“Marso 14–20. Genesis 42–50: ‘Ipinalagay ng Dios na Kabutihan [Iyon],’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Marso 14–20. Genesis 42–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022
Marso 14–20
Genesis 42–50
“Ipinalagay ng Dios na Kabutihan [Iyon]”
Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya sa Espiritu. Pakinggan ang Kanyang mga pahiwatig habang nagbabasa ka, kahit parang hindi direktang may kinalaman ang mga ito sa binabasa mo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Halos 22 taon na simula nang ipagbili si Jose ng kanyang mga kapatid sa Egipto. Dumanas siya ng maraming pagsubok, pati na ang maparatangan nang mali at mabilanggo. Nang sa wakas ay makita niyang muli ang kanyang mga kapatid, si Jose ang gobernador ng buong Egipto, pangalawa lamang sa faraon. Kung tutuusin, madali siyang makapaghihiganti sa kanila, at kung iisipin ang ginawa nila kay Jose, maiintindihan naman kung gagawin iyon ni Jose. Subalit pinatawad ni Jose ang kanyang mga kapatid. Hindi lamang iyon, kundi tinulungan niya silang makita ang banal na layunin sa kanyang pagdurusa. “Ipinalagay ng Dios na kabutihan [iyon]” (Genesis 50:20), sabi niya sa kanila, dahil inilagay siya nito sa isang posisyon para mailigtas “ang buong sangbahayan ng kaniyang ama” (Genesis 47:12) mula sa taggutom.
Sa maraming paraan, magkapareho ang buhay ni Jose at ni Jesucristo. Kahit naging sanhi ng Kanyang malaking pagdurusa ang ating mga kasalanan, nag-aalok ng kapatawaran ang Tagapagligtas, inililigtas Niya tayong lahat mula sa isang kapalarang mas masahol pa sa taggutom. Kailangan man nating mapatawad o magpatawad—sa isang banda ay kailangan nating lahat ang dalawang ito—inaakay tayo ng halimbawa ni Jose sa Tagapagligtas, ang tunay na pinagmumulan ng paghilom at muling pagkakasundo.
Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
“Sinugo ako ng Diyos sa unahan ninyo upang papanatilihin kayo.”
Nang mabasa mo ang tungkol kay Jose, napansin mo ba ang anumang pagkakatulad sa pagitan ng kanyang kuwento at ng nagbabayad-salang misyon ni Jesucristo? Maaari mong pagnilayan kung paano magkatulad ang papel na ginampanan ni Jose sa kanyang pamilya sa papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa pamilya ng Diyos. Anong mga pagkakatulad ang nakikita mo sa pagitan ng mga karanasan ni Jose at ng misyon ng Tagapagligtas, na isinugo “upang iligtas [tayo] sa pamamagitan ng dakilang pagliligtas”? (Genesis 45:7).
Ang pagpapatawad ay naghahatid ng paghilom.
Ang pagbabasa tungkol sa pagpapatawad ni Jose sa kanyang mga kapatid sa kakila-kilabot na mga bagay na ginawa nila sa kanya ay maaaring maghikayat sa iyo na isipin ang isang taong nahihirapan kang patawarin sa kasalukuyan. O marahil ay isang mahirap na pagsubok sa pagpapatawad ang naghihintay sa iyo sa hinaharap. Alinman dito, maaaring makatulong na pagnilayan kung bakit nagawang magpatawad ni Jose. Ano ang mga palatandaan tungkol sa pagkatao at pag-uugali ni Jose ang nakita mo sa Genesis 45; 50:15–21? Paano siya maaaring naimpluwensyahan ng kanyang mga karanasan na maging mas mapagpatawad? Ano ang ipinahihiwatig ng halimbawa ni Jose kung paano ka magiging mas mapagpatawad sa tulong ng Tagapagligtas?
Pansinin din ang mga pagpapalang dumating sa pamilya ni Jose dahil sa kanyang pagpapatawad. Anong mga pagpapala ang nakita mo na sa pagpapatawad? Nahihikayat ka bang tulungan ang isang taong nagkasala sa iyo?
Tingnan din sa Genesis 33:1–4; Doktrina at mga Tipan 64:9–11; Larry J. Echo Hawk, “Kung Paanong Pinatawad Kayo ng Panginoon, ay Gayon Din Naman ang Inyong Gawin,” Liahona, Mayo 2018, 15–16.
Ano ang ibig sabihin ng simbolismo sa mga basbas ni Jacob?
Ang basbas ni Jacob sa kanyang mga inapo ay naglalaman ng malinaw na paglalarawan, ngunit maaari ding mahirapan ang ilang mambabasa na unawain ang mga ito. Mabuti na lamang at binibigyan tayo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ng karagdagang pang-unawa. Kapag binasa mo ang basbas kay Jose sa Genesis 49:22–26, basahin din ang sumusunod na mga talata, at tingnan kung ano ang mga kabatirang ibinibigay ng mga ito: 1 Nephi 15:12; 2 Nephi 3:4–5; Jacob 2:25; Doktrina at mga Tipan 50:44.
Habang nagbabasa ka tungkol sa basbas kay Juda sa Genesis 49:8–12, tandaan na si Haring David at si Jesucristo ay parehong mga inapo ni Juda. Anong mga salita at parirala sa mga talatang ito ang nagpapaalala sa iyo sa Tagapagligtas? Kapag pinag-aralan mo ang basbas kay Juda, maaaring makatulong na ring basahin ang Apocalipsis 5:5–6, 9; 1 Nephi 15:14–15; Doktrina at mga Tipan 45:59; 133:46–50.
Kung gusto mong malaman ang iba pa tungkol sa mga anak ni Jacob at sa mga lipi ni Israel na nagmula sa kanila, may isang entry para sa bawat isa sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).
Genesis 50:24–25; Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan)
“Isang tagakita ang ibabangon ng Panginoon kong Diyos.”
Sa pamamagitan ng mga panaginip ni Jose (tingnan sa Genesis 37:5–11) at ng mga interpretasyon niya sa mga panaginip ng iba (tingnan sa Genesis 40–41), inihayag ng Panginoon ang mga bagay na mangyayari sa mga araw o taon sa hinaharap. Ngunit inihayag din ng Panginoon kay Jose kung ano ang mangyayari sa darating na mga siglo. Nalaman niya, lalo na, ang tungkol sa mga misyon ng mga propetang sina Moises at Joseph Smith. Habang binabasa mo ang mga salita ni Jose sa Genesis 50:24–25 at sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:24–38 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), itanong sa iyong sarili kung paano maaaring nagpala kay Jose at sa mga anak ni Israel ang pagkaalam sa mga bagay na ito. Sa palagay mo, bakit mahalaga na ipanumbalik ng Panginoon ang propesiyang ito sa pamamagitan ni Joseph Smith? (tingnan din sa 2 Nephi 3).
Paano naisakatuparan ni Joseph Smith ang mga propesiya sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:27–28, 30–33? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:17–23; 20:7–12; 39:11; 135:3).
Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening
-
Genesis 42–46.Maaaring masiyahan ang inyong pamilya na isadula ang kuwento ng muling pagkikita ni Jose at ng kanyang mga kapatid. (Maaaring makatulong ang “Ang mga Kapatid na Lalaki ni Jose sa Egipto,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan.) Magkatuwaan dito—gumamit ng mga costume at props kung gusto ninyo. Hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na subukang unawain ang damdamin at pananaw ng mga tauhan. Maaari kayong magtuon lalo na sa damdamin ni Jose sa kanyang mga kapatid at kung ano ang maaaring nadama nila nang patawarin niya sila. Maaari itong humantong sa isang talakayan kung paano mapagpapala ng pagpapatawad ang inyong pamilya.
Nang muling makita ni Jose ang kanyang mga kapatid pagkaraan ng maraming taon, paano nila ipinamalas na nagbago na sila mula noong huli niya silang makita? Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagsisisi mula sa mga karanasan nila?
-
Genesis 45:3–11; 50:19–21.Kinilala ni Jose na bagama’t mahirap ang naging karanasan niya sa Egipto, “ipinalagay ng Dios na kabutihan [iyon]” (Genesis 50:20). Naranasan na ba ng inyong pamilya ang anumang pagsubok na ginawa ng Diyos na mga pagpapala?
Maaaring makatulong ang isang himno tungkol sa kabutihan ng Diyos sa mga panahon ng pagsubok (tulad ng “Saligang Kaytibay” [Mga Himno, blg. 47]) sa talakayang ito. Anong mga detalye mula sa mga karanasan ni Jose ang naghahalimbawa sa itinuturo ng himno?
-
Genesis 49:9–11, 24–25.Ano ang nakikita natin sa mga talatang ito na nagtuturo sa atin tungkol sa mga papel na ginagampanan at misyon ni Jesucristo? (Para sa tulong sa pag-unawa sa mga parirala sa mga talatang ito, tingnan ang materyal tungkol sa Genesis 49 sa “Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan.”)
Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.
Iminumungkahing awitin: “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.