Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 17: Ang mga Banal na Kasulatan


Kabanata 17

Ang mga Banal na Kasulatan

Gabi-gabi, pinatutunog ni Pangulong Brigham Young ang kampana ng panalangin at tinitipon ang kanyang mag-anak sa kanyang paligid upang umawit at makinig ng payo, pag-aralan ang salita ng Diyos, at pamahalaan ang panalangin ng mag-anak. Naniniwala siya sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at inihahambing ang mga ito sa “postengdaliri na nakaturo sa daang dapat nating lakbayin. Saan sila nakaturo? Sa Bukal ng Liwanag (DBY, 127). Hinikayat niya ang mga Banal: “Nagbabasa ba kayo ng mga Banal na Kasulatan, mga kapatid ko, na para bang isinulat ninyo ang mga ito noong isang libo, dalawang libo, o limang libong taon na ang nakaraan? Binabasa ba ninyo ang mga ito na para bang nasa kinalalagyan kayo ng mga taong sumulat nito? Kung hindi ganoon ang inyong nadarama, pagkakataon na ninyo na gawin ito, nang maging pamilyar kayo sa diwa at kahulugan ng mga nakasulat na salita ng Diyos na katulad ng inyong pang-araw-araw na buhay at pag-uugali, o katulad ng kasama ninyo ang inyong kasamahan sa gawain o ang inyong mga kasambahay” (DBY, 128).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang pag-aaral at pamumuhay ayon sa mga turo ng mga banal na kasulatan ay nagdudulot ng inspirasyon at direksiyon sa ating buhay.

Pagkakataon at tungkulin ninyo ang mabuhay upang maunawaan ang mga bagay ng Diyos. Nariyan ang mga Luma at Bagong Tipan, ang Aklat ni Mormon, at ang Doktrina at mga Tipan, na ibinigay sa atin ni Joseph, at ang mga ito ay napakahalaga sa taong nabubuhay sa kadiliman. Ang mga ito ay katulad ng parola sa karagatan, o posteng-daliri na nakaturo sa daan na dapat nating lakbayin. Saan sila nakaturo? Sa Bukal ng Liwanag (DBY, 127).

Naniniwala ako sa mga salita ng Biblia. … Naniniwala ako na totoo ang mga doktrina tungkol sa kaligtasan na nakapaloob sa aklat na iyan, at ang pagsunod sa mga ito ay makapag-aangat sa kahit sinong tao, bansa o maganak na naninirahan sa balat ng lupa. Ang mga doktrina na nakapaloob sa Biblia ay mag-aangat sa lahat ng sumusunod sa mga ito sa pinakamahusay na kalagayan; magbabahagi ang mga ito sa kanila ng kaalaman, karunungan, pag-ibig sa kapwa tao, pupunuin sila ng habag at magiging sanhi ng kanilang pag-aalala sa mga pangangailangan ng mga nababagabag, o nagdadalamhati o nasa abang mga kalagayan. Ang mga sumusunod sa mga tuntunin na nakapaloob sa mga Banal na Kasulatan ay magiging patas at tapat at mabuti at mahinahon sa tahanan at ibang lugar. Sundin ang mga doktrina ng Biblia, at ang mga kalalakihan ay magiging mabubuting asawa, ang mga babae ay mahuhusay na asawa, at ang mga bata ay magiging masunurin; magagawa nilang maligaya ang mga mag-anak, at mayaman at masaya ang mga bansa at makaaangat sa lahat ng mga bagay sa buhay na ito (DBY, 125).

Sinasabi ko na tinatanggap natin ang aklat na ito (ang Biblia) para sa ating gabay, para sa tuntunin sa pagkilos; ginagamit natin ito bilang pundasyon ng ating pananampalataya. Itinuturo nito ang daan sa kaligtasan tulad ng posteng-daliri na nakaturo sa lungsod, o mapa na nagtatalaga ng kinalalagyan ng mga kabundukan, ilog, o ng latitude at longitude ng kahit anong lugar sa ibabaw ng lupa na nais nating makita, at wala tayong mas mainam na paraan kung hindi ang paniwalaan ito; kaya nga, sinasabi ko na ang Banal sa mga Huling Araw ang may pinakanalikas na pananampalataya at paniniwala sa lahat ng tao sa balat ng lupa (DBY, 125).

Itinuturing natin ang Biblia na … isang gabay … na nakaturo sa tiyak na patutunguhan. Ito ay totoong doktrina, na hayagan nating itinuturo. Kung susundin ninyo ang mga doktrina, at magagabayan ng mga tuntunin ng aklat na iyon, ituturo nito kung saan kayo maaaring makakita katulad ng pagkakita sa inyo, kung saan kayo maaaring makipag-usap kay Jesucristo, magkakaroon ng pagdalaw ng mga anghel, magkakaroon ng panaginip, pangitain, at paghahayag at mauunawaan at makilala ninyo ang Diyos. Hindi ba ito alalay at tungkod sa inyo? Oo; patutunayan nito sa inyo na sumusunod kayo sa yapak ng mga ninuno. Makikita ninyo ang nakita nila, mauunawaan ang kanilang ikinagalak (DBY, 126).

Walang salungatan sa mga alituntunin na nakahayag sa Biblia, sa Aklat ni Mormon, at sa Doktrina at mga Tipan [ang Mahalagang Perlas ay hindi pa nakanonisa sa panahon ng pagpapahayag na ito]; at walang magiging salungatan sa pagitan ng anumang doktrina na itinuro ni Joseph na Propeta at ng mga kapatid na kalalakihan ngayon, kung ang lahat ay mamumuhay sa paraan na mapamamahalaan ng Espiritu ng Panginoon. Hindi lahat ay nabubuhay na nasa kanila palagi ang Espiritu ng Panginoon, at bunga nito ang ilan ay naliligaw (DBY, 126).

Naniniwala tayo sa Aklat ni Mormon, at sa Doktrina at mga Tipan na ibinigay ng Panginoon kay Joseph Smith at ibinigay naman niya sa Simbahan. Naniniwala rin tayo na kung wala sa atin ang Espiritu ng Panginoon, at ang ating mga mata ay nakapikit upang hindi natin makita at maunawaan ang mga bagay sa kanilang kalagayan sa pamamagitan ng espiritu ng paghahayag, na maaari nating ipagwalang-bahala ang lahat ng mga aklat na ito, kahit na gaano karami. Kung nasa atin man ang lahat ng paghahayag na ibinigay simula pa noong panahon ni Adan at wala naman ang espiritu ng paghahayag, at maninirahan sa kalagitnaan ng mga tao, magiging imposible para sa atin na maligtas sa kahariang selestiyal ng Diyos (DBY, 128).

Ang aklat ng Doktrina at mga Tipan ay ibinigay para sa mga Banal sa mga Huling Araw dahil para ito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at mga pagkilos (DBY, 128).

Ang Biblia ay naglalaman ng mga doktrina ng kaligtasan.

Ang Aklat na ito, ang Luma at Bagong Tipan, ay iisa lamang ang ipinangangaral na sermon mula Genesis hanggang Apocalipsis [Mga Paghahayag] (DBY, 126).

Ang doktrina na ating ipinangangaral ay ang doktrina ng Biblia, ito ang doktrina na inihayag ng Panginoon para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos, at kapag ang mga tao, na dating sumusunod ay tinalikuran ito, tinatalikuran nila ito nang lubos na bukas ang kanilang mga mata, at alam nilang tinatalikuran nila ang katotohanan at pinawawalang-kabuluhan ang mga payo ng Makapangyarihan (DBY, 126).

Totoo ang Biblia. Maaaring hindi ito lahat naisalin nang tama, at maaaring maraming mahahalagang bagay ang inalis sa pagsasama-sama at pagsasalin ng Biblia [tingnan sa 1 Nephi 13:24–27]; ngunit ating nauunawaan, mula sa mga isinulat ng isa sa mga Apostol, na kung ang lahat ng mga salita at gawain ng Tagapagligtas ay naisulat, hindi magkakasya ang mga ito sa mundo [tingnan sa Juan 21:25]. Masasabi kong hindi mauunawaan ng mundo ang mga ito. Hindi nila nauunawaan kung ano ang nasa ating talaan, ni ang katangian ng Tagapagligtas, kagaya ng paglalarawan sa mga Banal na Kasulatan; ngunit ganoon pa man ito ang isa sa pinakasimpleng mga bagay sa daigdig at ang Biblia, kapag nauunawaan ito, ay isa sa mga pinakasimpleng aklat sa daigdig hangga’t tama ang pagkakasalin nito [tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:8], ito ay pawang katotohanan, at sa katotohanan ay walang misteryo maliban sa mga mangmang. Ang mga paghahayag ng Panginoon sa kanyang mga nilikha ay naaangkop sa mga may pinakamababang kakayahan na maunawaan ang mga bagay tungkol sa Diyos, at ang mga ito ay nagdudulot ng buhay at kaligtasan sa lahat ng may pagnanais na matamo ang mga ito (DBY, 124).

Naniniwala tayo sa Bagong Tipan, at dahil dito, upang hindi maging pabagu-bago ay kailangang maniwala tayo sa bagong paghahayag, mga pangitain, anghel, sa lahat ng kaloob ng Espiritu Santo, at sa lahat ng pangakong nakapaloob sa mga aklat na ito, at paniwalaan ang mga ito kung paano ito nakasulat (DBY, 124).

Mayroon tayong banal na paggalang at paniniwala sa Biblia (DBY, 124).

Sa pagbabasa natin ng Biblia ay nalalaman natin na ang Ebanghelyo ay hindi lamang nakapaloob sa Bagong Tipan, kundi sa Luma rin. Nakita at hinulaan ni Moises at ng mga Propeta ang lubusang pagtalikod ng Simbahan. Nakita nila ang pagpupunyagi ng Panginoon na tulungan ang mga tao paminsan-minsan, na kanyang dadalhin sa kanila ang katotohanan at ang Pagkasaserdote; nakita rin nila na dahil sa kasamaan ng mga tao ay papalitan nila ang kanyang mga ordenansa, susuwayin ang mga tipan, at lalabagin ang kanyang mga batas [tingnan sa Isaias 24:5], hanggang sa kunin ang Pagkasaserdote sa lupa, at ang mga naninirahan dito ay maiwan sa lubusang pagtalikod at kadiliman (DBY, 124–25).

Tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay nangumpisal sa harap ng Langit, sa harap ng mga hukbo ng langit, at sa harap ng naninirahan sa lupa, na tunay nating pinaniniwalaan ang mga Banal na Kasulatan kung paano ibinigay sa atin ang mga ito, ayon sa aming pinakamahusay na pangunawa at kaalaman hinggil sa pagkakasalin at sa espiritu at kahulugan ng Luma at Bagong Tipan (DBY, 125–26).

Ang Aklat ni Mormon … ay nagpapahayag na ang Biblia ay totoo, at pinatutunayan ito nito; at ang dalawa ay nagpapatunay na totoo ang bawat isa. Ang Luma at Bagong Tipan ay ang mga tungkod ni Juda [tingnan sa Ezekiel 37:15–19]. Maaalala ninyo na ang lipi ni Juda ay lumagi sa Jerusalem at binasbasan ng Panginoon ang Juda, at ang bunga ay ang mga pagkasulat ng Luma at Bagong Tipan. Ngunit nasaan ang tungkod ni Jose? Masasabi ba ninyo kung nasaan ito? Oo. Ang mga anak ni Jose ay siyang tumawid sa tubig patungo sa kontinenteng ito [ang Amerika], at ang lupaing ito ay napuno ng mga tao, at ang Aklat ni Mormon o ang tungkod ni Jose ay naglalaman ng kanilang mga isinulat, at ang mga ito ay nasa kamay ni Ephraim. Nasaan ang mga Ephraimites? Nakahalo sila sa lahat ng bansa sa lupa. Tinatawagan sila ng Diyos na magpisan-pisan, at sila ay pag-iisahin niya, at kanilang ipamamahagi ang Ebanghelyo sa buong daigdig (DBY, 127).

Ang mga mensahe ng mga banal na kasulatan ay malinaw at madaling maunawaan para sa mga naghahangad ng Espiritu ng Panginoon.

Hindi tayo kaugali ng mga tao noong ilang libong taon na ang nakararaan—sila ay umaasa sa Propeta o mga Propeta, o sa pagkakaroon ng madaling pansariling paghahayag upang malaman ang kalooban ng Panginoon, wala silang talaan ng mga nauna sa kanila, samantalang nasa atin ang mga talaan ng mga nauna sa atin, gayon din ang patotoo ng Banal na Espiritu; at, sa kasiyahan ng lahat ng naghahangad ng patotoo, maaari tayong sumangguni sa aklat na ito at basahin ang ating pinaniniwalaan, matutunan ang layunin ng ating ibig matamo, ang mithiin na inaasahan nating maisagawa,—ang katapusan ng lahi kung pag-uusapan ang buhay sa mundo—ang kabuuan ng kaluwalhatian na nasa kabila ng lambak ng kapighatian na ito; kaya’t tayo ay nakalalamang sa mga nauna sa atin (DBY, 128).

Ang mga tao sa lahat ng dako ay nagtatanong “Ano ang ibig sabihin ng mga banal na kasulatang ito, at paano namin mauunawaan ito o ang talatang iyan?” Ngayon ang nais ko, mga kapatid ko ay maunawaan natin ang mga bagay sa kung ano talaga ang mga ito sa ngayon, at hindi sa pagbalangkas ng mabilis at pabagu-bagong imahinasyon ng isipan ng tao (DBY, 128).

Matanong kita, kapatid na B, paano ko paniniwalaan ang Biblia, at paano mo at ng bawat tagasunod ng Panginoong Jesucristo paniniwalaan ito? … Pinaniniwalaan ko ito sa kung ano ito. Hindi ako naniniwala sa ano pang pagpapakahulugan ng tao rito, maliban kung ito ay iniutos mismo ng Panginoon sa ibang paraan. Hindi ako naniniwala na kailangan natin ng mga tagapagpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan, upang baguhin ang mga ito mula sa kanilang tunay, malinaw, at simpleng kahulugan (DBY 126).

Ang Biblia ay napakalinaw at madaling unawain katulad ng paghahayag na kababasa ko lang sa inyo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 58], kung nauunawaan ninyo ang Espiritu ng Diyos—ang Espiritu ng Paghahayag, at nalalaman kung paano naaayon ang Ebanghelyo ng kaligtasan sa kakayahan ng mahinang tao (DBY, 128).

Tungkol naman sa Biblia, ang gamit na parirala ay ang nakaugalian na noong mga nakaraang siglo; ngunit ano pa man ang wika, iyan ay kaugalian lamang. Ngunit sasabihin ko na ang mga doktrina na itinuturo sa Luma at Bagong Tipan tungkol sa kalooban ng Diyos sa kanyang mga anak dito sa lupa; ang kasaysayan ng kanyang ginawa para sa kanilang kaligtasan; ang mga ordenansa na kanyang itinatag para sa kanilang pagkatubos; ang kaloob ng kanyang Anak at kanyang pagbabayad-sala—ang lahat ng ito ay totoo, at tayo, ang mga Banal sa mga Huling Araw, ay naniniwala sa mga ito (DBY, 129).

Kapag ating pinag-iisipan at inunawa nang wasto, natututunan natin na napakadaling maunawaan ang Ebanghelyo, malinaw ang plano nito, sa bawat bahagi at alituntunin ganap na angkop sa kakayahan ng sanlibutan, na kapag ito ay itinuro sa mga nagmamahal sa katotohanan lumilitaw na ito ay napakadali at napakalinaw, at handang-handa itong tanggapin ng mga tapat na nagsasaliksik ng katotohanan (DBY, 129).

Lahat tayo ay dapat mamuhay upang maiparating at maimpluwensiyahan ng Espiritu ng Paghahayag ang puso at masabi sa atin ang dapat nating gawin. … Ngunit kailangan natin na maging katulad ng maliliit na bata upang magawa ito; at sinabi ni Jesus na kung hindi natin gagawin ito ay hindi tayo makapapasok sa kaharian ng langit. Napakasimple! Mamuhay nang malaya sa inggit, malisya, alitan, sama ng loob, at masamang pananalita sa ating mga mag-anak at tungkol sa ating mga kapit-bahay at kaibigan at lahat ng naninirahan sa lupa, saanman natin sila makita. Mamuhay nang malaya, malinis at maliwanag ang ating konsensiya (DBY, 36).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang pag-aaral at pamumuhay ayon sa mga turo ng mga banal na kasulatan ay nagdudulot ng inspirasyon at direksiyon sa ating mga buhay.

  • Sang-ayon kay Pangulong Young, bakit dapat nating pag-aralan ang mga doktrina ng Panginoon na nakapaloob sa mga banal sa kasulatan? Ano ang mga pangako na ginawa ni Pangulong Young sa mga tatalima sa mga tuntunin ng Biblia at ng iba pang mga banal na kasulatan?

  • Sa anong paraan magagabayan ang ating mga buhay sa ngayon ng mga tala na daan-daan at libu-libong taong gulang na? Paano ginabayan ng mga banal na kasulatan ang inyong buhay?

  • Sang-ayon kay Pangulong Young, bakit ibinigay ang Doktrina at mga Tipan? Paano nakatulong ang Doktrina at mga Tipan sa inyong “pangaraw- araw na pamumuhay at mga pagkilos”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 4:3–4; 84:43–44; 86:11; 121:41–42, 45.)

Ang Biblia ay naglalaman ng mga doktrina ng kaligtasan.

  • Itinuro ni Pangulong Young na ang Biblia ay “iisa lamang ang ipinangangaral na sermon mula Genesis hanggang Apocalipsis [Mga Paghahayag].” Ano ang sermong ito?

  • Paano nakatulong ang mga banal na kasulatan upang maunawaan ninyo “ang katangian ng Tagapagligtas”?

  • Ano ang mga tungkod ni Juda at Jose? Ano ang kaugnayan ng Biblia at ng Aklat ni Mormon sa isa’t isa? Sang-ayon kay Pangulong Young, sa anong layunin ibinigay sa mga “kamay ni Ephraim” ang tungkod ni Jose?

Ang mga mensahe ng mga banal na kasulatan ay malinaw at madaling maunawaan para sa mga naghahangad ng Espiritu ng Panginoon.

  • Ano ang payo ni Pangulong Young sa mga patuloy na naghahangad sa mga pagpapakahulugan ng tao sa mga banal na kasulatan?

  • Ano ang mga kapakinabangan na dumarating sa atin dahil nasa atin ang mga talaan ng mga propeta sa mga banal na kasulatan?

  • Inaanyayahan tayo ni Pangulong Young na suriin natin ang malalim at minsan ay mahihirap na wika ng mga banal na kasulatan para sa mahahalagang alituntunin at doktrina na gagabay sa ating buhay. Ano ang doktrina bukod na tangi niyang binanggit? Bakit sadyang mahalaga ang mga doktrinang ito sa atin ngayon?

  • Sang-ayon kay Pangulong Young, kanino malinaw at madaling maunawaan ang mga banal na kasulatan?

  • Itinuro ni Pangulong Young na dapat tayong “mamuhay upang maiparating at maimpluwensiyahan ng Espiritu ng Paghahayag ang puso at masabi sa atin ang dapat nating gawin.” Paano natin mapagyayaman ang espiritu ng paghahayag sa ating buhay upang lalo nating maunawaan nang malinaw ang mga mensahe ng mga banal na kasulatan?

Book of Mormon

Sa pagbabasa at pananalangin tungkol sa Aklat ni Mormon, nagkaroon ng patotoo si Brigham Young sa katotohanan nito. Itinuro niya na kung susundin ng iba ang kanyang halimbawa “nang buong katapatan, malalaman [nila] na ang Aklat ni Mormon ay totoo” (DBY, 109).

original Book of Mormon manuscript

Larawan ng bahagi ng orihinal na manuskrito ng Aklat ni Mormon.