Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 41: Mga Ordenansa ng Templo


Kabanata 41

Mga Ordenansa ng Templo

Habang tumitindi ang pag-uusig at ipinipilit sa mga Banal ang pangangailangang lisanin ang Nauvoo, ang Pangulong Brigham Young ay gumawa sa templo upang basbasan ang mga Banal ng sagradong mga ordenansa bago ang kanilang paglisan. Isinulat niya na isang araw, “isang daan at apatnapu’t tatlong katao ang tumanggap ng kanilang endowment sa Templo. … Gayon na lamang ang pananabik na ipinakita ng mga Banal na makatanggap ng mga ordenansa [ng templo], at gayon na lamang ang pananabik namin na mangasiwa sa kanila; kaya’t inilaan ko na ang aking sarili sa gawain ng Panginoon sa Templo gabi at araw, karaniwan, hindi natutulog nang higit pa sa apat na oras, bawat araw, at umuuwi minsan isang linggo, (HC, 7:567). Nang dumating siya sa kanluran, kaagad na pinili ng Pangulong Young ang lugar para sa bagong templo. Kanyang pinangasiwaan ang pagpapatayo ng apat na templo sa Utah—sa Lungsod ng Salt Lake, St. George, Manti, at Logan; subalit, ang Templo sa St. George lamang ang natapos habang siya ay nabubuhay pa. Noong ika-1 ng Enero 1877, dahil sa kahinaan ng mga binti ay kinailangan siyang buhatin nang nasa upuan patungo sa silid, siya ay nagtalumpati sa kongregasyon na nagpulong upang ialay ang ibabang bahagi ng Templo sa St. George, sinasabing: “Tayo ay nagtatamasa ng mga tanging karapatang walang ibang nakatatamasa sa ibabaw ng lupa. … Kapag pinag-iisipan ko ang paksang ito, ninanais kong magkaroon ng tinig na kasing lakas ng dagundong ng mga kulog upang magising ang mga tao (DNSW, ika-16 ng Ene. 1877, 1).

Mga Turo ni Brigham Youn

Ang mga templo ay mga bahay ng Panginoon kung saan pinapangasiwaan ang mga sagradong ordenansa upang ihanda ang mga Banal sa kadakilaan.

Maaaring itanong kung bakit tayo nagtatayo ng mga templo. Nagtatayo tayo ng mga templo sapagkat walang bahay sa ibabaw ng mundo na itinataguyod para sa pangalan ng Diyos na maihahambing sa kahit anong paraan sa kanyang katangian, at patuloy na matatawag na kanyang tahanan. May mga lugar sa ibabaw ng lupa na maaaring puntahan at tirahan ng Panginoon, kung kanyang nanaisin. Maaaring matagpuan ang mga ito sa tuktok ng mga kabundukan, o sa alinmang yungib o mga lugar na hindi pa nadudungisan ng mga paa ng mga taong makasalanan (DBY, 393–94).

Hinihiling niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ipagtayo siya ng bahay na maaari niyang puntahan at kung saan ay maipaaalam ang kanyang kalooban (DBY, 394).

Hinihiling ba ng Panginoon na magtayo tayo ng templo? “Masasabi ko na hinihiling niya ito katulad ng paghiling niya sa pagtatayo ng isa sa kahit saan. Kung itatanong mo, “Kapatid na Brigham, mayroon ka bang kaalaman tungkol dito; nagkaroon ka na ba ng paghahayag galing sa langit tungkol dito?” Tunay kong masasabi, palagi itong nasa aking isip (DBY, 411).

Tayo ay magtatayo ng templo. Ang batas na ito ay ibinigay sa mga anak ng tao (DBY, 393).

Hindi natin … mapapangasiwaan ang matataas na ordenansa ng Diyos, sa kaganapan nito, nang legal sa mga tao. … hanggang sa may maipatayo na tayong templo para sa layuning iyon (DBY, 394–95).

Ang sabi ng iba, “Ayaw kong gawin ito, sapagkat hindi pa tayo nakapagsimulang magtayo ng templo nang hindi nagsimulang tumunog ang mga kampana ng impiyerno.” Ibig kong marinig na muling tumunog ang mga ito (DBY, 410).

Natapos namin ang templo sa Kirtland at sa Nauvoo; at hindi ba tumunog ang mga kampana ng impiyerno sa buong panahon ng pagtatayo natin sa mga ito? Ganoon nga linggu-linggo at araw-araw (DBY, 410).

Aking napagpasiyahan, sa tulong ng Panginoon at ng mga taong ito, na igawa siya ng tahanan. Maitatanong mo, “Maninirahan ba siya rito?” Magagawa niya ang gusto niya; wala akong karapatang diktahan ang Panginoon. Ngunit igagawa natin siya ng bahay, na, kung nanaisin niyang dumalaw sa atin, mayroon siyang titirahan, o kung may ipadadala siyang kahit na sino sa kanyang tagapaglingkod, mayroon tayong nababagay na matutuluyan nila. Gumawa na ako ng sarili kong bahay, at ang karamihan sa inyo ay gayundin, at ngayon, hindi ba natin igagawa ng bahay ang Panginoon? (DBY, 411).

Kailangan ba natin ng templo? Kailangan natin, upang ihanda tayo sa pagpasok sa pinto ng banal na lungsod kung saan namamahinga ang mga Banal. Ang mga ordenansang kailangan dito … ay hindi (mapapangasiwaan) sa kawalan ng angkop na lugar. Ninanais natin ang templo, hindi para sa pampublikong kongregasyon, kundi para sa Pagkasaserdote, kung saan aayusin at itatatag nang lubusan ang Pagkasaserdote sa kanyang orden at mga antas [Aaronic at Melquisedec], upang pangasiwaan ang ordenansa ng Pagkasaserdote sa mga Banal para sa kanilang kadakilaan (DBY, 394).

Ang templo ay para sa mga endowment—para sa pagtatatag at instruksiyon ng Pagkasaserdote (DBY, 412).

Tinatamasa natin ang tanging karapatang makapasok sa templo na ginawa sa pangalan ng Diyos, at pagtanggap ng mga ordenansa ng kanyang bahay, kasama ang mga susi at biyaya sa paghahanda sa pagpasok sa mga “buhay” [tingnan ang Doktrina at mga Tipan 132:22]; atin ding tinatamasa ang tanging karapatang mangasiwa para sa ating mga ama at ina, ating mga lolo at lola, para sa mga naidlip nang wala ang Ebanghelyo (DBY, 394).

Ang mga nakibahagi lamang sa atin sa mga ordenansa ng templo ang nakakaalam sa kanilang mga sarili ng kasiyahang naroon sa kaalamang tayo nga ay mga kabalikat sa gawain ng ating Panginoon at Tagapagligtas; na tayo ay nagtataglay ng abang bahagi sa dakilang gawain ng kaligtasan; na tayo ay may pagkakataong tanggapin at sundin ang katotohanan, at tamuhin sa ating mga sarili ang kaligayahan na ang Ebanghelyo lamang ang makapagdudulot; at hindi lamang sa paggawa ng mga ordenansang ito para sa ating mga sarili, kundi ang paggawa ng kinakailangang gawain para sa ating mga magulang at ninuno na namatay nang wala ang Ebanghelyo, nang sila ay makabahagi rin sa tubig ng buhay, at mahatulan ayon sa mga tao sa laman [tingnan ang 1 Pedro 4:6]. Ito ay tanging karapatan, biyaya, na walang makakaramdam maliban kung siya ay nagtataglay nito. Nagagalak tayong malaman sa ating pananampalataya at damdamin sa pamamagitan ng espiritu ng paghahayag sa kalooban natin na ang ating mga gawain ay tinanggap ng Panginoon. Lubos tayong nasiyahan sa piling ng bawat isa; ang matatanda, mga nasa katanghaliang-gulang at ang kabataan na nagdirawang at pinasasaya dahil sa dakilang gawaing ito (DBY, 419–20).

Tungkulin natin na gampanan ang mga bagay na hinihiling sa atin ng Panginoon, at ipaubaya ang resulta sa kanya. Tungkulin nating gumawa ng maluwag sa ating kalooban; at kung tayo ay magtatayo ng templo na nagkakahalaga ng isang milyong piso, at ito ay mangangailangan ng lahat ng ating panahon at kabuhayan, ito ay ibibigay natin nang maluwag sa ating mga puso, kung ang Panginoon sa kanyang pagkalinga ay hinihiling sa ating gawin ito. Kung pahihintulutan ng Panginoong itaboy tayo ng ating mga kaaway mula dito, dapat na lisanin natin ito nang may lubos na kaligayahan sa ating puso tulad ng kapag tumatanggap tayo ng biyaya. Hindi mahalaga kung ano ang ginagawa ng Panginoon, o paano niya inuutos ang gawain sa kanyang mga tagapaglingkod. Ngunit kapag siya ay nag-utos, kailangang sumunod ang kanyang tao. Kailangan tayong maging kasing saya sa pagtatayo ng templong ito kahit alam na natin na hindi tayo kailanman makapapasok dito kapag ito ay natapos na gaya ng tila ba alam nating titira tayo ng isanlibong taong upang ikalugod ito (DBY, 415–416).

Kailangang gawin ninyo ang trabaho, kung hindi ito ay hindi magagawa. Ayaw namin nang mareklamo sa paligid ng templo. Kung hindi kayo makapagsisimula nang masaya, at tapusin nang masaya ang paggawa ng buong gusali, magtungo sa California, at mas mabilis mas mainam. Gumawa kayo ng bisiro, at sambahin ito. Kung ang pag-aalala ninyo sa mga ordenansa ng kaligtasan, para sa inyong mga sarili, sa inyong mga buhay, at patay, ay hindi una at pangunahin sa inyong mga puso, sa inyong mga kilos, at sa lahat ng inyong ari-arian, lumakad kayo! Bayaran ang inyong mga utang, kung mayroon kayo, at humayo nang payapa, at patunayan sa Diyos at sa lahat ng kanyang mga Banal na kayo nga ang siya ninyong ipinangangaral, ayon sa inyong mga kilos (DBY, 417–18).

Tayo … ay nagtatamasa ng pagkakataong hindi naranasan ng ibang tao simula nang panahon ni Adan, iyon ay, ang makapagpatayo ng templo, na kung saan lahat ng ordenansa sa tahanan ng Diyos ay maaaring ipagkaloob sa kanyang tao. Mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, nauunawaan ba ninyo ito? (DBY, 393).

Ang endowment ay nagpapahintulot sa ating makabalik na muli sa piling ng Panginoon.

Ang mga panimulang ordenansa. … na pinangasiwaan [sa templo sa Kirtland], kahit na sinamahan ng pagtulong ng mga anghel, at ng pagdalo ng Panginoong Jesus, ay malabong kahalintulad lamang ng mga ordenansa ng bahay ng Panginoon sa kanilang kaganapan; ngunit marami, sa pamamagitan ng panunulsol ng Diyablo, ay nag-akalang natanggap nila ang lahat, at kasing dunong na ng Diyos; sila ay lubusang tumalikod [sa katotohanan], at nagtungo sa impiyerno. Ngunit maaasahan ninyo, mga kapatid, may ilan lamang, napakakaunti sa mga Elder, ngayon sa lupa, ang nakaaalam ng kahulugan ng salitang endowment. Upang malaman, kailangan nilang maranasan; at upang maranasan, kailangang makapagtayo ng templo (DBY, 415–16).

Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng maikling pagpapaliwanag. Ang inyong endowment ay, tanggapin ang lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, na kinakailangan ninyo, matapos na lisanin ninyo ang buhay na ito, upang makabalik na muli kayo sa piling ng Ama, na daraanan ang mga anghel na tumatayo bilang mga bantay (DBY, 416).

Sino ang nakatanggap na at nakauunawa ng ganoong endowment, sa pagtitipon na ito? … Ang mga susi sa mga endowment na ito ay kasama ninyo, at libu-libo ang nakatanggap sa mga ito, kaya’t ang Diyablo, kasama ang lahat ng kanyang tagasunod ay hindi kailangang ipagpalagay na muli niyang mawawasak ang banal na Pagkasaserdote sa lupa, sa pamamagitan ng pagpatay ng ilan, sapagkat hindi niya magagawa ito. Iniunat ng Diyos ang kanyang mga kamay sa huling pagkakataon, upang tubusin ang kanyang tao, ang may tapat na puso, at hindi siya mahahadlangan ni Lucifer (DBY, 416).

Lubusang kinakailangan na matanggap ng mga Banal ang iba pang mga ordenansa ng bahay ng Diyos bago matapos ang maikling buhay na ito, nang sila ay makapaghanda at lubusang malagpasan ang lahat ng bantay patungo sa kahariang selestiyal at sa piling ng Diyos (DBY, 395).

Ang mga ordenansa ng bahay ng Diyos ay para sa kaligtasan ng sanlibutan. Tayo lamang sa mundo sa kasalukuyan ang may kaalaman, ang may hawak sa mga susi ng kaligtasan na nakalaan sa mga anak ng tao mula sa langit galing sa Makapangyarihang Panginoon at dahil sa may mga hawak na ng mga susing ito, mahalagang gamitin ang mga ito para sa kaligtasan ng sanlibutan. Ang pagtatayo ng mga templo, mga lugar na pinangangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan, ay kailangan sa pagpapatupad ng plano ng pagtubos, at ito ay maluwalhating saklaw na paksa kung saan maaaring kausapin ang mga Banal (DBY, 396–97).

Nadarama ko kung minsan na gusto kong pagsabihan nang masinsinan ang mga lalaki at babae na pumapasok sa mga tipan ng hindi natatanto ang katangian ng mga tipan na kanilang ginagawa, at hindi gaano o walang sikap sa pagsasagawa ng mga ito (DBY, 396).

Ang ilang mga Elder ay nagtutungo sa mga bansa at pinangangaral ang Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan, at bumabalik nang hindi lubusang nauunawaan ang katangian ng tipan. Nakasulat sa Biblia na ang bawat tao ay kailangang gampanan ang kanyang mga panata, bagaman napakahirap sa kanya [tingnan sa Ecclesiastes 5:4–5]; sa ganitong paraan ay maipapakita ninyo sa buong nilalang at sa Diyos na kayo ay puno ng karangalan (DBY, 396).

Ang mga ordenansa ng pagbubuklod ay makapaguugnay sa matwid na inapo ni Adan nang walang hanggan sa pamamagitan ng awtoridad ng Pagkasaserdote.

Marami sa ordenansa ng bahay ng Diyos ang kailangang gawin sa templo na itinayo para sa tiyak na layunin. Mayroong ibang ordenansa na maaari nating pangasiwaan nang walang templo. Alam ninyong natanggap na ninyo ang ilan—pagbibinyag, pagpapatong ng mga kamay para sa kaloob na Espiritu Santo, … at maraming pagbabasbas na ipinagkaloob sa tao, na may pagkakataon tayong tanggapin nang walang templo. May mga ibang biyaya, na hindi matatanggap, at mga ordenansa na hindi magagampanan ayon sa batas na inihayag ng Panginoon, nang hindi ginagawa sa templo na inihanda sa layuning iyon. … Tungkol sa … mga ordenansa ng pagbubuklod [para sa mga patay], mga ordenansang may kinalaman sa banal sa Pagkasaserdote, upang iugnay ang tanikala ng Pagkasaserdote mula kay Amang Adan hanggang ngayon, sa pagbubuklod ng mga anak sa kanilang mga magulang, sa pagbubuklod para sa ating mga ninuno, at iba … hindi magagawa ang mga ito nang walang templo. Kapag ang mga ordenansa ay ginawa sa mga itatayong templo [ang mga anak] ay ibubuklod sa kanilang mga [magulang], at doon sa mga naidlip, pabalik kay Amang Adan. Ito ay kailangang isagawa, dahil sa pagkakaputol ng tanikala ng Pagkasaserdote sa lupa. Iniwan ng Pagkasaserdote ang tao, ngunit sa unang banda iniwan ng tao ang Pagkasaserdote. Kanilang nilabag ang mga batas, binago ang ordenansa, at sinira ang walang katapusang tipan [tingnan sa Isaias 24:5], at iniwan sila ng Pagkasaserdote; nang iwan nila ang Pagkasaserdote. Ang Pagkasaserdoteng ito ay muling ipinanumbalik, at sa awtoridad nito tayo ay maiuugnay sa ating mga ninuno sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod, hanggang sa tayo ay makabuo ng ganap na tanikala mula kay Amang Adan hanggang sa katapusan ng daigdig [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 128:18]. Ang ordenansang ito ay hindi isasagawa kahit saan maliban sa templo; ni maibubuklod ang mga anak sa kanilang mga buhay na magulang sa anumang lugar maliban sa templo … Pagkaraang matanggap ng mga magulang ang kanilang mga endowment at maibuklod sa panahon at kawalang-hanggan, at magkaroon sila ng ibang mga anak; sila ay isinilang sa ilalim ng tipan; at sila ang tunay na tagapagmana sa kaharian, tinataglay nila ang mga susi ng kaharian. Ang mga bata na ipinanganak ng mga magulang, bago ang huli ay pumasok sa kaganapan ng mga tipan, ay kailangang maibuklod sa kanila sa templo upang maging legal na tagapagmana ng Pagkasaserdote. Totoong maaari silang makatanggap ng mga ordenansa, maaari nilang tanggapin ang kanilang mga endowment, at mabiyayaan katulad ng kanilang mga magulang; ngunit hindi pa rin sila maaangkin nang naaayon sa batas sa kawalang-hanggan maliban kung sila ay maibuklod sa kanila. Ganoon pa man ang tanikala ay hindi magiging buo nang hindi isinasagawa ang ordenansa ng pagbubuklod (DBY, 399–401).

Kung hindi naihayag ang tungkol sa mga ordenansa ng pagbubuklod, ang mga bata na ipinanganak sa labas ng tipan ay hindi maibubuklod sa kanilang mga magulang (DBY, 397).

Ang ordenansa ng pagbubuklod ay kailangan gawin dito [anak] sa [ama], at babae sa lalaki, at mga anak sa mga magulang, at iba pa, hanggang sa ang tanikala ng henerasyon ay maging ganap sa mga ordenansa ng pagbubuklod simula kay Amang Adan; kaya nga, tayo’y inutusang ipunin ang ating mga sarili, na lumabas sa Babilonia [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:5, 7, 14], at dakilain ang ating mga sarili, at itaguyod ang Sion ng ating Diyos, sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga siyudad at mga templo, pagtubos ng mga bayan sa kalungkutan ng kalikasan, hanggang ang mundo ay maging dakila at handa sa paninirahan ng Diyos, na kinakailangan para sa kaganapan ng mga Banal sa paghahanda sa kanyang pagdating (DBY, 407).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang mga templo ay mga bahay ng Panginooon kung saan pinapangasiwaan ang mga sagradong ordenansa upang ihanda ang mga Banal sa kadakilaan.

  • Bakit tayo nagtatayo ng mga templo? Bakit ang pagtatayo ng mga templo ay nagiging sanhi “ng tumunog ang mga kampana ng impiyerno … “? Bakit sa palagay ninyo sinabi ng Pangulong Young na, “Ibig kong muling marinig na tumunog ang mga ito”?

  • Sa anong mga paraan ginagawa tayong mga “kabalikat ng ating Panginoon at Tagapagligtas” ng paglilingkod sa templo? Paano natin malalaman na ang ating “mga gawain ay tinanggap ng Panginoon”?

  • Sinabi ng Pangulong Young, “Ayaw natin ng mareklamo sa paligid [ng] templo.” Bakit kinakailangan ang “maluwag sa kalooban” at kusang pagsunod sa pagtatayo ng mga templo at pagsamba sa templo? Ano ang ginawa ninyo na nakatulong sa inyo na hindi dumaing tungkol sa pagtatayo ng mga templo at pagsamba sa mga templo? Bakit kailangang maging “una at pangunahin” sa ating mga puso at gawa ang mga ordenansa ng kaligtasan?

Ang endowment ay nagpapahintulot sa atin na makabalik muli sa piling ng Panginoon.

  • Ano ang itinuro ng Pangulong Young tungkol sa layunin ng endowment sa templo?

  • Ano ang mga panganib ng paggawa ng mga tipan nang hindi nalalaman ang kanilang sagradong katangian? Paano natin mauunawaan ang katangian ng ating mga tipan at mapagsisikapan ang pagsasagawa ng mga ito”? Paano natin matutulungan ang ating mga anak na maunawaan ang sagradong katangian ng mga tipan na ginawa sa templo?

Ang mga ordenansa ng pagbubuklod ay makapag-uugnay sa matwid na inapo ni Adan nang walang hanggan sa pamamagitan ng awtoridad ng pagkasaserdote.

  • Ano ang ibig sabihin ng bumuo “ng ganap na tanikala mula kay Amang Adan hanggang sa katapusan ng daigdig”? Ano ang ating pananagutan sa pagbubuo ng tanikalang ito? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 128:18.) Paano tayo at ang ating mga mag-anak mabibiyayaan ngayon at sa darating na panahon ng paggawa ng ganitong mga ugnayan.

  • Paano tayo tinutulungan ng ordenansa ng pagbubuklod na “lumabas sa Babilonia, at dakilain ang ating mga sarili, at itaguyod ang Sion ng ating Diyos”?

  • Ano ang magagawa ninyo upang maging ganap na mabisa ang ordenansa ng pagbubuklod ng templo sa inyong buhay? Ano ang nadarama ninyo kapag inyong natanto na maaari ninyong mapagbuklod ang inyong mga ninuno, inapo, at mag-anak nang walang hanggan? Paano naiimpluwesiyahan ng kaalamang ito ang inyong damdamin tungkol sa pamumuhay ng ebanghelyo araw-araw?

Nauvoo Temple

Isa sa iilang kilalang retrato ng Templo ng Nauvoo. Naglingkod nang araw at gabi ang Pangulong Young at ibang kasapi ng Labindalawa upang makatanggap ng kanilang endowment ang mga karapat-dapat na Banal sa Templo ng Nauvoo bago sila lumisan patungo sa Lambak ng Salt Lake.

St. George Temple

Ang Templo sa St. George ang kauna-unahang natapos at naitalagang Templo sa Utah.