Lumang Tipan 2022
Abril 11–17. Pasko ng Pagkabuhay: “Lulunukin Niya ang Kamatayan Magpakailanman”


“Abril 11–17. Pasko ng Pagkabuhay: ‘Lulunukin Niya ang Kamatayan Magpakailanman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Abril 11–17. Pasko ng Pagkabuhay,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022

libingan na pinagulong ang bato para mabuksan ang pintuan

Paglalarawan sa libingang walang-laman ni Maryna Kriuchenko

Abril 11–17

Pasko ng Pagkabuhay

“Lulunukin Niya ang Kamatayan Magpakailanman”

Habang naghahanda kang magturo, isipin kung paano mo matutulungan ang mga bata na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa at patotoo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

icon ng pagbabahagi

Mag-anyayang Magbahagi

Itanong sa mga bata kung ano ang ginagawa ng kanilang pamilya para ipagdiwang ang Pasko ng Pagkabuhay. Ano ang ginagawa nila para alalahanin ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo?

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata

Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas.

Ang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay ay isang magandang pagkakataon para ituro sa mga bata ang tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa Getsemani at ang Kanyang pagkamatay sa krus. Ito ay makakatulong sa kanila na madama ang pagmamahal ni Jesus para sa kanila.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ipakita ang larawan ng Tagapagligtas sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya o ang ibang larawan ng sakripisyo ng Tagapagligtas (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56, 57, 58) at anyayahan ang mga bata na ibahagi sa iyo ang nalalaman nila tungkol sa mga pangyayaring makikita sa mga larawan. Ibahagi sa mga bata ang tungkol sa pagdurusa ni Jesus sa Getsemani at sa krus (tingnan sa Mateo 26:36–46; 27:35–50; Lucas 22:39–46; Juan 19:16–30; “Kabanata 51: Nagdusa si Jesus sa Halamanan ng Getsemani,” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan, 129–32). Magpatotoo na si Jesus ay handang magdusa at mamatay para sa atin dahil mahal Niya tayo. Anyayahan ang mga bata na ibahagi ang kanilang nadarama para kay Jesucristo.

  • Basahin ang Juan 10:9 sa mga bata, na binibigyang-diin ang mga salitang “Ako ang pintuan.” Dahil si Jesus ay nagdusa para sa ating mga kasalanan, namatay, at nabuhay na mag-uli, ginawa Niyang posible para sa bawat isa sa atin na muling makapiling ang Diyos. Gamitin ang pintuan ng inyong silid-aralan para ituro na si Jesus ay tulad ng isang pintuan na nagtutulot sa atin na makabalik sa Ama sa Langit.

  • Basahin ang Isaias 53:6 sa mga bata, at ipakita sa kanila ang isang larawan o drowing ng isang tupa. Ipalagay sa isa sa mga bata ang larawan sa isang malayong sulok ng silid. Ipaliwanag na kapag gumagawa tayo ng mga maling pasiya, lumalayo tayo sa Ama sa Langit tulad ng isang tupang naliligaw. Pagkatapos ay anyayahan ang isang bata na ibalik sa iyo ang tupa, at magpatotoo na dahil si Jesucristo ay nagdusa at namatay para sa atin, maibabalik Niya tayo sa Ama sa Langit. (Maaari mong ipakita ang larawan ni Jesus bilang isang pastol, tulad ng nasa larawan 64 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo.)

  • Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol kay Jesucristo, tulad ng “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43). Tulungan silang pansinin ang anumang damdamin ng kapayapaan at pagmamahal na nadarama nila habang sila ay kumakanta. Tukuyin din ang mga salita sa awitin na naglalarawan sa pagmamahal ng Tagapagligtas. Paano natin maibabahagi sa iba ang Kanyang liwanag?

Si Jesus ay namatay at nabuhay na mag-uli para sa akin.

Paano mo matutulungan ang mga bata na matutuhan na dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, tayo at ang ating mga mahal sa buhay ay mabubuhay na mag-uli balang-araw?

si Cristo sa krus

Grey Day Golgotha [Makulimlim na Araw sa Golgota], ni J. Kirk Richards

Mga Posibleng Aktibidad

  • Ikuwento sa mga bata ang tungkol sa pagkamatay at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus (tingnan sa Marcos 15–16). Gamitin ang mga larawan sa outline para sa linggong ito, blg. 57–60 na mga larawan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, o “Kabanata 54: Nagbangon si Jesus” sa Mga Kuwento sa Bagong Tipan (mga pahina 139–44) para matulungan ang mga bata na mailarawan sa isipan ang kuwento.

  • Tulungan ang mga bata na maunawaan na ang pagkabuhay na mag-uli ay nangangahulugan na pagkatapos nating mamatay, tayo ay muling mabubuhay magpakailanman na may perpektong pisikal na katawan at kailanman ay hindi na muling mamamatay. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, at ipagawa sa mga bata ang pahina ng aktibidad para sa linggong ito. Anyayahan ang mga bata na gamitin ito para maibahagi sa kanilang pamilya ang kuwento ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus.

  • Basahin ang Alma 40:23 sa mga bata. Ipakita sa kanila ang iyong kamay na may suot na guwantes. Sabihin sa kanila na ang iyong kamay ay tulad ng espiritu at ang guwantes ay gaya ng pisikal na katawan. Hubarin ang guwantes para ipakita na kapag namatay tayo, iiwan ng ating espiritu ang ating katawan. Muling isuot ang guwantes para isalarawan ang Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Kantahin ang isang awitin tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli, tulad ng “Si Jesus ba ay Nagbangon?” o “Si Jesus ay Nagbangon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 45, 44). Magpatotoo na dahil kay Jesucristo, tayo ay mabubuhay na muli at magkakaroon ng perpektong katawan pagkatapos nating mamatay.

icon ng pagtuturo

Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata

Si Jesucristo ay nagdusa para sa akin.

Habang pinag-aaralan mo ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, pag-isipan kung paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan kung paano sila mapagpapala at mapalalakas ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad

  • Hatiin ang klase sa tatlong grupo, at bigyan ang bawat grupo ng isa sa sumusunod na mga sipi sa mga banal na kasulatan: Isaias 53:4–12; Alma 7:11–13; at Doktrina at mga Tipan 19:16–19. Anyayahan ang mga bata na hanapin ang mga salita at pariralang naglalarawan sa mga bagay na pinagdusahan ni Jesucristo para sa atin. Hilingin sa kanila na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot at ibahagi ang nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas matapos basahin ang mga banal na kasulatan.

  • Maghanda ng mga piraso ng papel. Sa kalahati ng mga ito, isulat ang mga reperensya sa Lumang Tipan ukol sa mga propesiya tungkol kay Jesucristo. Sa isa pang kalahati, isulat ang katugmang sipi sa Bagong Tipan kung paano natupad ang mga propesiyang ito. (Nakalista sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya ang ilang halimbawa.) Anyayahan ang mga bata na basahin ang mga talata at itugma ang mga propesiya sa kanilang katuparan.

  • Tulungan ang mga batang makabisado ang ikatlong saligan ng pananampalataya. Ano ang itinuturo sa atin ng banal na kasulatang ito tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak?

  • Itanong sa mga bata kung paano nila ilalarawan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa isang tao. Hikayatin silang gamitin ang mga banal na kasulatan, himno, o mga larawan para maipahayag ang kahulugan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa kanila. Paano tayo pinagpapala dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

Si Jesus ay namatay at nabuhay na mag-uli para sa akin.

Ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay nagbibigay sa atin ng malaking pag-asa at kagalakan—lalo na kapag namatayan tayo ng isang mahal sa buhay. Paano mo matutulungan ang mga bata na makahanap ng kapanatagan dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli?

Mga Posibleng Aktibidad

  • Idispley ang mga larawan 57–59 sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo. Hilingin sa mga bata na itugma ang mga larawan sa sumusunod na mga sipi: Mateo 27:29–38; Mateo 27:59–60; at Juan 20:10–18. Pagkatapos ay anyayahan ang mga bata na isalaysay ang kuwento ng kamatayan, libing, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus sa kanilang sariling mga salita.

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Job 14:14. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung paano nila sasagutin ang tanong ni Job. Tulungan silang mahanap ang mga banal na kasulatan na nagpapatotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkabuhay na Mag-uli,” scriptures. ChurchofJesusChrist.org).

  • Basahin ninyo ng mga bata ang Moises 1:39. Tanungin sila kung alam nila ang pagkakaiba ng “kawalang-kamatayan” at “buhay na walang-hanggan.” Anyayahan silang hanapin ang mga sagot sa unang talata ng “Eternal Life” (Gospel Topics, topics.ChurchofJesusChrist.org). Sino ang tatanggap ng kawalang-kamatayan? Ano ang kailangan para matanggap ang buhay na walang-hanggan? Magpatotoo na ang dalawang natatanging kaloob na ito ay posible dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Sama-samang kantahin ang isang awitin para sa Pasko ng Pagkabuhay o himno, tulad ng “Isinugo, Kanyang Anak” (Aklat ng mga Awit Pambata, 20–21) o “S’ya’y Nabuhay!” (Mga Himno, blg. 119. Anyayahan ang mga bata na ibahagi kung ano ang naramdaman nila nang kantahin nila ang mga awiting ito. Ano ang itinuturo sa atin ng mga awiting ito tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo? Anyayahan ang mga bata na isulat ang kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas na ibabahagi nila sa tahanan sa kanilang pamilya.

icon ng pag-aaral

Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan

Para matulungan ang mga bata na ibahagi sa kanilang pamilya ang natutuhan nila sa klase, hikayatin silang kumanta ng isang awitin sa bahay ngayong linggo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Kaya ng mga bata na kilalanin ang impluwensya ng Espiritu. Ituro sa mga bata na ang nadarama nila kapag sila ay nagsasalita o umaawit tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay nagmumula sa Espiritu Santo at ang pakiramdam na ito ay makapagpapalakas ng kanilang mga patotoo.