Kabanata 11
Pagpili na Maging Masunurin
Pinamahalaan ng Pangulong Brigham Young ang paglalakbay ng libulibong Banal sa Sion, kadalasa’y nagbibigay ng maliliit at detalyadong tagubilin gaya ng hindi pagsasama sa pamatok ng mga pagod na hayop sa mga nakapagpahinga na. Gayunpaman, binigyan rin niya ng lakas ng loob ang mga Banal na magpakita ng masiglang pagtitiwala sa sariling kakayahan at gumawa ng matalinong mga pagpili. Siya ay nagpayo: “Lubos na kinakailangan ng bawat lalaki, babae, at bata na yumayakap sa gawaing ito at nagtitipon sa Sion na gawin ang kanilang magagawa tungo sa pagsulong ng gawain ng Diyos sa pagtatayo ng Sion, at tumulong sa pagtubos nito. … Ang ating sigasig sa gawaing ito … ay maaaring makapagbigay ng lakas at pagtitiwala sa sariling kakayahan sa mga Banal na hindi sana nila nakamit, kung hindi sila napilitang nagtiwala sa kanilang mga sariling kakayahan” (LL, 220–21). Itinuro ng Pangulong Young na “ang tanging sakripisyo na hiniling ng Panginoon sa kanyang mga tao ay ang mahigpit na pagsunod sa ating mga sariling tipan” (DBY, 225)
Mga Turo ni Brigham Young
Mayroon tayong kalayaang pumili ng mabuti o masama, ngunit hindi natin maaaring piliin ang mga kahihinatnan ng ating mga pagpili.
Lahat ng nakapangangatwirang nilalang ay may sariling kalayaang pumili; at ayon sa kanilang sariling pagpili sila ay maliligtas o mapapahamak (DBY, 62).
Nauunawaan kaya ng mga tao na kinakailangan nilang maranasan ang magkakasalungat na alituntunin, kung hindi, ang ating kalagayan ay hindi magiging pansamantala, at hindi tayo magkakaroon ng pagkakataon na magamit ang kalayaang pumili na ibinigay sa atin? Nauunawaan kaya nila na hindi natin makakamit ang buhay na walang hanggan kung hindi natin malalaman at mauunawaan sa pamamagitan ng ating karanasan ang alituntunin ng kabutihan at alituntunin ng kasamaan, ang liwanag at dilim, katotohanan, kabutihan, at kabanalan, gayundin ang bisyo, kasamaan, at kabulukan? (DBY, 66).
Magagawa at masusupil ng tao ang kanyang mga sariling kilos, ngunit hindi niya mapipigil ang mga resulta nito (DBY, 63).
Walang sinuman sa mundo ang walang sariling kakayahan na iligtas o sirain ang kanyang sarili; at gayon din ang mga bansa (DBY, 67).
May mga limitasyon sa kalayaang pumili, at sa lahat ng bagay at sa lahat ng nilalang, at kailangang hindi makahadlang sa batas na iyon ang ating kalayaang pumili. Ang tao ay kailangang pumili ng buhay o kamatayan [tingnan sa Helaman 14:31], at kung pipiliin niya ang kamatayan makikita niyang siya ay walang kalayaan, at ang ibinigay sa kanyang kalayaang pumili ay nakatali at hindi niya ito magagamit sa pagsalungat sa batas, nang hindi siya nanganganib na maituwid at maparusahan ng Pinakamakapangyarihan. (DBY, 63).
Maaaring ipamigay ng tao ang kanyang kalayaang pumili o ang kanyang karapatan sa pagkapanganay, gaya ng ginawa ni Esau noong unang panahon, ngunit kapag naitapon na, hindi na niya ito makakamit muli; kaya, kinakailangan nating maging maingat, at nang hindi mawala ang kalayaang pumili na ibinigay sa atin. Ang kaibahan sa mabuti at makasalanan, buhay na walang hanggan at kamatayan, kaligayahan o kapighatian, ay ito, walang hangganan ang mga karapatan ng mga dinakila o limitasyon, nadaragdagan ang mga biyaya, at walang katapusan ang kanilang mga kaharian, trono, pamunuan at kapangyarihan, ang mga ito ay madaragdagan hanggang sa walang hanggan; ngunit ang mga tumatalikod sa mungkahi, ang humamak sa inihahandog na awa ng Panginoon, at inihahanda ang kanilang sarili na mawala sa kanyang harapan, at makasama ng diyablo, ay kaagad na nililimitahan ang kanilang kalayaang pumili, at nilalagyan ng hangganan ang kanilang mga pagkilos. (DBY, 63–64).
Hindi pinipilit ng Panginoon ang sinuman na yakapin ang ebanghelyo, at sa palagay ko ay hindi sila pipiliting sundin ito pagkatapos nila itong yakapin (DBY, 64).
Binigyan sila ng tanging karapatang pumili para sa kanilang sarili, ito man ay mabuti o masama; ngunit ang resulta ng ating pagpili ay nasa kanyang kamay pa rin (DBY, 62).
Ang walang hanggang batas kung saan siya at ang iba pang nabubuhay sa kawalanghanggan ng mga Diyos ay nag-uutos na ang pagsang-ayon ng nilalang ay kailangang makamit bago makapag-hari ng ganap ang Lumalang (DBY, 65).
Hindi ko pipilitin ang lalaki o babae na pumunta sa langit. Akala ng nakararami ay mapipilit nila ang tao na mapunta sa langit, ngunit ito ay hindi kailanman maaaring gawin, sapagkat ang karunungang nasa atin ay kasing-laya na tulad ng mga Diyos. Ang mga tao ay hindi dapat pilitin at mailalagay ninyo sa napakaliit na lugar ang lahat ng mga kaluluwa ng mga anak ng tao na pinilit na mapunta sa langit sa pamamagitan ng pananakot tungkol sa apoy ng impiyerno (DBY, 64).
Maaari mong malaman kung ikaw ay patungo sa tama o mali, gaya ng iyong kaalaman sa pag-uwi sa iyong tahanan; sapagkat sa bawat alituntunin na inihayag ng Diyos ay naroon ang katiyakan na ito ay totoo sa isip ng tao, at walang tungkulin ang Diyos sa tao sa mundo na hindi dala-dala ang pagpapatunay ng pagiging totoo nito (DBY, 65).
Masasabi ba natin na ang tao ay pinagkakaitan ng kanyang karapatan, dahil pinili niya sa kanyang puso na sundin ang kalooban ng Diyos? Kailangan ba na sumumpa ang tao upang mapatunayang mayroon siyang kalayaang pumili? Pinaninindigan kong hindi kinakailangan ito, kahit na sa pagnanakaw kahit na sa anumang kamalian. Maipakikita ko sa kalangitan at sa mga nilalang sa mundo na ako ay isinilang na malaya, at mayroong kalayaan sa harap ng Diyos, mga anghel at mga tao, kapag ako ay lumuluhod upang manalangin, walang dudang tulad lang ng kung ako ay lalabas at susumpa. Mayroon akong karapatang sama-sama tawagin ang aking mag-anak sa anumang oras upang manalangin at ako ay naniniwala na ang ganitong hakbang ay nagpapatunay na ako ay malayang makapipili, katulad nang kung ako ay magnanakaw, susumpa, magsisinungaling, at malalasing (DBY, 64).
Sa pagiging sobrang masunurin, tayo ba ay ginagawang mga alipin? Hindi, ito lamang ang tanging paraan sa ibabaw ng lupa upang kayo at ako ay maging malaya … Ngayon upang sabihin na hindi ako makikinabang sa malayang pagpapahayag ng sariling kagustuhan gaya ng kung ako ay nananalangin at kung ako ay magmumura, ay maling panuntunan … Ang taong umaayon sa mahigpit na pagsunod sa mga hinihingi ng Langit, ay kumikilos ayon sa kanyang malayang pagpapahayag sa sariling kagustuhan at ginagamit ang kanyang kalayaan katulad rin ng kapag siya ay alipin ng silakbo ng damdamin … Ang tanging hinihiling lang ng Panginoon sa atin ay ang mahigpit na pagsunod sa mga batas ng buhay. Ang tanging sakripisyong hinihiling ng Panginoon sa kanyang nilalang ay ang mahigpit na pagsunod sa ating sariling mga tipan na ating ginawa sa ating Diyos, at ito ay ang paglingkuran siya ng buong puso (DBY, 225).
Ang pagsunod sa katotohanan ang magiging dahilan upang tayo ay manirahan sa kinaroroonan ng Pinakamakapangyarihan.
Ang pagsunod ay isa sa pinakamadaling unawain, pinakapangkaraniwan at praktikal na mga alituntunin na inyong maiisip o malalaman tungkol sa anumang bagay (DBY, 220).
Pinagpapala silang mga sumusunod kapag nagbibigay ng direktang kautusan ang Panginoon, ngunit mas pinagpapala silang mga sumusunod ng walang direktang pag-uutos (DBY, 220).
Kung makikinig tayo sa payo, tayo ay magiging pinakamahusay na tao sa mundo; tayo ay magiging kasing liwanag ng ilaw na inilagay sa burol, na hindi maitatago, o parang kandila sa kandelero (DBY, 219).
Kung nais ninyong matanggap at matamasa ang kabutihan ng Ama sa Langit, gawin ang kanyang kalooban (DBY, 223).
Kung ang mga puso natin ay puno ng Espiritu ng katotohanan, ng Espiritu ng Panginoon, kahit na ano ang totoong mga salita mula sa langit, kapag nagsalita ang Diyos, lahat ng kanyang nasasakop ay dapat sumigaw ng, “Aleluya! purihin ang Diyos! Handa tayong tanggapin ang mga salitang iyon, sapagkat ang mga iyon ay tama” (DBY, 219).
Gaano ko minimithing makita ang mga kasapi ng simbahan, kapag narinig nila ang mga salita ng katotohanan na dadaloy sa kanila, handang tanggapin ang mga salitang iyon sapagkat ang mga ito ay ganap na angkop sa kanilang mga damdamin, at bawat kaluluwa ay nagsasabi, “Ang mga salitang iyon na may katangian ng Espiritu na nasa akin; ay aking kagalakan, aking pagkain, at aking inumin; ang mga iyon ay mga batis ng buhay na walang hanggan. Angkop nga sila talaga, sa halip na salungat sa aking mga damdamin” (DBY, 219).
Kung kayo ay palaging titigil at sasabihing, wala akong maipayo sa inyo, wala akong maisasagot sa inyo sa paksang ito, sapagkat wala akong nadaramang Espiritu, at nanaising malaman ng mundo na kayo ay ignorante kapag kayo ay mas ignorante, mabilis kayong magiging matalino kaysa magbigay ng payo sa sarili ninyong paghuhusga, nang wala ang Espiritu ng paghahayag (DBY, 219).
Bawat tao sa Kaharian ng Diyos ay magbibigay ng parehong payo sa bawat paksa, kung siya ay maghihintay hanggang mapasakanya ang pagiisip ni Cristo. At lahat ay magkakaroon ng iisang salita at isipan, at lahat ng tao ay lubos na magkakaunawaan (DBY, 219).
Ang mga taong ito ay kinakailangang magkaroon ng iisang puso at iisang isipan. Kailangang malaman nila ang kalooban ng Diyos at gawin ito, sapagkat ang malaman ang kalooban ng Diyos ay isang bagay, at ang ipasailalim ang ating mga kagustuhan, ating mga niloloob, doon sa mga bagay na ating nauunawaang kalooban ng Diyos ay iba namang bagay (DBY, 221).
Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nakikinig sa mga salita ng Panginoon, na ibinibigay sa kanila tungkol sa kanilang pampulitika, panlipunan, at pananalaping kapakanan, sinasabi ko, at sinasabi ko nang tahasan, na magkakaroon sila ng karunungang labis na nakahihigit sa katalinuhan ng mga anak ng kadiliman, o mga anak ng mundong ito. Alam ko ito sa pamamagitan ng paghahayag ng Panginoong Jesucristo, at sa resulta ng aking sariling mga gawa. Sila na nakinig sa mga payong ibinigay sa kanila tungkol sa pansamantalang bagay, ay tuluyang napabuti ang kanilang temporal at espirituwal na katayuan (DBY, 219–20).
Lahat ng tumatanggap ng buhay na walang hanggan at kaligtasan ay tatanggapin ito ng walang ibang pasubali maliban sa paniniwala sa Anak ng Diyos at sa pagsunod sa mga alituntunin na kanyang inihayag. Makagagawa ba tayo ng iba pang paraan at plano ng kaligtasan? Hindi natin magagawa (DBY, 223–24).
Ang pinakamabisang paraan upang itatag ang relihiyon ng Langit ay ipamuhay ito, kaysa magpakamatay dito: Palagay ko ay ligtas kong sabihin na marami sa mga Banal sa mga Huling Araw ang mas nanaising mamatay para sa kanilang relihiyon kaysa ipamuhay ito ng tapat. Walang ibang katibayang maipakikita sa Diyos, mga anghel, at mga tao, na ang tao ay matapat na ipinamumuhay ang kanilang relihiyon, maliban sa tunay na pagsisisi ng kanilang mga kasalanan, pagsunod sa batas ng pagbibinyag para sa paghuhugas ng mga kasalanan, at patuloy na paggawa ng kabutihan araw-araw (DBY, 221).
Sa palagay ba ninyo ang tao ay susunod sa katotohanan dahil ito ay totoo, maliban kung mahal nila ito? Hindi, hindi nila gagawin. Ang katotohanan ay sinusunod kung ito ay minamahal. Ang mahigpit na pagsunod sa katotohanan ang tanging makapagdudulot sa tao na makapamuhay sa piling ng Pinakamakapangyarihan.
Mayroon bang partikular na kasanayan upang gawing masunurin ang mga taong ito? Mayroon lamang na isa. Kung kayo, mga Elder ng Israel, ay matututuhan ang kasanayan sa pagtuturo ng Espiritu Santo sa mga puso ng mga tao, magkakaroon kayo ng mga masunuring tao. Ito lamang ang kasanayang kailangan. Turuan ang mga tao ng katotohanan, turuan sila ng mga tamang alituntunin; ipakita sa kanila kung ano ang pinakamabuti sa kanila at sa palagay ninyo ba ay hindi sila susunod sa daang iyon? Susunod sila (DBY, 226).
Natututuhan nating sumunod nang kusang loob at tiisin ang mga kaparusahan kapag tinatanggap natin ang Espiritu ng Katotohanan.
Ang mga Banal na ipinamumuhay ang kanilang relihiyon ay dadakilain, dahil hindi nila kailanman ipagkakaila ang anumang paghahayag na ibinigay o ibibigay ng Panginoon, bagamat, kapag may doktrinang dumarating sa kanila na hindi nila maunawaan nang lubusan, maaaring marinig silang nagsasabi ng, “Ipinadadala ito ng Panginoon sa akin, at idinadalangin ko na ako ay kanyang ililigtas at pangangalagaan sa pagtanggi ng anumang nanggaling sa kanya, at bibigyan ako ng tiyaga na makapaghintay hanggang sa maunawaan” ko ito (DBY, 224).
Ang ganitong tao ay hindi kailanman magtatanggi, kundi papayagang manatili ang mga paksang hindi nila maunawaan, hanggang sa mabuksan ang mga pananaw ng kanilang mga isipan. Ito ang daan na walang-salang ipinagpapatuloy ko, at kapag may dumating na hindi ko maunawaan, manalangin ako hanggang maunawaan ko ito (DBY, 224).
Huwag tanggihan ang anumang bagay sapagkat ito ay bago o kakaiba, at huwag tuyain o aglahiin ang anumang dumarating mula sa Panginoon, sapagkat kung ito ay gagawin natin, inilalagay natin sa panganib ang ating kaligtasan (DBY, 224).
Naniniwala akong impiyernong hindi matitiis para sa tao, mag-anak o taong nag-iisa, na magsikap na hawakan ang katotohanan sa isang kamay, at kamalian sa kabila, na magpahayag ng pagiging masunurin sa mga ipinag-uutos ng Diyos, samantalang, nakikiisa sa damdamin at gawain ng masasama (DBY, 223).
Ipinadala ng Panginoon ang kanyang mga batas, kautusan, at ordenansa sa mga anak ng tao, at hilingin na mahigpit na sundin ang mga ito, at hindi natin nais na suwayin ang mga batas na iyon, kundi sundin ang mga ito. Hindi natin nais na baguhin ang kanyang mga ordenansa, kundi sundin ang mga ito; hindi natin nais na labagin ang walang hanggang tipan, kundi sundin ito na kasama ng ating mga ninuno, ni Hesus, ng ating Ama sa Langit, ng mga banal na anghel, at mamuhay nang naaayon sa mga ito (DBY, 220)
Paano natin malalaman na sinusunod natin siya? Mayroon lamang isang paraan kung paano natin malalaman ito, at ito ay sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu ng Panginoon na nagpapatunay sa ating Espiritu na tayo ay kanya, na mahal natin siya, at mahal niya tayo. Sa pamamagitan ng espiritu ng paghahayag nalalaman natin ito. Walang magpapatunay sa ating sariling kalooban, kung wala ang espiritu ng paghahayag. Walang magpapatunay sa panlabas, maliban sa pagsunod sa mga ordenansa (DBY 224).
Hindi maglalaon, ang anumang bagay na may bahid ay mawawala; maging ito man ay nasa pananampalataya at gawi ng indibiduwal, bayan, bansa, o pamahalaan. Ang kaharian, pamunuan, kapangyarihan o taong iyon na hindi pinamamahalaan ng mga alituntunin na dalisay at banal ay kailangan ring pumanaw at mawala sa kalaunan.
Kapag ang kaligtasan ay ibinibigay sa akin, maaari kong tanggihan o tanggapin ito. Sa pagtanggap dito, tinitiyak ko ang lubusang pagsunod at pagsuko sa dakilang May-akda sa buong buhay ko, at sa mga hihirangin niya upang turuan ako; sa pagtanggi dito, sinusunod ko ang dikta ng aking sariling kalooban nang higit sa kalooban ng aking Lumikha (DBY, 390).
Binigyan tayo ng Diyos ng kalooban, at dapat tayong masiyahan na ito ay makontrol ng kalooban ng Pinakamakapangyarihan (DBY, 264).
Tayo bilang tao, ay parurusahan hanggang lubos nating maisuko ang ating mga sarili sa Panginoon at maging tunay na mga Banal (DBY, 226).
Alam ko na mahirap tumanggap ng kaparusahan, sapagkat walang kaparusahan ang nakalulugod, ngunit nakalulungkot sa oras na ito ay ibinibigay [tingnan sa Mga Hebreo 12:11]; ngunit kung tatanggapin ng tao ang kaparusahan at mananalangin upang mapasakanya ang Banal na Espiritu, nang mapasakanyang puso ang Espiritu ng katotohanan, at mananganan sa nakalulugod sa Panginoon, bibigyan siya ng Panginoon ng biyaya upang matiis ang kaparusahan, at siya ay susuko dito at tatanggapin ito, nalalaman na ito ay para sa kanyang kabutihan (DBY, 227).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Mayroon tayong kalayaang pumili ng mabuti o masama ngunit hindi natin maaaring piliin ang mga kahihinatnan ng ating mga pagpili.
-
Bakit “tunay na kinakailangang maranasan ang magkakasalungat na alituntunin” ng mga anak ng Diyos at magkaroon sila ng “sariling kalayaang pumili”?
-
Itinuro ng Pangulong Young na “magagawa at masusupil ang kanyang mga sariling kilos, ngunit hindi niya mapipigil ang mga resulta nito” (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 101:78.) Sa anong mga paraan inaangkin ng ilang tao ang kalayaan sa pagpili habang sinusubukang iwasan ang mga kahihinatnan ng kanilang mga pagpili?
-
Paano inilalarawan ng Pangulong Young ang “kaibahan sa pagitan ng mabuti at makasalanan”? Paano natin maaaring malimitahan o malagyan ng hangganan ang ating kalayaang pumili? Itinuro ng Pangulong Young na ang “dinakila” ay “walang hangganan o limitasyon sa kanilang mga karapatan.” Paano tunay na makadaragdag sa ating kalayaan ang mahigpit na pagsunod?
-
Bakit hindi “pipilitin ng Diyos ang sinumang tao na yakapin ang Ebanghelyo … [o] ipamuhay ito pagkatapos nila itong yakapin”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:22–25, 32.)
-
Bakit binibigyang-diin ng Pangulong Young na ang pagsunod at pagsuway ay kapwa pagsasagawa ng malayang pagpili? Bakit ang “mahigpit na pagsunod ang tanging paraan sa ibabaw ng lupa upang kayo at ako ay maging malaya? (Tingnan din sa Mosias 2:22–24.)
Ang pagsunod sa katotohanan ang magiging dahilan upang tayo ay manirahan sa kinaroroonan ng Pinakamakapangyarihan.
-
Bakit ang pagsunod ay “isa sa pinakamadaling unawain, pinakapangkaraniwan at praktikal na mga alituntunin”? Bakit nagiging dahilan ang pagsunod upang “matanggap at matamasa ang kabutihan ng ating Ama sa Langit”?
-
Ano ang ibig sabihin nang maging “iisang puso at iisang kaisipan”? Paano tayo natutulungan ng pagiging masunurin na gawin ito?
Natututuhan nating sumunod nang kusang loob at tiisin ang mga kaparusahan kapag tinatanggap natin ang Espiritu ng Katotohanan.
-
Ayon sa Pangulong Young, ano ang tungkulin natin kapag hindi natin nauunawaan ang doktrina o paghahayag? (Tingnan din sa Ecclesiastes 12:13; Juan 7:17; Ether 12:6; Doktrina at mga Tipan 11:20.)
-
Paano natin malalaman kung tayo ay masunurin sa kalooban ng Diyos at paano natin maituturo ang pagkamasunurin?
-
Paano makatutulong sa atin na maging lalong katulad ng Tagapagligtas ang ating kahandaang ipasailalim ang ating kalooban sa kalooban ng Makapangyarihan? Ano ang ibig sabihin ng “lubusang maisuko ang ating sarili sa Panginoon”?
-
Ang pagpaparusa ay pagtutuwid at pagdalisay. Bakit kadalasan ay mahirap tanggapin ang parusa? (Tingnan rin sa Mga Hebreo 12:11.) Ano ang itinuro ng Pangulong Young tungkol sa kung paano natin matitiis ang parusa? Ano nag kahihinatnan ng pagpaparusa?