Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 44: Ang Kaharian ng Diyos at ang Pagtitipon ng Israel


Kabanata 44

Ang Kaharian ng Diyos at ang Pagtitipon ng Israel

Noong ika-26 ng Hulyo 1847, mga ilang araw pagkatapos pumasok ang unang mga tagabunsod sa lambak ng Salt Lake, ang Pangulong Brigham Young at ang maliit na pangkat ng mga namumunong saserdote ay umakyat ng burol hilaga ng lugar na sa dakong huli ay magiging lungsod ng Salt Lake. Pinangalanan nila ang burol na Ensign Peak bilang pagalaala sa propesiya ni Isaias: “At siya’y magtataas ng watawat sa mga bansa mula sa malayo … at, narito sila’y darating na lubhang nagmamadali” (Isaias 5:26). Sa huli ay kinilala ni Pangulong Young ang burol na ito na kanyang nakita sa pangitain, ang lugar na kung saan uunlad ang mga Banal, kung saan maaaring maitayo ang kaharian ng Diyos at titipunin ang Israel sa huling araw. Nang mga sumunod na taon, inihatid ng mga misyonero ang ebanghelyo sa buong daigdig at nagpatuloy ang pagtitipon ng Israel sa daan-daang bansa. Sinabi ni Pangulong Young, “Ang pagtitipon ng Israel ay napakahalagang bahagi ng dakilang gawain na ating nilahukan kaya ito ay laging nasa ating mga kaisipan, at lagi nating masigasig na bigyan ito ng lahat ng karapat-dapat na pasilidad at impluwensiya” (BYL).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang tao ng Diyos ay naghahangad na itayo ang kaharian ng Diyos.

Ang mga taong nakaupo sa aking harapan ay ang mga tao ng Diyos, kaugnay ng mga libu-libong tao sa ibabaw ng mundo; . … Kung gaano kabilis ang ating kakayahan sa tamang pamamahagi ng mga alituntunin ng kapangyarihan, ng liwanag, ng kaalaman, ng karunungan, ng kayamanan, ng langit, at ng daigdig, ganoon din kabilis ang mga ito maibabahagi sa mga taong ito (DBY, 438).

Mula sa Simbahang ito uunlad ang kahariang nakita ni Daniel. Sadyang ito ang mga taong nakita ni Daniel na magpapatuloy na lumaki at lumaganap at umunlad [tingnan sa Daniel 2:44]; at kung hindi tayo matapat, kukunin ng iba ang ating mga kinalalagyan, sapagkat ito ang Simbahan at tao na magtataglay ng kaharian magpakailanman (DBY, 438).

Ang ating gawain ay ang isakatuparan ang Sion, at gawin ang kaharian ng Diyos sa kaganapan at kagandahan nito sa lupa (DBY, 443).

Ang kahariang ating pinag-uusapan, ipinangangaral at tinatangkang itaguyod ay ang Kaharian ng Diyos sa lupa, hindi sa mabituin na kalangitan, o sa ilalim ng araw. Tinatangka nating itatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa kung saan talaga at nararapat ang lahat tungkol sa sanlibutan—ang kanilang mga damdamin, ang kanilang pananampalataya, ang kanilang mga pagmamahal, ang kanilang mga pagnanasa, at bawat kilos sa kanilang mga buhay. … ang pagmamay-ari, nang sila ay mapamahalaan nito ng espirituwal at temporal (DBY, 339).

Kapag ang Kaharian ng Diyos ay lubos nang naisa-ayos at naitatag sa balat ng lupa, at makuha ang kadakilaan sa lahat ng iba pang mga bansa at mga kaharian, pangangalagaan nito ang mga tao sa mga tinatamasa nilang karapatan, kahit na ano ang kanilang pinaniniwalaan, ano ang kanilang ipinangangaral, o ano ang kanilang sinasamba (DBY, 440).

Napag-aralan ko ilang taon na ang nakaraan na ang Panginoon ang siyang nasa kapangyarihan na gumagabay sa barko ng Sion. … kung hindi natin gagawin ang kanyang ipinag-uutos nang naaayon sa kanyang itinagubilin, ang ating mga gawain ay mababale-wala. Ito ang aking karanasan noong una pa man. Sa bawat sangay at daan ng ating mga buhay kailangang matutunan nating gumawa ayon sa katotohanan. Dapat nating alamin kung ano ang nararapat na gagawin, at gawin ito. Kahit na walang kasiguruhang tagumpay sa lupa, maaari nating subukan; at kung susubukan natin nang buong kakayahan, ang kilos na iyon ay magpapatunay ng matatag at tiyak na pag-iisip, ginagayakan ng pagtitiis at pagtitiyaga. At kung, sa kabila ng ating matatag na mga pagsisikap, hindi pa rin natin matamo ang ating layunin, mas malamang na iaabot ng Diyos ang kanyang kamay at ibibigay ang tagumpay (DBY, 441).

Kung ang mga taong ito ay mamumuhay nang naaayon sa mga alituntuning kanilang tinanggap, magkakaroon sila ng kakayahang magbigay-payo sa mga bansa; sapagkat tayo ay nakatayo sa patas na pundasyon, at ang ating mga alituntunin ay katotohanan, pagiging-matwid, at kabanalan. Ating pangatawanan ang mga alituntuning iyon hanggang sa kanilang wasakin ang mga katotohanan, … at tayo ay maging mga guro ng karunungan sa mga bansa (DBY, 444).

Ano ang magiging ganap na resulta ng pagbabalik ng Ebanghelyo, at ang kapalaran ng mga Banal sa Huling mga Araw? Kung sila ay tapat sa Pagkasaserdote na ibinigay sa atin ng Diyos, babaguhin ng Ebanghelyo ang buong daigidig ng sanlibutan; ang daigdig ay gawing banal at dadalisayin ito ng Diyos, at manirahan dito ang mga Banal sa piling ng Ama at ng Anak (DBY, 438).

Kasama sa gawain ng kaharian ng Diyos ang pagtitipon ng sambahayan ni Israel.

Mayroon tayong layunin, at ito ay ang makakuha ng impluwensiya sa mga nanirahan sa lupa para sa layunin ng pagtatag ng Kaharian ng Diyos sa kanyang pagkamatwid, kapangyarihan at kaluwalhatian, at dakilain ang pangalan ng Diyos, at pahintulutan ang pangalang iyon na ating ikabubuhay na sambahin saan man, nang siya ay maparangalan, nang ang kanyang gawain ay maparangalan, siya ring ating karangalan, at kumilos tayo nang karapat-dapat sa pag-uugali ng kanyang mga anak (DBY, 438–39).

Ating itayo ang … Sion, tipunin ang Sambahayan ni Israel, at sagipin ang mga bansa ng daigdig [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 115]. Ang mga taong ito ay gagawin ang gawaing ito, mabuhay man tayong makikita ito o hindi. Ang lahat ng ito ay nasa ating mga kamay (DBY, 437).

Tungkulin nating tiyakin na ang Ebanghelyo ay naipangaral sa Sambahayan ni Israel (DBY, 437).

Atin ngayong [1863] tinitipon ang mga anak ni Abraham na nagmula sa lipi ni Joseph at kanyang mga anak na lalaki, lalung-lalo na kay Ephraim, na ang mga anak ay nakahalo sa gitna ng lahat ng mga bansa sa lupa (DBY, 437).

Sino ang mga taga-Israel? Sila ang mga mag-anak ni Abraham, ang mga tumanggap ng pangako sa pamagitan ng kanilang mga ninuno [tingnan sa Genesis 22:17–18]; at lahat ng iba pang mga anak ng tao, na nakatanggap ng katotohanan, ay Israelita rin. Ang aking puso ay nangangamba sa kanila, kailanman ako magtungo sa trono ng biyaya (DBY, 437).

Itinaboy ang mga taga-Israel sa gitna ng mga bayan ng mundo; ang dugo ni Ephraim ay inihalo sa dugo ng lahat ng mundo. Ang mag-anak ni Abraham ay isinama sa mga mapaghimagsik na mag-anak sa buong mundo ng sanlibutan (DBY, 437).

Ang mga taong-pulo [ng Pacipico] at ang mga katutubo ng [Amerika] ay mga kasama sa Sambahayan ni Israel—na mag-anak ni Abraham, at sa kanila nakatukoy ang pangako; at bawat kaluluwa nila, hindi maglalaon, ay masasagip sa Kaharian ng Diyos, o wawasakin ang lahi at inapo (DBY, 437).

“Upang maangkin at mapanatili ang espiritu ng Ebanghelyo, matipon ang Israel, matubos ang Sion, at maligtas ang daigdig na siyang pinagkukunang dapat bigyan ng pansin, at siyang umiiral na pagnanasa sa mga puso ng Unang Panguluhan, ng mga Elder ng Israel, at ng bawat pinuno sa Simbahan at Kaharian ng Diyos” (DBY, 137).

Ang Kaharian ng Diyos ay hindi mawawasak

Sinimulan ng Diyos na ayusin ang kanyang kaharian sa lupa, at lahat ng impiyerno at ang mga diyablo nito ay gumagalaw laban dito. Ang impiyerno ay nagbubukas ng kanyang mga pinto at ipinadadala ang mga diyablo rito at ang kanilang mga pilyong kabataan. Para ano? Upang wasakin ang Kaharian ng Diyos dito sa lupa. Ngunit hindi nila magagawa ito (DBY, 442).

Kung mayroon mang mga puso o espiritu sa siyudad na ito, o kahit saan, na natatakot na mag-isip kung tayo ay mawawasak o hindi, o ang Simbahan bang ito ay magtitiis at magiging malakas na kapangyarihan sa lupa, ayon sa mga hula ng tagapaglingkod ng Diyos, sasabihin ko sa mga nangatatakot na kaluluwang ito, wala kayong dapat ikatakot. Isa lamang ang dapat ninyong ikatakot, at ito ay tungkol sa inyong sarili, kung inyong iiwan ang liwanag na ibinahagi sa inyo ng Panginoon at maglagalag sa kadiliman, bumabalik sa mga hamak na elemento ng daigdig, nagnanasa muli sa mga bagay ng daigdig sa kanilang makasalanang estado (DBY, 442).

Kapag may kapangyarihan ang masama na patigilin ang pagsikat ng araw, na ito ay hindi na liliwanag; kapag may kapangyarihan silang dalhin ang operasyon ng mga elemento sa katapusan, itigil ang buong sistema ng kalikasan, at gawing tuntungan ang trono ng Pinakamakapangyarihan, maaari na nilang isipin na tingnan ang “Mormonismo” sa patutunguhan nito, at pigilin ang hindi mababagong layunin ng langit [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:33]. Maaaring usigin ng tao ang mga naniniwala sa mga doktrina nito, mag-ulat at magsulat ng kasinungalingan upang magdulot ng malaking kahirapan sa kanila, ang lupa at impiyerno ay maaaring magsama sa isang malaking pagsasama laban dito, at ibuhos nang sukdulan ang kanilang masamang kapangyarihan, ngunit ito ay mananatiling matatag at hindi natitinag sa gitna ng lahat katulad ng mga poste ng walang hanggan. Maaaring usigin ng tao ang Propeta, at ang mga naniniwala at nagpapahalaga sa Kanya, maaari nilang itaboy at patayin ang mga Banal, ngunit hindi ito makapipinsala sa mga katotohanan ng “Mormonismo” kahit na bahagya, sapagkat ito ay magpapatuloy kapag ang mga elemento ay matunaw sa matinding init, at ang kalangitan ay mabalot na katulad ng balumbon ng papel at ang buong lupa ay matunaw [tingnan sa Isaias 34:4; Doktrina at mga Tipan 88:95] (DBY, 442–43).

Sa kaawa-awang sanggol na nasa dibdib ng kanyang ina, nakikita natin ang isang Apostol, isang Banal—oo, mga henerasyon ng mga tao na may mga kaharian, at mga kapangyarihan. At pagkatapos ang buhay ng maliit at mahinang mortal ay pinuno ng mga dakila at makapangyarihang resulta, at ang halaga nito ay hindi mabibilang. Kung ito ay totoo sa sanggol, ano ang aasahan nating yumabong mula sa batang kahariang ito? Maaari nating asahan ang lahat ng bagay na kaakibat ng kadakilaan at kabutihan, sa lakas at kapangyarihan, sa dominyo at kaluwalhatian. Kung gayon ay dapat nating bantayang mabuti ang mga karapatan nitong batang kaharian? Dapat tayong maging masikap at matapa sa pangangalaga sa kapakanan nito at itaguyod ang mga batas at sagradong simula nito!(DBY, 439).

Ang aking puso ay napanatag. Nakita ko ang tao ng Diyos, na sila ay pinaghanap, pinalayas, itinaboy mula sa harapan ng mga tao. Ang kapangyarihan ng lupa at impiyerno ay nagsikap na wasakin ang kahariang ito mula sa lupa. Nagtagumpay ang masasama sa paggawa nito sa mga nakaraang mga panahon; ngunit ang kahariang ito ay hindi nila mawawasak (DBY, 442).

“Ang Kaharian ng Diyos at wala nang iba”

Ang Kaharian ng Diyos ang tunay na mahalaga sa lahat [tingnan sa Mateo 6:33]. Ang lahat ng iba pa ay hindi mahalagang maangkin, dito man o sa kabilang buhay. Kung wala ito, ang lahat ay parang tuyong puno na nakahandang sunugin—ang lahat ay natupok at ang mga abo ay tinangay sa apat na hangin (DBY, 444).

Sa akin ay ang Kaharian ng Diyos at wala nang iba. Kung wala ito hindi ako magbibigay ng karampot para sa pinagsamang kayamanan, kaluwalhatian, katanyagan at kapangyarihan ng buong daigdig; sapagkat katulad ng hamog sa damo, ito ay naglalaho at nakakalimutan, at katulad ng bulaklak ng damo ito ay nalalanta, ngunit hindi ang kaharian ng Diyos. Pinagpapantay ng kamatayan ang pinakamakapangyarihang hari at ang pinakamahirap at nagugutom na pulubi, kapwa ay kinakailangang tumayo sa upuang-luklukan ni Cristo upang managot para sa ginawa nila sa laman [tingnan sa Apocalipsis [Mga Paghahayag] 20:12] (DBY, 444–45).

Sa atin, ito ang Kaharian ng Diyos, o wala; at ating pananatilihin ito, o mamatay na nagsusubok—kahit na hindi tayo mamamatay sa pagsubok. Nakagiginhawa sa marami na masiguro na tayo ay hindi mamamatay sa pagsusubok. Ating pananatilihin ang Kaharian ng Diyos, ng nabubuhay; at kung hindi natin pananatilihin ito, matatagpuan tayong namamatay hindi lamang ng temporal, kung hindi walang hanggang kamatayan. Kung gayon ay kumilos upang mabuhay (DBY, 445).

Kung magbibigay ka ng kahit ano para sa pagtataguyod ng Kaharian ng Diyos, ibigay ang pinakamahusay ninyo. Ano ang pinakamahusay na bagay na inyong maiaalay sa Kaharian ng Diyos? Iyon ang mga talento na ibinigay sa inyo ng Diyos. Ilan? Bawat isa sa mga ito. Anong gandang talento! Anong gandang alay!. … Ating ialay ang bawat kakayahang ating taglay sa ikatataguyod ng kaharian ng Diyos, at magagawa mo ang lahat ng ito (DBY, 445).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang tao ng Diyos ay naghahangad na itayo ang kaharian ng Diyos

  • Ano ang pakiramdam ninyo, bilang kasapi ng Simbahan na alam mo na ikaw ay bahagi ng pagsisikap na itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa? Ano ang mga tungkulin na kinakailangan dito? Anong mga biyaya ang darating kapag ganap nang naitaguyod ang kaharian ng Diyos sa lupa?

  • Paano mo masisiguro na ang ating mga kilos ay tamang-tama na itinakdang guhit ng Panginoon? Ano ang mangyayari kapag ginawa natin ito?

  • Paano magiging mga guro ng karunungan sa mga bansa ang mga kasapi ng Simbahan ng nag-iisa o ng pangkalahatan?

  • Ano ang “tadhana ng mga Banal sa Huling Araw” kung tayo ay mga tapat?

Kasama sa gawain ng kaharian ng Diyos ang pagtitipon ng sambayanan ng Israel

  • Paano tayo “kikilos nang karapat-dapat” sa ating kinalalagyan bilang mga anak ng Diyos? Paano makapagbibigay ng karangalan at pagpipitagan sa Diyos ang kanyang mga gawain sa ang ating mga kilos?

  • Sino ang kasapi sa sambayanan ni Israel? Paano ka lalahok sa pagtitipon ng sambayanan ni Israel?

Ang kaharian ng Diyos ay hindi mawawasak

  • Anong katunayan ang nakita mo na si Satanas at ang kanyang mga alagad ay tunay na nagsusubuk na wasakin ang kaharian ng Diyos ngayon? Paano natin palalakasin ang ating mga mag-anak sa pagpigil sa kanilang mga pagsisikap? Paano makatulong ang kaalamang hindi maaaring wasakin ang kaharian ng Diyos na mabigyan tayo ng lakas na paglabanan ang mga tukso at pagtiisan ang mga pagsubok?

  • Ayon sa Pangulong Young, ano ang isang kinatatakutan na dapat nating ikabahala bilang kasapi ng Simbahan? Ano ang magagawa natin upang masiguro na ang kinatakutang ito ay hindi lilipas? Paano makatutulong ang inyong pananampalataya sa Diyos at ang inyong pag-aaral ng ebanghelyo upang alisin ang iba pang kinatatakutan?

“Ang Kaharian ng Diyos at wala nang iba”

  • Bakit sa palagay mo sinabi ni Pangulong Young na tanging ang kaharian ng Diyos ang mahalagang makamtan? Ano ang ibig sabihin sa inyo ng “kaharian ng Diyos at wala nang iba”?

  • Anong mga talento o mga alay ang nakahanda mong italaga sa pagtataguyod ng kaharian ng Diyos?

Salt Lake Temple in 1892

Larawan ng Templo sa Salt Lake noong 1892. Ang templong ito ang tumatayo bilang sagisag sa pananampalataya at pangako ng naunang mga Banal.