KABANATA 28
Pagsasanay ng Pagtitimpi sa Sarili
Natutuhan ni Pangulong Brigham Young sa pamamagitan ng karanasan na ang pamumuno patungo sa Sion sa mga taong may matigas at kadalasan ay malayang mga pag-iisip ay nagdulot ng mga sandali ng tagumpay at matinding pagkayamot. Noong 1848, ang pulutong ng mga bagon ng 2,000 mga Banal na kanyang pinamunuan ay nakasalubong ng isang kawan ng bupalo. Bagama’t nagtalaga si Pangulong Young ng mga mangangaso sa kampo upang mamaril ng sapat lamang na bupalo upang magkaroon ng karne ang mga manlalakbay, may ibang kalalakihan na umalis sa kanilang mga pangkat upang habulin ang mga hayop sa buong maghapon, at pinagbabaril ang marami sa mga ito at iniwan ang mga patay na bupalo sa parang upang masayang lamang. Pinagalitan niya ang mga tao sa ginawa nilang hakbang [tingnan sa JTB.]. Kinalaunan ay sinabi niyang, “Matutong pamahalaan ang inyong mga sarili” (DNW, ika-15 ng Agosto 1860, 1). Agosto 1860, 1). “Pagpalain ang inyong mga sarili at mga kaibigan sa pamamagitan ng paglupig at pagsupil sa inyong mga sarili, [dahil] hangga’t hindi ninyo sinusupil ang [inyong] mga pagnanasa [at] ipasasailalim ang inyong mga kakayahan sa mga alituntuning inihayag ng Diyos ay hindi ninyo kailanman matatamo ang kaligayahan, kaluwalhatian, kagalakan, kapayapaan, at walang hanggang kaluguran na inyong inaasam” (DNW, ika-15 ng Ago. 1860, 1).
Mga Turo ni Brigham Young
Maaari nating supilin ang sarili at magpasailalim sa kalooban ng Diyos.
Mayroon ba tayong sariling kalooban? Oo, isa itong kaloob, isang katangian ng mga Diyos, na kung alin ay ipinagkaloob sa lahat ng katalinuhan, sa langit o sa lupa,—ang kapangyarihan na tumanggap o tumanggi (DBY, 264).
Gawing halimbawa ang mga tao sa bawat larangan ng buhay, ang kanilang mga kalooban ang pinakamahalaga. Maaari ninyong makuha at mapasunod ang damdamin ng mga tao, subalit hindi ninyo sila matatakot, ni hagupitin sila, ni sunugin sila, upang gumawa ng labag sa kanilang kalooban. Ang sangkatauhan ay nakahandang mamatay masiyahan lamang ang kanilang kalooban. Samakatwid ay matutong gabayan nang wasto ang mga kaloobang iyon at sa gayon ay mapangangasiwaan ninyo ang impluwensiya at kapangyarihan ng mga tao (DBY, 264).
Binigyan tayo ng Diyos ng kalooban, at masiyahan tayong supilin ito ng kalooban ng Pinakamakapangyarihan. Ang kalooban ng tao ay gawing dipatatalo maliban sa tama. Nakaugalian na ng mga magulang na supilin ang kalooban ng anak hanggang sa humina ito, at mabawasan at maging katangahan at karuwagan ang mga dakilang kapangyarihang taglay ng bata na tulad ng sa Diyos. Supilin nang maayos at pangasiwaan nang may karunungan ang katangian ng mga tao na nanggaling sa langit, sa halip na gawin ang kabaligtaran, at ito ay magtatagumpay sa layunin ng tama. Huwag sirain ang espiritu ng sinumang tao, bagkos ay gabayan ito upang madama nito na ang pinakadakila nitong kaluguran at pinakamataas na adhikain ay ang masupil ng mga paghahayag ni Jesucristo. Sa gayon ang kalooban ng tao ay magiging tulad ng sa Diyos sa paglupig sa kasamaang inihasik sa laman, hanggang sa maghari ang Diyos sa atin upang pagpasiyahan at gawin ang kabutihang nais niyang gawin (DBY, 264).
Matutong supilin ang inyong sarili; matutong ilagak ang sarili sa mga kamay ng Diyos, kagaya ng putik sa mga kamay ng magpapalayok (DBY, 265).
Magkaroon ng pagtitika ang bawat tao, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, na mapaglabanan ang bawat masamang pagnanasa—na maging amo ng kanyang sarili, upang mamahala ang Espiritu na inilagay ng Diyos sa inyong mga katawan; sa gayon ay maaari kayong makipag-usap, mabuhay, magtrabaho, pumaroon o pumarito, gawin ito o gawin iyan, at makipag-usap at makitungo sa inyong mga kapatid na tulad ng nararapat (DBY, 265–66).
Masusupil ang sarili hanggang sa “maipasailalim” natin ang lahat ng bagay “sa batas ni Cristo.”
Kung kaagad malalabanan ng isang tao ang tuksong gumawa, magsalita, o mag-isip nang masama, hangga’t maliwanag [ang kanyang isipan] upang iwasto ang kanyang paghatol, ay gayundin naman kabilis niyang matatamo ang lakas at kapangyarihan na mapaglabanan ang bawat tukso sa kasamaan (DBY, 266).
Ang libu-libo at sampu-sampung libo ng mga pangyayaring bumubuo sa buhay ng sangkatauhan, para sa kabutihan man o kasamaan, ay nakabatay sa saglit na pagmamasid at pag-iingat (DBY, 267).
Hindi ninyo mamanahin ang buhay na walang hanggan, hangga’t hindi ninyo napapasailalim sa espiritu na nananahan sa inyo ang inyong mga hilig, ang espiritu na ipinagkaloob ng ating Ama sa Langit. Ang tinutukoy ko ay ang Ama ng inyong mga espiritu, ng mga espiritung inilagay niya sa mga tabernakulong ito. Ang mga tabernakulo ay kailangang ganap na mapasailalim sa espiritu, kundi ay hindi maibabangon ang inyong mga katawan upang magmana ng buhay na walang hanggan. … Masigasig na magsaliksik, hanggang sa mapasailalim ninyo ang lahat sa batas ni Cristo (DBY, 266).
Nagsisikap akong mapabuti ang aking sarili. Sinisikap din ba ninyong gawin ito? Kung nagtagumpay tayo rito, magkakaroon tayo ng kapangyarihan sa ating mga salita at sa ating mga kilos, at, kung paguusapan ang ating impluwensiya, ay gayundin sa ating mga kasama. Kapag napabuti na natin ang ating sarili, kahit paano ay handa na tayong tumanggap ng mga bagay na inilaan ng ating Ama at Diyos para sa lahat ng handa sa kanilang sarili na maging mga tagatanggap ng kanyang piling mga kaloob—para sa kaliwanagan, para sa katalinuhan, para sa kaluwalhatian, para sa kapangyarihan, at para sa lahat ng katangian na nais niyang ipagkaloob sa kanyang mga anak dito sa lupa, upang maihanda silang tumahan sa mga mansiyon ng walang hanggang liwanag (DBY, 266–67).
Madalas kong sabihin na ang pinakadakilang kaloob na ibinigay ng Diyos sa tao ay ang mabuti, mahusay, at matatag na kaalaman kung paano natin pamamahalaan ang ating sarili (DBY, 265).
Walang taong nakagawa, o kailanman ay makagagawa ng makatarungang pamamahala rito sa lupa, na may karangalan sa kanyang sarili at kaluwalhatian sa kanyang Diyos, hangga’t hindi niya muna matutuhang pamahalaan at supilin ang kanyang sarili. Kailangan munang pamahalaan nang wasto ng isang tao ang kanyang sarili bago niya magamit ang kanyang kaalaman sa wastong pamamahala ng isang mag-anak, ng kapitbahayan, o bansa, kung saan siya tinawag na mamuno (DBY, 265).
Hangga’t hindi natin nalulupig ang ating mga pagnanasa, at naipapasailalim sa kalooban ng Diyos ang bawat damdamin at hangarin ng tao ay wala pa tayong ganap na kakayahan sa paggabay at pagtuturo sa iba tungo sa pagkakaroon ng ganap na tagumpay sa Kaharian ng Diyos. Ang gumapi at manlupig, at turuan ang ating sarili hanggang sa madala natin ang lahat ng bagay sa pagpapasailalim sa batas ni Cristo, ang siyang gawain natin (DBY, 267).
Sinisikap nating pamahalaan ang ating sarili, at kung patuloy tayong magsisikap at hindi manghihinawa, tayo ay tiyak na magwawagi (DBY, 265).
Maaari nating supilin ang mga silakbo ng ating damdamin at emosyon.
Naituro sa inyo ang pamantayan ng tama. Lupigin ngayon ang mapanghimagsik na silakbo ng damdamin, alisin ang lahat ng bagay na alam ninyo o itinuturing na mali, at tanggapin yaong higit na mabuti (DBY, 265).
Sa pagsubok na ito ay makikipagtunggali tayo sa kasamaan, at kailangang magapi natin ito sa ating sarili, kundi ay hindi na natin ito magagapi kahit saan pa man (DBY, 265).
Ang taong matwid ay hindi kailanman panghihinaan ng loob, bagkus ay walang tigil na makikipagtunggali laban sa kanyang masasamang silakbo ng damdamin, at laban sa kasamaan sa kanyang mag-anak at kapaligiran (DBY, 267).
Maraming tao ang nagsasabing masama silang magalit, at sinisikap na bigyang katwiran ang sarili sa mga kahiya-hiyang nagawa nila. Sasabihin ko, wala nang iba pa sa bahay na ito na hindi mapigil at hindi masupil ang galit maliban sa akin. Ngunit walang tao sa mundo na hindi kayang lupigin ang silakbo ng kanyang damdamin, kung masigasig niyang pagsusumikapan ito. Kapag may nadarama kayong silakbo ng damdamin, magtungo kayo sa isang pook kung saan hindi walang makaririnig sa inyo; huwag hayaang makita o marinig kayo ng inyong mag-anak, habang nadarama ninyo ito, ngunit labanan ito hanggang ito ay lumisan; at manalangin para sa kalakasang magtagumpay. Kagaya ng maraming ulit ko nang sinasabi sa mga Elder, manalangin sa inyong mga mag-anak; at kung dumating ang oras ng pagdarasal, at wala sa inyo ang diwa ng panalangin, at ang inyong mga tuhod ay ayaw lumuhod, sabihin sa mga itong, “Mga tuhod, magsiluhod kayo”; paluhurin ang mga ito, at manatiling sa ganoon hanggang sa matamo ninyo ang Espiritu ng Panginoon. Kung nagpapaubaya ang espiritu sa katawan, ito ay nagiging makasalanan; ngunit kung nagpapaubaya ang katawan sa espiritu, ito ay nagiging dalisay at banal (DBY, 267).
Huwag magalit nang labis na hindi na kayo makapagdasal; huwag hayaang magalit nang labis ang inyong sarili kung kaya hindi na ninyo magagawang pakainin ang kaaway—kahit na ang pinakamasama ninyong kaaway, kung may darating na pagkakataong tulad nito. May galit na masama at may galit na matwid. Hindi pinahihintulutan ng Panginoon na pumasok ang masamang galit sa kanyang puso, ngunit may galit sa kanyang dibdib, at siya ay makikipagtunggali sa mga bansa, at sasalain sila, at walang kapangyarihan na makapipigil sa kanyang kamay (DBY, 269).
Kapag nadarama ko na ang silakbo ng aking damdamin dahil sa galit sa masasamang gawa ng iba ay pinipigilan ko ito, kagaya ng pagpigil ko sa isang mailap na kabayo, at nagtatagumpay ako. Inaakala at sinasabi ng iba na higit na bumubuti ang kanilang pakiramdam kapag nagagalit sila, ayon sa kanila, at inilalabas nila ang kanilang kabaliwan sa pamamagitan ng mga mapang-abuso at hindi nararapat na pananalita. Ito, gayunpaman, ay isang pagkakamali. Sa halip na mapabuti nito ang inyong pakiramdam ay pinalalala pa nito ang masama. Kapag inakala at sinabi ninyong mas pinabubuti kayo nito ay binigyang katwiran na rin ninyo ang isang kabulaanan. Kung ang matinding galit at kapaitan ng puso ng tao ay nahubog at naging mga salita at naipukol nang may karahasan sa bawat isa, nang walang pagpipigil o paghahadlang, hindi pa man napapawi ang apoy ay muli itong magliliyab dahil sa maliliit na gawa, hanggang sa pagningasin kayo nito (DBY, 266).
Muli kong ipinag-uutos sa inyo ngayon, at inuutusan ko rin ang aking sarili na huwag magagalit. Huwag kailanman hayaang magkaroon ng galit sa inyong puso. Huwag, Brigham, huwag kailanman hayaang magkaroon ng galit sa iyong puso, huwag na huwag kailanman! Bagama’t maaari kang tawagin upang pagalitan at pagsalitaan nang masakit ang mga tao, huwag hahayaang magkaroon ng galit sa iyong kalooban, huwag, huwag kailanman! (DBY, 265).
Itigil ang inyong galit, at ang pagkamainitin ng ulo, at paglingkuran ang Panginoon nang may kagalakan, at katapatan ng puso. Hindi kayo makaaasa ng kaligtasan, maliban kung maigagawad ninyo ang gayon ding kaligtasan sa iba, kapwa sa tuntunin at sa halimbawa. Kung umaasa kayo sa awang mula sa akin, igawad ang gayon din sa akin. Kung umaasa kayong tatanggap ng magagandang salita at magandang pakikitungo mula sa akin, ibigay sa akin ang gayon ding mga pagpapala na hinahangad ninyo mismo; at iyan ang paraan upang maligtas kayo (DBY, 268–69).
Kung patatangay kayo sa galit ninyong damdamin, ay papagniningasin lamang kayo nito … at malamang na pasiklabin ninyo sa galit ang mga katunggali ninyo. Kapag nadarama ninyong tila punung-puno [sasabog] na kayo ay magtimpi na lamang, at tawanan lamang ang tukso na magsalita ng masama. Kapag ipinagpatuloy ninyong gawin ito, hindi magtatagal ay magiging amo kayo ng inyong mga sarili upang makayanang timpiin, kundi man supilin ang inyong mga dila—na makapagsalita kung nararapat, at tumahimik kung nararapat (DBY, 269).
Nais nating pamahalaan at supilin ng espiritu, kaalaman, kapangyarihan at alituntunin na nasa atin ang ating galit; walang panganib sa pagkakaroon ng malaking [galit] kung masusupil lamang natin [ito] sa pamamagitan ng Espiritu ng Pinakamakapangyarihan. Ang bawat matalinong tao dito sa lupa ay iniangkop para sa kaluwalhatian, kagandahan, kadakilaan at kaalaman dito, at para sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan sa mga daigdig na darating. Ngunit ang bawat tao na magtatamo nito ay kinakailangan munang gawing banal sa harap ng Diyos at ganap na mapasailalim sa kanyang Espiritu. Kung mapapamahalaan ako ng Espiritu ng Kataas-taasan, isa akong hari. Pinakamataas ako kung ang pagsusupil sa sarili ang pinag-uusapan (DBY, 264–65).
Maaari nating supilin ang ating pananalita.
Kung una ninyong natamo ang kapangyarihang supilin ang inyong mga salita, magsisimula na kayong magkaroon ng kapangyarihang supilin ang iyong paghatol, at sa huli ay tunay na magtamo ng kapangyarihang supilin ang inyong mga pag-iisip at pagmumuni-muni (DBY, 267–68)
Dapat kayong magtagumpay sa pagsupil sa inyong dila, upang kailanman ay hindi makapagsalita ang mga ito ng masama, upang ganap na sumunod ang mga ito sa paghahatol at sa karapatan na ibinigay sa inyo ng Diyos, at maging lubos na masunurin sa kalooban ng banal na Ebanghelyo (DBY, 268).
Madalas nating marinig sa mga tao na binigyang-katwiran ang kanilang masagwang pag-uugali at nakasasakit na mga pananalita, sa pagsasabing “Hindi ako taong mapagkunwari,” at sa gayon ay tumatanggap sila ng pagpuri dahil sa isang bagay na sa katunayan ay hindi naman dapat papurihan. Kapag may kasamaang umuusbong sa aking sarili, itatago ko ito, lulupigin ito, sa halip na ipakita ito dahil sa maling pagpapalagay na ako ay matapat at hindi mapagkunwari. Huwag pagsasalitain ang inyong dila ng kasamaang nasa inyong puso, bagkus ay utusan ang inyong dila na manahimik hanggang sa mamayani ang mabuti sa kasamaan, hanggang sa mapawi ang inyong matinding galit, at pagwikain ng mabuting Espiritu ang inyong dila ng mga pagpapala at mga salita ng kabaitan (DBY, 266).
Kung mayroon mang nakaugalian na ang banggitin ang pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan, tumigil sa paggawa ng ganito ngayon, bukas, at sa loob ng darating na linggo, at magpatuloy, at hindi maglalaon ay tatanggap kayo ng lakas upang ganap na malupig nakaugaliang ito; magkakaroon kayo ng kapangyarihang supilin ang inyong mga salita (DBY, 268).
Ang ilan ay may ugaling pag-usapan ang kanilang mga kapitbahay, ikinakalat ang mga kuwentong hindi naman nila nalalaman, malibang sinabi ni Tiya Salud na nabanggit ni Pinsang Fanny kay Tiya Betsy na ang matandang si Tiya Ruth ay nagsabi ng ganito o ganoon, o mayroong nanaginip; at kapag nakarating na sa inyo ang kuwento o panaginip, ito ay nagiging tila makatotohanan, ay kayo naman ay buong kahangalang naguukol ng inyong oras sa pagkukuwentuhan ng mga bagay na wala namang kabuluhan, o hindi ninyo dapat pakialaman. Isang ulat ang nagsimula ganito: may nakagawa ng pagkakamali, at sa pagkalat nito, ay nabago na ito ng mga maninirang puri at mga daldalera—at nahaluan na ito ng kanilang diwa. May darating na isa at makikisali naman ang iba pa at sasabihing, “Tama iyan–makatarungan ang ipinaglalaban mo, talagang tama ka, at talagang mali iyong isa,” samantalang wala naman silang alam sa bagay na ito, at sa gayon ay lumilikha ng samaan ng loob na wala namang batayan. Bago tayo humatol, maghintay muna tayong malinaw na ipakita ng kalangitan ang pagkakamali ng isang ama, kapatid na lalaki, kapatid na babae, kabiyak, asawa, o kapitbahay. At kapag nagpahayag ang langit ng pagkakamali, hintaying ipadama sa inyo ng Espiritu Santo na iyon nga ay pagkakamali. Hayaang ipahayag ng Ama na ang taong iniisip o pinaguusapan ninyo ay tunay na nagkamali. Huwag ilalagay sa kahihiyan ang isang tao dahil sa kasinungalingan. Kung batid ninyo kung ano ang tama, at may kakayahang iwasto ang taong nagkamali, kung gayon ay napapanahon na para kayo ay humatol (DBY, 268).
Walang sinumang lalaki o babae sa lupa na ugali ang magnakaw na hindi makatitigil sa gawaing ito … kung talagang nais nila. At gayon din sa sinungaling, maaari siyang tumigil sa pagsisinungaling, at hindi na gawin ito, at sabihin ang katotohanan. [Kailangan] lamang [niya] ang tatag ng kaloobang gagawin ito, at tutulungan [nito] ang sinungaling na magsabi ng katotohanan, ang magnanakaw na maging matapat, at ang manunumpa na itigil ang pagsasalita ng masama (DBY, 264).
Habang may tanging karapatan tayong makapagsalita sa isa’t isa, magsalita tayo ng mga katagang magbibigay ng ginhawa at aliw. Kung kinakasihan kayo ng Espiritu ng kabanalan at kadalisayan, paliwanagin ang inyong ilaw, ngunit kung kayo ay sinusubok at tinutukso at sinasaktan ni Satanas, sarilinin ang inyong mga iniisip—itikom ang inyong mga bibig; sapagkat ang pagsasalita ay maaaring magbunga ng mabuti o masama (DBY, 166).
Mayroong isang matandang salawikain, at kadalasan ay talagang mainam. Ito ay, “Mag-isip ng dalawang ulit bago kayo magsalita, at tatlong ulit bago kayo gumawa.” Kapag sinasanay natin ang ating sarili na pagisipan ang ating gagawin, bago gawin ito, at magkaroon ng pang-unawa upang malaman, at kapangyarihang gawin ang mabuti, sa gayon ay makakaiwas tayo sa … kasamaan (DBY, 268).
Isa ring mahalagang kaloob, na tila nakamtan ng ilang tao, ay ang magkaroon ng sapat na kaalamang huwag magsalita maliban kung ang sasabihin nila ay para sa kapakinabangan at kabutihan ng kanilang sarili, o ng iba, o nilang dalawa (DBY, 268).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Maaari nating supilin ang ating sarili at magpasailalim sa kalooban ng Diyos.
-
Itinuro ni Pangulong Young na ang kalooban ay “isang katangian ng mga Diyos.” Sinabi rin niyang ang ating kalooban ay isang kaloob, o regalo, mula sa Diyos. Sa pamamagitan ng anong paraan nagiging katulad ng sa Diyos ang kalooban ng tao? (Tingnan din sa Mosias 3:19). Paano magagawang “gabayan nang wasto” ng mga magulang at pinuno ang kalooban ng mga anak at iba pa ngunit “huwag susupilin ang espiritu ng sinumang tao”? Paano nagawa ng inyong mga magulang na matagumpay na gabayan ang inyong kalooban sa tamang paraan?
-
Ano ang ibig sabihin ng ilagay “sa mga kamay ng Diyos kagaya ng putik sa mga kamay ng magpapalayok”? Paano tayo lubos na magpapasailalim sa kalooban ng Panginoon at panatilihin pa rin ang ating sarili kakanyahan?
Maaari nating supilin ang ating sarili hanggang sa “maipasailalim ang bawat bagay sa batas ni Cristo.”
-
Paanong ang paglaban sa isang tukso ay nakadaragdag sa kakayahan nating lumaban sa lahat ng tukso? Itinuro ni Pangulong Young na ang “pagpapasailalim ng ating mga hilig sa espiritu” ay kailangan upang tayo ay “maibangon upang magmana ng buhay na walang hanggan.” Paanong ang pagsunod sa mga ninanais ng espiritu sa halip na sa mga makamundong pagnanasa ay makapaghahanda sa atin sa kadakilaan?
-
Anong “piling mga kaloob” ang mapaghahandaan nating tanggapin mula sa Diyos nang dahil sa pagsupil sa ating sarili?
-
Bakit kailangan tayong magkaroon ng pagtitimpi sa sarili bago tayo makapamumuno sa iba?
-
Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Young nang ituro niyang “ang pinakadakilang kaloob na ibinigay ng Diyos sa tao ay ang mabuti, mahusay, at matatag na kaalaman kung paano natin pamamahalaan ang ating sarili”? Paano natin mapamamahalaan ang ating mga sarili at kasabay nito ay magpasailalim sa paggawa lamang ng kalooban ng Ama?
Maaari nating supilin ang mga silakbo ng ating damdamin at emosyon.
-
Ano ang ilan sa “mapanghimagsik na silakbo ng damdamin” na dapat nating supilin. Paano natin matagumpay na magagapi ang mga ganoong silakbo ng damdamin at emosyon?
-
Paano natin makikilala ang “makatwirang galit,” kagaya ng ipinakita ni Cristo sa ilang pagkakataon, at ang “masamang galit”? (Tingnan din sa 2 Nephi 1:26).
-
Anu-ano ang mga kalalabasan ng pagpapaubaya sa galit nating mga damdamin? (Tingnan din sa Santiago 3:5–6.) Ano ang payo ni Pangulong Young hinggil sa pagpipigil ng galit? Paano nakatutulong ang pagpapasailalim sa Espiritu sa ating pagpipigil ng ating galit?
Maaari nating supilin ang ating pananalita.
-
Paano tayo “magtatamo ng kapangyarihan para supilin [ang ating] mga pag-iisip at pagmumuni-muni”?
-
Paano pinayuhan ni Pangulong Young ang mga nagsasabing nagsasalita sila ng nakasasakit upang iwasang ang maging mapagkunwari?
-
Paano natin masusupil ang ating mga dila kapag natutukso tayong banggitin ang pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan, (2) pag-usapan ang ating mga kapit-bahay (3) pintasan o siraan ang mabuting pangalan ng ibang tao (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 136:23–24), o (4) hiyain o hamakin ang isang kamag-anak o kaibigan? (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 52:16).
-
Ano ang dapat nating gawin kapag mayroon tayong hindi mabuting iniisip tungkol sa iba?