“Marso 21–27. Exodo 1–6: ‘Aking Naalaala ang Aking Tipan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Marso 21–27. Exodo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Marso 21–27
Exodo 1–6
“Aking Naalaala ang Aking Tipan”
Simulan ang paghahanda mong magturo sa pamamagitan ng pagbasa ng Exodo 1–6. Ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga kabanatang ito, at ang outline na ito ay makapagbibigay sa iyo ng mga ideya sa pagtuturo.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Magpakita ng ilang bagay na may kaugnayan sa mga salaysay sa mga kabanatang ito—halimbawa, isang malaking basket o isang manikang sanggol. Anyayahan ang mga bata na gamitin ang mga bagay na ito para maisalaysay ang kanilang mga paboritong bahagi sa kuwento ni Moises.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Maaaring gumawa ang Diyos sa pamamagitan ko para maisakatuparan ang Kanyang layunin.
Si Moises ay may mahalagang papel sa pagpapalaya ng Israel mula sa pagkaalipin. Ngunit hindi niya makakayang gawin ito kung hindi siya prinotektahan at inalagaan ng kanyang ina, kapatid na babae, ng anak na babae ni Faraon, at ng iba pang matatapat na kababaihan.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamitin ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito at ang “Ang Sanggol na si Moises” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan) para ikuwento sa mga bata kung paano inalagaan si Moises nina Jochebed (ina ni Moises), Miriam (kanyang kapatid), at ng anak na babae ng Faraon. Bigyang-diin na dahil sa kanila at sa iba pang matatapat na kababaihan, si Moises ay nanatiling ligtas at balang-araw ay aakayin ang mga anak ni Israel tungo sa kaligtasan. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng larawan ng mga taong nag-aalaga sa kanila.
-
Kantahin nang sabay-sabay ang isang awit na tungkol sa paglilingkod, tulad ng “‘Magbigay,’ Wika ng Munting Sapa” (Aklat ng mga Awit Pambata, 116). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga simpleng bagay na magagawa nila para matulungan ang iba sa tahanan, sa Simbahan, at sa paaralan.
Tutulungan ako ni Jesus na gumawa ng mabubuting bagay.
Nag-alala si Moises kung magagawa niyang iligtas ang mga Israelita mula sa Egipto. Ngunit nangako ang Panginoon na tutulungan Niya si Moises. Tulungan ang mga bata na magkaroon ng pananampalataya na tutulungan din sila ng Tagapagligtas.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ikuwento sa mga bata kung paano ibinigay ng Panginoon kay Moises ang isang mahalagang tungkulin. Basahin ang mga piling talata mula sa Exodo 3, o basahin ang “Ang Propetang si Moises” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Ibahagi kung ano ang nadama ni Moises (tingnan sa Exodo 3:6, 11) at kung ano ang sinabi sa kanya ng Panginoon (tingnan sa talata 12 at 14). Anyayahan ang mga bata na ulitin ninyo ang pariralang “Tunay na ako’y sasaiyo,” at magbahagi ng isang pagkakataon na nakasama mo ang Panginoon nang ikaw ay may isang mahalagang bagay na gagawin para sa Kanya.
-
Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga sitwasyon kung saan maaaring hilingin sa kanila na gawin ang isang bagay na tila mahirap gawin. Ipaliwanag na tutulungan din sila ni Jesus tulad ng pagtulong ni Jesus kay Moises. Kantahin ang isang awitin tungkol sa paraan kung paano tayo tinutulungan ni Jesus, tulad ng “Sa Aking Paglakad, Jesus ang Kasama” (ChurchofJesusChrist.org). Magpatotoo na tutulungan tayo ng Tagapagligtas kapag tayo ay nag-aalala o natatakot.
-
Gumupit ng mga pusong papel at sulatan ang mga ito ng mga paraan na tinutulungan ng Panginoon ang mga bata. Ilagay ang mga papel sa sahig nang pataob. Anyayahan ang mga bata na maghalinhinan sa pagpili ng mga puso, at tulungan silang basahin ang nakasulat sa mga ito.
Kaya kong maging mapitagan sa mga banal na lugar.
Gamitin ang kuwento tungkol kay Moises at sa nagliliyab na palumpong para tulungan ang mga bata na maunawaan kung bakit nagpapakita tayo ng pagpipitagan sa mga sagradong bagay.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Exodo 3:1–5, at ipaliwanag na si Moises ay nagpakita ng pagpipitagan sa pamamagitan ng pag-alis ng kanyang panyapak (o sandalyas). Ano ang mga ginagawa natin para magpakita ng pagpipitagan sa simbahan? Kantahin nang sabay-sabay ang isang awitin tungkol sa pagpipitagan, tulad ng “Tahimik, Taimtim” (Aklat ng mga Awit Pambata, 11). Tulungan ang mga bata na tukuyin ang mga salita sa awitin na nagtuturo sa atin kung paano tayo magpapakita ng pagpipitagan. Bakit nais ng Panginoon na tayo ay maging mapitagan?
-
Magpakita ng ilang larawan ng mga sitwasyon kung saan dapat tayong maging mapitagan at ng ilang sitwasyon kung saan hindi natin kailangang maging mapitagan, tulad ng sacrament meeting, sa panalangin, sa isang parke, at sa isang birthday party. Hilingin sa mga bata na igrupo ang mga larawan para maipakita kung saan tayo dapat maging mapitagan.
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng kanilang sarili, at ituro ang kanilang mga larawan habang tinatalakay ninyo ang mga paraan na maaari silang maging mapitagan sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan, tulad ng kanilang mga mata, tainga, bibig, kamay, at paa.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Diyos ay gumagawa sa pamamagitan ng bawat isa sa atin para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.
Maraming tao ang tumulong na maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa pamamagitan ng pangangalaga sa buhay ng batang si Moises. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na maunawaan ang mahalagang papel na ginagampanan nating lahat sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol kay Moises noong sanggol pa siya. Gamitin ang pahina ng aktibidad sa linggong ito at ang Exodo 1:22; 2:1–10 upang maibuod ang kuwento tungkol sa pagkabata ni Moises. Basahin ang mga reperensya sa banal na kasulatan sa pahina ng aktibidad, at itanong sa mga bata kung ano ang ginawa ng bawat babae upang mapangalagaan ang buhay ni Moises.
-
Ibahagi sa mga bata ang tungkol sa mga taong hinahangaan mo dahil sa kanilang katapatan sa paglilingkod sa Diyos at sa mga nakapaligid sa kanila, kahit na sila ay naglilingkod sa maliliit na paraan. Anyayahan ang mga bata na magbahagi tungkol sa mga taong kilala nila na tapat na naglingkod sa Diyos at sa ibang tao. Ano ang ating bahagi sa gawain ng Diyos?
Tutulungan ako ng Panginoon na maisakatuparan ang Kanyang kalooban.
Pakiramdam ni Moises ay hindi niya kaya ang kanyang tungkulin, ngunit nangako ang Panginoon na sasamahan Niya si Moises at tutulungan siya. Paano kaya mabibigyang-inspirasyon ng salaysay na ito ang mga batang tinuturuan mo?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamit ang kuwento sa Exodo 3; 4:1–17, sabihin sa mga bata na maghalinhinan sila sa pagkukunwaring sila si Moises. Kung maaari, magdala ng props na magagamit nila, tulad ng isang flashlight at halaman na kakatawan sa nagliliyab na palumpong.
-
Hilingin sa mga bata na basahin ang Exodo 3:11; 4:1, 10 at alamin kung ano ang nadama ni Moises tungkol sa paghiling sa Faraon na palayain ang mga Israelita. Kailan nila naramdaman ang katulad nito? Anong payo ang maibibigay ng mga bata kay Moises para matulungan siya? Tulungan silang tuklasin kung paano hinikayat ng Panginoon si Moises (tingnan sa Exodo 3:12; 4:2–9, 11–12).
-
Magbahagi ng karanasan kung saan nadama mo na tinutulungan ka ng Diyos na gampanan ang isang tungkulin o paglingkuran Siya sa ilang paraan. Hilingin sa mga bata na magbahagi ng isang pagkakataon na tinulungan sila ng Panginoon.
Kaya kong maging mapitagan sa mga banal na lugar.
Inutusan ng Panginoon si Moises na alisin ang kanyang panyapak sa nagliliyab na palumpong bilang tanda ng paggalang at pagpipitagan. Paano mo magagamit ang salaysay na ito para ituro sa mga bata ang tungkol sa pagpipitagan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin ang Exodo 3:1–5, at hilingin sa mga bata na ibuod ang mga talatang ito sa sarili nilang mga salita. Ano ang magagawa natin para makapagpakita ng pagpipitagan sa mga banal na lugar, tulad sa simbahan o sa templo? Tulungan ang mga bata na lumikha ng “bag ng pagpipitagan” na maiuuwi sa bahay na naglalaman ng mga piraso ng papel na may mga ideya kung paano maging mapitagan. Hikayatin silang ibahagi ang mga ideyang ito sa kanilang pamilya.
-
Sama-samang kantahin ang isang awitin tungkol sa pagpipitagan, tulad ng “Paggalang ay Pagmamahal” (Aklat ng mga Awit Pambata, 12), at hilingin sa bawat bata na isulat at ibahagi ang isang kahulugan ng pagpipitagan ayon sa mga titik ng kanta.
-
Gamitin ang larawang Nililinis ni Jesus ang Templo (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 51), sa pagsasalaysay ng kuwento na nasa Mateo 21:12–13. Paano naiiba ang saloobin ni Moises sa Exodo 3:1–5 sa saloobin ng mga mamamalit ng salapi? Bakit nais ng Tagapagligtas na tratuhin natin ang mga sagradong bagay nang may pagpipitagan?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Para matulungan ang mga bata na ibahagi ang natutuhan nila mula sa Exodo 1–6, hikayatin silang magdrowing ng larawan ng isa sa mga tao na natutuhan nila sa klase na maibabahagi nila sa kanilang pamilya.