Mga Turo ng mga Pangulo
Kabatana 36: Mga Pamahalaan sa Lupa at ang Kaharian ng Diyos


Kabatana 36

Mga Pamahalaan sa Lupa at ang Kaharian ng Diyos

Si Pangulong Brigham Young—manananakop, estadista, at unang gobernador ng Utah—ay iginalang at pinaglingkuran ang kanyang pamahalaan. Noong Hulyo 1846, habang naghahanda ang mga Banal para sa paglalakbay mula sa Iowa patungong Lambak ng Salt Lake, nakatanggap sila ng kahilingan mula sa pamahalaan ng Estados Unidos na tumulong sila sa pakikidigma laban sa Mexico. Bagama’t hindi natulungan ng pamahalaan ang mga Banal sa panahon ng kanilang mga pagsubok sa Missouri at Illinois, pinangasiwaan ni Pangulong Young ang pangangalap ng tao para sa Batalyong Mormon upang tumulong sa digmaan at ipinangako sa kalalakihan na hindi sila kinakailangang makipagdigma kung magiging maayos ang kanilang mga kilos. Natupad ang pangako. Ang pagpapalista ng Batalyong Mormon ay nagbigay din ng salapi para makatulong sa mga Banal na makapaglakbay pakanluran. Limang daang kalalakihan ang lumisan sa mga Kampo ng Israel para sa isang nakakahapong pagmartsa patungo sa California at Dagat Pasipiko. Sinabi ni Pangulong Young tungkol sa mga sundalo, “Hindi ko maiisip ang maliit na pulutong na ito ng kalalakihan nang hindi ko kasunod na maiisip na ‘Pagpalain sila ng Diyos magpakailanman.’ Ang lahat ng ito ay ginawa natin upang patunayan sa Pamahalaan na tayo ay matapat” (DBY, 476). Tuwinang hinikayat ni Pangulong Young ang mga Banal na maging matapat sa kanilang pamahalaan, na sundin ang mga batas nito, at humalal ng mga taong mabuti at matapat para sa mga katungkulang pambayan.

Mga Turo ni Brigham Young

Kinakailangang nakabatay ang mga pamahalaan sa lupa sa mga batas ng Diyos upang manatili.

Kung ang isang bansa ay lumalabag sa mabubuting batas at sumisiil sa sinuman sa mga mamamayan nito o sa ibang bansa, hanggang sa mapuno sila ng kasalanan, sa pamamagitan ng mga kilos na ganap na nasasaklawan ng kapangyarihan ng bansang ito, itataboy ng Diyos ang mga yaong may katungkulan mula sa kanilang kapangyarihan, ay sila ay makalilimutan; at kukuha siya ng ibang mga tao, bagama’t mahihirap at hinahamank, at minamata ng bantog na mga bansa, at iluluklok ang mga ito sa kapangyarihan at karunungan; at sila ay dadami at uunlad, hanggang sila sa kanilang panahon ay maging isang dakilang bansa sa lupa (DBY, 357).

Ang dakila at makapangyarihang mga kaharian ay itinaas hanggang sa tuktok ng kadakilaan ng mga tao sa pamamagitan niya, upang papangyarihin ang kanyang hindi matiyak na mga layunin, at sa kanyang kapasiyahan ay pinapawi ang mga ito hangang mawala at ganap nang makalimutan. Ang lahat ng dakilang pagbabagong ito ay nagtuturo at naghahanda sa daan upang maipakilala ang kanyang Kaharian sa mga huling panahon, na mananatili magpakailanman at lalawak sa kadakilaan at kapangyarihan hanggang sa isang banal, at pangmatagalang kapayapaan sa relihiyon at pulitika ang magpapagalak sa puso ng mahihirap sa kalipunan ng mga tao sa Isang Banal ng Israel, at ang kanyang Kaharian ay nagtatagumpay sa lahat ng dako (DBY, 357).

Ang isang pamahalaang teokrasya [ay] yaong kung saan ang mga batas ay pinaiiral at ipinatutupad sa kabutihan, at kung saan ang mga namumuno ay may kapangyarihang nagmumula sa Pinakamakapangyarihan (DBY, 354).

Kung ang Kaharian ng Diyos, o isang pamahalaang teokrasya, ay itinatag sa mundo, marami sa mga gawaing laganap sa ngayon ang mapapawi (DBY, 354).

Ang isang pamayanan ay hindi pahihintulutang makipagtunggali sa isa pa upang pilitin ito na tanggapin ang mga pamantayan nila; ang isang sekta ay hindi papayagang usigin ang isa pa dahil magkaiba ang kanilang mga paniniwalang pang-relihiyon at pamamaraan ng pagsamba. Ang bawat isa ay ganap na mapangangalagaan sa pagtatamasa sa lahat ng karapatang pang-relihiyon at panlipunan, at walang estado, walang pamahalaan, walang pamayanan, walang tao ang magkakaroon ng karapatan na labagin ang mga karapatan ng iba; ang isang Kristiyanong pamayanan ay hindi mag-aalsa upang usigin ang isa pa (DBY, 354).

Kung sinuman ang mabuhuhay na makita ang Kaharian ng Diyos na ganap nang naitatag sa lupa ay makamamalas ng isang pamahalaang mangangalaga sa bawat tao sa kanyang mga karapatan. Kung ang ganyang pamahalaan ay umiiral na ngayon … makikita ninyo ang Romano Katoliko, ang Griyego Katoliko, ang Episkopalyano, ang Presbitero, ang Metodista, ang Baptist, ang Quaker, ang Shaker, ang Hindu, ang Muslim, at bawat uri ng mga mananampalataya na ganap na napapangalagaan sa lahat ng kanilang karapatang panlipunan at sa mga tanging karapatan ng pagsamba sa kung sino, ano, at kailan nila nais, na hindi nilalabag ang mga karapatan ng iba. May tao bang sa kanyang matalinong paghatol ang maghahangad pa ng higit na dakilang kalayaan? (DBY, 355).

Paano magtatagal ang isang pamahalaang malayang nahalal? May isang tanging paraan lamang para ito magtagal. Maaari itong manatili; ngunit paano? Maaari itong manatili, kagaya ng pananatili ng pamahalaan sa langit, sa ibabaw ng bato ng katotohanan at kabutihan; at ito lamang ang tanging saligan kung saan ang anumang pamahalaan ay maaaring manatili (DBY, 355).

Ang mga namumuno ay dapat na may karunungan at integridad.

Nais ko ng isang mabuting pamahalaan, at nais ko ring mapangasiwaan ito nang may karunungan at katarungan. Ang pamahalaan ng langit, kung pangangasiwaan nang masama, ay magiging isa sa pinakamasamang pamahalaan sa balat ng lupa. Kahit na gaano man kabuti ang isang pamahalaan, hangga’t hindi ito pinamamahalaan ng matwid na mga tao, isang masamang pamahalaan ang lalabas dito (DNW, ika-3 ng Hun. 1863, 2).

Walang tao ang karapat-dapat na mamuno, mangasiwa, at mag-utos, hangga’t hindi siya … sumusunod sa batas, at pinatutunayan ang sariling karapat-dapat, sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa batas na sumasaklaw sa kanya, upang mapamatnugutan ang batas na yaon (DBY, 357).

[Ang isang mabuting pamahalaan ay nangangailangan ng isang namumuno na] may kakayahang makipagtalastasan sa abot ng pagkaunawa ng mga tao, ayon sa kanilang mga kakayahan, ng mga kaalaman sa lahat ng paksa hinggil sa makatarungang pangangasiwa ng Pamahalaan. Dapat niyang maunawaan kung anong mga tuntunin ng pangangasiwa ang pinakamainam para sa kapakinabangan ng bansa. Dapat din siyang may kaalaman at may pagkukusa sa paggamit ng kapangyarihang magtalaga, sa abot ng pagpapahintulot sa kanya ng saligang batas, upang pumili lamang ng mabubuti at mahuhusay na mga tao para sa mga katungkulan. Hindi lamang dapat niyang isakatuparan ang makatarungan at naaayon sa batas na mga kahilingan ng kanyang mga pinamumunuan, kundi dapat niya ring paliwanagin ang kanilang pag-unawa at iwasto ang kanilang pananaw. Ang lahat ng mabuting pinuno sa isang tunay na pamahalaang malayang hinalal ay walang tigil na magpupunyagi para sa pangangalaga sa karapatan ng lahat, nang walang-kinalaman ang sekta o partido (DBY, 363).

Dapat na ituon ng mga tao ang kanilang mga damdamin, at kanilang lakas, at kanilang pananampalataya, sa paghirang sa pinakamabuting tao na matatagpuan nila na kanilang maging Pangulo, kahit na siya ay kumakain ng patatas at asin lamang—isang taong hindi maghahangad na mahigitan ang mga taong nagtalaga sa kanya, bagkus ay masiyahan na mamuhay kagaya ng pamumuhay nila, na manamit kagaya ng pananamit nila, at maging isa sa kanila sa bawat mabuting bagay (DBY, 363).

Nangangailangan tayo ng mga taong magpapatakbo sa bansa na higit na magpapahalaga at lalong iibig sa kapakanan ng bansa kaysa ginto at pilak, kabantugan, at kasikatan (DBY, 364).

May tungkulin ang mga kasapi ng Simbahan na maging mga responsableng mamamayan.

Ang pamamahala sa bawat sarili ay matatagpuan sa pinakaugat ng lahat ng tunay at mabisang pamahalaan, maging sa langit man o sa lupa. … Ang pamahalaan sa mga kamay ng masasamang tao ay kinakailangang magtapos sa kalungkutan para sa mga taong yaon, ngunit sa mga kamay ng matwid ay magiging walang hanggan ito, samantalang umaabot ang kapangyarihan nito sa langit (DBY, 355).

Kung ipinamumuhay natin ang ating relihiyon, iginagalang ang ating Diyos at ang kanyang Pagkasaserdote, samakatwid ay nararapat nating igalang ang bawat mabuting pamahalaan at batas na matatagpuan sa lupa. … Sa iba’t ibang bansa, kaharian at pamahalaan sa lupa ay masusumpungan ang mga batas, ordenansa at tuntunin na siyang pinakamainam na magagawa para sa mga mortal (DBY, 358).

Tayo ba ang mga taong pulitikal? Oo, tunay na pulitikal. Ngunit sa anong partido kayo kasapi o boboto? Sasabihin ko sa inyo kung sino ang ihahalal natin: ihahalal natin ang taong magbibigay buhay sa mga alituntunin ng mga karapatang sibil at pangrelihiyon, ang taong pinakahigit ang nalalaman at may pinakamabuting puso at utak para sa isang estadista; at wala tayong pakialam kahit na isang katiting kung siya man ay kabilang sa partidong whig, demokrata, … o republikana, … o kung ano pa man. Ito ang ating pulitika (DBY, 358).

Tayo, kagaya ng lahat ng iba pang mabuting mga mamamayan, ay dapat na maghangad na magluklok ng mga tao sa kapangyarihan, na makadarama sa mga tungkulin at pananagutan sa napakaraming tao kung saan sila napapasailalim; na makadarama at makapagtatanto sa mahalagang pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanila sa pamamagitan ng tinig ng mga tao na nanawagan sa kanila na pangasiwaan ang mga batas (DBY, 362).

Sino ang nais nating iluklok sa ating mga katungkulang pambayan? Nais natin ang pinakamabuting mga tao na makikita natin na maging gobernador, pangulo at mga estadista, at para sa bawat katungkulan ng pagtitiwala at pananagutan; at kung nahalal na natin sila, ipananalangin natin sila at bibigyan ng ating pagtitiwala at impluwensiya upang ganapin ang kalooban ng Diyos at upang pangalagaan ang kanilang mga sarili at ang mga tao sa katotohanan at pagkamatwid (DBY, 358).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Kinakailangang nakabatay ang mga pamahalaang makalupa sa mga batas ng Diyos upang manatili.

  • Bakit kinakailangang nakabatay sa mga batas ng Diyos ang mga pamahalaan upang maging matagumpay? Ano sa huli ang mangyayari sa anumang pamahalaang hindi nakabatay sa mga alituntuning matwid? (Para sa mga halimbawa ng mga kalalabasang ito, gamitin ang pagbangon at pagbagsak ng mga kahariang Nephita at Lamanita sa iba’t ibang kapanahunan sa loob ng Aklat ni Mormon.)

  • Ayon kay Pangulong Young, ano ang layunin ng mga pamahalaan sa lupa? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 134:1.)

  • Paano maiiba ang lipunan kung ang isang teokratikong (pinamumunuan ng Diyos) pamahalaan ay nakatatag sa lupa? Ano ang itinuring ni Pangulong Young na pinakadakilang kalayaan na maibibigay ng isang teokratikong pamahalaan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 134:4, 7, 9.)

Ang mga namumuno ay dapat na may karunungan at integridad.

  • Anu-anong katangiang dapat mayroon ang isang namumuno sa pamahalaan? Kung ang mga namumuno sa pamahalaan ay matalino, maalam, at masigasig gumawa, bakit mahalagang magkaroon din sila ng mga katangiang kagaya ng katapatan at kabutihan?

  • Bakit ang isang magiging pinuno ay kinakailangang may karanasan na pamunuan bago siya maging karapat-dapat na mamuno? Bakit mahalaga sa mga namumuno na maipakitang naging masunurin sila sa batas?

May tungkulin ang mga kasapi ng Simbahan na maging mga responsableng mamamayan.

  • Bakit ang “pamamahala sa bawat sarili” ay mahalaga para sa tagumpay ng isang pamahalaan sa lupa? Paano ang pagiging matwid ng mga taong pinamamahalaan magkakaroon ng kinalaman sa tagumpay ng pamahalaan?

  • Bakit mahalagang bumoto kayo kapag binigyang ng tanging karapatan? Paano kayo makapagpapasiya kung sino ang ihahalal?

  • Paano ninyo maisasakatuparan ang inyong tungkulin upang maging mga responsableng mamamayan?