Pambungad
Itinuro ng propetang si Brigham Young ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa isang simple at praktikal na paraan na nagbigay ng inspirasyon at pag-asa sa mga Banal na nagsisikap na magtatag ng tahanan sa ilang. Bagamat mahigit nang isang siglo ang nakaraan, ang kanyang mga salita ay sariwa at naaangkop pa rin sa atin ngayon habang tayo ay patuloy na gumagawa sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Ipinahayag ni Pangulong Young na bilang mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay taglay natin ang “doktrina ng buhay at kaligtasan para sa lahat ng may tapat na puso” (DBY, 7). Ipinangako niya na mapupukaw sa puso ng mga tatanggap ng ebanghelyo ang “higit na pagnanais na malaman at maunawaan ang mga bagay ng Diyos na kailan man ay hindi pa nila naramdaman sa kanilang buhay” at magsisimulang “magtanong, magbasa at magsaliksik at kapag dumulog sila sa kanilang Ama sa pangalan ni Jesus sila ay hindi niya iiwan nang walang patotoo” (DBY, 450).
Ipinakikita ng aklat na ito ang pagnanais ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol na mapalawak ang pang-unawa sa doktrina ng mga kasapi ng Simbahan at mapukaw silang magkaroon ng higit na pagnanais na malaman ang mga bagay ng Diyos. Ito ay magbibigay-sigla at manggaganyak sa mga indibiduwal, korum ng pagkasaserdote, at mga klase sa Samahang Damayan na magtanong, magbasa, magsaliksik at dumulog sa kanilang Ama sa Langit para sa patotoo sa katotohanan ng mga turong ito.
Ang bawat kabanata ay naglalaman ng dalawang bahagi—”Mga Turo ni Brigham Young” at “Mga Mungkahi para sa Pag-aaral.” Ang unang bahagi ay binubuo ng mga sipi mula sa sermon ni Brigham Young sa sinaunang mga Banal. Ang bawat pangungusap ay nilagyan ng sanggunian kung saan ito makikita, gayon pa man, ang mga binanggit na mapagkukunan ay hindi agad makukuha ng karamihan sa mga kasapi. Hindi kailangang magkaroon ng mga orihinal na mapagkukunang materyal na ito upang maging mabisa sa pagaaral o pagtuturo mula sa aklat na ito. Hindi kailangang bumili ang mga kasapi ng mga karagdagang sanggunian at komentaryo upang pag-aralan o ituro ang mga kabanatang ito. Ang mga tekstong napapaloob sa aklat na ito, kabilang na ang mga banal na kasulatan, ay sapat na sa inyong pag-aaral o pagtuturo. Dapat basahin at pag-aralan nang may panalangin ng mga kasapi ang mga turo ni Pangulong Young nang sa gayon sila ay magkaroon ng bagong kaalaman sa mga alituntunin ng ebanghelyo at matuklasan kung paano naaangkop ang mga alituntuning iyon sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan ng matapat at mapanalanging pag-aaral ng mga bahaging ito, magkakaroon ang mga Banal sa mga Huling Araw ng higit na pangunawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo at higit nilang mapahahalagahan ang masidhi at inspiradong mga turo ng dakilang propetang ito.
Ang pangalawang bahagi ng bawat kabanata ay nag-aalok ng sunudsunod na mga tanong na manghihikayat ng malalim na pag-iisip, personal na pagsasagawa, at pagtalakay sa mga turo ni Pangulong Young. Dapat sumangguni at maingat na basahing muli ng mga kasapi ang kanyang mga salita tungkol sa alituntuning tinatalakay. Ang masusi at mapanalanging pagaaral ng mga turong ito ay makapagbibigay inspirasyon sa mga kasapi upang magkaroon ng higit na pansariling paninindigan at makatutulong sa kanila na magpasiyang sumunod sa mga turo ng Tagapagligtas, na si Jesucristo.
Kung mapanalanging susundin ng bawat isa at ng mga mag-anak ang mga alituntunin sa aklat na ito, bibiyayaan sila at bibigyan sila ng inspirasyong magkaroon ng higit na dedikasyon at espirituwalidad, tulad ng naunang mga Banal na nakarinig sa mga salitang ito mula mismo sa mga labi ng “Leon ng Panginoon” (HC, 7:434)—ang propeta, tagakita, at tagahayag, si Pangulong Brigham Young.
Mga Tagubilin sa mga Guro
Mangangailangan ng maingat na paunang pagbabasa, pag-aaral, at paghahanda nang may panalangin ang pagtuturo ng mga araling ito. Maging lubhang bihasa sa mga turo at magplano ng iba’t ibang paraan kung paano ilalahad at ituturo ang mga alituntuning ito sa klase. Dapat matulungan ang mga kasapi ng klase na makita kung paano nauukol sa pang-araw-araw na buhay ang mga alituntuning ito ng ebanghelyo. Humikayat ng mga talakayan tungkol sa kung paano maaaring makaimpluwensiya ang mga alituntuning ito sa ating mga nadarama tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, sa ating sarili, ating mag-anak, at ating kapwa. Anyayahan ang mga kalahok na mamuhay ayon sa mga alituntuning itinuturo.
Isali ang maraming tao hangga’t maaari sa oras ng pagtuturo sa pamamagitan ng pag-anyaya sa kanila na magbasa nang malakas, sumagot sa mga tanong, o magbahagi ng mga karanasan. Maaari kayong magbigay ng natatanging takdang gawain kapag naghahanda ng mga aralin, at maging sensitibo sa kahandaang makilahok ng mga kasapi ng klase. Maingat na iwasan ang pagtatalo. Magtiwala sa mga banal na kasulatan para sa suporta at pag-unawa. Mapagpakumbabang hangarin ang Espiritu ng Panginoon, at ang mga kapatid na inyong tinuturuan ay pagpapalain. Tulad ng ipinangako ng Panginoon, “Dahil dito, siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya” (Doktrina at mga Tipan 50:22).