Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: Ipinaliwanag ang Ebanghelyo


Kabanata 2

Ipinaliwanag ang Ebanghelyo

Kilala ng daigdig si Pangulong Brigham Young bilang dakilang mananakop na nangangasiwa sa pagbabagong-anyo ng isang disyertong ilang tungo sa pagiging isang magandang tirahan. Mas mahalaga rito ang katotohanang isa siyang masidhing tagapagturo ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na nagbigay inspirasyon sa naunang mga Banal upang ipamuhay ang malinaw na doktrina ng isang relihiyong tumitiyak sa lahat ng pagkakataong makabalik sa piling ng Diyos.

Mga Turo ni Brigham Young

Sinasaklaw ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang sistema ng mga batas at ordenansa na humahantong sa kaligtasan.

Ang ating relihiyon ay walang iba kundi ang tunay na patakaran ng langit—ang sistema ng mga batas na namamahala sa mga diyos at mga anghel. Sila ba ang pinamamahalaan ng batas? Tiyak iyan. Walang nilalang sa lahat ng kawalang-hanggan ang hindi pinamamahalaan ng batas (DBY, 1).

Ang ipinahayag na Ebanghelyo ng Anak ng Diyos ay isang plano o sistema ng mga batas at ordenansa, na kung saan sa pamamagitan ng ganap na pagsunod ng mga taong naninirahan sa mundo, ay tinitiyak na maaari silang makabalik muli sa piling ng Ama at ng Anak. Ang mga batas ng Ebanghelyo ay ilan lamang sa mga alituntunin ng kawalang-hanggan na ipinahayag sa mga tao sa pamamagitan nito sila ay makababalik sa langit kung saan sila nagmula (DBY, 1).

Kapag nag-uusap tayo tungkol sa batas selestiyal na ipinahayag mula sa langit, ibig sabihin, ang Pagkasaserdote, ay pinag-uusapan natin ang tungkol sa alituntunin ng kaligtasan, isang ganap na sistema ng pamahalaan, ng mga batas at ordenansa, na sa pamamagitan nito ay maihahanda tayo na makadaan sa isang daluyan patungo sa isa pa, at mula sa isang tanod patungo sa isa pa, hanggang marating natin ang kinaroroonan ng ating Ama at Diyos (DBY, 130).

Matatanggap natin ang katotohanan, at malalaman ito, hanggang sa bawat sulok ng ating kaluluwa, na ang Ebanghelyo ay ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan; na ito ang daan tungo sa buhay na walang hanggan (DBY, 90).

Ang ating relihiyon, tulad din ng lahat na ang Diyos ang May-akda, ay isang sistema ng batas at patakaran. Pinasimulan niya ang mga batas at ordenansa para sa pamamahala at sa kapakanan ng mga anak ng tao, upang makita kung susundin nila ang mga ito at patutunayan nilang karapat-dapat sila sa buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ng batas ng selestiyal na mga daigdig (DBY, 1).

Hindi gumawa ang Panginoon ng mga batas na pumipilit sa akin na ipagawa ko ang aking mga sapatos sa isang natatanging estilo. Hindi siya kailanman nagbigay ng batas na nagtatakda na kailangan kong magkaroon ng sapatos na ang dulo ay palapad o na ang dulo ay patulis; kung ako man ay magkakaroon ng amerikana na ang baywang ay lampas lamang sa aking mga siko, at ang laylayan ay abot sa aking sakong; o kung kailangan akong magsuot ng amerikanang tulad ng suot ko ngayon. Ang katalinuhan, sa isang banda, ay ipinagkaloob sa kapwa Banal at makasalanan, upang gamitin nang may kalayaan, bukod pa sa kung sila ay may batas ng Pagkasaserdote o wala, kung narinig na nila ito o hindi (DBY, 63).

Alam ninyo, ang isang kaibahan ng ating pananampalataya at relihiyon ay ang hindi kailanman paghiling sa Panginoon na gawin ang isang bagay nang hindi tayo handang tumulong sa kanya sa abot ng ating kakayahan; at pagkatapos ang Panginoon na ang gagawa ng iba. Hindi ko hihilingan ang Panginoon na gawin ang bagay na hindi ko handang gawin (DBY, 43).

Sinasaklaw ng ebanghelyo ni Jesucristo ang lahat ng katotohanan.

Ang lahat ng katotohanan ay para sa kaligtasan ng mga anak ng tao— para sa kapakinabangan at pagkatuto—para sa kanilang pag-unlad sa mga alituntunin ng banal na kaalaman; at ang banal na kaalaman sa katunayan ay—katotohanan; at ang lahat ng katotohanan ay nauukol sa Diyos (DBY, 11).

Maging handang tumanggap ng katotohanan, hayaan itong magmula kahit kanino; wala itong kaibahan, ni katiting. Hindi mahalaga kung tanggapin ninyo ang Ebanghelyo mula kay Joseph Smith o kay Pedro, na nabuhay noong panahon ni Jesus. Tanggapin ninyo ito mula sa isang tao o sa iba. Kung tumawag ang Diyos ng tao at inutusan siyang mangaral ng Ebanghelyo ito ay sapat na sa akin; hindi mahalaga kung sino siya, ang ibig ko lamang malaman ay ang katotohanan (DBY, 11).

Ang “Mormonismo,” tulad ng bansag ng iba, ay sumasaklaw sa lahat ng alituntuning tungkol sa buhay at kaligtasan, para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Sinuman ang maytaglay nito. Kung ang taong hindi naniniwala sa Diyos ay may katotohanan ito ay pag-aari ng “Mormonismo.” Ang katotohanan at tamang doktrina na taglay ng ibang sekta ng relihiyon, at marami sila nito, ay pag-aari lahat ng Simbahang ito. Tungkol naman sa kanilang moralidad, marami sa kanila ang kasimbuti natin. Lahat ng mabuti, kaaya-aya, o maipagkakapuri ay pag-aari ng Simbahan at Kahariang ito. Nakapaloob sa “Mormonismo” ang lahat ng katotohanan. Walang katotohanan na hindi nakapaloob sa Ebanghelyo. Ito ang buhay, buhay na walang hanggan; ito ang kaligayahan; ito ang kaganapan ng lahat ng bagay na nasa mga diyos at sa kawalang-hanggan ng mga diyos (DBY, 3).

Sa ibang salita, kung hindi ang “Mormonismo” ang buhay ko, hindi ko alam kung nabubuhay nga ako. Hindi ko nauunawaan ang iba pa, dahil sinasaklaw nito ang lahat ng abot ng pang-unawa ng tao. Kung hindi nito saklaw ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, hindi ito totoo sa ipinahayag nitong katangian (DBY, 2).

Nais kong sabihin sa lahat ng aking kaibigan na naniniwala tayo sa lahat ng mabuti. Kung makatatagpo kayo ng katotohanan sa langit, lupa o impiyerno, ito ay pag-aari ng aming doktrina. Naniniwala kami rito; ito ay amin; inaangkin namin ito (DBY, 2).

Sinasaklaw ng [ebanghelyo] ang lahat ng moralidad, lahat ng kagalingan, lahat ng liwanag, lahat ng katalinuhan, lahat ng kadakilaan, at lahat ng kabutihan. Pinasisimulan nito ang sistema ng mga batas at ordenansa (DBY, 3).

Nakalakip sa gayong plano ang lahat ng sistema ng tunay na doktrina sa mundo, maging ito man ay pansimbahan, alinsunod sa moralidad, pilosopiya, o batas panlipunan; kalakip nito ang lahat ng mabuting batas na ginawa mula noong panahon ni Adan hanggang ngayon; saklaw nito ang mga batas ng mga bansa, dahil hinihigitan sila nito sa kaalaman at kadalisayan, saklaw nito ang mga doktrina ngayon, at kumukuha ito mula sa kanan at sa kaliwa, at pinagsasama-sama ang lahat ng katotohanan saiisang sistema, at iniiwan ang mga iba na kumalat sa lahat ng dako (DBY, 3–4).

Ating gawain at tungkulin, bilang mga ministro ng kaligtasan at Ebanghelyo, na tipunin ang lahat ng katotohanan at tanggihan ang lahat ng kamalian. Matagpuan man ang katotohanan sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos, o sa mga naniniwala na ang mga kaluluwa sa huli ay maliligtas sa pamamagitan ng awa ng Diyos, o sa Simbahan ng Roma, o sa Metodista, o sa Simbahan ng Inglatera, sa mga Presbiteryo, Baptist, Quaker, Shaker, o alinman sa marami pang iba’t ibang sekta at pangkat, lahat ay may taglay na katotohanan kahit paano. Gawain ng mga Elder ng Simbahang ito (si Jesus, ang kanilang Nakatatandang Kapatid, bilang kanilang pinuno) na tipunin ang lahat ng katotohanan sa daigdig tungkol sa buhay at kaligtasan, sa Ebanghelyong ating ipinangangaral, … sa mga siyensiya, at sa pilosopiya, saanmang bansa, lahi, wika, at tao ito matagpuan at dalhin ito sa Sion (DBY, 248).

Ang lahat ng kaalaman at karunungan at bawat kabutihan na maaaring naisin ng puso ng tao ay saklaw ng pananampalatayang ating niyakap (DBY, 446).

Sinasaklaw nito ang lahat ng katotohanang matatagpuan sa kalangitan at sa pinakamataas na—bawat katotohanan sa ibabaw ng lupa, sa ilalim ng lupa, at sa mabituing kalangitan; bilang buod, saklaw nito ang lahat ng katotohanan sa lahat ng kawalang-hanggan ng mga Diyos (DBY, 448).

Sinusukat, tinitimbang at sinasaklaw ng ating relihiyon ang lahat ng karunungan sa daigdig—lahat ng ipinahayag ng Diyos sa tao. Ipinahayag ng Diyos ang lahat ng katotohanan na ngayon ay nasa daigdig, maging ito man ay tungkol sa siyensiya o relihiyon. Ang buong mundo ay may pananagutan sa kanya dahil sa nalalaman at tinatamasa nila; sila ay may pagkakautang sa kanya dahil sa lahat ng ito, at kinikilala ko siya sa lahat ng bagay (DBY, 2).

Sakop nito ang lahat ng tunay na siyensiya na alam ng tao, ng mga anghel, at ng mga diyos. May isang tunay na sistema at siyensiya ng buhay; lahat ng iba pa ay nagiging sanhi ng kamatayan. Ang sistemang ito ay nagmumula sa Bukal ng buhay (DBY, 2).

Mananatili ang katotohanan bagama’t lumipas na ang kamalian. Mananatili ang buhay bagama’t silang tumanggi sa mga salita ng walang hanggang buhay ay mamamatay na. Nais ko ng katotohanan dahil ito ay totoo, dahil ito ay kaaya-aya at kalugud-lugod, dahil sa napakaluwalhating katangian nito, at lubos na karapat-dapat sa paghanga, pananampalataya at pagsasaalang-alang ng lahat ng matalinong nilalang sa langit o sa lupa (DBY, 9).

Nalulugod ako rito, dahil nilalayon ng katotohanan na itaguyod ang kanyang sarili; ito ay nababatay sa walang hanggang katotohanan at mananatili, samantalang ang iba, sa malao’t madali ay maglalaho (DBY, 11).

Ang bawat taong namumuhay alinsunod sa mga batas na ibinigay ng Panginoon sa kanyang mga tao, at tumatanggap ng mga pagpapalang inilaan niya para sa matatapat, ay dapat na may kakayahang malaman ang mga bagay tungkol sa Diyos, mula sa mga bagay na hindi sa Diyos, ang liwanag mula sa kadiliman, ang nagmumula sa langit at yaong nagmumula sa ibang dako. Ito ang pampalubag-loob at kasiyahang tinatamasa ng mga Banal sa mga Huling Araw sa pamumuhay nila ng kanilang relihiyon; ito ang kaalaman na taglay ng lahat ng namumuhay nang gayon (DBY, 35).

Napakadaling mamuhay sa katotohanan. Inisip na ba ninyo ito, mga kaibigan ko? Inisip na ba ninyo ito, mga kapatid ko? Sa bawat pangyayari sa buhay, maging sa mga mapagpakumbaba o mapagmataas man, ang katotohanan sa tuwina ay ang pinakatiyak at pinakamadaling gabay upang maisaayos ang ating buhay (DBY, 11).

Sa madaling salita, ang ating relihiyon ang katotohanan. Nakasaad ito sa isang pagpapahayag na ito—saklaw nito ang lahat ng katotohanan, saanman ito matatagpuan, sa lahat ng gawa ng Diyos at tao na nakikita at hindi nakikita ng mata ng tao (DBY, 2).

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkasaserdote, ang ebanghelyo ang paraan ng kaligtasan para sa lahat ng anak ng Diyos.

Ang Ebanghelyong ipinangangaral natin ay ang Ebanghelyo ng buhay at kaligtasan. Ang Simbahang ating kinakatawan ay ang Simbahan at Kaharian ng Diyos, at taglay nito ang tanging pananampalatayang makapagpapabalik sa mga anak ng tao sa kinaroroonan ng ating Ama at Diyos. Itinaas ng Panginoon ang kanyang mga kamay upang ipanumbalik ang lahat ng bagay tulad noong simula, at sa pamamagitan ng pangangasiwa ng kanyang banal na Pagkasaserdote, ay maliligtas ang lahat nang maaaring maligtas, lilinisin sa mundo ang bunga ng Pagkahulog, at ibibigay ito sa mga kamay ng kanyang mga Banal (DBY, 4).

Ang Pagkasaserdote … ay isang ganap na kaayusan at sistema ng pamamahala, at ito lamang ang makapagliligtas sa sangkatauhan mula sa lahat ng kasamaan na nagpapahirap sa mga kasapi nito, at tumitiyak sa kanila ng kasiyahan at kaligayahan sa kabilang buhay (DBY, 130).

Ang Ebanghelyo at ang Pagkasaserdote ay ang mga paraang ginagamit niya upang iligtas at dakilain ang kanyang mga masunuring anak sa pagkakaroon nila ng kaluwalhatiang tulad ng sa kanya at ng kapangyarihang maputungan ng korona ng kaluwalhatian, kawalangkamatayan at buhay na walang hanggan (DBY, 5).

Lahat ng gawain natin ay dapat na pinamamahalaan ng patnubay ng Pagkasaserdote (DBY, 133).

Walang ordenansang ibinigay ang Diyos sa pamamagitan ng sarili niyang tinig, ng kanyang Anak na si Jesucristo, o ng bibig ng sinuman sa kanyang mga Propeta, Apostol, o Ebanghelista, na walang saysay. Ang bawat ordenansa, bawat kautusan at hinihingi ay mahalaga para sa kaligtasan ng sangkatauhan (DBY, 152).

Hinggil sa mga ordenansa ng Diyos, maaari nating sabihin na sumusunod tayo sa mga ito dahil hinihingi niya ito; at bawat kaliit-liitan ng kanyang mga hinihiling ay may kaakibat na makatwirang pilosopiya. … Ang pilosopiyang iyon ay umaabot sa buong kawalang-hanggang, at ito ang pilosopiyang pinaniniwalaan ng mga Banal sa mga Huling Araw. Bawat butil ng katotohanan na tinanggap ng bawat tao ay kaloob ng Diyos. Tinatanggap natin ang mga katotohanang ito, at nagpapatuloy mula sa isang kaluwalhatian tungo sa kasunod na kaluwalhatian, mula sa isang buhay na walang hanggan tungo sa kasunod na buhay na walang hanggan, nagtatamo ng kaalaman tungkol sa lahat ng bagay, at nagiging mga Diyos, maging mga Anak na lalaki ng Diyos (DBY, 152).

Ang Ebanghelyo ni Jesucristo ay ang bukas na daan—ang bukas na lagusan sa daan na mula sa lupa patungong langit, na kung saan ang tuwirang paghahayag ay dumarating sa mga anak ng tao sa kanilang iba’t ibang katungkulan, ayon sa kanilang mga tungkulin at katayuan sa lipunang kanilang pinaninirahan. Ang Ebanghelyo ng kaligtasan ay bahagi ng batas na nauukol sa kaharian na kung saan naninirahan ang Diyos; at ang mga ordenansa na nauukol sa banal na Pagkasaserdote ay ang paraan kung paano ang mga anak ng tao ay nakatatagpo ng daan tungo sa buhay, kung saan maaari nilang patagalin ang kanilang paglalakbay hanggang sa makabalik sila sa piling ng kanilang Ama at Diyos (DBY, 6).

Ang mga batas at ordenansa na ipinahayag ng Panginoon sa mga huling araw na ito, ay sinadya upang mailigtas ang lahat ng mga anak na lalaki at babae nina Adan at Eva (DBY, 1).

Ipinapahayag namin ito sa lahat ng naninirahan sa mundo mula sa mga lambak na nasa mga tuktok ng mga bundok na ito, na kami ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw … at nasa amin ang doktrina ng buhay at kaligtasan para sa lahat ng may matapat na puso sa buong daigdig (DBY, 7).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Sinasaklaw ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang sistema ng mga batas at ordenansa na umaakay tungo sa kaligtasan.

  • Ayon kay Pangulong Young, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay ang “kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.” Paano maihahambing ang pangungusap niya sa pakahulugan ng Tagapagligtas sa ebanghelyo sa 3 Nephi 27:13–14?

  • Ano ang ginagampanan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa pagsasakatuparan ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan sa tao? (Tingnan din sa Moises 1:39; Abraham 3:25.) Bakit kailangan natin ng isang sistema ng mga batas at ordenansa upang makabalik sa piling ng Diyos? Sa anong paraan para sa “kapakinabangan ng mga anak ng tao” ang mga batas at ordenansa ng Diyos? (Tingnan din sa 2 Nephi 2:13, 16.)

  • Itinuro ni Pangulong Young na ang Diyos ay “pinamamahalaan ng batas.” paano nakatutulong sa atin ang kaalamang ang Diyos ay pinamamahalaan ng batas? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 82:10.)

  • Inilarawan ni Pangulong Young ang ebanghelyo bilang isang maayos na sistema. Sa anu-anong bagay inaasahan ng Diyos na gamitin natin ang ating sariling mabuting pagpapasiya? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 58:26–29.)

Sinasaklaw ng ebanghelyo ni Jesucristo ang lahat ng katotohanan.

  • Hinamon ni Pangulong Young ang mga Banal sa mga Huling Araw na hanapin ang katotohanan. Bakit kailangan nating maunawaan na sinasaklaw ng ebanghelyo ni Jesucristo ang lahat ng katotohanan? Bakit kailangan nating tanggapin ang katotohanan saanman ito matatagpuan? Ano ang maaari nating matutuhan sa pahayag ni Pangulong Young na ang “lahat ng katotohanan ay nauukol sa Diyos”?

  • Ano ang itinuturo ng mga pangungusap ni Pangulong Young tungkol sa pagtanggap at pagmamahal sa mga taong may ibang pananampalataya?

  • Paano natin malalaman ang kaibahan ng katotohanan sa kamalian? (Tingnan din sa 1 Mga Taga Corinto 2:11, 14; Moroni 7:12–17.) Bakit napakahalaga ang magkaroon ng kakayahang “tipunin ang lahat ng katotohanan at tanggihan ang lahat ng kamalian” sa mga huling araw?

  • Paano nakaaapekto sa ating buhay ang pagkaalam sa mga katotohanan ng ebanghelyo? Bakit ang katotohanan ang tuwinang “pinakatiyak at pinakamadaling gabay upang maisaayos ang ating buhay”? Paano naaapektuhan ang ating buhay kung namumuhay tayo sa kasinungalingan at pagbabalatkayo? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 88:86.)

Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkasaserdote, ang ebanghelyo ang paraan ng kaligtasan para sa lahat ng anak ng Diyos.

  • Ano ang kaugnayan ng pagkasaserdote at ng ebanghelyo ni Jesucristo? Bakit mahalaga ang ordenansa ng pagkasaserdote sa plano ng ebanghelyo?

  • Ano ang tungkulin ng mga lokal na korum ng pagkasaserdote, pangkat, at komite sa pagiging mga ministro ng ebanghelyo? Ano ang tungkulin ng Samahang Damayan sa pagtuturo ng katotohanan at pagpapatatag ng pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo? Anu-ano ang karanasan ninyo sa isang taong naglilingkod na tulad ni Cristo? Paano nakaimpluwensiya ang mga karanasang ito sa inyo?

  • Itinuro ni Pangulong Young na ang ebanghelyo ay “ang bukas na lagusan sa daan na mula sa lupa patungong langit.” Anong responsibilidad na nakapataw sa mga tumanggap ng ipinanumbalik na ebanghelyo na palaganapin ang kanilang patotoo tungkol sa mga batas, ordenansa, at katotohanan nito? (Tingnan din sa Mateo 28:19–20; Mga Kawikaan 22:6.)

Salt Lake Temple

Ang Templo sa Salt Lake noong mga 1880. Nakadama ng matinding pagnanais ang mga Banal na magtayo ng isang templo para sa kanilang Diyos.