KABANATA 35
Ang mga Biyayang Dulot ng mga Pagsubok, Pagpaparusa, at Pag-uusig
Naunawaan ni Pangulong Brigham Young ang walang hanggang mga layunin ng Diyos, at ginamit niya ang pagkaunawang ito sa matitinding hirap na pinagtiisan niya at ng ibang mga Banal. Sinabi ni Pangulong Young: “Narinig ko ang napakarami na nagsabi tungkol sa mga paghihirap nila para sa kapakanan ni Cristo. Masaya kong masasabi na hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na magsabi nang ganoon. Napakalaki ng kagalakan ko, ngunit kung sa pagdurusa naman, madalas kong ihambing ito, sa aking mga nadarama at sa harap ng mga kongregasyon, sa isang tao na nakasuot ng isang luma, sirang-sira, punitpunit at maruming tunika, at may isang taong dumating at binigyan siya ng isang tunikang bago, buo at maganda. Ito ang paghahambing na nagagawa ko kapag naiisip ko ang aking mga pinagdusahan para sa kapakanan ng Ebanghelyo—itinapon ko ang lumang tunika at isinuot ang isang bago” (DBY, 348).
Mga Turo ni Brigham Young
Sinusulit at sinusubok tayo ng Panginoon upang mapatunayan natin ang ating sariling karapat-dapat sa kaluwalhatiang selestiyal.
Kinakailangang masubok ang mga tao ng Kataastaasang Diyos. Naisulat na susubukin sila sa lahat ng mga bagay, kagaya din naman ng pagsubok kay Abraham [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:1–4]. Kung tatawagin tayo sa Bundok ng Moriah upang ihandog ang ilan nating Isaac, bale wala ito; gagawin natin ito katulad ng iba pa mang bagay. Sa palagay ko ay may pagkakataon sa mga Banal na matanggap ang lahat ng mga pagsubok na naisin o hangarin nila. Ngayon, kung sumasainyo ang liwanag ng Banal na Espiritu, malinaw ninyong makikita na kinakailangan ang mga pagsubok sa laman (DBY, 346).
Nasa araw na tayo ng pagsubok upang patunayan ang ating sarili na karapat-dapat o hindi sa buhay na darating (DBY, 354).
Ang lahat ng matalinong tao na napuputungan ng korona ng kaluwalhatian, kawalang kamatayan, at mga buhay na walang hanggan ay kinakailangang malampasan ang bawat pagpapahirap na itinalaga upang danasin ng matatalinong tao, upang matamo ang kanilang kaluwalhatian at kadakilaan. Ang bawat sakuna na maaaring dumating sa mga mortal ay pinapayagang dumating sa ilan, upang ihanda sila na kagalakan ang harapan ng Panginoon. Upang matamo natin ang kaluwalhatian na natamo ni Abraham, kinakailangang gawin natin ang katulad ng kanyang ginawa. Kung tayo man ay nakahandang makisalamuha kina Enoc, Noe, Melquisedec, Abraham, Isaac, at Jacob, o sa tapat nilang mga anak, at sa tapat na mga Propeta at Apostol, kinakailangang pagdaanan natin ang mga katulad na karanasan, at matamo ang kaalaman, katalinuhan, at mga kaloob na maghahanda sa ating pumasok sa kahariang selestiyal ng ating Ama at Diyos. … Ang bawat pagsubok at karanasan na inyong nadaanan ay kailangan para sa inyong kaligtasan (DBY, 345).
Kung palalawigin ang ating mga buhay ng isang libong taon, ganoon pa ring mabubuhay at matututo tayo. Ang bawat malaking pagbabago na malagpasan natin ay kailangan para sa karanasan at halimbawa, at para sa paghahanda na tamasahin ang gantimpala na para sa tapat (DBY, 345).
Kung hindi nagkasala si Adan, at kung ang kanyang angkan ay nagpatuloy sa lupa, hindi nila maaaring makilala ang kasalanan, o ang mapait sa matamis, ni hindi rin nila makikilala ang pagkamatwid, dahil sa maliwanag at payak na katwirang ang bawat kalagayan ay ganap lamang na maipakikita sa pamamagitan ng kabaliktaran nito. Kung mapagtatanto ng mga Banal ang mga bagay sa kalagayan nila kapag tinatawag silang dumanas ng mga pagsubok, at magdusa ng kung tawagin nila ay mga pagpapakasakit, kilalanin nilang ang mga ito ang pinakadakilang biyayang maipagkakaloob sa kanila. Ngunit ilagay silang humahawak sa mga totoong alituntunin at totoong kagalakan, nang wala ang kabaliktaran, at hindi nila malalaman ang kagalakan, hindi nila malilirip ang kaligayahan. Hindi nila masasabi ang liwanag mula sa kadiliman, dahil wala silang kaalaman sa kadiliman at kasunod nito ay kapos ng pagkakakilala sa liwanag. Kung hindi nila matitikman ang mapait, paano nila malalaman ang matamis? Hindi nila malalaman [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 29:39] (DBY, 345–46).
Tayo ang pinakamaligayang tao kapag mayroon tayo ng tinatawag nating mga pagsubok; dahil sa ganito ang Espiritu ng Diyos ay higit na masaganang ibinibigay sa mga tapat [tingnan sa 1 Pedro 3:14] (DBY, 347).
Sinasabi ko sa mga Banal sa mga Huling Araw, ang dapat lamang nating gawin ay matuto tungkol sa Diyos. Pagsinungalingin ang mga sinungaling, at pasumpain ang mga manunumpa, at sila ay pupunta sa kapahamakan. Ang dapat lamang nating gawin ay magpatuloy nang pasulong at paakyat, at sundin ang mga kautusan ng ating Ama at Diyos; at kanyang lilituhin ang ating mga kaaway (DBY, 347).
Nadaanan na natin ang napakaraming mga tagpo, masasabi natin, ng matinding hirap, bagamat ninanais ko sa mga kapatid na maunawaang hindi ko ang ginagamit ang salitang ito sa mga nararanasan ko, sapagkat ang lahat ng aking dinanas ay galak at nakagagalak para sa akin; ngunit tila ba nagdusa tayo nang napakatindi, at dumaan sa maraming tagpo ng pagsubok at tukso, walang pagdududa rito. Kinakailangan nating magdusa sa mga tukso, humigit kumulang, at ikinagalak ang pagkakanakaw sa atin ng ating mga pag-aari. Ako mismo, limang ulit bago ako pumarito sa lambak na ito, ay iniwan ang lahat ng bagay na ibinagay sa akin ng Panginoon na tumutukoy sa mga bagay ng mundong ito, na, sa bayan kung saan ako tumira, ay hindi kakaunti lamang (DBY, 347–48).
Tungkol sa mga pagsubok, pagpalain ang inyong mga puso, ang lalaki o babae na nagagalak sa espiritu ng ating relihiyon ay walang mga pagsubok; ngunit ang lalaki o babae na nagsisikap na mamuhay ayon sa Ebanghelyo ng Anak ng Diyos, at kasabay nito ay kumakapit sa espiritu ng mundo, ay may mga pagsubok at kalungkutan na matindi at masakit, at wala ring tigil ang mga ito (DBY, 348).
Itapon ang pamatok ng kaaway, at isuot ang pamatok ni Cristo, at sasabihin ninyong maginhawa ang kanyang pamatok at magaan ang kanyang pasanin. Batid ko ito sa pamamagitan ng karanasan (DBY, 347–48)
Tinuturuan ng Panginoon ang mga sumusuway na maging mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagpaparusa sa kanila at pagpapahintulot na mausig sila.
Kapag tumitingin tayo sa mga Banal sa mga Huling Araw, nagtatanong tayo, kinakailangan ba ang pag-uusig sa kanila. Oo, kung sila ay sumusuway. May pangangailangan bang parusahan ang isang anak na lalaki o babae? Oo, kung sumusuway sila [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 105:6]. Ngunit ipagpalagay na ganap silang sumusunod sa bawat ipinaguutos ng kanilang mga magulang, mayroon bang pangangailangan na parusahan sila kung ganoon? Kung mayroon, hindi ko maunawaan ang alituntuning ito. Hindi ko pa nakikita ang pangangailangan ng pagpaparusa sa isang masunuring bata, ni aking nakikita ang pangangailangan ng pagpaparusa mula sa Panginoon para sa kanyang mga tao na ganap na masunurin. Naparusahan na ba ang mga taong ito? Oo, naparusahan na sila (DBY, 350).
Ang mga tumatalikod sa mga banal na kautusan ay makasusumpong ng mga pagsubok na tunay na mga pagsubok. Madarama nila ang matinding galit ng Pinakamakapangyarihan sa kanila. Ang mga mahinahon at mabuting anak ay makatatanggap ng saganang mga pagpapala ng kanilang Ama at Diyos. Maging mahinahon at panatilihin ang inyong pananampalataya sa Pinakamakapangyarihang Panginoon [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101:16] (DBY, 351).
Tayo ay higit na walang-katapusang pinagpala ng mga pag-uusig at kawalang-katarungan na ating pinagdusahan, kaysa kung nanatili tayo sa mga tirahan kung mula saan tayo ay itinaboy—kaysa kung pinayagan tayong manatili sa ating mga sakahan, halamanan, pamilihan, gilingan, makina at lahat ng bagay na pagmamay-ari natin noon (DBY, 346).
Uusigin ng masama ang matwid, ngunit pamumunuan ng Diyos ang kanyang mga tao, at magpapatuloy sa pagsulong ang kanyang gawain.
Huwag matatakot, dahil kung totoo ang salita ng Diyos, nararapat pa tayong subukin sa lahat ng bagay; o magalak, at manalangin nang walang hinto, at sa lahat ng bagay ay magpasalamat, kahit na ito ay sa pagkakanakaw ng inyong mga pag-aari, sapagkat ang kamay ng Diyos ang gumagabay sa atin, at magpapatuloy na gawin ito. Pakabanalin ng bawat lalaki at babae ang kanilang mga sarili sa harapan ng Panginoon, at ang bawat pagkalinga ng Pinakamakapangyarihan ay pababanalin sa kabutihan para sa kanila (DBY, 347).
Pinamunuan ng [Diyos] ang mga taong ito sa iba’t-ibang bahagi ng Estados Unidos, at sila ay kinutya. … Ito ay nasa plano ng Panginoon. Maaari ninyong itanong kung ano ang plano niya. Alam ninyong ang lahat ng mga Banal ay kinakailangang mapadalisay, upang makapasok sa kahariang selestiyal. Naitalang si Jesus ay ginawang ganap sa pamamagitan ng pagdurusa [tingnan sa Hebreo 5:8–9]. Bakit natin iisipin kahit sa isang saglit na tayo ay makapaghahandang pumasok sa kaharian at mamahinga kasama siya at ang Ama, nang hindi tayo dadaan sa mga katulad na pagsubok? (DBY, 346).
Si Joseph ay hindi maaaring naging ganap, kahit na nabuhay siya ng isang libong taon, kung hindi siya tumanggap ng pag-uusig. Kung nabuhay siya ng isang libong taon, at pinamunuan ang mga taong ito, at ipinangaral ang Ebanghelyo nang walang pag-uusig, hindi siya maaaring naging ganap kagaya noong siya ay nasa gulang na [tatlumpu’t walong] taon. Maaari ninyong ipagpalagay, na kung ang mga taong ito ay tinatawag na dumaan sa mga tagpo ng kahirapan at pagdurusa, itinataboy mula sa kanilang mga tahanan, at itinapon, at ikinalat, pinalo, at hinubaran, pinasusulong ng Pinakamakapangyarihan ang kanyang gawain nang may higit na kabilisan (DBY, 351).
Sa tuwing uusigin ninyo ang Mormonismo, inuusig ninyo ito upang umangat, hindi ninyo ito kailanman inuusig upang bumaba. Ito ay ipinaguutos ng Pinakamakapangyarihang Panginoon (DBY, 351).
Kung hindi natin kinakailangang tiisin ang bakal na kamay ng pag-uusig, ang mga alituntuning pinaniniwalaan natin, na kumukuha sa pansin ng mabuti at masama sa daigdig na ito at pinag-uusapan ng maraming dila at sumasaklaw sa kanilang mga pilosopiya, ay tatanggapin ng libu-libong ngayon ay nagwawalang-bahala sa mga ito (DBY, 351).
Sa tuwing uusigin nila at tatangkaing malupig ang mga taong ito, iniaangat nila tayo, pinapahina nila ang kanilang mga kamay, at pinalalakas mga kamay at ang bisig ng mga taong ito. At sa tuwing tatangkain nilang pababain ang ating bilang, pinararami nila tayo. At kapag tinatangka nilang sirain ang pananampalataya at kabutihan ng mga taong ito, pinalalakas ng Panginoon ang nanghihinang mga tuhod, at binibigyang-tiwala ang mga nag-aatubili sa pananampalataya at kapangyarihan ng Diyos, sa liwanag, at sa katalinuhan. Ang pagkamatwid at kapangyarihan sa Diyos ay lumalakas sa mga taong ito na kasukat sa pagsusumikap ng Diyablo na wasakin sila (DBY, 351).
Pabayaan ninyo kami, at kami ay magpapadala ng mga Elder sa kaduluduluhang mga bahagi ng daigdig, at titipunin ang Israel, nasaan man sila; at kung uusigin ninyo kami, gagawin namin ito nang higit na mabilis, sapagkat kami ay likas na mabagal kapag pinababayaan lamang, at mahilig sa sandaling pag-idlip, sa sandaling pagtulog, at sa sandaling pamamahinga. Kung pababayaan ninyo kami, gagawin namin ito na may kaunting paglulubay; ngunit kung uusigin ninyo kami, tatayo kami kahit sa gabi upang ipangaral ang Ebanghelyo ( 351).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Sinusulit at sinusubok tayo ng Panginoon upang mapatunayan natin ang ating sariling karapat-dapat sa kaluwalhatiang selestiyal.
-
Sa palagay ninyo, bakit tinawag ni Pangulong Young ang buhay na ito na “araw ng pagsubok”? (Tingnan din sa Abraham 3:22–26.) Paano tayo maihahanda ng mga pagsubok na makapasok sa kahariang selestiyal?
-
Bakit kailangang maranasan ang magkatunggaling lakas ng mabuti at masama? (Tingnan din sa 2 Nephi 2:11–14.)
-
Sa inyong palagay, bakit lubusang nagpasalamat si Pangulong Young sa mga pagsubok na tinanggap niya at ng iba pang naunang mga Banal? Paano kayo natulungan ng mga pagsubok na maging mas mabuting Banal sa mga Huling Araw?
-
Ano ang ibig sabihin ng “isuot ang pamatok ni Cristo”? (Tingnan din sa Mateo 11:28–30.) Paano makatutulong sa atin na magalak kapag humaharap tayo sa mga pagsubok ang pagsusuot ng pamatok ni Cristo? (Tingnan din sa Mosias 24:13–15.)
Tinuturuan ng Panginoon ang mga sumusuway na maging mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagpaparusa sa kanila at pagpapahintulot na mausig sila.
-
Bakit tayo pinarurusahan ng Panginoon kung minsan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:2–8.) Ano ang kahalagahan ng ating pagtugon sa pagpaparusang iyon? Paano makatutulong sa mga magulang at anak ang pagkakatuto sa alituntuning ito na makalikha ng higit na mabuting mga mag-anak?
-
Sinabi ni Pangulong Young na ang mga Banal ay “ay higit na walangkatapusang pinagpala ng mga pag-uusig at kawalang-katarungan na [kanilang] pinagdusahan … kaysa kung pinayagan [silang] manatili sa … lahat ng mga bagay sa pagmamay-ari [nila] noon. Bakit higit na malaking pagpapala ang maparusahan dahil sa pagsuway kaysa pahintulutang manatiling maginhawa sa isang makasalanang kalagayan?
Uusigin ng masama ang matuwid, ngunit pamumunuan ng Diyos ang kanyang mga tao, at magpapatuloy sa pagsulong ang kanyang gawain.
-
Sinabi ni Pangulong Young na ang sumusuway ay uusigin, ngunit binanggit din niya ang tungkol sa masunuring mga tao–kagaya ni Jesucristo, Joseph Smith, at mga misyonero—na pinag-usig. Ayon kay Pangulong Young, bakit pinahihintulutan ng Diyos ang mga masama na usigin ang mga matwid?
-
Sinabi ni Pangulong Young na ang pag-uusig laban sa Simbahan ay nagbubunsod lamang sa gawain ng Panginoon na sumulong nang “may higit na kabilisan.” Ano ang sinasabi nito sa atin tungkol sa kung paano tayo dapat na tumugon sa mga pagtuligsa laban sa katotohanan. Anuano ang magagawa natin upang turuan ang ating mga anak na mapagtagumpayan ang pag-uusig?