Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 33: Gawaing Misyonero


Kabanata 33

Gawaing Misyonero

Iilan ang nag-ukol ng gayon na lamang sa layunin ng gawaing misyonero kagaya ng ginawa ni Pangulong Brigham Young. Ang paglalarawan sa kanyang pagdating sa Kirtland, Ohio—pagkatapos maglingkod ng misyon sa loob ng humigit-kumulang sa isang taon—ay isang makabagbag damdaming pagsasalaysay ng pagtitiis na kanyang dinanas para sa gawaing ito: “Nang dumating kami sa Kirtland [noong Setyembre 1833], kung may isa man sa mga nakipagtipon sa mga Banal na higit na pulubi kaysa sa akin—iyon ay dahil walang-wala siya … May dalawa akong anak na inaalagaan—iyon lamang. Isa akong balo. ‘Kapatid na Brigham, may sapatos ka ba?’Wala; walang sapatos sa aking mga paa maliban sa hiniram na mga bota. Wala akong damit panlamig, maliban sa isang amerikanang ginawa sa bahay na ginamit ko na ng tatlo o apat na taon. ‘May pantalon?’ Wala; ‘Ano ang isinuot mo? Hindi ka ba nagpapantalon?’ Hindi; nanghiram ako ng isang paris upang maisuot hanggang sa magkaroon ako ng isa pang paris. Naglakbay ako at nangaral at ibinigay ang bawat dolyar ng aking ariarian. May kaunti akong kayamanan nang magsimula akong mangaral. … Naglakbay ako at nangaral hanggang sa wala nang natira para sa sarili ko; ngunit sinabi ni Joseph: ‘halika’; at ako ay sumunod sa abot ng aking makakaya.” (DNSW, ika-9 ng Marso 1867, 2).

Mga Turo ni Brigham Young

Ipangangaral ang ebanghelyo sa lahat ng tao.

Tinawag ako ng Panginoon sa gawaing ito, at nadarama kong tila gagawin ko ito. Ipadadala natin ang Ebanghelyo sa mga bansa; at kung hindi tayo tatanggapin ng isang bansa, tutungo tayo sa susunod at iipunin ang mga tapat sa puso, at ang iba ay hindi na natin pakikitunguhan hanggang sa marating natin ang Bundok ng Sion bilang tagapagligtas, upang harapin ang mga ordenansa sa bahay ng Diyos para sa kanila [tingnan sa Obadias 1:21] (DBY, 319).

Kinakailangang ipangaral ang Ebanghelyo sa sanglibutan, upang ang masasama ay hindi na magkaroon ng dahilan (DBY, 319).

Kinakailangang magkaroon ang lahat ng tanging karapatan na tanggapin o tanggihan ang walang hanggang katotohanan, upang makapaghanda silang maligtas, o makapaghandang mapahamak (DBY, 319).

Ang ating Ama sa Langit, si Jesus, na ating Nakatatandang Kapatid at ang Tagapagligtas ng sanglibutan, at ang buong kalangitan, ay nananawagan sa mga taong ito na maghandang iligtas ang mga bansa sa mundo, gayon din ang milyun-milyong namayapa nang walang Ebanghelyo (DBY, 319).

Ipinanumbalik ng Panginoon ang Pagkasaserdote sa ating panahon para sa kaligtasan ng Israel. Naglalayon ba siyang magligtas pa ng iba? Oo; kanyang ililigtas ang Bahay ni Esau, at umaasa akong mabuhay hanggang makita kong naitatag ang Bundok ng Sion, at magsiparito ang mga tagapagligtas upang iligtas ang yaong mahihirap, kahabag-habag na mga taong patuloy na umuusig sa atin—ang lahat ng yaong hindi nagkasala laban sa Espiritu Santo. Ang gawain natin ay iligtas ang ating sarili, iligtas ang Bahay ni Israel, iligtas ang Bahay ni Esau, at ang lahat ng bansang Gentil—ang lahat ng maaaring iligtas (DBY, 319).

Magiging ganap akong maligaya kung malaman kong. … ang mga tao sa bawat pulo at lupalop, kapwa ang mataas at mababa, ang mangmang at matalino, ay nakatanggap ng mga salita ng buhay na walang hanggan, at naipagkaloob sa kanila ang kapangyarihan ng walang hanggang Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos (DBY, 320).

Darating ang araw na ihaharap ang Ebanghelyo sa mga hari at reyna at mga taong dakila sa daigdig; ngunit ito ay ihaharap nang may ibang lakas kaysa lakas ng paghaharap nito sa mahihirap, bagamat iisang Ebanghelyo ito. Hindi tayo maghaharap ng anupamang Ebanghelyo; hindi ito nagbabago mula sa walang katapusan hanggang sa walang katapusan (DBY, 320).

Nakapangaral din ang mga Elder sa iba’t-ibang mga bansa sa Europa hanggang kung saan sila pinahihintulutan. Sa ibang mga bansa ay hindi sila pinahihintulutan ng batas; ngunit ganap na babaguhin ng Panginoon ang mga bansang ito hanggan sa mabuksan ang pintuan at maipangaral ang Ebanghelyo sa lahat (DBY, 320).

Iniipon natin ang pinakamahirap sa mga tao, at walang pinag-aralan, at ilang may pinag-aralan; ngunit sa pangkalahatan, iniipon natin ang mga mahirap, na nais matubos; na nakadarama ng pang-aapi na pinagtitiisan nila mula sa matataas at palalo; nakadarama sila ng paghahangad na mapalaya, at kasunod nito ay nabuksan ang kanilang mga tainga upang tanggapin ang katotohanan. Tingnan ang mga nagtatamasa ng mga karangyaan sa buhay na ito, natatakpan ang kanilang mga tainga; hindi sila nakaririnig (DBY, 321).

At kung kayo ay tinawag na mangaral ng Ebanghelyo sa dayuhang mga misyon, gumawa ng hakbang upang mailigtas ang bawat tao. Walang sinumang lalaki o babae na nasasaklawan ng hangganan ng nakaliligtas na pagpapala ang hindi karapat-dapat mailigtas. Walang sinumang matalinong tao, maliban sa mga nagkasala laban sa Espiritu Santo, ang hindi karapatdapat, masasabi ko, sa pagpupunyagi ng isang Elder na mailigtas sa Kaharian ng Diyos (DBY, 321).

Dapat na ituon ng mga misyonero ang kanilang isipan at puso sa kanilang misyon at masigasig na gumawa upang makapagdala ng mga kaluluwa kay Cristo.

Walang sinumang lalaki o babae sa Simbahang ito ang hindi nasa isang misyon. Ang misyong yaon ay magtatagal hangga’t nabubuhay sila, at ito ay ang gumawa nang mabuti, ang itaguyod ang pagkamatwid, ang ituro ang mga alituntunin ng katotohanan, at ang pairalin sa kanilang sarili at sa bawat isa sa kanilang paligid na ipamuhay ang mga yaong alituntunin upang kanilang matamo ang buhay na walang hanggan (DBY, 322).

Nang sumapi ako sa Simbahang ito, kaagad akong nagsimula bilang isang misyonero, at nagdala ako ng aklat, at nagsimulang maglakbay upang mangaral. Ang katotohanan ang aking aklat, ang Ebanghelyo ng kaligtasan ang aking paksa, at ang sanglibutan ang aking paligid (DBY, 322).

Hindi natin ninanais na magmisyon ang isang tao, kung ang kanyang puso ay wala rito (DBY, 322).

Ang mga kapatid na lalaking natawag sa mga misyon sa ibayong dagat ay inaasahan nating tutugon sa panawagan nang may kagalakan (DBY, 322).

Humayo at ipangaral ang Ebanghelyo, magtamo ng karanasan, matuto ng karunungan, at lumakad nang may pagpapakumbaba sa harapan ng inyong Diyos, nang inyong matanggap ang Espiritu Santo na gagabay at aakay sa inyo, at magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay na nakaraan, na nasa kasalukuyan, at sa hinaharap (DBY, 322).

Humayong nananalig sa Diyos, at magpatuloy na manalig sa kanya, at kanyang bubuksan ang inyong daan at pararamihin ang inyong pagpapala, at masisiyahan ang inyong kaluluwa sa kanyang kabutihan. Wala akong maipapangakong mabuti sa inyo sa pagtahak sa isang landas na di matwid; nararapat na maging mga halimbawa ng mabubuting gawa ang inyong buhay (DBY, 322).

Nais kong maikintal sa isipan ng mga kapatid na lalaki, na ang yaong humahayo sa pangalan ng Panginoon, na nananalig sa kanya nang buo niyang puso, ay hindi kailanman magkukulang ng karunungan upang masagot ang anumang itanong sa kanya, o makapagbigay ng payo na maaaring kailanganin upang maakay ang mga tao sa daan ng buhay at kaligtasan, at hindi siya kailanman malilito nang walang katapusan. Humayo sa pangalan ng Panginoon, manalig sa pangalan ng Panginoon, sumalig sa Panginoon, at manawagan sa Panginoon nang taimtim at walang tigil, at huwag papansinin ang sanglibutan. Makamamalas kayo ng maraming bagay ng sanglibutan—ito ay nasa inyong harapan tuwina—ngunit kung namumuhay kayo sa paraang mapasainyo ang Espiritu Santo higit kayong makauunawa sa pamamagitan nito sa loob ng isang araw kaysa sa loob ng isang dosenang araw kung wala ito, at kaagad ninyong makikita ang kaibahan ng karunungan ng mga tao sa karunungan ng Diyos, at matitimbang ninyo ang mga bagay-bagay at matutuos sila sa tama nilang halaga (DBY, 323).

Kung hindi makaaalis ang mga Elder nang may malilinis na kamay at dalisay na mga puso, higit na mabuting dumito na lamang sila. Huwag magaakalang pagsapit ninyo sa Ilog Missouri, sa Mississippi, sa Ohio, o sa Atlantiko, ay doon na ninyo padadalisayin ang mga sarili; ngunit magumpisa na ritong may malilinis na mga kamay at dalisay na puso, at maging dalisay mula sa tuktok ng ulo hanggang sa mga sakong ng inyong paa; at mamuhay nang ganito bawat oras [tingnan sa Mga Awit 24:4]. Humayo sa ganitong paraan, at sa ganitong paraan gumawa, at muling bumalik na kasing linis ng isang piraso ng puting papel. Humayo sa ganitong paraan; at kung hindi ninyo ito gagawin, masasaktan ang inyong puso (DBY, 323).

Ang mga paglalakbay at paggawa ng mga Elder na papaalis patungo sa mga misyon ay maglalagay sa kanila sa katayuang magbubunsod sa kanilang maghangad sa Panginoon. Kailangan nilang ipamuhay ang kanilang relihiyon, humayong may dalisay na puso at malilinis na kamay, at ipangaral ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinadala ng Diyos mula sa langit. Kinakailangang huwag silang magkakasala, at sa kanilang pag-uwi ay dapat silang dumating na dalisay at malinis, na handang makipagkita sa mga Banal nang may maaliwalas na mukha (DBY, 325).

Kung kayo ay pupunta sa misyon upang ipangaral ang Ebanghelyo nang hindi seryoso at may pagbibiro sa inyong puso, na naghahangad ng ganito at ganyan, at upang matutuhan ang tungkol sa sanglibutan, at hindi nakapako ang inyong mga isipan—oo, sasabihin kong nakapako sa krus ni Cristo, aalis at babalik kayong walang kabuluhan. Humayo kayong may mataimtim na pag-iisip na dala ang mahalagang binhi, puspos ng kapangyarihan ng Diyos, at puspos ng pananampalatayang mapagaling ang maysakit maging sa paghaplos ng inyong kamay, na mapagalitan at mapalayas ang masasamang espiritu, at maligaya ang mahihirap sa mga tao, at babalik kayong dala ang inyong mga tangkas [tingnan sa Mga Awit 126:5–6]. Ituon ang inyong mga isipan sa inyong misyon at gumawa nang may pagsusumikap upang makapagdala ng mga kaluluwa kay Cristo (DBY, 325).

Italaga sila [ang inyong mga mahal sa buhay] sa Panginoong Diyos ng Israel, at iwan sila na nasa tahanan; at kung nasa Inglatera kayo, o nasa ibang bansa, hindi mahalaga kung saan, kapag ipinanalangin ninyo ang inyong mag-anak, ipanalangin sila … at huwag silang dadalhing malapit sa inyo, na para bang nasa loob sila ng inyong maleta. Ipanalangin sila saan man sila naroroon. Nararapat ninyong madamang—kung mabuhay sila, ayos ang lahat; kung mamatay sila, ayos ang lahat; kung mabuhay ako, ayos ang lahat; kung mamatay ako, ayos ang lahat; sapagkat tayo ay sa Panginoon, at muli tayong magtatagpu-tagpo hindi maglalaon (DBY, 324).

Kung kinasisiyahan ng mga tao ang diwa ng kanilang misyon at napagtatanto ang pagkakatawag sa kanila at ang kanilang katayuan sa harapan ng Panginoon at mga tao, bumubuo ito sa pinakamaligayang yugto ng kanilang buhay (DBY, 328).

Ang Espiritu, hindi ang lohika o pakikipagtalo, ang nagpapanumbalik sa mga tao sa ebanghelyo ni Cristo.

Nakapaglalakbay pa lamang ako nang maikling panahon upang makapagpatotoo sa mga tao, nang malaman ang katotohanang ito, na maaari ninyong mapatunayan ang doktrina mula sa Biblia hanggang sa araw ng paghuhukom, at ito ay makakukumbinsi lamang sa mga tao, ngunit hindi magpapanumbalik sa kanila. Maaari ninyong basahin ang Biblia mula sa Genesis hanggang Apocalipsis, at patunayan ang anumang katiting na doktrinang ilalahad sa ninyo, ngunit ang ganito ay walang lakas na magpapanumbalik sa mga tao. Wala anumang bagay maliban sa isang patotoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang magdudulot ng liwanag at lakas sa kanila—na magdadala sa kanilang puso sa pagsisisi. Walang anumang bagay maliban dito ang makagagawa nito. Madalas ninyong marinig sa akin na higit kong nanaisin na marinig ang isang Elder, maging dito man o sa sanglibutan, na makabigkas lamang ng limang salitang kinasihan ng kapangyarihan ng Diyos, at higit na makabubuti ang mga ito kaysa makinig sa mahahabang sermon nang walang Espiritu. Ito ay totoo, at batid natin ito (DBY, 330).

Pahayuin ang isang maingat na nagpapatunay sa paraan ng lohika sa lahat ng sinasabi niya sa pamamagitan ng pagsipi sa mga paghahayag, at pasamahin sa kanya ang isang makapagsasabi, sa pamamagitan ng Espiritu Santo ng, Ganito ang wika ng Panginoon, at sasabihin sa mga tao kung ano ang dapat nilang paniwalaan—kung ano ang dapat nilang gawin—kung paano sila dapat na mamuhay, at turuan silang magpadala sa mga alituntunin ng kaligtasan,—bagamat hindi siya makagawa ni isang katwirang lohikal, bagamat maaaring nanginginig siya sa kanyang kahinaan, na nananalig sa Panginoon para lumakas, kagaya ng karaniwang nangyayari sa mga tao, halos palagi ninyong matutuklasan na ang taong nagpapatotoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay makakukumbinsi at makakapag-iipon ng higit na maraming matapat at matwid na tao kaysa roon sa nangangatwiran sa pamamagitan ng lohika lamang (DBY, 330).

Walang kakayahang makapagligtas ang pakikipagtalo at pangangatwiran tulad ng pagpapatotoo sa katotohanan ayon sa paghahayag ng Panginoon sa Elder sa pamamagitan ng Espiritu. Sa palagay ko ay sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito; kahit paano, ganito ang aking karanasan. Hindi ko ninanais na ipakahulugang naglalagay ako ng hadlang sa mga Elder na nag-iipon sa kanilang isipan ng lahat ng katwirang makukuha nila para sa pagtatanggol sa kanilang relihiyon, at hindi ko rin nais na pigilin sila kahit bahagya man sa lahat ng kaalamang matatamo nila hinggil sa mga relihiyon at pamahalaan. Higit na maraming alam ang mga Elder, higit na mainam (DBY, 330).

Ang espiritu ng katotohanan ay makagagawa nang higit sa paghahatid sa mga tao ng liwanag at kaalaman, kaysa mabulaklak na mga salita (DBY, 333).

Kinakailangan ng mangangaral ang kapangyarihan ng Espiritu Santo upang maibahagi sa bawat puso ng tao ang isang mensahe sa tamang panahon, at kinakailangan ng tagapakinig ang Espiritu Santo upang ipamalas ang mga bunga ng ipinangaral na salita ng Diyos para sa kaluwalhatian nito [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 50:17–22] (DBY, 333).

Walang sinumang tao ang nangaral ng isang sermon ng Ebanghelyo, maliban sa kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo na ipinadala mula sa langit. Kung wala ang kapangyarihang ito, walang liwanag sa pangangaral (DBY, 333).

Kung ang isang Elder, sa pangangaral ng Ebanghelyo, ay hindi nadarama na sumasakanya ang kapangyarihang mangaral ng buhay at kaligtasan, at ang karapatang pangasiwaan ang mga ordenansa, at ang mga ito rin, ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, hindi niya mapupunan ang kanyang misyon para sa kanyang sariling kapurihan, o para sa kabutihan ng mga tao, at sa pagsusulong at karangalan ng Kaharian ng Diyos. Mula sa aking mga nabasa, mula sa aking mga napag-alaman, mula sa mga paghahayag ng Diyos sa tao, at mula sa mga paghahayag ng Espiritu sa akin, walang sinuman ang matagumpay na makapangangaral ng Ebanghelyo at aariin, pagpapalain, at kikilalanin ng kalangitan, malibang nangangaral siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa kaparaanan ng tuwirang paghahayag (DBY, 336).

Magpatuloy na gumawa nang may katapatan at panatilihin ang espiritu ng pangangaral ng ebanghelyo.

Nais kong makiusap nang ganito: na ang mga Elder na bumabalik mula sa mga misyon ay dapat na ituring ang kanilang sariling nasa misyon pa rin kagaya ng pagmimisyon nila sa Inglatera o saan pa mang bahagi ng daigdig (DBY, 328).

Madalas tayong tumawag ng mga kapatid na lalaki na pumunta sa mga misyon upang ipangaral ang Ebanghelyo, at pumupunta sila at naglilingkod nang may katapatan sa abot ng kanilang kakayahan, na taimtim sa espiritu, sa panalangin, sa pagpapatong ng mga kamay, sa pangangaral at pagtuturo sa mga tao kung paano maligtas. Sa loob ng ilang taon ay umuuwi sila, at pagkaraang hubarin ang kanilang mga kapa at sombrero, ay sasabihin nilang, “Relihiyon, tumabi ka, magtatrabaho ako ngayon upang kumita para sa aking sarili at mag-anak.” Ito ay isang kahangalang walang kapantay. Kung ang isang lalaki ay umuuwi mula sa misyon kung saan niya ipinangaral ang Ebanghelyo, nararapat na kasing handa siyang pumunta sa pulpitong ito upang mangaral na parang siya ay nasa Inglatera, Pransiya, Alemanya, o sa mga kapuluan sa dagat. At kung nakauwi na siya ng isang linggo, isang buwan, isang taon, o sampung taon, ang espiritu ng pangangaral at ang espiritu ng Ebanghelyo ay nararapat na sumasakanyang katulad ng ilog na dumadaloy patungo sa mga tao sa magandang mga pananalita, turo, alituntunin, at halimbawa. Kung hindi ganito, hindi niya napupunan ang kanyang misyon (DBY, 328–29).

Magsiuwing nakataas noo. Panatilihin ang inyong mga sariling malinis, mula sa tuktok ng inyong ulo hanggang sa sakong ng inyong paa; maging dalisay ang puso,—kundi ay uuwi kayong may mabigat na espiritu at may malungkot na mukha, at madaramang tila hindi ninyo kayang muling tumayo (DBY, 328).

Ang mga matapat na Elder na nagpatotoo sa libu-libong tao sa mga lupalop at kapuluan ng karagatan ay makikita ang mga bunga ng kanilang paggawa, sila man ay umusal ng lima o libu-libong salita. Maaaring hindi nila mamalas kaagad ang mga bungang ito, at maaari, sa napakaraming pagkakataon, hangga’t hindi pa dumarating ang Milenyo; ngunit ang bisa ng kanilang patotoo ay maisasalin mula sa ama patungo sa anak (DBY, 329).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ipangangaral ang ebanghelyo sa lahat ng tao.

  • Sinabi ni Pangulong Young na kung ipangangaral ang ebanghelyo sa mga hari at reyna, ito ay “ihaharap nang may ibang lakas kaysa lakas ng paghaharap nito sa mahihirap.” Bakit ang iba’t ibang tao ay tumutugon sa iba’t ibang pamamaraan ng pagtuturo? Paano natin maiaangkop ang ating pamamaraan ng pagtuturo upang turuan ang iba’t ibang tao nang hindi maisasaisantabi ang mga katotohanan ng ebanghelyo?

  • Sinabi ni Pangulong Young ang Panginoon ay “ganap na babaguhin ang mga bansa” na ang kung kaninong mga batas ay hindi nagpapahintulot sa pangangaral ng ebanghelyo. Paano natutupad ang propesiyang ito?

  • Ayon kay Pangulong Young, sino ang “karapat-dapat iligtas”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 18:10–16.)

Dapat na ituon ng mga misyonero ang kanilang isipan at puso sa kanilang misyon at masigasig na gumawa upang makapagdala ng mga kaluluwa kay Cristo.

  • Ayon kay Pangulong Young, ang bawat lalaki at babae sa Simbahang ito ay nasa isang misyon. Anu-ano ang pananagutan natin? Anu-anong tiyak na kilos ang nagbigay sa inyo o sa iba ng tagumpay sa inyong mga gawaing misyonero? Ano-ano ang natutuhan ninyo mula sa inyong mga gawaing misyonero na makatutulong sa inyo na maging higit na mabisa sa paghihikayat sa mga tao na lumapit kay Cristo? (Tingnan din sa Moroni 10:32.)

  • Itinuro ni Pangulong Young na dapat na ilagay ng mga misyonero ang kanilang puso sa gawain? Batay sa inyong nabasa sa kabanatang ito, ano ang ibig ipakahulugan nito?

  • Ano ang ipinangako ni Pangulong Young sa mga yaong nangangaral ng ebanghelyo at nananalig sa Diyos? Bakit dapat nating hangarin ang pakikipagtipan ng Espiritu Santo habang ibinabahagi natin ang ebanghelyo?

  • Bakit mahalaga sa mga misyonero na maging malinis bago sila magsimulang maglingkod sa misyon? Ano ang payo ni Pangulong Young hinggil sa pagiging karapat-dapat ng mga misyonero habang naglilingkod at sa kanilang pagbalik?

  • Bakit dapat na “ipako” ng mga misyonero ang kanilang isipan sa Tagapagligtas, kay Jesucristo? Ano ang payo ni Pangulong Young sa mga misyonero na humaharap sa pananabik na makauwi?

Ang Espiritu, hindi ang lohika o pakikipagtalo, ang nagpapanumbalik sa mga tao sa ebanghelyo ni Cristo.

  • Bakit higit na mabisa ang mga misyonerong nagpapatotoo sa ebanghelyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu kaysa sa mga nagtuturo lamang sa pamamagitan ng lohika at katwiran? Bakit hindi mabisang pamamaraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ang pakikipagtalo?

  • Bakit walang kaliwanagan sa pangangaral ng mga yaong wala sa kanila ang Espiritu Santo?

  • Ano ang ipinangako ni Pangulong Young sa mga yaong nangangaral “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa kaparaanan ng tuwirang paghahayag” at nananalig sa Kanya?

Magpatuloy na gumawa nang may katapatan at panatilihin ang espiritu ng pangangaral ng ebanghelyo

  • Bakit isang “kahangalang walang kapantay” para sa mga misyonero ang isasantabi ang kanilang relihiyon sa kanilang pag-uwi?

  • Kung tayo ay hinahalinhan sa ating tungkulin, paano natin mapananatili “ang espiritu ng pangangaral at ang espiritu ng Ebanghelyo … katulad ng ilog na dumadaloy patungo sa mga tao sa magandang mga pananalita, turo, alituntunin, at halimbawa”?

  • Ano ang ipinangako ni Pangulong Young sa matatapat na misyonero na nagpapatotoo sa gawain ng Panginoon?

Elder Thomas C. Griggs

Larawan ni Elder Thomas C. Griggs, isang misyonero sa Kapuluang Britanya, noong 1880.

church missionaries

Mga misyonero ng Simbahan sa Echo Canyon, Utah, 1867. Ipinangaral ng naunang mga misyonero ang ebanghelyo sa Inglatera, Europa, at kapuluan sa Dagat Pasipiko.