Kabanata 30
Pagkakaroon ng mga Saloobing Tulad ng kay Cristo Tungo sa Kapwa
Nakita ni Pangulong Young ang pangangailangan ng pag-ibig sa kapwa tao, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo,” upang mapagaan ang buhay. Ang kanyang mga ginawa para kay Lucy Grooves ay mga halimbawa ng kanyang kabutihang-loob at paglilingkod sa kapwa: Sa paglalakbay pakanluran, nahulog at nasagasaan si Lucy ng bagon ng kanyang maganak, na ikinabali ng kanyang paa at ilang mga tadyang. Iniayos ni Pangulong Young ang nabaling paa at binigyan siya ng basbas. Pagkaraan ng ilang araw, natapakan ng anak ni Lucy ang paa at nabali ito sa ikalawang pagkakataon. Dahil sa matinding sakit sa bawat paghakbang ng baka, hiniling ni Lucy sa kanyang asawa na humiwalay sila sa pulutong ng mga bagon at hayaan na lamang ang iba na tumuloy na hindi sila kasama. Ipinahayag ni Pangulong Young na hindi niya maaaring iwanan ang mga ito sa tabi ng daan sa isang mapanganib na teritoryo. Iniutos niya sa ilang kalalakihan na putulin ang mga paa ng kama ni Lucy at ibitin ito sa mga arko ng bagon upang ang kutson at ang mga muwelye nito ay malayang makaugoy, kagaya ng duyan. Pagkaraan ay inulit ni Pangulong Young ang kanyang basbas para kay Lucy at tinabihan ito sa paglalakbay sa loob ng ilang araw upang matiyak na wala na siyang karagdagan pang suliranin. “Dahil sa kanyang mabait at maawaing pag-uugali,” sumulat ang apong lalaki ni Lucy na, “habampanahon niyang nakamtan ang pagmamahal ni Lucy at ng kanyang angkan” (HRF, 157–58).
Mga Turo ni Brigham Young
Balutin ninyo ang mga sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa tao.
Hindi tayo naririto nang walang kasama at nag-iisa, na kaiba ang pagkakabuo at kaiba ang sangkap na ginamit sa paglikha sa atin kaysa sa ibang tao. Kabilang tayo at bahagi ng angkang ito, at dahil dito ay napapasailalim tayo sa mga tungkulin natin sa isa’t isa (DBY, 271).
Dapat matutuhan ng mga Banal sa mga Huling Araw na ang kapakanan ng kanilang mga kapatid ay kapakanan din nila, kundi ay hindi sila kailanman maililigtas sa kahariang selestiyal ng Diyos (DBY, 271).
Pagpapalain ng Panginoon ang mga taong napupuspos ng pag-ibig sa kapwa-tao, kabaitan at mabuting mga gawa (DBY, 280).
Pag-ibig sa kapwa-tao. May isang kabutihan, ugali, o alituntunin, na, kapag pinahalagahan at ipinamuhay ng mga Banal, ay magpapatunay sa kaligtasan ng libu-libong mga tao. Ang tinutukoy ko ay ang pag-ibig sa kapwa-tao, o pagmamahal, kung saan nagmumula ang pagpapatawad, pagkamatiisin, kabutihan, at pagpapaumanhin (DNW, ika-11 ng Ene. 1860, 1).
Dapat tayong magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao; dapat nating gawin ang lahat ng makakaya upang matubos ang mga anak na lalaki at babae nina Adan at Eva, at muli silang ibalik upang maligtas sa harap ng ating Ama sa Langit. Kapag ginawa natin ito, ang ating pag-ibig sa kapwa-tao ay makararating sa pinakamalayong hangganan na nilayon upang maiparating ang pag-ibig ng Diyos sa kalipunan ng mga taong ito (DBY, 273).
Mahalin ang inyong kapwa kagaya ng inyong sarili [tingnan ang Mateo 22:39]; gawin sa iba ang nais ninyong gawin ng iba sa inyo [tingnan ang Mateo 6:12] (DNW, ika-20 ng Mar. 1852, 3).
Isang napakalaking kalokohan para sa mga tao ang magsabing iniibig nila ang Diyos; gayong hindi nila iniibig ang kanilang kapwa [tingnan sa 1 Juan 4:20] (DBY, 271).
Dapat nating umpisahan ang ating mga gawain ng pag-ibig at kabaitan sa mag-anak kung saan tayo kabilang; at pagkaraan ay iparating ang mga ito sa iba (DBY, 271).
Maging matatag, palaging manatili sa katotohanan. Huwag bigyang puwang ang masamang hangarin at poot sa inyong mga puso; ang mga yaon ay hindi angkop sa isang Banal (DBY, 273).
Sinasabi ko bang, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway? Oo, batay sa ilang alituntunin. Ngunit hindi ninyo kailangang ibigin ang kanilang kasamaan; kailangan lamang ninyong ibigin sila dahil sa paghahangad at pagsusumikap na matulungan silang talikuran ang kanilang masasamang landas, upang sila ay maligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa Ebanghelyo (DBY, 272).
Mayroon bang sinuman sa inyong kapwa ang gumagawa ng anumang kamalian? Mayroon. Ang mga tao ay nagpupunta rito mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, upang aariin itong bansa nila, at ang mga dating naninirahan ay umaasang kaagad silang aayon sa kanilang mga kilos, ugali, at tradisyon, at kung hindi ay inaakala nilang ang mga bagong dating ay hindi karapat-dapat sa kanilang pakikipagkaibigan. Sa madaling salita, “kapag ang bawat lalaki, babae, at bata ay hindi gumagawa, nag-iisip, at nakakakita nang katulad ko, sila ay mga makasalanan.” Kailangang magkaroon tayo ng pag-ibig sa kapwa-tao na magtatakip sa napakaraming ipinapalagay nating kasalanan (DNW, ika-11 ng Ene. 1860, 1).
Sapat nang katibayan na kayo ay nasa landas ng buhay, kapag iniibig ninyo ang Diyos at ang inyong kapwa nang buong puso ninyo (DBY, 271).
Tiyakin na ang tinatahak ninyong landas ay patungo sa buhay na walanghanggan, at akayin ang kaya ninyong akayin. Tanggapin sila kung ano sila, unawain sila kung ano sila, at pakitunguhan sila kung ano sila; tingnan sila kagaya ng pagtingin ng Diyos sa kanila (DBY, 274).
Kabaitan. Maging mabait sa lahat kagaya ng Ama sa Langit. Ipinadadala niya ang kanyang ulan sa mga makatarungan at sa hindi makatarungan at pinasisikat ang araw sa masama at sa mabuti [tingnan ang Mateo 5:45]. Kung kaya’t ipakita ang ating kabutihan sa lahat ng nilikha ng kanyang mga kamay, kung saan natin ito magagawa; ngunit huwag pasasailalim sa diwa at impluwensiya ng kasamaan (DBY, 272).
Iwasan na ang lahat ng maliliit na kasamaan, at ipamahagi ang kabaitan sa lahat. Magparusa, kung ang pagpaparusa ang pinakamainam na kasagutan; ngunit subukin ang paghihikayat bago ninyo subukin ang pagpaparusa (DBY, 277).
Kung tatawagin kayo upang magbigay parusa sa isang tao, huwag kailanman magbibigay ng parusa na hindi makakayang pagalingin ng inyong pamahid [tingnan ang Doktrina at mga Tipan 121:43] (DBY, 278).
Hindi kailanman nagbabago ang aking pagtingin sa mga tao, sa kalalakihan o kababaihan, kung katulad ko man sila ng paniniwala o hindi. Maaari ba kayong maging mga kapitbahay ko? Ako ay maaaring maging kapitbahay ninyo; at hindi ko pinakikialaman kung kayo man ay katulad ko ng paniniwala o hindi (DBY, 278–79).
Sa ating [mga pakikitungo] sa mga taga-labas—huwag silang tatawaging mga Hentil—gawing karapat-dapat na gayahin ang ating halimbawa; sa gayon, ang bawat matapat sa kanila ay magsasabing, “Sa tingin ko ay tama kayo, sa palagay ko ay papariyan ako upang mapabilang sa inyo” (DBY, 279).
Ang maging maamo at mabait, mahinhin at makatotohanan, ang mapuspos ng pananampalataya at katapatan, ang hindi paggawa ng mali ay sa Diyos; ang kabutihan ay nagbibigay ningning sa putong ng kagandahan sa isang tao na napupuspos nito, na ginagawang busilak ang liwanag sa kanilang mukha, at ginagawang kaibig-ibig ang kanilang samahan dahil sa kadakilaan nito. Iniibig sila ng Diyos, ng mga banal na anghel, at ng lahat ng mabubuting tao sa daigdig, samantalang sila ay kinapopootan, kinaiinggitan, hinahangaan, at kinatatakutan ng masasama (DBY, 280).
Mabubuting Gawa. Ang pangunahing kakanyahan ng ating relihiyon ay ang magkaroon ng habag sa lahat, gumawa ng mabuti sa lahat, hanggang sa ipahihintulot nilang gawin nating kabutihan sa kanila (DBY, 272).
Magdamayan tayo sa bawat isa, at buong pagmamahal na arugain ng malalakas ang mahihina hanggang sa lumakas, at gabayan ng mga nakauunawa ang mga mangmang hanggang sa makita nila mismo ang tamang landas (DBY, 271).
Manalangin palagi para sa lahat ng maaaring tumanggap at makinabang ng dahil sa habag (DBY, 279).
Kapag nakikita ninyo ang isang kapwa-tao na nagsisimula nang tumalikod, ipanalangin siya na muling mapasakanya ang Espiritu ng Ebanghelyo. At kung nadarama ninyo ang Espiritung ito sa inyong sarili, ipagdasal na dagdagan ang liwanag na natanggap ninyo noong una kayong tumanggap ng Ebanghelyo, at maililigtas ninyo ang inyong sarili at sambahayan (DBY, 272).
Halimbawang sa pamayanang ito ay may sampung pulubi na namamalimos sa bawat pinto para may makain, at siyam sa kanila ay nagkukunwari lamang at namamalimos upang makaiwas sa pagtatrabaho, at dahil sa masamang puso ay pinagsasamantalahan ang mga mapagbigay at maawain, at isa lamang sa sampung kumakatok sa mga pintuan ninyo ang karapat-dapat sa inyong abuloy; ano ang mainam, ang bigyan ng pagkain ang sampu, upang matiyak na matutulungan ang isang tunay na nangangailangan sa kanila, o itaboy ang sampu dahil hindi ninyo alam kung sino ang karapat-dapat sa kanila. Sasabihin ninyo, bigyan ng abuloy ang sampu, sa halip na itaboy pati ang nag-iisang karapat-dapat at tunay na nangangailangan sa kanila. Kapag ginawa ninyo ito, walang kaibahan ang inyong biyaya, kayo man ay tumulong sa karapat-dapat o hindi karapatdapat na mga tao, yayamang nagbigay kayo ng abuloy na ang tanging layunin ay makatulong sa tunay na nangangailangan (DBY, 274).
Huwag manumpa; humatol ng makatarungang hatol.
Huwag humatol, nang kayo ay hindi hatulan [tingnan sa Mateo 7:1]. Huwag pahahatulin ang isang tao sa kanyang kapwa, maliban kung alam niyang sumasakanya ang isipan ni Cristo [tingnan ang Moroni 7:16–18]. Dapat nating pag-isipang mabuti ang bagay na ito; gaano kadalas nasasabing—”Ang taong iyan ay gumawa ng masama, hindi siya maaaring maging Banal, o hindi niya ito gagawin.” Paano ninyo nalaman? … Huwag hahatulan ang mga taong ganito, dahil hindi ninyo batid ang panukala ng Panginoon tungkol sa kanila; samakatwid, huwag sasabihing hindi sila Banal. … Ang taong magsasabing ang isa ay hindi Banal sa mga Huling Araw, dahil sa maliliit na mga pangyayari sa buhay ng tao ay nagpapakitang hindi sumasakanya ang Espiritu ng Diyos. Isipin ito, mga kapatid na lalaki at babae; isulat ito, upang mapanariwa ninyo ito sa inyong isip; dalhin ninyo ito at madalas na basahin. Kapag hinatulan ko ang aking mga kapatid na lalaki at babae, maliban kung hahatulan ko sila sa pamamagitan ng mga paghahayag ni Jesucristo, ay hindi sumasaakin ang Espiritu ni Cristo; dahil kung sumasaakin ito, hindi ko hahatulan ang sinumang tao (DBY, 277–78).
Nalulunod ang aking puso sa kalungkutan kapag nakikita kong napakarami sa mga Elder sa Israel ang hinahangad ang bawat isa na abutin ang kanilang pamantayan at sukatin sa pamamagitan ng kanilang mga sukatan. Hinuhusgahan ng ilang tao ang kanilang kapwa [tingnan sa Isaias 28:20], at iniisip na ang mga hindi makaabot sa kanilang mga pamantayan ay dapat piliting sumunod sa mga pamantayang iyon. (DBY, 279).
Kapag nakakakita sila ng isang nagkakamaling kapatid na lalaki o babae, na ang ginawa ay hindi sang-ayon sa mga pag-iisip nila sa mga bagay-bagay, kaagad nilang ipinapalagay na ito ay hindi maaaring maging Banal, at ihihinto ang kanilang pakikipagkaibigan, sa pagpapalagay na kapag sila ay nasa landas ng katotohanan, ang iba ay dapat magkaroon din ng mga katangiang tulad ng sa kanila (DBY, 279).
Maging mapagpaumanhin tayo sa bawat isa. Hindi ko ganap na nakikita ang mga bagay katulad ng pagkakakita ninyo. Ang aking hatol ay hindi katulad ng sa inyo sa lahat ng paraan, ni ang sa inyo ay kagaya ng sa akin. Kapag hahatol kayo sa isang lalaki o babae, ihatol ang saloobin ng puso. Hindi dahil sa mga salita lalo na, o sa mga gawa, na ang mga tao ay hahatulan sa dakilang araw ng Panginoon; kundi, kaugnay ng mga salita at gawa, ang mga saloobin at layunin ng puso ang isasaalang-alang, at sa pamamagitan ng mga ito ay hahatulan ang mga tao [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 137:9] (DBY, 273–74).
Dapat malaman ng bawat Banal sa mga Huling Araw na ang mga kahinaan ng kanilang mga kapatid ay hindi kasalanan. Kapag ang isang lalaki at babae ay hindi sinasadyang nakagawa ng pagkakamali, huwag ipagpalagay na kasalanan nila ito. Matuto tayong maging maawain sa bawat isa; hayaang pawiin ng habag at kabaitan ang bawat galit at pagkayamot, upang tayo ay maging matiisin at kapaki-pakinabang sa pakikitungo natin sa bawat isa (DBY, 273).
Paglingkuran ang Panginoon, at sikaping huwag mamintas sa bawat isa [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:124]. Mabuhay kayo nang hindi naghahanap ng kapintasan sa inyong sarili, at huwag nang pansinin ang mga kapintasan ng inyong mga kapatid, sapagkat ang bawat isa ay may sariling mga kapintasan na dapat nilang asikasuhin (DBY, 280).
Maaaring nakikita ninyo, o sa palagay ninyo ay nakikita ninyo, ang isang libong kapintasan sa inyong mga kapatid; gayunman, sila ay nilikhang katulad ninyo, sila ay laman ng inyong mga laman, buto ng inyong mga buto; sila ay sa Ama ninyong nasa Langit; tayong lahat ay Kanyang mga anak, at dapat tayong masiyahan sa bawat isa hangga’t maaari (DBY, 271).
Igalang ang bawat isa; huwag pag-usapan nang may pandudusta ang bawat isa. Ang ilan, kapag sila ay nagkakaroon ng kaunting hinanakit sa isang tao, ay ipinapalagay na dapat itapon sa impiyerno ang taong iyon, at hindi dapat magkaroon ng puwang sa lupa. O, mga hangal! hindi [ninyo] nauunawaan na ang mga hinahatulan ninyo ay mga nilikha ng Diyos na katulad din ninyo! Kinakaligtaan ng Diyos ang kanilang mga kahinaan; at hangga’t gumagawa sila ng kabutihan, sila ay katanggap-tanggap na kagaya natin. Magpasalamat sa Diyos at higit kayong nakaaalam, at mapuspos kayo ng habag at kabaitan (DBY, 274).
Pagpalain ng Diyos ang mga mapagpakumbaba at ang matwid, at nawa ay kaawaan Niya tayo dahil sa kahinaang likas na nasa atin. At kung isasaalang-alang ang malaking kahinaan at kamangmangan ng mga mortal, magkaroon tayo ng habag sa bawat isa (DBY, 272).
Ang mahabagin ay makasusumpong ng habag [tingnan sa Mateo 5:7] (DBY, 273).
Lubos ang aking pagpapasalamat na hindi nating tungkulin, sa ating kasalukuyang kalagayan, ang hatulan ang daigdig; kung mangyayari ang gayon ay mawawasak natin ang lahat ng bagay. Wala tayong sapat na karunungan, ang ating mga isipan ay hindi napupuno ng kaalaman at kapangyarihan ng Diyos; kailangan ng espiritu na unti-unting lupigin ang laman hanggang sa magtagumpay itong supilin ang mga pagnanasa nito, hanggang sa ang buong kaluluwa ay ganap na maiayon sa isip at kaloobanng Diyos. At kailangan din nating matamo ang karapatan ng Diyos na malasin ang hinaharap, at matiyak at malaman ang mga kahihinatnan ng ating mga gawa sa hinaharap, maging sa kawalang-hanggan, bago tayo magkaroon ng kakayahang humatol (DBY, 278).
Bumuo ng pagtitiwala sa bawat isa at iwasan ang pagtatalo.
Kung matatamo natin ang pananampalataya at pagtitiwala sa bawat isa, at sa ating Diyos, na kapag humingi tayo ng tulong ay magagawa natin ito nang may buong katiyakan at kaalaman na matatanggap natin ito, hindi ba ninyo naiisip na ito ay tuluyang aakay sa atin na gawin sa iba ang nais nating gawin nila sa atin, sa bawat pakikipag-ugnayan at kalagayan sa buhay? Hihikayatin tayo nitong gumawa, hindi lamang ng hinihiling, kundi higit pa. Kapag hiniling ng inyong kapatid na [lalaki] samahan ninyo siya ng isang milya, sasamahan ninyo siya ng dalawa; kapag isinakdal kayo para sa inyong tunika, ibibigay din ninyo sa kanya ang inyong kapa [tingnan sa Mateo 5:40–41]. Ang alituntuning ito ay hihikayat sa ating gawin ang lahat ng makakaya natin para sa kapakanan ng bawat isa, sa layunin ng Diyos sa lupa, at kung ano pa man ang naisin ng Panginoon na gawin natin; inihahanda tayo nito at maluwag sa ating kalooban na gawin ito kaagad (DBY, 275).
Subalit kung wala tayong pagtitiwala sa bawat isa, at magiging mainggitin sa bawat isa, ang ating kapayapaan ay mawawala. Kapag inalagaan natin ang mga alituntunin ng hindi matinag na pagtitiwala sa bawat isa ay magiging ganap ang ating kagalakan (DBY, 275).
Ang gawaing pinasukan natin ay ang ipanumbalik ang pagtitiwala sa isipan ng mga tao; at kapag naririnig ko ang mga pangyayari kung saan ang mga kapatid ay hindi tumutupad sa kanilang pangako, itinuturing ko itong batik sa pagkatao ng mga taong ito. Dapat nating tuparin ang ating mga pangako sa bawat isa. At kung tayo ay may suliranin o hindi pagkakaunawaan sa bawat isa, pag-usapan ito, pag-aralan ang bagay na ito nang masusi, malalim, at mahinahon, at matatanto natin na ang lahat ng kahirapan ay madaling mabibigyang lunas sa ganitong paraan kaysa sa ibang paraan; at matutuklasan din natin na halos lahat ng mga suliranin sa pagitan ng mga tao ay dulot ng hindi pagkakaunawaan; at kung tunay na maling layon at pakay, kung ang bagay ay pag-uusapang mabuti, ang maysala ay karaniwang madaling makipagkasundo (DBY, 276).
Kapag nagkaroon ng magkaibang paninindigan ang dalawang panig, paglapitin sila at ilahad ang kanilang suliranin sa isa’t-isa, ilahad nang may pagpapakumbaba, at sabihing, “Kapatid (o kapatid na babae) nais kong gawin ang tama; oo, gagawin ko kahit na magkamali ako, upang maging tama ka.” Sa palagay ba ninyo, ang isang lalaki o babaeng gumagawa ng ganito sa kanyang kapwa, ay bibigyang katarungan ng batas ng kabutihan? Ang kanilang mga kahatulan ay magsasanib, at magkakasundo sila: sa dakong huli ay hindi na kakailanganing tumawag ng ikatlong tao upang lutasin ang suliranin. Makaraang gawin ito, kapag hindi pa rin kayo magkasundo ay tumawag ng ikatlong tao upang lutasin ito (DBY, 276–77).
Ang mga pagtatalo ay malimit na humantong sa pagkakalayo sa isa’t isa kung kaya nawawala sa mga kapatid ang pagtitiwala sa katapatan at karangalan ng bawat isa, dahil marahil, kapag ang dalawang panig ay nagkamali sa isang maliit, maramot, may kamangmangan, at personal na hindi pagkakaunawaan, ay dala-dala pa rin ito hanggang sa hangarin nilang maitiwalag ang isa’t isa sa Simbahan. Madalas idulog sa akin ang mga ganitong usapin. Kapag natuklasan na kung ano ang nangyari, makikitang nag-umpisa ito sa isang walang kabuluhang hindi pagkakaunawaan na may kinalaman sa isang maliit na bagay; ang lahat ng suliranin ay nagmula sa isang walang kabuluhang dahilan. Iwasang lumaki ang maliliit na hindi pagkakaunawaan at maging mga suliranin ang mga ito (DBY, 277).
Kapag pinag-uusapan kayo ng inyong mga kapitbahay, at sa palagay ninyo ay mali sila sa pagsasabi ng masama tungkol sa inyo, huwag ipaaalam sa kanila na may narinig kayong salita, at kumilos na tila ba palaging tama ang kanilang ginagawa (DBY, 277).
Magmula sa panahong ito ay mamuhay tayo upang sa gayon ay makalikha ng pagtitiwala sa lahat ng tao na pinakikitunguhan natin at nakakasalamuha; at ituring nating yaman ang bawat butil ng pagtitiwala na ating natatamo bilang isa sa pinakamahalagang kayamanan na maaaring makamtan ng mga mortal. Kung sa pamamagitan ng aking mabuting kilos ay nagawa kong magtiwala sa akin ang aking kapwa, idinadalangin ko na hindi ako makagagawa kailanman ng anumang bagay sa makasisira dito (DBY, 276).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Balutin ninyo ang mga sarili ng bigkis ng pag-ibig sa kapwa tao.
-
Anu-ano ang ating mga “tungkulin sa isa’t-isa” bilang miyembro sangkatauhan? Paano magkakaroon ng kaugnayan sa ating sariling kaligtasan ang ating mga pakikitungo at gawain sa ibang tao? Paano makatutulong sa atin ang pag-ibig sa kapwa-tao upang “matubos ang mga anak na lalaki at babae nina Adan at Eva”?
-
Bakit hindi natin tunay na iniibig ang Diyos kapag hindi natin iniibig ang ibang tao? Bakit napakahalagang “tingnan [ang iba] kagaya ng pagtingin ng Diyos sa kanila”?
-
Ang pag-ibig sa kapwa-tao, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” ay maaaring ipamalas sa maraming paraan (tingnan, halimbawa, sa Moroni 7:45–47). Ano ang ilan sa mga pagpapamalas ng pag-ibig sa kapwa-tao na binigyang diin ni Pangulong Young. Sa anu-anong mga paraan kayo makapagpapakita ng higit pang pag-ibig sa kapwa-tao na inyong nakakahalubilo? Paano naipakita ng iba sa inyo ang pag-ibig sa kapwa-tao?
Huwag manumpa; humatol ng makatarungang hatol.
-
Ano ang ipinayo ni Pangulong Young hinggil sa paghatol sa bawat isa? Paano ninyo maipamumuhay ang payong ito kapag nakikisalamuha kayo sa mga taong kaiba ang mga pag-iisip at pagkilos kaysa inyo?
-
Anu-ano ang mga kalalabasan kapag hinatulan natin ng hindi makatwiran ang ating kapwa-tao? Ano ang makatutulong sa atin upang humatol nang makatwiran kapag tayo ay nasa kalagayan na kung saan ay kailangan nating hatulan ang ibang tao? (Tingnan din sa Moroni 7:14–18.) Bakit mahalaga sa ating magpakita ng habag sa bawat isa?
-
Paano makatutulong sa mga ugnayan natin sa ating mga kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala ang alaalang mga anak tayo ng Diyos?
Magtitiwala sa bawat isa at iwasan ang pagtatalo.
-
Paano tayo nagkakaroon ng pananampalataya at pagtitiwala sa bawat isa? Anu-ano ang mga kalalabasan kapag ginagawa natin ito? Ano ang mangyayari kung wala tayong pagtitiwala sa bawat isa?
-
Anu-ano ang ilan sa mga pinagmumulan ng pagtatalo? (Tingnan sa 2 Nephi 26:32–33.) Ano ang pagtatalo at paano natin ito maiiwasan? Ano ang ginawa ninyo noong mga nakaraan upang matagumpay na makaiwas sa pagtatalo? Ano ang ipinayo ni Pangulong Young na ikikilos natin kapag nagkakaroon ng mga hindi pagkakasundo o pagtatalo?
-
Sa palagay ninyo, bakit inilarawan ni Pangulong Young ang pagtitiwala ng iba bilang “isa sa pinakamahalagang kayamanan na maaaring makamtan ng mga mortal”? Anu-anong mga bagay ang maaari ninyong gawin upang madagdagan ang pagtitiwala sa inyo ng ibang tao?