Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 18: Ang Pagkasaserdote


Kabanata 18

Ang Pagkasaserdote

Si Pangulong Brigham Young ay inordenan bilang isa sa orihinal na Labindalawang Apostol sa dispensasyong ito. Bilang bahagi ng biyayang ibinigay sa kanya sa kanyang ordenasyon, sinabi sa kanyang “Ang Banal na Pagkasaserdote ay iginawad sa kanya, na siya ay makagagawa ng mga himala sa ngalan ni Jesus; na siya ay makapagtataboy ng diyablo, makapagpapagaling ng maysakit, makapagpapabangon ng patay, makapagbibigay ng paningin sa bulag, magtutungo sa iba’t ibang lupain at karagatan” (HC, 2:188–89). Ipinahayag niya na ang pagkasaserdote na iginawad sa kanya ay “ganap na paraan ng pamamahala, ng mga batas at ordenansa,” na, “kapag naunawaan nang maayos,” ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mabubuti upang sila ay “talagang makapagbukas ng kaban ng mga biyaya, kaalaman at paghahayag mula sa Panginoon (DBY, 130, 131).

Mga Turo ni Brigham Young

Pinamamahalaan ng Panginoon ang kanyang gawain sa langit at lupa sa pamamagitan ng pagkasaserdote.

Kung mayroong ibig makaalam kung ano ang Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos, ito ay ang batas na kung paano ang mundo ay umiiral, umiral, at patuloy na iiral magpakailanman. Ito ang paraan ng pagkakaroon ng mga daigdig at paglalagay ng sangkatauhan sa mga ito, na nagbibigay sa kanila ng kanilang pag-ikot—kanilang mga araw, linggo, buwan, taon, ang kanilang mga panahon at oras at kung paano ito mababalumbong parang isang ikid, kunwari, at pupunta sa mas mataas na kalagayan ng pag-iral (DBY, 130).

Ang Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos, na nasa atin, ay ganap na kaayusan at paraan ng pamamahala, at ito lamang ang makapagliligtas sa sangkatauhan mula sa lahat ng kasamaang nagpapahirap sa mga kasapi nito, at tinitiyak sa kanila ang kaligayahan at kagalakan sa kabilang buhay (DBY, 130).

Ang Pagkasaserdoteng ito ay narito na sa mundo sa iba’t ibang panahon. Tinaglay ito ni Adan, tinaglay ito ni Seth, tinaglay din ito nina Enoc, Noe, Abraham at Lot, at ito ay ipinamana hanggang sa mga panahon ng mga Propeta, pagkalipas ng mahabang panahon ng mga ninuno. Ang Mataas na Pagkasaserdoteng ito ang namumuno, namamahala at nangangasiwa sa lahat ng Pagkasaserdote, sapagkat ito ang pinakamataas sa lahat (DBY, 131).

Kapag pinag-uusapan natin ang batas selestiyal na inihayag mula sa langit, iyon ay ang Pagkasaserdote, pinag-uusapan natin ang tungkol sa alituntunin ng kaligtasan, isang perpektong sistema ng pamamahala, ng mga batas at ordenansa na siyang makapaghahanda sa atin sa pagdaan mula sa isang pintuan patungo sa isa pa at mula sa isang bantay patungo sa isa pa, hanggang sa marating natin ang kinaroroonan ng ating Ama at Diyos (DBY, 130).

Hindi ang aking pagiging Quaker, Metodista o Mormon ang tunay na dahilan ng hidwaan sa pagitan nitong dalawang malalakas na kapangyarihan … si Cristo at si Belial [ang masama] ngunit ito ay sa katotohanang itinatag ng Diyos ang kanyang Kaharian sa ibabaw ng lupa at ipinanumbalik ang banal na Pagkasaserdote na nagbibigay sa mga kalalakihan ng awtoridad at kapangyarihan na mangasiwa sa ngalan niya (DBY, 76).

Ang Ebanghelyo ang nagdala sa atin ng Banal na Pagkasaserdote, na muling ipinanumbalik sa mga anak ng tao. Ang mga susi ng Pagkasaserdoteng iyon ay narito; nasa atin ang mga iyon; maaari tayong makapagbuklod at makapaghiwalay. Maaari nating makamit ang kaligtasan, at mapamahalaan natin ito (DBY, 130–31).

Kung kayo ay nasisiyahan, sa inyong mga sensitibong kapangyarihan at kakayahan, na inihayag ng Diyos ang banal na Pagkasaserdote, itinatag ang kanyang Kaharian sa ibabaw ng lupa, ipinanumbalik ang kabuuan ng Ebanghelyo, at iniunat ang kanyang kamay upang tipunin ang Sambahayan ni Israel, ito ay makasasapat na sa inyo na para bang nagtungo na rin kayo sa langit upang makita ninyo mismo (DBY, 429).

Ang batas na ito ay hindi palaging nasa mundo; at sa pagkawala nito, may ibang mga batas na ibinigay sa mga anak ng tao para sa kanilang pag-unlad, edukasyon, pamahalaan, at upang subukan kung ano ang gagawin nila kapag iniwan sila upang pangasiwaan ang kanilang mga sarili; at ang tinatawag natin ngayong tradisyon ay nagmula sa mga pangyayaring ito (DBY, 130).

Walang gawa ang Banal sa mga Huling Araw—walang kinakailangang tungkulin, walang panahong ibinibigay, na tangi at hindi umaasa sa Pagkasaserdote. Ang lahat ay saklaw nito, kahit na sa pangangaral, hanapbuhay, o ano mang gawa na may kinalaman sa wastong pamamahala ng buhay na ito. (DBY, 133).

Hindi pahihintulutan ng Makapangyarihang Panginoon na muling maalis ang Pagkasaserdote mula sa lupa (DBY, 131).

Kapag ang matatapat na Elder, na humahawak ng Pagkasaserdoteng ito, ay nagtungo sa daigdig ng mga espiritu dala-dala pa rin nila ang gayunding kapangyarihan at Pagkasaserdote na dati nilang taglay habang nasa mortal na tabernakulo (DBY, 132).

Marami na ang nasabi tungkol sa kapangyarihan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang mga tao bang tinatawag na mga Banal sa mga Huling Araw ang may ganitong kapangyarihan, o ito ba ay ang Pagkasaserdote? Ito ang Pagkasaserdote; at kung sila ay namumuhay ayon sa Pagkasaserdoteng iyan, maaari nilang simulan ang kanilang gawain dito at umani ng maraming tagumpay, at maging handa sa pagtanggap ng kaluwalhatian, kawalang kamatayan, at buhay na walang hanggan, na kapag nagtungo sila sa daigdig ng mga espiritu, lubusan nilang malalagpasan ang gawain ng kahit sinong tao o nilalang na hindi nabiyayaan ng mga susi ng Pagkasaserdoteng ito(DBY, 131–32).

Ang mga susi ng Pagkasaserdote “ay nakapagbubukas sa kaban ng mga biyaya, kaalaman at paghahayag mula sa Panginoon.”

Ang Pagkasaserdote ay ibinibigay sa mga tao at ang mga susi nito, at, kapag naunawaan nang tama, tunay nilang mabubuksan ang kaban ng mga biyaya, kaalaman, at paghahayag mula sa Panginoon, at matatanggap ang kanilang lubos na kasiyahan. Ngunit sa pamamagitan ng ating sariling kahinaan, kapusukan ng likas sa tao, ay wala tayong kakayahang magawa ito (DBY, 131).

Nawasak ba nila ito nang pinaslang nila si Joseph? Hindi. Ang “Mormonismo” ay narito, ang Pagkasaserdote ay narito, ang mga susi ng Kaharian ay narito sa lupa; at nang lumisan si Joseph, hindi nangawala ang mga ito. At kung ang masasama ay magtatagumpay sa pagkitil sa aking buhay, mananatili ang mga susi ng Kaharian sa Simbahan (DBY, 134).

Ang mga ordenansa ng bahay ng Diyos ay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Tayo lamang sa mundo sa kasalukuyan, ang alam naming nagtataglay ng mga susi ng kaligtasan na nakalaan sa mga anak ng tao mula sa kalangitan na galing sa Makapangyarihang Panginoon, at dahil sa may mga humahawak sa mga susing ito, mahalagang gamitin ang mga ito para sa kaligtasan ng buong sangkatauhan. Ang pagtatayo ng mga templo, mga lugar kung saan pinangangasiwaan ang mga ordenansa ng kaligtasan, ay kailangan sa pagpapatupad ng plano ng pagtubos, at ito ay maluwalhating paksa na maaaring sabihin sa mga Banal (DBY, 396–97).

Nagsasabi tayo ng katotohanan at hindi nagsisinungaling. Kung sinuman ang naniniwala na si Joseph Smith, Jr., ay isang propetang ipinadala ng Diyos, at inordenan niya upang tanggapin at hawakan ang mga susi ng banal na Pagkasaserdote, na alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos, at kapangyarihang itaguyod ang Kaharian ng Diyos sa ibabaw ng lupa, upang tipunin ang Sambahayan ni Israel, patnubayan ang lahat ng naniniwala at sumusunod sa pagtubos, ibalik ang mga nangawala dahil sa paglabag … ang sinumang naniniwala dito, naniniwala sa Panginoon, at sumusunod sa kanyang mga kautusan, hanggang sa huling sandali ng kanilang mga buhay, ang kanilang mga pangalan ay hindi mabubura sa aklat ng buhay ng Kordero, at sila ay tatanggap ng mga korona ng kaluwalhatian, kawalang kamatayan, at buhay na walang hanggan (DBY, 5).

Ang pagtanggap at paggamit sa kapangyarihan ng pagkasaserdote ay nangangailangan ng personal na pagkamatwid.

Ang indibiduwal na nagtataglay ng Pagkasaserdote, na patuloy na tapat sa kanyang tungkulin, patuloy na nasisiyahan sa paggawa ng mga bagay na hinihiling sa kanya ng Diyos, at habang buhay na patuloy sa pagganap sa bawat tungkulin ay makakamit hindi lamang ang pagkakataong tumanggap, kundi ang kaalaman kung paano matatanggap ang mga bagay tungkol sa Diyos, upang patuloy na malaman ang kaisipan ng Diyos; at kanyang malalaman ang tama sa mali, ang mga bagay ng Diyos at ang mga bagay na hindi sa Diyos. At ang Pagkasaserdote … ang Espiritung nasa kanya, ay magpapatuloy na lalago hanggang sa ito ay maging katulad ng balon ng tubig na buhay; hanggang sa ito ay maging katulad ng isang puno ng buhay; hanggang sa ito ay maging isang patuloy na pinagmumulan ng karunungan at tagubilin sa indibiduwal na iyon (DBY, 132).

Ang mga kalalakihang nagtataglay ng banal na Pagkasaserdote, na pinagkakatiwalaan ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa mundo, ay dapat patuloy na magsumikap sa kanilang mga salita at kilos at araw-araw na gumawa ng karangalan para sa dakilang dangal ng kanilang tungkulin bilang mga ministro at kinatawan ng Kataas-taasan (DBY, 130).

Kapag ang banal na Pagkasaserdote ay nasa ibabaw ng lupa, at ang kabuuan ng Kaharian ng Diyos ay nasa tao, ito ay nangangailangan ng mahigpit na pagsunod sa bawat punto ng batas at doktrina at sa bawat ordenansa na inihahayag ng Panginoon (DBY, 132).

Kung ang inyong pananampalataya ay nakatuon sa tamang bagay, ang inyong pagtitiwala ay matatag, ang inyong mga buhay ay dalisay at banal, ang bawat isa ay gumaganap sa tungkulin ayon sa Pagkasaserdote at sa kakayahang iginawad sa inyo, kayo ay mapupuspos ng Espiritu Santo, at magiging imposible sa kahit sino ang dayain at dalhin kayo sa kapahamakan kagaya ng balahibong nananatiling hindi natutupok sa gitna ng matinding init (DBY, 132).

Hangga’t hindi nawawala sa ating mga isipan ang makasariling interes, at tayo ay maging interesado sa pangkalahatang kapakanan, hindi natin kailanman lubusang magagampanan ang ating banal na Pagkasaserdote na tulad ng dapat mangyari (DBY, 133).

Ang banal na pagkasaserdote ay nagdudulot ng mga sagradong biyaya sa mga indibiduwal at mag-anak.

Ipinanumbalik na muli ang Pagkasaserdoteng ito, at sa awtoridad nito ay maiuugnay tayo sa ating mga ninuno, sa pamamagitan ng ordenansa ng pagbubuklod, hanggang sa ganap nating mabuo ang tanikala mula sa Amang Adan hanggang sa katapusan ng mundo [tingnan ang Doktrina at mga Tipan 128:18] (DBY, 400). Ako ay nagsusumamo sa mga Elder ng Israel araw-araw, kapag ako ay may pagkakataon, na ipamuhay nila ang kanilang relihiyon—mamuhay upang patuloy nilang makasama ang Espiritu Santo; at sila ay magiging karapat-dapat bilang mga hukom sa Israel, mamuno bilang mga Obispo, namumunong mga Elder, at mga kasapi ng Mataas na Kapulungan at bilang mga tauhan ng Diyos, at aakayin nila ang kanilang mga mag-anak at kaibigan sa landas ng katotohanan at kabutihan, at sa bandang huli sa Kaharian ng Diyos (DBY, 136–37).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Pinamamahalaan ng Panginoon ang kanyang gawain sa langit at lupa sa pamamagitan ng pagkasaserdote.

  • Sang-ayon kay Pangulong Young, ano ang pagkasaserdote? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 84:17–22.)

  • Paano nasasaklaw ng pagkasaserdote ang lahat ng ating ginagawa “tungkol sa wastong pamamahala ng buhay na ito”? Paano ito makaaapekto sa inyong mga kilos sa tahanan, sa simbahan, sa paaralan, at sa trabaho?

  • Ano ang ipahihintulot ng pagkasaserdote na gawin ng mga tapat na elder sa daigdig ng mga espiritu?

  • Paano tayo, bilang mga kasapi ng Simbahan, mamumuhay ayon sa mga alituntunin at orden ng pagkasaserdote? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:38–60.) Ano ang naging impluwensiya ng pagkasaserdote sa inyong buhay? Paano ninyo magagawang mas mabisa ang impluwensiya at kapangyarihan ng pagkasaserdote sa inyong buhay at sa buhay ng inyong mag-anak?

Ang mga susi ng pagkasaserdote ay “nakapagbubukas ng kaban ng mga biyaya, kaalaman, at paghahayag mula sa Panginoon.

  • Bakit hindi iniwan ng mga susi ng pagkasaserdote ang Simbahan nang mamatay ang Propetang si Joseph Smith?

  • Paano “nabubuksan” ng mga susi ng pagkasaserdote “ang kaban ng Panginoon,” at nagdudulot ng kaligtasan sa sangkatauhan?

  • Ano ang itinuro ni Pangulong Young tungkol sa mga susi ng Pagkasaserdote? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:18–20, 35; 132:7.) Ano ang pinahihintulutan ng mga susing iyon na gawin ng mga lingkod ng Panginoon?

Ang pagtanggap at paggamit ng kapangyarihan ng pagkasaserdote ay nangangailangan ng personal na pagkamatwid.

  • Paano maiimpluwensiyahan ng personal na buhay ng nagtataglay ng pagkasaserdote ang kanyang kakayahang gumanap sa pangalan ng Panginoon? Bakit napakahalaga ng personal na pagkamatwid? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 107:99–100; 121:41–46.)

  • Paano maigagalang ng “mga kalalakihan na nagtataglay ng banal na Pagkasaserdote” ang kanilang katungkulan at tungkulin? Anong mga biyaya ang dumarating sa mga kasapi na tumutupad sa kanilang mga tungkulin?

  • Paano hindi magkatugma ang pagkamakasarili at ang kapangyarihan ng Pagkasaserdote? Bakit kailangan nating alisin ang pagiging makasarili kung ating gagampanang mabuti ang pagkasaserdote? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 121:37.) Sa anong mga paraan isang problema sa atin ang pagkamakasarili sa panahong ngayon? Paano natin mapaglalabanan ang pagkamakasarili?

Ang banal na pagkasaserdote ay nagdudulot ng mga sagradong biyaya sa mga indibiduwal at mag-anak.

  • Paano biniyayaan at pinatibay ng pagkasaserdote ang inyong mag-anak? Bakit napakahalaga ng kapangyarihan ng pagkasaserdote sa pagbuo ng mga walang hanggang mag-anak? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 128:18; 131:1–4; 132:19.)

  • Ano ang maaaring gawin ng mga nagtataglay ng Pagkasaserdote upang “akayin ang kanilang mga mag-anak at kaibigan at samahan sila sa landas ng katotohanan at kabutihan”?

leadership of the Church in 1853

Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol noong taong 1853.