Kabanata 19
Ang Samahang Damayan at Indibiduwal na Pananagutan
Ang Samahang Damayan ng Kababaihan ng Nauvoo na binuo ng Propetang si Joseph Smith, ay mahalagang paraan ng pagtulong sa mahihirap at pagpapalakas ng mga kababaihan sa Nauvoo mula taong 1842 hanggang taong 1844. Matapos ang martir na pagkamatay ni Joseph, ang Samahang Damayan ay itinigil nang ilang taon. Noong taong 1854, dahil sa udyok ng gawain ng mga kababaihan sa kapakanan ng mahihirap ay itinatag ni Pangulong Brigham Young ang Samahang Damayan sa ilang purok sa Utah. Ngunit, nang ipadala ng Estados Unidos ang hukbo ni Johnston sa Utah noong taong 1857, natigil na muli ang mga samahan ng purok, kasama na ang Samahang Damayan. Sa huling bahagi ng taong 1867 napagpasiyahan ni Pangulong Young na hindi magiging mabisa ang pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mahihirap kung hindi itatatag ang mga kababaihan. Tinawag niya ang mga Obispo upang itatag na muli ang Samahang Damayan: “Ngayon, mga Obispo, mayroon kayong matatalinong asawa … hayaan ninyo silang magtatag ng Samahang Damayan ng Kababaihan sa iba’t ibang purok. Maraming matatalinong kababaihan sa atin, at inaasahan natin ang kanilang tulong dito. Ang iba ay iniisip na maliit na bagay lamang ito, ngunit hindi; at makikita ninyo na ang mga kapatid na babae ang magiging pinakaugat ng samahan. Bigyan sila ng kapakinabangan sa pamamagitan ng inyong karunungan at karanasan, ibigay sa kanila ang inyong impluwensiya, patnubayan at pamahalaan sila nang maayos at may katalinuhan, at makahahanap sila ng kanlungan para sa mahihirap, at makahahanap ng mga paraan sa pagtulong sa kanila ng sampung beses na mas mabilis kaysa magagawa ng Obispo” (DEN, ika-14 ng Dis. 1867, 2). Ang mga kapatid ngayon sa Samahang Damayan ay tulung-tulong sa pagpapabuti ng kanilang mga mag-anak at pamayanan at sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.
Mga Turo ni Brigham Young
Ang mga kapatid sa Samahang Damayan ay tumutulong sa pag-aaruga sa mahihirap, maysakit, at sa mga nasa kagipitan.
Mayroon akong maikling sermon para sa aking mga kapatid na kababaihan. Nais kong kayo, sa ilalim ng pamamahala ng inyong mga Obispo at matatalinong kalalakihan, ay magtatag ng inyong mga Samahang Damayan, at buuin ang inyong mga sarili sa ilalim ng pamumuno ng inyong mga kapatid na lalaki (DBY, 218).
Kumuha ng mga kababaihang may mabuting pang-unawa upang mamuno sa inyo, at humingi ng payo mula sa maunawaing kalalakihan; at kumilos nang karapat-dapat ayon sa nalalaman ninyong tamang gawin, at maging bihasa sa mabuting katangian na natatangi sa inyong kasarian (DNSW, ika-28 ng Abril 1868, 2).
Papagsumamuin ang isang kapatid na babae para sa ikagagaan ng pagdurusa at kahirapan, at halos nakatitiyak na siya na magtatagumpay siya, lalo na kung magsusumamo siya sa kanyang kapwa babae. Kung susundin ninyo ang paraang ito ay higit na mainam ninyong malulunasan ang mga pangangailangan ng mahihirap kaysa sa kasalukuyang pagtulong na ginagawa ninyo sa kanila (DEN, ika-14 ng Dis. 1867, 2).
Sasabihin ko ito rito sa mga Banal sa mga Huling Araw, kung inyong pakakainin nang bukal sa puso at bukas na palad ang mahihirap, kayo at ang inyong mga anak ay hindi kailanman mamamalimos ng tinapay. Sa ganitong mga bagay ay tama ang mga tao; tama sila sa pagtatatag ng Samahang Damayan ng Kababaihan, upang ang mga puso ng balo at ulila ay mapaligaya sa pamamagitan ng mga biyaya na buong masagana at malayang ibinabahagi sa kanila (DBY, 21).
Mga Kapatid na Babae, may nakikita ba kayong mga bata sa inyong kapitbahayan na hindi maayos ang pananamit at walang mga sapatos? Kung mayroon, sinasabi ko sa inyo Samahang Damayan ng Kababaihan, kunin ang mga batang ito at ibsan ang kanilang mga pangangailangan, at papagaralin sila. At kung may makikita kayong mga bata, na medyo may-edad o matandang babae na nangangailangan ay hanapan sila ng magagawa upang matulungan silang maitaguyod ang kanilang sarili; ngunit huwag bigyangginhawa ang mga tamad, sapagkat ang pagbibigay ginhawa sa mga kayang magtrabaho ngunit walang pagnanais na gumawa ay makasisira sa anumang pamayanan (DBY, 217).
Ibsan ang mga pangangailangan ng bawat nangangailangan sa inyong mga kapitbahayan. Ito ay nasa kakayahan at kapangyarihan ng mga Samahang Damayan ng Kababaihan kapag hindi makakayang tustusan ng mga Obispo (DBY, 218).
Tingnan ang inyong kakayahan bilang mga Samahang Damayan sa lungsod na ito at sa buong kabundukan. Tingnan ang inyong katayuan! Isaalang-alang ninyo ito, at magpasiya kung kayo ay magsisimula at pagaralan ang impluwensiyang inyong tinataglay at gamitin ang impluwensiyang iyon sa paggawa ng kabutihan at sa pagbibigay ginhawa sa mahihirap (DNW, ika-14 ng Ago. 1869, 2).
Isang tala ng mga gawain ng lahat ng mga Samahang Damayan ng Kababaihan ang itatago, at malalaman kung sino ang masigasig at tapat sa pagganap ng mga payo na ibinigay sa kanila upang makayanan nilang gampanang mabuti ang kanilang mataas na mga tungkulin dito sa lupa (MS, 31:269).
Maisusulong ng mga kapatid na babae na matatalinong namamahala ng kanilang mga mapagkukunan ang gawain ng Diyos.
Nais kong tawagin ang pansin ng ating mga kapatid na babae sa ating mga Samahang Damayan. Maligaya nating masasabi na karamihan sa kanila ay marami nang nagawa. Nais natin silang magpatuloy at umunlad. Nawa ay turuan ng ating mga makaranasang kapatid na babae ang mga kabataang babae na huwag gaanong masabik sa pagbibigay-kasiyahan sa kanilang kathang isip na mga kagustuhan, kundi ituon ang kanilang sarili sa mga tunay na pangangailangan. Ang luho ay walang katapusan. … Mahilig tayong magbigay daan sa imahinasyon ng ating mga puso, ngunit kung tayo ay magagabayan ng karunungan, ang ating pagpili ay maitutuwid, at makikita nating tayo ay lalong bubuti (DBY, 218).
Mga Kababaihan, kung kayo ang magiging sanhi ng pagkalubog ng mga taong ito sa utang na magiging sanhi ng kanilang kahirapan, mayroon ba kayong pananagutan dito? Sa palagay ko ay mayroon, sapagkat kayo ay hahatulan ayon sa inyong mga gawa. Hindi ba kasing luho ng mga kababaihan ang mga kalalakihan? Oo, tunay nga, at kasing hangal rin (DBY, 218).
Ang mabuting maybahay ay mag-iipon at matipid at tuturuan ang kanyang mga anak na maging mabubuting maybahay, at kung paano alagaan ang lahat ng ipinagkakatiwala sa kanila (DBY, 213).
Tiyakin ninyo na hindi sinasayang ng inyong mga anak ang tinapay at iba pang pagkain. Kung may sosobrang tinapay, ibigay ito sa mahihirap, at tiyaking hindi ito sisirain ng inyong mga anak. Huwag ninyo silang hayaang sirain ang mahahalagang kasuotan, kundi pagsuotin sila ng matibay at tumatagal na damit, at magtipid hangga’t maaari, at ibigay ito sa abuloy para sa mahihirap (DNW, ika-29 ng Mayo 1861, 2).
Kailangang matutunan nating kamtin ang bawat biyaya at bawat pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos na kaya nating abutin, at kung paanpo ang matalinong paggamit ng ating oras, ng ating mga talino at ng lahat ng ating kilos para sa pagsusulong ng kanyang Kaharian sa lupa (DBY, 53).
Ang panahong ating ginugugol dito ay ang ating buhay, ating kabuhayan, ating puhunan, ating kayamanan, at ang panahong iyon ay kailangang gamitin nang kapaki-pakinabang (DBY, 217).
Ngayon, mga kapatid na babae, kung isasaalang-alang ninyo ang mga bagay na ito ay makikita ninyo kaagad na ang panahon ang siya lamang puhunan dito sa lupa; at dapat ninyong ituring na mahalaga ang inyong panahon, sa katunayan ito ay kayamanan, at kung gagamitin sa tamang paraan, magdudulot ito sa inyo ng dagdag na kaginhawahan, kaluwagan, at kasiyahan. Isaalang-alang natin ito, at huwag nang maupo na nakatiklop ang mga kamay, na nagsasayang ng oras, sapagkat tungkulin ng bawat lalaki at bawat babae na gawin ang lahat ng maaari sa pagpapalaganap ng Kaharian ng Diyos sa lupa (DBY, 214).
Dapat “gampanang mabuti, itaguyod at ikarangal ng mga kapatid na babae ang buhay nila ngayon.”
Narito ang mga bata, medyo may katandaan at may edad na kababaihan, na may mga karanasan ayon sa kanilang mga pinagdaanan. … Sisimulan ko sa pagsasabi sa mga ito, na aking mga kapatid na babae, na talagang tungkulin nila sa harap ng Diyos, sa kanilang mga mag-anak at mga kapatid na kalalakihan, na gumawa sila ayon sa kapasidad nila sa kanilang kinalalagyan, ayon sa kanilang kakayahan, upang magampanan nilang mabuti, maitaguyod at ikarangal ang buhay na taglay nila ngayon (MS, 31:267).
Hayaang pangalagaan ng mga kapatid na babae ang kanilang sarili, at sila ay magpaganda, at kung mayroon man sa inyong mapamahiin at mangmang na magsasabing ito ay kapalaluan, masasabi kong hindi kayo nabigyang kaalaman tungkol sa kapalaluang makasalanan sa harap ng Panginoon, at mangmang din kayo hinggil sa kabunyian ng kalangitan, at sa kagandahang namamayani sa kalipunan ng mga Diyos. Kung makakakita kayo ng anghel, makakakita kayo ng maganda at kaibig-ibig na nilalang. Gawin ninyo ang inyong mga sariling katulad ng mga anghel sa kabutihan at kagandahan (DBY, 215).
Eva ang pangalan o titulong ibinigay sa ating unang ina, sapagkat siya ang talagang magiging ina ng lahat ng nilalang na dapat manirahan sa ibabaw ng mundong ito. Kaharap ko ang isang kongregasyong nilayon upang maging ganoong uri ng mga nilalang (MS, 31:267).
Hayaan ninyo ako, mga kapatid na babae, na magsabing, tayo ay pinagkalooban ng kakayahang masiyahan at magdusa at malugod. Nalulugod ba tayo doon sa nakasusuklam? Hindi; kundi doon sa maganda at mabuti (MS, 31:267).
Pag-aralan ang kaayusan at kalinisan sa inyong iba’t-ibang mga gawain. Pagandahin ang inyong lungsod at kapaligiran. Pagandahin ang inyong mga tahanan, at palamutian ang inyong mga puso ng biyaya ng Diyos (DBY, 200).
Masasabi ko sa mga kapatid na babae, kung mayroon kayong pinakamahusay na mga talino, tumindig at hayaang magningning ang inyong liwanag. Patunayan sa inyong mga kapitbahay at sa pamayanan na kayo ay may kakayahang turuan ang mga kapatid na kababaihan na inyong inaakalang mangmang o mapagpabaya (DNW, ika-15 ng Hunyo 1859, 2).
Kagaya ng madalas kong sabihin sa aking mga kapatid na babae sa Samahang Damayan ng Kababaihan, mayroon tayong mga kapatid na babae rito, na kung nagkaroon lamang ng pagkakataong makapag-aral, ay magiging kasing husay sa matematika o pagtutuos gaya ng kahit sinong lalaki; at inaakala nating kailangang bigyan sila ng pagkakataon na mapag-aralan ang mga sangay na ito ng kaalaman upang mapaunlad nila ang mga kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila. Naniniwala tayo na ang mga kababaihan ay kapaki-pakinabang hindi lamang sa pagwawalis ng mga tahanan, paghuhugas ng mga pinggan, paglalatag ng higaan, at pagpapalaki ng mga sanggol, kundi sila ay dapat tumindig sa likod ng despatso [counter], mag-aral ng batas o panggagamot o maging mabuting tagapag-ingat ng talaan at makapagnegosyo sa anumang gawaing may kinalaman sa pananalapi [counting house] at ito ay upang mapalawak ang larangan ng kanilang pagiging kapaki pakinabang para sa ikabubuti ng lipunan sa kabuuan (DBY, 216–17).
Ang mga kapatid na babae sa Samahang Damayan ng Kababaihan ay nakagawa na ng napakaraming kabutihan. Masasabi ba ninyo kung gaanong kabutihan ang kayang gawin ng mga ina at mga anak na kababaihan sa Israel? Hindi, imposibleng gawin ito. At susundan sila ng kabutihang ginagawa nila sa buong kawalang-hanggan (DBY, 216).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral
Ang mga kapatid sa Samahang Damayan ay yumutulong sa pag-aaruga sa mahihirap, maysakit at sa mga nasa kagipitan.
-
Anong biyaya ang ipinangako ni Pangulong Young sa mga “magpapakain ng mahihirap nang bukal sa puso at bukas ang palad”? Anong iba pang mga biyaya ang maaaring dumating sa mga indibiduwal, mag-anak, o pamayanan kapag ibinabahagi natin ang ating mga mapagkukunan? Bakit mahalagang gawin ito nang bukal sa puso?
-
Bakit “nakasisira sa anumang pamayanan” ang tumulong sa mga makakayang magtrabaho ngunit walang pagnanais na gumawa? Bakit napakahalagang alintuntunin ang paggawa?
-
Ipinayo ni Pangulong Young sa mga kapatid na babae na “ibsan ang mga pangangailangan ng bawat taong nangangailangan sa inyong mga kapaligirian.” Anong uri ng mga pangangailangan mayroon ang mga tao? Anong mga tanging pangangailangan sa inyong paligid ang napapansin ninyo at ng iba? Paano ninyo mapaglilingkuran ang mga nangangailangan sa inyong mag-anak, purok o sangay o pamayanan?
-
Paano “magagamit ang [kanilang] impluwensiya sa paggawa ng kabutihan” ng mga kapatid na babae sa Samahang Damayan? Kailan ninyo nakitang mas maraming nagawa ang mga sama-samang kapatid na babae sa Samahang Damayan kaysa kapag nag-iisa lamang?
-
Paano ninyo maitataguyod ang gawain ng Samahang Damayan? Anong mga biyaya ang iyong natanggap sa pamamagitan ng Samahang Damayan?
Maisusulong ng mga kapatid na babaeng matalinong namamahala ng kanilang mapagkukunan ang gawain ng Diyos.
-
Pinayuhan ni Pangulong Young ang mga kapatid na babae sa Samahang Damayan na turuan ang kabataang babae na bigyang kasiyahan ang kanilang mga pangangailangan at hindi ang kanilang kagustuhan. Paano ninyo malalaman ang kaibahan sa pagitan ng “kathang isip na mga kagustuhan” at “tunay na pangangailangan”? Paano natin matututuhang maging masaya sa kung ano ang mayroon tayo kaysa maghangad ng mga bagay na wala tayo?
-
Bakit mahalagang gamitin ang ating mga mapagkukunan nang may katalinuhan at kamatipiran? Paano nakatutulong ang matipid na pamumuhay ng mga Banal sa pagtataguyod ng kaharian ng Diyos? Paano ninyo magagamit ang inyong mga mapagkukunan nang may higit na katalinuhan?
-
Tinukoy ng Pangulong Young ang panahon bilang “puhunan,” “ating kabuhayan,” at “kayamanan.” Bakit napakahalaga ng panahon? Paano natin matitiyak na ginagamit natin nang may katalinuhan ang ating panahon?
Dapat “gampanang mabuti, itaguyod at ikarangal ng mga kapatid na babae ang buhay nila ngayon.”
-
Paano natin “magagampang mabuti; maitataguyod, at ikararangal ang buhay natin ngayon”?
-
Paano kayo makapagbabahagi ng “kaayusan at kalinisan sa inyong iba’tibang mga gawain”? Bakit mahalaga ang kaayusan at kalinisan? Ano ang ibig sabihin ng “palamutian ang inyong mga puso ng biyaya ng Diyos”? Paano “magagawa ng mga kababaihang Banal sa mga Huling Araw ang [kanilang sarili] na katulad ng mga anghel sa kabutihan at kagandahan”?
-
Bakit mahalaga sa kababaihan na paunlarin ang kanilang mga talino? Anong mga talino ang maibabahagi ninyo sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos? Paano kayo makatutulong sa pagsulong ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pang-araw-araw na mga gawain?