Kabanata 1
Ang Paglilingkod ni Brigham Young
Si Brigham Young ang pangalawang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mananakop at tagapagtatag ng isang kahanga-hangang komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Kanlurang Amerika, at isang mapagmahal na asawa at ama. Isa siyang matapat na disipulo at Apostol ng Panginoong Jesucristo. “Si Jesus ang aming kapitan at pinuno,” pagpapatotoo niya. (DNW, ika-24 24 ng Mayo 1871, 5). “Ang aking pananampalataya ay nakasalalay sa Panginoong Jesucristo, at ang aking kaalaman ay tinanggap ko mula sa kanya,” ang pahayag niya (DNW, ika-21 ng Nob. 1855, 2). Nakasentro ang buhay niya sa pagtatatag at pagtataguyod ng kaharian ng Panginoong Jesucristo sa mundo.
Mga Karanasan mula sa Buhay ni Brigham Young
Pagkatuto sa pamamagitan ng masigasig na paggawa.
Isinilang si Brigham Young sa Vermont noong 1801, ang ikasiyam sa 11 anak nina John at Abigail Howe Young. Nagbinata siya sa makapal na kakahuyang lupain ng sentrong estado ng New York, kung saan ang tahanan ng kanyang mag-anak at ang nakapaligid na mga lupain ang kanyang naging silid-aralan (tingnan sa DNW, ika-22 ng Abr. 1854, 4). Mahirap ang kanyang mga magulang. Sinabi niya kinalaunan na, “Hindi kami nagkaroon ng pagkakataong makapasok sa paaralan noong aming kabataan, subalit nagkaroon kami ng pribilehiyong gumamit ng brutsa, pumutol ng mga puno, magpagulong ng mga troso, at magbungkal ng lupa, at magalusan ang aming mga binti, paa, at daliri sa paa” (DNW, ika-12 ng Ago. 1857, 4). Ang batang si Brigham ay gumawa nang masigasig upang makatulong sa paghawan ng mga lupain, pagtatanim dito, at pagtulong sa gawaing bahay. Kailanman ay hindi niya nalimutan ang mahigpit na turo ng kanyang ama tungkol sa moralidad o kung paano ang kanyang ina ay “nagturo sa kanyang mga anak na igalang sa lahat ng oras ang pangalan ng Ama at ng Anak, at pagpitaganan ang [Biblia]; sinabi ng kanyang ina, Basahin ito, sundin ang mga turo nito, ipamuhay ang mga ito hangga’t kaya ninyo; gawin ang lahat ng mabuti; huwag gumawa ng masama; at kung makakikita kayo ng sinumang naghihirap, tulungan sila sa kanilang mga pangangailangan” (MSS, 1853, 55). Namatay ang ina ni Brigham noong siya ay 14 na taong gulang.
Noong 16 na taong gulang si Brigham, siya ay naging aprentis na karpintero, tagasugpong, tagapinta, at tagaputol at tagakabit ng salamin sa bintana. Ipinagmalaki niya ang kanyang hanapbuhay at sinabi niyang kanyang itinuturing ang “tapat, maaasahang gawain, gawaing tumatagal, para sa mga pinagtatrabahuhan ko” na “bahagi ng aking relihiyon” (Brigham Young kay George Hickox, ika-19 ng Peb. 1876, BYP).
Sa gulang na 23 ay pinakasalan niya si Miriam Angeline Works. Isinilang ang dalawang anak na babae sa mag-asawa. Itinaguyod ni Brigham ang kanyang mag-anak sa pamamagitan ng paggawa at pagkumpuni ng mga upuan, mesa, kabinet at pagkabit ng mga bintana, pinto, hagdan, at fireplace. Sa sakahan ng kanyang ama sa Mendon, New York, nagtayo siya ng tahanan at pagawaan ng mga kagamitang yari sa kahoy sa tabi ng maliit na sapa, gamit ang isang waterwheel na nagpapaandar ng makinarya niya sa molino.
Nang magkasakit si Miriam ng tuberkulosis, binalikat ni Brigham ang halos lahat ng gawain ni Miriam bilang karagdagan sa kanyang sariling gawain. Habang lumalala ang pagkakaratay sa higaan ng kanyang asawa, palagian na siyang nagluluto ng almusal para sa mag-anak, binibihisan ang kanyang mga anak na babae, naglilinis ng bahay, at “binubuhat ang kanyang asawa sa tumba-tumba na malapit sa fireplace at iiwan niya roon hanggang sa makabalik siya sa gabi,” na kung kailan siya ay magluluto ng hapunan, patutulugin ang kanyang mag-anak, at tatapusin ang mga gawaing bahay (LSBY, 5). Ang kanyang mga karanasan noong kanyang kabataan at maagang pag-aasawa sa pag-aalaga ng mga anak at pamamahala sa tahanan ang nagturo sa kanya ng malaki tungkol sa pagtutulungan sa mag-anak at gawaing bahay. Pagkaraan ng mga taon, pinayuhan niya ang mga Banal sa mga paksang ito at pabirong nagyabang na mahihigitan niya ang karamihan sa mga kababaihan sa komunidad sa gawaing bahay” (DNW, ika-12 ng Ago. 1857, 4).
Pagkakaroon ng patotoo ng Espiritu.
Sina Brigham at Miriam ay sumapi sa Simbahan ng mga Metodista noong taong ikinasal sila, subalit patuloy pa rin si Brigham na bumuno sa mga tanong tungkol sa relihiyon. Hinanap niya ang isang simbahang itinatag ayon sa huwarang itinatag ni Jesus, ayon sa huwaran ng Bagong Tipan na lakip ang isang “sistema ng mga ordenansa” (DNW, ika-19 ng Hul. 1866, 3) at ang lahat ng kaloob ng ebanghelyo. Dahil sa pagpupunyaging misyonero ng kapatid ni Joseph Smith na si Samuel, nakakuha ang mag-anak ni Brigham Young ng dalawang kopya ng Aklat ni Mormon noong Abril 1830, isang buwan pa lamang matapos ilathala ang aklat. Binasa ng ilan sa mga kapatid ni Brigham ang aklat at nagpahayag ng katotohanan nito, subalit hindi agad ito tinanggap ni Brigham (tingnan sa LL, 33). “ ‘Huwag magmadali,’ sinabi ko sa aking sarili. … ‘Maghintay nang sandali; ano ang doktrina ng aklat, at ng mga paghahayag na ibinigay ng Panginoon? Hayaang pag-isipan ko muna ang mga ito.’ … Sinuri ko ang bagay na ito nang maigi, sa loob ng dalawang taon, bago ko ipinasiyang tanggapin ang aklat. Napag-alaman kong ito ay totoo, tulad ng pagkakaalam kong nakakikita ako sa pamamagitan ng aking mga mata, o nakadarama sa pamamagitan ng aking mga daliri, o makaalam sa pamamagitan ng paggamit ng pandamdam. Kung hindi nagkagayon, hindi ko sana ito natanggap hanggang sa araw na ito” (MSS, 15:45).
Kailangang malaman ni Brigham mismo. Sa dakong huli ay itinuro niya sa mga Banal na hindi nilayon ng Diyos na sila “ay ganap na pamunuan ng ibang tao, na pinipigil ang kanilang sariling pang-unawa, at umaasa sa ibang tao para sa kanilang sariling paniniwala (DNW, ika-24 ng Ago. 1854, 1). “Tungkulin kong malaman ang kalooban ng Panginoon tungkol sa aking sarili,” ang sabi niya sa kanila (DNW, ika-22 ng Set. 1875, 4). “Pribilehiyo at pananagutan ninyong mamuhay upang sa gayon ay malaman ninyo kung kailan binibigkas sa inyo ang salita ng Panginoon at kung kailan inihahayag sa inyo ang kaisipan ng Panginoon” (DNW, ika-22 ng Set. 1875, 4).
Ang mga misyonerong mula sa isang sangay ng Simbahan sa Columbia, Pennsylvania, ay dumaan sa Mendon noong 1831, na ipinangangaral na ang kalangitan ay binuksan at ang ebanghelyo at ang banal na pagkasaserdote ay ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith. Matapos dalawin ni Brigham at ng ibang kasapi ng kanyang mag-anak at mga kaibigan ang Sangay ng Columbia, pinaniwalaan niyang natagpuan niya ang relihiyong matagal na niyang hinahanap, ngunit nahirapan pa rin siya sa pagpapasiya kung maisasakripisyo nga niya ang lahat para dito. Pagkatapos, habang nagpapatotoo ang isa sa mga misyonero, “ang Espiritu Santo na nagmumula sa taong ito ay pinaliwanag ang aking pang-unawa, at ang liwanag, kaluwalhatian, at imortalidad ay nasa harapan ko,” ang paggunita niya. Sinabi niya na siya ay napalibutan at napuspos ng mga ito, at nalaman niya sa kanyang sarili na ang patotoong binigkas ng lalaking ito ay totoo (DNW, ika-9 ng Peb. 1854, 4). Noong ika-15 ng Abril 1832, isang malamig at maniyebeng araw, si Brigham Young ay bininyagan sa sapang malapit sa kanyang molino, siya ay pinagtibay, at inordenang isang elder (tingnan sa DNW, ika-2 ng Abr. 1862, 1). Ayon sa mga salita ng Tagapagligtas, nakadama ako ng isang mapagkumbaba at kaloobang gaya sa isang bata, na nagpapatotoo sa akin na ang aking mga kasalanan ay pinatawad na,” ang paggunita niya (MHBY-1, 3). Bininyagan si Miriam pagkaraan ng mga tatlong linggo (MHBY-1, 3). Lahat ng pinakamalapit na kasapi ng mag-anak ni Brigham Young ay bininyagan, at sila ay nanatiling tapat na mga Banal sa mga Huling Araw.
Noong malapit nang matapos ang tag-araw ng 1832, pagkabalik mula sa paglalakbay bilang misyonero sa karatig na mga bayan, inalagaan ni Brigham si Miriam sa mga nalalabing linggo ng kanyang karamdamang tuberkulosis. Namatay si Miriam noong Setyembre 1832.
Pagsasakripisyo upang maitatag at maipagtanggol ang kaharian ng Diyos.
Ibinaling ni Brigham Young ang kanyang buong pansin at sigla sa Simbahan. Sa kasabikang makilala si Propetang Joseph Smith, umalis siya agad patungong Kirtland, Ohio, kasama ang kanyang kapatid na si Joseph at matalik na kaibigang si Heber C. Kimball. Nadatnan nila si Joseph Smith na nagsisibak ng kahoy na kasama ang kanyang mga kapatid na lalaki. Si Brigham ay “lubos ang kaligayahan sa pribilehiyong makamayan ang Propeta ng Diyos” at matanggap ang “tiyak na patotoo, sa pamamagitan ng Diwa ng propesiya, na si Joseph nga ay tunay na Propeta tulad ng paniniwala ng iba” (MHBY-1, 4). Ito ang naging simula ng isa sa mga pinakamahalagang pakikipag-ugnayan ni Brigham Young. Nang bumalik siya sa New York, ipinamigay niya ang marami sa kanyang ari-arian at binawasan ang kaabalahan niya sa pamumuhay upang makapaglaan ng higit na maraming oras sa Simbahan. Nang makatiyak na aalagaan ni Vilate Kimball, asawa ni Heber, ang kanyang mga anak na babae, naglingkod siya ng sunud-sunod na misyon. Nagdaos siya ng mga pulong at nagbinyag sa karatig na mga bayan sa paligid ng Mendon. Naglakbay rin siya sa itaas na bahagi ng New York at Ontario, Canada, upang ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.
Sa pagnanais na sundin ang payo ng Propeta na makipagtipon sa mga Banal, noong Setyembre 1833 ay inilipat ni Brigham Young ang kanyang mag-anak mula sa Mendon patungo sa Kirtland. Doon, si Brigham ay “nagkaroon ng pribilehiyong makinig sa mga turo ng Propeta at tamasahin ang samahan ng mga Banal, na masigasig na gumawa sa [kanyang] dating hanapbuhay” (MHBY-1, 7). Tumulong siyang magtayo ng mga tahanan, ng Templo sa Kirtland, at ilang gusaling pambayan.
Noong ika-18 ng Pebrero 1834 pinakasalan niya si Mary Ann Angell; sa loob ng sumunod na 10 taon, anim na anak ang isinilang sa kanilang maganak. Isinulat ni Brigham na si Mary Ann ay “tapat na gumawa para sa kapakanan ng aking mag-anak at ng kaharian” (MHBY-1, 8).
Sa mga taong ipinamalagi niya sa Kirtland (1833–38), nalaman ni Brigham na ang pagtatatag ng kaharian ng Diyos ay nangangailangan ng pagsunod at pagsasakripisyo. Noong tagsibol ng 1834, kusang-loob siyang nagmartsang kasama ng Kampo ng Sion, isang pangkat ng 205 kalalakihang kinalap ni Joseph Smith upang maghatid ng tulong at panustos sa mga Banal na pinilit na iwan ang kanilang mga tahanan sa Jackson County, Missouri. “Kami ay naglakbay ng tatlong libo at dalawang daang kilometro sa pamamagitan ng paglalakad,” ang paggunita ni Brigham Young (DNW, ika-8 ng Okt. 1856, 2). Naalala niya na dahil sa labis na kahirapan at sakit ay “nagkaroon kami ng mga mareklamo sa kampo.” Ang kalalakihan ay kinailangang maturuan ng pagtitiis at pakikipagtulungan kaya, sinabi ni Brigham, “pinamunuan, pinayuhan, ginabayan ni Joseph Smith ang pangkat,” lalo na ang kalalakihang nagtataglay ng “hindi mapalagay, hindi mapamahalaan at hindi nasisiyahang diwa” (DNW, ika-3 ng Dis. 1862, 1). Ang mahirap na paglalakbay ay nagpatatag sa katapatan ni Brigham Young kay Joseph Smith at nagbigay ng walang kasing halagang pag-aaral sa pagsunod sa Diyos at sa kanyang propeta (tingnan sa DNW, ika-3 ng Ago. 1854, 2).
Siyam na beterano ng Kampo ng Sion, kasama si Brigham Young, ang piniling maging kasapi ng unang Korum ng Labindalawang Apostol sa isang natatanging komperensiya noong ika-14 ng Pebrero 1835 (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:26–32). Inordenan si Brigham Young sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at binasbasan “nang siya ay makahayo at makatipon ng mga hinirang, bilang paghahanda sa dakilang araw ng pagdating ng Panginoon.” Siya at ang iba pang mga kasapi ng korum, na “tinawag upang mangaral ng Ebanghelyo ng Anak ng Diyos sa mga bansa sa mundo” (HC, 2:196), ay umalis noong Mayo 1835 para sa apatna-buwang pagmimisyon sa mga silangang estado. Bumalik siya sa mga silangang estado bilang misyonero noong mga tag-araw ng 1836 at 1837.
Pinangasiwaan ni Elder Young ang pagpipinta at pagtapos ng Templo sa Kirtland. Naroroon siya nang ipanukala ni Propetang Joseph ang mga paunang ordenansa roon, at dinaluhan niya ang mga serbisyo ng paglalaan kasama ang daan-daang mga Banal na nagsakripisyo nang malaki upang itayo ang unang templo sa dispensasyong ito (tingnan sa MHBY-1, 12; HC, 2:428).
Bago lubos na matamasa ni Elder Young ang pagkakaisa na nabuo ng mga karanasang ito, ang ilang tao na tumututol ay naging maingay sa kanilang oposisyon sa Propeta kung kaya tinangka nilang agawin mula sa kanya ang pamumuno sa Simbahan. Noong Enero 1838 hinarap ni Elder Young sa Templo sa Kirtland ang mga taong ito na lubusang tumalikod: “Tumayo ako, at sinabi ko sa kanila sa isang simple at kapani-paniwalang pananalita na si Joseph ay isang Propeta, at alam ko ito. Dumaing man sila at sirain man nila ang kanyang pangalan hangga’t nais nila ay hindi nila maaalis ang pagkakahirang ng Propeta ng Diyos. Bunga nito ay mawawala lamang nila ang kanilang sariling awtoridad, mapuputol ang pisi na naguugnay sa kanila sa Propeta at sa Diyos at maibabaon ang kanilang sarili sa impiyerno” (MHBY-1, 16).
Pagbalikat sa responsibilidad.
Nagunita ni Brigham Young nang maghintay siya kasama ni Joseph Smith sa loob ng “maraming gabi na handang makipaglaban sa mga mandurumog na naghahangad kumitil sa buhay [ng Propeta]” (DNSW, ika-15 ng Mayo 1877, 1). Napakatatag ng kanyang pagsuporta sa Propeta kung kaya iniulat niya na ang mga taong lubusang tumalikod ay “nagbantang papatayin ako” (MHBY-1, 23–24). Lumikas siya sa Kirtland at nagtungo sa kanlurang Missouri, sumama kina Joseph Smith at iba pang mga pinuno ng Simbahan na binantaan na rin ang buhay. Subalit habang maraming bilang ng Banal sa mga Huling Araw ang patuloy na dumadayo sa kanlurang Missouri, ang ibang nakatira roon ay nangamba, natakot sa pangingibabaw ng bilang ng mga Banal sa larangan ng pulitika at ekonomiya. Ang mga tensiyong ito ay sumiklab noong tag-araw at taglagas ng 1838 at umabot sa sukdulan nang iutos ng gobernador sa militanteng grupo ng mamamayan ng estado na lipulin ang mga Banal sa mga Huling Araw o itaboy sila palabas sa estado. Ang pagkakulong nina Joseph Smith at ng iba pang mga pangunahing pinuno at ang lubusang pagtalikod o pagkamatay ng ilang kasapi ng Korum ng Labindalawa ay nagbigay ng bagong mga responsibilidad kay Brigham Young, na ngayon ay Pangulo ng Korum. Tanging siya at si Apostol Heber C. Kimball ang mga kasapi ng namumunong korum ng Simbahan ang naroroon upang gumabay at tumulong sa mga Banal sa kanilang mahirap na exodo sa panahon ng tagyelo mula sa Missouri. Sa ilalim ng kanilang tagubilin, nakipagtipan ang mga Banal na tulungan ang mahihirap, ilikas ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw mula sa estado, at maghandang magtipon muli.
Ang itinapong [exiled] mga Banal ay nagtayo ng bagong lungsod sa Commerce, Illinois, na pinangalanan nila sa huli na Nauvoo. Gayunman, lumagi doon ng ilang buwan lamang si Pangulong Young dahil nakatanggap si Propetang Joseph ng isang paghahayag na tawagin ang Korum ng Labindalawa na magmisyon sa Inglatera. Noong taglagas ng 1839, nilisan ni Pangulong Young ang Illinois na determinadong balikatin ang bagong pananagutan sa kabila ng karamdamang dinaranas niya at ng kanyang mag-anak. Pagkaraan ay nagunita niyang hindi siya makalakad nang napakalayo nang walang tulong at ang kanyang kapatid na babaeng si Fanny ay nagsumamo sa kanyang huwag umalis. Sumagot siya ng: “ ‘Fanny, kapatid ko, hindi pa ako nakaramdam nang mas maigi sa buhay ko.’ Isa siyang hindi pangkaraniwang babae, at habang nakatingin siya sa akin, na may luha ang mga mata, sinabi niyang ‘nagsisinungaling ka.’ Wala akong sinabi, subalit determinado akong magtungo sa Inglatera o mamatay sa pagsisikap. Ang aking matatag na pasiya ay gagawin ko ang kailangan kong gawin sa Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan, o mamamatay akong nagsisikap gawin ito” (DNSW, ika-2 ng Ago. 1870, 1).
Walong kasapi ng Korum ng Labindalawa ang nagmisyon sa British Isles noong 1840 at 1841, at si Brigham Young, bilang Pangulo ng Korum, ang namahala sa kanilang mga paggawa. Noong napakahalagang taon na iyon ang Labindalawa ay nagkaroon ng kahanga-hangang tagumpay. Habang naghahanda si Pangulong Young na umalis sa Liverpool noong Abril 1841, inalala niya nang may pasasalamat ang pakikitungo ng Diyos “sa akin at sa aking mga kapatid sa Labindalawa sa lumipas na taon ng aking buhay. … Tunay na waring isang himala ang pagtunghay sa kaibahan ng pagdaong at pag-alis namin mula sa Liverpool. Dumaong kami noong tagsibol ng 1840, bilang mga dayuhan sa di kilalang lupain at wala ni kusing, ngunit sa pamamagitan ng awa ng Diyos nagkaroon kami ng maraming kaibigan, nakapagtayo ng mga Simbahan sa halos lahat ng kilalang bayan at lungsod sa kaharian ng Britanya, nakapagbinyag ng mga pito hanggang walong libo, nakapaglimbag ng 5,000 Aklat ni Mormon, 3,000 Aklat ng mga Himno, 2,500 tomo ng Millennial Star, at 50,000 polyeto, at tumulong sa 1,000 kaluluwa na makapanirahan sa Sion, … at iniwang nakatanim sa puso ng marami ang mga binhi ng walang hanggang katotohanan, na magbubunga para sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos, at maging gayunman hindi kami nagkulang sa pagkain, inumin o isusuot: sa lahat ng bagay na ito ay pinasasalamatan ko ang kamay ng Diyos” (MHBY-1, 96–97).
Sa pamamagitan ng buong pusong pagbalikat sa bagong mga responsibilidad, napalakas ni Pangulong Young at ng kanyang mga kasamang Apostol hindi lamang ang kanilang pansariling kakayahan kundi gayon din ang kakayahan ng korum na gumawa nang nagkakaisa at mabisa para sa Simbahan. Nanalig si Joseph Smith sa kanilang “nagkakaisang karunungan” at nagpahayag sa Nauvoo noong Agosto 1841 “na dumating na ang panahon kung saan ang Labindalawa ay tatawagin upang tumayo sa kanilang kalalagyan na katabi ng Unang Panguluhan” (HC, 4:403). Ang Labindalawa ay binigyan ng higit na malalaking responsibilidad, kabilang ang pangangaral ng ebanghelyo, pagtulong sa mga taong lumikas patungong Nauvoo upang doon makapanirahan, pagbili ng lupain, at pagtatayo ng Templo sa Nauvoo.
Bago natapos ang templo, lihim na ipinaalam ni Joseph Smith kina Pangulong Young at sa iba pang kasapi ng labindalawa ang mga ordenansa ng templo, kabilang ang pagbibinyag para sa mga patay, endowment sa templo, mga pagbubuklod sa mag-anak, na umaasang ituturo ng Labindalawa ang mga ordenansang ito sa mga kasapi ng Simbahan. Nakipagkita ang Propeta sa Labindalawa noong tagsibol ng 1844 upang igawad sa kanila ang lahat ng susi at awtoridad na kinakailangan upang maisulong ang gawain ng kaharian. “Inililipat ko ang dalahin at responsibilidad ng pamumuno sa Simbahang ito mula sa aking mga balikat patungo sa inyo,” ang pahayag ng Propeta. “Ngayon, balikatin ninyo ito at manindigan kayo bilang mga tunay na lalaki; dahil ako’y pagpapahingahin muna ng Panginoon” (walang petsang Katibayan ng Labindalawa, BYP).
Sa loob ng tatlong buwan ay namatay ang Propetang si Joseph Smith. Samantalang nasa misyon noong tag-araw na iyon si Pangulong Young sa pook ng Boston, napag-alaman niyang pinaslang sina Joseph at Hyrum Smith ng isang pangkat ng mandurumog sa Carthage, Illinois. Nang marinig niya ang balitang ito ay naitatanong niya sa kanyang sarili “kung dinala ni Joseph sa hukay ang mga susi ng kaharian mula sa mundo,” ngunit agad siyang nakadama ng katiyakan na ang mga susi ng kaharian ay nasa sa Labindalawa (MHBY-1, 171). Sa kanyang pagbabalik agad sa Nauvoo, natuklasan niya na ang Unang Tagapayo ni Joseph, na si Sidney Rigdon, ay nag-alok na mamahala sa pumumuno sa Simbahan, at isang pangkalahatang pagtitipon ng mga Banal ang itinawag na upang sangayunan ang bagong pinuno. Nagsalita si Pangulong Young sa pagtitipong iyon ng mga Banal nang napakalinaw:
“Sa unang pagkakataon sa aking buhay, sa unang pagkakataon sa inyong buhay, sa unang pagkakataon sa kaharian ng Diyos sa ika-19 na siglo, nang walang Propeta sa ating pamunuan, ay nasa harapan ninyo ako ngayon upang gampanan ang aking tungkulin na may kaugnayan sa Korum ng Labindalawa, bilang mga Apostol ni Jesucristo sa salinlahing ito—mga Apostol na tinawag ng Diyos sa paghahayag sa pamamagitan ng Propetang Joseph, na inordenan at pinahiran ng langis upang balikatin ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa buong daigdig.
“ … Ngayon, kung nais ninyong pamunuan kayo ni Sidney Rigdon o ni William Law, o ng sinuman, maaari ninyong gawin ito; subalit sinasabi ko sa inyo, sa pangalan ng Panginoon na walang taong maaaring maglagay ng iba sa pagitan ng Labindalawa at ng Propetang si Joseph. Bakit? Dahil si Joseph ang kanilang pinuno na susunod na may pinakamataas na antas ng awtoridad, at inilagak niya sa kanilang mga kamay ang mga susi ng kaharian sa huling dispensasyong ito, para sa buong daigdig” (HC, 7:232, 235).
Maraming saksi ang nakapansin na kamukha at katunog ng tinig ni Pangulong Young si Propetang Joseph habang siya ay nagsasalita, isang mabisang pagpapakita ng pagsang-ayon mula sa langit. Halos 5,000 Banal na nagtitipon ang sumang-ayon sa Labindalawa bilang namamahalang korum ng Simbahan. Tatlong araw pagkatapos ng pulong kung saan sinabi ni Pangulong Young sa mga Banal na nais niya ng “pribilehiyong lumuha at magdalamhati sa loob ng hindi kukulangin sa tatlumpung araw” (HC, 7:232), ay tahimik niyang ipinahayag ang kanyang kalungkutan: “Panahon ng pagdadalamhati [simula] noong araw na dalhin sina Joseph at Hyrum mula sa Carthage patungong Nauvoo. Ipinagpalagay ng marami, sa loob at sa labas ng simbahan, na mahigit pa sa limang bariles ng luha ang tumulo. Hindi ko makayanang isipin ang anumang bagay tungkol dito” (MHBY-1, 177).
Sa halos isang dekada ng paglilingkod bilang Apostol ni Jesucristo, ay natutuhan ni Brigham Young ang pamamaraan ng Panginoon. Ang kanyang kahandaang gumawa nang masigasig, sumunod, magsakripisyo, at tumanggap ng responsibilidad at ang kanyang kakayahan sa pagtanggap at pagkilos ayon sa panghihikayat ng Espiritu ay naghanda sa kanya upang pamunuan ang mga Banal sa mga Huling Araw, una bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawa at pagkaraan ng Disyembre 1847 bilang Pangulo ng Simbahan. Sa ilalim ng kanyang di-pangkaraniwang pamumuno, na tumagal ng mga 33 taon, tinuruan niya ang mga Banal kung paano itatag ang Sion sa Kanlurang Amerika at sa kanilang sariling puso, mga mag-anak, at purok. “Si Kapatid na Joseph, ang Propeta, ay naglatag ng saligan para sa isang dakilang gawain, at tayo ay magtatayo sa ibabaw nito,” ang pangako niya sa mga Banal noong Agosto 1844. “Makapagtatatag tayo ng isang kahariang walang kahalintulad sa buong daigdig” (HC, 7:234). Ang kanyang walang tigatig na pananampalataya sa Diyos; kanyang dedikasyon, karanasan, at ugaling mapagpatawa; ang pag-ibig niya sa doktrina at mga ordenansa ng ebanghelyo; at ang pag-unawa niya sa orden ng pagkasaserdote at organisasyon ng Simbahan ang nagbigay sa kanya ng kakayahang pag-isahin ang mga Banal sa puso at isipan.
Pagtitipon ng mga Banal upang magtatag ng kaharian ng Diyos.
Pinamunuan ni Pangulong Brigham Young ang exodo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Nauvoo patungong Lambak ng Salt Lake sa Rocky Mountains. Pinahintulutan nito ang mga Banal na magtipon sa paraang hindi nila nagawa sa Ohio, Missouri, o Illinois. Nang tanawin ni Pangulong Young ang lambak ng Great Salt Lake noong ika-24 ng Hulyo 1847, nakatiyak siyang natagpuan niya ang kanlungang nakini-kinita ni Joseph Smith para sa mga Banal sa Kanluran at nakita rin niya sa isang pangitain bilang ang tamang lugar. “Ang espiritu ng liwanag ay dumapo sa akin at pinaligiran nito ang lambak, at nadama kong doon ay makatatagpo ang mga Banal ng proteksiyon at kaligtasan,” ang pagsulat ni Brigham (MHBY-2, 564). Makatatagpo rito ang mga Banal ng panahon at lugar na kailangan upang maitatag ang kanilang sarili bilang mga mamamayang hiwalay sa daigdig.
Ang pagtitipon sa Kanluran, na nagsimula sa pagdating ni Pangulong Young at ng pangkat ng tagabunsod noong Hulyo 1847, ay nagpatuloy sa sumunod na mga dekada. Walong libong Banal ang nahirapan sa paglalakbay pakanluran bago sumapit ang 1869 kung kailan mas pinadali ng riles ng tren ang paglalakbay. Maging pagkaraan noon, patuloy pa rin ang mga Banal sa paglisan ng kanilang mga tahanan at kadalasan ng kanilang mga mag-anak upang magsama-sama sa Sion. Ang kanilang heograpikong paglikas ay sumagisag sa kanilang espirituwal na paglikas mula sa daigdig. Ipinahayag ni Pangulong Young na tinawag ng Diyos ang mga Banal na “magtipon mula sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo … upang maging isang puso at isang isipan sa lahat ng gawain at pagpupunyagi natin sa pagtatatag ng espirituwal at temporal na kaharian ni Cristo sa mundo, upang maghanda para sa pagdating ng Anak ng Tao sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (DNSW, ika-21 ng Ene. 1868, 2). Umasa siya at malaki ang kanyang hiniling mula sa kanyang mga tao tungkol sa temporal at espirituwal na pagtatatag ng Sion. Hindi lamang sila naglakbay sa tuktok ng mga bundok kundi nagbigay rin sila ng kanilang yaman upang matulungan ang ibang mga Banal na makasunod sa kanila sa pagtitipon.
Sa ilalim ng pangunguna ni Pangulong Young, nilisan ng mga Banal ang Lambak ng Salt Lake upang sakupin ang halos 400 paninirahan sa Kanlurang Amerika. Nagtrabaho sila para magkaroon ng sariling pagkain, nanahi ng kanilang sariling damit, at nagtatag ng lokal na industriya nang sa gayon ay magkaroon sila ng sariling kakayahan sa ekonomiya. Natuto silang umasa sa Panginoon at sa bawat isa.
Hindi lahat ng gawaing pang-ekonomiya na itinagubilin ni Pangulong Young na isagawa ng mga Banal ay naging matagumpay. Ang pagtatagumpay sa ekonomiya, gayunman, ay hindi niya pangunahing alalahanin. Sa huli ay hindi siya gaanong nag-alala sa pag-aalaga ng mga pananim at pagkakaroon ng salapi sa halip ay inisip niya ang pagtulong sa kanyang mga tao upang maging isang banal na bansa. Alam niya mula sa karanasan na uunlad sila mula sa paggawa nang masigasig at pagtanggap ng responsibilidad. “Magandang lugar ito upang gumawa ang mga Banal,” ang sabi niya sa kongregasyon ng mga kasapi sa Lungsod ng Salt Lake noong 1856 (DNW, ika-10 ng Set. 1856, 5).
Sa loob ng maraming taon ay naglingkod si Brigham Young sa isang pook na pinangalanang Deseret (na sa huli ay naging estado ng Utah) bilang gobernador ng teritoryo at tagapamahala sa mga kapakanan ng mga Indiyan. Dumating ang panahon kung kailan hinalinhan siya ng mga hinirang ng pamahalaang pederal. Gumugol siya ng mga taon sa pagtatangkang malutas ang tunggalian ng mga Banal sa mga Huling Araw at ng pamahalaan ng Estados Unidos ng Amerika dahil sa pagnanais ng mga Banal ng kalayaang pulitikal. Tiniis niya ang pamimintas at panlilibak mula sa mga ministro, mamamahayag, mga taong nanghihingi ng pagbabago, at mga pulitikong tumutuligsa sa kanila dahil sa kanilang mga paniniwala sa relihiyon at kanilang mga kaugaliang panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitika. Subalit hindi binago ng mga hamong ito ang kanyang malinaw na pang-unawa sa pangangailangang “gumawa ang mga Banal” at sa gayong paraan ay maitatag ang Sion. Ipinahayag ni PangulongYoung na: “Nakita ko ang komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw sa isang pangitain; at namasdan ko silang nakatatag bilang isang dakilang mag-anak ng langit; kung saan ginagawa ng bawat isa ang kanyang mga tungkulin sa uri ng kanyang gawain, na higit na gumagawa para sa kabutihan ng lahat kaysa sa pagpapayaman ng sarili; at dito ay namasdan ko ang pinakamagandang kaayusan na maaaring maisip ng tao, at ang pinakamarangyang mga bunga para sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos at ang pagpapalaganap ng kabutihan sa mundo” (DNSW, ika-21 ng Ene. 1868, 2).
Pagtatatag ng Sion sa pamamagitan ng mga ordenansa at organisasyon ng pagkasaserdote.
Tinanggap ni Pangulong Young na hindi maitatatag ang Sion sa pamamagitan lamang ng masigasig na paggawa. Kailangang pamahalaan ang Sion sa pamamagitan ng pagkasaserdote, na batid niyang ang “Pamahalaan ng Anak ng Diyos” (DNW, ika-10 ng Ago. 1864, 2). Alam niyang ang mga Banal ay maaaring “maging isang puso at isang isipan sa lahat ng … gawain at pagpupunyagi” (DNSW, ika-21 ng Ene. 1868, 2), sa pamamagitan lamang ng isang “dalisay at banal na uri ng pamahalaan” (DNSW, ika-8 ng Nob. 1870, 3). Itinuro niya na ang mga kasapi ng Simbahan ay mapababanal lamang sa pamamagitan ng paglahok sa mga ordenansa ng pagkasaserdote; samakatwid, pangunahin sa kanyang mga turo at pamumuno ang mga ordenansa at organisasyon ng pagkasaserdote.
Mula 1844 hanggang 1846, binigyan ng mahalagang priyoridad ni Pangulong Young at ng Labindalawa ang pagtapos ng Templo sa Kirtland. Ginawa rito ang mga endowment at pagbubuklod bago pa man matapos ang paggawa nito. “Gayon na lamang ang pananabik na ipinakita ng mga Banal na makatanggap ng mga ordenansa, at gayon na lamang ang pananabik namin na mangasiwa sa kanila; kaya’t inilaan ko na ang aking sarili sa gawain ng Panginoon sa Templo sa gabi at araw. Karaniwan ay hindi natutulog nang higit pa sa apat na oras sa bawat araw, at umuuwi ako minsan lamang sa isang linggo,” ang itinala ni Pangulong Young sa kanyang talaarawan (MHBY-2, 10). Mula ika-10 ng Disyembre 1845 at ika-7 ng Pebrero 1846 ay may mga 5,615 Banal ang tumanggap ng ordenansa ng endowment at napakaraming maganak ang ibinuklod. Pagkaraan lamang ng isang taon, tatlong araw matapos dumating sa Lambak ng Salt Lake, ay pinili ni Pangulong Young ang lote na pagtatayuan ng Templo sa Salt Lake. Ito ay itatayo sa sentro ng lungsod at sa sentro ng buhay ng mga Banal. Ang kahanga-hangang templo, na nangailangan ng 40 taon upang maitayo, ay natapos pagkaraang mamatay si Pangulong Young, subalit nagtalaga siya ng ibang banal na lugar kung saan maaaring isagawa ang mga endowment at pagbubuklod sa templo para sa mga nabubuhay samantalang hinihintay matapos ang templo. Sa paglalaan ng mabababang palapag ng Templo sa St. George noong ika-1 ng Enero 1877, ilang buwan bago siya mamatay, ay masiglang nagsalita si Pangulong Young tungkol sa muling pagpapasimula ng gawain ng ordenansa para sa mga patay. “Kapag pinag-iisipan ko ang paksang ito ay gayon na lamang ang pagnanais kong magkaroon ng tinig na kasing lakas ng dagundong ng mga kulog upang magising ko ang mga tao. Maliligtas ba ang mga ninuno kung wala tayo? Hindi. Maliligtas ba tayo kung wala sila? Hindi.” (MS, 39:119).
Napakahalaga ng mga ordenansa ng templo sa pagbubuklod ng mga salinlahi at sa pagsasalin ng mga banal na katotohanan mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod. Ang mga Banal sa mga Huling Araw na isinilang at nagbalik-loob sa huling bahagi ng ikalabinsiyam na siglo ay hindi na makararanas ng mga pag-uusig sa Missouri o personal na makaalala sa Propetang si Joseph Smith. Sa pagdaan ng panahon, mas higit na kakaunti sa kanila ang makararanas ng mga pagbubunsod at pananakop, ngunit sila rin ay kailangang matuto ng mga sagradong katotohanan tungkol sa pagtatatag ng Sion. Hinikayat ni Pangulong Young ang mga pagpupunyagi sa pagtuturo ng ebanghelyo sa mga kabataan ng Simbahan at gumawa upang maisaayos ang organisasyon ng Simbahan, na nagpapahiwatig ng pagnanais na makapag-aruga ng isang salinlahi ng kalalakihan at kababaihan na magmamahal at magpapanatili ng katotohanan at kabutihan sa mundo” (MFP, 2:288). Ang mga Panlinggong Paaralan ng mga purok para sa mga bata, na unang itinatag noong 1849, ay nagsimulang gumawang sama-sama sa ilalim ng sentrong lupon noong 1867. Sa kahilingan ni Pangulong Young, at sa pagsisimula sa sarili niyang mga anak na babae, itinatag ang mga samahan noong 1869 upang palakasin ang mga kabataang babae sa kanilang pag-unawa sa ebanghelyo at pangakong mamuhay nang masinop. Noong 1875 ay binuo ang katulad na mga samahan upang turuan ang mga kabataang lalaki at bigyan sila ng karanasan sa pamumuno.
Dahil kinikilalang ang Sion ay hindi maitatatag nang wala ang mga kapatid na babae, muling itinatag ni Pangulong Young ang Samahang Damayan noong 1867 tulad ng pagkakatatag nito sa Nauvoo ng Propetang si Joseph Smith. Tumulong ang kababaihan sa mga obispo sa pagbibigay ng tulong sa mahihirap at sawim-palad, hinikayat nila ang mga mag-anak na gawin sa tahanan ang anumang kanilang kailangan, tinuruan ang bawat isa ng ebanghelyo, at pinangasiwaan ang pagtuturo sa mga nakababatang babae at bata.
Sa huling taon ng kanyang buhay, isinaayos ni Pangulong Young ang korum ng pagkasaserdote. Hinati at inayos niyang muli ang mga istaka at dinagdagan ang bilang ng istaka mula sa walo hanggang sa labingwalo. Pinangasiwaan niya ang pagsasaayos ng korum ng mga elder at tinagubilinan ang mga elder sa kanilang temporal at espirituwal na mga responsibilidad. Binigyang-diin niya ang purok bilang ang pangunahing lokal na yunit ng gawain ng Simbahan at pinalawak ang tungkulin ng obispo bilang pinuno ng purok. Hinalinhan niya ang mga kasapi ng Korum ng Labindalawa sa pamumuno sa mga lokal na yunit upang magawa nila ang kanilang mga tungkulin bilang natatanging mga saksi ni Jesucristo sa mga bansa. Sa kanyang kamatayan noong ika-29 ng Agosto 1877, naitatag na ang Simbahan sa kaayusang kinikilala ng halos lahat ng Banal sa ngayon.
Ang sigasig ni Pangulong Young sa pagtatatag ng Sion sa pamamagitan ng pananakop, gawaing pang-ekonomiya, mga sagradong ordenansa ng templo, at organisasyon ng pagkasaserdote ay nasa hibla ng kanyang mga sermon. Hindi maaaring ilarawan ng isang sermon ang kabuuan ng kanyang pangitain. “Bahagya ko pa lamang natutukoy ang dakilang Sermon ng Ebanghelyo,” ang pahayag niya sa pagtatapos ng isang panayam (MSS, 15:49). Pinaniniwalaan niya ang kabuuan ng ebanghelyo, ay maaari lamang ituro nang paunti-unti, at taludtod sa taludtod. “Ang ebanghelyo ng Anak ng Diyos,” ang sabi niya, “ … ay mula sa kawalang hanggan hanggang sa kawalang-hanggan. Kapag nabuksan ang pangitain sa isipan, maaari ninyong makita ang malaking bahagi nito, ngunit makikita ninyo ito tulad ng kung paano nakikita ng isang nagtatalumpati ang mga mukha ng isang kongregasyon. Ang pagtingin, at pagkausap sa kanila nang isa-isa, at pagiisip na lubusang makilala sila, ang paggugol ng limang minuto sa bawat isa sa kanila ay uubos ng napakaraming oras, at hindi ito magagawa nang madali. Gayon din ang mga pangitain ng kawalang-hanggan; makikita natin at mauunawaan ito, subalit mahirap maipaliwanag” (DNW, ika-26 ng Okt. 1854 2). Sa pamamagitan ng kanyang turo at kanyang pamumuno, ay pinagsisikapan ni Pangulong Brigham Young sa tuwina na tulungan ang mga Banal na kapwa makita at maunawaan ang walang hanggang katotohanan ng ebanghelyo.
Nakasentro ang buhay ni Brigham Young sa pagtuturo ng ebanghelyo at pagtatatag at pagtataguyod ng kaharian ng Diyos. “Ang Kaharian ng langit ay higit sa lahat ng nasa atin,” ang sabi niya sa mga Banal (DNW, ika-27 ng Hul. 1864, 2).
Marahil ang pamumuno ni Pangulong Young ay pinakamabuting mailalarawan ng mga Apostol na naglilingkod sa oras ng kanyang kamatayan: “Sa loob ng talumpu’t tatlong taon na pinamunuan niya ang Simbahan, buhat noong pagkamatay bilang martir ng Propetang si Joseph, hindi kailanman nangatog ang kanyang mga tuhod, hindi kailanman nanginig ang kanyang mga kamay; hindi siya kailanman nag-atubili o nasiraan ng loob. Kahit na nakakatakot ang mga kapaligiran o pagkakataon, hindi siya kailanman nangamba; bagkus sa mga panahong iyon ay nagpakita siya ng tahimik na pagtitiwala at pananampalataya, at sumambit ng mga salitang nagpapalakas ng loob, upang mang-aliw at magbigay-lakas sa lahat ng tao, at mapasakanya ang kanilang pagmamahal at paghanga. Ang Panginoon, gayunman, ay hindi lamang siya biniyayaan ng kagitingan, subalit binigyan din siya ang dakilang karunungan. Ang kanyang mga payo, kapag sinunod, ay may karugtong na kaligtasan, at bilang isang tagapagtatag at tagapangasiwa ay wala nang dadaig pa sa kanya. …
Pinutungan ng Panginoon ng pinaka-kahanga-hangang tagumpay ang kanyang mga gawain, ang kanyang mga salita ay pinarangalan at tinupad ng Panginoon, at ang mga sumunod sa kanyang payo ay biniyayaan at kinalinga. Darating ang panahon na ituturing ang kanyang pangungulo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw bilang isang panahon kung kailan naganap ang mga kahanga-hanggang pangyayari” (MFP, 2:298).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
-
Paano nalaman ni Brigham Young na totoo ang Simbahan?
-
Paano nakatulong kay Brigham Young ang kanyang kahandaang maging masunurin at magsakripisyo sa kanyang pagtatatag at pagtatanggol sa kaharian ng Diyos?
-
Ano ang matututuhan ng mga kasapi ng Simbahan ngayon tungkol sa palagiang pagsuporta ni Brigham Young kay Propetang Joseph Smith?
-
Ano ang ilan sa mga pangyayaring naganap sa buhay ni Brigham Young na naghanda sa kanya sa pamumuno sa Simbahan? Paano inihahanda ng Panginoon ang bawat isa sa atin sa paglilingkod sa kaharian ng Diyos?
-
Ano ang sinabi ni Pangulong Young na partikular na layunin ng pagtitipon ng mga Banal? Sa anong mga paraan itinatag ni Pangulong Young ang kaharian ng Diyos?
-
Ano ang binanggit ni Brigham Young na ang “Pamahalaan ng Anak ng Diyos”? Paano ginampanang mabuti ni Pangulong Young ang kanyang pagkasaserdote?
-
Ano ang kailangan upang “makapag-aruga ng isang salinlahi ng kalalakihan at kababaihan na magmamahal at magpapanatili ng katotohanan at kabutihan sa mundo”? Ano ang ginawa ni Brigham Young para matupad ito? Bakit ito napakahalaga ngayon?
-
Paano tinulungan ni Pangulong Young ang mga Banal na makita at maunawaan ang walang hanggang mga katotohanan ng ebanghelyo? Sa palagay ninyo bakit makatutulong ang pag-aaral at pagmumuni-muni sa mga turo ni Brigham Young sa susunod na dalawang taon?