Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 6: Komunikasyon sa Pagitan ng Diyos at Tao


Kabanata 6

Komunikasyon sa Pagitan ng Diyos at Tao

Itinuro ni Pangulong Brigham Young na ang ating “una at pangunahing tungkulin ay hanapin ang Panginoon hanggang mabuksan natin ang daan ng komunikasyon mula sa Diyos patungo sa sarili nating kaluluwa.” Makaraan ang kaunting panahon matapos ang pagkamatay ni Propetang Joseph Smith, nagkuwento si Brigham Young tungkol sa isang panaginip na kung saan ay dinalaw siya at tinagubilinan ni Joseph: “Humakbang palapit sa amin si Joseph, mukhang taimtim, ngunit masayang nagwikang: ‘Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat, at tiyaking nasa kanila ang espiritu ng Panginoon at sila ay aakayin nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig, ituturo nito sa kanila ang kanilang gagawin at patutunguhan; ibibigay nito ang mga bunga ng Kaharian. … Sabihin sa mga kapatid na kung susundin nila ang espiritu ng Panginoon, sila ay mapupunta sa tama’” (JH). Ang lahat ng anak ng Diyos ay may pribilehiyong maliwanagan ng espiritu ni Cristo at makatanggap ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo habang masigasig nilang hinahanap ang Panginoon.

Mga Turo ni Brigham Young

Ang espiritu ni Cristo ay ibinibigay sa lahat ng anak ng Diyos upang maliwanagan sila at tulungan silang malaman ang mabuti sa masama.

Ang Espiritu ng Panginoon ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao na pumaparito sa sanlibutan. Walang nabubuhay sa mundo na hindi, humigit kumulang, nabigyang-liwanag ng Espiritu ng Panginoong Jesus. Sinabi tungkol sa kanya, na siya ang ilaw ng sanlibutan. Iniilawan niya ang bawat taong pumaparito sa daigdig at bawat tao, sa pana-panahon, ay nagtataglay ng liwanag ng espiritu ng katotohanan sa kanyang sarili [tingnan sa Juan 1:9; 8:12; Moroni 7:16; Doktrina at mga Tipan 84:46] (DBY, 32).

Hindi ako naniniwala ni sa isang saglit na may isang lalaki o babae sa ibabaw ng mundo, mula sa panahon ni Adan hanggang sa araw na ito, na hindi naliwanagan, nabigyang-tagubilin, at tinuruan sa pamamagitan ng mga paghahayag ni Jesucristo. “Ano! maging ang mga mangmang na pagano?” Oo, bawat taong may matinong isipan. Hindi ko pinaniniwalaan na ang mga anak ng tao ay napagkaitan ng pribilehiyong makatanggap ng Espiritu ng Panginoon upang turuan sila ng tama sa mali (DBY, 32).

Naniniwala … akong ganap na walang bagay na nalalaman maliban na lamang sa pamamagitan ng paghahayag ng Panginoong Jesucristo, ito man ay tungkol sa teolohiya, siyensiya, o sining (DBY, 38).

May mga taong may talino, may dakilang isipan, may kapangyarihan sa pag-iisip at kaalaman sa lahat ng mekanikal na bagay; dalubhasa sila rito, bagamat hindi nila alam kung saan nagmula ang kanilang katalinuhan. Ang Espiritu ng Panginoon ay hindi pa humihinto sa pananatili sa mga tao, na naghahandog sa kanila ng kaalaman at katalinuhan; samakatwid, naghahayag ito sa kanila, nagtatagubilin sa kanila, nagtuturo sa kanila, at gumagabay sa kanila (DBY, 33).

Ang Diyos ay narito: ang kanyang impluwensiya ay pumupuno sa kalakhan ng kalawakan. Ipinadala niya ang kanyang mga sugo sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanyang mga kamay. Binabantayan niya ang bawat isa sa kanyang mga nilikha; ang kanilang mga damdamin, kanilang mga pagsinta, at iniisip ay batid niyang lahat; dahil ang kanyang katalinuhan at kapangyarihan ay pumupuno sa kalakhan ng kalawakan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:6–13]. Hindi ito ginagawa ng kanyang katauhan, kundi ng kanyang Espiritu; at siya ay naritong nagtuturo, gumagabay at nagtatagubilin sa mga bansa sa mundo (DBY, 32).

Nagsasalita ang Diyos sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng paghahayag.

Ang mga taong ito ay naniniwala sa paghahayag. Ang mga taong ito ay naniwala at naniniwala na ang Panginoon ay nagsalita mula sa mga kalangitan. Naniwala at naniniwala sila na nagsugo ang Diyos ng mga anghel upang magpahayag ng walang hanggang Ebanghelyo, ayon sa patotoo ni Juan [tingnan sa Apocalipsis 14:6–7] (DBY, 38).

Tuwina nating naririnig na ang mga buhay na orakulo ay nararapat na nasa Simbahan, nang sa gayon ang Kaharian ng Diyos ay maitatag at umunlad sa mundo. Magbibigay ako ng ibang salin tungkol sa kuru-kurong ito. Sinasabi ko na ang mga buhay na orakulo ng Diyos, o ang Espiritu ng paghahayag ay nararapat na nasa bawat isang indibiduwal, upang malaman ang plano ng kaligtasan at tahakin ang daan na maghahatid sa kanila sa kinaroroonan ng Diyos (DBY, 38).

Madalas katauhan ng Panginoon ay hindi naroroon sa lahat ng dako; ngunit may mga kinatawan siyang nagsasalita at gumagawa para sa kanya. Ang kanyang mga anghel, kanyang mga sugo, kanyang mga apostol at tagapaglingkod ay hinirang at binigyang-karapatan upang kumilos para sa kanyang pangalan. At ang kanyang mga tagapaglingkod ay binigyangkarapatan na magpayo at mag-atas sa pinakadakila at inaakalang pinakamaliit na mga bagay upang magtagubilin, mamahala at gumabay sa kanyang mga Banal (DBY, 41).

Walang sinuman ang magkakaroon ng impluwensiya sa Kahariang ito, at mapananatili niya ang kanyang sarili rito, magagampanang mabuti ang kanyang tungkulin kung wala sa kanya ang kapangyarihan ng Diyos. Nararapat na mamuhay ang mga tao sa paraang matatamasa nila ang liwanag ng Banal na Espiritu, kung hindi, sila ay hindi magkakaroon ng tiwala sa kanilang sarili, sa kanilang relihiyon, o sa kanilang Diyos, at sa malao’t madali ay mawawala sa pananampalataya (DBY, 33).

Itinanong sa akin ng isang ginoo kung paano ko ginagabayan ang mga tao sa pamamagitan ng paghahayag. Tinuturuan ko silang mamuhay sa paraang maipauunawa sa kanila ng Espiritu ng paghahayag ang kanilang tungkulin sa araw-araw nang kanilang magabayan ang kanilang sarili. Upang matanggap ang paghahayag na ito kailangang mamuhay ang mga taong ito sa paraang ang kanilang espiritu ay kasing dalisay at linis ng isang walang sulat na papel na nakapatong sa mesa ng [manunulat], na handang tumanggap ng anumang sulat na maaaring ilagay roon ng manunulat (DBY, 41).

Walang katwiran sa mundo, walang pagpapaliwanag ang makapagbubukas sa mga isipan ng matatalinong tao at makapagpapakita sa kanila ng mga makalangit na bagay; ito ay magagawa lamang sa pamamagitan ng Espiritu ng paghahayag [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:9–14] (DBY, 37).

Ang mga paghahayag ng Panginoong Jesucristo, ang espiritu ng katotohanan ay makatutuklas sa lahat ng bagay, at maipauunawa sa lahat ng maytaglay nito ang tama sa mali, ang liwanag sa kadiliman, ang mga bagay ng Diyos sa mga bagay na hindi sa Diyos. Ito lamang ang makapagpapaunawa sa atin ng Ebanghelyo ng Anak ng Diyos, ng kalooban ng Diyos, at kung paano tayo maliligtas. Sundin ito, at ito ay aakay sa inyo sa Diyos, ang Bukal ng liwanag, kung saan ang lagusan ay bukas, at ang isipan ay mabibigyang-liwanag upang ating makita, malaman at maunawaan ang tunay na katangian ng mga bagay (DBY, 34).

Walang sinuman ang makakikilala kay Jesus na Cristo maliban na ito ay ipahayag sa kanya mula sa langit [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 12:3] (DBY, 37).

Kung walang paghahayag na tuwirang nagmumula sa langit ay imposibleng hindi ganap na mauunawaan ng sinumang tao ang plano ng kaligtasan (DBY, 38).

Kung walang mga paghahayag mula sa Diyos ay hindi natin malalaman kung sino tayo, saan tayo galing, ni kung sino ang lumikha sa mundo na kung saan tayo ay nabubuhay, kumikilos, at mayroong tayong pagkatao (DBY, 37).

Kapag binibigyang-inspirasyon ng Espiritu ng paghahayag na mula sa Diyos ang isang tao, nabubuksan ang isipan niya sa ganda, kaayusan, at kaluwalhatian ng pagkakalikha sa mundong ito at sa mga naninirahan dito, ang dahilan ng kanyang paglikha nito, at ang layunin ng kanyang Manlilikha sa paglalagay ng kanyang mga anak dito. Mauunawaan niya ngayong mabuti na ang ating buhay dito ay para sa tanging layunin ng kadakilaan at pagpapanumbalik sa kinaroroonan ng ating Ama at Diyos (DBY, 37).

Upang maunawaan nang maayos ang bawat bahagi ng mga paghahayag ng Diyos na ibinigay sa mga anak ng tao, o kanino mang tao sa langit o sa mundo, kailangan ng tao ang Espiritu na nagbigay nito—ang Espiritu na naghahayag ng mga bagay na ito sa pag-unawa, at nagpapakilala sa mga ito sa isipan (DBY, 39).

Kaya nga dapat tayong mamuhay sa paraang ang Espiritu ng paghahayag ay makapag-aatas at makaaantig sa ating puso at makapagsasabi sa atin kung ano ang ating nararapat gawin sa halip na umasa sa mga kaugalian ng ating mga magulang at guro. Subalit upang magawa natin ito kailangan tayong maging maliliit na bata; at sinabi ni Jesus kung hindi natin gagawin ito hindi tayo makapapasok sa kaharian ng langit. Napakadali nito! Mamuhay nang malaya sa inggit, masamang hangarin, poot, alitan, masamang damdamin, at pagsasalita ng masama sa ating mga mag-anak at tungkol sa ating kapwa at kaibigan at lahat ng naninirahan sa mundo, saan man natin sila makikita. Mamuhay sa paraang malaya, malinis at dalisay ang ating budhi (DBY, 36).

Kapag nakatanggap kayo ng isang pangitain o paghahayag mula sa Pinakamakapangyarihan, isang pangitaing ibinigay sa inyo ng Panginoon tungkol sa inyong sarili, o mga taong ito, ngunit hindi ninyo dapat ipahayag dahil hindi kayo ang nararapat na taong magpahayag nito, o dahil hindi pa ito dapat malaman ng mga tao sa kasalukuyan, dapat ninyo itong sarilinin at ganap na ipinid, at susian nang mahigpit tulad ng pagkakasara at pagkakapinid ng langit sa inyo, at gawin itong ligtas tulad ng isang bangkay ay ligtas sa loob ng libingan. Walang tiwala ang Panginoon sa mga naghahayag ng mga lihim, dahil hindi niya matiwasay na maihahayag ang kanyang sarili sa gayong uri ng mga tao (DBY, 40–41).

Paano natin nalalamang isinulat ng mga propeta ang salita ng Panginoon? Sa pamamagitan ng paghahayag. Paano natin nalalaman na si Joseph Smith ay tinawag ng Diyos upang magtatag ng kanyang Kaharian sa mundo? Sa pamamagitan ng paghahayag. Paano natin nalalaman na ang mga pinuno ng mga taong ito ay nagtuturo ng katotohanan? Sa pamamagitan ng paghahayag (DBY, 38).

Paano ninyo malalaman na ang gawain sa mga Huling Araw ay totoo? Malalaman ninyo ito sa pamamagitan lamang ng espiritu ng paghahayag mula mismo sa langit. Ano ang nagpatunay sa inyo na ang gawaing ito ay totoo … ? Hindi ba ang espiritu ng paghahayag na nasa inyo?. … Nararapat ninyong dagdagan ito araw-araw; dapat ninyo itong dagdagan habang binibigyan kayo ng Panginoon—kaunti rito at kaunti roon, at pakaingatan ang katotohanan sa inyong pananampalataya at pag-unawa, hanggang kayo ay maging ganap sa harapan ng Panginoon at maging handa sa pagtanggap ng karagdagang mga bagay ng Kaharian ng Diyos (DBY, 36).

Kapag kayo ay matapat na naglingkod sa loob ng maraming taon, matututuhan ninyo ang simpleng katotohanang ito—na kung ang inyong puso ay nasa tama, at nagpapatuloy kayo sa pagsunod, nagpapatuloy sa paglilingkod sa Diyos, nagpapatuloy sa pananalangin, ang Espiritu ng paghahayag ay mapapasainyo tulad ng isang balon ng tubig na bumubukal sa buhay na walang hanggan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:38; 63:23]. Huwag pahintulutan ang sinuman na tumigil sa pananalangin dahil wala sa kanya ang espiritu ng panalangin, ni bayaan ang alinmang kalagayan sa mundo na madaliin kayo sa pagganap sa mahalagang tungkuling ito. Sa pamamagitan ng pagyuko sa harapan ng Diyos upang hilingan siyang pagpalain kayo, tiyak na matatagpuan ninyo ang ganitong kahihinatnan— higit kayong pagpapalain ng Diyos sa temporal at sa espirituwal.

Isa sa pinakamahalagang tungkulin natin ay alamin ang kalooban ng Diyos sa araw-araw na panalangin.

Kung gagawa ako ng pagtatangi sa lahat ng tungkulin na kinakailangan sa mga anak ng tao, mula sa una hanggang sa huli, ilalagay ko sa una at pinakamahalaga ang tungkulin ng paghanap sa Panginoon nating Diyos hanggang mabuksan natin ang daan ng komunikasyon mula langit patungo sa mundo—mula sa Diyos patungo sa ating sariling kaluluwa. Panatilihing malinis at dalisay sa harapan niya ang lahat ng landas ng inyong puso (DBY, 41).

Kung lalapit tayo sa kanya, lalapit siya sa atin; kung hahanapin natin siya nang maaga, matatagpuan natin siya; kung matapat at masigasig nating gagamitin ang ating isipan upang malaman at maunawaan ang isipan at kalooban ng Diyos, kasing-dali ito, oo, masasabi kong mas madali pa ito kaysa sa malaman ang isipan ng bawat isa (DBY, 42).

Tayo ay maging mapagpakumbaba, taimtim, mabait, masunurin sa kalooban ng Panginoon, at walang panganib dito bagkus ay mapapasaatin ang kanyang Espiritu upang gabayan tayo. Kung bubuksan natin ang ating labi at tatawag sa ating Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesus, mapapasaatin ang diwa ng panalangin (DBY, 44).

Sinasabi ng Panginoon, lalapit sa akin ang aking mga tao para sa mga pagpapalang kailangan nila. At sa halip na ituring natin ang panalangin na kabilang sa mga tungkuling kinakailangan mula sa atin bilang mga Banal sa mga Huling Araw, dapat tayong mamuhay na ipinapalagay na ito ay isa sa mga dakilang pribilehiyong ipinagkaloob sa atin; dahil kung hindi sa bisa ng panalangin ano na lamang ang mangyayari sa atin bilang mga tao at bilang indibiduwal? (DBY, 43).

Tungkulin ng mga Banal sa mga Huling Araw na manalangin nang walang tigil, at sa lahat ng bagay ay magpasalamat, upang kilalanin ang kamay ng Panginoon sa lahat ng bagay, at mapasailalim sa kanyang mga kahilingan (DBY, 42).

Pahintulutang manawagan ang bawat lalaki at bawat babae sa pangalan ng Panginoon, at gayon din, mula sa dalisay na puso, habang sila ay gumagawa at habang sila ay nasa kanilang mga silid, habang sila ay nasa publiko at habang sila ay nag-iisa, humihiling sa Ama sa pangalan ni Jesus, na pagpalain sila, at pangalagaan at gabayan sila, at turuan sila, ng daan sa buhay at kaligtasan at upang makapamuhay sila sa paraang matatamo nila ang walang hanggang kaligtasan na ating hinahangad (DBY, 43).

Hindi mahalaga kung nais ninyo o nais kong manalangin, kapag dumating ang oras ng pananalangin, manalangin kayo. Kung hindi natin nais na manalangin, dapat tayong manalangin hanggang sa naisin natin ito (DBY, 44).

Ilan sa mga kapatid natin ang lumapit sa akin at nagsabing, “Kapatid na Brigham, tungkulin ko bang manalangin kung wala ni katiting akong diwa ng panalangin sa aking sarili? Tunay, na may mga panahon, na ang tao ay naguguluhan at puno ng pagkabalisa at suliranin, ang kanilang mga araro at iba pang kagamitan ay sira, nangaligaw ang kanilang mga hayop at may libu-libong bagay ang nakagugulo sa kanila; gayunman itinuturo sa atin ng ating pagpapasiya na tungkulin natin ang manalangin, may tunay na diwa man tayo ng panalangin o wala. Ang aking doktrina ay, tungkulin ninyong manalangin; at kapag dumarating ang oras ng pananalangin, dapat sabihin ni Juan na, “Ito ang lugar at ngayon ang oras upang manalangin; ititiklop ang mga tuhod sa sahig, at gagawin ito agad.” Ngunit sinabi ni Juan, “Hindi ko gustong manalangin; hindi ko nararamdaman na gusto ko.” Mga tuhod kayo ay lumuhod, sinasabi ko; at lumuhod ang mga tuhod, at nagsimula siyang mag-isip at magbulay-bulay. Maaari ka bang magsabi ng kahit ano? Hindi mo ba masasabing, Diyos ko maawa ka sa akin na isang makasalanan? Oo, magagawa niya ito, kung makatatayo siya at maisusumpa ang kanyang kapwa dahil sa ilang pagkakamali. Ngayon Juan, buksan mo ang iyong bibig at sabihing, Panginoon, maawa kayo sa akin. “Ngunit hindi ko nararamdaman ang diwa ng panalangin.” Hindi mo ito maikakatwiran, dahil alam mo kung ano ang tungkulin mo (DBY, 45).

Kung sinasabi ng Diyablo na hindi kayo maaaring manalangin kapag galit kayo, sabihin ninyo sa kanya na wala na siyang pakialam doon, at manalangin hanggang sa maitaboy ang uring ito ng kabaliwan at maipanumbalik sa isipan ang kapayapaan(DBY, 45).

Sa pagbangon ninyo sa umaga, bago ninyo pahintulutan ang inyong sariling kumain ng isang subo ng pagkain, tipunin ang inyong asawa at mga anak, yumuko sa harap ng Panginoon, hilingin na patawarin niya ang inyong mga kasalanan, at pangalagaan kayo sa buong araw, ilayo kayo mula sa tukso at lahat ng masama, gabayan ang mga kilos ninyo sa tama, nang makagawa kayo sa araw na iyon ng isang bagay na makabubuti sa Kaharian ng Diyos sa mundo. May oras ba kayo para gawin ito? Mga elder, at kapatid na babae, may oras ba kayong manalangin? (DBY, 44).

Manalangin kayo bago kayo pumunta sa trabaho. Huwag kailanman kalimutan ito. Ang isang ama—ang haligi ng tahanan—ay hindi kailanman dapat kalimutang tipunin ang kanyang mag-anak at ilaan ang kanyang sarili at mag-anak sa Panginoon ng mga Hukbo, na humihiling ng patnubay at tagubilin ng kanyang Banal na Espiritu na akayin sila sa buong araw—sa araw na iyon. Akayin kami sa araw na ito, gabayan kami sa araw na ito, pangalagaan kami sa araw na ito, iligtas kami sa pagkakasala sa inyo o sa sinuman sa langit o sa lupa sa araw na ito! Kung gagawin natin ito arawaraw, sa huling araw ng buhay natin ay magiging handa tayong magtamasa ng mas mataas na kaluwalhatian (DBY, 44).

Alam ninyo na isang kaibahan ng ating pananampalataya at relihiyon ang hindi paghiling sa Panginoon na gawin ang isang bagay na hindi tayo handang tumulong sa kanya sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nito ang Panginoon na ang gagawa ng iba pa (DBY, 43).

Hindi ako hihiling sa Panginoon na gawin ang isang bagay na hindi ko rin handang gawin (DBY, 43).

Kung hihingi ako sa kanya ng karunungan hinggil sa anumang pangangailangan sa buhay, o tungkol sa sarili kong gawain, o ng aking mga kaibigan, aking mag-anak, aking mga anak, o ng mga taong aking pinamumunuan, at hindi makatanggap ng kasagutan mula sa kanya, at pagkatapos ay gagawin ko ang pinakamabuting paraan na mapagpapasiyahan ko, kanyang aariin at igagalang ang kasunduang iyon, at gagawin niya ito sa lahat ng layon at hangarin (DBY, 43).

Kapag nanalangin ang bawat Banal, hayaan siyang humiling sa Diyos ng mga bagay na kailangan niya upang maitaguyod ang kabutihan sa mundo. Kung hindi ninyo alam kung ano ang hihilingin, ipahintulot ninyong turuan ko kayo kung paano manalangin. Kapag kayo ay nananalangin nang lihim na kasama ang inyong mag-anak, kung hindi ninyo alam kung ano ang inyong hihilingin, ibigay ninyo ang inyong sarili sa inyong Ama sa Langit at magsumamo sa kanya na gabayan kayo sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo, at gabayan ang mga taong ito, at iatas ang mga gawain ng kanyang Kaharian sa mundo, at iwan na ito rito. Hilingin sa kanyang ilagay kayo kung saan niya kayo nais, at sabihin sa inyo kung ano ang nais niyang ipagawa sa inyo, at ipadama sa kanya na naroroon kayo upang gawin ito (DBY, 45–46).

Hayaang maging mataimtim sa pananalangin ang lahat ng tao, hanggang sa malaman nila ang mga bagay ng Diyos para sa kanilang sarili at maging tiyak na naglalakad sila sa daan na patungong buhay na walang hanggan; pagkatapos ang inggit, ang bunga ng kamangmangan, ay mawawala at mawawalan ng hangarin ang sinuman na itaas ang kanyang sarili sa iba; dahil ang mga damdaming ito ay hindi katanggap-tanggap sa orden ng langit. Hindi kailanman ninais ni Jesucristo na maging iba sa kanyang Ama. Sila noon at maging ngayon ay iisa. Kung ang mga tao ay pinamumunuan sa pamamagitan ng mga paghahayag ni Jesucristo, at batid nila ang katotohanan sa pamamagitan ng kanilang katapatan, walang pangambang hindi sila magiging iisa kay Jesucristo, at magkakaunawaan (DBY, 42).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang espiritu ni Cristo ay ibinibigay sa lahat ng anak ng Diyos upang maliwanagan sila at tulungan silang malaman ang mabuti sa masama.

  • Pag-isipan ang mga gawain ng liwanag ni Cristo o espiritu ng Panginoon. (Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ilaw, Liwanag ni Cristo,” 725; Doktrina at mga Tipan 88:6–13; Moroni 7:12–19.) Ano ang ibig sabihin ng “maliwanagan ng Espiritu ng Panginoong Jesus”?

  • Paano natin malalaman ang walang hanggang pamantayan ng “tama sa mali”?

  • Ayon kay Pangulong Young, sa anu-anong paraan “nanatili sa mga tao” ang espiritu ng Panginoon?

  • Sa pamamagitan ng anong kapangyarihan na “pumupuno ng kalakhan” naiimpluwensiyahan ng Panginoon nakaiimpluwensiya sa kanyang mga anak? Sa anong paraan hindi malayo ang Diyos sa bawat isa sa atin? (Tingnan din sa Mga Gawa 17:27.) Anong katibayan ang nakikita ninyo na iniimpluwensiyahan ng Diyos ang mga pangyayari sa buong mundo?

Nagsasalita ang Diyos sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng paghahayag.

  • Sino ang binibigyan ng Panginoon ng karapatang tumanggap ng paghahayag para sa buong Simbahan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 21:4–5; 28:2; 43:3–4; 90:3–5.) Sino ang mga “buhay na orakulo”? Ano ang ating mga responsibilidad kaugnay sa mga buhay na orakulo?

  • Sinabi ni Pangulong Young na ang mga turo ng kaligtasan ay malalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag. Ano ang mga paghahayag na ibibigay sa atin ng Panginoon bilang mga indibiduwal? (Tingnan din sa 2 Nephi 32:5; Mga Bilang 11:29.)

  • Ayon kay Pangulong Young, paano natin malalaman na tayo ay inaakay ayon sa kalooban ng Diyos? Sa anong mga kalagayan tayo makatatanggap ng gumagabay na paghahayag sa ating pang-araw-araw na buhay?

  • Anong pangako ang ginawa para sa mga matapat na “naglingkod sa loob ng maraming taon” sa panalangin, pagsunod, at paglilingkod? Ano na ang mga naging karanasan ninyo sa panalangin na nakatulong upang mapasainyong buhay ang Espiritu?

Isa sa pinakamahalagang tungkulin natin ay alamin ang kalooban ng Diyos sa araw-araw na panalangin.

  • Ayon kay Pangulong Young, ano ang ating “una at pinakamahalagang tungkulin” bilang mga kasapi ng Simbahan?

  • Sa anong mga kalagayan higit na mapapasaatin ang Espiritu upang tayo ay gabayan? (Tingnan din sa 3 Nephi 19:9, 24.)

  • Anong tiyak na payo ang ibinigay ni Pangulong Young tungkol sa panalangin?

  • Ano ang pinakamahigpit na paalala ni Pangulong Young sa mga walang pagnanais na manalangin?