaaring mailantad na mapanlinlang o mali. Alalahanin ang mga salita ni Moroni: “At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.”5

Sa 31 taon ko bilang miyembro ng Simbahan, maraming beses ko nang naranasan na kung aasa lang tayo sa ating mapangatwirang isipan at itatatwa o babalewalain ang espirituwal na pang-unawa na matatanggap natin sa pamamagitan ng mga bulong at impresyon ng Espiritu Santo, tayo ay parang nabubuhay na isa lang ang mata. Ngunit sa matalinghagang pananalita, talagang binigyan tayo ng dalawang mata. Tanging ang kombinasyon ng dalawang pananaw ang makapagbibigay sa atin ng tunay at kumpletong larawan ng lahat ng katotohanan at ng lahat ng bagay na nararanasan natin sa buhay, gayundin ang buo at malalim na pagkaunawa sa ating identidad at layunin bilang mga anak ng Ama sa Langit na buhay.

Naaalala ko ang itinuro ni Pangulong Nelson sa atin noong isang taon nang sabihin niyang “sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at [nakapagpapanatag, at palagiang] impluwensya ng Espiritu Santo.”6

Nalaman ko nang may ganap na katiyakan na:

  • Mayroon tayong mapagmahal na Ama sa Langit, at pumayag tayong lahat na pumarito sa lupa bilang bahagi ng isang banal na plano.

  • Si Jesus ang Cristo; Siya ay buhay at ang aking Tagapagligtas at Manunubos.

  • Si Joseph, isang abang magsasaka, ay tinawag at naging makapangyarihang propeta na nagpasimula nito, ang dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, kasama ang lahat ng mga susi, kapangyarihan, at awtoridad ng banal na priesthood ng Diyos.

  • Ang Aklat ni Mormon ay pangalawang saksi kay Jesucristo, at ang mga pamilya ay nilayong manatiling magkakasama magpakailanman.

  • Ang ating Panginoon, si Jesucristo, ang namumuno dito, sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan, sa pamamagitan ng ating buhay na propeta ngayon, na si Pangulong Russell M. Nelson.

Ang mga ito at ang marami pang mahahalagang katotohanan ay naging mahahalagang alituntunin sa espirituwal na tumutulong sa akin na maging nais ng Diyos na kahinatnan ko. At inaasam ko ang maraming bagong katuruan na nais pa Niyang matanggap ko—at ninyo—habang naglalakbay tayo sa magandang buhay na ito at “matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.”

Alam ko na ang mga bagay na ito ay totoo at pinatototohanan ko ang mga ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.