“Marso 28–Abril 3. Exodo 7–13: ‘Alalahanin Ninyo ang Araw na Ito na Lumabas Kayo sa Egipto,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Marso 28–Abril 3. Exodo 7–13,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Marso 28–Abril 3
Exodo 7–13
“Alalahanin Ninyo ang Araw na Ito na Lumabas Kayo sa Egipto”
Habang binabasa mo ang Exodo 7–13, isipin kung paano pinalalakas ng mga katotohanan sa mga kabanatang ito ang iyong pananampalataya kay Jesucristo. Paano mo matutulungan ang mga batang tinuturuan mo na magkaroon ng katulad na karanasan?
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Maglagay ng ilang larawan na kumakatawan sa mga bagay sa Exodo 7–13 (tulad ng isang palaka, langaw, at isang kordero) sa ilalim ng tela sa mesa. Anyayahan ang ilang bata na kumuha ng isa sa mga larawan na nasa ilalim ng tela, at anyayahan ang klase na ibahagi sa tahanan sa linggong ito ang natutuhan nila tungkol sa larawang ito.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang Panginoon ay may kapangyarihan sa lahat ng bagay.
Ang mga Israelita ay nasa pagkabihag at hindi nila kayang mapalaya ang kanilang sarili, ngunit ang Panginoon ay nagpakita ng Kanyang kapangyarihan at pinalaya sila. Paano mo magagamit ang kuwentong ito para matulungan ang mga bata na magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang kapangyarihan?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magbasa ng mga piling talata mula sa Exodo 7–11 para maituro sa mga bata ang tungkol sa sampung salot na ipinadala ng Panginoon sa mga Egipcio (tingnan din sa “Ang Propetang si Moises,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan na nagpapakita ng ilan sa mga salot. Hilingin sa mga bata na itaas ang kanilang mga larawan habang tinatalakay mong muli ang mga salot. Magbasa ng mga parirala mula sa Exodo 7:5 at 9:14 para maipaliwanag kung bakit nagpadala ang Panginoon ng mga salot sa Egipto.
-
Ibahagi sa mga bata kung paano ipinakita ng Panginoon sa iyo “na walang gaya [Niya] sa buong lupa” (Exodo 9:14). Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano nila nalaman na ang Panginoon ay makapangyarihan.
Ang sakramento ay makakatulong sa akin na maalaala si Jesus.
Ang Paskua ay nagturo sa mga Israelita tungkol sa Tagapagligtas at sa sakripisyo na Kanyang gagawin balang-araw para sa atin. Ngayon, tumatanggap tayo ng sakramento para alalahanin ang sakripisyo ni Jesus.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Gamit ang Exodo 12:1–13, sabihin sa mga bata kung ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga Israelita nang sa gayon ay maligtas sila mula sa huling salot (tingnan din ang “Ang Paskuwa,” sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan). Ipakita ang larawan na Kalong ni Jesus ang Isang Korderong Naligaw (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 64), at ipaliwanag ang pagkakatulad ng korderong ginagamit sa Paskua kay Jesucristo, ang Kordero ng Diyos.
-
Hilingin sa mga bata na magbanggit ng mga bagay na ginagawa natin para maalaala ang mahahalagang pangyayari tulad ng mga kaarawan at pista-opisyal. Basahin ang Exodo 13:10, at ipaliwanag na inutusan ng Panginoon ang mga anak ni Israel na ipagdiwang ang Paskua bawat taon para tulungan silang maalaala na iniligtas Niya sila mula sa mga Egipcio. Ano ang ilang paraan na maaari nating maalaala na iniligtas tayo ni Jesus mula sa kasalanan at kamatayan?
-
Kung maaari, pumunta kayo ng mga bata sa hapag ng sakramento, at pag-usapan kung paano tumutulong ang sakramento sa atin na maalaala si Jesucristo. Sama-samang kantahin ang “Ang Sakramento” (Aklat ng mga Awit Pambata, 144) o ang iba pang mapitagang awitin tungkol kay Jesucristo. Tulungan ang mga bata na mapansin ang payapang damdamin na mayroon sila kapag iniisip nila ang Tagapagligtas, at anyayahan sila na hangarin ang damdaming iyon kapag nakikibahagi sila ng sakramento.
-
Bigyan ang mga bata ng mga piraso ng papel na may nakasulat na “Magagawa kong alalahanin si Jesucristo sa oras ng sacrament sa pamamagitan ng …” sa bandang itaas nito. Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan na matitingnan nila sa oras ng sakramento na makakatulong sa kanila na maalaala si Jesus.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Ang Panginoon ay may kapangyarihang iligtas ako.
Ang mga bata ay nahaharap sa mga hamon at kailangan nila ang Panginoon para matulungan sila. Ang kuwento tungkol sa sampung salot na ipinadala ng Panginoon para palayain ang mga Israelita ay makakatulong sa mga bata na maunawaan na mayroon din Siyang kapangyarihang tulungan sila.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Bigyan ang bawat bata ng isang papel na hinati-hati sa sampung bahagi, at anyayahan ang mga bata na idrowing ang mga larawan ng mga salot na inilarawan sa mga talatang ito: Exodo 7:17–18; 8:1–4; 8:16–17; 8:20–22; 9:1–6; 9:8–9; 9:22–23; 10:4–5; 10:21–22; 11:4–7. Ano ang itinuturo ng mga salot tungkol sa kapangyarihan ng Diyos? Bakit mahalagang malaman ang tungkol sa kapangyarihan ng Diyos?
-
Tanungin ang mga bata tungkol sa mga pagkakataon na nadama nila na kailangan nila ang tulong ng Panginoon. Paano Niya tayo matutulungan sa mga sitwasyong ito? Hikayatin sila na magbahagi tungkol sa mga pagkakataon na naranasan nila o ng kanilang pamilya ang kapangyarihan ng Panginoon sa kanilang buhay. Magpatotoo na ang Panginoon ay may kapangyarihang tulungan tayo.
Matutulungan ako ng Panginoon na magkaroon ng malambot na puso.
Pinili ng Faraon na patigasin ang kanyang puso nang sabihin sa kanya ng Panginoon na palayain ang mga anak ni Israel. Paano mo mahihikayat ang mga batang tinuturuan mo na piliin na magkaroon ng malambot na puso para maging handa silang maglingkod sa Panginoon at gawin ang Kanyang kalooban?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Magdala sa klase ng isang bagay na matigas, tulad ng bato, at ng isa pang bagay na malambot, tulad ng espongha. Basahin ninyo ng mga bata ang ilang talatang naglalarawan kung paano tumugon ang Faraon sa mga salot na ipinadala ng Panginoon (tingnan sa Exodo 8:28–32; 9:7), at itanong sa mga bata kung ano ang bagay na pinakaakmang kumakatawan sa puso o pag-uugali ng Faraon. Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng malambot na puso? (tingnan sa Mosias 3:17).
-
Gumawa kayo sa klase ng listahan ng ilang gawain na maaaring magpakita na mayroon tayong matigas na puso (halimbawa, pakikipag-away sa kapatid o kapag hindi tayo handang manalangin). Paano natin maipapakita sa Panginoon na nais nating magkaroon ng malambot na puso?
Ang Paskua ay simbolo ng nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo.
Itinuro ng Paskua sa mga anak ni Israel na iniligtas sila ng Panginoon mula sa Egipto. Ang Paskua ay simbolo rin ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, na nagliligtas sa atin mula sa kasalanan at kamatayan. Ngayon, ang sakramento ay tumutulong sa atin na maalaala ang sakripisyo ni Jesucristo para sa atin. Ang pagtuturo sa mga bata tungkol sa Paskua ay makakatulong sa kanila na magkaroon ng mas makabuluhang karanasan sa sakramento.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Hilingin sa ilan sa mga bata na basahin ang Exodo 11:5–6 para malaman ang tungkol sa huling salot na ipinadala ng Panginoon sa mga Egipcio. Hilingin sa iba pang mga bata na basahin ang Exodo 12:3, 5–7, 13 para malaman kung paano nakaligtas ang mga anak ni Israel sa salot na iyon.
-
Upang matulungan ang mga bata na maunawaan na ang Tagapagligtas ang Kordero na nagliligtas sa atin, magpakita ng larawan ng isang kordero. Anyayahan ang mga bata na basahin ang Exodo 12:3–7 para malaman kung anong uri ng kordero ang nais na ipagamit ng Diyos sa tao para maging pagkain sa Paskua. Paano nahahalintulad ang kordero kay Jesucristo? (Halimbawa, si Jesus ay perpekto, at ibinuhos ni Jesus ang Kanyang dugo para iligtas tayo.) Ano ang iba pang simbolong tumutulong sa atin na isipin si Jesucristo?
-
Sama-samang basahin ang mga panalangin sa sakramento (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 20:77, 79). Paano natutulad ang sakramento sa Paskua? Ano ang maaari nating gawin para isipin si Jesus sa oras ng sakramento?
5:27 -
Ibahagi sa mga bata ang isa sa mga paborito mong himno na pangsakramento (tingnan sa Mga Himno, blg. 99–118), at pag-usapan kung paano ito nakakatulong sa iyo na alalahanin ang sakripisyo ng Tagapagligtas. Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isang himno na mayroon ding ganitong epekto sa kanila.
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang isang bagay na natutuhan nila tungkol kay Jesucristo ngayong araw.