Library
Endowment


pamilya sa harap ng templo

Pag-aaral ng Doktrina

Endowment

Buod

Ang endowment ay isang seremonyang pangrelihiyon na ginagawa sa mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Natatanggap ito ng mga adult na miyembro ng Simbahan na handa na para sa sagradong karanasang ito.

Nagbibigay ang endowment ng tagubilin, mga tipan, at mga ipinangakong pagpapala na nagbibigay ng lakas, layunin, at proteksyon sa araw-araw na buhay. Nagtuturo ito tungkol sa Paglikha ng mundo, Pagkahulog nina Adan at Eva, plano ng pagtubos sa pamamagitan ni Jesucristo, at sa ating sariling paglalakbay pabalik sa kinaroroonan ng Diyos. Ang endowment ay tumutulong sa mga tumatanggap nito na masunod ang Tagapagligtas habang sinisikap nilang maabot ang “sukat ng pangangatawan ng kapuspusan ni Cristo” (Mga Taga Efeso 4:13), “umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas” (2 Nephi 31:19). Ang pagtupad sa mga tipan ng endowment ay nagpapamarapat sa mga miyembro ng Simbahan na makapasok sa tipan ng walang hanggang kasal, na humahantong sa pinakadakilang kaloob na buhay na walang-hanggan.

Ang salitang endow ay may dalawang magkaugnay na kahulugan: “magbigay ng kaloob” at “bihisan.” Noong 1831, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio, nangangako na “doon bibigyan [ko kayo] ng aking batas; at doon [kayo] ay papagkalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” (Doktrina at mga Tipan 38:32). Isinagawa ang ilang bahagi ng endowment sa Kirtland Temple. Simula noong 1842, isinagawa ang buong endowment sa mga miyembro ng Simbahan sa Nauvoo, Illinois. Inaanyayahan ngayon ang lahat ng miyembro ng Simbahan na maghanda na matanggap ang endowment.

Sa pamamagitan ng endowment, napapalalim ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang pakikipagtipan sa Diyos nang mangako sila na susundin ang Kanyang mga pamantayan ng moralidad, integridad, at paglilingkod sa kapwa. Sa sagradong seremonyang ito, nakikipagtipan ang mga miyembro ng Simbahan “na susundin ang batas ng pagsunod, ang batas ng pagsasakripisyo, ang batas ng ebanghelyo, ang batas ng kalinisang-puri, at ang batas ng paglalaan” (David A. Bednar, “Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay,” Liahona, Mayo 2019, 103). Ang tapat na pagtupad sa mga pangakong ito ay nakatutulong sa mga miyembro ng Simbahan na maging mga Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo (tingnan sa Mosias 3:19). Ang endowment ay isang paraan para maipagkaloob ng Diyos ang Kanyang kapangyarihan sa Kanyang mga pinagtipanang tao.

Ganito ang sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith tungkol sa kahalagahan ng endowment sa ating araw-araw na buhay:

“Kung nagpupunta tayo sa templo itinataas natin ang ating mga kamay at nakikipagtipan na paglilingkuran natin ang Panginoon at susundin ang kanyang mga utos at mananatili tayong walang bahid-dungis mula sa sanlibutan. Kung nauunawaan natin ang ating ginagawa, ang endowment ay magiging proteksyon sa atin habang tayo ay nabubuhay—proteksyong hindi ibibigay sa [lalaki o babae na] hindi nagpupunta sa templo.

“Narinig kong sinabi ng aking ama na sa oras ng pagsubok, sa oras ng tukso, iniisip niya ang mga pangako, ang mga tipang ginawa niya sa Bahay ng Panginoon, at naging proteksyon ang mga iyon sa kanya. … Ang proteksyong ito ay bahagi ng layunin ng mga seremonyang ito. Inililigtas tayo nito ngayon at dadakilain tayo nito sa kabilang-buhay, kung tutuparin natin ang mga ito. Alam ko na ibinigay ang proteksyong ito dahil naranasan ko na rin ito, tulad ng libu-libong iba pa na nakaalala sa kanilang mga pananagutan” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Fielding Smith [2013], 268–69).

Bukod pa sa mga pagpapala ng proteksyon sa araw-araw, inilarawan ni Brigham Young ang kahalagahan ng endowment pagkatapos ng ating mortal na buhay:

“Ang inyong endowment ay, tanggapin ang lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, na kinakailangan ninyo, matapos na lisanin ninyo ang buhay na ito, upang makabalik kayong muli sa piling ng Ama, na daraanan ang mga anghel na tumatayo bilang mga bantay, maibigay sa kanila ang mahahalagang salita, mga tanda at sagisag, na nauukol sa banal na priesthood, at kamtin ang inyong walang hanggang kadakilaan” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 416).

Sa kanyang unang mensahe sa publiko bilang Pangulo ng Simbahan, itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson ang tungkol sa kapangyarihan ng endowment sa buhay na ito at sa paghahanda para sa buhay na walang hanggan:

“Ang [resultang] pinagsisikapang matamo ng bawat isa sa atin ay ang mapagkalooban ng kapangyarihan sa isang bahay ng Panginoon, mabuklod bilang mga pamilya, [maging] tapat sa mga tipang ginawa sa templo upang maging karapat-dapat sa pinakadakilang kaloob ng Diyos—ang buhay na walang-hanggan. Ang mga ordenansa ng templo at mga tipang ginawa ninyo ang susi sa pagpapalakas ng inyong buhay, pagsasama ninyong mag-asawa at pamilya, at ng kakayahan ninyong labanan ang mga pagsalakay ng kaaway. Ang inyong pagsamba sa templo at paglilingkod doon para sa inyong mga ninuno ay [magpapala sa inyo] ng dagdag na personal na paghahayag at kapayapaan at patitibayin ang inyong pangako na manatili sa landas ng tipan” (“Habang Tayo ay Sama-samang Sumusulong,” Liahona, Abr. 2018, 7).

Ang mga karagdagang turo ng mga makabagong propeta at apostol na tumatalakay sa endowment ay makikita sa ChurchofJesusChrist.org/temples/prophetic-teachings-on-temples.

AnItala ang Iyong mga Impresyon

Mga Kaugnay na Paksa

Mga Banal na Kasulatan

Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan

Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan

Mga Karagdagang Mensahe

Resources sa Pag-aaral

Pangkalahatang Resources

Paghahanda sa Pagpasok sa Banal na Templo

Mga Magasin ng Simbahan

“Karaniwang mga Itinatanong,” Liahona, Oktubre 2010

Mga Manwal sa Pag-aaral

Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan

Mga Kuwento

Resources sa Pagtuturo

Mga Outline sa Pagtuturo

Media

Musika