Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 32: Kayamanang Temporal at ang Kaharian ng Diyos


Kabanata 32

Kayamanang Temporal at ang Kaharian ng Diyos

Si Pangulong Brigham Young ay isang praktikal at hindi mapag-aksayang tao. At gumawa nang masigasig upang makapagbigay ng materyal na kaginhawahan sa kanyang mag-anak at sa iba pa. Nagtayo siya ng mga bahay, mga negosyo, at mga sakahan. Ngunit, hindi niya itinuon ang kanyang puso sa mga makamundong baga Nagbabala siyang, “ang ating mga damdamin ay kadalasang mariing nakatuon sa mga walang gaanong kabuluhan at nasisirang mga bagay” (DNW, ika-16ng Hul. 1856, 2). “Batid kong ang mga bagay sa daigdig na ito, sapul sa simula hanggang katapusan, … ay nakagagawa lamang ng kaunti o walang kaibahan sa kaligayahan ng isang tao” (DNW, ika-11 ng Ene. 1860, 1). Itinuro ni Pangulong Young na ang kayamanang temporal ay nararapat na ilaan sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Mga Turo ni Brigham Young

Dapat nating ituon ang ating mga pusosa mga bagay ng Diyos sa halip na sa mga makamundong bagay.

Kapag pinagmamasdan ko ang mga naninirahan sa mundo at namamalas ang kanilang kahinaan, maaari kong sabihin, ang kasukdulan ng kahangalan ay nasa puso ng mga hari, mga pinuno, at ng dakila, at nn mga dapat ay maging marunong at mabuti at marangal. Kapag nakikita ko silang nagsusumukot sa alikabok; nagnanasa, nananabik, naghahangad, nakikipagtunggali para sa mga bagay sa buhay na ito, naiisip ko, O mga hangal, itinutuon ninyo ang inyong puso sa mga bagay sa buhay na ito! … Ang isang lalaki o babae na itinatangi ang kayamanan ng daigdig at ang temporal na bagay laban sa mga bagay ng Diyos at sa karunungan ng kawalang-hanggan, ay walang mga matang nakakikita, walang taingang nakaririnig, walang pusong nakauunawa (DBY, 306–7).

Nagmamasid ako sa daigdig ng sangkatauhan at nakikita ko silang nagaagawan, nag-uukyabitan, nagtutunggalian, at bawat isa ay naghahangad na mapayaman ang kanyang sarili, at maisakatuparan ang kanyang pansariling mga layunin, na ipinagwawalang-bahala ang pamayanang tinitirhan niya, na minamata ang kanyang kapwa—ang lahat ay naghahanap, nagpapanukala, nagpapakana sa oras na gising sila, at kapag natutulog ay nananaginip ng, “Paano ko malalamangan ang aking kapwa? Paano ko siya maaagawan ng kayamanan nang ako ay makaakyat sa hagdan ng kabantugan?” Ito ay ganap na maling kaisipan. … Ang taong naghahangad ng karangalan at kaluwalhatian sa kapinsalaan ng iba ay hindi karapat-dapat sa lipunan ng matatalino (DBY, 307).

Ang pagkakaroon lamang ng kayamanan ay hindi nagdudulot na kaligayahan, bagamat ito ay magdudulot ng kaginhawahan, kapag ito ay maipagpapalit para sa mga pangangailangan at karangyaan sa buhay. Kapag natamo ang kayamanan sa pamamagitan ng pagnanakaw, o ng kung ano pa mang di makatarungan at di marangal na pamamaraan, ang pagkatakot na matuklasan at maparusahan ang nag-aalis sa humahawak nito ng lahat ng kaligayahan. Kung ang kayamanan ay marangal na nalikom ng tao, gayunman ang pagkakaroon nito ay pinapapait ng kaisipang kukunin ito sa kanila ng kamatayan at pagkatapos ay mapupunta ito sa iba. Anong pag-asa mayroon sila sa hinaharap matapos nilang madaanan ang mapanglaw na daigdig na ito? Wala silang nalalaman tungkol sa hinaharap; wala silang nakikita maliban sa kamatayan at impiyerno. Ang ganap ma kaginhawaan at ang dalisay na kagalakang ay di nila nalalaman (DBY, 314).

Ang pagkakaroon ng lahat ng ginto at pilak sa daigdig ay hindi makasisiya sa labis na paghahangad ng walang-kamatayang kaluluwa ng tao. Ang kaloob na Banal na Espiritu ng Panginoon lamang ang makapagdudulot ng isang mabuti, kaaya-aya, at panatag na isipan. Sa halip na maghanap ng ginto at pilak, tumingala sa kalangitan at sikaping matuto ng karunungan hanggang sa maisaayos ang mga likas na elemento para sa inyong kapakinabangan; sa oras na ito, at hindi hangga’t nangyayari ito, mauumpisahan ninyong ariin ang tunay na mga kayamanan (DBY, 305).

May hindi mabilang na dami ng ari-arian, at ginto at pilak sa ilalim at ibabaw ng lupa. Binigyan ng Panginoon ng ilan ang iba at ang iba ay ilan din—ang masasama gayon din ang mabubuti—upang makita kung ano ang gagawin nila rito, subalit ang lahat ng ito ay sa kanya. Pinagkalooban niya ng marami-rami ang mga taong ito. … . Subalit hindi ito sa atin, at ang kailangan lamang nating gawin ay pagsikapan at alamin kung ano ang nais ipagawa ng Panginoon sa taglay natin, at pagkatapos ay gawin natin ito. Kapag lumampas tayo rito, o bumaling sa kanan o kaliwa, pumapasok tayo sa isang uri ng gawain na di-naaayon sa batas. Ang talagang gawain natin ay ang sumunod sa ipinagagawa sa atin ng Panginoon sa ipinagkaloob niya at gamitin ito batay sa kanyang utos, maging ito ay ang pagbibigay ng lahat, ikasampung bahagi, o ang labis (DBY, 305).

Ang mga kalalakihan at kababaihan na nagtatangkang mapaligaya ang sarili sa pagkakaroon ng kayamanan o kapangyarihan ay hindi ito matatamo, sapagkat walang anumang bagay maliban sa Ebanghelyo ng Anak ng Diyos ang makapagpapaligaya sa mga naninirahan sa mundo, at makapaghahanda sa kanila na tamasahin ang langit dito at sa kabilang buhay (DBY, 315).

Ang pag-ibig sa salapi ay nagbubunsod ng kabiguan at pagkawala ng Espiritu.

Hindi baga ninyo nalalaman na ang pagmamay-ari ng inyong kayamanan ay katulad ng isang anino, o ng hamog sa umaga bago sumikat ang araw sa katanghalian, na hindi kayo magkakaroon ng katiyakan sa pagmamay-ari nito ni sa isang sandali! Ang di nakikitang kamay ng Maykapal ang siyang namamahala rito (DBY, 305–6).

Hindi tayo makaaasa sa katiyakan ng mga kayamanang temporal; panandalian lamang ang mga ito, at ang pananalig sa mga ito ay magsasadlak sa walang pag-asang kabiguan sa mga yaong nagtitiwala rito (DBY, 306).

Gayon na lamang pinaglalaruan ng Diyablo ang taong sumasamba sa kayamanan! (DBY, 306).

Higit akong natatakot sa pag-iimbot ng ating mga Elder kaysa mga kuyog ng impiyerno (DBY, 306).

Ang mga mapag-imbot at sakim, na nananabik na masakmal ang buong daigdig, ay di mapalagay sa lahat ng oras, at palagiang nagpaplano at nagpapakana na makuha ito, iyan, at ang iba (DBY, 306).

Matakaw ang mga tao sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig na ito. Mapag-imbot sila sa kanilang puso. Totoong ang mga bagay ng daigdig na ito ay nilayong paginhawain tayo, at nakapagpapaligaya ito sa ilang tao; ngunit ang kayamanan kailanman ay hindi makapagpapaligaya sa mga Banal sa mga Huling Araw. Ang kayamanan, sa sarili nilang kalagayan, ay hindi makapagdudulot ng pangmatagalang kaligayahan; tanging ang Espiritu lamang na nagmumula sa itaas ang makagagawa niyon (DBY, 306).

Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nag-uukol ng kanilang pansin sa paghahanap ng salapi, di naglalaon, ay pinanlalamigan ng kanilang mga damdamin tungo sa mga ordenansa sa bahay ng Diyos. Nakaliligtaan nila ang kanilang mga panalangin, umaayaw sa pagbibigay ng mga ambag; ang batas ng ikapu ay nagiging napakabigat na gawain para sa kanila; at sa wakas ay tuluyan na silang tumatalikod sa kanilang Diyos, at ang mga pagkalinga ng langit ay tila nakapinid para sa kanila—ang lahat ng ito ay dahil sa pagnanasa sa mga bagay ng daigdig na ito, na tiyak na masisira sa pagtangan, at sa paggamit sa kanila, sila ay maglalaho na mula sa atin (DBY, 315).

Ang matiyagang paggawa ay nagdudulot ng mga pag-aaring temporal at kayamanang walang hanggan.

Ang pagkakaroon ng mga bagay ng daigdig na ito ay hindi, sa katunayan, kayamanan, hindi ito kasaganaan, ito ay walang iba kundi katulad din, humigit kumulang, ng anumang karaniwan sa lahat ng tao, sa makatarungan at di makatarungan, sa Banal at sa makasalanan. Sumisikat ang araw sa masama at sa mabuti; nagpapadala ang Panginoon ng kanyang ulan sa makatarungan at di makatarungan [tingnan sa Mateo5:45]; ito ay malinaw sa ating mga paningin, at sa pang-araw-araw nating karanasan. Ang Matandang Haring Solomon, ang taong marunong, ay nagsabing, ang pag-uunahan ay hindi sa matulin, ni ang pagbabaka man ay sa malakas, ni ang mga kayamanan man ay sa mga taong marunong [tingnan sa Eclesiastes 9:11]. Ang katotohanan ng kasabihang ito ay nakikita sa pangaraw-araw nating pagmamasid. … Ang mahina, nanginginig, at kulang sa lakas ang siyang madalas na magwagi sa pakikibaka; at ang mangmang, hangal, at di marunong ay magkakamali sa kayamanan (DBY, 308).

Ang tunay na kayamanan ay binubuo ng kasanayan na lumikha ng kaluwagan at kaginhawaan mula sa mga elemento. Ang lahat ng kapangyarihan at karangalan na naidudulot ng kayamanan ay anino lamang, ang diwa ay matatagpuan sa lakas at paggawa ng milyun-milyong manggagawa. Ang paggawang naiuukol nang tama ang tunay na kapangyarihan na nagtutustos sa ating mga kagustuhan. Nagbibigay ito ng kamaharlikahan sa mga pinuno, edukasyon at mga panustos sa mga ministro ng relihiyon at pulitika, at nagtutustos sa mga kagustuhan ng libulibong milyon sa mga anak ng sanglibutan (DBY, 309).

Ang ikatlo o ikaapat na bahagi ng panahong ginugugol sa paghahanapbuhay ay magiging sapat, kung ang inyong mga paggawa ay naiuukol nang wasto. Inaakala ng mga taong yayaman sila sa pamamagitan ng paggawa nang masigasig—sa paggawa ng labing-anim na oras sa loob ng dalawampu’t apat na oras; ngunit hindi ito totoo. Ang karamihan sa ating mga kapatid ay halos wala nang panahon upang makadalo sa pagpupulong. Ang anim na araw ay labis sa kinakailangan natin para gumawa (DBY, 311).

Ito ang payo ko sa mga Banal sa mga Huling Araw ngayon. Huminto, huwag magmadali. Hindi ko alam kung makakikita ako ng isang tao sa ating pamayanan na hindi nagnanais na yumaman, magkaroon ng lahat ng bagay na magdaragdag sa kanyang kaginhawaan at kaluwagan. Alam ba ninyo kung paano ito makukuha? “Buweno,” sagot ng isa, “kung hindi ko alam, nalaman ko sana; ngunit tila hindi ako ganap na mapalad—ang mabuting kapalaran ay tila lumalayo sa akin.” Sasabihin ko sa inyo ang dahilan nito—lubha kayong nagmamadali; halos hindi na kayo nakadadalo sa pagpupulong, halos hindi na kayo nananalangin, halos hindi na kayo nakapagbabasa ng mga banal na kasulatan, halos hindi na kayo nagninilaynilay, sa lahat ng oras kayo ay tila lumilipad, at lubhang nagmamadali na hindi na ninyo malaman kung ano ang unang gagawin. Hindi ito ang paraan upang maging mayaman. Ginamit ko lamang ang salitang “mayaman” upang mahikayat ang isipan, hanggang sa matamo natin ang walang hanggang mga kayamanan sa kahariang selestiyal ng Diyos. Dito ay hinahangad natin ang kayamanan para sa puntong paghahalintulad, nagnanais tayo ng mga kaginhawaan sa buhay. Kung hahangarin natin ang mga ito, gumawa tayo ng hakbang upang matamo ang mga ito. Hayaan ninyong isalin ko ito sa isang payak na pananalita—isa sa pinakapayak at pangkaraniwan na magagamit natin—”Ihanda ang inyong mga pinggan,” upang sa pagbuhos ng lugaw ay mapuno ang mga ito. (DBY, 310).

Kapag ang [mga tao] ay kumikilos batay sa mga alituntunin na magbibigaykatiyakan sa kanila ng walang hanggang kaligtasan, nakatitiyak silang makukuha ang lahat ng hinahangad ng kanilang puso, sa malao’t madali; kung hindi ito darating nayon, maaaring bukas ito dumating; kung hindi ito dumating sa buhay na ito, darating ito sa susunod na buhay (DBY, 309).

Dapat tayong magtiwala sa sariling kakayahan at magbahagi ng ating kayamanan sa mahihirap.

Ang mahihirap ay mga tao ng Diyos, at mamanahin nila ang sanglibutan (DBY, 316).

Ang taong nagugutom at naghihikahos ay may karapatan sa aking pagkain kagaya ng sino pa mang tao, at dapat maging maligaya akong makisalamuha sa kanya, kung siya ay may mabuting puso, kagaya ng sa mga nakaririwasa, o sa mga prinsipe ng mundo. Lahat sila ay itinatangi ko, hindi batay sa kayamanan at katungkulang hinahawakan nila, kundi sa ugaling mayroon sila (DBY, 317).

Ang mga mahihirap ng Diyos ay hindi nakalilimot sa kanilang mga tipan, samantalang ang mga mahihirap ng Diyablo ay hindi nagbibigay pahalaga sa kanilang mga pangako (DBY, 317).

Maging tapat ang mahihirap, maging mapagbigay ang mayayaman, at magpanukalang makatulong sa mahihirap, upang maitayo ang Kaharian ng Diyos, at kasabay nito ay mapayaman ang kanilang sarili, sapagkat ito ang daan sa pagtatayo ng Kaharian ng Diyos (DBY, 317).

Kung makukuha ng mahihirap ang labis sa pag-aari ng mayayaman, marami sa kanila ang magwawaldas nito sa pagnanasa ng laman, at wawasakin ang kanilang mga sarili sa paggamit nito. Sa dahilang ito ay hindi hinihingi ng Panginoon sa mayayaman na ibigay ang lahat ng kanilang kabuhayan sa mahihirap. Totoong nang lumapit ang kabataang lalaki kay Jesus upang mabatid kung ano ang kailangan niyang gawin upang maligtas, sinabi niya sa kanya “ipagbili ang lahat mong tinatangkilik, at ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at pumarito ka, sumunod ka sa akin;” at ipinalalagay ng marami na sinabi niya sa kabataang lalaki na ipamigay ang lahat ng mayroon siya, ngunit hindi kinailangan ni Jesus ang ganoong bagay; ni sinabi niya ito, ngunit sinabi lamang niyang,”ipamahagi sa mahihirap” [tingnan sa Lucas 18:18–23] (DBY, 317–18).

Isang kahihiyan sa bawat lalaki at babae na may sapat na isip upang mabuhay, na hindi pangalagaan ang sarili nilang mga kamag-anak, ang sarili nilang mahihirap, at magpanukala sa kanila na gumawa ng anumang bagay na magagawa nila (DBY, 318).

Dapat nating iukol ang ating kayamanang temporal sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Para saan ang kayamanan? Para makapamahagi ng biyaya, upang makagawa ng mabuti. Samakatwid ay ipamigay natin ang mga ibinigay sa atin ng Panginoon sa pinakamainam na paggamit para sa pagtatayo ng kanyang Kaharian, para sa pagtataguyod ng katotohanan sa mundo, nang ating mamalas at matamasa ang mga pagpapala ng Sion ng Diyos dito sa lupang ito (DBY, 307).

Kung, sa pamamagitan ng kasipagan at marangal na pagnenegosyo, ay nakalikom kayo ng libu-libo o milyun-milyon, humigit kumulang, tungkulin ninyo na gamitin ang lahat ng inilagay sa inyong pagmamay-ari, sa pinakamatalinong paraang maaabot ng inyong kaalaman, upang maitayo ang Kaharian ng Diyos sa lupa (DBY, 313–14).

Kung mayroon tayong daan-daang milyong salapi at iniukol ang yamang ito sa pagtatayo ng Kaharian ng Diyos at sa paggawa ng mabuti sa kanyang mga nilalang, na may matang nakatuon sa kanyang kaluwalhatian, tayo ay may pagpapala at karapatan sa kaligtasan katulad ng sa kawawang pulubi na namamalimos sa bawat pinto; ang matapat na taong mayaman ay may karapatan sa mga paghahayag ni Cristo kagaya ng matapat na taong mahirap (DBY, 314).

Kinakailangan nating magbantay at manalangin, at maingat na pagaralan ang ating mga paglakad at pakikipag-usap, at manahan malapit sa ating Diyos, upang hindi masakal ng pag-ibig sa mundo ang mahalagang binhi ng katotohanan, at maging handa, kung kinakailangan, na ihandog ang lahat ng mga bagay, kahit na ang buhay mismo, para sa kapakanan ng Kaharian ng Langit (DBY, 314).

Maging mulat, mga tao ng Israel, at mag-ingat na hindi ninyo iibigin ang daigdig o ang mga bagay ng daigdig sa kanilang kalagayan sa kasalukuyan, at sa inyong pagkamataas at kapalaluan, ay makalimutan ang Panginoon na inyong Diyos. Huwag na nating pahahalagahan ang ginto at pilak, at ang pagmamay-aring labis na hinahangad ng masamang daigdig, kaysa lupa o graba na ating tinatapakan (DBY, 314).

Bagamat ako ay mayroong milyun-milyong salapi at pag-aari, hindi ako nito binibigyang pahintulot na hindi ko na gampanan ang tungkuling ibinigay sa akin, hangga’t may lakas at kakayahan ako, kagaya rin namang hindi binibigyang pahintulot ang pinakamahirap na tao sa pamayanan. Kung higit tayong nabibiyayaan ng kayamanan, higit tayong nabibiyayaan ng pananagutan; kung higit tayong nabibiyayaan ng karunungan at kakayahan, higit tayong inilalagay sa pangangailangang gamitin ang karunungan at kakayahang iyon sa pagpapalaganap ng pagkamatwid, ng paglupig ng kasalanan at karalitaan, at sa pagpapabuti sa kalagayan ng sangkatauhan. Ang taong may iisang talento at ang taong may limang talento ay may naaayong pananagutan [tingnan sa Mateo 25:14–30]. Kung tayo ay may mundo ng kayamanan, tayo ay may mundo ng pananagutan (DBY, 315).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Dapat nating ituon ang ating mga puso sa mga bagay ng Diyos sa halip na sa mga makamundong bagay.

  • Bakit kahangalan ang pagtutuon ng ating puso sa mga bagay ng daigdig na ito? Paano natin maitutuon ang ating mga puso sa mga bagay ng Diyos?

  • Ayon kay Pangulong Young, bakit biniyayaan ang ilan ng kayamanan? Anong mga panganib ang naghihintay sa mga nabibigong “gawin ang nais ng Panginoong gawin nila ayon sa ipinagkaloob sa kanila”? Paano ninyo malalaman kung ginagawa ninyo ang “labag sa batas na pagnenegosyo”? Anu-ano ang naging karanasan ninyo sa pagbabahagi ng inyong mga pag-aaring temporal habang sinisikap ninyong ipamuhay ang ebanghelyo?

Ang pag-ibig sa salapi ay nagdudulot ng kabiguan at pagkawala ng Espiritu.

  • Bakit ang pananalig sa kayamanang materyal ay nagdudulot ng kabiguan? Anu-anong patunay ang inyong nakikita upang ating sangayunan ang pag-aalala ni Pangulong Young tungkol sa pag-iimbot sa mga puso ng tao? Paano natin maiiwasan ang ganitong mga suliranin?

  • Ano ang nangyayari sa mga “nag-uukol ng kanilang pansin sa paghahanap ng salapi”? Paano nagpapatalikod sa tao mula sa templo, panalangin, at ikapu ang maling pagsamba sa salapi?

Ang matiyagang paggawa ay nagdudulot ng mga pagmamay-aring temporal at kayamanang walang hanggan.

  • Ano ang “tunay na kayamanan”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 6:7.)

  • Ano ang payo ni Pangulong Young sa mga yaong gumugugol nang labislabis na panahon sa pagtatangkang makalikom ng kayamanan ng mundo?

  • Ano ang kailangan nating gawin upang magtamo ng “walang- hanggang kayamanan sa kahariang selestiyal ng Diyos”?

  • Sinabi ni Pangulong Young na: “Huwag magmadali. … Hindi ito ang paraan upang yumaman.” Ano sa palagay ninyo ang ibig niyang sabihin? Paano ninyo maipamumuhay ang payo niyang ito?

Dapat tayong magtiwala sa sariling kakayahan at magbahagi ng ating kayamanan sa mahihirap.

  • Ano ang dapat nating maging saloobin tungkol sa pagtulong sa mahihirap? Ano ang hinihingi ng Panginoon mula sa mahihirap? mula sa mayayaman? (Tingnan din sa Mosias 4:16–28.)

  • Bakit higit na mahalaga ang pag-uugali kaysa kayamanang temporal?

  • Ano ang ating pananagutan sa mga kamag-anak na nangangailangan?

Dapat nating iukol ang ating kayamanang temporal sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

  • Anu-ano ang pananagutan ng mga taong tumatanggap ng kayamanang temporal?

  • Paano kapwa makapag-aambag nang may kagandahang-loob ang mayayaman at mahihirap sa pagtatayo ng kaharian? Anu-anong biyaya ang nakalaan sa mga gumagawa nito?

Salt Lake City temple under construction

Itinuro ni Pangulong Young na ang kayamanang temporal ay dapat na iukol sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.