Kabanata 45
Ang mga Huling Araw
Nang inordenan si Brigham Young bilang Apostol, siya ay binigyan ng tungkulin na “sumulong at tipunin ang kanyang pinili, sa paghahanda sa dakilang araw ng pagdating ng Panginoon” (HC, 2:188). Siya ay nagmisyon sa England, kung saan siya at ang kanyang mga kasamang Apostol ay naglunsad ng buong programa ng pagpapabalik-loob, paglilimbag, at paghahanda sa mga nagbalik-loob para sa pagdayo sa himpilan ng bagong Simbahan sa Amerika. Sa isang ulat kay Propetang Joseph Smith na iniisa-isa ang kanilang mga pagsisikap ay ipinahayag ni Elder Young: “Ang Ebanghelyo ay lumalaganap, ang mga diyablo ay sumisigaw, sa abot ng aking kaalaman,…iginagapos nila ang mga talahib, ang trigo ay nagtitipon, ang mga bansa ay nayayanig, at ang mga kaharian ay gumigiray-giray” (HC, 4:114). Bilang namumuno sa Simbahan sa loob ng humigit kumulang na 40 taon, tinuruan ni Pangulong Young ang mga Banal na magpatuloy sa gawain ng Panginoon na pagtubos at huwag matakot sa naipropesiyang kaguluhan sa mga huling araw.
Mga Turo ni Brigham Young
Ang mga huling araw ay panahon ng matinding kaguluhan.
Ang lahat ng ating narinig at ating naranasan ay maikling panimula pa lamang sa sermon na ipangangaral. Kapag ang patotoo ng mga Elder ay hindi na ibibigay, at sasabihin sa kanila ng Panginoon, “Magsiuwi kayo; Ipangangaral ko ngayon ang aking sariling sermon sa mga bansa ng mundo,” ang lahat ng inyong alam ngayon ay bahagyang matatawag na panimula sa sermon na ipangangaral ng may apoy at tabak, unos, mga lindol, pag-ulan ng yelo, ulan, mga kidlat at kulog, at nakatatakot na pagkawasak. Ano ang kahalagahan ng pagkawasak ng ilang sasakyang pang riles? Maririnig ninyo na ang mga pinakamagandang lungsod, na ngayon ay sinasamba ng mga tao, na lumulubog sa lupa, at inililibing ang mga naninirahan doon. Ang dagat ay tataas ng higit sa kanyang hangganan, at lalamunin ang mga makapangyarihang lungsod. Ang taggutom ay kakalat sa mga bansa at ang bansa ay mag-aalsa laban sa ibang bansa, kaharian laban sa kaharian at mga estado laban sa mga estado, sa ating sariling bansa at sa mga banyagang bayan; at kanilang wawasakin ang bawat isa, binabale- wala ang dugo at mga buhay ng mga kapitbahay, ng mga mag anak, o ng sarili nilang mga buhay (DBY, 111–12).
Hindi kailanman nagkaroon ng araw sa mga nakaraang panahon, buhat nang mawasak ang totoong Simbahan pagkatapos ng kapanahunan ng mga Apostol, na kung saan kinailangan ang pananampalataya at ang lakas ng mga kalalakihan at kababaihan na maka-Diyos, at ang kakayahan, karunungan at kapangyarihan ng Pinakamakapangyarihan na mapasakanila, na tulad ng mga tao sa kasalukuyan na tunay na nangangailangan sa mga bagay na ito. Hindi kailanman nagkaroon ng gayong pangangailangan; walang ganoong naging panahon sa ibabaw ng lupa, simula nang mawasak ang Simbahan, at ang Pagkasaserdote ay kinuha mula sa lupa, kung kailan ang lakas ng kadiliman at ang lakas ng lupa at impiyerno ay labis na namuhi, at nagalit, at napoot laban sa Diyos at pagkamaka-Diyos sa lupa, kagaya ng sa kasalukuyan (DBY, 112).
Ang Diyablo ay hadlang pa rin kay Jesus ngayon tulad nang maganap ang labanan sa langit. At habang pinararami ng Diyablo ang kanyang kampon sa pamamagitan ng paghimok sa mga tao na maging masama, ay pinararami rin ni Jesucristo ang kanyang mga kabig at lakas sa pamamagitan ng paghimok sa mga tao na maging mapagkumbaba at matwid. Ang sangkatauhan ay boboto pagsapit ng panahon, at ibig nilang malaman kung aling pangkat ang magwawagi (DBY, 112).
Ang kabutihan ay magtatagumpay sa katapusan ng mundo.
Darating ang panahon na ang bawat tuhod ay luluhod at bawat dila ay magtatapat at kikilalanin siya, at ang panahon kung saan ang lahat ng nabuhay sa ibabaw ng lupa ay tatangging maniwala sa Lumikha at sa paghahayag na galing sa kanya, at babagsak nang may kahiyaan at magpapakumbaba sila sa harap niya, na sumisigaw na, “Mayroong Diyos! O Diyos, minsan ka na naming tinanggihan at hindi pinaniwalaan ang iyong salita at binale-wala ang iyong mga pangaral, ngunit ngayon kami ay yumuyuko sa kahiyaan at aming tinatanggap na mayroong Diyos, at si Jesus ay ang Cristo.” Ang panahong ito ay tiyak na darating. Nasa atin ang pananampalataya ng Ebanghelyo ng Panginoong Jesus (DBY, 112–13).
Ano ang kanilang gagawin? Pakikinggan nila ang karunungan ng Sion at ang mga hari at mga pinuno ng mga bansa ay aakyat sa Sion upang magtanong sa mga gawain ng Panginoon at saliksikin ang dakilang kaalaman, karunungan at pang-unawa na ibinigay sa pamamagitan ng mga Banal ng Kataas-taasan (DBY, 113).
Kakailanganin nilang lumuhod at magtapat na siya ay Diyos at si Jesucristo, na nagdusa para sa mga kasalanan ng mundo, ay siyang tunay na Manunubos; na sa pamamagitan ng pagbuhos ng kanyang dugo ay nailigtas niya ang mga lalaki, babae, bata, mababangis na hayop, ibon, isda, ang mundo mismo at lahat ng nakita ni Juan at narinig na nagpupuri sa langit [tingnan sa Apocalipsis 5:13] (DBY, 113).
Darating ang panahon na ang daigdig ay babaligtarin sang-ayon sa mga salita ng propeta, at makikita natin ang pagsisimula ng paghahari ng kabutihan at ang kasalanan at kasamaan ay kakailanganing lumisan. Ngunit ang kapangyarihan at alituntunin ng kasamaan, kung ang mga ito ay matatawag na alituntunin, ay hindi isusuko ang kahit ano pa man sa matwid na pagsulong ng Tagapagligtas, maliban kung sila ay unti-unting natatalo, at kakailanganin nating gumamit ng puwersa upang magwagi.” Oo, sa pamamagitan ng lakas ng pananampalataya na nasa ating isipan at sa mabuting gawa, ang pagsulong ng Ebanghelyo ay madaragdagan, lalaganap, lalaki at uunlad hanggang sa madama ng mga bansa ng mundo na si Jesus ay may karapatang mamuno bilang Hari ng mga bansa tulad ng pagiging Hari niya sa mga Banal (DBY, 113).
Alam ba ninyo na ito na ang ikalabing isang oras ng paghahari ni Satanas sa mundo? Si Jesus ay darating upang maghari at lahat kayo na natatakot at nanginginig dahil sa inyong mga kaaway, ay huwag matakot at sa halip ay matakot na baka masaktan [ninyo] ang Diyos, matakot na lumabag sa kanyang mga batas, matakot na gumawa ng anumang kasamaan sa inyong kapatid, o sa kaninumang nilalang sa ibabaw ng lupa, at huwag matakot kay Satanas at sa kanyang kapangyarihan, kahit na sa mga may lakas na pumatay ng katawan, sapagkat pangangalagaan ng Diyos ang kanyang mga tao (DBY, 114).
Sa pagpapatuloy ng panahon kung kailan tayo nabubuhay, ating nauunawaan ang kaganapan ng propesiya, at ang paghahanda para sa ikalawang pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas upang manirahan sa ibabaw ng lupa. Inaasahan natin na ang kanlungan ng kasinungalingan ay mawawala, at ang lungsod, bayan, pamahalaan, o kahariang hindi naglilingkod sa Diyos, at hindi sumusunod sa mga alituntunin ng katotohanan at relihiyon ay siguradong masasayang at mawawasak (DBY, 114).
Ang Milenyo ay magiging panahon ng pagkakaisa, kapayapaan at paggawa sa templo.
Ang Milenyo ay binubuo nito—bawat puso sa Simbahan at Kaharian ng Diyos ay nagkakaisa; ang kaharian ay lumalago tungo sa pagtatagumpay laban sa lahat ng tumututol sa ekonomiya ng langit, at si Satanas na nakagapos at may palatandaan sa kanya. Ang lahat ng bagay ay magiging katulad ng sa ngayon, tayo ay kakain, iinom, at magsusuot ng damit (DBY, 115).
Hayaang maging banal ang mga tao at ang lupa na kanilang tinatapakan ay magiging banal. Hayaang maging banal ang mga tao at mapuno ng Espiritu ng Diyos at bawat hayop at gumagapang na bagay ay mapupuno ng kapayapaan; ang lupa ng mundo ay magbibigay ng lakas at ang mga bunga nito ay magiging pagkain ng tao. Kapag mas umiiral ang kadalisayan, mas kaunti ang pag-aaway; kapag mas mabuti tayo sa ating mga hayop, mas madaragdagan ang kapayapaan, at ang mabangis na hayop ay mawawala. Kung hindi na paglilingkuran ng mga tao ang Diyablo habang sila ay nabubuhay, kung tataglayin ng kongregasyong ito ang diwa at resolusyong iyon, naririto sa tahanang ito ang Milenyo. Hayaang taglayin ng mga naninirahan sa lungsod na ito ang diwang iyon, hayaang taglayin ng mga tao sa teritoryo ang diwang iyon at narito ang Milenyo. Hayaang taglayin ng lahat ng tao…ang diwang iyon at narito ang Milenyo at ito ay kakalat sa buong mundo (DBY, 115–16).
Sa Milenyo, kapag ang Kaharian ng Diyos ay naitatag na sa mundo na may kapangyarihan, kaluwalhatian at kaganapan, at nagapi ang matagal nang paghahari ng kasamaan, ang mga Banal sa mga Huling Araw ng Diyos ay magkakaroon ng pribilehiyong magtayo ng kanilang mga templo at makapasok sa mga ito, na nagiging tulad ng mga haligi sa mga templo ng Diyos [tingnan sa Apocalipsis 3:12] at sila ay mangangasiwa para sa kanilang yumao. At makikita natin ang ating mga kaibigan na umaakyat, at marahil ang iba ring nakasalamuha na natin dito. … At magkakaroon tayo ng paghahayag upang makilala natin ang ating mga ninuno magmula sa Amang Adan at Inang Eva, at papasok tayo sa mga templo ng Diyos at mangangasiwa para sa kanila. Pagkatapos ay maibubuklod ang [mga bata] sa [mga magulang] hanggang sa ganap na mabuo ang tanikala mula kay Adan, para magkaroon ng ganap na pagkabuo ang tanikala ng Pagkasaserdote mula kay Adan hanggang sa pagtatapos [ng mundong ito].
Ito ang magiging gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahon ng Milenyo (DBY, 116).
Dapat nating pabanalin ang ating sarili bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
Huwag madaliin ang Panginoon sa kanyang gawain. Hayaang matuon ang ating pagkabahala sa isang bagay, ang pagpapabanal ng ating mga puso, ang pagpapadalisay ng ating mga damdamin, ang paghahanda ng ating sarili para sa darating na mga kaganapan na nagmamadaling magkaroon ng katuparan. Ito ang dapat nating bigyan ng pansin. Ito ang dapat nating pag-aralan, ito ang dapat nating dalangin araw-araw, at hindi ang pagmamadaling makita ang pagkatalo ng masasama (DBY, 117).
Kahit na ang daigdig ay susunugin sa loob ng isang taon, o sa loob ng isang libong taon, ito ay hindi mahalaga sa iyo at sa akin. Nasa atin ang mga salita ng buhay na walang hanggan, nasa atin ang pagkakataong makamit ang kaluwalhatian, kawalang kamatayan, at mga buhay na walang hanggan, ngayon makakamtan mo ba ang mga biyayang ito? (DBY, 117).
Nasa atin ang Kaharian ng Diyos upang ating itaguyod, at Sion na sasagipin; kailangan nating gawing banal ang ating mga sarili upang tayo ay maging handa na makasama sa Simbahan ng Panganay, at kung tayo ay bubuti sa bawat araw at oras, at kung tayo ay papanaw, mabibigyan tayo ng katarungan. Ngunit kung magpapatuloy tayong mabubuhay, dapat tayong maging Banal sa bawat gawa, dahil kung hindi ay magkulang tayo sa kaganapan ng kaluwalhatian na ipapahayag ng Diyos (DBY, 444).
Ang pagdating ng Panginoon ay hindi ko na dapat pang malaman; ngunit siya ay mabait, mapagtiis, at matiyaga, at ang kanyang galit ay tahimik na nagtitiis at magpapatuloy hanggang sa ang awa ay maubos at dito magaganap ang paghuhukom. Hindi ko alam kung paano, hindi ko rin ibig na malaman sa ngayon. Tama na sa atin ang malaman kung paano paglilingkuran ang Diyos at ipapamuhay ang ating relihiyon, at sa gayon ay higit tayong kalulugdan ng Diyos (DBY, 117–18).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Ang mga Huling Araw ay panahon ng matinding kaguluhan.
-
Ayon kay Pangulong Young, anong mga pagsubok ang darating sa mga huling araw? Bakit igagawad sa lupa ang mga kahatulan na ito?
-
Ano ang sinabi ni Pangulong Young na magiging tanging dahilan para tumigil ang pag uusig laban sa Simbahan?
-
Paano ipinagpapatuloy ngayon dito sa daigdig ang digmaan sa langit? Ano ang kinakailangan sa “maka-Diyos na kalalakihan at kababaihan” sa mga huling araw?
Ang kabutihan ay magtatagumpay sa katapusan ng mundo.
-
Paano ang magiging reaksiyon ng mga masamang tao sa daigdig kapag narinig nila ang karunungan ng Sion?
-
Ano ang dapat nating katakutan sa “ikalabing isang oras ng paghahari ni Satanas dito sa mundo”? Paano tayo magiging matapang sa kaaway ng mga matwid?
-
Si Pangulong Young ay nagsabi na ang kasamaan ay “magagapi,” at “madaragdagan ang pagsulong ng Ebanghelyo” sa pamamagitan ng lakas ng pananampalataya na nasa ating isipan, at sa mabubuting gawa.” Paano magiging “lakas na nasa ating isipan” ang pananampalataya? Paano magagapi ng mabubuting gawa ang kasamaan? Paano tayo makatutulong sa “pagkalat, paglawak, paglaganap at pagsulong ng ebanghelyo”?
Ang Milenyo ay magiging panahon ng pagkakaisa, kapayapaan at paggawa sa templo.
-
Ayon kay Pangulong Young, ano ang Milenyo? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 43:30–31; 88:110.)
-
Paano magiging banal at tahimik ang mundo at ang mga naninirahan dito?
-
Ano ang magiging gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw sa panahon ng Milenyo?
Dapat nating pabanalin ang ating sarili bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesuscristo.
-
Si Pangulong Young ay nagsabi na kailangan nating pabanalin ang ating sarili bilang paghahanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Paano tayo nagiging banal? (Tingnan sa Helaman 3:35; Doktrina ang mga Tipan 20:31.)
-
Bakit hindi tayo dapat mabahala sa pagsapit ng tamang oras ng Ikalawang Pagparito?