Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 42: Paglilingkod sa Templo


Kabanata 42

Paglilingkod sa Templo

Nang maitalaga ang Templo sa St. George noong Abril 1877, nagsaya si Pangulong Young na sa wakas ay makapagsisimula nang magsagawa ang mga Banal ng endowment sa templo para sa mga patay. Kanyang iniulat na ang mga Banal na nagsimulang gumawa doon ay “nagkaroon ng pinagpalang pagkakataon, isang pagkakataon na walang ibang tao sa mundo ang nagtamasa sa loob ng maraming siglo, sa aming kaalaman” (DBY, 419). “Simula nang matapos ang templo sa St. George,” sinulatan niya ang kanyang anak na si Lorenzo, “ang espiritu na titingin sa mga patay at mamumuno para sa kanila, at aasikaso rin sa kinakailangang mga ordenansa para sa buhay, ay tinaglay ng matapat na mga kasapi ng Simbahan sa lahat ng lambak na ito. Maaaring hindi pa nakararanas ng ganitong interes sa mga paksang ito ang mga Banal simula nang pagkakatatag ng Simbahan na kagaya ngayon. Ito ay sasamahan ng magagandang resulta, at habang patuloy ang pagtatayo ng mga templo, ang espiritung ito ay madarama nang may higit na kapangyarihan sa lahat ng sangay ng Simbahan” (DBY, 288–89).

Mga Turo ni Brigham Young

Binibigyan ng Diyos ng pagkakataon ang mga pumanaw na matamasa ang mga biyaya ng templo

Pumanaw ang aking ama bago naibigay ang mga endowment. Wala siyang anak na naibuklod sa kanya. Kung maaalala ninyo, kayong mga nasa Nauvoo, napakabilis ng maikling panahong ginugol natin doon matapos maitayo ang templo. Ang mga mandurumog ay handa tayong lipulin; handa silang sunugin ang ating mga tahanan. Matagal na nilang ginagawa ito; ngunit natapos natin ang templo ng naaayon sa kautusang ibinigay kay Joseph, at pagkatapos ay lumisan na tayo. Samakatwid, ang ating panahon ay maikli, at wala na tayong panahon upang bigyang-pansin ito. Dahil dito, ang mga anak ng aking ama, ay hindi pa naibubuklod sa kanya. Marahil lahat ng kanyang anak na lalaki ay magtutungo sa kawalang-hanggan, tungo sa daigdig ng espiritu, bago ito mabigyan ng pansin; ngunit ito ay walang ipagkakaiba; ang mga tagapagmana ng mag-anak ay bibigyan ito ng pansin kahit na lumipas ang isandaang-taon (DBY, 401).

Daang milyong nilalang ang naisilang na, nabuhay ng maikling panahon, at pumanaw, mangmang tungkol sa kanilang mga sarili at sa plano ng kaligtasan na inilaan sa kanila. Datapwat, nakakapagpalubag-loob, na malaman na ang maluwalhating plano na ginawa ng Langit ay sinusundan sila sa kabilang buhay, nag-aalay sa kanilang pagtanggap ng buhay na walang hanggan at kadakilaan sa mga trono, pamunuan at kapangyarihan, sa piling ng kanilang Ama at Diyos, sa pamamagitan ni Jesucristo, ang Kanyang Anak (DBY, 404).

Itinuturo natin sa kanila ang Ebanghelyo ng Kaligtasan—sa mga patay— sa pamamagitan ng mga nabuhay sa dispensasyong ito [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:57] (DBY, 397).

May pagkakataon para sa mga tao na nasa espiritu na matanggap ang Ebanghelyo. Si Jesus, habang ang Kanyang katawan ay nakahimlay ng dalawang gabi at isang araw, ay nagtungo sa daigdig ng mga espiritu upang ipakita sa mga kapatid kung paano nila dapat itayo ang kaharian, at dalhin ang mga espiritu sa kaalaman ng katotohanan sa daigdig ng mga espiritu; siya ay nagtungo upang itakda ang huwaran doon, kagaya ng ginawa niya sa lupa. Kaya nadama ninyo na doon, ang mga espiritu ay may pagkakataong yakapin ang katotohanan. Maaari ninyong itanong kung sila ay binibinyagan doon? Hindi. Mapapatungan ba sila ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo? Hindi. Wala ni isa man sa panglabas na mga ordenansa na nauukol sa laman ang pinangangasiwaan doon, ngunit ang liwanag, kaluwalhatian, at kapangyarihan ng Espiritu Santo ay natatamasa rin ng kasing laya ng dito sa ibabaw ng lupa; at may batas na namamahala at nangangasiwa sa daigdig ng mga espiritu, at kung saan sila ay nasasaklaw (DBY, 397).

May magagawa ba tayo para sa kanila? Oo. Bakit pa tayo nagtatayo ng templo? At hindi lamang tayo magtatayo ng templo rito, kung tayo ay magtatagumpay, at bibiyayaan at pangangalagaan, kundi maaaring magpasimula ng dalawa o tatlo pa at tuluy-tuloy pa nang kasing bilis ng hinihingi ng gawain, para sa tanging layunin ng pagtubos ng ating mga patay. Kapag ako ay tumanggap ng paghahayag na ang ilan sa aking mga ninuno ay nangabuhay at nangamatay nang walang mga biyaya ng Ebanghelyo, o marinig man lamang na ito ay itinuro, ngunit mga marangal na katulad ko, matwid na katulad ko, o maaaring katulad ng kahit na sinong lalaki o babae sa ibabaw ng lupa; ng kasing matwid, sa abot ng kanilang nalalaman, katulad ng kahit sinong Apostol o Propeta na nabuhay, ako ay tutuloy at magpapabinyag, pagtitibayin, huhugasan at papahiran [ng langis], at gagawin ang lahat ng ordenansa at endowment para sa kanila, nang mabuksan ang kanilang daan tungo sa kahariang selestiyal (DBY, 403).

Ang doktrina ng pagbibinyag na ito para sa patay ay dakilang doktrina, isa sa pinakamaluwalhating doktrina na naihayag sa sanlibutan; at may mga liwanag, kapangyarihan, kaluwalhatian, karangalan at kawalang-kamatayan dito (DBY, 399).

Simula nang maitatag ang Simbahan, tayo ay nabinyagan para sa maraming kakilala kong tao na nangamatay na—mabubuti, matatapat, kagalang-galang na mga tao, mapagkawanggawa sa lahat, namumuhay ng mabuti at dalisay na mga buhay. Hindi natin sila hahayaang mapunta sa impiyerno; hindi ito gagawin ng Diyos. Higit pa sa sapat ang plano ng kaligtasan upang dalhin sila paitaas at ilagay sila kung saan maaari nilang matamasa ang lahat ng kanilang inaasam (DBY, 403).

Nalagpasan na nila ang mga mahigpit na pagsubok [ng mortalidad], at wala ng kakayahang personal na mangasiwa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan at para sa kanilang kadakilaan, dahil dito sila ay kinakailangang magtiwala sa kanilang mga kaibigan, mga anak at anak ng kanilang mga anak na mangasiwa para sa kanila, nang sila ay madala sa kahariang selestiyal ng Diyos (DBY, 406).

Ano sa palagay ninyo ang sasabihin ng mga ninuno kung sila ay makapagsasalita mula sa kamatayan? Hindi ba sasabihin nilang, “Nakahimlay kami rito ng mga libong taon, dito sa kulungang bahay, naghihintay sa pagdating ng dispensasyong ito?” … Ano ang ibubulong nila sa ating mga tainga? Bakit, kung mayroon lamang silang kapangyarihan dadagundong ang mga kulog ng langit sa ating mga tainga, upang ating matanto ang kahalagahan ng gawaing ating lalahukan. Lahat ng anghel sa langit ay nakatingin sa kakaunting nilalang na ito, at pinasisigla sila sa kaligtasan ng sanlibutan. Gayundin ang mga diyablo sa impiyerno ay nakatingin sa mga taong ito, at sinusubukang talunin tayo, at ang mga tao ay nakikipag-kamay pa rin sa mga tagapaglingkod ng diyablo, sa halip na pabanalin ang kanilang mga sarili at tumawag sa Panginoon at gawin ang kanyang mga ipinag-uutos at inilagay sa ating mga kamay na gawin (DBY, 403–4).

Tayo ay bibiyayaan ng ating Ama sa Langit sa paggawa ng pagsasaliksik sa kasaysayan ng mag-anak para sa kaligtasan ng ating mga ninuno.

Sa palagay ko ay may mga gagawin [sa Milenyo] na tila ayaw ipagawa sa atin ng buong mundo. Ano ito? Ang pagtatayo ng mga templo. Hindi pa tayo nakapagsisimula ng paglalatag ng pundasyon ng templo ngunit ang buong impiyerno ay naghanda ng mga sandata laban sa atin … Ano ang gagawin natin sa mga templong ito? Mayroon bang mga gagawin doon? Oo, at hindi na tayo maghihintay sa Milenyo at sa kaganapan ng kaluwalhatian ng Diyos sa lupa; magsisimula kaagad tayo kapag mayroon na tayong templo, at gagawa para sa kaligtasan ng ating mga ninuno; kukunin natin ang kanilang mga talaangkanan hanggang sa ating maaabot. Hindi maglalaon, magagawa natin ang mga itong ganap. Sa mga templong ito mangangasiwa tayo sa mga ordenansa ng Ebanghelyo ni Jesucristo para sa ating mga kaibigan (DBY, 402).

Tayo ngayon ay nagbibinyag para sa mga patay … para sa ating mga ama, ina, lolo, lola, tiyuhin, tiyahin, kamag-anak, kaibigan at matagal nang kahalubilo. … Pinupukaw ng Panginoon ang puso ng marami upang gumawa … ,at mayroong ganap na matinding interes sa mga ilan na hanapin ang kanilang talaangkanan at kunin ang mga nakalimbag na talaan ng kanilang mga ninuno. Hindi nila alam kung bakit nila ginagawa ito, pero ang Panginoon ay siyang nag-uudyok sa kanila; at ito ay magpapatuloy at magpapatuloy simula sa kanilang ama, sa ama ng kanilang ama, hanggang makuha nila ang talaangkanan ng kanilang ninuno hanggang sa makakayanan nilang maabot.

Kapag naitatag ang kanyang Kaharian sa lupa, at naitayo ang Sion, ipadadala ng Panginoon ang kanyang mga tagapaglingkod bilang mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion [tingnan sa Obadias 1:21]. Ang mga tagapaglingkod ng Diyos na nangabuhay sa lupa nang mga nakaraang panahon ay ihahayag kung saan nanirahan ang iba’t ibang tao na namatay nang walang Ebanghelyo, ibibigay ang kanilang mga pangalan, at sasabihing, “Ngayon ay humayo, kayong mga tagapaglingkod ng Diyos, at gamitin ang inyong mga karapatan at pribilehiyo; lumakad at gawin ang mga ordenansa ng bahay ng Diyos para doon sa mga dumaan na sa kanilang pagsubok nang walang Ebanghelyo, at para sa lahat ng tatanggap ng kahit anong uri ng kaligtasan; iakyat sila upang manahin ang mga kahariang selestiyal, terestriyal, at telestiyal,” … sapagkat ang bawat tao ay tatanggap ayon sa kanyang kakayahan at ayon sa mga kabutihang nagawa sa katawan, mabuti man o masama, labis o kaunti(DBY, 407).

Ang sabi ng Panginoon, ipinadala ko ang mga susi ni Elijah ang Propeta—ipinabatid ko ang doktrinang iyon upang ibaling ang mga puso ng mga ama sa kanilang mga anak, at ang mga puso ng mga anak sa mga ama [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 2; 110:13–15]. Ngayon, lahat kayong mga anak, inaasikaso ba ninyo ang kaligtasan ng inyong mga ama? Masipag ba kayong nagsasaliksik upang matubos ang mga nangamatay nang walang Ebanghelyo, yayamang hinanap nila ang Pinakamakapangyarihang Panginoon upang makamit ang mga pangako para sa inyo? Sapagkat nakamit ng ating mga ninuno ang mga pangakong hindi makakalimutan ang kanilang mga binhi. O kayong mga anak ng mga ninuno, tingnan ang mga bagay na ito. Kayo ay papasok sa mga templo ng Panginoon at mangangasiwa para sa inyong mga ninuno (DBY, 408).

Tayo ay nagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ordenansa ng templo para sa ating mga pumanaw na kamag-anak.

Tayo ay tinatawagan, kagaya ng sinabi sa inyo, upang tubusin ang mga bansa ng daigdig. Ang mga ninuno ay hindi magagawang ganap kung wala tayo; hindi tayo magagawang ganap kung wala ang mga ninuno. Kailangang mayroon nitong tanikalang ito sa banal na Pagkasaserdote; kailangan itong magkasamang nakahinang simula sa kahuli-hulihang henerasyon na nabubuhay sa lupa pabalik kay Amang Adan, upang ibalik ang lahat ng maililigtas at ilagay kung saan sila makakatanggap ng kaligtasan at ng kaluwalhatian sa alinmang kaharian. Kailangang gawin ito ng Pagkasaserdote; ang Pagkasaserdoteng ito ay para sa layuning ito (DBY, 407).

Ang mga doktrina ng Tagapagligtas ay inihahayag at inilalagay ang mga naniniwala sa pagtataglay ng mga alituntunin kung saan ang mga tagapagligtas ay magtutungo sa Bundok ng Sion upang iligtas … lahat maliban doon sa mga nagkasala laban sa Espiritu Santo. Ang mga kalalakihan at kababaihan ay papasok sa mga templo ng Diyos, at magiging, sa paghahambing, mga haligi doon [tingnan sa Apocalipsis (Mga Paghahayag) 3:12] at mangangasiwa taun-taon para doon sa mga namatay na nang libu-libong taon(DBY, 407).

Upang magampanan ang gawaing ito ay kailangang magkaroon ng hindi lamang isa kundi libu-libong templo, at libu-libong kalalakihan at kababaihan ang pupunta sa mga templong iyon at mangangasiwa para sa mga taong nangabuhay noong mga nakaraang mahabang panahon hanggang sa ihahayag ng Panginoon (DBY, 394).

Ito ang gagawin natin para sa mga naninirahan sa lupa. Kapag tinitingnan ko ito, ayaw kong mamahinga nang matagal, kundi maging masipag ng buong araw; sapagkat kapag iisipin natin ito, wala tayong sasayanging oras, sapagkat ito ay lubhang mahirap na gawain (DBY, 410).

Ang Pagkasaserdote na muling iginawad ng Panginoon sa mga tatanggap nito, ay para sa tanging layunin ng paghahanda sa kanila na maging bihasa sa mga alituntuning tumutukoy sa batas ng kahariang selestiyal. Kung susundin natin ang batas na ito, tiyakin na hindi ito lalabagin, mamuhay ayon dito, tayo ay magiging handa na tamasahin ang mga biyaya ng kahariang selestiyal. Mayroon pa bang iba? Oo, libu-libo at milyun-milyong naninirahan sa daigdig na tatanggap at susunod sana sa batas na ating itinuturo, kung nagkaroon lamang sila ng pagkakataon. Sa panahong muling ibabalik ng Panginoon ang Sion, at ang mga bantay ay magkikita nang harapan, at ang Sion ay matatatag, paroroon ang mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion at sasagipin ang lahat ng anak na lalaki at mga anak na babae ni Adan na may kakayahang masagip, sa pamamagitan ng pangangasiwa para sa kanila (DNW, ika-16 ng Mayo 1860, 1).

Ang ating mga ninuno ay hindi magiging ganap nang wala tayo; hindi tayo magiging ganap nang wala sila. Nagawa na nila ang kanilang gawain at ngayon ay nakahimlay na. Tinatawagan tayo ngayon na gawin ang ating mga gawain; na siyang magiging pinakadakilang gawain na gagampanan ng tao sa daigdig kailanman. Milyun-milyon sa ating kapwa nilalang na nabuhay sa daigdig at namayapa nang walang kaalaman sa Ebanghelyo ay dapat mapangasiwaan na ng mga ordenansa upang kanilang makamit ang buhay na walang hanggan (ito ay, ang lahat ng tatanggap ng Ebanghelyo). At tayo ay tinatawagan upang makilahok sa ganitong gawain (DBY, 406).

Sino ang magtataglay ng daigdig at ng lahat ng kaganapan nito? Hindi ba ito ang mga inilaan ng Panginoon sa karangalang ito? At sila ay darating sa Bundok ng Sion bilang tagapagligtas upang gumawa sa buong panahon ng Milenyo upang iligtas ang iba (DBY, 407–8).

Ang gawain sa Milenyo ay kapapalooban ng pagtatayo ng templo at paglilingkod sa templo

Pinagsisikapan nating iligtas ang buhay at ang patay. Ang buhay ay may pagpipilian, ang patay ay wala. Milyun-milyon sa kanila ang nangamatay nang walang Ebanghelyo, walang Pagkasaserdote, at walang mga pagkakataong ating tinatamasa. Tayo ay lalakad sa ngalan ng Diyos ng Israel at aasikasuhin ang mga ordenansa para sa kanila. At sa buong panahon ng Milenyo, ang isang libong taon na mamahalin at paglilingkuran ang Diyos, tayo ay magtatayo ng mga templo at mangangasiwa doon para sa mga namatay na nang daan-daan at libu-libong taon—ang mga nakatanggap sana ng katotohanan kung sila ay nagkaroon ng pagkakataon; at atin silang dadalhin paitaas at bubuuin ang tanikala ng salinlahi pabalik kay Adan (DBY, 404).

Kagaya ng madalas kong sabihin sa inyo, iyon ang gawain ng Milenyo. Ito ang gawain na kailangang isagawa ng binhi ni Abraham, ang hinirang na binhi, ang maharlikang binhi, ang pinagpala ng Panginoon, silang nakipagtipan sa Panginoon. Sila ay susulong, at ililigtas ang bawat anak na lalaki at anak na babae ni Adan na tatanggap ng kaligtasan dito sa lupa; at lahat ng espiritu sa daigdig ng mga espiritu ay tuturuan, kakausapin, at ang mga alituntunin ng kaligtasan ay dadalhin sa kanila, nang magkaroon sila ng pagkakataong matanggap ang Ebanghelyo; at sila ay magkakaroon ng maraming anak dito sa lupa na mangangasiwa para sa kanila sa mga ordenansa ng Ebanghelyong iyon na tumutukoy sa laman (DBY, 403).

Nagtitiwala tayo sa Diyos. Umaasa ako na ipaglalaban niya ang ating mga pakikidigma at tayo ay bibinyagan para at alang-alang sa sangkatauhan sa loob ng isanlibong taon; at magkakaroon tayo ng daan-daang templo at libu-libong kalalakihan at kababaihang mangangasiwa doon para sa mga namayapa, nang hindi nagkaroon ng pagkakataon na marinig at masunod ang Ebanghelyo, nang sila ay maisilang at magkaroon ng maluwalhating pagkabuhay na mag-uli, at matamasa ang kahariang inihanda para sa kanila ng Diyos. Ang Diyablo ay lalaban ng matindi upang pigilan tayo, at hindi tayo uusad kahit kaunti maliban sa pagiging masunurin sa kapangyarihan ng, at pananampalataya sa, Ebanghelyo ng Anak ng Diyos. Ang buong daigdig ay salungat sa doktrinang ito. Ngunit may masama ba rito? Kung makikita lamang nila ito ng katulad ng sa Panginoon, magsasaya sila rito, at sa halip na labanan ito, kanilang papupurihan ang Diyos sa paghahayag ng napakaluwalhating doktrina (DBY, 401).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Binibigyan ng Diyos ng pagkakataon ang mga pumanaw na matamasa ang mga biyaya ng templo

  • Ang “maluwalhating plano” para sa pagtubos sa mga pumanaw nang hindi natanggap ang buong biyaya ng ebanghelyo ay “malaking pampalubag-loob” kay Pangulong Young. Bakit? Ano ang kahulugan ng planong iyon sa inyo at sa inyong mga minamahal?

  • Paano at kailan itinatag ang pangangaral ng ebanghelyo sa daigdig ng espiritu? Sino ang nagpapatuloy ng gawaing iyon ngayon? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:57.)

  • Ano ang kahulugan ng tubusin ang ating yumao at bigyang daan sa kanila ang kahariang selestiyal? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:58).

  • Bakit napaka-aktibong tinututulan ni Satanas ang gawain sa templo? Anong pagpapatunay ang inyong nakita na hindi mapipigilan ni Satanas ang pagtatayo ng mga templo ni ang pag-unlad ng nakapagliligtas na gawain ng ordenansa.

Tayo ay bibiyayaan ng ating Ama sa Langit sa paggawa ng pagsasaliksik sa kasaysayan ng mag-anak para sa kaligtasan ng ating mga ninuno.

  • Nagsalita ang Pangulong Young tungkol sa panahon na magagawa nating ganap ang ating mga talaangkanan o kasaysayan ng mag-anak. Paano nating gagawin ito? Ano ang personal na magagawa ninyo upang makapagbahagi sa kasaysayan ng inyong mag-anak?

  • Ayon sa Pangulong Young, sino ang “pumupukaw ng mga puso ng marami” upang matutunan ang tungkol sa kanilang mga ninuno? Anong pagpapatunay na ang nakita ninyo na ito ay totoo sa kasalukuyan?

  • Ano ang mga “susi ni Elijah ang Propeta”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 27:9; 110:13–15.)

Tayo ay nagiging mga tagapagligtas sa Bundok ng Sion sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ordenansa ng templo para sa ating mga pumanaw na kamag-anak.

  • Paano tayo magiging tagapagligtas sa Bundok ng Sion?

  • Bakit imposibleng gawing ganap ang ating mga pumanaw na mga kamag-anak kung wala tayo? Bakit imposibleng gawin tayong ganap kung wala sila?

Ang gawain sa Milenyo ay kapapalooban ng pagtatayo ng templo at paglilingkod sa templo

  • Ano ang magiging “gawain ng Milenyo”? Sino ang magsasagawa nito?

  • Paano natin mapagtatagumpayan ang mga pagsisikap ni Satanas na hadlangan ang gawain? Paano makatutulong sa atin sa paghahanda para sa Milenyo ang “pagiging masunurin sa kapangyarihan ng, at pananampalataya sa, Ebanghelyo ng Anak ng Diyos”?

St. George Temple

Ito ay kailan lang na retrato ng Templo sa St. George. Ang pagtatalaga ng templong ito noong Abril taong 1837 ay nagpahintulot sa mga Banal na simulan ang pagsasagawa ng mga endowment para sa mga yumao.