Kabanata 43
Ang Ating Paghahanap sa Katotohanan at Personal na Patotoo
Ang paghahanap ni Pangulong Brigham Young sa katotohanan tungkol sa Diyos ay nagkaroon rin ng kasagutan sa bandang huli sa pamamagitan ng tapat at simpleng patotoo ng isang lalaking hindi magaling sa pananalita … na nakapagsasabi lamang ng, ‘Alam ko, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na si Joseph Smith ay Propeta ng Panginoon.’” Sinabi ni Pangulong Young, “Ang Espiritu Santo na nanggagaling sa taong iyon ay nagbigay-liwanag sa aking pang-unawa, at ang liwanag, kaluwalhatian, at kawalang-kamatayan ay nasa harapan ko.” (DNW, ika-9 ng Peb. 1854, 4). Sa tanang buhay niya, pinilit niyang ipamuhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo, na nagsasaad na, “Habang ako ay sumusulong sa panahon ako ay umaasang sumulong sa totoong kaalaman tungkol sa Diyos at pagkamaka-Diyos. Umaasa akong umunlad sa kapangyarihan ng Pinakamakapangyarihan at sa impluwensiya sa pagtatatag ng kapayapaan at pagkamatwid sa ibabaw ng lupa, at dalhin … lahat ng makikinig sa mga alituntunin ng pagkamatwid, sa tunay na diwa ng kaalaman tungkol sa Diyos at pagkamaka-Diyos, sa kanilang mga sarili at ang kanilang pinanatiling kaugnayan sa langit at mga makalangit na nilalang. … Idinadalangin ko na hindi lang ito sa aking sarili kundi para na rin sa lahat ng Banal, nang tayo ay umunlad sa kabutihan at sa kaalaman ng katotohanan at maging ganap sa Kanyang piling” (DNW, ika-10 ng Hunyo 1857, 3).
Mga Turo ni Brigham Young
Marami ang nagnanasa na matagpuan ang katotohanan, ngunit hindi lahat ay yayakap nito.
Ang mas malaking bahagi ng naninirahan sa lupa ay nakakiling sa paggawa ng tama. Iyan ay totoo. Mayroong tagapangalaga ang bawat tao na naghahari doon ng lubusan, kung papayagang mangyari, at aakay sa katotohanan at kabutihan [tingnan sa Moroni 7:15–17] (DBY, 423).
Ang mga taong tapat ang puso, sa buong daigdig, ay nagnanasa na malaman ang tamang daan. Hinahanap nila ito, at patuloy pa ring hinahanap. Parating may mga tao sa ibabaw ng lupa na buong puso at sipag na naghahangad na malaman ang mga paraan ng Panginoon. Ang mga taong iyon ay nakagawa ng mabuti, yayamang mayroon silang kakayahan (DBY, 421).
Hangga’t hindi sila ganap na nagkakasala, mayroong bagay sa lahat ng tao na ikinasisiya ang pangibabawan at iwaksi ang kasamaan at tanggapin ang katotohanan. Walang makasalanang tao sa lupa ang napakasama, na kapag kanyang sinuri ang kanyang sariling puso, ay hindi niya ikararangal ang maka-Diyos na lalaki at maka-Diyos na babae–ang mabuti at banal—at kamumuhian ang kanyang mga kaibigan sa kasamaan na katulad niya. Walang tao sa lupa, na nasa kapangyarihan ng Diyos upang magligtas, maliban kung siya ay nagkasala ng lubusan upang ang Espiritu ng Panginoon ay hindi na manatili sa kanya at pagpaliwanagan ang kanyang isip, ang hindi nasisiyahan sa kabutihan, at sa katotohanan, (DBY, 421).
Nakasulat na may ilang may mga mata upang makakita, ngunit hindi nakakikita; mga tainga upang makarinig, ngunit hindi nakaririnig; mayroon silang puso, ngunit hindi sila nakauunawa Kayong may mga kaisipang espirituwal, na bukas ang kaisipan upang makakita, … ay mauunawaan na ang kapangyarihang nagdulot sa inyo ng pisikal na pakiramdam ay ang kapangyarihan ng kaparehong Diyos na nagbigay sa inyo ng pang-unawa sa katotohanan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:11–13]. Ang huling kapangyarihan ay nakapaloob. … Alam ng libu-libo, sa pamamagitan ng nakapaloob at hindi nakikitang pakiramdam, ang mga bagay na nangyari na, ang mga bagay na nangyayari pa lamang, at ang mga bagay na darating, na katulad ng pagkakaalam nila sa kulay ng kapirasong tela sa pamamagitan ng kanilang panlabas o pisikal na pangitain. Kapag ang nasa kaloobang liwanag na ito ay kinuha mula sa kanila, sila ay nagiging lalong makasalanan kaysa dati, hindi sila makaunawa, at lumalayo sa mga bagay tungkol sa Diyos (DBY, 421–22).
Ang espiritu na naninirahan sa mga katawang ito ay likas na nagmamahal sa katotohanan, likas na mahal nito ang liwanag at katalinuhan, likas na mahal nito ang kabutihan, ang Diyos at pagiging maka-Diyos; ngunit sa pagiging napakalapit sa pakikiisa sa laman ang kanilang simpatiya ay nagkakahalo, at ang kanilang pagsasama ay kinakailangan para magkaroon sila ng ganap na kasiyahan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:33–34], ang espiritu ay sadyang nakalaang maimpluwensiyahan ng kasalanan na nasa mortal na katawan, at mapangibabawan nito at ng kapangyarihan ng Diyablo, maliban kung ito ay patuloy na mabibigyang-liwanag ng espiritu na nagbibigay liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo na ibinabahagi sa pamamagitan ng Ebanghelyo (DBY, 422–23).
Kahit saan ipinangangaral ang Ebanghelyo ni Jesucristo, kahit na ngayon o noong mga nakaraang panahon, ito ay nakakatagpo ng klase ng mga tao kung kaninong ang katotohanan ay maganda at maka-Diyos, at ang espiritung nasa loob ay mag-uudyok na tanggapin nila ito; ngunit matatagpuan nila ang kanilang sarili na may nakabubuting kaugnayan sa mundo, at mayroong napakaraming kinawiwilihan na maaaring mawala kapag tinanggap ito, sila ay nagpapasiya na ito ay hindi maaari, at narito na naman ang labanan. Napagtatagumpayan ng ilan ang mga pangangatwiran ng laman, at sinusunod ang udyok ng espiritu; habang ang higit na nakararami sa klase ng mga taong ito ay nahihikayat ng maruruming mga pagsasaalang-alang at kumakapit sa kanilang mga idolo.
Bawat isa sa atin ay may tungkuling humanap ng kaalaman at ng saksi ng katotohanan.
Bakit tayo narito? Upang matutong maging lalong masaya, at lumawak sa kaalaman at karanasan (DNW, ika-27 ng Set. 1871, 5).
Hindi tayo titigil na matuto, maliban kung tayo ay tatalikod sa katotohanan [apostatize]. … Nauunawaan ba ninyo ito? (DNW, ika-27 ng Peb. 1856, 2).
Kung magkakaroon tayo ng pagkakataon pagyayamanin natin ang ating mga kaisipan sa kaalaman, pupunuin ang mga mortal na mga katawang ito ng mga saganang kayamanan ng karunungang panglangit (MS, Okt. 1862, 630).
Lahat ng ating paghahangad sa pag-aaral ay para sa paglilingkod sa Diyos, sapagkat lahat ng gawaing ito ay upang itatag ang katotohanan sa lupa, at nang tayo ay umunlad sa kaalaman, karunungan, pang-unawa sa kapangyarihan ng pananampalataya at sa karunungan ng Diyos, nang tayo ay maging karapat-dapat na mga nilalang na maninirahan sa mas mataas na antas ng pag-iral at katalinuhan kaysa ating tinatamasa ngayon (DNSW, ika-26 ng Okt. 1870, 2).
Maaaring madaig ng taong nagmamahal sa mundo ang pagmamahal na iyon, na makakuha ng kaalaman at pang-unawa hanggang sa makita niya ang mga bagay sa tunay nitong anyo, sa gayon ay hindi niya mamahalin ang mundo ngunit makikita niya ito ng naaayon (DNW,ika-28 ng Nob. 1855, 2).
Hanapin natin ang Panginoon ng buong puso, at tayo ay maiwawalay sa mundo; walang tao ang gugustuhin ito, iyon, o ang ibang bagay, maliban sa gumawa ng mabuti sa pamamagitan nito; itaguyod ang walang hanggang ikabubuti ng sanlibutan, at ihanda sila na maging dakila sa kawalangkamatayan. … Nasa sa inyo at sa akin ang pagtanggap ng karunungan upang maging handa para sa kadakilaan at buhay na walang hanggan sa mga kahariang ngayon ay nasa kawalang hanggan (DNW, ika-14 ng Mayo 1853, 3).
Ang lalaki o babae na nagnanasang malaman ang katotohanan, kapag narinig ang Ebanghelyo ng Anak ng Diyos na ipinahayag sa katotohanan at kapayakan, ay kailangang tanungin ang Ama, sa ngalan ni Jesus, kung ito ay totoo. Kung hindi nila susundin ang daang ito, susubukan nila at ikakatwiran sa kanilang mga sarili na sila ay marangal katulad ng kahit na sinong lalaki o babae sa balat ng lupa; ngunit sila’y hindi, sila ay hindi maingat sa kanilang pansariling kapakanan (DBY, 430).
Maghintay hanggang sa inyo nang mahanap at masaliksik at natamo ang karunungan upang maunawaan ang ating itinuturo. … Kung ito ay ang gawain ng Diyos, ito ay magpapatuloy [tingnan sa Acts 5:38–39] (DBY, 435).
Tungkulin at karapatan ng mga Banal sa Huling Araw na malaman na ang kanilang relihiyon ay totoo (DBY, 429).
Hayaang makakuha ng kaalaman ang bawat isa para sa kanyang sarili na ang gawaing ito ay totoo. Ayaw naming sabihin ninyo na ito ay totoo hangga’t hindi ninyo alam ito; at kung ito ay alam ninyo, ang kaalamang ito sa inyo ay kasing tulad na rin ng bumaba ang Diyos at nagsabi sa inyo (DBY, 429).
Isang tanging pagkakataon at biyaya ng banal na Ebanghelyo sa bawat tunay na may pananalig, na malaman ang katotohanan para sa kanyang sarili (DBY, 429).
Ayaw ko na magpunta sa akin o sa aking mga kapatid ang mga tao para sa patotoo sa katotohanan ng gawaing ito; ngunit hayaan silang kunin ang mga Banal na Kasulatan ng banal na katotohanan, at doon ang daan ay ituturo sa kanila ng napakalinaw katulad ng pagtuturo ng tamang daan sa mga pagod na manlalakbay ng karatulang-pamatnubay. Doon sila ay itinuturong magtungo, hindi sa … kahit sinong Apostol o Elder sa Israel, ngunit sa Ama sa ngalan ni Jesus, at hingin ang kabatirang kailangan nila. Sila ba na tatahak sa daang ito nang marangal at matapat ay makatatanggap ng kabatiran? Tatalikdan ba ng Diyos ang may marangal na puso na naghahanap ng katotohanan? Hindi, hindi niya gagawin ito; patutunayan niya ito sa kanila, sa paghahayag ng Kanyang Espiritu, ang mga katotohanan ng pangyayari. At kapag ang isipan ay bukas sa mga paghahayag ng Panginoon mauunawaan ito ng mas mabilis at matalas kaysa anong bagay na nakikita ng mata. Hindi ang nakikita ng ating mga mata—maaari silang dayain— ngunit ang inihahayag ng Panginoon mula sa langit ang sigurado at matatag, at nananatili magpakailan man (DBY, 429–30).
Kailangang nasa atin ang patotoo ng Panginoong Jesus upang magawa nating malaman ang katotohanan laban sa kamalian, liwanag laban sa kadiliman, siya na maka-Diyos, at siya na hindi maka-Diyos, at nang malaman kung paano mailalagay sa tamang kinalalagyan ang lahat ng bagay. … Walang ibang pamamaraan na sadyang tunay na magtuturo sa tao upang siya ay maging Santo ng Diyos, at ihanda siya para sa luwalhati ng selestial; kailangang nasa kanya ang patotoo ng espiritu ng Ebanghelyo (DBY, 429).
Ikaw at ako ay kailangang may patotoo ni Jesus sa ating kalooban, o, walang gaanong saysay para sa atin ang magkunwaring mga tagapaglingkod ng Diyos. Kailangan natin ang buhay na patotoong iyon sa ating kalooban (DBY, 430).
Ipinagkakatiwala ng katotohanan ang sarili nito sa bawat marangal na tao, hindi mahalaga kung gaano kasimple ito sinabi, at kapag ito ay tinanggap para bang kilala na natin ito sa buong buhay natin. Patotoo ng nakararami sa mga Banal sa Huling Araw na nang una nilang marinig na ipangaral ang Ebanghelyo, … kahit na lubusang bago ito sa kanila, para bang nauunawaan na nila ito, at parang sila ay “Mormon” na sa simula’tsimula pa [tingnan sa Juan 10:27] (DBY, 432).
Ang Espiritu Santo ay nagbibigay sa atin ng kaalaman ng katotohanan.
Tumatayo ba ang tao rito at sinasabing alam nilang ito ang gawain ng Diyos, na si Joseph ay isang Propeta, na totoo ang Aklat ni Mormon, na ang mga paghahayag sa pamamagitan ni Joseph Smith ay totoo, at ito ang huling dispensasyon at ang kaganapan ng mga panahon kung saan iniuunat ng Diyos ang kanyang kamay upang kunin ang Israel sa huling pagkakataon, at iligtas at itatag ang Sion. … Paano nila nalaman ito? Alam ng mga tao at patuloy na malalaman at mauunawaan ang maraming bagay sa pamamagitan ng mga pagpaparamdam ng Espiritu, na sa pagkakaayos ng ating katawan ay magiging imposible sanang ipabatid. Karamihan sa mahahalagang kabatiran ay nakukuhang tangi sa pamamagitan ng kapangyarihan at patotoo ng Espiritu Santo. … Ito lamang ang tanging paraan na inyong maipababatid ang kaalaman sa hindi nakikitang mga bagay ng Diyos [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 2:9–14,12:3] (DBY, 430).
Walang iba kung hindi ang Banal na Espiritu … ang makapagpapatunay sa inyo na ito ay ang gawain ng Diyos. Ito ay hindi kayang pabulaanan, o daigin sa pamamagitan ng makamundong karunungan ng mga taong hindi inspirado ng Diyos; hindi rin nila mapapatunayan, na, ito ay totoo sa pamamagitan ng karunungan lamang. Ang hindi nila pagkakadaig dito ay hindi pagpapatunay na ito ang Kaharian ng Diyos, dahil maraming mga teoriya at sistema sa lupa, hindi kayang itanggi sa pamamagitan ng karunungan ng mundo, na mali pa rin naman. Walang iba kundi ang kapangyarihan ng Pinakamakapangyarihan, na nagbibigay-linaw sa pangunawa ng mga tao, ang makapagpapamalas ng maluwalhating katotohanang ito sa kaisipan ng tao (DBY, 430–31).
Paano natin makikilala ang boses ng Mabuting Pastol(Alma 5:38) mula sa tinig ng estranghero? Masasagot ba ito ng kahit sino? Masasagot ko. Napakadali nito. Sa bawat pilosopo sa ibabaw ng lupa, sasabihin ko, ang inyong mata ay maaaring malinlang, gayundin ang sa akin; ang inyong tainga ay maaaring malinlang, gayundin ang sa akin; ang dampi ng inyong kamay ay maaaring malinlang, gayundin ang sa akin; ngunit ang Espiritu ng Diyos na pumupuno sa nilikha ng paghahayag at liwanag ng kawalanghanggan sa mga nilikha, ay hindi maipagkakamali, ang paghahayag na nanggaling mula sa Diyos ay hindi maipagkakamali. Kapag ang indibiduwal, puno ng Espiritu ng Diyos, ay nagpahayag ng katotohanan ng langit, naririnig iyon ng tupa [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:7], ang Espiritu ng Panginoon ay tumitimo sa kalooban ng kanilang mga kaluluwa at nanunuot sa kaibuturan ng kanilang mga puso; sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu Santo ang liwanag ay sumisibol sa kanilang kalooban, at sila ay nakakakita at nakakaunawa para sa kanilang mga sarili (DBY, 431).
Mayroon lamang isang saksi—isang patotoo, na tumutukoy sa katunayan ng Ebanghelyo ng Anak ng Diyos, at iyon ay ang Espiritu na ikinalat niya sa kanyang mga disipulo. Gawin ang kanyang kagustuhan, at malalaman natin kung siya ba ay nagsasalita ng may kapahintulutan ng Ama o ng kanyang sarili. Gawin ang ipinag-uutos niya sa atin, at malalaman natin ang doktrina, kung ito ay sa Diyos o hindi [tingnan saJuan 7:16–17]. Sa pamamagitan lamang ng mga paghahayag ng Espiritu natin malalaman ang mga bagay ukol sa Diyos (DBY, 431–32).
Maging masipag at madasalin. Ito ay inyong pagkakataon na malaman sa inyong sarili na buhay ang Diyos at gumagawa siya ng gawain sa mga huling araw na ito at tayo ang Kanyang binigyang-karangalang mga ministro. Mabuhay para sa kaalamang ito at tatanggapin ninyo ito. Alalahanin ang inyong mga panalangin at maging mataimtim sa espiritu (LBY, 245).
Ang aking patotoo ay ayon sa karanasan, sa aking sariling karanasan, na may kaugnay doon sa nakamit ko sa pamamagitan ng pagmamasid sa iba … Ipinagkakatiwala ng makalangit na katotohanan ang kanyang sarili sa panimbang ng bawat tao, at sa kanilang pananampalataya; at lalung-lalo na sa pang-unawa ng mga nagnanais na maging marangal sa kanilang mga sarili, sa kanilang Diyos, at kanilang kapitbahay. … kung ang mga tao ay maaaring tumanggap ng kaunti, iyon ay nagpapatunay na maaari silang tumanggap ng higit pa. Kung matatanggap nila ang una at ikalawang mga alituntunin ng may matwid na pakiramdam, maaari pa silang tumanggap ng karagdagan (DBY, 433).
Positibo ang aking patotoo. … Alam ko na ang araw ay sumisikat, alam ko na ako ay nabubuhay at mayroong katauhan, at nagpapatotoo ako na may Diyos, at buhay si Jesucristo, at siya ang Tagapagligtas ng daigdig. Nanggaling ka na ba sa langit at napag-alaman ang kasalungat? Alam ko na si Joseph Smith ay isang Propeta ng Diyos, at siya ay nagkaroon ng maraming paghahayag. Sino ang makapagpapasinungaling ng patotoong ito? Kahit sino ay maaaring tutulan ito, ngunit ito ay hindi mapasisinungalingan ng sino man. Marami akong natanggap na paghahayag; nakita ko at narinig para sa aking sarili, at batid ko na ang mga bagay na ito ay totoo, at ang mga ito ay hindi mapasisinungalingan ng sino man sa mundo. Ang mata, ang tainga, ang kamay, lahat ng mga pakiramdam ay maaaring malinlang, ngunit ang Espiritu ng Diyos ay hindi malilinlang; at kapag inspirado ng Espiritung iyon, napupuno ng kaalaman ang tao, nakakakita siya sa pamamagitan ng espirituwal na mata, at nalalaman ang bagay na hindi kayang salungatin ng kapangyarihan ng tao. Kung ano ang alam ko tungkol sa Diyos, tungkol sa mundo, tungkol sa pamahalaan, ay natanggap ko mula sa kalangitan, hindi sa aking kakayahan lamang, at ibinibigay ko sa Diyos ang luwalhati at ang papuri (DBY, 433).
Sa pagtanggap sa saksi ng katotohanan, kailangan nating hanapin ang pagkamatwid sa kaharian ng Diyos.
Isa sa mga unang alituntunin ng doktrina ng kaligtasan ang pagkilala sa ating Ama at ating Diyos. Itinuturo ng mga Banal na Kasulatan na ito ay buhay na walang hanggan, na “makilala Ka, ang tanging tunay na Diyos, at si Jesucristo na iyong ipinadala [tingnan sa Juan 17:3];” ito ay para na ring nagsabing walang tao ang makatatamasa o makapaghahanda para sa buhay na walang hanggan ng wala ang kaalamang iyon (DNW, ika-18 ng Peb. 1857, 4).
Nasa atin ang pangako, kung ating hahanapin muna ang kaharian ng Diyos at ang pagkamatwid nito, na lahat ng kinakailangang bagay ay idaragdag sa atin [tingnan sa3 Nephi 13:33]. Hindi tayo dapat na di mapagtiwala, ngunit alamin muna kung paano paliligayahin ang ating Ama at Diyos; alamin kung paano sasagipin ang ating mga sarili sa mga kamaliang nasa mundo, mula sa kadiliman at kawalan ng pananampalataya, mula sa palalo at mapaglinlang na mga espiritung nasa gitna ng mga anak ng tao upang manlinlang, at matutunan kung paano sasagipin at pangangalagaan ang ating mga sarili sa lupa upang mangaral ng ebanghelyo, itaguyod ang kaharian, at itatag ang Sion ng ating Diyos (DNW, ika-11 ng Enero, 1860, 1).
Gusto ko ang mag-isip at magsalita tungkol sa walang hanggang mga alituntunin. Ang kaligtasan natin ay kinapapalooban ng kaalaman tungkol sa mga iyon, at ang mga iyon ay naglalayon sa kanilang katangian na tayo ay paligayahin at aluin. Ito bang walang hanggang organismo na nasa atin, na nabubuhay sa walang hanggang katotohanan, ay itinatag upang wasakin? Magwawakas ba ang organismong iyon, habang ito ay nabubuhay sa walang hanggang katotohanan? Hindi. … Hangarin sa Panginoon ang kanyang Espiritu, nang walang humpay sa inyong mga pagsisikap, hanggang sa ang kanyang Espiritu ay mamalagi sa inyo katulad ng walang hanggang paglagablab. Hayaang patuloy na magliwanag ang kandila ng Panginoon sa inyo, at ang lahat ay tama (DNW, ika-11 ng Enero 1860, 2).
Nasa atin ang mga salita ng buhay na walang hanggan, nasa atin ang pagkakataong magkamit ng kaluwalhatian, kawalang-kamatayan, at mga buhay na walang hanggan, ngayon kakamtin mo ba ang mga biyayang ito? Gugugulin ba ninyo ang inyong mga buhay upang makakamit ng luklukan sa kaharian ng Diyos, o ikaw ay hihiga at matutulog, at bababa sa impiyerno? (DNW, ika-1 ng Okt. 1856, 3.)
Sikaping magpakamatwid, hindi dahil sa ano pa mang pakikipagsapalaran, kung hindi dahil sa ang pagkamatwid ay kaibig-ibig, dalisay, at banal, maganda, at nakadadakila; iyon ay naglalayon na gawing masaya at puno ng kaligayahan ang kaluluwa, sa abot saklaw ng buong kakayahan ng tao, pinupuno siya ng liwanag, luwalhati, at karunungan (DBY, 428).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Marami ang nagnanasa na matagpuan ang katotohanan, ngunit hindi lahat ay yayakapin ito.
-
Ayon kay Pangulong Young, ano ang umaakay “sa mas malaking bahagi ng naninirahan sa lupa” na gawin ang tama at hanapin ang katotohanan?
-
Bakit maraming tao ang nabibigong mamuhay ng matwid kahit na pagkatapos na matanggap ang saksi ng katotohanan? Ano ang nakatulong sa inyo nang lubusan upang mamuhay nang ayon sa inyong napaunlad na patotoo?
Bawat isa sa atin ay may tungkuling maghanap ng kaalaman at ng saksi ng katotohanan.
-
Ano ang dapat na maging mga layunin ng ating pagpupursigi sa pag-aaral? Ano ang ating magagawa upang mapagtagumpayan ang pagmamahal sa mga makamundong bagay?
-
Paano natin malalaman sa ating mga sarili ang mga katotohanan ng Diyos? Paano makatutulong ang patotoo kay Jesucristo na malaman natin ang katotohanan sa kamalian?
Ang Espiritu Santo ay nagbibigay sa atin ng kaalaman ng katotohanan
-
Ano ang tanging paraan upang malaman natin na ang ebanghelyo ay totoo, na si Jesus ang Cristo, at tayo ay kasama sa gawain ng Panginoon? Anong mga karanasan ang nagturo sa inyo na ang Espiritu Santo ay maaaring maimpluwensiyahan ang inyong buhay kung hahayaan ninyo siyang gawin ito?
-
Bakit hindi mapapatunayan o mapasisinungalingan ng makamundong karunungan ang pagkakaroon ng Diyos at ang katotohanan ng ebanghelyo? Kahit na ang ating mga pandamdam ay maaaring malinlang sa paghahanap ng katotohanan, ano ang sinabi ng Pangulong Young na “hindi maipagkakamali”?
-
Bakit nakapagbigay ng napakamakapangyarihang patotoo ang Pangulong Young? Paano natin mapalalakas ang ating mga patotoo? Ano ang magagawa ninyo upang maging mas makapangyarihang saksi ng katotohanan ng Diyos?
Sa pagtanggap ng saksi ng katotohanan, kailangan nating hanapin ang pagkamatwid sa kaharian ng Diyos.
-
Anong pangako ang ginawa ng Panginoon doon sa “naghahangad muna nang kaharian ng Diyos at ang pagkamatwid nito”?
-
Paano makatutulong ang pagkaalam ng mga bagay ng Diyos para makamtan ang kaligtasan. Paano tayo “makakakuha ng luklukan sa kaharian ng Diyos”?