Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 15: Ang Paninirahan sa Kanluran


KABANATA 15

Ang Paninirahan sa Kanluran

Inihayag ng Pangulong Brigham Young na: “Ipinakita sa akin ng Diyos na ito ang lugar na pagdadalhan sa mga taong ito, at dito sila uunlad. … Habang ang mga Banal ay nagtitipon dito at nagpapalakas upang makamit ang lupain, titimplahin ng Diyos ang panahon at magtatayo tayo ng lungsod at templo para sa Kataas-taasang Diyos sa lugar na ito. Palalawigin natin ang ating mga paninirahan sa silangan at kanluran, sa hilaga at timog, at magtatayo tayo ng daan-daang kabayanan at lungsod, at magtitipon-tipon ang libu-libong Banal mula sa mga bansa ng mundo. Ito ang magiging dakilang daan ng mga bansa” (JSB).

Mga Turo ni Brigham Young

Kaguluhan sa Illinois at ang paglalakbay ng mga Banal sa Kanluran.

Ayaw kong isipin ng mga tao na may kinalaman ako sa aming paglipat dito [sa Lambak ng Salt Lake], iyon ay sa awa at tulong ng Pinakamakapangyarihan; ang kapangyarihan ng Diyos ang nagsagawa ng kaligtasan sa mga taong ito, hindi ko kailanman magagawa ang ganoong plano (DBY, 480).

Hindi ko ginawa ang dakilang plano ng Panginoon sa pagbibigay daan sa pagpapadala sa mga taong ito sa mga kabundukang ito. Pinag-isipan na ni Joseph nang ilang taon ang pag-alis bago ito nangyari, ngunit siya ay hindi makapunta rito (DBY, 480).

Noong panahon ni Joseph ay maraming oras naming pinag-usapan ang tungkol sa bayang ito. Madalas na sabihin ni Joseph na, “ Kung ako lamang ay nasa Rocky Mountains kasama ang isang daang matatapat na kalalakihan, magiging maligaya na ako, at hindi na hihingi ng awa sa mga mandurumog” (DBY, 480).

Nanirahan kami sa Illinois mula noong taong 1839 hanggang taong 1844, noong panahong iyon [ang mga kaaway ng Simbahan] ay muling nagtagumpay sa pagpapaningas ng diwa ng pag-uusig laban kay Joseph at sa mga Banal sa mga Huling Araw. Pagtataksil! Pagtataksil! Pagtataksil! ang kanilang sigaw, tinatawag kaming mga mamamatay-tao, magnanakaw, sinungaling, mapang-apid, at pinakamasamang tao sa lupa. … Kinuha nila sina Joseph at Hyrum, at bilang paniguro sa kanilang kaligtasan, ipinangako ni Gobernador Thomas Ford ang tiwala ng Estado ng Illinois. Ikinulong sila [sa Carthage, Illinois], sa pagbabalatkayong sila ay ligtas doon, dahil sa galit at mapusok ang mandurumog. Hinayaan sila ng Gobernador sa mga kamay ng mandurumog, na pumasok sa kulungan at sila ay binaril. Si John Taylor, na kasama natin ngayon, ay nasa bilangguan din, at binaril din, at pagkatapos ay naratay nang ilang buwan sa kanyang higaan. Matapos gawin ng mandurumog ang mga pagpatay, pinuntahan nila kami at sinunog ang aming mga tahanan at butil. Kapag ang mga kasapi ay lalabas upang patayin ang apoy, magtatago sa bakuran ang mandurumog, at sa kadiliman ng gabi, ay kanilang pagbababarilin sila (DBY, 473).

Noong taong 1845 sumulat ako sa lahat ng Gobernador ng mga estado at teritoryo sa Union, na humihiling sa kanila ng ligtas na kanlungan, sa kanilang kapaligiran, para sa mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi kami binigyan ng ganoong pribilehiyo, kapwa sa pamamagitan ng tahimik na paghamak o tuwirang pagtanggi sa bawat pagkakataon. Lahat sila ay nagkasundo na hindi kami makapupunta sa loob ng nasasaklawan nilang teritoryo o estado (DBY, 474).

Tatlong kongresista ang dumating [sa Nauvoo] noong taglagas ng taong 1845, at nakipagpulong sa Labindalawa at iba pa; nais nilang lisanin namin ang Estados Unidos. Sinabi naming gagawin namin iyon, mahabang panahon na rin ang ipinamalagi namin sa kanila; pumayag kaming lisanin ang Estado ng Illinois bunga ng di-matwid na opinyong pang-relihiyon laban sa amin kaya hindi na kami makapaninirahan pa nang payapa. Sinasabi ng mga taong ito na ang mga mamamayan ay laban sa amin. Si Stephen A. Douglas, isa sa tatlo, ay kilala namin. Sinabi niyang, “Kilala ko kayo, kilala ko si Joseph Smith; siya ay mabuting tao,” at ang mga taong ito ay mabubuting tao; ngunit ang maling pag-aakala ng … hindi maka-Diyos ay gayon na lamang, ang sabi niya, “Mga ginoo, hindi kayo makapananatili rito at makapaninirahan nang payapa.” Pumayag kaming umalis. Nilisan namin ang Nauvoo noong Pebrero, taong 1846 (DBY, 473).

Tinawid ko ang Ilog Mississippi, kasama ang aking mga kapatid sa Simbahan, patungo sa lugar na ito, hindi ko alam, noong oras na iyon, kung saan kami pupunta, ngunit lubusang naniniwala na may inilaan ang Panginoon sa amin na magandang lugar sa mga kabundukan, at tuwirang gagabayan niya kami tungo roon (DBY, 482).

Binantaan kami ng malulupit na pag-uusig sa bawat panig ng matagal na naming mga kaaway; daan-daang mag-anak, na pinilit na paalisin sa kanilang mga tahanan, at napilitang iwanan ang lahat ng kanilang pag-aari, ang nagpagala-gala na parang itinapon sa kalagayan ng napakatinding kahirapan (DBY, 482).

Nangingibang bayan kami, ngunit hindi namin alam kung saan, maliban sa aming layunin na makarating sa kung saan hindi kami maaabot ng aming mga kaaway. Wala kaming tahanan, maliban sa aming mga bagon at tolda, at walang imbak na mga pagkain at kasuotan; at kailangang maghanap ng makakain araw-araw na nagiging sanhi ng pag-iwan namin sa aming mga mag-anak sa ilang na lugar para sa kanilang kaligtasan, at pakikihalubilo sa gitna ng aming mga kaaway upang maghanapbuhay (DBY, 478).

Naglakbay kami pakanluran, humihinto sa iba’t ibang lugar, na nagtatayo ng mga panirahanan, kung saan [pansamantala] naming iniwan ang mga kaawa-awa na hindi na makapaglakbay nang malayo kasama ng pangkat (DBY, 474).

Pangangalap ng tauhan at pagmamartsa ng Batalyong Mormon.

Nang kami ay kahalubilo ng mga Indiyan, na sinasabing mababagsik, limandaang kalalakihan ang tinawag upang magtungo sa Mexico upang lumaban [sa Digmaang Mexicano, 1846–48] (DBY, 476).

Sumama ako, kasama ang ilan sa mga kapatid ko sa Simbahan, sa pagitan ng isa at dalawang daang milya sa kahabaan ng ilang paglalakbay, pahintu- hinto sa bawat maliliit na kampo, ginagamit ang aming impluwensiya sa pagkuha ng mga boluntaryo, at sa takdang araw ng pagtatagpo [ika-16 ng Hulyo 1846 sa Council Bluffs, Iowa] ang kinakailangang bilang ng kalalakihan ay natamo; at ito ay nagawa sa loob lamang ng dalawampung araw simula nang ipaalam ang kahilingan (DBY, 479).

Sinimulan ng batalyong iyon ang pagmamartsa simula sa Fort Leavenworth sa pamamagitan ng Santa Fe, at sa napakainit at napakahirap na daan, at ipinuwesto ang kanilang mga sarili sa ibaba ng California, sa kasiyahan ng lahat ng namumuno at tauhan na naging matapat. Nang sila ay dumating ay nasa [mahirap] na kalagayan si Heneral [Stephen W.] Kearny at kaagad na pinagmartsa ni Koronel P. St. George Cooke [ang bagong pinuno ng batalyon] ang kanyang mga tauhan upang tumulong at sinabi sa kanyang, “Narito na ang mga bata natin na makapag-aayos ng lahat.” Matapat na tinupad ng mga lalaki sa batalyong iyon ang kanilang tungkulin. Hindi ko kailanman maaalala ang maliit na pangkat ng kalalakihang iyon nang hindi kasunod ang, “Pagpalain sila ng Diyos magpakailan man.” Lahat ng ito ay ginawa namin upang patunayan sa pamahalaan na kami ay tapat (DBY, 477).

Nagtungo ang aming batalyon sa lugar ng labanan, hindi sa maginhawang tulugan sa bapor, o sa ilang buwang pagkawala, ngunit sa paglalakad ng mahigit na dalawang libong milya sa kabila ng mga disyertong walang daan at tuyong kapatagan, nakaranas ng lahat ng antas ng kasalatan, paghihirap, at pagdurusa sa loob ng dalawang taong pagkawala bago nila nakapiling ang kanilang mga mag-anak. Muli ay namagitan sa aming pagkaligtas ang Pinakamatalinong Nilalang na siyang nakakaalam ng katapusan mula sa simula (DBY, 479).

Sa ilalim … ng mahirap na kalagayan ay kinailangan naming ihiwalay sa aming naglalakbay na pangkat ang limandaang pinakamahuhusay na kalalakihan, iniwan ang matatanda, mga bata, mga kababaihan sa pangangalaga ng mga natira, upang mag-alaga at tumulong (DBY, 478).

Kaming mga naiwan ay nagpagal at nag-alaga ng lahat ng aming kinakailangan upang mapakain ang aming mga sarili sa ilang. Kinailangang bayaran namin ang aming mga guro, gumawa ng aming sariling tinapay at gumawa ng aming sariling kasuotan, o magpatuloy ng wala, dahil wala ng ibang paraan (DBY, 476).

Ang “kampo ng mahihirap” ay pinangalagaan ng awa ng Panginoon.

May ilang naiwan sa mga pinakakaawa-awa, maysakit at matatanda, na nagdusang muli sa karahasan ng mga mandurumog; sila ay hinagupit at sinaktan, at sinunog ang kanilang mga tahanan (DBY, 473–74).

[Itong] mga kapatid na humimpil sa daan [sa kahabaan ng ilog sa itaas ng Montrose, Iowa] ay dumanas ng kahirapan at pighati. Minsan, sinabi sa akin na, mamamatay na sana sila sa gutom, kung hindi nagpadala ng mga pugo ang Panginoon sa kanila. Ang mga ibon ay nagsilipad nang pasalungat sa kanilang mga bagon, at ang mga ito ay nangamatay o nangahilo, inipon ang mga ito ng mga kalalakihan at kababaihan, na naging pagkain nila sa loob ng ilang araw, hanggang sa makalampas sila sa ilang. [Nagpadala si Brigham Young ng mga pangkat ng tagasagip upang dalhin ang mga Banal sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan sa mga kampong malayo sa landas na daanan (DBY, 474).

Pinangunahan ng pangkat ng tagabunsod ni Brigham Young ng taong 1847 ang pagtungo sa Lambak ng Salt Lake.

Paminsan-minsan ay sinusundan namin ang mga landas na daanan ng mga Indiyan, paminsan-minsan ay sinunod namin ang kompas; nang lisanin namin ang ilog ng Missouri ay sinundan namin ang [ilog] ng Platte. At napakarami naming pinatay na ahas sa ilang mga lugar; at gumawa ng mga daan at nagtayo ng mga tulay hanggang sa manakit ang aming mga likod. Doon sa mga ilog na hindi namin magawan ng mga tulay, isinakay namin sa bangka ang aming mga tao upang patawid (DBY, 480).

Nang makilala namin si G. Bridger [may-ari ng Fort Bridger, Wyoming] sa Big Sandy River [ika-28 ng Hunyo 1847], sinabi niyang, “G. Young, magbibigay ako ng isang libong dolyar kung malalaman ko na may mais na mabubuhay dito [sa mga bundok na ito]”. Ang sabi ko ay, “Maghintay ka ng labinwalong buwan at ipakikita ko sa iyo na marami nito.” Sinabi ko ba ito mula sa kaalaman? Hindi, ito ay ang aking pananampalataya; ngunit wala kami ni kaunti mang pampalakas ng loob—mula sa likas na pag-iisip at sa lahat ng ating malalaman sa bayang ito—ang pagiging tigang nito, ang lamig at hamog ng yelo, na maniwalang makapagtatanim kami ng kahit ano. … Mayroon kaming pananampalataya na makapagtatanim kami ng butil; mayroon bang masama rito? Wala. Kung hindi kami nagkaroon ng pananampalataya, ano ang mangyayari sa amin? Nalugmok na sana kami sa kawalan ng paniniwala, sinira ang bawat mapagkukunan ng aming makakain at hindi na nag-alaga ng kahit ano (DBY, 481).

[Noong ika-30 ng Hunyo 1847,] nang marating ng pangkat ng Tagabunsod ang Green River [halos 80 milya sa silangan ng Great Salt Lake Valley], ay nakilala namin si Samuel Brannan at ang iba pa mula sa [San Francisco,] California, at ibig nilang pumunta kami roon. Binanggit ko na, “Pupunta tayo sa California, at hindi tayo maaaring mamalagi doon nang mahigit sa limang taon; ngunit tayo’y manatili sa mga kabundukan, at makapagtatanim tayo ng sarili nating mga patatas, at kakainin ang mga ito; at binabalak kong manatili rito.” Nasa lugar pa rin tayo na matatag [Rocky Mountains], tulad ng gulugod ng hayop, kung saan naroon ang buto at ang litid, at binabalak naming manatili rito, at kahit na ang impiyerno ay walang magagawa rito (DBY, 475).

Ako, kasama ng iba, ay nanggaling sa tinawag naming Emigration Canyon; tinawid namin ang Malaki at Maliit na mga kabundukan, at bumaba sa lambak na halos tatlong-kapat na milya sa timog nito. [Dumating si Orson Pratt at Erastus Snow sa lambak ng Salt Lake noong ika-21 ng Hulyo 1847; ang nauna at pangunahing mga pangkat ay dumating noong ika-22 ng Hulyo. Ang huling pangkat kasama ang Pangulong Brigham Young, na naghihirap sanhi ng lagnat na dulot ng kabundukan, ay dumating sa lambak noong ika-24 ng Hulyo.] Naghanap kami, at tumingin sa paligid, at sa wakas nakarating at humimpil kami sa pagitan ng dalawang sanga ng City Creek, ang isa ay bumabaybay sa timog kanluran at ang isa ay sa kanluran. Dito namin ibinaon ang aming bandila sa bloke na pagtatayuan ng templo at sa itaas nito; dito namin itinayo ang aming kampo at tiniyak na dito na maninirahan at titigil (DBY, 474).

Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos ay napagtagumpayan ng mga Banal ang kanilang mga kahirapan sa Kanluran.

Dumating kami rito, kung saan natagpuan namin ang ilang … Indiyan, ilang oso at kuneho, at napakaraming kuliglig; ngunit kung ang paguusapan ay berdeng puno o bungang kahoy, o kahit na anong berdeng kabukiran ay wala kaming nakitang ganoon, maliban sa ilang cottonwoods at willows sa gilid ng City Creek. Sa habang 1200 o 1300 milya ay dala-dala namin ang aming mga baon nang dumating kami rito. Nang lisanin namin ang aming mga tahanan ay dala-dala namin ang aming mga kabayo, kapong baka at guya na hindi ninakaw ng mga mandurumog at ang ilang kababaihan ay nagpastol ng kanilang sariling mga hayop papunta dito. Sa halip na 365 librang (mga 166 na kilo) panggawa ng tinapay nang magsimula sila sa ilog ng Missouri, ay wala na sa kalahati sa kanila ang may kalahati nito. Kinailangang dalhin namin ang aming mga butil, ang aming mga gamit sa pagsasaka, muwebles, mesa, tukador, sopa, piyano, salamin, mahuhusay na upuan, karpet, magagandang pala at pansipit at iba pang mahusay na mga muwebles, kasama ang kasangkapang gamit sa sala, lutuan, at iba pa, at kinailangan naming dalhin ang mga ito kasama ng ilang kababaihan at mga kabataan, na patung-patong na nakatambak, sa kawawang kalagayan ng mga hayop, … mga kapong baka na tatatlo ang paa, at bakang iisa ang utong, ito lang ang tangi naming sasakyan, at kung hindi namin dinala ang aming mga dala-dalahan sa ganitong paraan, hindi kami magkakaroon ng mga ito, dahil walang kahit ano rito (DBY, 480).

Mahihirap ang mga Banal nang dumating sa lambak na ito (DBY, 475).

Nanguha sila ng kaunting buckskins, balat ng antelopes, balat ng tupa, balat ng buffalo, at ginawang pang-ibabang kasuotan at mokasin ang mga ito, at ibinalabal nila ang buffalo robe. Ang ilan ay may kumot at ang ilan ay wala; ang ilan ay may kamiseta, at sa palagay ko ang ilan ay wala. Isang lalaki ang nagsabi sa akin na wala siyang isa mang kamiseta para sa kanyang sarili o sa mag-anak (DBY, 475–76).

Mangangahas akong sabihin na wala ni isa sa apat sa mag-anak ko ang may suot na sapatos sa kanilang paa nang dumating kami sa lambak na ito (DBY, 476).

Mayroon kaming pananampalataya, nabubuhay kami sa pananampalataya; nakarating kami sa mga bundok na ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Nakarating kami rito, madalas kong sabihin, kahit na sa pandinig ng iba ay hindi magandang pakinggan, na hubad at walang sapin sa paa, at ito ay talagang totoo (DBY, 481).

Ipinanalangin namin ang lupain, at inilaan ito at ang tubig, hangin at lahat ng nauukol sa kanila sa Panginoon, at pinagpala ng kalangitan ang lupain at ito ay naging masagana, at ngayon ay umaani ng pinakamahusay na mga butil, prutas at mga gulay (DBY, 483).

Hanggang sa dumating ang mga Banal sa mga Huling Araw, walang isa man sa lahat ng namumundok at sa mga naglalakbay dito, sa tagal ng aming kaalaman, ang naniwala na magbubunga ang mais dito sa mga lambak. Alam naming masaganang aani ng mais at trigo rito, at alam naming may pinakamahusay tayong rehiyon kung saan makapag-aalaga ng mga baka, kabayo, at lahat ng uri ng maamong hayop na kailangan natin (DBY, 485).

Wala pang lupain, simula noong panahon ni Adan hanggang sa ngayon, na labis na biniyayaan ng ating Ama sa Langit nang higit pa sa lupaing ito; at patuloy pang bibiyayaan, kung tayo ay tapat at mapagkumbaba, at nagpapasalamat sa Diyos para sa trigo at mais, abena, prutas, mga gulay, baka at lahat ng ibinigay sa atin, at sikaping gamitin ang mga ito sa pagtatayo ng kanyang Kaharian sa lupa (DBY, 483).

Kami ang mga tagabunsod ng bayang ito (DBY, 474).

Nilimbag namin ang unang mga pahayagan, maliban sa dalawa, itinakda ang mga unang gulayan, itinanim ang unang trigo, itinatag ang unang mga paaralan, at ginawa ang unang pagpapabuti sa aming mga pinagsimulan, sa malaking bahagi, mula sa ilog ng Mississippi hanggang sa karagatan ng Pasipiko; at kami ay nakarating sa wakas, upang malayo sa daraanan ng kahit sino, kung kinakailangan. Akala namin ay makalalayo kami nang napakalayo na walang naninirahang tao; ibig naming makarating sa ibang bayan, gaya ni Abraham, na kung saan kami ay hindi patuloy na magkakaroon ng hidwaan sa iba o sinuman (DBY, 476).

Nais naming maunawaan ng mga estranghero na hindi kami naparito dahil sa aming kagustuhan, kundi dahil sa kami ay napilitang magtungo kung saan, at ito ang pinakamahusay na lugar na aming natagpuan. Imposibleng manirahan ang kahit sino dito maliban kung siya ay nagpakahirap sa paggawa ay at lumaban sa mga elemento, ngunit ito ay napakabuting lugar para sa pagpapalaki ng mga Banal sa mga Huling Araw, at tayo ay bibiyayaan sa paninirahan dito, at gagawin pa itong katulad ng Halamanan ng Eden; at ipagsasanggalang ng Makapangyarihang Panginoon ang kanyang mga Banal at ipagtatanggol at pangangalagaan sila kung gagawin nila ang kanyang kalooban. Ang kinatatakutan ko lang ay ang hindi natin paggawa ng tama; kung gagawa tayo ng [tama] ay magiging katulad tayo ng lungsod na inilagay sa burol, ang ating liwanag ay hindi maitatago (DBY, 474).

Pitong taon pa lamang mula nang lisanin namin ang Nauvoo, at ngayon ay handa na kaming magtayo ng panibagong templo. Nagbabalik-tanaw ako sa aming mga ginawa na may kasiyahan. Narito ang daan-daan at libu-libong tao na hindi nabigyan ng pagkakataon tulad ng ilan sa amin. Itinatanong ba ninyo, kung ano ang mga pagkakataong ito? Aba, ang pagdaan sa matitinding pagsubok. Hindi sila nagkaroon ng pagkakataong manakawan at madambungan ng kanilang ari-arian, na mapagitnaan ng mandurumog at ng kamatayan, kagaya ng naranasan ng marami sa amin (DBY, 482).

Itinatanong ninyo kung mananatili tayo sa mga kabundukang ito. Ang sagot ko ay oo, hanggang sa nais nating gawin ang kalooban ng Diyos na ating Ama sa Langit. Kung nasisiyahan tayo sa pagtalikod sa mga banal na kautusan ng Panginoong Jesucristo, tulad ng ginawa noong unang panahon ng mga Israelita ang lahat ay tumatahak ng kanilang sariling daan, tayo ay ikakalat at huhubaran, ipagtatabuyan sa ating mga kaaway at paguusigin, hanggang sa matutunan nating maalala ang Panginoon na ating Diyos at kusang lalakad sa kanyang mga landas (DBY, 493).

Marami ang maaaring magtanong, “Gaano tayo katagal na mananatili rito?” Mananatili tayo rito hangga’t kinakailangan. “Itataboy ba tayo, kapag tayo’y umalis?” Kung tayo ay mamumuhay nang nasisiyahan sa ating mga sarili, at hindi lilisan sa ating mga tahanan hindi tayo ipagtatabuyan mula sa mga ito. Hanapin ang pinakamahusay na karunungan na matatamo ninyo, pag-aralang gamitin ang inyong pinaghirapan, magtayo ng magagandang tahanan, gawing mainam ang mga bukirin, magtanim ng mansanas, peras, at iba pang punong kahoy na mamumunga rito, gayundin ang mountain currant at palumpong ng raspberry, magtanim ng istroberi, at magtayo at palamutian ang magandang lungsod (DBY, 483–84).

Markahan ang ating mga panirahan ng anim na daang milya sa mga kabundukang ito at pagkatapos ay markahan ang ating dinaanan patungo dito, magtayo ng mga tulay at gumawa ng mga daan sa kabila ng mga parang, kabundukan at bangin! Dumating tayo rito ng walang salapi at gamit ay mga lumang bagon, ang ating mga kaibigan … ang nagsasabi sa ating “dalhin ninyo ang lahat ng baon na madadala ninyo; sapagkat wala na kayong makukuha pa! Dalhin ang lahat ng butil na madadala ninyo, sapagkat wala kayong makukuha doon!” Ginawa namin ito, at bilang karagdagan sa lahat ng ito aming tinipon ang lahat ng matitipon naming mahihirap, at inilagay kami sa mga lambak na ito ng Panginoon, nangakong itatago kami ng maikling panahon hanggang sa lumipas ang kanyang poot at ngitngit sa mga bansa. Magtitiwala ba tayo sa Panginoon? Oo (DBY, 475).

Sa tulong ng langit ay napagtagumpayan natin ang lahat ng paghihirap na ito, at makapagtitipun-tipon dito sa lugar ng mga kabundukang ito, kung saan wala tayong ikakatakot, malayo sa mga umuusig sa atin, malayo sa kaguluhan at kalituhan ng dating mundo (DBY, 482).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Kaguluhan sa Illinois at ang paglalakbay ng mga Banal sa Kanluran.

  • Kanino ibinigay ng Pangulong Young ang papuri sa planong dalhin ang mga Banal sa Rocky Mountains at sa Lambak ng Salt Lake?

  • Anong mga pangyayari ang nag-udyok sa pag-alis ng mga Banal sa Illinois? Paano nalaman ng Pangulong Young kung saan dadalhin ang mga Banal ?

Pangangalap ng tauhan at pagmamartsa ng Batalyong Mormon.

  • Bakit hinimok ng mga pinuno ng Simbahan ang 500 boluntaryo na sumama sa Batalyon ng Mormon at iwanan ang kanilang mga mag-anak sa maselang oras sa kanilang pakanlurang paglalakbay?

  • Hindi na kinailangang lumaban sa digmaan ang Batalyong Mormon sapagkat tapos na ang labanan nang marating nila ang kanilang destinasyon. Ano ang pinagdusahan ng mga Banal dahil sa pagtawag ng pamahalaan sa batalyon? Sa palagay ninyo bakit mahalagang gawin nila ang sakripisyong iyon? Anong mga pakinabang ang idinulot ng karanasang ito?

Ang “kampo ng mahihirap” ay pinangalagaan ng awa ng Panginoon.

  • Paano panandaliang binigyang-lunas ng Panginoon ang gutom ng mga Banal? Paano kayo tinutulungan ng Panginoon sa oras ng pangangailangan?

Pinangunahan ng pangkat ng tagabunsod ni Brigham Young ng taong 1847 ang pagtungo sa Lambak ng Salt lake.

  • Ang Doktrina at mga Tipan 136 ay naglalaman “ng Salita at Kalooban ng Panginoon hinggil sa Kampo ng Israel sa kanilang paglalakbay patungong Kanluran” (talata 1). Ang paghahayag na ito ay ibinigay kay Pangulong Young sa Winter Quarters noong ika-14 ng Ene. 1847. Bilang karagdagan sa organisasyong ipinaliliwanag sa bahaging ito, ano pa ang ibang payo na ibinigay sa mga Banal na naglalakbay pakanluran?

  • Anong pangamba ang ipinahayag ni Jim Bridger kay Pangulong Young? Ano ang batayan sa maaaring sagot ni Pangulong Young kay G. Bridger? Paano kayo nakaranas ng tagumpay na pangunahing idinulot ng pagpapairal ng pananampalataya?

  • Bakit pinili ni Pangulong Young na manatili sa Rocky Mountains kaysa magtuloy sa California?

Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos ay napagtagumpayan ng mga Banal ang kanilang mga kahirapan sa Kanluran.

  • Sa anu-anong paraan naghanap ng mga kasagutan ang mga Banal sa kanilang kahirapan?

  • Sinabi ni Pangulong Young na, “Wala pang lupain, simula noong panahon ni Adan hanggang sa ngayon, na labis na biniyayaan ng ating Ama sa Langit nang higit pa sa lupaing ito. … “ Ano ang hinihingi sa mga Banal upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga biyayang iyon saanman sila manirahan? Ano ang ibig sabihin ng mabuhay sa pananampalataya? Ano ang magagawa natin upang lubusang mabuhay sa pananampalataya kay Jesucristo?

  • Ano ang nagawa ng mga Banal bilang mga tagabunsod ng Rocky Mountains? Ano ang magagawa ninyo upang itayo ang Simbahan kung saan kayo naninirahan?

  • Gumawa ng kakaibang pagpapahayag ang Pangulong Young, “Narito ang daan-daan at libu-libong tao na hindi nabigyan ng pagkakataon tulad ng ilan sa amin … Hindi sila nagkaroon ng pagkakataong manakawan at madambungan ng kanilang ari-arian, na mapagitnaan ng mga mandurumog at ng kamatayan, kagaya ng naranasan ng marami sa amin.” Ano sa palagay ninyo ang ibig niyang sabihin? Bakit ang Lambak ng Salt Lake “ay napakabuting lugar para sa pagpapalaki ng mga Banal sa mga Huling Araw”? Paano nabiyayaan ang inyong buhay ng mga kahirapan? Ano ang magagawa natin upang gawing pagkakataon para sa pag-unlad ang kahit na pinakamahirap na pagsubok?

pioneers and seagulls

Noong taong 1848 isang salot ng mga kuliglig ang nagbantang sumira sa mga pananim ng mga Banal. Bilang sagot sa mataimtim na panalangin, ang Panginoon ay nagpadala ng mga ibong-dagat [seagull] upang sugpuin ang mga kuliglig, tulad ng ipinakikita sa ipinintang larawan na ito.

pioneers entering Salt Lake Valley

Tulad ng pagsalalarawan ng pintor na ito, noong taong 1847 ay pinangunahan ni Pangulong Young ang mga Banal pakanluran” sa pinakamahusay na lugar na aming natagpuan. Imposibleng manirahan ang kahit sino dito maliban kung siya ay nagpakahirap sa paggawa … ngunit ito ay napakabuting lugar para sa pagpapalaki ng mga Banal sa mga Huling Araw” (DBY, 474).