Lumang Tipan 2022
Marso 14–20. Genesis 42–50: “Ipinalagay ng Dios na Kabutihan”


“Marso 14–20. Genesis 42–50: ‘Ipinalagay ng Dios na Kabutihan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Marso 14–20. Genesis 42–50,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

Si Jose ng Egipto

Paglalarawan kay Jose ng Egipto, ni Robert T. Barrett

Marso 14–20

Genesis 42–50

“Ipinalagay ng Dios na Kabutihan”

Mahalagang malaman ang mga banal na kasulatan na itinuturo mo, ngunit mahalaga ring makilala ang mga batang tinuturuan mo. Mag-ukol ng oras para pag-isipang mabuti at ipagdasal ang tungkol sa dalawang bagay na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Dahil ang kuwento sa Genesis 42–50 ay karugtong ng kuwento sa lesson noong nakaraang linggo, mag-ukol ng oras sa simula ng klase para makapagbahagi ang mga bata ng naaalala nila tungkol kay Jose mula sa Genesis 37–41, pati na ang natutuhan nila sa Primary at sa bahay.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Genesis 45:4–15

Maaari akong magpakita ng pagmamahal sa aking pamilya.

Para sa maliliit na bata, maaari mong bigyang-diin ang mga bahagi ng kuwentong ito kung saan nagpakita si Jose ng pagmamahal sa kanyang pamilya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamit ang “Ang mga Kapatid na Lalaki ni Jose sa Egipto” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) o ang mga larawan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, ikuwento sa mga bata ang tungkol sa pagkikita ni Jose at ng kanyang mga kapatid. Bigyang-diin kung paano nagpakita ng pagmamahal si Jose sa kanyang mga kapatid.

  • Basahin ang mga parirala mula sa Genesis 45:4–15 na naglalarawan sa mga bagay na ginawa ni Jose para ipakita ang pagmamahal niya sa kanyang pamilya. Anyayahan ang mga bata na magkunwaring ginagawa nila ang inilalarawan sa mga talatang ito. Halimbawa, maaari silang magkunwaring humihiling sa isang kapamilya na “lumapit” (talata 4) o nagbibigay sa isang kapamilya ng pagkain (tingnan sa talata 11).

  • Kumanta ng isang awitin na tungkol sa pagmamahal, tulad ng “Mahalin ang Bawat Isa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 74). Tulungan ang mga bata na bakatin ang kanilang kamay at isulat sa binakat na hugis ang isang bagay na magagawa nila para magpakita ng pagmamahal sa kanilang pamilya.

Genesis 48:8–9

Tinutulungan ako ng mga basbas ng priesthood.

Binasbasan ni Jacob ang kanyang mga anak at apo (tingnan sa Genesis 48–49). Ngayon ay maaari tayong tumanggap ng mga basbas ng priesthood na magbibigay sa atin ng kapanatagan, paggaling, patnubay, at espirituwal na lakas.

batang lalaking tumatanggap ng basbas

Maaari tayong tumanggap ng mga basbas mula sa mga maytaglay ng priesthood.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita sa mga bata ang larawan ni Jacob na nagbibigay ng basbas sa kanyang mga anak o iba pang mga larawan ng mga basbas ng priesthood (tingnan ang mga larawan sa outline na ito; tingnan din ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 12). Ipalarawan sa mga bata ang nangyayari sa mga larawan.

  • Basahin sa mga bata ang Genesis 48:8–9. Ipaliwanag na si Israel, na tinatawag din na Jacob, ay ang ama ni Jose at gusto niyang bigyan ng basbas ng priesthood ang mga anak ni Jose. Kung mayroong sinuman sa mga bata na nakatanggap na ng basbas ng priesthood, anyayahan sila na ibahagi ang tungkol sa kanilang karanasan. O magbahagi ng sarili mong karanasan.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga maaaring dahilan para humiling ng basbas ng priesthood. Tulungan din silang tukuyin ang mga mayhawak ng priesthood na puwede nilang hilingan, tulad ng kanilang ama, lolo, o mga kapatid.

Genesis 50:15–21

Kaya kong magpatawad.

Ano ang maaaring matutuhan ng mga bata tungkol sa pagpapatawad mula sa halimbawa ni Jose nang patawarin niya ang kanyang mga kapatid?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito para matulungan ang mga bata na maalala kung paano naging masama ang mga kapatid ni Jose sa kanya. Basahin sa mga bata ang Genesis 50:17, na binibigyang-diin na ang magkakapatid ay nagsisi na sa ginawa nila at gusto nila na patawarin sila ni Jose. Basahin ang talata 21 para ipakita na pinatawad ni Jose ang kanyang mga kapatid—siya ay hindi na galit sa kanila.

  • Kantahin nang sabay-sabay ang “Ama, Ako’y Tulungan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 52). Kapag kinanta ninyo ang tungkol sa pagpapatawad, anyayahan ang mga bata na ituro si Jose sa pahina ng aktibidad. Kapag kinanta ninyo ang tungkol sa pagsisisi, anyayahan sila na ituro ang kanyang mga kapatid.

  • Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan maaaring kailangan nilang patawarin ang isang tao. Anyayahan ang mga bata na magpraktis ng maaari nilang sabihin o gawin para maipakita ang pagpapatawad sa taong iyon.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Genesis 42–44; 45:1–15

Ang pagpapatawad ay nagdudulot ng kapayapaan.

Nagawa ng mga kapatid ni Jose ang mga kakila-kilabot na bagay sa kanya. Gayunman, si Jose ay nagpatawad sa kanila at nagdulot ng kapayapaan sa kanyang pamilya.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Tulungan ang mga bata na isadula ang mga tagpo mula sa Genesis 42–44. Habang ginagawa nila ito, itanong sa kanila kung ano sa palagay nila ang nadama ni Jose nang makita niyang muli ang kanyang mga kapatid o kung ano kaya ang nadama ng magkakapatid nang sa wakas ay nakilala na nila si Jose.

  • Itanong sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng magpatawad ng isang tao. Tulungan silang maunawaan na kalakip ng pagpapatawad sa isang tao ang pakikitungo sa kanya nang may pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Itanong sa mga bata kung ano ang nalalaman nila tungkol sa kuwento ng pagpapatawad ni Jose sa kanyang mga kapatid, o basahin ninyo ng mga bata ang mga talata mula sa Genesis 45:1–15. Ano ang ginawa o sinabi ni Jose para maipaalam sa kanyang mga kapatid na sila ay pinatawad niya? Ano ang maaari nating sabihin o gawin kapag hinihiling sa atin ng iba na patawarin natin sila?

  • Hilingin sa mga bata na mag-isip ng isang pagkakataon nang nagpatawad sila ng isang tao o pinatawad sila ng isang tao. Para mabigyan sila ng oras na mag-isip, magbahagi ng sarili mong karanasan at magpatotoo sa mga pagpapalang dulot ng pagpapatawad. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng kanilang mga karanasan, kung gusto nila. Ano ang naramdaman nila? Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagpapatawad mula sa halimbawa ng Tagapagligtas? (tingnan sa Lucas 23:33–34).

Genesis 45:5–11

Isinugo ng Ama sa Langit si Jesucristo para iligtas ako.

Ang kuwento tungkol sa pagliligtas ni Jose sa kanyang pamilya mula sa taggutom ay makapagtuturo sa atin tungkol kay Jesucristo, na nagliligtas sa atin mula sa kasalanan at kamatayan.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Isulat sa pisara ang Jose at Jesucristo. Tulungan ang mga bata na saliksikin ang mga sumusunod na pares ng mga banal na kasulatan at isulat sa pisara ang mga bagay na magkatulad kina Jose at Jesus: Genesis 37:3 at Mateo 3:17; Genesis 37:26–28 at Mateo 26:14–16; Genesis 45:5–7 at Lucas 4:18; at Genesis 47:12 at Juan 6:35.

  • Itanong sa mga bata kung ano ang ibig sabihin ng iligtas o sagipin ang isang tao. Kung mayroon sa kanilang nakaranas nang mailigtas o masagip mula sa panganib, anyayahan silang magbahagi. Paano iniligtas ni Jose ang kanyang mga kapatid? (tingnan sa Genesis 42:1–3; 45:5–7). Magpakita ng isang larawan ng Tagapagligtas. Paano tayo iniligtas ni Jesus?

Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:27–33 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan)

Inihanda ng Ama sa Langit si Joseph Smith na maging propeta sa ating panahon.

Libu-libong taon na ang nakararaan mula nang nakita ni Jose ng Egipto na tatawagin ng Panginoon si Joseph Smith para gawin ang isang dakilang gawain sa mga huling araw. Ituro sa mga bata kung paano tayo pinagpala ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Bigyan ang mga bata ng mga clue na naglalarawan kay Joseph Smith, at anyayahan sila na hulaan kung sino ang inilalarawan mo. Isama ang mga clue na mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Genesis 50:27–33 (sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan), tulad ng “itinuro niya sa atin ang tungkol sa mga tipan” (tingnan sa talata 28), “ibinigay niya sa atin ang salita ng Panginoon” (tingnan sa talata 30), at “isinunod ang kanyang pangalan sa kanyang ama” (tingnan sa talata 33). Pagkatapos mahulaan ng mga bata ang tamang sagot, anyayahan sila na hanapin ang mga clue na ito sa mga talata. Ano pa ang natutuhan natin tungkol kay Joseph Smith mula sa propesiya ni Jose sa Egipto?

  • Ipakita sa mga bata ang mga larawang kumakatawan sa mahahalagang bagay na ginawa o itinuro ni Joseph Smith (tingnan halimbawa sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 89–95, 97, 98, 117, 118). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga pagpapala na mayroon tayo dahil kay Joseph Smith. Halimbawa, paano nakatulong sa atin ang kanyang mga ginawa para mapalapit tayo kay Jesucristo?

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito sa kanilang pamilya sa bahay. Magagamit nila ito para rebyuhin ang kuwento ni Jose at ng kanyang mga kapatid at talakayin ang kahalagahan ng pagmamahal at pagpapatawad sa ating mga pamilya.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Magpatotoo tungkol kay Jesucristo. Bagama’t hindi binanggit sa Lumang Tipan ang pangalan ni Jesucristo, ito ay tumutukoy sa Kanya gamit ang iba pang mga pangalan, at nagpapatotoo ito tungkol sa Kanya sa pamamagitan ng mga simbolo at kuwento. Tulungan ang mga bata na matutuhang hanapin ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas tuwing nagbabasa sila ng mga banal na kasulatan.