Kabanata 48
Isang Panawagan para sa Pagkakaisa, Isang Patotoo, at Isang Pagpapala
Sa kanyang kabataan naghanap si Brigham Young ng isang relihiyong makapagbibigay kasiyahan sa kanyang mga espirituwal na pananabik, ngunit hindi niya ito nakita. Matapos niyang unang masilayan ang Aklat ni Mormon noong taong 1830 at pagkatapos pag-aralan ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa loob ng halos dalawang taon, nalaman niyang natagpuan na niya ang katotohanan. Bininyagan siya sa Simbahan, at mula sa panahong iyon naging matatag siya sa kanyang patotoo sa ebanghelyo, na sinabi niyang, “sumasaklaw sa lahat ng katotohanan sa langit at sa lupa. … Saanman makikita ang mga alituntuning ito sa lahat ng nilalang ng Diyos, sinasaklaw ito ng ebanghelyo ni Jesucristo, at ng Kanyang orden at Pagkasaserdote” (DNSW, ika-5 ng Mayo 1866, 2). Binigyang inspirasyon ng kanyang malakas na patotoo at ganap na pagmamahal sa Simbahan ang mga naunang mga Banal upang harapin ang mga hamon sa ilang at magkaisa sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon sa pagtatatag ng Kanyang Simbahan at mangaral ng Kanyang ebanghelyo sa buong daigdig. Ipinahayag niya na: “Katulong ko ang Diyos, mga anghel at mabubuting tao, hindi ako titigil sa pakikibaka, hanggang sa unti-unti nating makuha at maangkin ang Kaharian. Ito ang aking damdamin at pananampalataya, at ating magagawa ito, ako’y maghahayag, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, na ating maaangkin ang Kaharian ng Diyos sa buong daigdig (DBY, 453). Ang patotoo ni Pangulong Brigham Young ay patuloy pa rin nagbibigay inspirasyon sa atin ngayon habang sama-sama tayong gumagawa sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos.
Mga Turo ni Brigham Young
Ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo ay nagsisikap na maging iisa—iisang puso at iisang isipan.
Naparito tayo upang itaguyod ang Sion. Paano natin gagawin ito? Maraming ulit ko nang sinabi sa inyo. May isang bagay akong sasabihin tungkol dito. Kailangang magkaisa tayo sa ating mga pagsisikap. Kailangan tayong gumawa nang may nagkakaisang pananampalataya katulad ng puso ng isang tao; at lahat ng ating gagawin ay kailangang gawin sa pangalan ng Panginoon, at sa gayon tayo ay bibiyayaan at uunlad sa lahat ng ating ginagawa. Nahaharap tayo sa isang gawain sa ngayon na ang lawak ay napakahirap masabi (DBY, 284).
Ang pananampalataya sa Ebanghelyo ni Jesucristo ay sinadya upang pagisahin ang mga tao, ibalik sila sa pagkakaisa at pananampalataya ng mga sumunod sa Ebanghelyo noong una, at sa wakas ay ibalik sila sa kaluwalhatian (DBY, 283).
Ipinanalangin ko, aking mga kapatid, ang mga Obispo, Elder, Pitumpu, Apostol, oo, bawat lalaki at babae at bata na naniniwala sa pangalan ni Cristo, na maging isa sa puso at isipan, sapagkat kung hindi magkakaisa at puso at isipan tiyak tayong mapapahamak sa daan [tingnan sa Moises 7:18] (DBY, 281).
Makapagliligtas sa tao ang ganap na pagkakaisa, dahil ang matatalinong nilalang ay ganap na magkakaisa lamang kung sila ay kumikilos sa ilalim ng mga alituntuning nauukol sa buhay na walang hanggan. Ang masasamang tao ay maaaring bahagyang magkaisa sa kasamaan; ngunit dahil sa ito ay likas na masama, ang pagkakaisang ito ay panandalian lamang. Ang puntong sila ay hindi gaanong nagkakaisa ang siya mismong pagmumulan pagtatalu-talo at pagkakawatak-watak (DBY, 282).
Pinagbubuklod ng relihiyon ng langit ang puso ng mga tao at pinag-iisa sila. Maaari ninyong tipunin ang mga tao, gaano man ang pagkakaiba ng kanilang pananaw sa pulitika, pag-iisahin sila ng Ebanghelyo ni Jesucristo, kahit na kahalubilo nila ang mga kasapi ng lahat ng partido sa pulitika sa bansa (DBY, 285).
Wala tayo sa isang aristokratikong lipunan. Ang kapatid natin na may suot ng gora na yari sa balat ng racoon o gora na yari sa balat ng beaver ay magkapareho lamang sa atin. Kung ang isang tao ay matapat na tagapaglingkod ng Diyos hindi natin tututulan ang kanyang pagdalo sa pulong kung mayroon lamang siyang suot na kapirasong balat ng buffalo sa kanyang ulo. Kumakain tayo ng sakramento na kasama niya, tinatawag siya sa daan bilang kapatid at kaibigan, nakikipag-usap sa kanya, nakikipagkita sa kanya sa mga kasiyahan at binabati at pantay ang pakikitungo sa kanya (DBY, 283–84).
Palaging hinahangad ng Tagapagligtas na tumimo sa isipan ng Kanyang mga disipulo na naghahari sa lahat ng selestiyal na nilalang ang lubos n pagkakaisa—na ang Ama at ang Anak, at kanilang Ministro, ang Espiritu Santo, ay isa sa kanilang pamamahala sa langit at sa mga tao sa mundong ito. … Kung ang mga hukbo sa langit ay hindi nagkakaisa, hindi sila karapat-dapat na manahan … kasama ng Ama at Hari ng sansinukob (DBY, 282).
Si Jesus ay … nanalangin sa Ama na gawing iisa ang Kanyang mga disipulo, tulad Niya at ng Kanyang Ama na iisa. Batid niya na kung sila ay hindi magiging isa, hindi sila maliligtas sa Kahariang selestiyal ng Diyos. Kung ang mga tao ay hindi nakakakita ng tulad Niya habang nasa laman, nakaririnig ng tulad Niya, at maging tulad na Niya, ayon sa kanilang iba’t ibang kakayahan at tungkulin, hindi sila makapananahanang kasama Niya at ng Kanyang Ama [tingnan sa Juan 17:20–21; 3 Nephi 19:23] (DBY, 281).
Paano nangyari na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay pare-parehong nakadarama at nagkakaunawaan, iisa sa puso at iisa sa isipan saanman sila naroroon nang tanggapin nila ang Ebanghelyo, sa hilaga man, o sa timog, sa silangan o sa kanluran, maging sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo? Tinanggap nila ang ipinangako ng Tagapagligtas bago niya iwan ang mundo, alalaong baga’y, ang Mang-aaliw, ang banal na katauhang mula sa itaas na nakakikilala ng isang Diyos, isang pananampalataya, at isang pagbibinyag [tingnan sa Taga Efeso 4:5], na ang isipan ay ang kalooban ng Diyos Ama, na kung kanino ay may pagkakaisa ng pananampalataya at pagkilos, na kung kanino ay hindi magkakaroon ng pagkakawatak-watak o kaguluhan; kapag natanggap nila ang karagdagang liwanag na ito, hindi mahalaga kung nakita na nila o hindi ang bawat isa, sila ay agad na nagiging magkapatid, inampon sila sa mag-anak ni Cristo sa pamamagitan ng bigkis ng walang hanggang tipan, kung kaya ang lahat ay makapagbubulalas, sa magandang salita ni Ruth, “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang inyong Diyos ay aking Diyos”! [Ruth 1:16] (DBY, 282–83).
Kung tayo ay nagkakaisa, nararapat nating patunayan sa langit, sa Ama nating Diyos, kay Jesucristo, sa ating Nakatatandang Kapatid, sa mga anghel, sa mabubuting nasa lupa, at sa lahat ng sangkatauhan na tayo ay mga disipulo ng Panginoong Jesucristo. Kung hindi tayo iisa, hindi tayo tunay na disipulo ng Panginoong Jesus [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 38:27] (DBY, 281).
Patuloy na nagbibigay ng patotoo si Pangulong Young sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Binalangkas ang ebanghelyo ng kaligtasan para gawing Banal ang mga makasalanan, madaig ng kabutihan ang kasamaan, upang gawing banal at mabuti ang masasamang tao, upang magawang higit na mabuti ang mabubuti. Sa alinmang bagay tayo masama, saanman tayo may masamang pagnanasa, tutulungan tayo ng Ebanghelyo upang mapagtagumpayan ang masama. Binibigyan tayo nito ng impluwensiya, kapangyarihan, kaalaman, karunungan, at pag-unawa upang mapagwagian natin ang ating mga kahinaan at dalisayin ang ating sarili sa harap ng Panginoon nating Diyos (DBY, 448–49).
Tinuturuan tayo ang ating relihiyon ng katotohanan, kabutihan, kabanalan, pananampalataya sa Diyos at sa kanyang Anak na si Jesucristo. Nagpapahayag ito ng mga hiwaga, ipinababatid nito ang mga bagay na nakaraan at nasa kasalukuyan—inihahayag nang malinaw ang mga bagay na darating. Ito ang sandigan ng lahat ng pisikal na paggawa ng daigdig, ito ang Espiritu na nagbibigay ng katalinuhan sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa ibabaw ng mundo. Lahat ng pilosopiya ay nagmumula sa bukal na ito kung saan tayo ay kumukuha ng karunungan, katotohanan, at kapangyarihan. Ano ang itinuturo nito sa atin? Ang mahalin ang Diyos at ating kapwa nilalang; ang maging mahabagin, puno ng awa, mahabang pagtitiis, pasensiya sa mga di-masunurin at sa mga mangmang. May kaluwalhatian sa ating relihiyon na kailanman ay hindi nagkaroon ang ibang relihiyon, dahil sa kawalan ng tunay na pagkasaserdote—Ito ang bukal ng lahat ng katalinuhan; ito ay upang dalhin ang langit sa lupa at dakilain ang lupa sa langit, upang ihanda ang lahat ng katalinuhan, na inilagay ng Diyos sa puso ng mga anak ng tao, upang makihalubilo sa katalinuhan na nananahanan sa kawalang-hanggang, at upang iangat ang isipan sa itaas ng walang-halaga at walang kabuluhang mga bagay na humihila sa atin patungo sa kapahamakan. Pinalalaya nito ang isipan ng tao mula sa kadiliman at kamangmangan, nagbibigay sa kanya ng katalinuhan na nanggagaling sa Langit, at ginagawa siyang marapat na makaunawa ng lahat ng bagay (DNW,ika-1 ng Hun. 1859, 1).
Ang ating paniniwala ay maghahatid ng kapayapaan at kabutihan sa lahat ng naninirahan sa mundo. Mahihikayat nito ang lahat ng matapat na sumusunod sa mga utos nito na linangin ang katwiran at kapayapaan; mamuhay nang payapa sa piling ng kanilang mag-anak; papurihan ang Diyos sa umaga at sa gabi; manalanging kasama ng kanilang mag-anak, at puspusin sila ng diwa ng kapayapaan upang kailanman ay hindi na sila manuligsa at magalit kanino man maliban na ito ay marapat. Babangon sila sa umaga na mahinahon at payapa tulad ng araw na sumisikat at nagbibigay ng buhay at init sa daigdig; payapa at kalugud-lugod tulad ng simoy ng hangin sa isang gabi ng tag-araw. Walang galit, walang poot, walang masamang hangarin, pagkakagalit at pagtatalu-talo (DBY, 449–50).
Kapag tinanggap ng mga tao ang Ebanghelyong ito, ano ang kanilang isinasakripisyo! Ano pa kundi, kamatayan bilang kapalit ng buhay. Ito ang kanilang ibinibigay: kadiliman para sa liwanag, kamalian para sa katotohanan, alinlangan at di-paniniwala para sa kaalaman at katiyakan sa mga bagay na nauukol sa Diyos (DBY, 450).
Sa lahat ng yugto ng panahon ang mga Banal ay pinangangalagaan, itinataguyod at ipinagtatanggol ng isang Pinakamakapangyarihan sa kanilang mga kahirapan, at patuloy rin silang itinataguyod ng kapangyarihan ng relihiyon ni Jesucristo (DBY, 450).
Ang ating relihiyon ay isang patuloy na piging para sa akin. Dahil dito’y nais kong sumigaw ng Kaluwalhatian! Aleluya! Purihin ang Diyos! sa halip na dumaing ng kalungkutan at pighati. Bigyan mo ako ng kaalaman, kapangyarihan, at pagpapala na kaya kong tanggapin, at wala akong pakialam kung saan nagmula ang Diyablo, ni anumang tungkol sa kanya; nais ko ng karunungan, kaalaman, at kapangyarihan ng Diyos. Bigyan mo ako ng relihiyong mag-aangat sa akin sa higit na katalinuhan—na nagbibigay sa akin ng kapangyarihang magtiis hanggang sa wakas—na kapag natamo ko na ang kapayapaan at kapahingahan na inihanda para sa mga matwid ay maaari kong matamasa sa buong kawalang-hanggan ang samahan ng mga ginawang banal (DBY, 451).
Masaya ako. Naging ganito ako dahil sa “Mormonismo”, at ang awa, kapangyarihan, karunungan ng Diyos ang huhubog sa akin upang marating ko ang maaari kong marating, sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan (DBY, 451).
Ako ay biniyayaan ng Panginoon; palagi niya akong binibiyayaan; mula noong simulan kong itaguyod ang Sion, ako ay labis na biniyayaan. Makapagsasalaysay ako ng di-pangkaraniwang pangyayari tungkol sa pagkalinga ng Diyos sa akin, kung kaya’t masasabi ng aking mga kapatid sa kanilang mga puso na, “Mahirap kong mapaniwalaan ito” Ipinasiya ko nang gawin ang kalooban ng Diyos, itatag ang kanyang Kaharian sa mundo, itatag ang Sion at ang mga batas nito, at iligtas ang mga tao. … Hindi ko minamahal, pinaglilingkuran o kinatatakutan ang Panginoon para lamang hindi ako mapahamak, ni magkaroon ng ilang dakilang kaloob o pagpapala sa kawalang-hanggan, bagkus dahil sa ang mga alituntunin na ipinahayag ng Diyos para sa kaligtasan ng mga naninirahan sa mundo ay dalisay, banal at nakapagpapadakila. Sa mga ito ay may karangalan at walang hanggang pag-unlad, aakayin [tayo] ng mga ito mula sa liwanag patungo sa dagdag na liwanag, kalakasan sa dagdag pang kalakasan, kaluwalhatian sa dagdag pang kaluwalhatian, kaalaman sa dagdag pang kaalaman, at kapangyarihan sa dagdag pang kapangyarihan (DBY, 452).
Nagpapasalamat ako … na nagkaroon ako ng pribilehiyong makihalubilo sa mga Banal, at sa pagiging kasapi ng Kaharian ng Diyos, at may mga kaibigan ako sa Simbahan ng Diyos na Buhay (DBY, 452).
Lahat ng bagay na maidudulot sa akin ng mundong ito ay idinulot sa akin ng “Mormonismo”; pinaligaya ako nito; … pinuspos ako nito ng magagandang damdamin, ligaya at galak. Samantalang noong hindi ko pa natatamo ang diwa ng Ebanghelyo ay nababalisa ako sa naririnig kong mga daing ng iba, na kung minsan, ay nakapagpapadama sa akin ng kapanglawan, lungkot at kawalang-pag-asa; na ang lahat sa akin minsan ay tila isang malungkot na kalagayan (DBY, 452).
Ngunit nang aking yakapin ang Ebanghelyo, ni sa kahit kalahating minuto, sa abot ng aking naaalala, para sa akin ay walang bagay na tila isang malungkot na kalagayan (DBY, 453).
Nang napapalibutan ng mga mandurumog, at nagbabanta ang kamatayan at kapahamakan sa magkabilang panig, hindi ko ito napapansin, bagkus ang aking kalooban ay maligaya tulad ng nararamdaman ko ngayon. Ang hinaharap ay maaaring waring madilim at malagim, ngunit wala pa akong nakikitang panahon sa Ebanghelyong ito na hindi ko alam na nagbunga ng hindi magiging kapaki-pakinabang sa layunin ng katotohanan at sa mga nagmamahal sa katwiran, at sa tuwina ay nais kong malugod na pasalamatan ang kamay ng Panginoon sa lahat ng bagay (DBY, 453).
Katulong ko ang Diyos, mga anghel at mabubuting tao, hindi ako titigil sa pakikibaka, hanggang unti-unti nating makuha at maangkin ang Kaharian. Ito ang aking damdamin at pananampalataya, at magagawa natin ito, ako’y maghahayag, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, na ating maaangkin ang Kaharian ng Diyos sa buong daigdig (DBY, 453).
Nangako si Pangulong Young ng mga pagpapala sa matatapat na Banal.
Mga kapatid, yayamang mayroon akong karapatan at pribilehiyo, sa pamamagitan ng Pagkasaserdote, ay binabasbasan ko kayo sa pangalan ng Panginoon, na sinasabing, pagpalain kayo. Ito ang aking nadarama para sa mga Banal sa mga Huling Araw, at gayon din sa buong sangkatauhan, kung kanilang tatanggapin ang aking mga pagbabasbas (DBY, 456).
Pagpalain nawa ng Diyos ang lahat ng mabubuting tao. Pagpalain nawa ng Diyos ang mga gawa ng kalikasan, pagpalain nawa ng Diyos ang kanyang sariling gawa, lupigin ang masasama at makasalanan at silang magpapahamak sa kanilang kapwa, upang matigil ang digmaan at pagtatalo sa mundo. O Panginoon, alisin sana mga ito sa tungkulin at palitan sila ng mabubuting tao sa pamunuan ng mga bansa, upang hindi na sila muling matuto ng digmaan, bagkus ay maging makatwiran at sibilisadong mga nilalang, na nagtataguyod ng kapayapaan sa mundo at gumagawa ng mabuti sa bawat isa [tingnan sa Isaias 2:4] (DBY, 456).
Dama kong dapat kayong sa tuwina; narito ang aking buhay, ang aking malasakit, aking kaluwalhatian, aking dangal, aking kaginhawahan, ang lahat ng akin ay naririto, at lahat ng inaasahan kong tanggapin, sa buong kawalang-hanggan ay nasa Simbahang ito (DBY, 456).
Kung may kapangyarihan ako, tiyak na ipagkakaloob ko sa mga tao ang lahat ng nanaisin ng kanilang puso kung hindi sila magkakasala. … At kung may kapangyarihan lamang ako ay pagpapalain ko ang lahat ng naninirahan sa mundo, ng lahat ng bagay kung saan maaari nilang luwalhatiin ang Diyos, at gawing dalisay ang kanilang puso (DBY, 457).
Kung ang Panginoon ay may mga tao sa mundo na lubos niyang pinagkakatiwalaan, walang pagpapala sa mga kawalang-hanggan ng ating Diyos, na hindi nila maaaring tanggapin habang nasa laman, na hindi niya ibubuhos sa kanila. Hindi kayang bigkasin ng dila ang mga pagpapala ng Panginoon sa mga taong nagpatunay sa kanilang sarili sa kanyang harapan [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:9–14] (DBY, 455).
Sa halip na igapos nang mahigpit na mahigpit ang mga matwid, patuloy silang magkakaroon ng dagdag na kalayaan, habang tayo ay nagiging mas matapat, at tatanggap ng dagdag na kapangyarihan mula sa kalangitan at dagdag pa ng kapangyarihan ng Diyos sa atin. Masigasig nating hanapin ang Panginoon, hanggang sa matamo natin ang kaganapan ng pananampalataya ni Jesus, sapagkat ang mga nagtataglay nito ay totoong malaya (DBY, 455).
Sana ay matanto ng mga tao na sila ay lumalakad, nabubuhay, at namamalagi sa harapan ng Pinakamakapangyarihan. Ang matatapat ay magkakaroon ng mga mata upang makakita tulad ng kung paano sila nakikita, at inyong makikita na kayo ay nasa kawalang-hanggan at sa harapan ng mga banal na nilalang, at hindi magtatagal ay makakahalubilo at makakasama nila. Lubos kayong pinagpala (DBY, 454–55).
Gawin ang pinakamahusay na alam ninyo sa lahat ng bagay, huwag kailanman pahintulutan ang inyong sarili na kumilos maliban kung bibigyang-katwiran kayo ng Espiritu ng Diyos na nasa inyo na gawin ito [tingnan sa Moises 6:60]. At kung mamumuhay kayo sa araw-araw ayon sa pinakamaliwanag na tanglaw at sa pang-unawang taglay ninyo, na niluluwalhati ang Diyos, na ating Ama sa Langit, hangang sa abot ng inyong kaalaman, ipinangangako ko sa inyo ang buhay na walang hanggan sa Kaharian ng Diyos (DBY, 455).
Pagpalain nawa kayo ng Diyos! Kapayapaan ay sumainyo! Maging taimtim sa espiritu, mapagpakumbaba, madaling turuan, at madasalin, pinangangalagaan ang sarili, nagsisikap na iligtas ang inyong sarili, at lahat ng may impluwensiya kayo, ang aking patuloy na panalangin para sa inyo, sa pangalan ni Jesus. Amen (DBY, 456).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo ay nagsisikap na maging iisa—iisang puso at iisang isipan.
-
Ano ang ibig sabihin ng dapat magkaroon ng “ganap na pagkakaisa” o “maging isa sa puso at isipan” ang mga tagasunod ni Cristo? (Tingnan sa Juan 17:20–21.)
-
Bakit kailangang nagkakaisa ang mga Banal kung itatatag natin ang kaharian ng Diyos? Bakit hindi maliligtas ang kahit isa man sa atin sa kahariang selestiyal kung hindi tayo magkakaisang lahat?
-
Paano pinagkakaisa ng ebanghelyo sa gawain ng Panginoon ang mga kasapi ng Simbahan na may iba’t ibang kalagayan sa lipunan, ekonomiya, pulitika, at kultura?
-
Paano tayo magiging tunay na “isa sa puso at isa sa isipan” sa ating kapwa Banal at sa ating Tagapagligtas, na si Jesucristo?
Patuloy na nagbibigay ng patotoo si Pangulong Young sa ebanghelyo ni Jesucristo.
-
Anong mga epekto ng ebanghelyo ang inilarawan ni Pangulong Young? Paano ninyo nakita ang kaganapan ng mga epektong ito sa inyong buhay o sa buhay ng ibang nasa paligid ninyo?
-
Sa anong mga paraan nakatutulong sa atin ang ebanghelyo na “dalhin ang langit sa lupa at dakilain ang lupa sa langit”?
-
Tinukoy ni Pangulong Young ang kanyang relihiyon bilang “isang patuloy na piging.” Paano tayo makakapagpiging sa ebanghelyo? Ano sa mga turo ni Pangulong Young sa kursong ito ng pag-aaral ang nakatulong sa inyo upang higit na maunawaan at pahalagahan ang ebanghelyo?
-
Paano kayo napuspos ng galak at kaligayahan ng ebanghelyo ni Jesucristo?
Nangako si Pangulong Young ng mga pagpapala sa matatapat na Banal.
-
Paano mapatutunayan ng mga kasapi ng Simbahan ang kanilang sarili sa harap ng Panginoon at maipapakita na sila ay karapat-dapat sa mga dakilang pagpapala na inilalaan niya para sa kanila?
-
Paano humahantong sa “pagkakaroon ng higit na kalayaan” at kapangyarihan ang “pagiging higit na matapat”? Bakit tayo ginagawang malaya ng pagsunod at pananampalataya?
-
Paano kayo “makapamumuhay sa araw-araw nang naaayon sa pinakamaliwanag na tanglaw at pang-unawa na inyong taglay”?
-
Paano naimpluwensiyahan ng walang tinag na patotoo at sigla ni Pangulong Young sa ebanghelyo ang inyong buhay?