Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Paghahanda sa Walang Hanggang Pagsulong


KABANATA 13

Paghahanda sa Walang Hanggang Pagsulong

Ang Pangulong Brigham Young ay masipag mag-aral. Nagsimula siya bilang manggagawa ng muwebles at pagkatapos ay natuto siya ng mga kasanayang kinakailangan upang maging misyonero, mananakop, gobernador, at propeta. Nakita niya ang buhay na ito bilang panahon upang mabuhay nang lubos, umunlad at maghanda para sa walang hanggan, hindi panahon upang maghanda sa kamatayan. Hinimok niya ang mga Banal na maging abala sa mga makabuluhang gawain, palawakin at palalimin ang kanilang pang-unawa, at pagyamanin ang katotohanan habang palapit sila sa kaganapan. Sa paggawa nito, darating ang panahon na sila ay susulong upang pumasok sa mundo ng espiritu at tumuloy sa maluwalhating daan ng walang hanggang pagsulong.

Mga Turo ni Brigham Young

Naghahanda tayo para sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral, pagpapakabuti, at pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Bakit tayo narito? Upang matutuhang maging mas masaya, at upang umunlad sa kaalaman at karanasan (DBY, 87).

Ang layunin ng buhay na ito ay upang matuto, na magagawa lamang natin nang unti-unti (DBY, 87). Ang buong mortal na buhay ng tao ay walang iba kundi isang kalagayan ng paghahanda na ibinigay sa may hangganang mga katauhan, isang lugar na kung saan sila ay makapagpapabuti ng kanilang mga sarili tungo sa mas mataas na estado ng pagkatao (DBY, 87).

Ang unang dakilang alituntunin na dapat na pagkaabalahan ng sanlibutan, na dapat maunawaan ng bata at ng matanda, at ang pinakaugat ng lahat ng gawain, nauunawaan man ng tao o hindi, ay ang alituntunin ng pagpapabuti. Ang alituntunin ng pag-unlad, ng pagdakila, ng pagdagdag sa dati na nating taglay, ay ang pangunahing nagpapakilos na alituntunin at dahilan ng mga pagkilos ng mga anak ng tao. Kahit ano pa man ang kanilang nilalayon, saan bansa sila isinilang, kaninong tao sila nakisalamuha, ano relihiyon ang kanilang itinuturo, o ano pulitika ang kanilang pinaniniwalaan, ito ang pangunahing dahilan ng mga pagkilos ng tao, niyayakap ang lahat ng kapangyarihang kinakailangan sa pagtupad ng mga tungkulin sa buhay (DBY, 87).

Inilagay tayo sa mundong ito upang patunayan kung tayo ay karapatdapat na magtungo sa mundong selestiyal, sa terestriyal o telestiyal o sa impiyerno, o sa saan mang kaharian, o lugar, at mayroon tayong sapat na buhay na ibinigay sa atin upang gawin ito (DBY, 87).

Ito ay isang mundo na kung saan patutunayan natin ang ating mga sarili. Ang buhay ng tao ay araw ng pagsubok, na kung saan ay mapapatunayan natin sa Diyos, sa ating kamangmangan at kawalang katiyakan, sa ating kahinaan, at kung saan ang diyablo ay naghahari, na tayo ay mga kaibigan ng ating Ama, at tumatanggap tayo ng liwanag mula sa kanya at karapat-dapat na maging pinuno ng ating mga anak—maging panginoon ng mga panginoon, at hari ng mga hari—magkaroon ng ganap na kapangyarihan sa bahagi ng ating mga mag-anak na mapuputungan sa kahariang selestiyal ng kadakilaan, kawalang kamatayan, at mga buhay na walang hanggan (DBY, 87).

Pakinggan ito, lahat kayong mga Banal sa mga Huling Araw! Gugugulin mo ba ang panahon ng inyong pagsubok sa kawalan, at sayangin ang inyong buhay at pagkatao? Kayo ay nilikha, at binuhay sa layuning magtiis magpakailanman, kung ganap na magagampanan ninyo ang layunin ng inyong pagkakalikha, magpatuloy sa tamang daan, sundin ang mga hinihingi ng batas na selestiyal, at sundin ang mga kautusan ng ating Diyos (DBY, 87).

Ang mga tao ay inaasahan ng kanilang Lumikha na laging gumawa ng mabuti sa araw-araw ng kanilang buhay, sa pagpapabuti man ng kanilang sariling mental at pisikal na kalagayan o ng kanilang mga kapwa (DBY, 88).

Narito tayo upang mabuhay, magpalaganap, ng karunungan at kaalaman sa mga tao. Narito ako upang turuan ang aking kapwa, turuan ang aking mag-anak sa takbo ng buhay, magparami ng aking lahi, at mabuhay, kung nasa aking kapangyarihan, hanggang sa ang kasalanan, kabuktutan, kabulukan, impiyerno, at ang Diyablo, at lahat ng mga klase at antas ng mga kasamaan ay mapaalis sa mundo. Ito ang aking relihiyon at layunin ng aking buhay. Hindi tayo naririto upang maghanda lamang sa kamatayan at mamatay; kundi narito tayo upang mabuhay at itayo ang Kaharian ng Diyos sa lupa—upang itaguyod ang Pagkasaserdote, paglabanan ang mga kapangyarihan ni Satanas, at ituro sa mga anak ng tao kung bakit sila nilikha—na sa kanila nakakubli ang binhi ng lahat ng katalinuhan. Narito ang simula ng pundasyon na inihanda sa organisasyon ng tao para sa pagtanggap ng kabuuan ng walang hanggan kaalaman at kaluwalhatian. Kailangan ba nating mapasa kabilang buhay upang makamit ito? Hindi; Itataguyod natin ito dito sa lupa (DBY, 88).

Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako ng lambak sa mga kabundukang ito at sa buong mundo ay kailangang matutunan ang dahilan ng kanilang pagparito sa mundong ito. Narito sila upang magpakarami, tipunin ang Tahanan ni Israel, tubusin ang Sion, itayo ang Sion ng ating Diyos, at itaguyod ang walang hanggang katalinuhan na naninirahan kasama ng mga Diyos, at simulang itanim ito dito sa lupa, at paugatin paibaba at pabungahin paitaas sa kaluwalhatian ng Diyos, hanggang sa bawat nakasusuklam na alituntunin sa mga puso nga mga tao ay mawala, at ang lupa ay bumalik sa malaparaisong kalagayan), at darating ang Panginoon at maninirahan kasama ang mga taong ito, at lalakad at makikipag-usap sa kanila katulad ng ginawa niya sa Amang Adan. Ito ang ating gawain, hindi ang hayaang magamit lamang ang ating mga lakas sa paghahanda sa kamatayan (DBY, 89).

Ang layunin ng ating buhay ay ang itayo ang Sion ng ating Diyos, tipunin ang tahanan ni Israel, ihayag ang kabuuan ng mga Gentil, ipanumbalik at basbasan ang mundo ng ating kakayahan at gawin itong tulad ng Halaman ng Eden, tipunin ang yaman ng kaalaman at karunungan sa ating sariling mga pang-unawa, padalisayin ang ating sariling mga puso at ihanda ang tao sa pagsalubong sa Panginoon kapag siya ay dumating (DBY, 88).

Umuunlad tayo habang lumalawak ang ating kaalaman at karanasan.

Ang gawaing ito ay tuluy-tuloy na gawain, ang doktrinang ito na itinuturo sa mga Banal sa mga Huling Araw sa kalagayan nito ay nakapagpapadakila, nakapagpaparami, nakapagpapalawak at nakapagpapalawig hanggang sa makakilala tayo tulad ng pagkakakilala sa atin, tumingin tayo tulad ng pagtingin sa atin (DBY, 90).

Tayo ay nasa paaralan at patuloy na nag-aaral, at hindi tayo umaasang hihinto sa pag-aaral habang tayo ay nabubuhay sa lupa; at kapag tayo ay dumaan na sa belo, inaasahan pa rin nating magpapatuloy na matututo at dadami ang kaalaman natin. Maaaring magmukhang kakatwa ang kaisipan ito sa iba; ngunit ito ay dahil sa malinaw at simpleng dahilang wala tayong kakayahang tanggapin ang lahat ng kaalaman nang minsanan. Samakatwid, kailangan natin na tanggapin ang kaunti rito at kaunti doon (DBY, 91.)

Nagbibigay siya ngayon ng kaunti sa kanyang mapagkumbabang mga tagasunod, at kung pagbubutihan nila ito, bukas ay bibigyan pa sila ng kaunti, at sa susunod na araw ay kaunti pa. Hindi siya magdaragdag doon sa hindi nila pinagbubuti, ngunit sila ay hinihilingan na patuloy na pagbutihin ang karunungang kanila nang tinataglay, at sa ganitong paraan makamit ang reserba ng karunungan (DBY, 90.)

Ang simpleng pagtahak sa landas na tinutukoy sa Ebanghelyo ng mga nagbigay sa atin ng plano ng kaligtasan, ay ang pagtahak sa landas tungo sa buhay, sa walang hanggang pag-unlad; ito ay ang ipagpatuloy ang daan kung saan hinding-hindi na kailanman mawawala ang ating natamo, kundi patuloy na tatanggap, magtitipon, darami, lalaganap sa ibang bayan, at magpapatuloy sa walang hanggang panahon. Ang mga taong nagsusumikap na matamo ang buhay na walang hanggan, ay matatamo ang mga bagay na magdudulot ng pag-unlad na magbibigay kasiyahan sa kanilang mga puso. Wala ng ibang makapagbibigay kasiyahan sa imortal na espiritu, sa bawat kahulugan ng salita, maliban sa pagkakataong umunlad nang walang hanggan (DBY, 93).

Maaari pa tayong umunlad, nilikha tayo para sa layuning iyan, ang kakayahan natin ay ginawa upang lumawak hanggang sa matanggap natin sa ating pang-unawa ang kaalaman at karunungang selestiyal, at sa pagpapatuloy, ang mga daigdig na walang katapusan (DBY, 90).

Magpapatuloy na lamang ba tayong mag-aaral at hindi na kailanman darating sa kaalaman ng katotohanan? [Tingnan sa 2 Timoteo 3:7.] Hindi, sinasabi kong hindi; darating tayo sa kaalaman ng katotohanan. Ito ang aking inaasahan at inaasam, at ito ang aking kaligayahan (DBY, 90–91). Nasa atin ang alituntunin, at ganoon din sa bawat nilalang sa lupang ito, umunlad at magpatuloy na umunlad, palawakin at tanggapin at pagyamanin ang katotohanan, hanggang sa tayo ay maging ganap (DBY, 91).

Nakahanda tayo sa ilang bagay, at tumatanggap tayo nang kasing bilis ng paghahanda ng ating mga sarili (DBY, 95).

Sa halip na magmakaawa sa Panginoon na biyayaan kayo ng higit pa, magmakaawa kayo na magkaroon ng tiwala sa inyong sarili, magkaroon ng integridad sa inyong sarili, at alamin kung kailan magsasalita at ano ang sasabihin, ano ang ihahayag, at paano dadalhin ang inyong sarili at lalakad sa harap ng Panginoon. At kung gaano kabilis ninyong patutunayan sa kanya na inyong pag-iingatan ang lahat ng bagay na dapat ilihim—na inyong ibabahagi sa inyong mga kapitbahay ang lahat ng nararapat, at wala nang iba, at pag-aaralan kung paano ibabahagi ang inyong kaalaman sa inyong mga mag-anak, kapatid, at kapitbahay, ipagkakaloob sa iyo ng Panginoon, at ibibigay sa inyo, at ipagkakaloob sa inyo hanggang sa wakas ay sasabihin niya sa inyo, “Hindi kayo madadapa; ang inyong kaligtasan ay nakabuklod sa inyo; kayo ay nakabuklod sa buhay na walang hanggan at kaligtasan sa pamamagitan ng inyong integridad (DBY, 93).

Ang buhay na walang hanggan ay ang kakayahang umunlad at lumago magpakailanman.

Ito ang pinakamahusay na kaloob na maigagawad sa matatalinong nilalang, ang mabuhay magpakailanman at hindi kailanman mamatay (DBY, 96).

Nakasulat na ang kaloob na buhay na walang hanggan ang pinakadakilang kaloob na maibibigay ng Diyos sa tao. Ang pinakadakilang katuparan na ating maaabot ay ang pangalagaan ang ating pagkakakilanlan sa walang hanggang panahon sa gitna ng hukbo ng langit. Taglay natin ang mga salita ng buhay na walang hanggan na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng Ebanghelyo, na, kung ating susundin, ay pagtitibayin sa atin ng napakahalagang kaloob na iyon (DBY, 96).

Ang mawala ang katalinuhang nasa akin ay nakakatakot na isipin, ito ay mahirap tiisin. Ang katalinuhang ito ay kailangang magpatuloy; ito ay kailangang manirahan sa isang lugar. Kung tatahakin ko ang tamang landas at pangangalagaan ko ito sa kanyang organisasyon, mapapangalagaan ko sa aking sarili ang buhay na walang hanggan (DBY, 96).

Mapapasaatin ang Kaharian ng Diyos sa kabuuan nito, at lahat ng kataasan at kalaliman ng kaluwalhatian, kapangyarihan, at kaalaman; at tayo ay magkakaroon ng mga ama at ina, at mga asawa at mga anak (DBY, 97).

Ipagpalagay na posibleng magkaroon kayo ng pagkakataong mapagtibay sa inyong sarili ang buhay na walang hanggan—mabuhay at tamasahin ang mga biyayang ito magpakailanman; sasabihin ninyong ito ang pinakadakilang biyaya na maipagkakaloob sa inyo. … Anong biyaya ang katumbas nito? Anong biyaya ang katumbas ng pagpapatuloy ng buhay— sa pagpapatuloy ng pagiging tao? (DBY, 96).

Biniyayaan tayo ng Panginoon ng kakayahang matamasa sa piling ng mga Diyos ang buhay na walang hanggan, at ito ay ipinahayag na pinakadakilang kaloob ng Diyos. Ang kaloob na buhay na walang hanggan, kung walang inapo, na magiging isang anghel, ay isa sa pinaka dakilang kaloob na maibibigay; gayunpaman binigyan tayo ng pagkakataon ng Panginoon na maging ama ng sangkatauhan. Ano ang ama ng sangkatauhan na binabanggit sa mga Banal na Kasulatan? Ang tao na may kakayahang mag-apo ng walang hanggan. Ito ang biyayang tinanggap ni Abraham, at ito ay ganap na nagbigay-kasiyahan sa kanyang kaluluwa. Natamo niya ang ipinangako sa kanya na siya ay nararapat na maging ama ng sangkatauhan (DBY, 97).

Kung tapat ang mga tao, … sila at ang kanilang Lumikha ay iisa palagi, ang kanilang puso at kaisipan ay palaging iisa, magkasamang gumagawa at kumikilos sapagkat kung ano ang ginagawa ng Ama ganoon din ang Anak, at sila ay patuloy sa lahat ng kanilang gawain magpasawalang hanggan (DBY, 97).

Gusto makita ng Panginoon na tinatahak natin ang landas patungo sa makipot na pintuan, nang tayo ay maputungan bilang mga anak [na lalaki at babae] ng Diyos, sapagkat ang mga ganoon lamang ang makapagpaparami at uunlad sa kalangitan … Ang iba ay pupunta sa mababang kaharian, kung saan ang karapatang ito ay ipagkakait sa kanila. … Nasa atin ang pagpili kung tayo ay magiging mga anak, kasamang tagapagmana ni Jesucristo, o tanggapin natin ang mababang kaluwalhatian (DNSW, 8 Ago. 1876, 1).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Naghahanda tayo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral, pagpapakabuti, at pagtatatag ng kaharian ng Diyos.

  • Anong mga katotohanan ang natututuhan natin mula sa mga pagsubok sa buhay na ito ang makatutulong sa ating walang hanggang pag-unlad?(Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 122:7–8.) Ano ang sinasabi ng Pangulong Young tungkol sa alituntunin ng “magpakailanmang pagtitiis”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:7–8; 3 Nephi 15:9.)

  • Paanong makalilikha ng pundasyon ang pagiging “aktibo sa paggawa ng kabutihan araw-araw” sa “pagtanggap ng kabuuan ng walang hanggang kaalaman at kaluwalhatian”? (Tingnan din sa Alma 5:41; 26:22; Doktrina at mga Tipan 58:26–29.)

  • Ayon sa Pangulong Young, isa sa mga pangunahing layunin natin sa buhay ay matuto. Ano ang makapipigil sa atin sa pagkatuto? Paano tayo higit pang matututo sa ating pag-aaral ng ebanghelyo? Paano tayo matututo sa ating mga karanasan? Anong tiyak na katotohanan ang natutunan ninyo sa inyong karanasan at impluwensiya ng Espiritu?

  • Binabanggit ng Pangulong Young ang ilang layunin sa pagparito sa lupa. Paano natin higit na magagampanan ang mga layuning ito? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 81:5.)

  • Ano ang ilang paraan na makatutulong sa “paghahanda sa tao sa pagsalubong sa Panginoon”? Paano ka tiyak na makatutulong sa paggawa nito?

Umuunlad tayo habang lumalawak ang ating kaalaman at karanasan.

  • Sinabi ng Pangulong Young na tumatanggap tayo ng kaalaman “kaunti dito at kaunti doon”. Paano magagamit ang paraang ito sa ating pangunawa sa ebanghelyo, sa ating pagiging magulang, at sa ating paglilingkod sa Simbahan? (Tingnan din sa 2 Nephi 28:30; Doktrina at mga Tipan 130:18–19.)

  • Ano ang itinuturo ng Pangulong Young tungkol sa walang hanggang pagunlad?(Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:12–14.)

  • Ipinahayag ng Pangulong Young na “nasa atin ang alituntunin … na umunlad at magpatuloy na umunlad, palawakin at tanggapin at pagyamanin ang katotohanan, hanggang sa tayo ay maging ganap”. Paano makatutulong ihanda tayo sa kadakilaan ng ating pagsisikap na makamit ang kaalaman? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 50:40; 93:24, 26–30; 130:18–19.)

Ang buhay na walang hanggan ay ang kakayahang umunlad at lumago magpakailanman.

  • Ipinahayag ng Pangulong Young na ang “pinakadakilang kaloob na maigagawad sa matatalinong nilalang [ay] ang mabuhay magpakailanman at hindi kailanman mamatay”. Ano ang sinabi niyang “pinakadakilang katuparan”, at paano natin ito mapapangalagaan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 14:7; 130:20–21.)

  • Ano ang ibig sabihin ng maging “kasamang tagapagmana ni Jesucristo”? (Tingnan din sa Mga Taga Roma 8:17.) Anong mga biyaya ang nakalaan lamang sa pinutungang mga anak [na lalaki at babae] ng Diyos?

Logan Temple

Larawan ng Templo ng Logan. Itinuro ng Pangulong Young na ang mga ordenansa ng kaligtasan at pansariling katapatan ay naghahanda sa atin sa “walang hanggang pag-unlad” tungo sa “mas maluwalhati at dinakilang kaharian” (DBY. 16).