Pag-aaral ng Doktrina
Sampung Utos
Buod
Ang Sampung Utos ay walang-hanggang mga alituntunin ng ebanghelyo na kailangan para sa ating kadakilaan. Inihayag ng Panginoon ang mga ito kay Moises noong unang panahon (tingnan sa Exodo 20:1–17), at tinukoy rin ang mga ito nang buo o bahagya sa iba pang mga aklat ng banal na kasulatan (tingnan sa Mateo 19:18–19; Mga Taga Roma 13:9; Mosias 12:33–36; 13:13–24; Doktrina at mga Tipan 42:18–29; 59:5–13; 63:61–62). Ang Sampung Utos ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo. Ang pagsunod sa mga utos na ito ay magiging daan para masunod ang iba pang mga alituntunin ng ebanghelyo.
Ang sumusunod na pagbabalik-aral sa Sampung Utos ay naglalaman ng maikling paliwanag tungkol sa kung paano patuloy na naaangkop ang mga ito sa ating buhay ngayon:
1. “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko” (Exodo 20:3). Dapat nating gawin “ang lahat ng bagay na ang mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 82:19). Dapat nating mahalin at paglingkuran ang Panginoon nang buong puso, kakayahan, isipan, at lakas (tingnan sa Deuteronomio 6:5; Doktrina at mga Tipan 59:5).
2. “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan” (Exodo 20:4). Sa utos na ito, kinukundena ng Panginoon ang pagsamba sa mga diyus-diyusan. Maraming uri ang pagsamba sa diyus-diyusan. May mga taong hindi yumuyukod sa harap ng mga inukit na larawan o estatwa kundi sa halip ay ipinapalit ang buhay na Diyos sa iba pang mga diyus-diyusan, tulad ng pera, materyal na bagay, ideya, o katanyagan. Sa kanilang buhay, “ang kanilang kayamanan ang kanilang diyos”—isang diyos na “mawawala ring kasama nila” (2 Nephi 9:30).
3. “Huwag mong babanggitin ang pangalan ng Panginoon mong Dios sa walang kabuluhan” (Exodo 20:7).
4. “Alalahanin mo ang araw ng sabbath upang ipangilin” (Exodo 20:8).
5. “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12). Ang utos na ito ay nananatiling umiiral sa buong buhay natin at mauunawaan sa iba’t ibang paraan: Dapat nating igalang ang ating mga ama at ating mga ina na ating mga ninuno; dapat tayong magpasalamat sa ama at ina na nagbigay sa atin ng katawang-lupa; dapat nating igalang ang mga taong nagpalaki sa atin sa kaalaman ng katotohanan. Higit sa lahat, dapat nating igalang ang ating mga Magulang sa Langit. Ang paraan na maigagalang natin ang lahat ng ama at ina na ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan.
6. “Huwag kang papatay” (Exodo 20:13).
7. “Huwag kang mangangalunya” (Exodo 20:14). Sa paghahayag sa mga huling araw, kinundena ng Panginoon hindi lamang ang pakikiapid, kundi ang “anumang bagay [na] tulad nito” (Doktrina at mga Tipan 59:6). Ang pagtatalik nang hindi kasal, homoseksuwalidad, at iba pang mga seksuwal na kasalanan ay paglabag sa ikapitong utos.
8. “Huwag kang magnanakaw” (Exodo 20:15). Ang pagnanakaw ay isang uri ng panlilinlang.
9. “Huwag kang magbibintang sa iyong kapuwa” (Exodo 20:16). Ang pagbibintang ay isa pang uri ng pagsisinungaling.
10. “Huwag [kang mag-iimbot]” (Exodo 20:17). Ang pag-iimbot, o pagkainggit sa isang bagay na pag-aari ng iba, ay nakapipinsala sa kaluluwa. Ito ay nagpapasama sa ating isipan at laging nagpapadama sa atin ng lungkot at pagkayamot. Madalas na humahantong ito sa iba pang mga kasalanan at pagkabaon sa utang.
Bagama’t karamihan sa Sampung Utos ay nagsasaad ng mga bagay na hindi natin dapat gawin, inilalarawan din nito ang mga bagay na dapat nating gawin. Ibinuod ng Tagapagligtas ang Sampung Utos sa dalawang alituntunin—pagmamahal sa Panginoon at pagmamahal sa ating kapwa-tao:
“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37–39).
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
-
Kalapastanganan
-
Digmaan
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe
Resources sa Pag-aaral
Mga Magasin ng Simbahan
“Itinuturo sa Akin ng Sampung Utos na Mahalin ang Diyos at ang Kanyang mga Anak,” Liahona, Setyembre 2012