Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 23: Pag-unawa sa Bago at Walang Hanggang Tipan ng Kasal


Kabanata 23

Pag-unawa sa Bago at Walang Hanggang Tipan ng Kasal

Sa tagsibol nang 1847, iniwan ng Pangulong Brigham Young ang kanyang mag-anak sa Winter Quarters at pinangunahan ang unang grupo ng mga Banal sa kanluran. Sa liham niya sa kanyang asawang si Mary Ann, inilalarawan ang pagsisikap ng grupo sa “paghahanda sa pag-alis,” sinabi niya: “Mahal kong kabiyak na katuwang sa paghihirap, … nagpapasalamat ako ng libong beses sa iyong mabubuting liham sa akin lalo na sa iyong mabubuting gawain at isa pa sa mabuti mong puso. Patuloy kitang ipinagdarasal at ang mga bata at ang lahat ng mag-anak natin. Alam ko na biniyayaan ako ng Panginoon ng isa [sa] pinakamahusay na mag-anak na maaaring magkaroon ang sinuman sa mundo” (MAAY). Para sa Pangulong Young, ang ebanghelyo ang naghahanda sa mga Banal sa buhay na walang hanggan, buhay na may pangunahing layunin ng pagpapakasal at pagkakaroon ng mag-anak. Ang bago at walang hanggang tipan ng kasal ang naglalagay ng pundasyon para “sa mga mundo, mga anghel, at mga Diyos” (DBY, 195.)

Mga Turo ni Brigham Youn

Ang bago at walang hanggang tipan ng kasal ang naglalagay ng pundasyon sa buhay na walang hanggan.

Ito [walang hanggang kasal] ay walang simula ng araw at katapusan ng taon. … May masasabi tayong ilang bagay tungkol dito; ito’y naglalagay ng pundasyon sa mga mundo, mga anghel at mga Diyos; para sa marurunong na nilikha na maputungan ng kaluwalhatian, kawalang kamatayan at buhay na walang hanggan. Sa totoo, ito ang pisi na nag-uugnay sa simula hanggang katapusan ng banal na Ebanghelyo ng Kaligtasan—ng Ebanghelyo ng Anak ng Diyos; ito ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan (DBY, 195).

Sundan ng ama at ina, na kasapi ng Simbahan at Kahariang ito, ang tamang daan ng kabutihan, at magsumikap nang buong lakas na hindi gumawa ng kamalian, kundi gumawa ng mabuti sa buong buhay nila; kung may isa silang anak o sandaang anak, kung magpapakabuti sila sa kanila gaya ng nararapat, ibinubuklod sila sa Panginoon ng kanilang pananampalataya at panalangin, hindi ako nag-aalala sa mga batang iyon kung saan man sila tutungo, sila ay nakabigkis sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng walang hanggang pagkakabuklod, at walang kapangyarihan ng lupa at impiyerno ang makapaghihiwalay sa kanila sa kanilang mga magulang sa kawalang-hanggan; babalik silang muli sa bukal na kanilang pinagmulan (DBY, 208).

Marami kaming nakikitang mga kabataan na dumarating sa gulang ng pagaasawa at nananatili pa ring walang asawa. … Dapat isaalang-alang ng ating mga kabataang lalaki at babae ang kanilang tungkulin sa isa’t isa, sa Diyos, sa lupa, sa kanilang mga magulang, at sa darating na mga salinlahi para sa kanilang kaligtasan at kadakilaan kasama ng mga Diyos at para sa kaluwalhatian Niya na ating pinaglilingkuran (DNSW, ika-25 ng Okt. 1870, 2).

Bibigyan ko ang bawat isa sa mga kabataang lalaki sa Israel, na tumuntong sa gulang ng pag-aasawa, ng misyong humayo at magpakasal sa mabuting babae, magbakod ng lupain, maghanda ng halamanan at taniman at gumawa ng tahanan. Ito ang misyon na aking ibinibigay sa lahat ng kabataang lalaki sa Israel (DBY, 196).

Walang kabataang lalaki sa aming komunidad na hindi gustong maglakbay mula rito hanggang Inglatera upang magpakasal nang tama, kung nauunawaan niya ang mga bagay na siya nga; walang kabataang babae sa aming lugar, na nagmamahal ng Ebanghelyo at nagnanais ng mga biyaya nito, na magpapakasal sa ibang paraan; sila’y mabubuhay nang hindi nagpapakasal hanggang sa sila’y maikasal nang tama, [kahit na] sila’y mabuhay nang kasing tanda ni Sarah bago isinilang si Isaac sa kanya [tingnan sa Genesis 17:17]. Marami sa ating mga kapatid na lalaki ang ipinakasal ang kanilang mga anak na hindi ito isinaalang-alang, at inaakala na ito ay hindi gaanong mahalaga, at ipinagsasawalang bahala. Sana ay nauunawaan nating lahat ito gaya ng pagkakaunawa ng langit (DBY, 195–96).

Isa sa mga unang paglabag ng mag-anak na tinatawag na Israel, ay ang kanilang pagtungo sa ibang mag-anak o ibang mga bansa upang pumili ng mga kabiyak. Ito ay isa sa mga pinakamalaking pagkakamaling nagawa ng mga anak ni Abraham, Isaac, at Jacob, ang kanilang pakikipag-asawa sa ibang mga mag-anak, kahit na pinagbawalan sila ng Panginoon na gawin ito, at binigyan sila ng napakahigpit na batas sa bagay na iyon [tingnan sa Genesis 28:1–2]. Inutusan niya silang huwag magsipag-asawa sa mga Gentil, ngunit ginawa at gagawin pa rin ito [tingnan sa Genesis 24:3] (DBY, 196).

Mag-ingat, O mga ina ng Israel, at huwag turuan ang mga anak na babae sa hinaharap, gaya ng marami sa kanila ang naturuan na magsipag-asawa sa labas ng Israel. Aba sa inyo na gumagawa nito; mawawala ang korona ninyo na kasintiyak na nabubuhay ang Diyos (DBY, 196).

Napakaraming dalisay at banal na espiritu ang naghihintay na magkaroon ng katawan, ano ang tungkulin natin ngayon? … Tungkulin ng bawat matwid na lalaki at babae na maghanda ng mga katawan para sa lahat ng mga espiritu na makakaya nila (DBY, 197).

Dapat sundin ng mga ama si Cristo habang kanilang minamahal, tinuturuan, at binubuhay ang kanilang mga mag-anak.

Hayaan ninyong sabihin ko sa Unang Panguluhan, sa mga Apostol, sa lahat ng Obispo sa Israel, at sa bawat korum, at lalo na sa mga namumunong pinuno. Ipakita ang halimbawang iyon sa inyong [asawa] at mga anak, sa inyong mga kapitbahay at sa mga taong ito, nang masabi ninyong: “Sundan ako, gaya ng pag-sunod ko kay Cristo.” Kapag nagawa natin ito, lahat ay tama, at ang ating mga budhi ay malinis (DBY, 198).

Hayaan ang asawang lalaki at ama na matutong isunod ang kanyang kalooban sa kalooban ng Diyos, at turuan ang kanyang [asawa] at mga anak sa araling ito ng sariling pamamahala sa pamamagitan ng kanyang halimbawa gayundin sa pamamagitan ng panuntunan, at maging sa kanyang kapitbahay, ipinakikita sa kanila kung paano maging matapang at matatag, sa pagsupil ng mapaghimagsik at makasalanang disposisyon. Ang ganitong pamamaraan ang susupil sa hindi banal na impluwensiya na nagtatrabaho sa mga puso ng mga tao (DBY, 198).

Huwag hayaang mawala sa araw-araw mong buhay ang Espiritu Santo; at huwag kailanman tumigil, mga ama, sa panalangin upang tamasahin ng inyong mga asawa ang biyayang ito, nang ang kanilang mga anak ay mabiyayaan ng Espiritu Santo mula sa sinapupunan ng kanilang ina. Kung nais ninyong makita ang isang bansa na umuunlad na puno ng Espiritu Santo at kapangyarihan, ito ang paraan upang ito ay maisakatuparan (BYP, ika-8 ng Abr. 1852).

Kung hindi tayo magsisikap na turuan ang ating mga anak, turuan at tagubilinan sila tungkol sa ipinahayag na mga katotohanang ito, kahit paano, ang pagkakasala ay mapapasaatin, bilang mga magulang (DBY, 207).

Hayaang ang ama ang mamuno ng mag-anak, ang panginoon ng kanyang sariling sambahayan; at hayaang pakitunguhan sila [kanyang mag-anak] tulad ng gagawing pakikitungo ng mga anghel sa kanila (DBY, 197–98).

Tungkulin ng asawang lalaki na matutuhan kung paano paligiran ang kanyang mag-anak ng kaginhawaan ng buhay, paano pigilin ang kanyang damdamin at galit, at paano kunin ang paggalang, hindi lamang ng kanyang mag-anak kundi ng lahat ng kanyang kapatid na lalaki, babae, at mga kaibigan (DBY, 198).

Mababait na tingin, mabubuting pagkilos, mabubuting salita, at maganda, banal na pakikitungo sa [mga anak] ay magbubuklod ng ating mga anak sa atin na may bigkis na hindi madaling masira; habang ang pagmamalabis at hindi kagandahang-loob ay magtataboy sa kanila palayo sa atin, at sisira sa bawat banal na tali, na dapat magbuklod sa kanila sa atin at sa walang hanggang tipan na yumayakap sa atin. Kung ang aking maganak … ay hindi magiging masunurin sa akin sa pamantayan ng kabaitan, at kapuri-puring buhay sa harap ng mga tao, at sa harap ng kalangitan, kung gayon paalam sa lahat ng impluwensiya (DNW, ika-7 ng Dis. 1864, 2).

Ang ama ay dapat … magsumikap na mabigyang-kasiyahan at mapasaya ang ina, nang ang puso ay mapanatag, at hindi masira ang pagmamahal sa kanyang tagapagtanggol sa lupa, nang ang kanyang pag-ibig sa Diyos at kabutihan ay dumaloy sa kabuuan ng kanyang katauhan, nang siya ay makapagbunga at makapagluwal ng batang nakintalan at napagkalooban ng lahat ng mga katangiang kailangan ng isang nilalang na inihandang maging hari ng mga hari at panginoon ng mga panginoon. (DBY, 199).

Bawat lalaki sa lupa ay hayaang … mag-asawa, at gumawa sa pamamagitan ng inyong mga kamay at bungkalin ang lupa, o gumawa ng ilang trabahong mekanikal, o ilang marangal na kabuhayan upang mabigyan ng marangal na pamumuhay ang sarili at ang umaasa sa inyo para sa kanilang ikabubuhay; nagpapakahinahon, at nagmamahal sa katotohanan at kabutihan; at sa gayon maaalagaan ang mga babae, mapapakain, maigagalang at mabiyayaan, magiging kagalang-galang na mga ina ng lahi ng mga lalaki at babae na may higit pang ganap na katawan at kaisipan kaysa sa kanilang mga ama. Ito ay makapagdudulot ng pagbabago sa ating bansa, at magdudulot ng mga resultang walang kasimbuti (DBY, 194–95).

Hayaang pagandahin ng asawang lalaki ang kanyang kusina at paminggalan at kanyang silid tulugan para sa ikabubuti ng kanyang maganak, at pagandahin ang kanyang halamanan, daanan, atbp., pinagaganda ang inyong tirahan at kanilang kapaligiran, pinapatag ang daanan at nagtatanim ng malilim na mga puno (DBY, 198).

Dapat mahalin at turuan ng mga ina ang kanilang mga mag-anak at magkaroon ng magandang impluwensiya sa mundong nakapaligid sa kanila.

Kapag iniisip ko ang mga tungkulin at pananagutang patungkol sa mga ina at kapatid na mga babae, at ang impluwensiyang dinadala nila, itinuturing ko sila bilang pangunahing bukal at kaluluwa ng ating pag-iral dito. Totoo na ang lalaki ang nauna. Ang amang Adan ay inilagay dito bilang hari ng mundo, upang dalhin ito sa pagkakaganap. Ngunit nang dumating ang Inang si Eva siya ay nagkaroon ng kahanga-hangang impluwensiya sa kanya. Napakaraming nag-akalang hindi masyadong mabuti ito; sa palagay ko ito’y napakabuti (DBY, 199).

Ang tungkulin ng ina ay subaybayan ang kanyang mga anak at bigyan sila ng maagang edukasyon, sapagkat ang mga kaalamang natatanggap habang bata ay nagtatagal. Alam ninyo, sa inyong karanasan, na ang kaalamang natatanggap nang maaga sa inyong mortal na buhay, hanggang sa kasalukuyan, ang nagdadala ng pinakamabigat ng timbang sa inyong pagiisip. Ang bata ay walang dudang nagtataglay ng pagtitiwala sa ina, makikita sa kanya ang natural na pagiging malapit [pagmamahal], anuman ang kaanyuan niya, na siyang nagiging dahilan upang isipin niya na ang kanyang ina ang pinakamahusay at pinakamagandang ina sa mundo. Ako na ang nagsasabi. Ang mga bata ay may buong pagtitiwala sa kanilang mga ina; at kung ang mga ina ay magsusumikap, maitatanim nila sa mga puso ng kanilang mga anak anuman ang naisin nila (DBY, 201).

Walang alinlangan, na maaalala ninyo sa pagbabasa sa Aklat ni Mormon, ang dalawang libong kabataang lalaki, na pinalaki sa paniniwala na, kung sila ay lubos na magtitiwala sa Diyos, at pagsisilbihan siya, walang kapangyarihan ang makagagapi sa kanila. Naaalala pa rin ninyo sa inyong pagbabasa ang pagtungo nila sa labanan, at napakatapang nila, at napakalakas ng kanilang pananampalataya, na napakaimposible na sila ay mapatay ng kanilang mga kaaway. Ang kapangyarihan at pananampalatayang ito ay nakuha nila mula sa mga turo ng kanilang mga ina (DBY, 201).

Tungkulin ng asawang babae at ina na alamin kung ano ang gagawin sa lahat ng bagay na dinadala sa tahanan, nagsusumikap na gawin ang kanyang tahanan na kaaya-aya sa kanyang asawa at mga anak, ginagawang Eva ang kanyang sarili sa gitna ng maliit na paraisong kanyang nilikha, pinatitibay ang pag-ibig at pagtitiwala ng kanyang asawa, at ibinubuklod ang kanyang anak sa kanya, ng pagmamahal na mas malakas kaysa kamatayan, para sa walang hanggang pamana (DBY, 198).

Marami sa mga kapatid na babae ang naghihinagpis dahil sila ay hindi biniyayaan ng supling. Darating ang panahon na magkakaroon kayo ng milyun- milyong anak sa inyong paligid. Kung kayo ay tapat sa inyong mga tipan, kayo ay magiging ina ng mga bansa. (DBY, 200).

Hindi ko naging ugali na magpayo sa mga kapatid na babae na suwayin ang kanilang mga asawa, ngunit ang aking payo ay–sundin ang inyong mga asawa; at ako ay umaasa at lubos na nagbibigay-diin sa bagay na iyan. Ngunit hindi ko kailanman pinayuhan ang babae na sundan ang kanyang asawa sa Diyablo (DBY, 200–201).

Ang mga ina ang mga gumagalaw na instrumento sa mga kamay ng Maykapal sa paggabay sa destinasyon ng mga bansa. … dahil dito, nakikita ninyo kaagad na ang nais kong itanim sa inyong mga isipan ay, na ang mga ina ang makinarya na nagbibigay ng sigla sa buong katauhan, at gumagabay sa destinasyon at buhay ng mga tao sa ibabaw ng lupa (DBY, 199–200).

Mga Mungkahi sa Pag-aara

Ang bago at walang hanggang tipan ng kasal ang naglalagay ng pundasyon para sa buhay na walang hanggan.

  • Sinabi ng Pangulong Young na ang walang hanggang kasal ang, “maglalagay ng pundasyon para sa mga mundo … [at] sa marurunong na nilalang na maputungan ng kaluwalhatian.” Paano natin maiaalay ang ating mga kasal sa walang hanggang layuning iyon? Anong mga tiyak na bagay ang magagawa ninyo upang mapanatili ang pananaw na iyon araw-araw?

  • Ano ang sinabi ng Pangulong Young na misyon ng bawat batang lalaki? Paano iyon nauukol sa inyo?

  • Ano ang tinutukoy ng Pangulong Young nang payuhan niya ang mga kabataan na “mag-pakasal nang tama”? Ano ang mga biyayang dumarating sa mga gumagawa ng lahat ng kailangan sa “pagtatayo ng kaharian”? (Tingnan din sa Abraham 2:9–11.)

  • Isa sa mga pinakamalaking pagkakamaling nagawa ng ilan sa mga anak ni Abraham, Isaac, at Jacob ay ang pag-aasawa sa labas ng bago at walang hanggang tipan ng kasal. (Tingnan din sa Genesis 28:1–2.) Anong mga biyaya ang ipinagkakait sa mga nag-aasawa sa labas ng bago at walang hanggang tipan ng kasal? Ano ang magagawa ninyo upang matiyak na kayo ay mananatiling karapat-dapat sa tipan ng kasal at makatatanggap ng mga biyaya nito sa darating na panahon?

  • Ano ang “tungkulin ng bawat matwid na lalaki at babae”? Bakit napakahalagang responsibilidad ng kasal sa bago at walang hanggang tipan ang paglikha ng mga katawan para sa mga espiritung anak ng Diyos? Paano nalalaman ng mag-asawa na natupad na nila ang responsibilidad na ito nang naaayon sa kalooban ng Diyos sa kanila? (Makipagkita rin sa inyong Obispo o pangulo ng sangay tungkol sa payong ibinibigay sa General Handbook of Instructions.))

Dapat sundin ng mga ama si Cristo habang kanilang minamahal, tinuturuan, at binubuhay ang kanilang mga mag-anak.

  • Anong halimbawa ang dapat ipakita ng bawat ama sa kanyang asawa at mga anak? Ano ang ibig sabihin ng pagsunod ng ama kay Cristo? Paano “matututuhan ng lalaki na isunod ang kanyang kalooban sa kalooban ng kanyang Diyos”? Ano ang natutuhan ninyo sa mga ama na ipinagkatiwala ang kanilang sarili sa paggawa sa kalooban ng Diyos?

  • Anong mga katotohanan ang dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 68:25.)

  • Ayon sa Pangulong Young, paano dapat mamuno ang ama sa mag-anak? (Tingnan din Doktrina at mga Tipan 121:41–46.) Paano dapat pakitunguhan ng lalaki ang kanyang mag-anak? Anong mga gawain ang “sisira sa bawat banal na pisi, na magbubuklod sa kanila sa atin, at sa walang hanggang tipan”? Paanong matutulungan ng taong puno ng kabutihan at Espiritu na maisakatuparan ng kanyang asawa at mga anak ang kanilang mga ginagampanan?

  • Ano ang sinabi ng Pangulong Young na magiging resulta kung ang asawang lalaki ay tapat na maghahanapbuhay para sa kanyang mag-anak? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 83:1–2.) Paano ito “makapagdudulot ng pagbabago”?

Dapat mahalin at turuan ng mga ina ang kanilang mga mag-anak at magkaroon ng magandang impluwensiya sa mundong nakapaligid sa kanila.

  • Ayon kay Pangulong Young, ano ang mga gawain at tungkulin ng asawang babae at ina?

  • Anong pag-alo ang ibinibigay ni Pangulong Young sa mga wala at hindi magkaroon ng mga anak?

  • Paano kayo naiimpluwensiyahan ng mga babaeng Banal sa mga Huling Araw, ang inyong mag-anak, at ang inyong komunidad? Paano nila magagawa ito sa hinaharap?

  • Ano ang ibig sabihin ni Pangulong Young nang sabihin niyang, “hindi ko kailanman pinayuhan ang babae na sundan ang kanyang asawa sa Diyablo”? Paano malalaman ng asawang babae kung ang kanyang asawa ay sumusunod kay Cristo? Anong mga biyaya ang dumarating sa magasawa na magkasamang sumasang-ayon sa kalooban ng Diyos?

  • Ipinahayag ni Pangulong Young na ang mga ina ay “gagabay sa destinasyon ng mga bansa.” Paano maisasakatuparan ng mga babae ang pangakong ito?

pioneer newlyweds

Ang mga bagong kasal na tagabunsod na sina Sarah Farr Smith at John Henry Smith noong 1866. Itinuro ng Pangulong Young na ang walang hangang kasal “ay ang pising nag-uugnay sa simula hanggang sa katapusan ng banal na Ebanghelyo ng Kaligtasan … ; ito ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan” (DBY, 195).