Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 46: Responsibilidad ng Magulang


Kabanata 46

Responsibilidad ng Magulang

Minahal ni Pangulong Brigham Young ang mga bata at naniniwala siya sa kanilang kadalisayan sa harap ng Diyos. Marami sa kanyang sermon ang naglalaman ng payo sa mga Banal kung paano nila dapat arugain ang kanilang mga anak. Halimbawa, ang isang maliit na anak niyang lalaki ay kinaugalian nang tabigin ang kutsara at mangkok ng tinapay at gatas sa sahig kapag ito ay inihahain sa harap niya. Naguguluhan ang ina ng bata. Pinagpayuhan siya ni Brigham na: “Sa susunod na tabigin niya ang mangkok mula sa iyong kamay, isandal mo siya sa kanyang upuan, at huwag magsambit ni isang salita sa kanya [at] puntahan mo ang iyong gawain.” Ginawa ito ng ina. Noong una tumayo lamang ang bata sa tabi ng kanyang upuan at tiningnan ang kanyang ina, at pagkatapos, tiningnan niya ang tinabig niyang mga gamit na nasa sahig. Pagkatapos, gumapang siya sa may kutsara at mangkok at inilagay itong muli sa hapag-kainan. Hindi na muling tinabig ng bata ang mga ito mula sa hapag-kainan. Sa ginawa ng kanyang asawa, sinabi ni Pangulong Young, “Maaari sana niyang paluin ang anak at ang bata ay nasaktan, tulad ng maaaring gawin ng marami; ngunit kung alam nila ang dapat gawin, maaari nilang itama ang bata nang walang karahasan” (LBY, xxv). Napatunayan na ipinamuhay ni Pangulong Young ang mga alituntuning itinuturo niya sa paglalarawan sa kanya ng kanyang anak na babaeng si Susa bilang “isang ulirang ama. Labis na mabait, mapagmahal, maalalahanin, makatarungan at may matibay na pagpapasiya. … Wala ni isa sa aming takot sa kanya, lahat kami ay nagmahal sa kanya” (LSBY, 356).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang mga magulang ang tagapag-alaga ng mga anak ng Diyos at ang magsasanay, magtuturo, at mag-aaruga sa kanila.

Ang mga magulang ang tagapag-alaga ng mga anak ng Diyos at ang magsasanay, magtuturo, at mag-aaruga sa kanila. (LBY, xxiv).

Ang mga magulang ay mananagot sa Panginoon kung paano nila tinuruan at sinanay ang kanilang mga anak, sapagkat “Narito, ang mga anak ay mana na mula sa Panginoon; at ang bunga ng bahay-bata ay kanyang gantimpala. Maginhawa ang lalaki na pumuno ng kanyang lalagyan ng pana ng mga yaon; sila’y hindi mapapahiya [Mga Awit 127:3–5]” (DNW, ika-7 ng Dis. 1864, 2).

Mga magulang, hangarin na igalang ang inyong mga anak; turuan sila ayon sa saway at aral ng Panginoon. Turuan sila ng tama at hindi ng mali, turuan silang magmahal at maglingkod sa Diyos [tingnan sa Deuteronomio 6:5]; turuan silang maniwala kay Jesucristo na Anak ng Diyos at ang Tagapagligtas ng daigdig (DNSW, ika-8 ng Ago. 1877, 1).

Ang mga ina ang mga gumagalaw na instrumento sa mga kamay ng Maykapal sa paggabay sa destinasyon ng mga bansa. Turuan ng mga ina sa anumang bansa ang kanilang mga anak na huwag makidigma, at ang mga bata ay lalaking hindi kailanman makikidigma. Turuan ng mga ina ang kanilang mga anak na, “Makidigma, makidigma sa inyong mga kalaban, oo, makidigma hanggang sa sukdulan!” at sila ay mapupuno ng diwang ito. Samakatwid, nakikita agad ninyo kung ano ang nais kong bigyang-diin sa inyong isipan, na ang mga ina ang behikulo na nagbibigay buhay sa katauhan ng isang nilalang, at ginagabayan nila ang mga tadhana at buhay ng tao sa ibabaw ng mundo (DBY, 199–200).

Maaari nating gabayan, supilin, at pungusin ang isang bagong usbong, at susunod ito sa ating kagustuhan, kung ginawa ito nang may katalinuhan at kahusayan. Dahil dito, kung palilibutan natin ang isang bata ng malusog at kapaki-pakinabang na mga impluwensiya, bigyan siya ng mga naaangkop na tagubilin at punuin ang kanyang isip ng mga tamang tradisyon, maaaring magabayan nito ang kanyang mga paa sa daan ng buhay (DBY, 209).

Dapat palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabaitan

Makitungo ang mga magulang sa kanilang mga anak tulad ng nais nilang gawing pakikitungo sa kanila, magpakita sa kanila ng halimbawang karapatdapat na gawin ng mga Banal ng Diyos (DNW, ika-7 ng Dis. 1864, 2).

Palakihin ang inyong mga anak sa pagmamahal at takot sa Panginoon; pag-aralan ang kanilang mga hilig at ang kanilang mga ugali, at makitungo sa kanila ayon dito, na hindi kailanman pinahihintulutan ang sariling itama sila kapag kayo ay galit, turuan silang mahalin kayo sa halip na katakutan (DBY, 207).

Sa mga araw-araw nating gawain sa buhay, anumang uri o klase ito, ang mga Banal sa mga Huling Araw, lalo na ang mga nagtataglay ng mahahalagang tungkulin sa Kaharian ng Diyos, ay dapat maging mahinahon, kapwa kung nasa tahanan at nasa labas ng tahanan. Hindi nila dapat pabayaan ang mga kasawian at hindi kasiya-siyang kalagayan na magpainit ng kanilang ulo, labis na mag-alala at maging mahirap pakisamahan sa bahay, na nagsasalita na puno ng sama ng loob at matalas na pananalita sa kanilang mga asawa at anak, na lumilikha ng kapanglawan at kalungkutan sa kanilang tahanan, kinatatakutan sa halip na mahalin ng kanilang mga mag-anak. Hindi dapat hayaang magsiklab ang galit sa ating dibdib, ang mga salitang dulot ng galit ay hindi nararapat na pahintulutang lumabas sa ating mga labi. “Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot, ngunit ang mabigat na salita ay humihila ng galit [Mga Kawikaan 15:1].” “Ang poot ay malupit, at ang galit ay mapanghamak;” ngunit “ang bait ng tao ay nagpapakupad sa galit; at ang kanyang kaluwalhatian na paraanin ang pagsalangsang [Mga Kawikaan 19:11]” (DBY, 203–4).

Sa paglalakbay ko sa daigdig ay nakikita kong ang karamihan sa mga magulang ay nananabik na pamahalaan at supilin ang kanilang mga anak. Sa aking pagmamasid ay mas marami akong nakitang magulang na hindi nagawang supilin ang kanilang mga anak kaysa roon sa mga nagawang supilin ang kanilang mga anak. Kung nais supilin ng isang ina ang kanyang anak, una niyang dapat supilin ang kanyang sarili, pagkatapos ay matagumpay na niyang maipasasailalim sa kanyang kalooban ang kalooban ng kanyang anak. Ngunit kung hindi niya sinusupil ang kanyang sarili paano niya maaasahang magagawa niya ito sa isang anak,—na sanggol pa sa pagunawa—upang maging higit na marunong, maingat at mas magaling kaysa sa mas nakatatanda at may isip sa kanya? (DNSW, ika-1 ng Hul. 1870, 2).

Hindi kailanman dapat pilitin ng mga magulang ang kanilang mga anak, ngunit kailangan nilang akayin sila, na nagbibigay sa kanila ng kaalaman na kaya nilang tanggapin. Agad na pinarurusahan sila kung kailangan, ngunit dapat na pamahalaan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng pananampalataya kaysa sa pamamagitan ng pamalo, na inaakay sila sa pamamagitan ng mabubuting halimbawa sa lahat ng katotohanan at kabanalan (DBY, 208).

Hindi natin maaaring pagalitan ang isang bata sa paggawa ng bagay na taliwas sa ating kalooban, kung hindi niya alam na mali pala ito; ngunit kung ang bata ay tinuruan na at alam na ang hinihiling sa kanila, kung magrerebelde sila, siyempre pa, maaasahan nilang pagagalitan sila, at tama lamang na sila ay parusahan (DNSW, ika-8 ng Hul. 1873, 1).

Sasabihin ko rito sa mga magulang, na ang mababait na pananalita at mga mapagmahal na kilos sa mga anak, ay makapagpapawala ng kanilang magaspang na ugali nang higit pa kaysa pamalo, kaysa pisikal na pagpaparusa. Bagama’t nakasulat na, “Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan; ngunit ang batang binabayaan ay humihiya sa kanyang ina [Mga Kawikaan 29:15],” at, “Siyang nag-uurong ng kanyang pamalo ay napopoot sa kanyang anak; ngunit siyang umiibig ay nagpaparusang paminsan minsan [Mga Kawikaan 13:24];” ang mga ito ay tumutukoy sa … matalino at maingat na pagtatama. Ang mga anak na mamulat sa kabaitan at pagmamahal ng magulang, kapag sila ay kinagalitan ng magulang, at nakatanggap ng panunumbat mula sa kanilang labi, ay ganap nang naparusahan, kaysa sa anumang pananakit na igagawad sa kanilang katawan (DNW, ika-7 ng Dis. 1864, 2).

Makapagtuturo ako ng ilang kalalakihan sa kongregasyong ito na nagpalayo sa damdamin ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng pamalo. Kung saan may paghihigpit, doon ay walang pagmamahal o pagmamahalan ng magulang sa anak at ng anak sa magulang; ang mga anak ay magnanais pang malayo sa kanilang ama kaysa makasama siya (DBY, 203).

Hindi ang panghataw o pamalo ang makapagpapasunod sa mga bata; kundi ang pananampalataya at panalangin, at pagpapakita ng magandang halimbawa sa kanilang harapan (DNW, ika-9 ng Ago. 1865, 3).

Hindi ako naniniwala sa pagpapakita ng aking kapangyarihan bilang asawa o ama sa pamamagitan ng pagmamalupit; kundi sa pamamagitan ng mataas na katalinuhan—sa pamamagitan ng pagpapakita sa kanila na maaari ko silang turuan. … Kung itatalaga ako ng Panginoon bilang haligi ng tahanan, gagawin ko ito nang buong kababaang-loob at pagtitiis, hindi bilang isang malupit na pinuno, kundi isang matapat na kasama, at mapagbigay at mapagmahal na ama, maalalahanin at hindi mapagmataas na pinuno, upang igalang ako sa aking katungkulan sa pamamagitan ng matapat na pagsisikap, at magkaroon ng ganap na kakayahan, sa pamamagitan ng tulong ng Espiritu ng Diyos, na magampanan ang aking tungkulin sa paraang mabibigyan ng kaligtasan ang lahat ng ipagkakatiwala sa aking pangangalaga (DNW, ika-23 ng Hul, 2).

May mga oras na hindi mabuti ang espiritung nananaig sa ating mga anak; ngunit kung ang magulang ay magpapatuloy na magkaroon ng mabuting Espiritu ay sandali lamang mananaig sa mga anak ang masamang espiritu. … Mamahala kayo sa pamamagitan ng katwiran, at sa takot at pagmamahal sa Diyos, at gagayahin kayo ng inyong mga anak (DNSW, ika-7 ng Abr. 1868, 3).

Ang mababait na tingin, mabubuting kilos, mabubuting salita, at ang maganda at banal na pakikitungo sa [mga anak] ang magbubuklod sa atin sa kanila sa bigkis na hindi madaling masira; samantalang ang pang-aabuso at kalupitan ay magtataboy sa kanila palayo sa atin, at sisira sa bawat banal na tali, na dapat magbuklod sa kanila sa atin at sa walang hanggang tipan na yumayakap sa atin. Kung ang aking mag-anak ay hindi magiging masunurin sa akin sa pamantayan ng kabaitan, at kapuri-puring buhay sa harap ng mga tao, at sa harap ng kalangitan, kung gayon paalam sa lahat ng impluwensiya (DNW, ika-7 ng Dis. 1864, 2).

Mamuhay tayo sa paraan na kung saan ang diwa ng ating relihiyon ay mananatiling buhay sa ating kalooban, kung magkagayon magkakaroon tayo ng kapayapaan, kagalakan, kaligayahan at kapanatagan, na lumilikha ng mga kalugud-lugod na ama, kaiga-igayang ina, kawili-wiling anak, kawiliwiling sambahayan, kapitbahay, pamayanan at lungsod. Kapaki-pakinabang na mabuhay tayo para rito, at sa palagay ko ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nararapat magsumikap na makamtan ito (DBY, 204).

Dapat akayin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa makatwirang pamumuhay sa pamamagitan ng mabait at matibay na pagpapasiya.

Dapat ninyong akayin tuwina ang mga isipan at damdamin ng inyong mga anak. Sa halip na nasa likod kayo na hawak ang pamalo, palagi kayong gumawi sa harapan, upang inyong magsabing, “Halika kayo,” at hindi ninyo na kailangan pa ng pamalo. Kagigiliwan nilang sundin kayo, magugustuhan nila ang inyong mga salita at pamamaraan, dahil lagi ninyo silang inaalo at binibigyan sila ng kasiyahan at kagalakan. Kung sila man ay bahagyang magiging malikot, patigilin sila kung sumusobra na sila. … Kapag sila ay lumabag, at lumampas na sa hangganan ay nais nating tumigil sila. Kung ikaw ang nasa unahan sila ay hihinto, hindi nila kayo maaaring kalabanin; kung ikaw ay nasa likuran tatakbo lamang silang palayo sa inyo (DNSW, ika-8 ng Dis. 1868, 2–3).

Ninanais ng isang anak ang mga ngiti ng kanyang ina, ngunit hindi niya gusto ang kanyang mga simangot. Sinasabi ko sa mga ina na huwag pahintulutan ang kanilang mga anak na makibahagi sa masasama, bagkus ay maaamo silang pakitunguhan. Kung ang anak ay hihilingang humakbang sa isang direksiyon, at tila hindi nais nito, malumanay na ibaling siya sa nais ninyong direksiyon, at sabihing, Ganyan, mahal ko, humakbang ka kapag sinasabi ko sa iyo. Kailangan ng mga bata ng direksiyon at pagtuturo ng kung ano ang tama sa pamamagitan ng mabait, at mapagmahal na paraan (DBY, 209).

Hindi natin dapat pahintulutan ang ating sarili na gawin ang isang bagay na hindi natin handang makita na ito ay gagawin ng ating mga anak. Dapat tayong magpakita sa kanila ng halimbawa na nais nating gayahin nila. Nauunawaan ba natin ito? Gaano kadalas nating nakikita ang mga magulang na humihiling ng pagsunod, magandang asal, mabubuting pananalita, kalugud-lugod na anyo, magiliw na tinig, maaliwalas na mukha mula sa isang anak o mga anak samantalang sila ay puno ng sama ng look at pagpapagalit! Ito labis na salungat at walang katwiran! (DBY, 208).

Maaaring mabuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng walang katapusang tali.

Hayaang tahakin ng ama at ina, na kasapi ng Simbahan at Kahariang ito, ang tamang daan ng kabutihan, at magsumikap nang buong lakas na hindi gumawa ng kamalian, kundi gumawa ng mabuti sa buong buhay nila; kung may isa silang anak o sandaang anak, kung magpapakabuti sila sa kanila gaya ng nararapat, na ibinubuklod sila sa Panginoon ng kanilang pananampalataya at panalangin, hindi ako nag-aalala sa mga batang iyon kung saan man sila tutungo, sila ay nakabigkis sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng walang hanggang pagkakabuklod, at walang kapangyarihan sa lupa at impiyerno ang makapaghihiwalay sa kanila sa kanilang mga magulang sa kawalang-hanggan; babalik silang muli sa sibol na kanilang pinagmulan (DBY, 208).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang mga magulang ang tagapag-alaga ng mga anak ng Diyos at ang magsasanay, magtuturo, at mag-aaruga sa kanila.

  • Ayon kay Pangulong Young, bakit tagapag-alaga lamang ng kanilang mga anak ang mga magulang? Paano maiimpluwensiyahan ng pananaw na ito ang inyong palagay tungkol sa pagpapalaki ng mga anak?

  • Ano ang ibig sabihin ng pag-aakay sa mga anak sa “landas ng buhay”? Ano ang ilang tiyak na mga bagay na magagawa ng mga magulang upang maitaguyod ang tagubiling ito?

  • Ano ang sinabi ni Pangulong Young na biyaya sa isang matapat na magulang? Paano ito matatamo?

Dapat palakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabaitan.

  • Paano matuturuan ng magulang na mahalin sila ng kanilang mga anak sa halip na katakutan sila? Bakit ito mahalaga?

  • Bakit ang ilang magulang ay “nananabik na pamahalaan at supilin ang kanilang mga anak”? Ano ang kailangang gawin ng mga magulang bago nila maaaring pamahalaan nang makatwiran ang kanilang mga anak? Paano ninyo matagumpay na nasupil ang inyong sarili sa oras na galit kayo?

  • Ano ang kaibahan ng pagkastigo sa isang magulong bata at ng pisikal at berbal na pang-aabuso sa isang magulong bata? Kailan at paanong angkop na pagalitan ang isang bata?

  • Bakit higit na mabisa ang kabaitan kaysa pisikal na pagpaparusang sa pagsusupil ng mga bata?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Young nang kanyang sabihing, “Ang mga anak na mamulat sa kabaitan at pagmamahal ng magulang, kapag sila ay kinagalitan ng magulang, at nakatanggap ng panunumbat mula sa kanilang labi, ay ganap nang naparusahan, kaysa sa anumang pananakit na igagawad sa kanilang katawan”?

  • Anong mga kilos ang magbubuklod sa mga anak sa kanilang mga magulang? Anong mga kilos ay maglalayo sa mga anak sa kanilang mga magulang?

Dapat akayin ng mga magulang ang kanilang mga anak sa makatwirang pamumuhay sa pamamagitan ng mabait at matatag na pagpapasiya.

  • Kailan kailangan ng mga bata ng direksiyon? Bakit mahalaga na bigyan ng “hangganan” ang mga bata?

  • Ayon kay Pangulong Young, ano ang pinakamabuting paraan sa pagbibigay ng tagubilin sa mga anak? Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang akayin ang kanilang mga anak sa halip na itaboy sila?

Maaaring mabuklod ang mga anak sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ng walang katapusang tali.

  • Paano ninyo maibubuklod sa inyo ang inyong mga anak sa pamamagitan ng walang katapusang tali?

Brigham Young’s house

Ang Bahay Pukyutan, tahanan ni Brigham Young sa Lungsod ng Salt Lake, Utah, kung saan nagdaraos siya araw-araw ng pananalangin at regular na pagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama ang mga kasapi ng kanyang mag-anak.