Kabanata 7
Ang Plano ng Kaligtasan
Bilang propeta at guro ng plano ng kaligtasan, itinuro ni Pangulong Brigham Young na ang “hangad at layunin [ng] Pinakadakilang Hari” (DBY, 49) ay upang matamasa ng kanyang mga anak ang walang hanggang kaligayahan. Ayon sa dakilang “plano ng kaligayahan” na ito [Alma 42:16], bilang mga anak ng Diyos namuhay na tayo sa piling niya bago pa tayo pumarito sa lupa, na kung saan nagkaroon tayo ng tanging karapatan na magkaroon ng katawang-lupa at piliing sumunod sa mga utos ng Diyos. Ayon sa ating katapatan, dadalhin tayo ni Jesucristo sa isang kaharian ng kaluwalhatian.
Mga Turo ni Brigham Young
Nais ng Diyos na umunlad tayo magpakailanman sa liwanag, katotohanan, at kaligayahan.
Ang buhay na ito na nasasaatin ay para sa kawalang-hanggan. Pag-isipan natin ang ideya ng mga nilalang na pinagkalooban ng lahat ng kapangyarihan at kakayahan na mayroon tayo, na nalilipol, naglalaho, nawawala, at pagkatapos ay itugma natin ito sa ating mga damdamin sa ating buhay ngayon. Walang matalinong tao ang makagagawa nito. Gayunman, sa pamamagitan lamang ng Espiritu ng paghahayag natin mauunawaan ang mga bagay na ito [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:11]. Sa pamamagitan ng paghahayag ng Panginoong Jesus nauunawaan natin ang tunay na katangian ng mga bagay noon, na ipinaalam sa atin; mga bagay na nasa buhay na tinatamasa natin ngayon, at ang magiging tunay na katangian ng mga bagay sa hinaharap [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:24], hindi sa kabuuan nito, ngunit lahat ng hinahangad ng Panginoong maunawaan natin, upang maging kapaki-pakinabang sa atin, upang mabigyan tayo ng karanasang kinakailangan sa buhay na ito upang maihanda tayong matamasa ang buhay na walang hanggan sa kabilang buhay (DBY, 47).
Kung ating mauunawaan ang tunay na pilosopiya upang maunawaan ang ating sariling pagkakalikha, at kung para saan ito—ano ang hangad at layunin ng Pinakadakilang Hari sa pagbubuo ng elemento at paghahatid nito sa kakayahan kung paano kita namamalas dito ngayon, maaari nating maunawaan na ang elemento ay hindi masisira—ito ay napaiilalim sa pagbubuo at pagbabagu-bago; at mauunawaan natin na ang elemento ay mabubuo at mabibigyan ng katalinuhan, at magkaroon ng mas higit na katalinuhan at magpatuloy na magkaroon ng higit na katalinuhan; at matututuhan ang mga alituntuning iyon na nagbuo sa elemento na maging hayop, gulay, at matatalinong nilalang; at makikilala ang kilos, pamamahala at pagpapalaganap ng Diyos ng mga alituntunin sa mga elemento upang makalikha ng matatalinong nilalang at dakilain sila—para saan? Kaligayahan. Ganap bang mabibigyang kasiyahan ang espiritu na ipinagkaloob sa atin kung bibigyan tayo nang kulang pa kaysa rito? Hindi [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:7] (DBY, 49).
Tayo ay mga espiritung anak ng Diyos.
Walang sinumang tao ang nagkaroon ng kapangyarihang lumikha sa kanyang sarili. Dahil may isang nakahihigit sa atin. Pag-aari ba natin ang ating katawan? Pag-aari ba natin ang ating espiritu? Hindi natin pag-aari ang ating sarili. Tayo ay pag-aari ng ating mga magulang ng—ating Ama at ating Diyos [tingnan sa Mga Gawa 17:29] (DBY, 50).
Espirituwal munang nilikha ang mga bagay; ang mga espiritu ay tunay na nagmula sa Ama [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 76:24], at sila ay ipinanganak at nabuhay na kasama niya. Pagkatapos ay nagsimula siyang lumikha ng mga katawang-lupa, tulad ng pagkakalikha sa kanya sa lamang ito, sa pamamagitan ng pagkuha ng likas na materyal na binuo at bumubuo ng mundong ito, … samakatwid ang katawan ng kanyang mga anak ay binuo mula sa likas na materyal ng mundong ito (DBY, 50).
Narinig ko na ang bantog na si G. [Henry Ward] Beecher, ng Brooklyn, ay nagsalita minsan na ang pinakamalaking kasawian na maaaring mangyari sa tao ay ang isilang; ngunit sinasabi ko ang pinakadakilang kapalaran na nangyari o maaaring mangyari sa mga tao ay ang maisilang sa mundong ito, sapagkat sa gayon ang buhay at kaligtasan ay maaaring makamtan nila, pagkatapos may pribilehiyo silang mapagtagumpayan ang kamatayan at yurakan ng kanilang mga paa ang kasalanan at kasamaan, ilakip sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang bawat alituntunin ng buhay at kaligtasan at walang hanggang manirahan kasama ng mga Diyos (DBY, 51).
Ang mga espiritu na nananahanan sa mga katawang ito ay kasing dalisay ng kalangitan, nang sila ay pumasok sa mga [katawang] ito. Pumasok sila sa maruruming katawan, tinutukoy ang laman, sa pamamagitan ng pagkahulog ng tao. Sinasabi ng Mang-aawit, “Narito, ako’y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina” [Mga Awit 51:5]. Ang Banal na Kasulatang ito ay naglagay sa mga isipan ng ilang doktrina ng ganap na kasamaan—na imposible para sa kanila na magkaroon ng isang mabuting kaisipan, na sila ay lubhang makasalanan, na walang kabutihan, walang kagalingan, at walang kalusugang espirituwal sa kanila. Hindi ito totoo, ngunit mayroon pa ring salungatan sa kalooban natin. Kailangan nating makipagtunggali laban sa masasamang simbuyo ng damdamin, o sa mga masasamang impluwensiya gumawa ng masama na umiiral sa ating mortal na katawan nang dahil sa pagkahulog. Ang mga dalisay na espiritu na nananahan sa mga katawang ito ay iniimpluwensiyahan, at karapatan niya na nagpadala sa kanila sa mga katawang ito na panatilihin itong napakahalaga, at sa tuwina ay ibigay ang Espiritu ng katotohanan upang impluwensiyahan ang mga tao, upang ang Espiritu ng Katotohanan ay magtagumpay at makapangyarihang maghari sa ating mga katawan, ang Diyos at Panginoon ng buhay na ito (DBY, 51–52).
Malaya nating mapipili ang mabuti sa halip na masama, ang kadakilaan sa halip na kahirapan.
[Itinanong ng Ama,] “Sino ang tutubos sa mundo, sino ang hahayo at magsasakripisyo para sa mundo at sa lahat ng bagay na nilalaman nito?” Sinabi ng Panganay na Anak na Lalaki na: “Narito ako”; at pagkatapos ay idinagdag niya, “Isugo ako.” Subalit ang pangalawa, na si “Lucifer, ang Anak ng Umaga,” ay nagsabing, “Panginoon, narito ako, isugo ako, tutubusin ko ang bawat anak na lalaki at anak na babae nina Adan at Eva na nabubuhay sa mundo, o ang sinumang mabubuhay sa mundo.” “Subalit,” sinabi ng Ama, “hindi ito sasapat. Binigyan ko ang bawat isang indibiduwal ng kalayaang pumili; dapat gamitin ito ng lahat upang matamo ang kadakilaan sa aking kaharian; yayamang mayroon silang kapangyarihang pumili nararapat nilang gamitin ang kapangyarihang ito. Sila ay mga anak ko; ang mga katangiang nakikita ninyo sa akin ay nasa aking mga anak at kailangan nilang gamitin ang kanilang kalayaan sa pagpili. Kung iyong tatangkaing iligtas ang lahat, maililigtas mo lamang sila sa kasamaan at katiwalian” [tingnan sa Abraham 3:23–28; Moises 4:1–4] (DBY, 53–54).
Nang magkaroon ng himagsikan sa langit, ang paghahatol ay tinimbang at ang kabutihan ay sinukat, at ang kasamaan ay itinakwil (DBY, 54).
Pinahintulutan ng Panginoong Pinakamakapangyarihan ang pagkakapangkat-pangkat na ito sa langit upang malaman kung ano ang gagawin ng kanyang mga nasasakupan bilang paghahanda sa kanilang pagparito sa mundong ito (DBY, 54).
Ngunit sila [ang naghimagsik na mga espiritu] ay kailangang lumisan sa langit, hindi sila maaaring manatili roon, kailangan silang itapon sa lupa upang subukin ang mga anak ng tao, at gumanap sa kanilang mga gawain na magbubunga ng kasalungat ng lahat ng bagay, upang ang lahat ng naninirahan sa mundo ay magkaroon ng pribilehiyong mapaunlad ang karunungang ibinigay sa kanila, ang pagkakataong mapagtagumpayan ang kasamaan, ang matutuhan ang mga alituntunin na namamahala sa kawalang-hanggan, nang sila ay madakila sa kawalang-hanggan (DBY, 54).
Hindi ninyo maibibigay sa sinumang tao ang kanilang kadakilaan maliban kung kanilang nalalaman kung ano ang masama, kung ano ang kasalanan, kalungkutan, at kahirapan, sapagkat walang taong makauunawa, makapagpapahalaga at makatatamasa ng kadakilaan sa pamamagitan ng iba pang alituntunin (DBY, 55).
Sa palagay mo ba ay napakaraming pinagtutuunan ng pansin ng Panginoon? … Sa palagay ko ay walang sinuman ngayon sa mundo, na nabuhay bago tayo, o darating pagkamatay natin, na hindi niya kilala. Kilala niya kung sino ang kanyang hihirangin, pinagtutuunan niya sila ng pansin sa lahat ng oras, tulad ng ginawa niya kay Moises, Faraon, Abraham, Melquisedec, at Noe, ang piniling sisidlan na gagawa ng arka at magliligtas ng ilang nalalabi mula sa baha (DBY, 55).
Isang maling ideya ang isipin na itinakda ng Diyos ang lahat ng bagay na nangyayari, dahil ang kalayaang magpasiya para sa kanilang sarili na nasa bawat nilalang ay kasing-laya ng pagkilos ng hangin. Maaari kayong magtanong kung kami ay naniniwala sa pag-oordena sa tao bago pa isilang sa mundo; naniniwala kami, na tulad din ng sinumang tao sa mundo. Naniniwala kami na si Jesus ay inordenan noon pa man bago pa itatag ang mga pundasyon ng daigdig, at ang kanyang misyon ay itinalaga sa kanya sa kawalang-hanggan upang maging Tagapagligtas ng daigdig, gayunpaman nang pumarito siya sa laman binigyan siya ng kalayaang piliin o tanggihang sundin ang kanyang Ama. Kung kanyang tinanggihang sundin ang kanyang Ama, siya ay maaaring naging anak na lalaki ng kapahamakan. Malaya rin nating piliin o tanggihan ang mga alituntunin ng buhay na walang hanggan. Iniatas at inordena noon pa ng Diyos ang maraming bagay na nangyari na, at magpapatuloy siya sa paggawa nito; ngunit kapag nag-atas siya ng mga dakilang biyaya para sa isang bansa o indibiduwal ang mga ito ay iniaatas niya sa ilalim ng mga tiyak na kondisyon. Kapag nagpapadala siya ng matitinding salot at matinding pagkawasak sa mga bansa at tao, ang mga atas na ito ay ibinibigay dahil ayaw talikdan ng mga bansa at taong ito ang kanilang mga kasamaan at bumaling sa Panginoon. Itinakdang wawasakin ang Nineve sa loob ng apatnapung araw, ngunit ang pangyayaring ito ay ipinagpaliban dahil sa pagsisisi ng mga naninirahan sa Nineve. Namamahala at naghahari ang Diyos, at ginawa niyang malaya ang kanyang mga anak na tulad niya, upang pumili ng tama o ng mali, at tayo ay hahatulan ayon sa ating mga gawa (DBY, 55).
Ayon sa ating katapatan, dadalhin tayo ni Jesucristo sa isang kaharian ng kaluwalhatian.
Ito ang plano ng kaligtasan. Hindi ititigil ni Jesus ang kanyang gawain hangga’t hindi nagkakaroon ng kaharian ang lahat ng tao sa mga mansiyon ng kanyang Ama, kung saan maraming kaharian at maraming kaluwalhatian, upang maangkop sa mga gawa at katapatan ng lahat ng taong nabuhay sa mundo. Susundin ng ilan ang batas selestiyal at tatanggapin ang kaluwalhatian nito, susunod ang ilan sa batas terestriyal at ang ilan sa telestiyal, at ang iba ay hindi makatatanggap ng kaluwalhatian (DBY, 56).
Milyun-milyong tao na ang sumakabilang buhay, mga Kristiyano at hindi binyagan, tapat, mabubuti at makatarungan tulad ng sinumang nabubuhay ngayon. Sinasabi ng buong Kristiyanismo na sila ay naligaw na; ngunit ililigtas sila ng Panginoon, o kahit paano, ang lahat ng tatanggap ng Ebanghelyo. Ang plano ng kaligtasan na ipinahayag ni Jesus, at ang ating ipinangangaral, ay nakaaabot sa mga pinakamababa at pinakaaping naliligaw na lahi ni Adan (DBY, 60–61).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Nais ng Diyos na umunlad tayo magpakailanman sa liwanag, katotohanan, at kaligayahan.
-
Paano natin malalaman na ang “buhay na ito na nasasaatin ay para sa kawalang-hanggan”? Anong kaibahan ang magagawa sa inyo ng kaalaman na ang buhay ay walang hanggan?
-
Ano ang “hangarin at layunin” ng Diyos sa pagbuo ng daigdig?
-
Itinuro ni Pangulong Young na ang pangunahing layunin ng buhay ay “magkaroon ng mas higit na katalinuhan at magpatuloy na magkaroon ng higit na katalinuhan.” Ano ang kaugnayan ng pagkakaroon ng higit na karunungan, o liwanag at katotohanan (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:36; 130:19), at ng pagtatamo ng walang hanggang kaligayahan? Paano nagkatotoo ito sa inyong buhay?
Tayo ay mga espiritung anak ng Diyos
-
Ano ang nadarama ninyo sa kaalamang kayo ay tunay na espiritung anak ng ating Ama sa Langit? Anong kaibahan ang nagawa nito sa inyong buhay?
-
Bakit ang “isilang sa mundo” ang “pinakadakilang kapalaran na … maaaring mangyari sa mga tao”? Basahin at pag-isipang mabuti ang Doktrina at mga Tipan 93:33. Anong mga pagpapala ang nauugnay sa hindi na mapaghihiwalay ang inyong espiritu at katawan pagsapit ng takdang panahon?
-
Ayon sa Pangulong Young, ano ang dulot ng Pagkahulog ng tao? Ano ang maling ideya ng ilang tao tungkol sa Pagkahulog? Ano ang papel ng Espiritu ng Katotohanan sa “salungatan sa kalooban natin” sa pagitan ng mabuti at masama? Paano natin gagawing mas malakas na puwersa sa ating buhay ang Espiritu ng Katotohanan?
Malaya nating mapipili ang mabuti sa halip na masama, ang kadakilaan sa halip na kahirapan.
-
Ayon kay Pangulong Young, ano ang papel na ginagampanan ng ating kalayaang pumili sa ating pagtatamo ng kadakilaan? Bakit tinanggihan ng Diyos Ama ang alok ni Lucifer na kumilos para sa bawat isa sa atin? (Tingnan din sa 2 Nephi 2:15–16.)
-
Bakit pinahintulutan ng Panginoon ang “pagkakapangkat-pangkat sa langit”? Ano ang “gawain” ng mga itinaboy sa kinaroroonan ng Ama? Bakit kailangang magkaroon ng “salungatan sa lahat ng bagay”? Bakit kailangan nating maunawaan “kung ano ang kasamaan” at “ano ang kasalanan, kalungkutan, at kahirapan” upang matamo ang kadakilaan? (Tingnan din sa 2 Nephi 2:11.)
-
Ano ang maaari ninyong gawin upang matupad ang kahilingan ng Panginoon at umunlad sa pinakaabot-kaya ng inyong kakayahan?
-
Paano maitatakda ng Diyos o maioordena sa simula pa ang mga tiyak na pangyayari at gayon pa man ay mabigyan tayo ng kalayaan sa pagpili?
Ayon sa ating katapatan, dadalhin tayo ni Jesucristo sa isang kaharian ng kaluwalhatian.
-
Kailan matatapos ang gawaing pagliligtas ni Jesucristo?
-
Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, lahat, maliban sa mga anak na lalaki ng kapahamakan ang “makatatamasa ng isang kaharian sa mga mansiyon ng kanyang Ama.” Sinabi rin ni Pangulong Young na “maraming kaharian at maraming kaluwalhatian.” Bakit maraming kaharian? Sino ang magtatalaga kung saang kaharian pupunta ang isang tao?
-
Paano “makaaabot sa mga pinakamababa at pinakaapi” gayon din sa mga “tapat, mabuti at makatarungan” ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?