Kabanata 4
Pagkilala at Paggalang sa Panguluhang Diyos
Ang Panguluhang Diyos ay binubuo ng Diyos Ama, ng kanyang Anak na si Jesucristo, at ng Espiritu Santo. Itinuro ni Pangulong Brigham Young sa mga Banal sa mga Huling Araw na sambahin ang Diyos Ama at ialay ang mga panalangin sa Kanya sa pangalan ni Jesucristo. Itinuro pa niya na ang Diyos Ama ay minsang naging tao sa iba pang planeta na “napagtagumpayan ang mga kahirapang ating dinaraanan ngayon; nagkaroon siya ng karanasan, siya ay nagdusa at nagsaya, alam niya ang lahat ng alam natin tungkol sa paggawa, pagdurusa, buhay at kamatayan sa mortalidad na ito” (DBY, 22).
Ang mga Turo ni Brigham Young
Binalangkas at pinamamahalaan ng Diyos Ama ang hindi mabilang na mga daigdig, nilikha ang sangkatauhan, at isang katauhang maaaring makilala at sambahin.
Naniniwala kami sa isang Diyos, sa isang Tagapamagitan at isang Espiritu Santo [tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:1]. Hindi kami makapaniniwala sa isang saglit na ang Diyos ay walang katawan, mga bahagi ng katawan, damdamin, o katangian. Ang mga katangian ay maipakikita lamang sa pamamagitan ng isang buong katauhan. Lahat ng katangian ay napapaloob at bunga ng maayos na pamumuhay (DBY, 23).
Pinaniniwala tayo ng ilan na ang Diyos ay nasa lahat ng dako. Hindi ito totoo. Ang kanyang katauhan ay hindi nasa lahat ng dako ni ang Ama at ang Anak ay iisang katauhan (DBY, 23–24).
Ipinapalagay na ang Diyos ay nasa lahat ng dako sa iisang sandali at sinabi ng Mang-aawit, “Saan ako tatakas na mula sa iyong harapan?” [Mga Awit 139:7]. Naroroon siya sa lahat ng kanyang nilikha sa pamamagitan ng kanyang impluwensiya, sa pamamagitan ng kanyang pamamahala, espiritu, at kapangyarihan, subalit siya mismo ay isang katauhang may katawan, at tayo ay nilikha ayon sa kanyang sariling anyo (DBY, 24).
Naniniwala o inaakala ng ilan na mababawasan ang ating pagtingin sa Diyos kung atin siyang makikilala; subalit para sa akin masasabi ko na ang maunawaan ko ang anumang alituntunin o katauhan, sa lupa o sa langit, ay hindi nakababawas sa tunay na halaga nito para sa akin, bagkus sa kabaligtaran pa, ito ay nadaragdagan; kapag higit na marami akong nalalaman tungkol sa Diyos, higit na napapamahal at nagiging mahalaga siya sa akin, at higit na nagiging mataas ang aking pagtingin sa kanya (DBY, 18).
Hayaan ang lahat ng tao ay maging kaibigan ng Diyos [tingnan sa Santiago 2:23] (DBY, 18).
Ang dakilang arkitekto, patnugot at tagapangasiwa, tagasupil at ganap na tagapamahala na gumagabay sa gawaing ito ay hindi nakikita ng ating likas na mata. Naninirahan siya sa ibang daigdig; nabubuhay siya sa ibang kalagayan; napagtagumpayan ang mga kahirapang ating dinaranas sa ngayon; nagkaroon siya ng karanasan, siya ay nagdusa at nagsaya, alam niya ang lahat ng alam natin tungkol sa paggawa, pagdurusa, buhay at kamatayan sa mortalidad na ito; dahil napagdaanan niya ang lahat ng ito, at natanggap na niya ang kanyang korona at kadakilaan at hinahawakan ang mga susi at kapangyarihan ng Kahariang ito; naghahari siya, at ginagawa ang kanyang kalooban sa mga anak ng tao, sa mga Banal at sa makasalanan, at naghahatid ng mga bunga na aangkop sa kanyang layunin sa mga kaharian, bansa at emperyo, nang ang lahat ay mauwi sa kanyang kaluwalhatian at kaganapan ng kanyang mga gawain (DBY, 22).
Namumuno siya sa hindi mabilang na mga daigdig na tumatanglaw sa maliit na planetang ito, at sa milyun-milyong daigdig na hindi natin nakikita, gayunman kinakalinga niya ang pinakamaliit na bagay na kanyang nilikha; ni isa man sa kanila ay hindi niya nakakaligtaang mapansin; at wala ni isa man sa kanila ang hindi niya nilikha sa pamamagitan ng kanyang karunungan at kapangyarihan (DBY, 20).
Anak ng ating Ama sa Langit ang lahat ng espiritu noon, o ang mga darating pa, sa mundong ito [tingnan sa Mga Hebreo 12:9]; at isinilang sila bilang espiritu sa walang hanggang daigdig. Pagkatapos ay binuo ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan at karunungan ang mortal na katawan ng tao. Una ay espirituwal tayong ginawa, pagkatapos ay temporal (DBY, 24).
Nasusulat na alam ng Diyos ang lahat ng bagay at nasa kanya ang lahat ng kapangyarihan [tingnan sa 1 Nephi 9:6] (DBY, 20).
Siya ang Ganap na Tagasupil ng sandaigdigan. At sa kanyang pagsaway ay natutuyo ang dagat, at nagiging ilang ang mga ilog. Tumatakal siya ng tubig sa palad ng kanyang mga kamay, at sumusukat sa langit ng dangkal, at nagsisilid ng alabok ng lupa sa isang takal, at tumitimbang ng mga bundok sa mga panimbang, at ang mga burol sa timbangan; para sa kanya ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba, kanyang itinataas ang mga pulo na parang napakaliit na bagay, at ang mga buhok ng ating ulo ay pawang bilang niya, at kahit isa sa mga maya ay hindi mahuhulog sa lupa kung hindi ipinahihintulot ng Ama; at nalalaman niya ang lahat ng saloobin at layunin ng mga puso ng lahat ng may buhay, sapagkat siya ay naroroon sa lahat ng dako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang Espiritu— kanyang ministro, ang Espiritu Santo. Siya ang Ama ng lahat, nangingibabaw sa lahat, sumasa lahat, at nasa lahat [tingnan sa Mga Taga Efeso 4:6]; alam niya ang lahat ng bagay tungkol sa mundong ito, alam niya ang lahat ng bagay tungkol sa milyun-milyong mundong tulad nito (DBY, 19).
Binigyan niya ng anyo, galaw at buhay ang mga bagay sa daigdig; ginawa niya ang malalaki at maliliit na nagniningning sa kalangitan sa itaas; nagtakda sa kanila ng mga sandali at kanilang mga panahon, at minarkahan ang kanilang saklaw. Pinapangyari niyang managana sa buhay ang hangin at ang mga tubig, at nilatagan ang mga burol at kapatagan ng mga gumagapang na bagay, at ginawang tagapamahala ang tao sa kanyang mga nilalang (DBY, 18).
Ang Diyos ang pinagmumulan, ang bukal ng lahat ng katalinuhan, maging sinuman ang may taglay nito, maging ang tao man sa lupa, mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu, mga anghel na nananahanan sa mga kawalang-hanggan ng Diyos, o ang mga pinakamababang katalinuhan sa kalipunan ng mga diyablo sa impiyerno. Nanggaling ang bawat katalinuhan, liwanag, kapangyarihan, at buhay ng lahat mula sa Diyos— mula sa gayon ding pinagmulan ng tinanggap natin. Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa Diyos [tingnan sa Santiago 1:17]. Lahat ng pagtuklas sa siyensiya at sining, na tunay at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan ay ibinigay sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag mula sa Diyos, bagamat iilan lamang ang kumikilala dito. Ito ay ibinigay na ang layon ay ihanda ang daan para sa ganap na tagumpay ng katotohanan, at ang pagtubos ng mundo mula sa kapangyarihan ng kasamaan at ni Satanas (DBY, 18).
Marami ang nagtangkang tumuklas sa Unang Lumikha ng lahat ng bagay; subalit magiging kasindali ito na mabilang ng isang langgam ang bawat butil ng buhangin sa mundo. Hindi ito para sa tao, sa kanyang limitadong katalinuhan, na maunawaan ang kawalang-hanggan … Magiging kasindali ito na matunton ng isang niknik ang kasaysayan ng tao sa kanyang pinagmulan tulad ng matarok ng tao ang Unang Lumikha ng lahat ng bagay, mahawi ang tabing ng kawalang-hanggan, at mahayag ang mga hiwaga na hinahanap ng mga pilosopo mula pa sa simula. Ano ngayon, ang dapat na maging tungkulin at gawain ng mga anak ng tao? Sa halip na magtanong tungkol sa pinagmulan ng mga Diyos—sa halip na tangkaing tarukin ang kalaliman ng mga kawalang-hanggang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap, sa halip na magsikap na tuklasin ang mga hangganan ng walang hanggang kalawakan, hayaang maghangad silang malaman ang layunin ng kanilang kasalukuyang buhay, at kung paano magagamit, sa paraan lubos na kapaki-pakinabang para sa kanilang kabutihan at kaligtasan, ang kanilang angking katalinuhan. Hayaang hangarin nilang malaman at ganap na maunawaan ang mga bagay na abot ng kanilang kakayahan, at mabatid na mabuti ang layunin ng kanilang buhay rito, sa pamamagitan ng masigasig na paghahangad ng kaalaman mula sa pinakamakapangyarihan at sa pamamagitan ng masusing pag-aaral ng mga pinakamabuting aklat (DBY, 25).
Si Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, ay nagbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng nagsisisi.
Naniniwala ang mga Banal sa mga Huling Araw kay Jesucristo, ang bugtong na Anak ng Ama [sa laman], na pumarito sa kalagitnaan ng panahon, gumanap sa kanyang gawain, nagdusa ng kaparusahan at binayaran ang orihinal na kasalanan ng tao sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili, nabuhay na mag-uli mula sa mga patay, at umakyat sa kanyang Ama; at tulad ng pagpapakababa ni Jesus sa lahat ng bagay, aakyat siya at mangingibabaw sa lahat ng bagay. Naniniwala kami na darating muli si Jesucristo, tulad ng nasusulat tungkol sa kanya: “At samantalang tinititigan nila ang langit habang siya’y lumalayo, narito may dalawang lalaking nakatayo sa tabi nila na may puting damit; na nagsasabi naman, Kayong mga lalaking taga Galilea, bakit kayo’y nangakatayong tumitingin sa langit? itong si Jesus, na tinanggap sa langit mula sa inyo, ay paparitong gaya rin ng inyong nakitang pagparoon niya sa langit [Ang Mga Gawa 1:10–11]” DBY, 26).
Ang ating pananampalataya ay nakatuon sa Anak ng Diyos, at sa pamamagitan niya ay nakatuon din ito sa Ama (DBY, 26).
Ang mga Banal sa mga Huling Araw at ang iba pang may karapatan sa kaligtasan, at lahat maliban sa mga nagkasala laban sa Espiritu Santo, ay maaaring makaalam na si Jesus ang Cristo sa paraang katulad ng kung paano ito nalaman ni Pedro [tingnan sa Mateo 16:13–19]. Hindi idinudulot ng mga himala ang kaalamang ito sa sangkatauhan, bagamat maaaring magbigay ng karagdagang patunay ito na magpapalakas sa naniniwala. Batid ng mga Judio ang mga himala ni Jesus, ngunit hinayaan nilang patayin siya bilang isang manlilinlang ng sangkatauhan at sinapian ng diyablo (DBY, 28).
Nangako si Jesus na itatatag niya ang Kaharian ng Diyos sa mundo. Ibinigay niya ang mga batas at ordenansa ng Kaharian (DBY, 29).
Wala siyang ginawa na sarili lamang niyang kagustuhan. Gumawa siya ng mga himala at nagsagawa ng magandang gawain sa mundo; ngunit hindi siya gumawa sa kanyang sarili. Sinabi niya, “Tulad ng nakita kong ginawa ng Ama, ito’y aking gagawin” [tingnan sa Juan 5:19]. “Hindi ko pinaghahanap ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin” [tingnan sa Juan 5:30]. Kaya’t maipapasiya natin na ang Anak ng Diyos ay hindi nagmungkahi, nag-utos, kumilos, o nagpakita ng kanyang kapangyarihan, ng kanyang kaluwalhatian, o ng kanyang sadya dito sa mundo, maliban na ito ay mula sa isip at kalooban ng kanyang Ama (DBY, 26).
“Ako at ang Ama ay iisa,” [Juan 10:30] ang sabi ni Jesus; ano, isang katawan? Hindi. … Hindi sila iisang tao tulad din ng ako at ang anak ko ay hindi iisa. Kung tinatanggap ng anak ko ang aking turo, lalakad sa daang aking ipinakita para sa kanya, kung ang kanyang pananampalataya ay katulad ng sa akin, ang kanyang layunin ay gayon din, at ginagawa niya ang gawain ng kanyang ama tulad din ng paggawa ni Jesus sa gawain ng kanyang Ama, kung gayon ako at ang aking anak ay iisa sa diwa ng banal na kasulatan (DBY, 28).
Ipinahayag ng Panginoon sa atin ang isang plano na makapagliligtas sa atin dito at sa kabilang buhay. Ginawa ng Diyos ang lahat ng mahihiling natin, at higit pa sa mahihiling natin. Ang sadya ni Jesus sa lupa ay dalhin ang kanyang mga kapatid na lalaki at babae pabalik sa piling ng Ama; ginawa niya ang kanyang bahagi; at nasa atin na lamang kung gagawin natin ang ating gawain. Wala ni isang bagay na nakalimutang gawin ang Panginoon para sa kaligtasan ng sangkatauhan; at nasa mga anak ng tao na lamang kung tatanggapin ang katotohanan o tatanggihan ito; lahat ng magagawa para sa kanilang kaligtasan, hindi kabilang ang kanilang sarili, ay ginawa na at sa pamamagitan ng Tagapagligtas. … Siya ngayon ay Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon, at darating ang panahon na ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat [tingnan sa Mosias 27:31], sa kaluwalhatian ng Diyos Ama, na si Jesus ang Cristo [tingnan sa Mga Taga Filipos 2:10–11]. Ang mismong taong itinuring, hindi bilang Tagapagligtas, kundi bilang taong itinakwil, na ipinako sa krus sa gitna ng dalawang magnanakaw at pinakitunguhan nang may paghamak at panunuya, ay sasalubungin ng lahat ng tao bilang ang tanging Katauhan na mapagmumulan ng kanilang kaligtasan (DBY, 27).
Ang Espiritu Santo ay personaheng espiritu na sumasaksi sa katotohanan.
Ang Espiritu Santo, naniniwala tayo, ay isa sa mga personaheng bumubuo … sa Panguluhang Diyos. Hindi isang tao sa tatlo, ni tatlong tao sa isa; subalit ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay isa sa diwa, tulad ng puso ng tatlong tao na nagkakaisa sa lahat ng bagay. Isa siya sa tatlong personahe na ating pinaniniwalaan, na ang katungkulan ay maglingkod sa sangkatauhang nagmamahal sa katotohanan. Sinabi ko na sila ay iisa, tulad ng kung paano ang puso ng tatlong tao ay maaaring maging iisa. Upang ako ay inyong maintindihan, sasabihin kong hindi ko nais na maunawaan ninyo na ang Espiritu Santo ay isang personahe na may katawan, tulad ng Ama at ng Anak; kundi siya ay sugo ng Diyos na nagpapalaganap ng kanyang impluwensiya sa lahat ng gawain ng Pinakamakapangyarihan (DBY, 30).
Ang Espiritu Santo ay ang ministro [ng Ama at ng Anak] na nagpapaalaala ng mga katotohanan sa atin, nagpapahayag ng bagong katotohanan sa atin, at nagtuturo, gumagabay, at umaakay sa daloy ng isipan ng lahat, hanggang sa tayo ay maging ganap at handang umuwi, kung saan ay makikita at makakausap natin ang ating Ama sa Langit (DBY, 26).
Nasiyahan akong napatunayan ko sa aking sarili, ayon sa pinakamahusay na kaalaman na aking matitipon, na ang tao ay malilinlang sa pamamagitan ng paningin ng kanyang likas na mata, malilinlang siya sa pamamagitan ng pandinig ng kanyang tainga, at sa pamamagitan ng pakiramdam ng kanyang kamay; na siya ay malilinlang ng lahat ng tinatawag na likas na pandamdam. Subalit may isang bagay kung saan hindi siya malilinlang. Ano ito? Ito ay ang mga pagkilos ng Espiritu Santo, ang Espiritu at kapangyarihan ng Diyos sa tao. Itinuturo nito sa kanya ang mga bagay na mula sa langit, inaakay siya nito sa daan ng buhay, ibinibigay nito sa kanya ang susi na susubok sa mga pakana ng tao, at nagmumungkahi ng mga bagay na sa Diyos. Hindi lamang ang mga Banal na naririto, at ang mga natitipon sa Sion, kundi ang mga nasa lahat ng bansa, lupalop, o isla na namumuhay ng relihiyong itinuro ng Tagapagligtas at ng kanyang mga Apostol, at gayon din ni Joseph Smith; sila ay nagbibigay rin ng gayong patotoo, ang kanilang mga mata ay binigyang ningning ng Espiritu ng Diyos, at iisa ang kanilang pananaw, ang kanilang puso ay pinasigla, at iisa ang kanilang damdamin at pang-unawa, at walang pagtatalu-talo sa kanila tungkol sa mga doktrina ng Tagapagligtas (DBY, 31).
Kung walang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang isang tao ay maaaring mapunta sa kanan o sa kaliwa mula sa matuwid na landas ng [kanyang] tungkulin; maaari silang makagawa ng mga bagay na kanilang pagsisisihan; maaari silang makagawa ng mga pagkakamali; at kapag tinatangka nilang gawin ang pinakamabuti nilang makakaya, masdan na ginagawa nila ang ayaw nila (DBY, 31).
Nais kong makita ang kalalakihan at kababaihan na ginagawa ang Espiritu Santo na isang mahalagang bahagi ng kanilang buhay, tuwinang namumuhay ayon sa kalooban ng Diyos (DBY, 31).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Binalangkas at pinamamahalaan ng Diyos Ama ang hindi mabilang na mga daigdig, nilikha ang sangkatauhan, at isang katauhang maaaring makilala at sambahin.
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Young tungkol sa kahalagahan ng pagkakilala sa Diyos Ama? (Tingnan din sa Juan 17:3.) Paano naaapektuhan ng ating pagkakilala sa isang tao ang ating relasyon sa kanya? Ano ang mga bagay na nakatulong sa inyo na makilala ang Diyos Ama?
-
Paanong ang impluwensiya ng Diyos ay “maipapalagay na nasa lahat ng dako sa iisang sandali”? Ano ang ilang halimbawa ng pagkalinga ng Ama sa Langit maging sa “pinakamaliit na bagay na kanyang nilikha”?
-
Ang doktrina na ang Diyos ay minsang naging tao at siya ay umunlad upang maging Diyos ay doktrina lamang ng Simbahang ito. Ano ang nararamdaman ninyo, sa pagkaalam na ang Diyos, sa pamamagitan ng kanyang sariling karanasan ay, “alam niya ang lahat ng alam natin tungkol sa paggawa [at] pagdurusa” sa mortalidad?
-
Itinuro ni Pangulong Young na ang lahat ng kabutihan at tunay na pagtuklas sa siyensiya at sining ay “ibinigay sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag mula sa Diyos.” Paano nakatulong sa pagpapasulong sa mga gawain ng Diyos ang inspiradong pagsulong sa mga larangang ito?
-
Ano ang sinasabi ni Pangulong Young na “[ang] tungkulin at gawain ng mga anak ng tao”? Paano natin higit na mauunawaan ang mga bagay na abot ng ating kakayahan at paano natin mabatid ang ating layunin sa mundo? Saan natin dapat hanapin ang ganitong pang-unawa?
Si Jesucristo, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman, ay nagbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng nagsisisi.
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Young tungkol kay Jesucristo at sa kanyang misyon sa mundo?
-
Ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Sa anong mga paraan nakapagpapabago sa ating buhay ang pagkakaroon ng pananampalataya sa Anak ng Diyos? (Tingnan din sa Jacob 4:10–11 at Moroni 7:41–42.)
-
Itinuro ni Pangulong Young na maaaring malaman ng bawat Banal sa mga Huling Araw na si Jesus ang Cristo tulad ng pagkakaalam ni Apostol Pedro (tingnan din sa Mateo 16:13–19). Paano malalaman ng isang tao na si Jesus ang Cristo? Bakit hindi sapat na maibibigay ng mga himala sa isang tao ang sapat na kaalaman na si Jesus ang Cristo? Bakit napakahalaga ng kaalamang ito sa ating kaligtasan?
-
Kaninong utos ang sinunod ni Jesus nang siya ay maglingkod sa mga naninirahan sa mundo? Ano ang matutuhan at maipamumuhay natin mula sa halimbawa ni Jesus? Paano natin malalaman at matatanggap ang mga ipinag-uutos sa atin mula sa Panginoon ?
-
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Young na isang araw, “ang bawat tuhod ay luluhod at ang bawat dila ay magtatapat” na si Jesus ang Cristo (Mosias 27:31; tingnan din sa Mga Taga Filipos 2:9–11). Ang mamuhay bilang isang tunay na disipulo ni Jesucristo ay higit na mahirap kaysa sa magsabi lamang na si Jesus ang Cristo. Ano ang makapagbibigay sa inyo ng lakas upang ipamuhay ang ebanghelyo bilang isang tapat na disipulo?
Ang Espiritu Santo ay personaheng espiritu na sumasaksi sa katotohanan.
-
Ano ang misyon ng Espiritu Santo? Paano siya gumagawa sa buhay ng mga anak ng Diyos?
-
Paano kaiba ang personahe ng Espiritu Santo mula sa personahe ng Diyos Ama at sa kanyang Anak na si Jesucristo? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 130:22.) Sa anong paraan “iisa” ang tatlong kasapi ng Panguluhang Diyos?
-
Paano naging tagapaglingkod ng Ama at ng Anak ang Espiritu Santo?
-
Ano ang mga naging karanasan ninyo na nagpapatotoo sa inyo sa kakayahan ng Espiritu Santo na maturuan at magabayan kayo?