Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 34: Pagpapalakas sa mga Banal sa Pamamagitan ng mga Kaloob ng Espiritu


KABANATA 34

Pagpapalakas sa mga Banal sa Pamamagitan ng mga Kaloob ng Espiritu

Bilang kabataan, masikap na naghangad si Brigham Young ng isang relihiyon kung saan makikita ang lahat ng kaloob ng ebanghelyo kagaya ng nakatala sa Bagong Tipan. Bago siya bininyagan, tumanggap siya ng isang malakas na patotoo ng Simbahan nang palinawin ang kanyang pang-unawa ng Espiritu Santo (tingnan sa DNW, ika-9 ng Peb. 1854, 4). Sa kanyang unang pakikipagkita kay Joseph Smith sa Kirtland, biniyayaan si Brigham Young ng kaloob na mga wika (tingnan sa MHBY-1, 4–5). Bagamat iyon ay isang pambihirang pangyayari sa kanyang buhay, lagi siyang nagagalak sa pagkakaiba-iba ng mga kaloob ng espiritu na ipinagkaloob sa kanya at sa mga Banal sa mga Huling Araw. “Kung nasa atin ang relihiyon ng Tagapagligtas, may karapatan tayo sa mga biyaya nang walang pagkakaiba kaysa noong una. Hindi sa ang lahat ay nagkaroon ng mga pangitain, hindi sa ang lahat ay nagkaroon ng mga panaginip, hindi sa ang lahat ay nagkaroon ng kaloob ng mga wika o ng pagbibigay-kahulugan sa mga wika, ngunit ang bawat isa ay tumanggap ayon sa kanyang kakayahan at sa biyaya ng Tagapagbigay” (DNW, ika-27 ng Peb. 1856, 3).

Mga Turo ni Brigham Young

Nagbibigay ang Panginoon ng mga Kaloob ng Espiritu upang palakasin at pagpalain tayo, ang ating mga mag-anak, at ang Simbahan.

Ang mga kaloob ng Ebanghelyo ay ibinibigay upang palakasin ang pananampalataya ng naniniwala (DBY, 161).

Tinatanong tayo kung may mga palatandaang nakikita ang mga naniniwala sa ating panahon kagaya noong unang mga panahon. Sumasagot tayo ng oo. Nakakikita ang mga bulag, nakatatalon ang mga lumpo, nakaririnig ang mga bingi, nakikita ang kaloob na pagpopropesiya, at gayon din ang kaloob na pagpapagaling, ang kaloob na paghahayag, ang kaloob na mga wika at pagbibigay-kahulugan sa mga wika. Sinabi ni Jesus na ang mga palatandaang ito ay susunod sa kanilang mga naniniwala [tingnan sa Marcos 16:17]. Ang kanyang Simbahan at Kaharian sa lahat ng panahon ay may ganitong mga palatandaang sumusunod sa mga naniniwala sa lahat ng panahong nakatayo ang totoong Simbahan (DNSW, ika-19 ng Mayo 1868, 1).

Sinabi ko na naglagay si Cristo sa kanyang Simbahan ng mga Apostol at Propeta; naglagay din siya sa kanyang Simbahan ng mga ebanghelista, pastor, at mga guro; gayon din ng mga kaloob ng Espiritu, kagaya ng iba’t ibang wika, pagpapagaling sa maysakit, pagkilala sa mga espiritu, at iba’t iba pang kaloob. Ngayon, tatanungin ko ang buong mundo, sino ang nakatanggap ng paghahayag na itinigil na ng Diyos ang mga katungkulan at kaloob na ito sa kanyang Simbahan? Hindi ako. Nakatanggap ako ng paghahayag na nararapat na nasa Simbahan ang mga ito, at na walang [totoong] Simbahan kung wala ang mga ito (DBY, 136).

Ipagpalagay na sumusunod kayo sa mga ordenansa ng Ebanghelyo, at di nagsasalita ng mga wika ngayon, huwag pansinin ito. Ipagpalagay na wala kayong kaloob ng paghahayag, hindi bale. Ipagpalagay na wala kayong natatanggap na anumang kaloob na dala ng pag-ihip ng isang humahagibis na malakas na hangin, kagaya noong araw ng Pentecostes, walang anumang pangangailangan na magkaroon kayo ng mga ito. Sa araw ng Pentecostes, may tanging pangangailangan para rito, iyon ay isang kakaibang mapanubok na panahon. Ang ilang tangi at malakas na pagpapakita ng kapangyarihan ng Pinakamakapangyarihan ay kinakailangan upang mamulat ang mata ng mga tao at malaman nilang pinagbayaran na ni Jesus ang kanilang mga kasalanan, at sila mismo ang nagpako sa kanya sa krus na, dahil sa kanyang pagkamatay, ay naging Tagapagligtas ng sanglibutan. Kinakailangan ito sa panahong iyon upang papaniwalain ang mga tao (DBY, 161–62).

Pananampalataya. Kapag naniniwala kayo sa mga alituntunin ng Ebanghelyo at matamo ang pananampalataya, na isang kaloob ng Diyos, daragdagan pa niya nang higit ang inyong pananampalataya, nagdaragdag ng pananampalataya sa pananampalataya. Ibinibigay niya ang pananampalataya sa kanyang mga nilikha bilang kaloob; ngunit ang mga nilikha niya ay likas na may tanging karapatan na paniwalaang tama o mali ang Ebanghelyo (DBY, 154).

Ang Kaloob ng Pagpapagaling. Nandito ako upang magbigay patotoo sa daan-daang pagkakataong ang mga lalaki, babae, at mga bata ay napagaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, sa paraan ng pagpapatong ng mga kamay, at marami akong nakitang ibinangon mula sa pintuan ng kamatayan mula sa bingit ng kawalang-hanggan; at ilang ang kung kaninong mga espiritu ay ganap nang lumisan sa kanilang mga katawan, na naibalik muli. Pinatotohanan kong nakita ko ang maysakit na pinagaling sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, ayon sa pangako ng Tagapagligtas (DBY, 162).

Kapag nagpapatong ako ng kamay sa maysakit, inaasahan kong ang kapangyarihan ng pagpapagaling at impluwensiya ng Diyos ay dadaloy sa akin patungo sa may sakit, at mawawala ang karamdaman. Hindi ko sinasabing napagagaling ko lahat ng pinapatungan ko ng kamay; ngunit marami ang gumaling sa ilalim ng aking pangangasiwa (DBY, 162).

Kapag tayo ay handa, kapag tayo ay mga banal na sisidlan sa harapan ng Panginoon, may daloy ng kapangyarihan mula sa Pinakamakapangyarihan na makararaan sa tabernakulo ng

nangangasiwa tungo sa katawan ng maysakit, at siya ay gumagaling; napapawi ang sakit ng ulo, lagnat o iba pang karamdaman (DBY, 162).

Madalas akong ipatawag, gayunman tumutugon lamang ako paminsanminsan, dahil isang tanging karapatan ng bawat ama, na isang Elder sa Israel, na magkaroon ng pananampalataya na mapagaling ang kanyang mag-anak, kagaya rin naman ng aking tanging karapatan na magkaroon ng pananampalataya upang mapagaling ang aking mag-anak; at kung hindi niya gagawin ito, hindi niya ginagampanan ang kanyang tanging karapatan. Ito ay para na ring hinihiling niya sa akin na ipagsibak siya ng kanyang panggatong na kahoy at pangalagaan ang kanyang mag-anak, dahil kung siya mismo ay may pananampalataya, hindi niya ako gagambalain sa iba kong mga tungkulin upang tumugon sa kanyang kahilingan (DBY, 163).

Kung maysakit tayo, at hilingin sa Panginoon na pagalingin tayo, at gawin para sa atin ang lahat ng kinakailangang gawin, ayon sa aking pagkakaunawa sa Ebanghelyo ng kaligtasan, mainam na ring hilingin ko sa Panginoon na patubuin ang aking trigo at mais, nang hindi ko na bubungkalin ang lupa at ihahasik ang binhi. Makikitang higit na nararapat na aking gamitin ang lahat ng lunas na napapaloob sa aking kaalaman, at hilingin sa aking Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo, na pabanalin ang lunas na iyon para sa pagpapagaling ng aking katawan (DBY, 163).

Ngunit ipagpalagay na naglalakbay tayo sa kabundukan, … at isa o dalawa ang nagkasakit, na wala man lang anumang bagay sa paligid na makukuha tayo na maipanggagamot, ano ang dapat nating gawin? Ayon sa aking pananampalataya, humiling sa Pinakamakapangyarihang Panginoon na … pagalingin ang maysakit. Ito ay ating tanging karapatan, kung nasa kalagayang wala tayong makuha na anumang bagay na makatutulong sa ating sarili. Samakatwid, ang Panginoon at ang kanyang mga tagapaglingkod ay magagawa ang lahat. Ngunit tungkulin ko na gawin ito, kung ito ay nasa aking kapangyarihan (DBY, 163).

Nagpapatong tayo ng kamay sa maysakit at umaasang gagaling sila, at nananalangin sa Panginoon na pagalingin sila, ngunit hindi natin maaaring palaging sabihin na gagawin niya ito (DBY, 162).

Propesiya, Paghahayag, at Kaalaman. Ang bawat lalaki o babae ay maaaring maging tagapaghayag, at magkaroon ng patotoo ni Jesucristo, na siyang espiritu ng propesiya, at makini-kinita ang isipan at kalooban ng Diyos tungkol sa kanila, maitakwil ang masama, at piliin ang tama (DBY, 131).

Ang kaalaman ko ay, kung susundin ninyo ang mga turo ni Jesucristo at ng kanyang mga Apostol, kagaya ng pagkakasulat sa Bagong Tipan, ang bawat lalaki at babae ay pagkakalooban ng Espiritu Santo … Malalaman ang mga bagay sa ngayon, sa hinaharap, at sa nakaraan. Mauunawaan nila ang mga bagay sa langit, mga bagay sa lupa, at mga bagay sa ilalim ng lupa, mga bagay sa buhay na ito, mga bagay ng kawalang-hanggan, ayon sa kanilang iba’t ibang layunin at kakayahan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:78–79] (DBY, 161).

Magsumikap na hangaring malaman ang kalooban ng Diyos. Paano ninyo ito malalaman? Sa mga bagay patungkol sa inyong sarili bilang mga tao, maaari ninyo itong matamo nang tuwiran mula sa Panginoon. Ngunit sa mga bagay hinggil sa mga gawaing pangmadla [ng Simbahan], ang kanyang kalooban ay natitiyak sa pamamagitan ng tamang daluyan, at maaaring malaman sa pamamagitan ng pangkalahatang payo na ibinibigay sa inyo mula sa tamang pinagmumulan (DBY, 136).

Kung ang Pinakamakapangyarihang Panginoon ay magpapahayag sa isang Mataas na Saserdote, o sa sinumang tao maliban sa pinuno ng Simbahan, ng mga bagay na totoo, o naging totoo, o magiging totoo, at ipakita sa kanya ang tadhana ng mga taong ito dalawampu’t-limang taon mula ngayon, o ng isang bagong doktrina na sa lima, sampu, o dalawampung taon mula ngayon ay magiging doktrina ng Simbahan at Kahariang ito, ngunit hindi pa naihahayag sa mga taong ito, at ipahayag ito sa kanya sa pamamagitan ng siya ring Espiritu, ng siya ring sugo, ng siya ring tinig, ng siya ring kapangyarihan na nagbigay ng mga paghahayag kay Joseph noong siya ay nabubuhay, magiging biyaya ito sa Mataas na Saserdote o taong iyon, ngunit kinakailangang hindi niya ito ipaaalam sa ibang tao sa ibabaw ng lupa, hanggang sa ipahayag ito ng Diyos sa pamamagitan ng tamang pinagmumulan upang maging pag-aari ng mga tao sa pangkalahatan. Samakatwid, kung maririnig ninyo ang mga Elder na magsasabing hindi ipinahahayag ng Diyos sa pamamagitan ng Pangulo ng Simbahan ang mga nalalaman ng mga Elder na ito, at magkuwento ng pambihirang mga bagay, maaaring ninyong tiyakin bilang isang katotohanan ng Diyos, na ang mga paghahayag na mayroon sila ay nanggaling sa Diyablo, at hindi sa Diyos. Kung nakatanggap sila mula sa tamang pinagmumulan, ang siya ring kapangyarihan na naghayag sa kanila ang magpapakita sa kanila na kinakailangan nilang itago ang mga bagay na naihayag sa kanilang mga dibdib, at bihirang magkakaroon sila ng pagnanais na ibunyag ang mga ito sa ibang tao (DBY, 338).

Iba pang mga Kaloob. Ang kaloob na makakita sa paggamit ng mga likas na mata ay kasing halaga rin ng kaloob na mga wika. Ibinigay ng Panginoon ang kaloob na ito upang makakita tayo ng anumang naisin nating makita; magagamit natin ang ating mata para sa kaluwalhatian ng Diyos, o sa ating sariling kapahamakan.

Ang kaloob na pakikipagtalastasan sa isa’t isa ay kaloob ng Diyos, na kasing halaga ng kaloob na pagpopropesiya, pagkakilala sa mga espiritu, mga wika, pagpapagaling, o iba pang mga kaloob, bagamat ang paningin, panlasa, at pananalita, ay pangkalahatang ipinagkaloob kung kaya’t hindi sila itinuturing na mahimalang kagaya ng mga kaloob na binabanggit sa Ebanghelyo.

Magagamit natin ang mga kaloob na ito, at bawat iba pang kaloob na ibinigay sa atin ng Diyos, para sa pagpupuri at kaluwalhatian ng Diyos, sa paglilingkod sa kanya, o magagamit natin ito upang siraan Siya at ang Kanyang layunin. … Tumpak ang mga alituntuning ito tungkol sa mga kaloob na tinanggap natin para sa tiyak na layuning gamitin sila, upang tayo ay makapagtiis at madakila, at upang ang pagkakalikha na ating tinanggap ay hindi magkaroon ng hangganan, kundi manatili sa lahat ng kawalang-hanggan.

Sa pamamagitan ng maingat na paggamit ng mga kaloob na ibinigay sa atin, matitiyak natin sa ating sarili ang pagkabuhay na mag-uli ng mga katawan natin ngayon, na pinananahanan ng mga espiritu, at kapag sila ay nabuhay nang mag-uli sila ay padadalisayin at pababanalin; samakatwid ay mananatili sila sa lahat ng kawalang-hanggan (DNW, ika-27 ng Ago. 1856, 2).

Pinalalakas at pinagtitibay ng mga himala ang pananampalataya ng mga nagmamahal at naglilingkod sa Diyos.

Ang mga himala, o ang mga di pangkaraniwang pagpapamalas ng kapangyarihan ng Diyos, ay hindi para sa hindi naniniwala; ang mga ito ay para aluin ang mga Banal, at palakasin at pagtibayin ang pananampalataya ng mga nagmamahal, natatakot, at naglilingkod sa Diyos, at hindi para sa mga hindi naniniwala (DBY, 341).

Nakakuha kayo ng kaisipan mula sa akin na hindi ang mga himalang ipinamamalas sa mata ng mga tao ang magpapaniwala sa kanya kung ito ay sa Diyos o sa Diyablo; gayunman, kung loloobin ng Panginoon na mapagaling ng isang tao ang maysakit, magagawa ito nang taong iyon; ngunit ito ba ay upang papaniwalain ang masama na ang nagpagaling ay ipinadala ng Diyos? Hindi, ito ay isang biyaya sa mga Banal, at ang masama ay walang kinalaman dito, wala silang karapatang mapakinggan ito; ito ay para sa mga Banal, ito ay para sa kanilang tanging kapakinabangan, at sa kanila lamang (DBY, 340).

Ang plano ng Ebanghelyo ay binabalangkas nang gayon, upang ang himala magpapaniwala sa mga tao, ito ay magiging isang pagsumpa lamang sa kanila. Kapag napakikinggan ninyo ang mga tao na nagsasabi kung ano ang kanilang nakita—na nakamalas sila ng dakila at makapangyarihang mga himalang ginawa, at wala silang magawa kundi maniwala, tandaan na ang “mga diyablo ay nagsisisampalataya at nagsisipanginig,” dahil wala silang magawa kundi maniwala [tingnan sa Santiago 2:19]. Kapag ang tinig ng Mabuting Pastol ang naririnig, ang tapat sa puso ay naniniwala at tinatanggap ito. Kay inam na maranasan ang isang bagay sa pamamagitan ng damhin, na makakita sa pamamagitan ng matang espirituwal, at magtamasa sa pamamagitan ng pandama ng walang-kamatayang espiritu. Walang tao, maliban na kung siya ay nakikiapid [tingnan sa Mateo 12:39], nangangalunya, mapag-imbot, o sumasamba sa diyus-diyosan, ang kailanman ay maghahangad ng himala; sa ibang salita, walang mabuti, at matapat na tao ang kailanman ay maghahangad (DBY, 340).

Ang mga taong nagsasabing kanila nang nakita, nalaman at naunawaan ang halos lahat, sa Simbahang ito, at nagbigay patotoo sa harapan ng malalaking kongregasyon, sa pangalan ng Diyos ng Israel, na nakita na nila si Jesus, atbp., ay siya ring mga taong nagsialis sa Kahariang ito, bago ang ibang namuhay sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa Alma 32:21] (DBY, 342).

Ang mga pagkalinga ng Diyos ay himala lahat para sa angkan ng tao hanggang sa maunawaan nila ang mga ito. Walang mga himala, kundi sa mga mangmang lamang. Ang himala ay ipinalalagay na nangyari ang isang bagay nang walang dahilan, ngunit walang bagay na ganito. May dahilan sa bawat makita natin; kung nakamamalas tayo ng kinalabasang bagay na hindi nauunawaan ang dahilan, tinatawag natin itong himala (DBY, 339).

Likas para sa akin ang maniwala na, kung bubungkalin ko ang lupa at maghasik ng trigo, ako, sa tamang panahon, ay gagapas ng trigo; ito ang likas na kalalabasan. Kagayang-kagaya ito ng mga himala na ginawa ni Cristo sa lupa. Sa kasalan sa Cana sa Galilea [tingnan sa Juan 2:1–11], nang mainom na nila ang lahat ng alak, lumapit sila sa Tagapagligtas at tinanong sa kanya kung ano ang dapat nilang gawin. Ipinag-utos niya sa kanila na punuin ang kanilang mga sisidlan ng tubig, at nang matapos nilang gawin ito ay kumuha sila sa tubig na iyon at nalamang iyon ay naging alak. Naniniwala akong tunay na alak iyon; hindi ako naniniwalang ginawa iyon sa alituntuning ang mga bagay na ito ay ginagawa sa panahon ngayon ng masasamang tao, na kung sino, sa pamamagitan ng tinatawag nilang sikolohiya, pagpapadaloy ng kuryente sa katawan, hipnotismo, atbp., ay nahihikayat ang mga tao at napapaniwala na alak ang tubig, at iba pang mga bagay na may ganitong katangian. Ginawa ng Panginoon ang tubig na maging alak. Batid niya kung paanong iipunin ang kinakailangang mga panangkap upang lagyan ang tubig ng mga katangian ng alak. Nasa paligid natin ang mga panangkap; kinakain, iniinom, hinihinga natin sila, at si Jesus, na nakauunawa sa pamamaraan ng pag-iipon sa kanila, ay hindi gumawa ng mga himala maliban sa mga mangmang sa ganitong pamamaraan. Kagaya rin ito doon sa babaing napagaling sa pamamagitan ng paghipo sa laylayan ng kasuotan ni Jesus [tingnan sa Mateo 9:20–22]; pinagaling siya ng pananampalataya, ngunit hindi iyon isang himala kay Jesus. Nauunawaan niya ang pamamaraan, at bagamat halos naiipit siya ng mga tao, sa kanyang likuran at harapan, at sa bawat tagiliran, kung kaya’t halos hindi siya makalakad, sa sandaling hinipo siya ng babae nadama niyang may lumisan sa kanyang bisa, at nagtanong kung sino ang humipo sa kanya. Hindi iyon isang himala sa kanya. Nasa kanyang kapangyarihan ang mga lakas ng buhay at kamatayan; siya ay may kapangyarihang ialay ang kanyang buhay at may kapangyarihang muli itong ibangon [tingnan sa Juan 10:17–18]. Ito ang kanyang sinasabi at kinakailangan nating paniwalaan ito kung naniniwala tayo sa kasaysayan ng Tagapagligtas at sa mga winika ng mga Apostol na nakatala sa Bagong Tipan. Si Jesus ay may kapangyarihan sa kanyang sarili at sumasakanyang sarili; ipinagkaloob ito ng Ama sa kanya; ito ang kanyang pamana, at may kapangyarihan siyang ialay ang kanyang buhay at muli itong ibangon. Sumasakanya ang mga agos at lakas ng buhay at kapag sinasabi niya sa mga taong “Mabuhay kayo”, nabubuhay sila (DBY, 340–41).

Kung may pananampalataya tayo upang madama na nasa ating kapangyarihan ang mga lakas ng buhay at kamatayan, masasabi natin sa karamdaman, “Sawayin ka, sa pangalan ni Jesus, at panumbalikin ang buhay at kalusugan sa pangangatawan ng taong ito mula sa Diyos upang mapaglabanan ang karamdamang ito”; at papangyarihin ito ng ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay sa pangangasiwa ng ordenansa ng banal na Ebanghelyo (DBY, 342).

Inilalahad ng Espiritu Santo ang mga hiwaga ng kaharian sa mga yaong naghahangad ng pinakamainam na mga kaloob at sumusunod sa mga kautusan.

Ano ang isang hiwaga? Hindi natin ito alam, ito ay hindi abot ng ating pang-unawa. Kapag pinag-uusapan natin ang hiwaga, pinag-uusapan natin ang walang-hanggang kalabuan; sapagkat ang nababatid na ay hindi na hiwaga; at maaari nating mabatid ang lahat ng mga bagay na batid habang tumataas ang antas ng ating katalinuhan. Ang hindi naaabot ng pangunawa ng lahat ng ating katalinuhan ay hiwaga (DBY, 338–39).

Kung masusi nating pag-aaralan ang paksa, mababatid natin na napakakaunting bahagi lamang ng mga bagay ng Kaharian ang ipinahayag, kahit na sa mga disipulo. Kung nakahanda tayong tumingin sa mga hiwaga ng Kaharian, katulad ng nasa Diyos, mababatid nating napakaliit na bahagi nila ang ipinamigay doon at dito. Ang Diyos, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu, ay inihayag ang maraming bagay sa kanyang mga tao, ngunit, sa lahat halos ng pagkakataon, kaagad niyang ipininid ang paningin ng isipan. Pahihintulutan niya ang kanyang mga tagapaglingkod na tumingin sa mga bagay na walang hanggan sa isang saglit, ngunit kaagad na ipinipinid ang paningin at sila ay naiiwang kagaya rin ng dati, nang matutuhan nilang kumilos sa pamamagitan ng pananampalataya, o kagaya ng Apostol, hindi naglalakad sa pamamagitan ng paningin, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya [tingnan sa 2 Mga Taga Corinto 5:7] (DBY, 339).

Kasing bilis ng inyong pagpapatunay sa harapan ng inyong Diyos na kayo ay karapat-dapat na tumanggap ng mga hiwaga, kung iyan ang nais ninyong itawag sa mga ito, ng Kaharian ng Diyos—na kayo ay puno ng pagtitiwala sa Diyos—na hindi ninyo kailanman ipagkakanulo ang anumang bagay na sabihin sa inyo ng Diyos—na hindi ninyo kailanman ibubunyag sa inyong kapwa ang hindi nararapat na ibunyag, kasing tulin ng inyong paghahanda na mapagkatiwalaan ng mga bagay ng Diyos, isang kawalang-hanggan ang kakailanganin upang maunawaan ang lahat ito [tingnan sa Alma 26:22] (DBY, 93).

Ngayon, mga kapatid, ipangaral ang mga bagay na tunay nating pinaniniwalaan, at kung dumating tayo sa mga paksa ng doktrina na hindi natin batid, kahit mayroon tayong magandang dahilan upang paniwalaan ang mga ito, [kahit] na ang ating pilosopiya ay nagtuturo na totoo sila, ipagpaliban ang mga ito at ituro lamang sa mga tao ang mga alam natin (DBY, 338).

Kung magiging karapat-dapat lamang sila, napakarami nang mga naituro sa mga kapatid na tumira rito ng maraming taon upang ihanda sila na pumasok sa makipot na pintuan at patungo sa Bagong Jerusalem at maging handa na ikalugod ang kalipunan ng mga banal na anghel (DBY, 339).

Ito ang mga hiwaga sa Kaharian ng Diyos sa lupa, ang malaman kung paano padadalisayin at pababanalin ang ating mga damdamin, ang kinatatayuan nating lupa, ang hinihinga nating hangin, ang iniinom nating tubig, ang tinitirhan nating mga bahay at ang itinatayo nating mga lungsod, na kung may mga banyagang paparito sa ating bayan ay makadama sila ng isang banal na impluwensiya at kilalanin ang isang kapangyarihang banyaga sa kanila (DBY, 339).

Kung sasabihin ninyong nais ninyo ng mga hiwaga, kautusan, at paghahayag, sasagot ako na halos walang nagdaraang Sabbath sa inyo, kayong mga pumupunta rito, na walang mga paghahayag ni Jesucristo na ibinubuhos sa inyo kagaya ng tubig sa lupa (DBY, 343).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Nagbibigay ang Panginoon ng mga kaloob ng Espiritu upang palakasin at pagpalain tayo, ang ating mga mag-anak, at ang Simbahan.

  • Anu-ano ang kaloob ng Espiritu? Bakit mahalaga na matagpuan ang mga ito sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo? (Tingnan din sa mga 1 Mga Taga Corinto 12:4–11; Doktrina at mga Tipan 46:10–26.)

  • Paano natin mababatid kung ang mga kaloob ng Espiritu ay naipamumuhay natin? Paano natin magagamit ang mga ito upang pagpalain ang iba?

  • Sino ang may pananagutan para sa pagkakilala ng mga kaloob na espirituwal at paggamit ng mga ito sa Simbahan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 46:27; 107:18.) Paano nagkakaiba ang paggamit ng mga kaloob na espirituwal sa isang tungkulin sa Simbahan mula sa paggamit ng mga kaloob na ito sa pansarili o ugnayang pang mag-anak?

Pinalalakas at pinagtitibay ng mga himala ang pananampalataya ng mga nagmamahal at naglilingkod sa Diyos.

  • Ano ang mga himala? Ano ang kanilang layunin?

  • Ano ang ibig sabihin ng marinig “ang tinig ng Mabuting Pastol” at “malugod sa pamamagitan ng mga pandama ng walang-kamatayang espiritu”? Paano mapagtitibay ng mga himala ang ating pananampalataya at mga patotoo? Bakit higit na kapani-paniwala ang mga bulong ng Espiritu kaysa mga kagila-gilalas na pagpapamalas ng kapangyarihan? Paano tayo magiging higit na tumatalima sa lahat ng himala sa ating buhay? (Tingnan din sa 2 Nephi 27:23; Ether 12:12.)

Inihahayag ng Espiritu Santo ang mga hiwaga ng kaharian sa mga naghahangad ng pinakamainam na mga kaloob at sumusunod sa mga kautusan.

  • Ayon kay Pangulong Young, bakit ipinahahayag ng Diyos ang “napakakaunting bahagi lamang ng mga bagay ng Kaharian”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 78:17–18.)

  • Paano natin mapapatunayan ang ating mga sarili na “karapat-dapat na tumanggap ng mga hiwaga”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:5–10.)

  • Ayon kay Pangulong Young, anu-ano ang hiwaga na kaharian ng Diyos? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22.) Paano magiging isang malinaw at payak katotohanan lamang sa iba ang isang hiwaga para sa isang tao ay? Bakit kung minsan ay nakatutuksong magbigay ng palapalagay sa mga bagay na hindi natin nababatid?

  • Sinabi ni Pangulong Young na “halos walang nagdaraang Sabbath sa inyo … na walang mga paghahayag ni Jesucristo na ibinubuhos sa inyo kagaya ng tubig sa lupa”? Paano natin maihahanda ang ating mga sarili na matanggap ang mga paghahayag na ito habang tinatanggap natin ang sakramento at pinagiging banal ang araw ng Sabbath?

pioneers camping

Ang mga kampo ng mahihirap ay itinatag sa kabila ng Ilog Mississippi mula sa Nauvoo noong 1847, kagaya ng ipinakikita sa iginuhit na larawang ito. Naligtas sila nang loobin ng Panginoon na mangahulog ang mga pugo mula sa langit upang makain nila.