Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 26: Kaligayahan at Kasiyahan sa Pakikisalamuha sa Kapwa


KABANATA 26

Kaligayahan at Kasiyahan sa Pakikisalamuha sa Kapwa

Batid ni Pangulong Young na ang totoong kaligayahan ay dumarating lamang sa pamamagitan ng matwid na pamumuhay, ngunit kanya ring alam na malaking kasiyahan sa buhay ang matatamo sa pamamagitan ng kaaya-ayang mga libangan at aliwan. Mahilig siya sa teatro, musika, at iba pang mga libangang panlipunan at nagbigay ng pagkakataon sa mga Banal na makalugdan ang mga pampalipas-oras na ito, na naniniwalang mahalaga ang mga ito sa kagalingan ng tao. Pinangasiwaan niya ang pagtatayo ng Bulwagang Panlipunan sa Lungsod ng Salt Lake, kung saan ginanap ang mga sayaw at palabas na pang-teatro. Sa pagtukoy sa Bulwagang Panlipunan kanyang sinabi: “Iyan ang ating bulwagan ng tuwa, at hindi isang lugar kung saan pangangasiwaan ang sakramento. Atin itong itinalaga sa layunin ng pagkakatayo nito. … Alam ninyo kung anong espiritu ang nananahan sa silid na iyan. Dumalo diyan ang mga gobernador, mga hukom, mga manggagamot, mga abugado, mga mangangalakal, mga taong nagdaraan, atbp., na hindi kabilang sa ating simbahan, at ano ang pangkalahatang pahayag ng bawat isa? ‘Hindi ako nakadama ng kasiyahan sa buong buhay ko sa ano pa mang pagtitipong nadaluhan ko na maliban sa isang ito;’ at ang mga Banal ay gayundin namang hindi nakadarama ng kasiyahan sa ano pa mang pook ng libangan. … Ang bawat bagay sa kanyang tamang panahon, ang bawat bagay sa kanyang wastong kinalalagyan (DNW, ika-26 ng Mar. 1862, 1).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang totoong kaligayahan ay matatagpuan sa pagkamatwid at paglilingkod.

Anong pangunahing mithiin ng tao? Kaligayahan. Bigyan ninyo ako ng kaluwalhatian, bigyan ninyo ako ng kapangyarihan, bigyan ninyo ako ng kayamanan, bigyan ninyo ako ng mabuting pangalan, bigyan ninyo ako ng lahat ng mga ito, ngunit hindi ito nangangahulugan na ako ay mapaliligaya ng mga iyon; ito ay batay sa kung paano natamo ang mga iyon (DBY, 235).

Lahat tayo ay naghahanap ng kaligayahan; umaasa tayong kakamtin natin ito, naniniwala tayong nabubuhay tayo para dito, ito ang layon natin sa buhay na ito. Subalit nabubuhay ba tayo upang matamasa ang kaligayahang hinahangad natin nang lubos? (DBY, 236).

Nasaan ang kaligayahan, ang tunay na kaligayahan? Hindi ito matatagpuan sa iba kundi sa Diyos lamang. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng diwa ng ating banal na relihiyon ay maligaya tayo sa umaga, maligaya tayo sa tanghali, maligaya tayo sa gabi; sapagkat ang diwa ng pag-ibig at ng pagkakaisa ay nasa atin, at tayo ay nagagalak sa espiritu sapagkat, ito ay sa Diyos, at nagagalak tayo sa Diyos dahil siya ang nagkakaloob ng bawat mabuting bagay. Ang bawat Banal sa mga Huling Araw, na nakadama na ng pag-ibig ng Diyos sa kanyang puso makaraang tanggapin ang kabayaran ng kanyang mga kasalanan, sa pamamagitan ng pagbibinyag, at ng pagpapatong ng mga kamay, ay matatanto na siya ay napupuspos ng kagalakan at kaligayahan, at kaaliwan. Maaaring siya ay nasa sakit, nasa pagkakamali, nasa kahirapan, nasa piitan, kung hinihiling ng pagkakataon, gayunpaman, maligaya pa rin siya. Ito ang ating karanasan, at ang isa at bawat isang Banal sa mga Huling Araw ay makapagbibigay ng patotoo dito (DBY, 236).

Ano ang nadarama ninyo, mga Banal, kapag kayo ay napupuspos ng kapangyarihan at pag-ibig ng Diyos? Tiyak na maligayang maligaya kayo (MSS, 15:48).

Ang buong mundo ay naghahangad ng kaligayahan. Ito ay hindi masusumpungan sa ginto at pilak, kundi sa kapayapaan at pag-ibig (DBY, 235).

Ano ang magbibigay sa tao ng kaligayahan? Yaong magbibigay sa kanya ng kapayapaan (DBY, 235).

Kapag ang puso ay masaya, ang tao ay puspos ng liwanag at kaluwalhatian; walang kapighatian (DBY, 235).

Kapag ang tao ay masipag at matwid, samakatwid siya ay maligaya (DBY, 235).

Isang maling kaisipan ng mga naninirahan sa daigdig ang ipagpalagay na hindi katanggap-tanggap sa kanila ang sumunod sa mga kautusan ng langit, sa takot na mahadlangan nito ang kanilang mga kaginhawaan at kanilang mga kasiyahan; sapagkat walang tunay na kapayapaan, walang tunay na kaligayahan sa anumang bagay sa langit o lupa, maliban sa mga taong naglilingkod sa Panginoon. Sa kanyang paglilingkod ay may kagalakan, may kaligayahan, at ang mga ito ay hindi masusumpungan sa iba. Dito ay may kapayapaan at kaginhawaan, ngunit kung ang kaluluwa ay napupuspos ng kagalakan, ng kapayapaan at ng kaluwalhatian, at lubos na kinalulugdan ang mga ito, ang isang tao gayunpaman, ay may katiting na ideya sa mga tunay na nakalaan para sa lahat ng matapat (DNW, ika-15 ng Hul. 1857, 4).

Tayo ay nilikha upang tamasahin ang lahat ng tinatamasa ng Diyos, upang manahin ang lahat ng kanyang namana, para taglayin ang lahat ng kapangyarihan na kanyang taglay, ang lahat ng kadakilaan na ipinagkaloob sa kanya—ang lahat ng bagay ay ipasasailalim sa kanya ng kanyang matatapat na anak, upang matamasa nila ang lahat ng bagay kasama siya; ang mga pagsasaalang-alang na ito ay nagdudulot ng kapayapaan sa puso na nabuksan sa pang-unawa (DBY, 237).

May isang paraan lamang sa mga Banal sa mga Huling Araw upang maging maligaya, at ito ay ang ipamuhay lamang ang kanilang relihiyon, o sa madaling salita paniwalaan ang Ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bahagi nito, na sinusunod ang ebanghelyo ng kalayaan na may buong layunin ng puso, na tunay na nagpapalaya sa atin. Kung gagawin natin, bilang isang pamayanan, na sumunod sa batas ng Diyos, at tumupad sa mga ordenansa ng kaligtasan, samakatwid ay maaasahan nating masumpungan ang kaligayahang hinahangad natin nang lubos (DBY, 236).

Kagaya ng madalas kong isipin, at sabihin, kapag kinakailangan ng tungkulin, maligaya ako sa pag-alis sa aking tahanan at maligaya ako sa pagbalik, sapagkat ang pinakadakila kong kagalakan at kaginhawaan ay ang gawin ang hinihiling ng Panginoon sa akin at alam kong tungkulin ko ito, kahit na ano pa man ito basta’t ito ay hinihiling sa akin ng Panginoon. Ang ganitong gawain ay nagdudulot sa akin ng kagalakan at kapayapaan (DN, ika-6 ng Peb. 1856, 4).

Tunay na maligaya ang isang lalaki o babae, o ang mga tao, na nagtatamasa sa mga pribilehiyo ng Ebanghelyo ng Anak ng Diyos, at nalalaman kung paano pasasalamatan ang kanyang mga pagpapala (DBY, 236).

Nais naming makita ang bawat mukha na puno ng kasayahan, at ang bawat mata na nagniningning sa pag-asam sa darating na kaligayahan (DBY, 236).

Sinasabi ko, kung nais ninyo ng pambihirang kagalakan, maging Banal sa mga Huling Araw, at pagkatapos ay ipamuhay ang doktrina ni Jesucristo (DNSW, ika-30 ng Hun. 1874, 1).

Ang taong nalulugod sa karanasan ng pagkakaalam sa Kaharian ng Diyos sa lupa, at kasabay nito ay may pag-ibig ng Diyos sa kanyang kalooban, ang siyang pinakamaligayang tao sa mundo (DBY, 235).

Ang paglilibang sa tamang diwa ay makadaragdag sa ating pisikal at espirituwal na kagalingan.

Dapat nating matutuhan kung paano masisiyahan sa mga bagay sa buhay—kung paano palilipasin ang ating kalagayang mortal dito. Walang kasiyahan, walang kaginhawaan, walang kaligayahan, walang anuman na kayang arukin ng puso ng tao, sa pamamagitan ng espiritu ng paghahayag na tinanggap natin, na makapagpapaganda, makapapagpaligaya, makapagbibigay ng kaginhawaan at kapayapaan, at makapagpapaangat sa damdamin ng tao, maliban sa inilaan ng Panginoon sa kanyang mga tao. Hindi siya tumutol na matamo nila ang kaginhawaan. Walang siyang inihayag kailanman na doktrinang nalalaman ko, maliban na ito ay may likas at layunin na mapuspos ng kapayapaan at kaluwalhatian, at iangat ang bawat pagdaramdam at simbuyo ng puso mula sa mababa, malungkot, malumbay, mali at nagsusumukot na damdamin. Ninanais ng Panginoon na mabuhay tayo upang matamasa natin ang kabuuan ng kaluwalhatian na tumutukoy sa kahariang selestiyal, at mamaalam sa lahat ng malungkot, makulimlim, at malumbay na damdamin na nakalaganap sa mga naninirahan sa lupa (DBY, 273).

Mayroon bang masama sa libangan? Kapag nakikita ko ang aking mga anak na lalaki at babae na masasaya, nagkukuwentuhan, namamasyal, naglilibot, dumadalo sa handaan o sayawan, may bagay bang masama diyan? Pinagmamasdan kong mabuti, at kapag may narinig akong salita, may nakita akong sulyap, o isang pagkutya sa mga banal na bagay, o anumang nakasisira sa kagandahang-asal, ito ay kaagad kong nadarama, at sinasabi kong, “Kung susundin ninyo ito ay hindi kayo nito maaakay sa kabutihan, masama ito; hindi kayo aakayin nito aakay sa bukal ng buhay at katalinuhan; sundan lamang ang landas na patungo sa buhay na walang hanggan” (DBY, 237).

Pribilehiyo ng mga Banal ang tamasahin ang bawat mabuting bagay, sapagkat ang daigdig at ang kabuuan nito ay sa Panginoon (tingnan ang Doktrina at mga Tipan 104:14], at ipinangako niya sa lahat ng kanyang matapat na mga Banal; ngunit kailangan itong tamasahin nang walang diwa ng pag-iimbot at karamutan—na walang diwa ng pagnanasa, at sa diwa lamang ng Ebanghelyo; sa gayon ay sisikatan tayo ng araw; ang bawat araw ay mapupuspos ng pagkalugod, at ang lahat ng bagay ay mapupuno ng kagandahan, na magbibigay ng kagalakan, kasiyahan, at kapahingahan sa mga Banal (DBY, 237).

Ang mapaligaya tayo ay kasama sa dakilang panukala ng pagkabuhay ng tao. Natutuhan kong huwag ligaligin ang aking sarili sa mga bagay na hindi ko kaya. Kung may magagawa akong mabuti, gagawin ko ito; kung hindi ko kaya ang isang bagay, sapat na sa aking wala ito. Ito ay nagpapaligaya sa akin sa buong maghapon (DBY, 236).

Samakatwid ay matutuhang maging maligaya kapag kayo ay may pagkakataon (DBY, 235).

Nasisiyahan na tayo ngayon sa ating mga pampalipas-oras. Madalas tayong magtipon at sumamba sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-awit, pananalangin at pangangaral, pag-aayuno, at pakikipag-ugnayan sa bawat isa sa Sakramento ng Hapunan ng Panginoon. Ngayon ay nagtitipon na tayo bilang isang pamayanan—para sa ano? Upang mapahinga ang ating isipan, at matanggap ng ating katawan ang libangan na angkop at kailangan upang magkaroon ng balanseng pamumuhay, para maisulong hakbang para sa kalusugan ng buong pagkatao (DBY, 240).

Madalas kong sabihin sa mga tao sa ating mga pook libangan, kung hindi sila mapupunta roon na may Espiritu ng Panginoon ay mas mainam na manatili na lamang sila sa bahay (DBY, 240).

Sa lahat ng inyong pakikipagtalastasang panlipunan, o kung ano pa mang pakikipag-ugnayan ninyo, iwaksi ang lahat ng hindi maganda, pagkayamot, pagbulung-bulong, pagkalungkot, at nakasusuyang damdamin—ang lahat ng masasamang bunga ng isipan, hayaang malaglag ang mga ito mula sa puno nang matahimik at hindi napapansin; at hayaang mamatay ito, at huwag nang pulutin at ilahad sa inyong mga kapwa. Ngunit kung kayo ay may kagalakan at kaligayahan, liwanag at katalinuhan, katotohanan at kabutihan, ialay ang mga bungang iyon sa inyong mga kapitbahay, at ito ay makabubuti sa kanila, at sa gayon ay inyong ganap na mapalalakas ang inyong mga kapwa-tao (DBY, 240).

Dapat tayong maghangad ng kaaya-ayang libangan na naaayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo.

Aking itinayo [ang] teatro upang maakit ang kabataan sa ating pamayanan at mapaglibangan ito ng mga kabataang lalaki at babae, sa halip na sila ay maghabulan sa kung saan-saan para malibang. Matagal bago pa man [ito] naitayo sinabi ko na sa mga Obispo na, “Itayo ang inyong mga handaan at pook libangan upang maaliw ang mga tao” (DBY, 243).

May masama ba sa teatro; sa bulwagang sayawan; sa pook sambahan; sa tahanan; sa mundo? Oo, kapag ang tao ay naghihilig na gumawa ng masama sa alinman sa mga pook na ito. May masama sa mga taong nagtitipon lamang upang maghuntahan, kapag hahayaan nilang makagawa sila ng masama habang nasa ganoong pagkukuwentuhan (DBY, 243).

Sa ibabaw ng entablado ng teatro ay maaaring katawanin sa pamamagitan ng gumaganap, ang kasamaan at ang mga kalalabasan nito, ang kabutihan at ang magandang mga bunga at gantimpala nito; ang kahinaan ng tao, ang karangalan ng kabutihan at ang kadakilaan ng katotohanan. Maaaring gamitin ang entablado para makatulong sa pulpito upang maikintal sa isipan ng isang pamayanan ang isang maliwanag na pagkakakilala sa isang mabuting pamumuhay, gayon din ng naaangkop na lagim ng kabigatan ng kasalanan at ang nararapat na pagkatakot sa mga ibubunga nito. Ang landas ng kasalanan kasama ang mga tinik at patibong nito, ang mga umang at bitag nito ay maaaring ipakita, at gayundin kung paano ito maiwawaksi (DBY, 243).

Ang trahedya ay tinatangkilik ng mundo sa labas; hindi ako tumatangkilik nito. Hindi ko nais na ang mga pagpaslang kalakip ang lagim at kasamaan na humahantong sa ganito ay isalarawan sa harap ng ating kababaihan at mga anak; hindi ko nais na dahil dito ay dalhin ng isang bata sa pag-uwi ang pagkatakot … sa espada, sa baril, o sa punyal, at mahirapan sa gabi dahil sa nakakatakot na mga panaginip. Nais kong itanghal yaong mga dula na magpapaganda sa pakiramdam ng mga manonood; at nais ko sa mga gumaganap na pumili ng uri ng mga dula na magpapaunlad sa kaisipang panlipunan at magpapaangat sa kagustuhang pampanitikan ng pamayanan (DBY, 243–44).

Kung nais ninyong sumayaw, sumayaw kayo; at kayo ay handa pa rin tulad ng dati para sa isang pagpupulong panalangin pagkaraang sumayaw kagaya ng sa lahat ng oras, kapag kayo ay mga Banal. Kung hinahangad ninyong humiling sa Diyos para sa anumang bagay, magiging handa kayong gawin ito kagaya sa sayawan o kahit saan, kapag kayo ay mga Banal (DBY, 243).

[Subalit,] yaong hindi makapaglilingkod sa Diyos nang may dalisay na puso sa sayawan ay hindi dapat sumayaw (DBY, 243).

Nais kong maunawaan nang maliwanag, na ang pagtugtog ng biyolin at ang pagsasayaw ay hindi kabilang sa ating pagsamba. Maaaring itanong ninyo, Kung gayon ay para sa ano ang mga ito? Ang sagot ko ay, upang umayon ang aking katawan sa aking isipan. Ang aking isipan ay gumagawa kagaya ng taong nagtotroso, sa lahat ng oras; at ito ang dahilan kung bakit mahilig ako sa mga pampalipas-oras na ito—nagbibigay sila sa akin ng tanging karapatan na kalimutan ang lahat, at yugyugin ang aking sarili, upang maehersisyo ang aking katawan, at makapagpahinga ang aking isipan. Para sa ano? Upang makakuha ng lakas, at makapagpanariwa at sumigla, at lumakas, at ganahan, upang ang aking isip ay hindi mahapo (DBY, 242).

Marami sa matatanda nating kapatid na lalaki at babae, ang, dahil sa mga kaugalian ng kanilang mga ninuno at pagtatadhana ng maling relihiyon, ay hindi man lamang nakapasok sa bulwagang sayawan o sa teatro hanggang sa sila ay maging Banal sa mga Huling Araw, at ngayon, tila higit pa silang sabik sa ganitong uri ng libangan kaysa sa ating mga anak. Ito ay bunsod ng katotohanang sa maraming taon ay pinagbawalan sila sa libangan na ipinanukala upang pagaanin ang kanilang mga diwa at gawing masigla at malakas ang kanilang katawan, at libu-libong mga tao ang namatay nang wala sa panahon dahil sa kakulangan sa ganitong ehersisyo para sa katawan at isipan. Ang mga ito ay nangangailangan ng sabay na pangangalaga upang sila ay maging malakas at malusog. Ang bawat kakayahan at kapangyarihan ng katawan at isipan ay kaloob mula sa Diyos. Huwag kailanman sasabihin na ang mga pamamaraan upang makagawa at makapagpatuloy sa malusog na pagkilos ang katawan at isipan ay nagmula sa impiyerno (DBY, 242).

Kung nais ninyong sumayaw, lumahok sa takbuhan, … o maglaro ng bola, gawin ito, at I-ehersisyo ang inyong mga katawan, at ipahinga ang inyong mga isipan (DBY, 243).

Ang mga tumupad sa mga tipan at naglingkod sa kanilang Diyos, kung nais nilang maehersisyo ang kanilang sarili sa anumang paraan upang ipahinga ang kanilang isipan at pagpawisan ang kanilang katawan, humayo at bigyang kasiyahan ang inyong sarili sa sayawan, at ilagay ang Diyos sa inyong mga kaisipan sa bagay na ito kagaya ng sa iba pang mga bagay, at pagpapalain niya kayo (DBY, 242).

Ang ating gawain, ang trabaho natin sa araw-araw, ang buong pamumuhay natin ay nasasaklawan ng ating relihiyon. Ito ang pinaniniwalaan natin at pinagsusumikapang ipamuhay. Gayunman, nagpapaubaya ang Panginoon sa maraming bagay na hindi kailanman iniutos. … Hindi kailanman iniutos sa akin ng Panginoon na sumayaw, ngunit sumasayaw ako: alam ninyong lahat ito, sapagkat ang buhay ko ay batid ng mundo. Bagama’t hindi kailanman ipinag-utos ng Panginoon sa akin na gawin ito, pinayagan niya ito. Wala akong nalalaman na ipinag-utos niya sa kabataang lalaki na humayo at maglaro ng bola, ngunit pinapayagan niya ito. Wala akong nalalaman na ipinag-utos niya sa ating magtayo ng teatro, ngunit pinayagan niya ito, at maibibigay ko ang mga dahilan kung bakit. Ang libangan at dibersiyon ay kinakailangan sa ating kagalingan tulad ng ibang higit na mahalagang mga hangarin sa buhay (DBY, 238).

Naniniwala ako na ang mga taong pumapadyak, pumapalakpak, sumisipol, at lumilikha ng iba pang maingay at magulong pagpapasikat sa mga teatro, na wala naman sa panahon, at hindi naman kinakailangan, ay may katiting lamang na pagkakakilala, at hindi nakababatid kung ano ang kaibahan ng isang magandang ngiti ng kasiyahan upang pasayahin ang mukha ng isang kaibigan, o ng mapandustang pagkutya na nagdudulot ng mga sumpa ng tao sa kapwa tao (DBY, 241).

[Ngunit] paawitin ang ating mga isipan para sa kagalakan, at pakalatin ang buhay sa bawat bahagi ng katawan; sapagkat ang layunin ng ating pagtitipon ay para maehersisyo ito, para sa kabutihan nito (DBY, 240).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Ang totoong kaligayahan ay matatagpuan sa pagkamatwid at paglilingkod.

  • Bakit hinahanap ng mga tao ang kaligayahan? Bakit napakaraming mga tao ang tila hindi nakasusumpong nito? Saan natin matatagpuan ang totoong kaligayahan? Paano makapagbibigay ang ebanghelyo ng kaligayahan kahit na sa mga “may sakit, nasa pagkakamali, nasa kahirapan, o nasa piitan”?

  • Maraming tao ang naniniwala na ang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ay pipigil sa kanilang kalayaan at magbabawas sa kanilang kaligayahan. Anu-anong mga kalagayan ang inyong naranasan o napansin na nagpapakita na ang kabaligtaran ang siyang totoo—na ang pagsunod sa mga kautusan ang nagpapaligaya sa atin, samantalang ang pagsuway ang nagdudulot ng kalungkutan?

  • Ano ang nadarama ninyo sa pagkakaalam na tayo ay “nilikha upang masiyahan sa lahat ng kinasisiyahan ng Diyos” at na ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nagnanais na maging maligaya kayo?

  • Ano ang sinabi ni Pangulong Young na tanging paraan para sa isang Banal sa mga Huling Araw upang maging masaya? Paano kayo mapaliligaya ng pamumuhay ng ebanghelyo?

Ang libangan sa tamang diwa ay makapagdaragdag sa ating pampisikal at pang-espirituwal na kagalingan.

  • Sa inyong palagay, bakit hinimok ni Pangulong Young ang libangan? (Tingnan din ang Doktrina at mga Tipan 136:28.) Paano magagawa ng ating mga gawaing libangan na “mapuspos [tayo] ng kapayapaan at kaluwalhatian, at maiangat ang bawat pagdaramdam at simbuyo ng puso”?

  • Anu-anong mga tungkulin ang dapat nating tupdin bago tayo lumahok sa libangan, upang ang ating mga gawain ay magdulot sa atin ng biyayang pang-espirituwal at pampisikal?

  • Itinuro ni Pangulong Young na ang libangan ay kinakailangang gawin sa tamang diwa. Paano tayo makatitiyak na napapasaatin ang Espiritu ng Panginoon sa ating libangan?

Dapat tayong maghangad ng kaaya-ayang libangan na naaayon sa mga pamantayan ng ebanghelyo.

  • Bakit mahalagang lumahok sa iba’t-ibang uri ng gawain, kabilang ang gawaing aliwan at libangan? Ayon kay Pangulong Young ano ang ilan sa mga tiyak na kapakinabangan ng musika, sayaw, at ng teatro? Ano ang sinasabi niya sa mga yaong naniniwala na ang teatro at bulwagang sayawan ay mga pook ng kasamaan?

  • Anu-ano ang dapat nating maging mga batayan sa pagpili ng nararapat na aliwan? Paano kayo makatitiyak na ang “Diyos [ay] nasa inyong mga kaisipan” kahit na lumalahok kayo sa mga gawaing aliwan o libangan? Paano makapagpapakita ang mga magulang ng magandang halimbawa sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng uri ng aliwan na pinipili nila?

  • Bakit ang libangan ay “kinakailangan sa ating kagalingan tulad ng ibang higit na mahalagang mga hangarin sa buhay”?

  • Paano kayo makatutulong na magbigay ng ligtas at kaaya-ayang libangan at aliwan para sa inyong sarili, sa inyong mga anak, at sa mga iba pa sa inyong pamayanan?

American Fork brass band

American Fork, Utah, tansong banda, 1866. Mahilig sa musika ang mga Banal, at halos bawat pamayanan ay may banda.

cultural hall of Salt Lake City

Hinimok ni Pangulong Young ang mga Banal na lumahok sa mga gawaing panlipunan at pangkultura. Ang larawang ito noong 1858 ay nagpapakita sa Bulwagang Panlipunan sa Lungsod ng Salt Lake, kung saan maraming mga Banal ang nagkaroon ng pagkakataon na mapaunlad at maipamalas ang kanilang mga talino.