Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 27: Pagkatuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya


Kabanata 27

Pagkatuto sa Pamamagitan ng Pag-aaral at Pananampalataya

Bagama’t si Pangulong Brigham Young ay nagkaroon lamang ng 11 araw ng pormal na pag-aaral, batid niya ang pangangailangan ng pagkakatuto sa mga bagay sa mundo at sa karunungan ng Diyos. Hindi siya kailanman tumigil sa pag-aaral mula sa mga aklat, mula sa mga banal na kasulatan, at mula sa mga paghahayag ng Panginoon, at tinuruan niya ang mga Banal na magtayo ng mga paaralan at malugod na mag-aral. Noong taong 1850, itinatag niya ang Pamantasan ng Deseret, na nang maglaon ay naging Pamantasan ng Utah; noong taong 1875 kanyang itinatag ang isang paaralan sa Provo, Utah, na nang magtagal ay naging Pamantasang Brigham Young. Ang Kolehiyong Brigham Young sa Logan, Utah, ay itinatag noong taong 1877 upang magsanay sa mga guro para sa mga paaralan sa buong panirahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kaayon sa kanyang pagpapahalaga sa edukasyon, kanyang pinatakbo ang isang bahay paaralan para sa mag-anak malapit sa kanyang tahanan sa huling 12 taon ng kanyang buhay. Bilang tagapagtatag ng mga pamantasan at isang seryosong guro, itinuro ni Pangulong Young na kung nais nating maging katulad ng Ama sa Langit, kinakailangan nating patuloy na umunlad sa kaalaman at karunungan.

Mga Turo ni Brigham Young

Tayo ay may “tungkuling mag-aral,” matuto, at mabuhay ayon sa walang hanggang mga alituntunin.

Bagama’t ang mga nananahan sa daigdig ay iniuukol ang lahat ng kanilang kakayahan, kapwa kaisipan at katawan, sa mga bagay na may katapusan, yaong mga nagsasabi na sila ay mga Banal sa mga Huling Araw, na may pribilehiyong makatanggap at makaunawa sa mga alituntunin ng banal na ebanghelyo, ay may tungkuling mag-aral at tuklasin, at ipamuhay sa kanilang sarili, ang mga alituntuning nilayong manatili, at tumutukoy sa patuloy na pagpapaunlad sa sanlibutang ito at sa sanlibutang darating (DNW, ika-20 ng Hulyo 1854, 1).

Hindi lamang ginagawa ng relihiyon ni Jesucristo na makilala ng mga tao ang mga bagay ng Diyos, at mabuo sa kanila ang kadakilaan ng kalooban at kadalisayan, bagkus nagkakaloob din ito ng lahat ng maaaring paghimok at paghikayat, para maragdagan ang kanilang kaalaman at katalinuhan, sa bawat sangay ng teknolohiya, o sa sining o sa agham, sapagkat ang lahat ng karunungan, at ang lahat ng sining at agham sa daigdig ay mula sa Diyos, at pinanukala para sa ikabubuti ng kanyang mga tao (DBY, 247).

Ang bawat sining at agham na batid at pinag-aaralan ng mga anak ng Diyos ay napapaloob sa Ebanghelyo. Saan ba nagmula ang kaalaman na nagbigay-daan upang ang mga tao ay makagawa ng dakila at kahangahangang mga bagay sa agham at teknolohiya sa loob ng nakaraang ilang taon? Alam natin na ang kaalaman ay mula sa Diyos, ngunit bakit hindi nila siya kinikilala? Dahil bulag sila sa sarili nilang kapakanan, hindi nila nakikita at nauunawaan ang mga bagay sa kanilang tunay na kalagayan. Sino ang nagturo sa mga tao na supilin ang kidlat? Ang tao ba nang walang tumulong sa kanya ang nakatuklas niyon? Hindi, tinanggap niya ang kaalaman mula sa isang Kataas-taasang Katauhan. At sa kanya rin nagmula ang bawat sining at agham, bagama’t ang karangalan ay ibinagay sa taong ito, at sa taong iyon. Ngunit saan nila kinuha ang kaalaman, iyan ba ay nasa kanila at sa kanila lamang? Hindi, dapat nilang kilalanin na kapag hindi nila kayang patubuin ang isang dahon ng damo, o ang isang buhok na puti o itim [tingnan sa Mateo 5:36] nang walang tulong artipisyal, sila ay umaasa sa Kataas-taasang Katauhan kagaya rin naman ng mahirap at mangmang. Saan ba tayo nakatanggap ng kaalaman na gumawa ng mga makinang nakapagpapadali sa trabaho na dahilan kung bakit kahanga-hanga ang panahong ito? Mula sa Langit. Saan ba tayo nakatanggap ng kaalaman sa astronomiya, o ng kakayahang lumikha ng mga largabista upang masilip ang kalaparan ng kalawakan?. … Sa [Diyos] nagmula ang kaalaman ng bawat astronomista, pintor [artist], at tekniko na nabuhay dito sa lupa (DBY, 246).

Ang pinakamalaking pagsubok na dapat nating lutasin ay yaong matatawag na kamangmangan o kakulangan ng pag-unawa ng mga tao (DBY, 247).

Ang relihiyong tinanggap ng mga Banal sa mga Huling Araw, kahit na bahagya lamang maunawaan, ay nag-uudyok sa kanila upang masusing maghanap ng kaalaman [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:118]. Wala nang iba pang taong nabubuhay ang higit na nananabik na makita, marinig, matutuhan, at maunawaan ang katotohanan (DBY, 247).

Ipakita ang inyong kakayahan na matuto nang mabilis sa abot ng inyong makakaya, at tipunin ang buong lakas ng isipan at alituntunin ng pananampalataya na magagawa ninyo, at pagkatapos ay ipamahagi ang inyong kaalaman sa mga tao (DBY, 247).

Turuan natin ang ating mga isipan hanggang sa ating makalugdan natin ang mabuti, maganda at banal, na patuloy na naghahangad ng karunungang makapagbibigay kakayahan sa atin na isakatuparan ang pagtatayo ng Sion, na kinapapalooban ng pagtatayo ng mga bahay, tabernakulo, templo, daan, at lahat ng bawat kaginhawahan at kinakailangan sa paggagayak at pagpapaganda, na ninanais gawin ang kalooban ng Panginoon sa tanang buhay natin, na pinagbubuti ang ating mga kaisipan sa lahat ng kaalaman sa siyensiya at mekanikal, na masikap na nagsasaliksik upang maunawaan ang dakilang balangkas at plano ng lahat ng nilikhang bagay, nang malaman natin kung ano ang gagawin sa ating mga buhay at paano mapagbubuti ang mga kagamitang inilagay sa abot ng ating makakaya (DBY, 247).

Tinawag tayo upang umunlad sa pagpapala at kaalaman para sa kawalang-hanggan.

Ito ang ating gawain, ang ating pinagkakaabalahan, ang ating tungkulin—ang umunlad sa pagpapala at sa kaalaman sa bawat araw at sa bawat taon (DBY, 248).

Hindi ako titigil sa pag-aaral hangga’t ako ay nabubuhay, o kahit dumating na ako sa daigdig ng mga espiritu; sa halip ay matututo roon nang may dakilang kakayahan; at sa muli kong pagtanggap ng aking katawan, matututo ako ng isang libong ulit sa loob ng panahong isang libong ulit na maikli; at samakatwid hindi ko ibig sabihin na titigil ako sa pag-aaral, kundi magpapatuloy ako sa aking mga pananaliksik (DBY, 248).

Hindi natin kailanman sasapitin ang panahon na hindi na tayo kinakailangang turuan, o na wala nang bagay tayong matututuhan. Hindi ko kailanman inasahan na mararating ko ang panahon na mawawalan na ng dakilang kapangyarihan at dakilang kaalaman, at gayundin, ng mga panghikayat sa patuloy na paglago at pag-unlad (DBY, 248).

Kung tumanda tayong katulad ni Matusalem … at iukol ang ating buhay sa paghahanap ng mga alituntunin ng buhay na walang hanggan, masusumpungan natin, kapag lumipas na sa atin ng isang kawalanghanggan, na tayo ay mga bata lamang doon, mga sanggol na nag-uumpisa pa lamang matuto sa mga bagay ukol sa mga kawalang-hanggan ng mga Diyos (DBY, 249).

Maaari tayong magtanong, kailan tayo hihinto sa pag-aaral? Ibibigay ko sa inyo ang aking palagay tungkol dito: hindi kailanman, hindi kailanman (DBY, 249).

Tinuruan tayo ng karanasan na kinakailangan ang panahon upang matuto sa ilang sangay ng teknolohiya, gayon din ng mga alituntunin at kaisipan kung saan ay nais nating maging dalubhasa. Habang higit na masusing iniuukol ng mga tao ang kanilang isipan sa mga tamang layunin ay higit na mabilis silang lalago at uunlad sa kaalaman ng katotohanan. Kapag natutuhan nilang supilin ang kanilang damdamin, hindi magtatagal ay matutuhan nilang pasunurin ang kanilang mga pagmumuni-muni at pag-iisip sa antas na kinakailangan upang matamo ang mga layuning kanilang hinahangad. Ngunit kapag nagpadala sila sa damdamin o espiritu na gagambala sa kanilang isipan mula sa paksang nais nilang pag-aralan at matutuhan, hangga’t ganoon [ang kanilang damdamin] ay hindi nila kailanman masusupil ang kanilang isipan (DBY, 250)

Ang isang matatag, at hindi nagbabagong landas ng pagkamatwid sa buong buhay ang nagbibigay katiyakan sa isang tao ng tunay na katalinuhan (DBY, 245).

Dapat nating ituro sa ating sarili at ating mga anak ang mga kaalaman ng mundo at mga bagay ng Diyos.

Turuan ang mga bata, bigyan sila ng kaalaman ng mundo at ng mga bagay tungkol sa Diyos; paunlarin ang kanilang mga isipan, upang hindi lamang nila maunawaan ang lupang ating nilalakaran, kundi pati rin ang hangin na ating nalalanghap, ang tubig na ating iniinom, at ang lahat ng elementong may kinalaman sa mundo (DBY, 251).

Tiyakin na naituro sa inyong mga anak ang mga pangunahing aral ng kanilang sariling wika, at hayaang magpatuloy sila mas matataas na larangan ng kaalaman; gawin silang higit na maalam sa bawat sangay ng totoo at kapaki-pakinabang na kaalaman kaysa sa tinamasa ng kanilang mga ninuno. Kapag bihasa na sila sa kanilang sariling wika, papag-aralin sila ng iba pang mga salita, at gawin silang ganap na nakauunawa sa mga gawi, kaugalian, batas, pamahalaan at panitikan ng ibang bansa, lahi, at wika. Hayaang matutuhan din nila ang lahat ng katotohanan tungkol sa mga sining at siyensiya, at kung paano gamitin ang mga ito sa kanilang temporal na pangangailangan. Hayaang pag-aralan nila ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa, nasa ilalim ng lupa, at ang mga nasa kalangitan (DBY, 252).

Ang tagumpay, ang bawat maginoong asal, ang bawat kapaki-pakinabang na natamo sa matematika, musika, at sa lahat ng siyensiya at sining ay para sa mga Banal, at dapat nilang pakinabangan sa lalong madaling panahon ang kayamanan ng kaalaman na idinudulot ng siyensiya sa masikap at matiyagang mag-aaral (DBY, 252).

Naliligayahan akong makita ang ating mga anak na nag-aaral at nagsasanay sa musika. Turuan sila sa lahat ng kapaki-pakinabang na sangay ng kaalaman, sapagkat tayo, bilang mga tao, ay kailangan mahigitan sa kaalaman sa hinaharap ang bawat bansa sa mundo sa relihiyon, siyensiya, at pilosopiya (DBY, 256).

May daan-daang kabataang lalaki dito na maaaring pumasok sa paaralan, na higit na mainam kaysa sayangin nila ang kanilang panahon. Pag-aralan ang mga wika, magtamo ng kaalaman at pagkaunawa; at habang ginagawa ito, magtamo ng karunungan mula sa Diyos, at huwag itong kalilimutan, at matutong ipamuhay ito, upang masanay kayo rito sa buong panahon ng inyong buhay (DBY, 252).

Pumasok sa paaralan at mag-aral. … Nais ko sanang asikasuhin ng mga paaralan ang isipan ng mga tao at ganyakin silang mag-aral ng mga sining at siyensiya. Papasukin sa paaralan ang mga batang may sapat nang gulang, at gayundin ang mga bata pa; wala na akong gusto pang matutunan pa kundi chemistry, botanika, heolohiya, at mineralohiya, upang masabi ko kung ano ang nilalakaran ko, ang mga katangian ng hangin na aking nalalanghap, kung ano ang aking iniinom, atbp. (DBY, 253).

Dapat tayong maging mga taong may malawak na kaalaman.

Dapat tayong maging mga taong may malawak na kaalaman tungkol sa mga bagay ng daigdig. Dapat tayong maging pamilyar sa iba’t ibang wika, dahil nais nating magpadala ng mga misyonero sa iba’t ibang bansa at sa mga pulo ng karagatan. Nais nating maging mahusay sa Pranses ang mga misyonerong ipadadala natin sa Pransiya, at maging pamilyar din ang mga mapupunta sa Alemanya, Italya, Espanya, at sa iba pang bansa, sa mga wika ng mga bansang iyon (DBY, 254).

Nais din nating maunawaan nila ang heograpiya, mga gawi, kaugalian, at batas ng mga bansa at kaharian. … Ito ay iminumungkahi sa mga paghahayag na ibinigay sa atin [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:78–80; 93:53]. Sa mga ito ay tinuruan tayong pag-aralan ang pinakamainam na mga aklat, upang malaman natin ang heograpiya ng daigdig kagaya ng pagkakakilala natin sa atin mga halamanan, at bilang mga mag-anak ay makilala din naman natin ang mga tao—kahit man lamang ayon sa paglalarawan sa kanila sa mga lathalain—tulad sa ating mga mag-anak at mga kapitbahay (DBY, 254–55).

Tayo ay nasa dakilang paaralan ng buhay, at dapat tayong maging masigasig na matuto, at patuloy na mag-ipon ng kaalaman tungkol sa langit at lupa, at magbasa ng maiinam na aklat, bagama’t hindi ko masasabing iminumungkahi ang pagbabasa ng lahat ng aklat, sapagkat hindi lahat ng aklat ay mainam. Basahin ang maiinam na aklat, at hanguin mula sa mga ito ang karunungan at kaalaman sa abot ng inyong kakayahan, sa tulong ng Espiritu ng Diyos (DBY, 248).

Papayuhan ko kayong magbasa ng mga aklat na mainam basahin; magbasa nang mapagkakatiwalaang kasaysayan, at hanapin ang karunungan mula sa pinakamahusay na mga aklat na inyong makukuha (DBY, 256).

Gaano kalugod nating uunawain ang bawat alituntunin hinggil sa siyensiya at sining, at maging ganap na maalam sa bawat pamamaraan ng kalikasan, kasama ang mga pagbabagong kemikal na palaging nagaganap sa ating paligid! Napakaganda ng ganito, at tunay na malawak ang walang hangganang larangan ng katotohanan at kapangyarihan na malaya nating tutuklasin! Papalapit pa lamang tayo sa mga dalampasigan ng malalawak na karagatan ng kaalaman na may kaugnayan sa pisikal na mundong ito, at wala pa rito ang tungkol sa kalangitan, sa mga anghel at mga selestiyal na nilalang, patungo sa pook ng kanilang tinitirhan, pati ang uri ng kanilang pamumuhay, at ang kanilang pag-unlad sa mas mataas pang antas ng kaganapan (DBY, 255).

Ang mga paghahayag ni Jesucristo sa sangkatauhan ay ang lahat ng kaalamang maaaring mapasaatin. Karamihan sa kaalamang ito ay nagmula sa mga aklat na isinulat ng mga tao na malalim na nag-isip tungkol sa iba’t ibang paksa, at ang mga paghahayag ni Jesus ang nagbukas sa kanilang isipan, kanila man itong alam o kinikilala o hindi (DBY, 257–58).

Ang ating relihiyon ay hindi makikipaglaban o makikipagsalungatan sa mga katotohanan ng siyensiya sa anumang bagay. Maaari ninyong piliin ang heograpiya, halimbawa, at ito ay totoong siyensiya; hindi ko naman sinasabing ang lahat ng palagay at hinuha ng mga nagtataguyod nito ay totoo, subalit ang mga pangunahing alituntunin nito ay totoo; mga katotohanan ang mga ito—ang mga ito ay walang hanggan; at ang panggigiit na nilikha ng Panginoon ang daigdig na ito mula sa wala ay nakatatawa at hindi maaaring mangyari [tingnan sa Abraham 3:24; Doktrina at mga Tipan 131:7]. Hindi kailanman gumawa ang Diyos ng isang bagay mula sa wala; labag ito sa ekonomiya o batas na umiral, umiiral, o iiral pa lamang sa mga daigdig. May nauna na noong kawalang-hanggang, at iyon ay puno ng mga bagay; at kung sapat lamang ang ating pang-unawa tungkol sa Panginoon at sa kanyang mga paraan, sasabihin nating kinuha niya ang bagay na ito at binalangkas ang mundo mula rito. Hindi ko masasabi kung gaano katagal ito ibinalangkas at wala akong pakialam dito. … Kung nauunawaan natin ang proseso ng paglikha ay hindi magkakaroon ng hiwaga tungkol dito, magiging makatwiran at payak ito, sapagkat walang hiwaga kundi sa mga mangmang. Ito ay nabatid na natin sa pamamagitan ng ating likas na natutuhan mula noong mabuhay tayo sa daigdig (DBY, 258–59).

Tayo ay may pribilehiyong masaliksik ang karunungan ng Diyos.

Pribilehiyo ng tao na masaliksik ang karunungan ng Diyos hinggil sa lupa at sa kalangitan. Ang tunay na karunungan ay tunay na pagkalugod; ang tunay na karunungan, kahinahunan, at pang-unawa, ay tunay na kaginhawaan (DBY, 262).

Ang taong nag-uukol ng kanyang puso sa karunungan, at masigasig na naghahangad ng pang-unawa, ay magiging makapangyarihan sa Israel (DBY, 261).

Ipunla ang karunungan sa inyong puso, at hayaang magbunga ito ng masaganang ani. Higit na kapaki-pakinabang ito sa inyo kaysa lahat ng ginto at pilak at iba pang mga kayamanan sa mundo. Pasibulin ang karunungan sa inyong mga puso, at palaguin ito (DBY, 261).

Kagaya ng paghahanda natin ng mga kagamitan upang makapagtayo ng bahay o templo, gayundin naman na makapaghahanda tayo sa pagtanggap ng walang hanggang karunungan. Pumupunta tayo kung saan matatagpuan ang mga kagamitan para sa bahay, at inihahanda ito upang tumugon sa ating mga layunin; kung kaya’t maaaring tayo magtungo sa kinaroroonan ng walang hanggang karunungan at doon ay magsusumikap na makamtan yaon, sapagkat ang halaga niyon ay higit pa sa mga rubi [tingnan sa Job 28:18] (DBY, 261–262).

Matapos ang lahat ng ating pagpupunyagi upang matamo ang karunungan mula sa pinakamainam na mga aklat, atbp., may natitira pa ring isang bukal para sa lahat; “Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Dios” [tingnan sa Santiago 1:5] (DBY, 261).

Kapag kayo ay namumuhay upang mapasainyo ang Espiritu Santo, … agad ninyong makikita ang kaibahan ng karunungan ng mga tao sa karunungan ng Diyos, at maaari ninyong hatulan ang mga bagay at tantiyahin ang tunay na halaga ng mga ito (DBY, 323).

Palagiang sanayin ang bawat Banal sa mga Huling Araw sa pagganap ng bawat mabuting salita at gawain, na kilalanin ang Diyos bilang Diyos, na maging mahigpit sa pagtupad sa kanyang mga batas, at matutong ibigin ang awa, itakwil ang kasamaan at kaluguran ang palagiang pagganap ng bagay na kalugud-lugod sa Diyos (DBY, 261).

May isa lamang Pinagmumulan kapag ang mga tao ay nagtatamo ng karunungan, at ito ay ang Diyos, ang Bukal ng lahat ng karunungan; at bagama’t maaaring angkinin ng mga taong nagagawa nilang makatuklas sa pamamagitan ng sarili nilang karunungan, sa pamamagitan ng pagninilaynilay at pagmuni-muni, sila ay may pagkakautang pa rin sa ating Ama sa Langit sa lahat ng ito (DBY, 259–60).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Tayo ay “may tungkuling mag-aral,” matuto, at mabuhay ayon sa walang hanggang mga alituntunin

  • Habang ang iba “ay iniuukol ang lahat ng kanilang kakayahan … sa mga bagay na may katapusan,” paano dapat gamitin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang panahon at lakas? Anu-ano ang mga “bagay na may katapusan”? Magtala ng ilan “sa mga alituntunin na nilayong manatili … at umunlad … sa daigdig na darating.”

  • Sino ang pinagmumulan ng dakilang kaalaman na natamo? Sino ang karaniwang kinikilala ng mga tao na pinagmumulan ng mga tagumpay na ito?

  • Sa anu-anong mga paraan hinihikayat ng ebanghelyo ang mga kasapi ng Simbahan na “dagdagan ang kaalaman at katalinuhan”? Bakit “wala nang ibang pang … mga tao ang higit na nananabik na makita, marinig, matutuhan, at maunawaan ang katotohanan”? Bakit dapat nating pagsumikapang huwag huminto sa pag-aaral?

  • Paano natin “masasanay ang ating mga kaisipan hanggang sa ating makalugdan ang mabuti, maganda at banal? Ano ang mga nagiging bunga ng “pagpapaunlad ng ating isipan”?

Tinawag tayo upang umunlad sa pagpapala at kaalaman para sa kawalang-hanggan.

  • Ayon kay Pangulong Young, kailan humihinto ang isang tao sa pag-aaral?

  • Anong landas ang ating tatahakin upang masupil ang ating isipan at magtamo ng tunay na katalinuhan?

Dapat nating ituro sa ating sarili at sa ating mga anak ang mga kaalaman ng mundo at mga bagay tungkol sa Diyos.

  • Iniutos ni Pangulong Young sa atin na turuan ang ating mga anak. Anuano ang mga ituturo natin sa kanila? Anu-ano ang magagawa natin upang mahikayat silang magtamo ng edukasyon?

  • Paano natin pagpapantayin ang pagtatamo ng kaalamang panlupa at ang pagtanggap ng karunungan mula sa Diyos? Sa anu-anong paraan sabay na magaganap ang mga layuning ito?

  • Sa pagtuturo sa mga anak, anu-ano ang pananagutan ng mga guro? ng mga magulang? ng iba pang nasa tamang gulang na?

Dapat tayong maging mga taong may malawak na kaalaman.

  • Bakit dapat tayong maghangad ng “malawak na kaalaman”? Ano ang dapat nating pag-aralan? Bakit dapat tayong magbasa nang higit pa sa mga banal na kasulatan lamang?

  • Tinagubilinan tayo ni Pangulong Young na “magbasa ng pinakamainam na mga aklat.” Anong uri ng mga aklat ang tinutukoy niya? Paano natin malalaman ang mabuting aklat sa masama? Anu-anong mga aklat ang napakinabangan ninyo sa pag-aaral na maaari ninyong ituring na kabilang sa “pinakamainam na mga aklat”? Maliban sa pagbabasa ng mainam na mga aklat, paano pa kayo magtatamo ng kaalaman?

  • Ano ang pinagmumulan ng “lahat ng kaalamang maaaring mapasaatin”? Paano tayo matututo nang higit na mabisa mula rito?

  • Ayon kay Pangulong Young, ano ang kaugnayan ng totoong relihiyon at “mga katotohanan ng siyensiya”?

Tayo ay may pribilehiyong masaliksik ang karunungan ng Diyos.

  • Sinabi ni Pangulong Young na ang karunungan ng Diyos “ay higit na kapaki-pakinabang sa inyo kaysa lahat ng ginto at pilak at iba pang mga kayamanan sa mundo.” Paano magiging “kaluguran” at “kaginhawaan” ang tunay na karunungan?

  • Saan tayo dapat pumunta upang magtamo ng “walang hanggang karunungan”? Paano tayo dapat maghanda upang matanggap ang walang hanggang karunungan? Paano natin “makikita ang kaibahan ng karunungan ng mga tao sa karunungan ng Diyos”?

Karl G. Maeser

Dibuho ni Karl G. Maeser, ang unang guro sa Akademiyang Brigham Young, na nang maglaon ay naging Pamantasang Brigham Young.

faculty of Brigham Young Academy

Ang mga guro sa Akademiyang Brigham Young, mga dakong 1885.