“Abril 18–24. Exodo 18–20: ‘Lahat na Sinabi ng Panginoon ay Aming Gagawin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: Lumang Tipan 2022 (2021)
“Abril 18–24. Exodo 18-20,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary: 2022
Abril 18–24
Exodo 18-20
“Lahat na Sinabi ng Panginoon ay Aming Gagawin”
Habang binabasa mo ang Exodo 18–20, isipin ang mga alituntunin na magiging pinakamakahulugan sa mga bata. Maaari kang magkaroon ng inspirasyon na bigyang-diin ang isang alituntunin na wala sa mga iminungkahi sa ibaba.
Itala ang Iyong mga Impresyon
Mag-anyayang Magbahagi
Anyayahan ang mga bata na magbahagi ng isa sa sampung utos (o rebyuhin ang ilang kautusan sa kanila) at kung bakit sa palagay nila ay mahalagang sundin ang kautusang iyon.
Ituro ang Doktrina: Mas Maliliit na Bata
Ang pagbabahagi ng aking patotoo ay magpapala sa iba.
Nagalak si Jethro nang ibinahagi ni Moises ang ginawa ng Panginoon para sa mga anak ni Israel. Ang kuwentong ito ay makakahikayat sa mga batang tinuturuan mo na ibahagi sa iba kung ano ang nalalaman nilang totoo.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Basahin sa mga bata ang mga sumusunod na salita mula sa Exodo 18:8: “Isinaysay ni Moises sa kaniyang biyenan ang lahat ng ginawa ng Panginoon.” Itanong sa mga bata kung naaalala nila ang ginawa ng Panginoon para tulungan ang mga anak ni Israel na tumakas mula sa Egipto. (Para matulungan silang makaalala, magpakita ng mga larawan o mga pahina ng aktibidad mula sa mga nakaraang lesson). Ano ang mga bagay na ginawa ng Panginoon para tulungan tayo? Tulungan ang mga bata na malaman na tulad ni Moises, maaari nating sabihin sa ibang tao ang tungkol sa mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa atin.
-
Ang klase sa Primary ay maaaring maging isang magandang lugar para makapagsanay ang mga bata na magbahagi ng isang simpleng patotoo. Ibahagi ang iyong patotoo sa kanila, at tulungan silang ibahagi sa isa’t isa ang mga katotohanan ng ebanghelyo na pinaniniwalaan nila.
Nagbibigay ang Diyos ng mga kautusan dahil gusto Niyang maging masaya ako.
Ang mga kautusan ay mga tagubilin ng Ama sa Langit kung paano magkaroon ng kapayapaan sa buhay na ito at kagalakan sa kawalang-hanggan. Paano mo mahihikayat ang mga bata na sundin ang mga kautusan ng Diyos?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Ipakita ang mga larawan mula sa “Ang Sampung Utos” (sa Mga Kuwento sa Lumang Tipan), at anyayahan ang mga bata na ibahagi ang nalalaman nila tungkol sa kuwento. Tulungan silang maunawaan ang anumang bahagi ng kuwento na hindi pamilyar sa kanila.
-
Habang binabasa mo sa mga bata ang ilan sa mga kautusan mula sa Exodo 20:3–17 (o inilalahad ito gamit ang mga salitang mauunawaan nila), anyayahan sila na mag-thumbs up kung ang kautusan ay tungkol sa isang bagay na dapat nating gawin at mag-thumbs down kung ito ay tungkol sa isang bagay na hindi natin dapat gawin. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa kaligayahan na dulot ng pagsunod sa mga utos ng Diyos (tingnan sa Mosias 2:41).
-
Kantahin ninyo ng mga bata ang isang awitin tungkol sa paraan na pinagpapala tayo ng Ama sa Langit kapag sinusunod natin ang mga kautusan, tulad ng “Mga Kautusan sa Tuwina ay Sundin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 68–69). Anyayahan ang mga bata na pakinggan ang mga salita para malaman kung ano ang mga pagpapalang matatanggap natin kapag sumusunod tayo.
Kaya kong igalang ang aking mga magulang.
Ang paggalang sa mga magulang ay higit pa sa pagsunod sa kanila. Tulungan ang mga bata na maunawaan ang ibang paraan para igalang nila ang kanilang mga magulang.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Tulungan ang mga bata na matutuhan ang pariralang “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12). Kung kailangan, ipaliwanag na ang “paggalang” sa isang tao ay nangangahulugan ng pagpapakita ng respeto sa kanila o pagbibigay sa kanila ng kaligayahan. Ano ang ginawa ni Jesus para igalang ang Kanyang Ama sa Langit? Paano Niya iginagalang ang Kanyang ina? (tingnan sa Lucas 2:48–51; Juan 19:26–27). Tulungan ang mga bata na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para igalang ang kanilang mga magulang, at anyayahan silang iarte ang kanilang mga ideya.
-
Anyayahan ang mga bata na gumawa ng isang kard ng pasasalamat para sa kanilang mga magulang. Maaari silang sumulat o magdrowing sa loob ng kard ng isang bagay na gagawin nila para igalang ang kanilang mga magulang.
Ituro ang Doktrina: Mas Nakatatandang mga Bata
Makakatulong ako na “magpasan ng pasanin” sa paggawa ng gawain ng Panginoon.
Nalaman ni Moises na ang pagsisikap na pamunuang mag-isa ang mga anak ni Israel ay “hindi mabuti” (Exodo 18:17). Ang pagmamahalan at paglilingkod sa isa’t isa ay makakatulong na pagaanin ang mga pasanin ng ating mga lider.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng maraming bilog sa pisara na kakatawan sa mga miyembro ng ward. Gumuhit ng isang bilog na may nakasulat na bishop. Bakit magiging problema kung ang bishop lamang ang tumutulong sa iba? Sama-samang basahin ang Exodo 18:13–26 para malaman kung anong payo ang ibinigay ni Jethro kay Moises nang nagsikap siyang gawin ang lahat nang mag-isa. Hilingin sa mga bata na sulatan ang iba pang mga bilog ng pangalan ng iba pang mga lider at miyembro sa ward na tumutulong sa bishop na maglingkod sa iba. Paano pinagagaan ng iba pang mga lider at miyembro ang pasanin ng bishop? Paano rin natin magagawa ang tulad nito sa mga lider natin sa ward? sa mga magulang natin sa tahanan?
-
Tulungan ang mga bata na ilista ang mga lider sa inyong ward. Bilang isang klase, pumili ng isa at talakayin kung ano ang ginagawa ng taong ito para maisakatuparan ang gawain ng Panginoon at kung ano ang magagawa ng mga bata para tumulong.
Mahalagang unahin ang Panginoon sa buhay ko.
Lahat tayo ay may mga bagay na maaari tayong matuksong unahin sa ating buhay bago ang Diyos. Paano mo matutulungan ang mga bata na maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng unahin ang Ama sa Langit?
Mga Posibleng Aktibidad
-
Sama-samang basahin ang Exodo 20:1–7, at ipaliwanag na anumang bagay na inuuna natin sa ating buhay bago unahin ang Diyos ay maaaring maging tulad ng “ibang mga diyos” at “inukit na larawan” na binanggit sa mga talata 3–4. Itanong sa mga bata kung bakit nais ng Diyos na unahin natin Siya. Anong mga pagpapala ang ipinapangako Niya sa atin kung gagawin natin ito? Itanong sa mga bata kung paano natin maipapakita sa Ama sa Langit na Siya ay mas mahalaga kaysa anumang bagay sa ating buhay.
-
Mag-isip ng isang gawain na may isang mahalagang unang hakbang, tulad ng paghuhugas ng kamay bago tayo kumain o pagsusuot ng medyas bago magsuot ng sapatos. Ano ang maaaring mangyari kung hindi natin uunahing gawin ang mahahalagang bagay? Paano ito natutulad sa pag-una sa Ama sa Langit sa ating buhay? Magpatotoo kung paano ka pinagpala kapag inuuna mo ang Diyos, at anyayahan ang mga bata na ibahagi rin ang kanilang patotoo.
-
Kantahin ang isang awitin tungkol sa Ama sa Langit, tulad ng “Ako ay Mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16–17). Ano ang natutuhan natin mula sa awiting ito kung bakit mahalagang unahin sa ating buhay ang Ama sa Langit?
Nagbibigay ang Diyos ng mga kautusan dahil gusto Niyang maging masaya ako.
Mas malamang na sundin ng mga bata ang mga kautusan kung nakikita nila ang mga ito bilang pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos at bilang mga pagkakataon para ipakita ang kanilang pagmamahal sa Kanya.
Mga Posibleng Aktibidad
-
Maghanda ng mga piraso ng papel na may mga nakasulat na kautusan mula sa Exodo 20:3–17. Isulat ang bilang isa hanggang sampu sa pisara, at anyayahan ang mga bata na ilagay ang mga piraso ng papel sa tamang pagkakasunud-sunod sa pisara. Pag-usapan kung paano natin masusunod ang mga kautusang ito. Para sa mga ideya, maaari nilang tingnan ang artikulo sa Gospel Topics na “Ten Commandments” (topics.ChurchofJesusChrist.org).
-
Anyayahan ang mga bata na magdrowing ng mga larawan ng mahahalagang salita mula sa mga kautusan para matulungan silang maalaala ang mga ito.
-
Isalaysay ang kuwento tungkol kay Chloe mula sa mensahe ni Sister Carole M. Stephens na “Kung Ako’y Inyong Iniibig, ay Tutuparin Ninyo ang Aking mga Utos” (Liahona, Nob. 2015, 118–20). Paano nakakatulong sa atin ang kuwento na maunawaan kung bakit binibigyan tayo ng Panginoon ng mga kautusan? Paano natin naipapakita ang ating pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng pagiging masunurin?
Maghikayat ng Pag-aaral sa Tahanan
Anyayahan ang mga bata na mag-isip ng isang bagay na gusto nilang gawin dahil sa natutuhan nila sa klase. Tulungan silang gumawa ng simpleng paalala ng gagawin nila na maaari nilang iuwi.