Kabanata 29
Pamumuhay sa Salita ng Karunungan
Para kay Pangulong Brigham Young, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay isang praktikal na relihiyon. Sa isang sulat niya noong taong 1867 sa dalawa sa kanyang mga anak na lalaki na naglilingkod sa misyon, pinapurihan ni Pangulong Young ang mga Banal sa Lungsod ng Salt Lake sa pagsunod sa Salita ng Karunungan: “Ang mga mangangalakal sa Whiskey St. ay halos walang kinikita sa araw-araw para makabayad sa kanilang mga upa. Ipinamamalas ng mga tao ang matatag nilang pasiya na aming nasaksihan upang isakatuparan ang mga payo na ibinigay hinggil sa Salita ng Karunungan at pagsunod sa mga bagay na temporal at espirituwal. Walang anumang pamimilit na ginamit, o mga tipang kinailangan. Ang alituntunin ay ipinagbigay-alam at ang mga tao ay tila nakahanda na tanggapin at isakatuparan ito nang maluwag sa kalooban. Ang kapayapaan at magandang kalusugan ay namamayani sa buong Teritoryo” (LBY, 88). Itinuro niya na inihayag ng Panginoon ang Salita ng Karunungan upang mapaunlad ang kalagayan ng ating mga mortal na buhay, upang tayo ay higit na maging mabisang mga manggagawa sa kaharian ng Diyos sa lupa, at para makatulong sa atin na ganap na magampanan ang layunin ng ating pagkakalikha.
Mga Turo ni Brigham Young
Naniniwala tayong ang Salita ng Karunungan ay kautusan mula sa Diyos.
Nang pasinayaan ang paaralan ng mga propeta, isa sa pinakaunang paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang tagapaglingkod na si Joseph ay ang Salita ng Karunungan. Ang mga kasapi sa paaralang iyon ay kakaunti lamang sa simula, at nagsimula ang propeta na turuan sila sa doktrina upang maihanda silang magsiyaon sa buong sanlibutan at ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng kinapal. … Sinimulan ng propeta na turuan sila kung paano mamuhay nang higit na nakahandang isagawa ang dakilang gawain kung saan tinawag sila upang isakatuparan (DNSW, ika-25 ng Peb. 1868, 2).
Mga Obispo, Elder ng Israel, Mataas na Saserdote, ang Labindalawang Apostol, ang Unang Panguluhan, at ang buong Sambahayan ni Israel, makinig kayo, O aking mga tao! sundin ang salita ng Panginoon, gawin ang Salita ng Karunungan, itaguyod ang bawat isa, itaguyod ang sambahayan ng pananampalataya (DBY, 183).
Alam kong sinasabi ng ilan na ang mga paghahayag sa mga bagay na ito ay hindi ibinigay sa pamamagitan ng kautusan. Tama, ngunit tayo ay inutusang sundin ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos (DBY, 182–83).
Binubulungan ako ng Espiritu na manawagan sa lahat ng Banal sa mga Huling Araw na sundin ang Salita ng Karunungan, na iwasan ang tsaa, kape, at tabako, at mangilin sa pag-inom ng mga inuming nakalalasing. Ito ang ipinahihiwatig ng Espiritu sa pamamagitan ko. Kung ibinubulong ito ng Espiritu ng Diyos sa kanyang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pinuno, at sila ay hindi makikinig o susunod, ano ang mga kalalabasan ng kanilang pagsuway? Kadiliman at pagkabulag ng isipan tungkol sa mga bagay ng Diyos ang kanilang kapalaran; mawawala sa kanila ang diwa ng panalangin, at ang diwa ng daigdig ay lalong mananaig sa kanila batay na rin sa kanilang pagsuway hanggang sa lubos na silang tumalikod sa Diyos at sa kanyang mga landas (DBY, 183).
Ang pangangatawang taglay ng tao ay dapat palusugin at pagyamanin; at sa tuwing may ipapasok tayo sa ating katawan na pipilit o magpapasigla dito nang higit kaysa likas nitong kakayahan, ito ay nagpapaikli ng buhay. Manggagamot din ako kung kaya alam ko iyan. … Kung susundin ninyo ang payong ito, mapupuno kayo ng buhay at kalusugan, at madaragdagan ang inyong katalinuhan, ang inyong kagalakan, at ang inyong kapanatagan (DBY, 183).
Itong Salita ng Karunungan na inaakalang hindi na uso, at hindi na ipinatutupad, ay kagaya ng lahat ng payo ng Diyos na ipinatutupad ngayon kagaya noon pa man. Ito ay may buhay, may buhay na walang hanggan dito—ang buhay sa ngayon at ang buhay na darating (DBY, 184).
Ang Salita ng Karunungan ay isang inspiradong batas ng kalusugan.
Ang Salita ng Karunungan ay nagbabawal sa paggamit ng mga inuming maiinit at tabako. Narinig kong pinagtatalunan na ang tsaa at kape ay hindi binanggit dito; iyan ay talagang totoo; ngunit ano ba ang kinaugaliang maiinit na inumin ng mga tao nang ibigay ang paghahayag na ito? Tsaa at kape. Hindi natin kinaugalian na uminom ng tubig na napakainit, kundi ang tsaa at kape—ang mga inuming karaniwang ginagamit (DBY, 182).
Sa halip na gawin ang trabahong para sa dalawang araw sa loob ng isang araw lamang, ang karunungan ay mag-uutos sa [mga Banal], na kung minimithi nila ang mahabang buhay at magandang kalusugan, kinakailangang pagkatapos ng kaukulang pagpapagod ay hayaang magpahinga ang katawan bago ito tuluyang mahapo. Kapag hapo na, nangangatwiran ang iba na kailangan nila ng mga pampasigla kagaya ng tsaa, kape, nakalalasing na mga inumin, tabako, o ilan sa mga gamot narkotiko na madalas gamitin upang itulak ang nawawalang lakas nang higit sa makakaya nito. Subalit sa halip na ganitong mga uri ng pampasigla ay dapat nilang bawiin ang lakas sa pamamagitan ng pagpapahinga. Magtrabaho nang sapat lamang, magpagod nang sapat, kumain nang sapat, at tayo ay magiging higit na marunong, malusog, at maunlad na mga tao kaysa sa kung ipagpapatuloy natin ang ginagawa natin ngayon. Mahirap makasumpong ng inuming higit na makapagpapalusog kaysa malamig na tubig, kagaya ng umaagos mula sa mga bukal at niyebe ng ating kabundukan. Ito ang dapat nating inumin. Ito ang dapat nating inumin sa lahat ng oras. … Maaaring sabihin na ang ilang kalalakihan na gumagamit ng nakalalasing na inumin ay malulusog, ngunit sa palagay ko ay higit silang malusog kung hindi sila uminom nito, at sa gayon ay may karapatan sila sa mga biyayang ipinangako sa mga tumutupad sa payo na ibinigay sa “Salita ng Karunungan” (DBY, 187).
Kapag naglalakbay kami patungo sa mga panirahanan at humihinto sa bahay ng mga kapatid, ay sinasabi nilang, “Kapatid na Brigham, hayaan ninyong ipakita namin ang aming damdamin sa iyo at sa inyong mga kasama.” Sinasabi ko sa kanilang gawin iyon, ngunit bigyan lamang ako ng kapirasong tinapay na may halong mais [Johnny cake cornbread]; mas pipiliin ko pa ito kaysa kanilang mga empanada at pastel at mga minatamis. Bigyan na lamang ako ng pagkaing likas ang sustansiya at iiwan ang aking tiyan at buong pangangatawan na malinis upang tanggapin ang Espiritu ng Panginoon at maging malaya sa sakit ng ulo at lahat ng uri ng sakit (DBY, 189).
Ang mga Amerikano, bilang isang bansa, ay pinapatay ang kanilang sarili dahil sa kanilang mga bisyo at maluhong pamumuhay. Ang dapat kainin ng isang tao sa loob ng kalahating oras ay nilulunok nila sa loob ng tatlong minuto, na inilululon ang kanilang pagkaing gaya ng [aso] sa ilalim ng mesa, na, kapag hinagisan ng kapirasong karne, ay nilulunok ito bago ka pa man makapagsalita. Kung nais ninyo ng pagbabago, sundin ang payo na kabibigay ko pa lamang sa inyo. Iwaksi ang inyong napakaraming putahe, at, asahan ninyong higit ninyong maililigtas ang inyong mga mag-anak mula sa karamdaman, sakit, at kamatayan (DBY, 189).
Alam ba ninyo na pribilehiyo ninyong mabuhay na may ganap na pagpipigil sa inyong isipan sa lahat ng oras? Pag-aralang ingatan ang inyong katawan sa buhay at kalusugan, at magagawa ninyong mapigilan ang inyong isipan (DBY, 190).
Ang pag-iisip ang siyang bahagi na walang kamatayan at hindi nakikita, at ito ang gumaganap sa mga gawaing pangkaisipan; at ang tabernakulo, na binuo at binalangkas para sa tukoy na layuning iyon, ang nagsasagawa o nagbibigay bunga sa gawaing pangkaisipang yaon. Pakilusin ang katawan kasama ng isipan, at magkasabay na pagawain ang mga ito, at, maliban sa iilan, ay magkakaroon ka ng isang tao na matalas ang pag-iisip at matibay ang pangangatawan, malakas ang katawan at kaisipan (DBY, 191).
Pag-ingatan ang inyong katawan; maging matalino sa paggamit ng inyong lakas, sapagkat kapag matanda na kayo ay kakailanganin ninyo ang tibay at lakas na inyong sinasayang ngayon. Ingatan ang inyong buhay. Hangga’t hindi ninyo ito nalalaman at isinasagawa, hindi pa kayo mabubuting manggagawa o matatalinong katiwala (DBY, 193).
At huwag nating gawing biro ang ating misyon, sa pamamagitan ng pagpapasasa sa paggamit ng mga bagay na nakapipinsala. Ang mga ito ang nagpapasimula sa sakit at kamatayan sa pangangatawan ng tao, at ang mga ito ay nadadala sa kanilang mga anak, at isa pang salinlahi ng mahihinang tao ang mamumuhay sa mundo. Ang ganitong uri ng mga bata ay may mahihinang buto, litid, kalamnan, at pangangatawan, at kakaunti ang silbi sa kanilang sarili, o sa kanilang kapwa; hindi sila handang mabuhay (DBY, 185–86).
Ang pagtupad sa Salita ng Karunungan ay makatutulong upang higit nating magampanan ang layunin ng ating buhay.
Isa itong mainam na payo na nais ng Panginoon na sundin ng kanyang mga tao, upang sila ay mabuhay sa daigdig hanggang sa ganap na magampanan ang layunin ng kanilang pagkakalikha. Ito ang layuning inisip ng Panginoon sa pagbibigay niya ng Salita ng Karunungan. Sa mga susunod dito ay ipagkakaloob niya ang dakilang karunungan at pag-unawa, na magpapaganda sa kanilang kalusugan, magbibigay ng lakas at tibay sa mga kakayahan ng kanilang katawan at isipan hanggang tumanda sila sa mundo. Ito ang kanilang magiging biyaya kung susundin nila ang kanyang salita nang may mabuti at handang puso at may pananampalataya sa harap ng Panginoon (DBY, 184).
Kaya nakikita natin na ang halos pinakaunang mga turo na tinanggap ng unang mga Elder ng Simbahang ito ay kung ano ang dapat kainin, ano ang dapat inumin, at kung paano iayos ang kanilang mga likas na buhay upang mapagkaisa sila sa temporal at gayundin sa espirituwal. Ito ang dakilang layunin na nakita ng Diyos sa pagpapadala sa daigdig, sa pamamagitan ng kanyang mga tagapaglingkod, ng Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan (DBY, 186).
Ang taong nagpapasasa sa anumang nakagawiang gawain na nakasisira sa pangkalahatang kabutihan dahil sa halimbawa at impluwensiya nito, ay hindi lamang isang kaaway ng kanyang sarili kundi kaaway rin ng pamayanan na naiimpluwensiyahan ng nakagawiang iyon. Ang taong ayaw bitiwan ang isang masamang nakagawiang gawin para sa kabutihang idudulot nito sa pamayanan ay, masasabi natin kahit paano na, hindi siya interesado sa kanyang pagnanais at paghahangad na maging maunlad ang lipunan at ang lahat (DBY, 186).
Ang maghanda para mamatay ay hindi tagubilin ng Simbahan at Kahariang ito; bagkos ang maghanda para mabuhay ang siyang ating tagubilin, at pagbutihin ang lahat sa abot ng ating makakaya sa susunod na buhay, kung saan matatamasa natin ang higit na dakilang kalagayan ng katalinuhan, karunungan, kaalaman, kapangyarihan, kaluwalhatian, at kadakilaan. Samakatwid ay palawigin natin ang buhay ngayon hangga’t kaya natin, sa pamamagitan ng pagtupad sa bawat batas ng kalusugan, at sa maayos na pagbabalanse ng gawain, pag-aaral, pamamahinga, at libangan, nang sa gayon ay makapaghanda sa higit na mabuting pamumuhay. Ituro natin ang mga alituntuning ito sa ating mga anak, upang sa unang mga taon ng kanilang buhay, ay maturuan silang itatag ang saligan ng kalusugan at kalakasan at buong pagkatao at kapangyarihan ng buhay sa kanilang katawan. (DBY, 186).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Naniniwala tayong ang Salita ng Karunungan ay kautusan mula sa Diyos.
-
Paano tayo higit na inihahanda ng pamumuhay ng Salita ng Karunungan upang magawa natin ang gawain ng Panginoon?
-
Sinabi ni Pangulong Young na “inutusan tayong sundin ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” kabilang na ang Salita ng Karunungan. (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 89:2.) Paano nakatulong sa inyo upang mamuhay ayon sa mga alituntunin nito ang kaalaman na ang Salita ng Karunungan ay isang kautusan at hindi lamang isang mainam na payo? Ayon kay Pangulong Young ano mga kahihinatnan ng pagsuway sa Salita ng Karunungan?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Young nang sabihin niyang, “Dito ay may buhay—may buhay na walang hanggan sa” Salita ng Karunungan?
Ang Salita ng Karunungan ay inspiradong batas ng kalusugan.
-
Sang-ayon kay Pangulong Young, ano ang layunin ng Salita ng Karunungan? (Tingnan sa I Mga Taga Corinto 3:16–17; Doktrina at mga Tipan 89; 93:35.)
-
Ano ang payo ni Pangulong Young hinggil sa pag-iwas sa pagkahapo? Paano ninyo maipapamuhay ang mga alituntuning umiiral sa kanyang payo?
-
Paano magagawang “pakilusin ang katawan kasama ng isipan” ng pagtupad sa Salita ng Karunungan? Paano kayo makikinabang sa paggawa nito? Paano makatutulong ang Salita ng Karunungan sa pagtanggap natin ng Espiritu?
-
Sinabi ni Pangulong Young na “Huwag nating gawing biro ang ating misyon, sa pamamagitan ng pagpapasasa sa paggamit ng mga bagay na nakapipinsala.” Paano nakasasagabal ang mga bagay na ito sa ating misyon?
Ang pagtupad sa Salita ng Karunungan ay makatutulong sa atin upang higit nating magampanan ang layunin ng ating buhay.
-
Paano makatutulong ang pamumuhay ayon sa Salita ng Karunungan upang maisakatuparan ang pagkakalikha sa atin, bilang isang indibiduwal at bilang isang Simbahan?
-
Paano mapalalakas ng Salita ng Karunungan ang ating espirituwalidad? Paano makasisira sa kaluluwa ang pagsuway sa Salita ng Karunungan?
-
Bakit makapaglilingkod tayo nang mabisa kapag tinutupad natin ang Salita ng Karunungan?
-
Paano ninyo masusunod ang payo ni Pangulong Young na “palawigin natin ang buhay ngayon hangga’t makakaya natin, sa pamamagitan ng pagtupad sa bawat batas ng kalusugan, at sa maayos na pagbabalanse ng gawain, pag-aaral, pamamahinga, at libangan”? Paano makatutulong ang pagsunod sa Salita ng Karunungan sa ating pamumuhay nang ganap?