2010–2019
Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo
Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2019


2:3

Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo

Ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo ay maaaring mangyari anumang oras at sa anumang pagkakataon, kung ihahanda natin ang ating mga puso.

Mahal tayo ng ating Ama sa Langit. Naglaan Siya ng perpektong plano para matamasa natin ang Kanyang mga pagpapala. Sa buhay na ito, lahat tayo ay inaanyayahang lumapit kay Cristo at tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag, pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo, at tapat na pamumuhay ng ebanghelyo. Inilarawan ni Nephi ang ating matibay na pangakong magpabinyag bilang pagpasok sa “makipot at makitid na landas,” at pinaalalahanan niya tayo na “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, … nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas,” upang matanggap ang lahat ng pagpapalang inilaan ng Ama sa Langit para sa atin (2 Nephi 31:19–20).

Pinaalalahanan pa tayo ni Nephi na kung tayo ay “mag[pa]pakabusog … sa mga salita ni Cristo,” ang mga ito ay “magsasabi sa [atin] ng lahat ng bagay na dapat [nating] gawin” (2 Nephi 32:3) at tayo ay pagkakalooban ng kapangyarihan na madaig ang “nag-aapoy na sibat ng kaaway” (1 Nephi 15:24).

Ano ang Pagpapakabusog?

Noong bata pa ako, inakala ko na ang pagpapakabusog ay simpleng pagkain lang nang marami na may kanin, sushi, at toyo. Alam ko na ngayon na ang totoong pagpapakabusog ay higit pa sa pagkain ng masarap. Ito ay kagalakan, kalusugan, pagdiriwang, pagbabahagi, pagpapahayag ng pagmamahal sa pamilya at mga mahal sa buhay, pagpapasalamat sa Diyos, at pagpapatibay ng ugnayan habang kumakain ng sagana at napakasarap na pagkain. Naniniwala ako na kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, dapat nating isipin na ganoon din ang ating nararanasan. Ang pagpapakabusog sa mga banal na kasulatan ay hindi pagbabasa lamang nito. Dapat na nagbibigay ito sa atin ng tunay na galak at nagpapatibay ng kaugnayan natin sa Tagapagligtas.

Ito ay malinaw na itinuro sa Aklat ni Mormon. Isipin ninyo ang panaginip ni Lehi nang makakita siya ng isang punungkahoy na “ang bunga ay kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao.” Ang bungang ito ay kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos, at nang tikman ni Lehi ang bunga, “napakatamis nito, higit pa sa lahat ng natikman [na niya].” “Pinuspos nito ang [kanyang] kaluluwa ng labis na kagalakan” at ito ay isang bagay na nais niyang ibahagi sa kanyang pamilya (1 Nephi 8:10–12).

Kapag tayo ay nagpapakabusog, malamang na matanto rin natin na ang dami o uri ng pagkain na mayroon tayo ay hindi mahalaga kung ang ating mga puso ay puno ng pasasalamat. Ang pamilya ni Lehi ay nabuhay na hilaw na karne ang kinakain habang nasa ilang, ngunit inilarawan ni Nephi ang mabigat na pagsubok na ito sa pagsasabing, “Napakalaki ng pagpapala ng Panginoon” kaya “ang aming kababaihan ay … malalakas” at nakaya “nilang batahin ang kanilang mga paglalakbay nang walang mga karaingan” (1 Nephi 17:1–2).

Sa pagpapakabusog, kailangan natin kung minsan na sumubok at tumikim. Nagsalita si Alma tungkol sa mabuting binhi na itinatanim sa ating mga puso. Kapag ito ay ating sinubukan, makikita natin na ang binhi ay nagsisimulang “maging masarap” (tingnan sa Alma 32:28–33).

Pagpapakabusog sa mga Salita ni Cristo

Ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo ay makapangyarihan at nagpapabago ng buhay. May tatlong partikular na bagay na hinihikayat ko kayong isabuhay.

Una, ang mga salita ni Cristo ay makatutulong sa atin na “dagdagan ang [ating] espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag” (Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96) at ligtas na magagabayan tayo sa ating buhay. Itinuro ni Mormon na ang mga salita ni Cristo ay “may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid” at ito ay mas mabisa kaysa anumang magagawa ng “espada” (Alma 31:5). Sa paghangad ko ng karunungan ng Diyos sa pagharap sa mga hamon sa buhay, sa tuwing susubukan ko ang “bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5), nabibigyan ako ng inspirasyon at kakayahang gumawa ng tamang desisyon, paglabanan ang mga tukso, at punuin ang buhay ko ng ibayong pananampalataya kay Cristo at pagmamahal sa mga nakapaligid sa akin. Itinuro sa atin ng ating propeta, si Russell M. Nelson, na “sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung walang patnubay, tagubilin, at nakapagpapanatag [at patuloy] na impluwensya ng Espiritu Santo” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” 96). Ang kailangang paghahayag ay darating kapag sinubok natin ang “bisa ng salita,” at ang salitang iyan ay mas magiging mabisa kaysa anumang ating nasubukan o napagwari.

Pangalawa, kapag hindi natin matiyak ang ating pagkakakilanlan at nagkukulang ng pagpapahalaga sa sarili, ang “kasiya-siyang salita ng Diyos” (Jacob 2:8) sa mga banal na kasulatan ay tutulong sa atin na malaman ang ating tunay na pagkatao at bibigyan tayo ng lakas na higit pa sa taglay natin. Ang mabatid na ako ay anak ng Diyos ay isa sa mga pinakamasayang sandaling naranasan ko. Noong ako ay tinedyer pa, wala akong alam na anuman sa mga turo ng Tagapagligtas. Nang una kong mabasa ang Bagong Tipan, ang mga salita ni Cristo ay tunay na nagpagaling sa aking sugatang kaluluwa. Napagtanto ko na hindi ako nag-iisa at ako ay anak ng Diyos. Nang mabatid ko ang aking tunay na pagkatao sa harapan ng Diyos, naunawaan ko ang aking walang hanggang potensyal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.

Ibinahagi rin ni Enos ang kanyang personal na karanasan tungkol sa kaliwanagang nagmumula sa pagninilay sa mga salita ni Cristo. Nang tulutan ni Enos ang mga salitang itinuro ng kanyang ama hinggil sa “buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal, [na] tumimo nang malalim sa [kanyang] puso,” ang kanyang kaluluwa ay “nagutom at [siya] ay lumuhod sa harapan ng [kanyang] Lumikha … sa mataimtim na panalangin” (Enos 1:3–4). Sa panalanging iyan nakilala niya ang Tagapagligtas at nalaman na napakahalaga natin, na minamahal tayo at maaaring mapatawad sa ating mga kasalanan, at tayo ay tunay na mga anak ng Diyos.

Pangatlo, mapapabuti natin ang buhay ng iba sa pamamagitan ng mga salita ni Cristo. Tulad ni Enos na may sariling panahon at lugar kung saan naantig ng mga salita ni Cristo ang kanyang puso, gagawin ng Panginoon ang Kanyang bahagi na antigin ang mga puso ng mga taong nais nating bahaginan ng ebanghelyo. Marami sa atin ang maaaring pinanghinaan ng loob nang sikapin nating anyayahan ang isang tao na pakinggan ang ebanghelyo at hindi nangyari ang resultang inasam natin. Anuman ang kahinatnan, inaanyayahan tayo ng Panginoon na buksan ang ating bibig at ibahagi ang mensahe ng ebanghelyo sa iba.

Dalawang taon na ang nakalipas, inantig ng Panginoon ang puso ng mahal kong ina, na nakatulong para magdesisyon siyang tanggapin ang ordenansa ng binyag. Hinintay kong mangyari ang araw na iyon nang halos 35 taon. Upang magawa niya ang desisyong iyon, maraming miyembro ng Simbahan ang tunay na tumulong sa kanya na tulad ng gagawin ni Cristo. Isang araw ng Linggo, nadama niyang dapat siyang magsimba. Sinunod niya ang pahiwatig. Habang nakaupo sa upuan sa harapan at naghihintay na magsimula ang sacrament service, isang apat-na-taong gulang na batang lalaki ang tumayo sa harapan niya at tiningnan siya. Binati niya ito ng isang ngiti. Mabilis na umalis ang batang lalaki at bumalik sa kanyang upuan, sa kabilang panig na kahilera ng kinauupuan ng aking ina. May kinuha sa upuan niya ang batang ito at bumalik at inabutan ng hymnbook ang aking ina at bumalik na sa kanyang upuan. Napansin ng aking ina na may hymnbook sa mga upuan sa chapel. Madali naman siyang makakakuha ng isang hymnbook sa upuang malapit sa kanya. Gayunpaman, napahanga siya nang lubos sa likas na kabaitan ng batang lalaki, na natutuhan niya sa kanyang tahanan at sa simbahan. Napakagandang sandali iyon para sa kanya. Damang-dama niyang inaanyayahan siya ng Diyos na lumapit at sumunod sa Tagapagligtas. Nadama niyang dapat siyang magpabinyag. Ang batang lalaking iyon ay hindi humingi ng papuri sa kanyang ginawa, kundi ginawa lamang niya ang lahat ng kanyang makakaya upang ipamuhay ang salita ng Diyos at mahalin ang kanyang kapwa. Ang kabaitan niya ang lumikha ng malaking pagbabago sa puso ng aking ina.

Ang mga salita ni Cristo ay malalim na aantig sa mga puso at magmumulat ng mga mata ng mga taong hindi pa nakakakita sa Kanya. Sa daan patungong Emaus, dalawang disipulo ang lumakad na kasama si Jesus. Malungkot sila at hindi nalalaman na napagtagumpayan ng Tagapagligtas ang kamatayan. Sa kanilang kalungkutan, hindi nila natanto na kasama nila sa paglalakad ang buhay na Cristo. Bagamat “ipinaaninaw [ni Jesus] sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniya sa lahat ng mga kasulatan,” hindi pa rin nila Siya nakilala bilang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas hanggang sa magsiupo sila at pagpira-pirasuhin nila ang tinapay kasama Niya. Kasunod nito namulat ang kanilang “mga mata.” Kapag tayo—o ang ating mga kaibigan, kasamahan, at kapitbahay—ay nagpakabusog at nagpira-piraso ng tinapay kasama Niya, ang mga mata ng ating pang-unawa ay mabubuksan. Nang pagnilayan ng mga disipulo sa Emaus ang oras na kasama nila ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, sinabi nilang nag-alab ang kanilang puso sa kaibuturan nang buklatin Niya sa kanila ang mga banal na kasulatan (tingnan sa Lucas 24:27–32). Ito ay totoo para sa ating lahat.

Katapusan

Bilang pagtatapos, pinatototohanan ko na ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo ay maaaring mangyari anumang oras at sa anumang pagkakataon kung ihahanda natin ang ating mga puso na tanggapin ang mga ito. Ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo ay magdudulot ng paghahayag na magpapalakas, titiyak ng ating tunay na pagkakakilanlan at halaga sa Diyos bilang Kanyang anak, at aakayin ang ating mga kaibigan kay Cristo at sa buhay na walang hanggan. Gusto kong magtapos sa muling pagbanggit sa paanyaya ni Nephi nang sabihin niya: “Kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.