Kabanata 31
Pagtitipid, Kasipagan, at Pagtitiwala sa Sariling Kakayahan
Batid ni Pangulong Brigham Young ang kahalagahan ng gawaing mabibigat sa paghahanda ng mga Banal na itayo ang kaharian ng Diyos. Pinayuhan niya ang mga tagabunsod, “Sa halip na alamin natin kung ano ang gagawin ng Panginoon para sa atin, alamin natin kung ano ang ating magagawa para sa ating sarili” (DBY, 293). Si Pangulong Heber C. Kimball, na kaibigan at ng Tagapayo ni Pangulong Young sa Unang Panguluhan, ay malimit na nagtrabaho sa mga bukirin na kasama niya, makalipas ay naalala ang panahong iyon nang ganito: “Si [Kapatid na] Brigham at ako ay magkasamang gumawa ng mabibigat na trabaho para sa sahod na limampung sentimos bawat araw, di pa kasama ang pagkain at tirahan; binabayaran kami ng pitumpu’t limang sentimos bawat araw kung sa taniman ng trigo kami gumagawa; nagtatrabaho kami mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw, at umaabot pa ng ika-siyam ng gabi kapag may nagbabantang ulan. Nagkakalaykay kami at nagtatali kasunod ng tagagapas para sa sahod na isang takal [humigit-kumulang sa 35 litro] ng trigo bawat araw, at nagpuputol ng kahoy ng may niyebe hanggang sa aming mga baywang para sa halagang labingwalong sentimos kada tatlo’tkalahating metro kubiko, at tumatanggap ng sahod na mais na nagkakahalaga ng pitumpu’t limang sentimos bawat takalan” (DNW, ika-30 ng Hul 1862). Binigyang-diin ni Pangulong Young ang kahalagahan ng pagtitipid, kasipagan, at pagtitiwala sa sariling kakayahan, sa pagsasabing: “Silang nakatatamo ng buhay na walang hanggan ay mga tagatupad at tagapakinig ng salita” (DBY, 290).
Mga Turo ni Brigham Young
Nararapat na gumawa tayo nang masigasig at gamitin ang ating oras nang may katalinuhan upang mapaglingkuran ang ating mag-anak at maitayo ang kaharian ng Diyos.
Ano ang mayroon tayo? Ang ating oras. Gamitin ito ayon sa inyong nais. Ang panahon ay ibinibigay sa inyo; at kapag ito ay ginagamit ayon sa pinakamabuting kapakinabangan para sa pagtataguyod ng katotohanan sa mundo, ito ay ibibilang na puntos para sa atin, at pagpalain kayo; subalit kapag ginagamit natin ang ating oras sa katamaran at kalokohan, ito ay ibibilang laban sa atin(DBY, 290).
Mag-uulat tayo ng mga araw na ginamit natin sa kalokohan (DBY, 290).
Sa oras ibinigay sa tao rito sa daigdig, walang dapat na sayangin o aksayahin. Pagkatapos ng kaukulang pahinga at paglilibang, walang araw, oras, o sandali ang dapat na sayangin sa katamaran, sa halip ay nararapat na sa bawat sandali ng bawat araw ng ating buhay ay pagsumikapan nating mapaunlad ang ating mga isipan at madagdagan ang ating pananampalataya sa banal na Ebanghelyo, sa pag-ibig sa kapwa-tao, tiyaga, at mabubuting gawa, nang tayo ay umunlad sa kaalaman ng katotohanan kagaya ng pagkakasabi at pagkakapropesiya at pagkakasulat nito (DBY, 290).
Ang katamaran at pagsasayang ay di naaayon sa mga patakaran ng langit. Itabi ang lahat ng makakaya ninyo, nang sa gayon ay magkaroon kayo ng kasaganaan upang mabiyayaan ang inyong mga kaibigan at kaaway (DBY, 290).
Lahat ng may kinalaman sa pagtataguyod ng Sion ay nangangailangan ng tunay, dibdibang paggawa. Walang katuturang pag-usapan ang tungkol sa pagtatayo ng kahit anong kaharian maliban sa pamamagitan ng paggawa; kinakailangan nito ang paggawa ng bawat bahagi ng ating samahan, ito man ay pangkaisipan, pisikal, o espirituwal at iyon lamang ang paraan upang maitaguyod ang Kaharian ng Diyos (DBY, 291).
Di ba gawaing temporal sa lahat ng oras ang pagtatayo ng Kaharian ng Diyos sa mundo? (DBY, 290–91).
Ito ang pinakadakilang kayamanang mayroon tayo—ang malaman kung paano pangasiwaan nang tama ang ating mga gawain, ginagamit ang bawat oras nang kapaki-pakinabang para sa kabutihan ng ating mga kabiyak at anak at kapwa (DBY, 290).
Kakailanganin nating gumawa at hukayin mula sa mga bundok ang ginto upang ilatag ito, kung lalakad tayo sa mga lansangang nalalatagan ng ginto. Ang mga anghel na nagsisilakad ngayon sa mga kanilang ginintuang lansangan, at na may punungkahoy ng buhay sa loob ng kanilang paraiso, ay kinailangang makuha ang mga gintong yaon at ilagay roon. Kung magkakaroon tayo ng mga lansangang nalalatagan ng ginto, tayo mismo ang kinakailangang maglatag nito. Kapag tinatamasa na natin ang isang Sion sa kagandahan at kaluwalhatian nito, ito ay sa kapag naitayo na natin ito. Kung tinatamasa na natin ang Sion na ating inaasam ngayon, ito ay pagkatapos na nating matubos at maihanda ito. Kung nakatira tayo sa lungsod ng Bagong Jerusalem, ito ay dahil inilatag natin ang mga saligan nito at ito ay ating itinayo. Kung hindi natin matatapos bilang mga tao ang gawaing iyon, ilatag natin ang saligan para sa ating mga anak at anak ng ating mga anak, kagaya ng ginawa ni Adan. Kung tayo ay maliligtas sa isang arko, kagaya ni Noe at ng kanyang mag-anak, ito ay dahil gumawa tayo nito. Kung ang Ebanghelyo ay ipinangangaral sa mga bansa, ito ay dahil ang mga Elder sa Israel … ay ipinangangaral ito hanggang sa kasuluk-sulukang bahagi ng daigdig (DBY, 291).
Ang pananampalataya ko ay hindi nagbubunsod sa akin na mag-akalang bibigyan tayo ng Panginoon ng mga litsong baboy, tinapay na napahiran na ng mantikilya, atbp.; bibigyan niya tayo ng kakayahang ihasik ang butil, na matamo ang mga bunga ng lupa, na gumawa ng mga tirahan, na makakuha ng ilang pirasong tabla upang makagawa ng kahon, at kapag dumating na ang anihan, na nagbibigay sa atin ng butil, nasa atin na upang iimbak ito—ang pag-imbak ng trigo hanggang sa magkaroon ng nakahandang panustos para sa isa, dalawa, lima, o pitong taon, hanggang sa magkaroon ng sapat na pandugtong buhay na inipon ng mga tao na [makapagbibigay] ng tinapay [para sa] kanila at sa mga darating dito na naghahanap ng pagkalinga (DBY, 291–92).
Nagkaloob ng kasaganaan sa lupa ang Panginoon upang magamit natin.
Sinasabi ko sa aking mga kapatid na lalaki at babae, tayo nang matuto kung paano kumuha mula sa mga elemento, upang mapalibutan tayo, ng kasaganaan ng bawat ginhawa sa buhay, at iukol ang mga ito para sa ating pangangailangan at kaligayahan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 59:18–20]. Huwag tayong manatiling mangmang, kasama ng mga mangmang, bagkus ay ipakita natin sa mga mangmang kung paano maging marunong (DBY, 294).
Ginawa ng Panginoon ang kanyang bahagi sa gawain; pinalibutan niya tayo ng mga elemento na naglalaman ng arina, karne, hilatsa, lana, seda, bungang-kahoy, at lahat na kailangan upang maitayo, mapaganda, at luwalhatiin ang Sion ng mga huling araw, at gawin natin na hubugin ang mga elementong ito tungo sa ating mga hinahangad at pangangailangan, ayon sa kaalaman natin ngayon at sa karunungan na maaari nating matamo mula sa kalangitan sa pamamagitan ng ating katapatan. Sa ganitong paraan muling ibabalik ng Panginoon ang Sion sa lupa, at hindi sa kung ano pa mang paraan (DBY, 294).
Tungkulin nating maging maliksi at masigasig sa paggawa ng lahat ng maaaring nating gawin upang buhayin ang ating sarili, upang itayo ang Kanyang Kaharian, upang ipagtanggol ang ating sarili laban sa ating mga kaaway, upang isaayos ang ating mga panukala nang may karunungan, at isagawa ang bawat paraan na maaaring maisip upang maitatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa, at upang gawing banal at ihanda ang ating sarili na manahan sa Kanyang kinaroroonan (DBY, 294–95).
Habang mayroon tayong matabang lupa sa lambak na ito, at butong itatanim, hindi natin kailangang hilingin sa Panginoon na pakainin tayo, ni sundan-sundan tayo na dala-dala ang tinapay at nagsusumamong kainin natin ito. Hindi niya gagawin ito, at hindi ko rin gagawin, kung ako ang Panginoon. Mapakakain natin ang ating sarili dito; at kung tayo man ay malagay sa kalagayang hindi natin makakaya, sa gayon ito ang magiging sapat nang panahon para gumawa ang Panginoon ng himala upang itaguyod tayo (DBY, 294).
Ang mga tao ay nagtutunggalian, nag-aaway, naghahangad ng paraan kung paano makalamang sa isa’t isa, at kung paano matatamo ang lahat ng kayamanang nasa daigdig. … Ngunit halimbawang gumawa tayo upang makuha ang lahat ng nasa ilalim ng lupa at sa ibabaw ng ating inang lupa at gamitin ito, ito ba ay magkukulang ba? Hindi, may sapat para sa lahat. Kung kaya’t tingnan ang mga bagay sa kalagayan nila, mga Banal sa mga Huling Araw, at kayong mga hindi Banal sa mga Huling Araw, tingnan ang mga bagay sa kalagayan nila. At umaasa at nananalangin ako para sa kapakanan ninyo, mga taga-labas, at para sa kapakanan ng mga nagsasabing sila ay mga Banal sa mga Huling Araw, nang magkaroon tayo ng maayos na kapayapaan dito sa loob ng ilang panahon, upang maitayo natin ang ating mga pugon, mabuksan ang mga mina, magawa ang mga daang-bakal, mabungkal ang lupa, magawa nang walang abala ang mga pangangalakal; nang mapagkaabalahan natin ang pagpapaganda ng daigdig (DBY, 295).
Dapat tayong maging matalino sa paggamit ng mga kayamanang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon.
Ang kayamanan ng isang kaharian o bansa ay hindi lamang nababatay sa dami ng kabang-yaman nito, kundi sa katabaan ng lupa at kasipagan ng tao nito (DBY, 297).
Ang panahon at kakayahang gumawa ang siyang puhunan ng buong sangkatauhan, at utang nating lahat sa Diyos ang kakayahang gamitin ang panahon nang kapaki-pakinabang. Hihingin niya sa ating ang wastong pagbibigay-sulit sa ating paggamit sa kakayahang ito; at hindi lamang niya hihingin ang pagbibigay-sulit ng ating mga ginawa, kundi ang ating mga salita at kaisipan hahatulan din (DBY, 301).
Ang lahat ng puhunang mayroon sa ibabaw ng lupa ay ang lakas at paggawa ng mga manggagawang lalaki at babae. … Ang paggawa ang nagtatayo ng ating mga bahay-pulungan, templo, bahay-hukuman, magagandang bulwagan para sa musika at magagandang bahay-paaralan; ang paggawa ang siyang nagtuturo sa ating mga anak, at nagpapakilala sa kanila sa iba’t ibang sangay ng pag-aaral, at siyang nagpapahusay sa kanila sa sariling wika at sa ibang mga wika, at sa bawat sangay ng kaalaman na nauunawaan ng mga anak ng tao (DBY, 300).
Huwag kailanman sasayangin ang anumang bagay. Maging masinop, tipirin ang lahat ng bagay, at kung ano ang labis para sa sarili, hilingin sa inyong mga kapit-bahay na tulungan kayong ubusin (DBY, 292).
Tanggapin ang mga bagay nang mahinahon at maluwag, pulutin ang lahat ng bagay, at huwag sasayangin ang anuman (DBY, 292).
Huwag kailanman ituturing na may sapat kayong tinapay upang mapahintulutan ang inyong mga anak na sayangin ang balat o katiting na piraso nito. Kung ang isang tao ay nagkakahalaga ng isang milyong takal ng trigo at mais, hindi pa siya ganap na mayaman upang … walisin ang isang butil nito patungo sa apoy; ipakain ito sa kung ano man at hayaang bumalik sa lupa, at sa gayon ay maisakatuparan ang layunin kung bakit ito tumubo. Tandaan, huwag sasayangin ang anuman, bagkus ay ingatan ang lahat (DBY, 292).
Para sa ating kapakinabangan ang alagaang mabuti ang mga biyayang ipinagkakaloob sa atin ng Panginoon; kung gagawin natin ang kabaliktaran, pinuputol natin ang kapangyarihan at kaluwalhatian na ipinapanukala ng Diyos na dapat nating manahin. Sa pamamagitan ng ating pag-iingat, pagtitipid, at pagpapasiya na ipinagkaloob sa atin ng Diyos, ay nagagawa nating maingatan ang ating mga butil, ang ating mga kawan at hayop, … mga bahay at lupain, at maparami sila sa palibot natin, patuloy na nagtatamo ng kapangyarihan at impluwensiya para sa atin bilang mga tao at para sa Kaharian ng Diyos sa kabuuan (DBY, 292).
Gumugol nang sapat lamang sa inyong kinikita upang maging maligaya at maginhawa ang inyong mga katawan at mag-anak, at tipirin ang matira (DBY, 292).
Kung nais ninyong maging mayaman, tipirin ang kinikita ninyo. Ang isang hangal ay maaaring kumita ng salapi; ngunit mangangailangan ng isang taong marunong para tipirin at gugulin ito para sa kanyang sariling kapakinabangan (DBY, 292).
Dapat tayong magtayo ng mabubuting tahanan at lumikha ng magagandang pamayanan.
Pagtayuin ang mga tao ng magagandang tahanan, pagtanimin ng maiinam na ubasan at mga punong kahoy, pagawin ng mahuhusay na lansangan, palikhain ng magagandang lungsod kung saan matatagpuan ang magagarang gusali para sa kaginhawaan ng madla, magagandang kalsadang nagigiliran ng mayayabong na puno, mga bukal ng tubig, malilinaw na batis, at bawat puno, palumpong at bulaklak na mabubuhay sa klimang ito, upang gawing isang paraiso ang ating tahanan sa kabundukan at maging mga balon ng pagpapasalamat ang ating mga puso sa Diyos ni Jose, kinalulugdan ito nang may mga pusong nagpapasalamat, at palaging nagsasabing, “huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo, o Ama” (DBY, 302).
Pagandahin ang inyong mga halamanan, ang inyong mga tahanan, ang inyong mga sakahan; pagandahin ang lungsod. Paliligayahin tayo nito, at magbibigay nang sagana. Ang lupa ay mataba, ang mga elemento ay mabuti kung gagamitin ang mga ito para sa sarili nating kapakinabangan, sa katotohanan at kabutihan. Kung gayon ay masiyahan tayo, at humayo nang buo nating lakas, upang gawin ang ating sariling malusog, mayaman, at maganda, at pangalagaan ang ating mga sarili sa pinakamainam na paraan, at mabuhay hanggang sa nararapat, at gawin ang lahat ng mabuting magagawa natin (DBY, 302).
Ang bawat pagpapaunlad na ating ginagawa ay hindi lamang nagdaragdag sa ating kaginhawaan kundi gayon din sa ating kayamanan (DBY, 302).
Karapatan ninyo, mga kabiyak na babae, na hilingin sa inyong mga asawa na magtanim ng mayayabong at namumungang mga punung-kahoy, at ikuha kayo ng ilang baging at bulaklak upang ipalamuti sa labas ng inyong mga bahay; at kung walang panahon ang mga asawa ninyo, kayo na mismo ang kumuha at magtanim ng mga ito. Sasabihin ng ilan, marahil, “O wala man lang ako kundi bahay na troso, at hindi ito bagay para sa ganyan.” Oo; bagay ito sa ganyan. Linisin at kumpunihin ito, at kumuha ng mga baging na gagapang sa ibabaw ng pintuan, upang ang lahat ng magdaraan ay magsasabing, “Anong gandang maliit na bahay!” Ito ay tanging karapatan ninyo at ninanais ko na gamitin ninyo ang inyong karapatan (DBY, 200).
Gumawa ng magagandang bahay; matutong magtayo; maging mahuhusay na mekaniko at mangangalakal, nang matuto kayong magtayo ng bahay, kamalig, bahay-imbakan, kung paano magsaka, at mag-alaga ng mga hayop, at ganap na pangalagaan ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na silungan at bawat nararapat na kaginhawaan para sa pag-iingat dito sa panahon ng taglamig; at patunayan ang inyong mga sariling karapat-dapat sa mas dakila pang kayamanang ipagkakatiwala sa inyo na higit pa sa lambak na ito at sa kung ano pa mang makukuha rito (DBY, 302).
Nakapunta na ako sa mga bahay na wala man lamang katiting na kaginhawaan sa mga babae, walang bangko kung saan nila maipapatong ang timba ng tubig, kung kaya ipinapatong nila ito sa sahig, gayunman ang kanilang mga asawa ay nakaupo lamang, at sa loob ng mga taon ay hindi man lamang nakagawa ng anumang pagpapabuti sa kalagayan gaya ng bangko na pagpapatungan ng timba. Bagamat mayroon silang kakayahan, ayaw nila itong gamitin (DBY, 198–99).
Ipaayos sa asawang lalaki ang kanyang kusina at paminggalan at kanyang silid tulugan para sa kapakinabangan ng kanyang mag-anak, at paunlarin ang kanyang mga halamanan, daanan, atbp., na pinagaganda ang mga tahanan at kanilang kapaligiran, ginagawa ang mga palitada at nagtatanim ng mayayabong na puno (DBY, 198).
Dapat tayong magtiwala sa sariling kakayahan bilang mga mag-anak at mga tao.
Magmula ngayon nais naming kayo ay maging mga taong nagtitiwala sa sariling kakayahan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 78:14]. Dinggin ito, O Israel! dinggin ito, mga kapitbahay, kaibigan at kaaway, ito ang hinihingi ng Panginoon sa mga taong ito (DBY, 293).
Kayong mga Banal sa mga Huling Araw, matututong buhayin ang inyong sarili. Kung hindi ninyo matatamo ang lahat ng inyong hinahangad para sa ngayon, matutong mabuhay nang wala ang yaong hindi ninyo kayang bilhin at bayaran; at supilin ang inyong isipan sa nang kayo ay mamuhay at makapamuhay nang ayon sa inyong kaya (DBY, 293).
Sino ang mga nararapat papurihan? Ang mga taong nag-aalaga sa kanilang sarili o ang mga laging nagtitiwala sa dakilang awa ng Panginoon na pangangalagaan sila? Ito ay katugon lamang ng pag-asam na pagkakalooban tayo ng Panginoon ng bunga kahit hindi tayo nagtatanim ng puno; o na kung hindi tayo nag-aararo at nagtatanim at hindi naghihirap sa pag-ani, ay dapat tayong magmakaawa sa Panginoon upang iligtas tayo sa kagipitan, tulad ng paghiling sa kanya na iligtas tayo mula sa ibubunga ng ating sariling kalokohan, pagsuway at pagsasayang (DBY, 293).
Ang paraan ng pagpapakita ng pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos ay para sa inyo at sa akin na gawin ang lahat ng magagawa natin para mabuhay at mapangalagaan ang ating sarili; at ang pamayanang tulungtulong na gumagawa, sa pamamagitan ng puso at kamay, upang matamo ito, ang kanilang pagsusumikap magiging tulad ng pagsisikap ng isang tao (DBY, 293).
Mga kapatid, matuto. Marami na kayong natutuhan, iyan ay totoo; ngunit matuto pa nang higit; matutong buhayin ang inyong sarili; magimbak ng butil at arina, at mag-ipon para sa araw ng kasalatan. Mga kapatid na babae, huwag hihilingin sa inyong mga asawa na ipagbili ang pinakahuli ninyong takal ng butil upang makabili para sa inyo ng bagay sa mga tindahan, bagkus ay tumulong sa inyong mga kabiyak na mag-imbak nito para sa araw ng pangangailangan, at palaging magkaroon sa inyong mga kamay ng panustos para sa isa o dalawang taon (DBY, 293).
Sa halip na alamin natin kung ano ang gagawin ng Panginoon para sa atin, alamin natin kung ano ang ating magagawa para sa ating sarili (DBY, 293).
Kung ano man ang natamo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakuha nila sa pamamagitan ng lubos na pagsusumikap at di malupig na kapasiyahan (DBY, 294).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Nararapat na gumawa tayo nang masigasig at gamitin ang ating oras nang may katalinuhan upang mapaglingkuran ang ating mga mag-anak at maitayo ang kaharian ng Diyos.
-
Ano ang payo ni Pangulong Young tungkol sa paggamit ng “bawat sandali ng bawat araw”? (Tingnan din sa Alma 34:33.) Bakit napakahalagang kaloob ng oras? Anu-anong alituntunin ang nakatulong sa inyo na mapabuti ang paraan ng paggugol ninyo sa inyong oras?
-
Bakit salungat sa mga “patakaran ng langit” ang katamaran at pagsasayang? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 42:42.)
-
Bakit mangangailangan ng lahat ng uri ng paggawa ang pagtatayo ng Sion? Sa anu-anong paraan kailangan tayong gumawa sa pag-iisip, sa pangangatawan, at sa espiritu sa pagtatayo ng Sion?
Nagkaloob ng kasaganaan sa lupa ang Panginoon upang magamit natin.
-
Paano “muling ibabalik ang Sion sa lupa” ng Panginoon? Sa anu-anong tiyak na paraan tayo makatutulong sa pagtatayo ng Sion.
-
Sinabi ni Pangulong Young na sa “ilalim ng lupa at sa ibabaw ng ating inang lupa … may sapat para sa lahat”? Kung ganoon, sa inyong palagay, bakit napakaraming paghihirap sa daigdig? Anu-ano ang magagawa natin sa ating mga mag-anak, samahan sa Simbahan, at pamayanan upang maibahagi sa bawat isa ang ipinagkaloob ng Panginoon sa atin? (Tingnan din sa Jacob 2:18–19; Doktrina at mga Tipan 104:14–18.)
Dapat tayong maging matalino sa paggamit ng mga kayamanang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon.
-
Bakit nararapat nating “huwag sasayangin ang anuman, bagkus ay ingatan ang lahat”? Paano natin magagamit ang payo ni Pangulong Young sa paksang ito sa pag-iimbak ng pagkain at paghahanda para sa kagipitan?
-
Paano natin “pinuputol ang kapangyarihan at kaluwalhatian na ipinapanukala ng Diyos na dapat nating manahin”?
-
Paano natin maipamumuhay ang payo ni Pangulong Young na, “Ang isang hangal ay maaaring kumita ng salapi; ngunit mangangailangan ng isang taong marunong para tipirin at gugulin ito para sa kanyang sariling kapakinabangan”?
Dapat tayong magtayo ng mabubuting tahanan at lumikha ng magagandang pamayanan.
-
Ano ang sinabi ni Pangulong Young na dapat gawin ng mga Banal upang gawin ang kanilang mga “tahanan na isang paraiso at ang [kanilang] mga puso na mga balon ng pagpapasalamat”? Anu-ano ang magagawa natin upang gawing higit na maganda ang ating mga tahanan at pamayanan? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 82:14.) Paano makatutulong sa ating aspetong pisikal, emosyonal, at espirituwal ang magagandang kapaligiran?
Dapat tayong magtiwala sa sariling kakayahan bilang mga mag-anak at mga tao.
-
Ano ang payo ni Pangulong Young tungkol sa kung paano mamuhay nang naaayon sa ating kaya? Bakit kung minsan ay mahirap sundin ang payak na mga tuntuning ito? Anu-ano ang ilan sa tiyak na paraan upang makatiyak tayong makapamuhay nang naayon sa ating kaya?
-
Pag-aralan kung ano ang sinabi ni Pangulong Young tungkol sa pagbuhay sa ating sarili, at isaalang-alang kung ano ang inyong nagawa upang matiyak na makapagtitiwala sa sariling kakayahan ang inyong mag-anak sa panahon ng pangangailangan? Gumawa ng plano upang mapalawak ang pagtitiwala sa sariling kakayahan sa inyong mag-anak at pamayanan.
-
Paano nagpapakita ng pananampalataya ang masigasig na paggawa? Ano ang kaugnayan sa pagitan ng pagtitiwala sa sariling kakayahan at pagtitiwala sa kabutihan ni Cristo?
-
Hinikayat ni Pangulong Young ang mga Banal na pangalagaan ang kanilang, ngunit pinayuhan din niya silang magkaisa sa kanilang mga pamayanan. Paano nagkakatulong ang ating mga pagsisikap na buhayin ang ating sarili at ang pagtatayo ang ating mga pamayanan? Paano kayo natulungan na magkaroon ng higit na tiwala sa sariling kakayahan ng mga pagsisikap ng iba?