KABANATA 14
Mga Dispensasyon ng Ebanghelyo
Itinatag at itinuro ng Diyos ang kanyang ebanghelyo sa simula, ipinahayag itong muli sa iba’t ibang dispensasyon sa kalagitnaan ng mga panahon ng lubusang pagtalikod, at ngayon ay ipinanumbalik sa huling panahon na ito. Ang Pangulong Brigham Young ay nagpunyagi sa huling “dispensasyon ng lahat ng dispensasyon,” na, sinabi niyang, “pangingibabawan sa karilagan at kaluwalhatian ang bawat dispensasyong itinalaga kailanman sa mga anak ng tao sa lupa” (DBY, 442).
Mga Turo ni Brigham Young
Unang inihayag ng Diyos ang plano ng kaligtasan kay Adan sa mortalidad at simula noon ay paulit-ulit na ipinanumbalik niya ang kanyang kaharian sa pamamagitan ng kanyang mga propeta.
Ang dakilang planong tinatawag na plano ng kaligtasan–ang sistema ng doktrina, mga kaisipan, at mga kaugaliang tumutukoy sa lahat ng katalinuhang umiiral sa kawalang hanggan (DBY, 56)… [ay] ginawa sa langit para sa pagtubos ng sanlibutan mula sa kasalanan, at sa kanilang pagbabalik sa kinaroroonan ng Diyos (DBY, 448).
Kapag itinatatag ang Kahariang ito sa anumang panahon [sa lupa], ang Espiritu nito ay nananahan sa mga puso ng mga tapat, habang ang nakikitang bahagi nito ay namamalagi sa gitna ng sanlibutan, na may mga batas, ordenansa, tulong, pamahalaan, namumuno, administrador, at bawat kailangan para sa kabuuang pamamalakad sa pagtatamo ng layunin nito [tingnan sa Moises 6:7; Doktrina at mga Tipan 22:3] (DBY, 441).
Adan. Kilala na noon pa ang Diyos sa kanyang mga anak sa lupa … gaya ng pagkilala natin sa bawat isa. Si Adan ay nakikipag-usap sa kanyang Ama gaya ng pakikipag-usap natin sa ating mga magulang dito sa lupa. Madalas na dinadalaw ng Ama ang kanyang anak na si Adan, at nag-uusap at naglalakad sila; at ang mga anak ni Adan ay humigit-kumulang kilala na rin siya, at ang mga bagay na tumutukoy sa Diyos at sa langit ay alam na rin ng sangkatauhan noong una pa mang panahon ng kanilang pamamalagi sa lupa, gaya ng … ang ating mga hardin ay sa ating mga asawa at anak, o gaya ng ang daan tungo sa Dagat Pacific o ay sa dalubhasang manlalakbay [tingnan sa Moises 3:15–21; 4:14–30; 5:4–5, 9, 12; 6:51] (DBY, 104).
Ligtas nating masasabi na simula noong araw na nilikha si Adan at inilagay sa Halamanan ng Eden hanggang ngayon, ang plano ng kaligtasan at ang mga paghahayag ng kalooban ng Diyos sa tao ay hindi nagbabago, kahit na sa maraming panahon ang sangkatauhan ay hindi napaboran nito, dahil sa lubusang pagtalikod at kasamaan. Walang katibayang makikita sa Biblia na ang Ebanghelyo ay isang bagay sa panahon ng mga Israelita, iba pa sa panahon ni Cristo at ng kanyang mga Apostol, at iba pa sa ika-19 na siglo, ngunit sa kabilang panig, tayo ay tinagubilinan na ang Diyos ay iisa sa lahat ng panahon, at ang kanyang plano ng pagsagip sa kanyang mga anak ay iisa. Ang plano ng kaligtasan ay iisa, mula sa simula ng mundo hanggang sa katapusan nito [tingnan sa Moises 6:51–68] (DBY, 103–4).
Ang Ebanghelyo ay nasa gitna ng mga anak ng tao mula noong panahon ni Adan hanggang sa pagdating ng Mesiyas; ang Ebanghelyong ito ni Cristo ay mula sa simula hanggang sa wakas [tingnan sa Moises 5:58–59; Doktrina at mga Tipan 20:25–26] (DBY, 103–4).
Enoc. Si Enoc ay nagtataglay ng katalinuhan at karunungang mula sa Diyos na bihira sa mga tao ang mayroon, lumalakad at nakikipag-usap sa Diyos sa maraming taon; ganoon pa man, ayon sa kasaysayang isinulat ni Moises, nagtagal bago niya naitatag ang kanyang [Diyos] kaharian sa sangkatauhan. Ang ilang sumunod sa kanya ay nagtamasa ng kabuuan ng Ebanghelyo, at ang iba sa mundo ay tinanggihan ito (DBY, 105).
Kinakailangan kausapin at turuan ni Enoc ang mga tao sa loob tatlong daan at animnapung taon, bago niya sila naihanda bago sila pumanaw, at natamo niya ang kapangyarihang baguhin ang kanyang sarili at ang kanyang mga tao, sa lugar na kanilang tinitirahan, ang kanilang mga tahanan, mga hardin, bukirin, kawan ng mga hayop, at lahat ng kanilang ari-arian [tingnan sa Moises 7:68–69] (DBY, 105).
Si Enoc at ang kanyang mga tagasunod ay kinuha mula sa lupa, at patuloy na nahinog sa kasamaan ang mundo hanggang sa sila ay magapi ng matinding baha noong panahon ni Noe; at, “kagaya noong panahon ni Noe, gayundin ang mangyayari sa panahon ng pagdating ng Anak ng Tao” [tingnan sa Genesis 6:5; Moises 6:26–7:69] (DBY, 105).
Noe. Noong simula, pagkatapos maihanda ang mundong ito para sa tao, sinimulan ng Panginoon ang kanyang gawain sa kontinenteng tinatawag ngayong Amerika, kung saan nilikha ang Halamanan ng Eden (DBY, 102).
Ipinadala ng Panginoon ang kanyang Ebanghelyo sa mga tao; sinabi niya, ibibigay ko ito sa aking anak na si Adan, mula kung kanino natanggap ito ni Matusalem; at natanggap ni Noe mula kay Matusalem (DBY, 105).
Sa panahon ni Noe, sa panahon ng paglutang ng arka, dinala niya ang mga tao sa ibang panig ng lupa; ang lupa ay nahati; at doon itinatag niya ang kanyang kaharian [tingnan sa Genesis 6:1–8:21] (DBY, 102).
Abraham. Si Abraham ay tapat sa tunay na Diyos; nilupig niya ang mga idolo ng kanyang ama at tinanggap ang Pagkasaserdoteng Melquisedec [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:14], na alinsunod sa utos ng Anak ng Diyos [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:2–3], at ang pangakong ang pagdami ng kanyang lahi ay walang katapusan; kapag tinanggap ninyo ang banal na Pagkasaserdote na alinsunod sa orden ng Melquisede, na ibinuklod sa inyo, at ang pangakong ang inyong lahi ay magiging kasing dami ng mga bituin sa langit, o ng buhangin sa pampang, at walang katapusan ang inyong pag-unlad, napasa-inyo ang pangako ni Abraham, Isaac, at Jacob, at lahat ng biyaya na ipinagkaloob sa kanila [tingnan sa Genesis 12:2–3; 13:16; 14:18–19; 15:5; Abraham 1:2–4, 18–19; 2:9–11; Doktrina at mga Tipan 84:14] (DBY, 106).
Moises. Ang Ebanghelyo ay kasama nang mga anak ng tao mula noong panahon ni Adan hanggang sa pagdating ng Mesiyas; ang Ebanghelyong ito ni Cristo ay mula sa simula hanggang sa wakas. Kung gayon bakit ibinigay pa ang batas ni Moises? Sanhi ng paglabag ng mga Anak ni Israelita, ang hinirang ng Diyos; ang tanging binhi na kanyang pinili upang maging kanyang mga tao, at sa kanila niya sinabing ilalagay ang kanyang pangalan. Ang binhing ito ni Abraham na masyadong nagrebelde laban sa kanya at sa kanyang mga kautusan kaya’t sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bibigyan kita ng batas na magiging tagapagturo na maghahatid sa kanila kay Cristo” [tingnan sa Mga Taga Galacia 3:24]. Ngunit ang batas na ito ay mabigat na batas; ito ay batas ng pisikal na mga kautusan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:23–27] (DBY, 104).
Kung sila ay naging dalisay at banal, ang mga Anak ni Israel ay hindi maglalakbay ng isang taong kasama ni Moises bago nila matanggap ang kanilang mga endowment at ang Pagkasaserdoteng Melquisedec [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:23] (DBY, 106).
Jesucristo. Ginawa ni Jesus na itatag ang Kaharian ng Diyos sa mundo. Ipinaalam niya ang mga batas at ordenansa ng Kaharian [tingnan sa Mateo 16:18–19; Mga Taga Efeso 1:22–23; 4:11–15] (DBY, 29).
Ang pagkasaserdote at ang kabuuan ng ebanghelyo ng kaharian ay nawala sa lupa sa panahon ng Malawak na Lubusang Pagtalikod.
Noong unang panahon ng Kristiyanismo nauunawaan nating maraming haka-hakang naglaro sa mga isipan ng mga kasapi tungkol sa kanilang paniniwala at kaugalian, at ang pagkalat ng ganitong mga haka-haka ay lumikha ng pagkakawatak-watak at pagkakahiwa-hiwalay dahil sa pagkakaiba-iba ng doktrina. Maging sa panahon ng mga Apostol nagkaroon ng malinaw na pagkakawatak-watak, dahil nababasa natin na ang ilan ay kay Pablo, ang ilan kay Apolos, at ang iba ay kay Cefas [tingnan sa I Mga Taga Corinto 1:10–13]. ay mga itinatangi ang mga tao sa panahong iyon, na nagturo sa kanila ng kaibang mga doktrina na hindi karaniwang tinanggap at pinalaganap (DBY, 107).
Bakit sila naglagalag nang napakalayo sa landas ng katotohanan at kabutihan? Dahil iniwan nila ang Pagkasaserdote at nawalan ng gabay, walang pinuno, walang paraang makita ang tama o mali. Sinasabing kinuha ang Pagkasaserdote mula sa Simbahan, ngunit hindi naman ganoon, tinalikuran ng Simbahan ang Pagkasaserdote at nagpatuloy sa paglalakbay sa kadiliman, tumalikod sa mga kautusan ng Panginoon, at nagtatag ng ibang mga ordenansa [tingnan sa Mga Taga Galacia 1:6–8; 2 Timoteo 1:15; 3 Juan 1:9–10] (DBY, 107).
Ngunit iyon ang panahon na kanilang sinimulang labagin paunti-unti ang mga batas, baguhin ang mga ordenansa, at suwayin ang walang hanggang tipan, at ang Ebanghelyo ng kaharian na isinagawa ni Jesus na itatatag sa kanyang panahon at ang Pagkasaserdote ay kinuha sa lupa [tingnan sa Isaias 24:5; 2 Mga Taga Tesalonica 2:1–12; Apocalipsis 12:6; Doktrina at mga Tipan 1:15] (DBY, 107).
Ipinanumbalik ng Panginoon ang kanyang ebanghelyo at awtoridad ng pagkasaserdote sa huling dispensasyong ito sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith.
Dumating at nawala ang mga salinlahi nang walang pagkakataong marinig ang [tunog ng] Ebanghelyo, na dumating sa inyo sa pamamagitan ni Joseph Smith—na inihayag sa kanya mula sa langit sa pamamagitan ng mga anghel at pangitain. Nasa atin ang Ebanghelyo at ang mga susi ng banal na Pagkasaserdote [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:17–23, 30; 27:5–13; 110:11–16; 128:18–21] (DBY, 107–8).
Tayo ay mga tao na ang pag-akyat at pag-unlad mula sa simula, ay ang naging gawain ng Diyos na ating Ama sa Langit, na sa kanyang karunungan ay nakita niyang wasto na upang simulan ang pagtatatag na muli ng kanyang Kaharian dito sa lupa (DBY, 108).
Ngunit kagaya noong panahon ng ating Tagapagligtas, gayundin naman sa pagdating ng bagong dispensasyong ito. Hindi ito naaayon sa mga paniniwala, tradisyon, at mga haka-haka ng mga tao sa Amerika. Ang tagapagbalita ay hindi dumating sa isang tanyag na ministro ng alinman sa tinatawag na kinikilalang relihiyon [orthodoxy], hindi niya ginamit ang sariling pakahulugan nila sa mga Banal na Kasulatan. Ang Panginoon ay hindi dumating na kasama ang mga hukbo ng kalangitan na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian, ni ipinadala ang kanyang mga tagapagbalita [na may baluti] ng anuman maliban sa katotohanan ng kalangitan, upang ipabatid sa maamo, mapagkumbaba, sa kabataang nanggaling sa abang pinagmulan, sa tapat na nagsisiyasat sa kaalaman ng Diyos. Ngunit ipinadala niya ang kanyang anghel sa gayunding abang taong ito, si Joseph Smith, Jr., na pagkaraan ay naging Propeta, Tagakita, Tagapaghayag, at ipinabatid sa kanya [ng Panginoon] na hindi siya dapat sumapi sa kahit anong sekta ng relihiyon ng panahon. … ., dahil lahat sila ay mali; na sila ay sumusunod sa tuntunin ng mga tao sa halip ng sa Panginoong Jesus: na mayroong ipatutupad na gawain sa kanya, yayamang nararapat na patunayan niyang siya ay tapat sa kanya [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–26] (DBY, 108).
Napagpasiyahan sa mga konseho ng kawalang-hanggan, matagal pa bago inilatag ang saligan ng mundo, na siya, si Joseph Smith, ang nararapat na tao, sa huling dispensasyon ito ng daigdig, na maghatid ng salita ng Diyos sa sangkatauhan, at tumanggap ng kabuuan ng mga susi at kapangyarihan ng Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos. Binantayan siya kanya ng Panginoon, at ang kanyang ama, at ang ama ng kanyang ama, at ang kanyang mga hanggang kay Abraham, at mula kay Abraham hanggang sa baha, mula sa baha hanggang kay Enoc, mula kay Enoc hanggang kay Adan. Binantayan niya ang mag-anak na yaon at ang dugong nananalaytay mula sa pinagmulan niyon hanggang sa pagsilang ng taong iyon. Siya ay inordenan noon pa sa kawalang-hanggan upang mamuno sa huling dispensasyong ito[tingnan sa 2 Nephi 3:6–15] (DBY, 108).
Ang Panginoon ay nagpagal nang ilang daang taon upang ihanda ang daan sa pagdating ng mga nilalaman ng Aklat na iyon [ang Aklat ni Mormon] mula sa loob ng lupa, upang ito ay mailathala sa mundo, upang ipakita sa mga nilalang nito na siya ay buhay pa, at kanyang ipagpatuloy, sa mga huling araw, titipunin ang kanyang pinili mula sa apat na sulok ng mundo. … Ipinag-utos at pinamahalaan ng Panginoon ang lahat ng ito, para sa pagdating, at pagtatatag ng kanyang Kaharian sa mga huling araw [tingnan sa 1 Nephi 13; Doktrina at mga Tipan 20:6–16] (DBY, 109).
Narito ang Aklat ni Mormon. Naniniwala kami na naglalaman ito ng kasaysayan ng mga katutubo ng kontinente [ng Amerika], tulad ng Lumang Tipan na naglalaman ng kasaysayan ng bayan ng mga Judio. Sa aklat na iyon natututuhan natin na dinalaw ni Jesus ang lupalop na ito, dinala ang kanyang Ebanghelyo at inordenan ang Labindalawang Apostol. Naniniwala kami sa lahat ng ito, ngunit hindi namin hinihiling na maniwala kayo rito. Ang hinihiling namin ay ang maniwala kayo sa nakasulat sa Banal na Biblia tungkol sa Diyos at sa kanyang mga paghahayag sa mga anak ng tao. Gawin ito nang buong katapatan, at malalaman ninyong ang Aklat ni Mormon ay totoo. Ang inyong kaisipan ay mabubuksan at malalaman ninyo sa pamamagitan ng … Espiritu ng Diyos na ang itinuturo namin ay katotohanan (DBY, 109).
Ano ang sinabi ni Oliver Cowdery (isa sa Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon), pagkatapos na lumayo siya sa Simbahan nang maraming taon? Nakita niya at nakipag-usap siya sa mga anghel, na nagpakita sa kanya ng mga lamina, at hinawakan niya ang mga ito. Iniwanan niya ang Simbahan sapagkat nawala sa kanya ang pagmamahal sa katotohanan; at pagkatapos niyang makapaglakbay mag-isa ng ilang taon, isang maginoo ang pumasok sa kanyang tanggapan at sinabi sa kanya, “Ginoong Cowdery, ano ang palagay mo sa Aklat ni Mormon ngayon? Naniniwala ka ba na ito ay totoo?” Sinagot niyang, “Hindi, Ginoo, hindi ako naniniwala!” “Kung gayon,” sabi ng ginoo, “Nag-isip ako nang mabuti; aking napagtanto na nakita mo ang kalokohan ng iyong ginawa at nagpasiya na bawiin ang unang ipinahayag na totoo.” “Ginoo, nagkakamali ka sa akin; Hindi ako naniniwala na totoo ang Aklat ni Mormon; nalagpasan ko na ang puntong iyon, dahil alam ko na ito ay totoo, gaya ng pagkaalam ko na ikaw ay nakaupo ngayon sa harap ko.” “Patutunayan mo pa rin ba na nakakita ka ng anghel?” “Oo, gaya ng pagkakakita ko sa iyo ngayon; at alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo” (DBY, 110).
Inilatag ni Joseph Smith ang pundasyon ng Kaharian ng Diyos sa mga huling araw (DBY, 458).
Ibig kong sumigaw ng Aleluya, tuwi-tuwina, kapag naiisip ko na nakilala ko si Joseph Smith, ang Propetang hinirang at inordenan, ng Panginoon, at kung kanino ibinigay ang mga susi at kapangyarihang itatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa at itaguyod ito. Ang mga susing ito ay itinalaga sa mga taong ito, at mayroon tayong kapangyarihang ipagpatuloy ang gawaing sinimulan ni Joseph, hanggang ang lahat ay maihanda para sa pagdating ng Anak ng Tao. Ito ang gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw (DBY, 458).
Ang kahariang ito ay hindi nila [ng masama] masisira, sapagkat ito ay ang huling dispensasyon – sapagkat ito ay ang kabuuan ng panahon. Ito ang dispensasyon ng lahat ng dispensasyon at pangingibabawan sa karilagan at kaluwalhatian ang bawat dispensasyon na itinalaga kailanman sa mga anak ng tao sa lupa. Ibabalik muli ng Panginoon ang Sion, ililigtas ang kanyang Israel, itatatag ang kanyang sagisag sa lupa, at itatatag ang mga batas ng kanyang kaharian, at ang mga batas na iyon ay pairalin (DBY, 442).
Mga Mungkahi sa Pag-aaral.
Unang inihayag ng Diyos ang plano ng kaligtasan kay Adan sa mortalidad at simula noon ay paulit-ulit na ipinanumbalik ang kanyang kaharian sa pamamagitan ng kanyang mga propeta.
-
Paano inilarawan ng Pangulong Young ang “dakilang planong tinatawag na plano ng kaligtasan”? (Tingnan din sa Abraham 3:21–28.)
-
Kapag inihahayag ng Panginoon ang plano ng kaligtasan sa sangkatauhan at isinasaayos ang kanyang kaharian sa lupa, ano ang kinakailangan para sa kabuuang operasyon nito”?
-
Ayon sa Pangulong Young, kailan ipinaaalam ng Diyos ang plano ng kaligtasan at ang pagkasaserdote sa kanyang mga anak sa lupa? (Tingnan din sa Moises 5:58—59; 6:7.)
-
Ano ang natatanging tungkulin ng bawat propetang namuno sa isa sa mga pangunahing dispensasyon ng ebanghelyo?
Ang pagkasaserdote at ang kabuuan ng ebanghelyo ng kaharian ay nawala sa lupa sa panahon ng Malawakang Lubhang Pagtalikod.
-
Ayon sa Pangulong Young, bakit binawi ang naunang Simbahan ni Cristo mula sa lupa?
-
no ang ilang katibayan na ang naunang Simbahan ni Cristo at pagkasaserdote ay nawala mula sa lupa? (Tingnan din sa Joseph Smith— Kasaysayan 1:17–20.) Ano ang ginawa ng mga naunang kasapi ng Simbahan upang maglagalag ng “napakalayo sa landas ng katotohanan”? Paano naging “daan ang pagkasaserdote sa paghahanap kung ano ang tama o mali” sa inyong buhay?
Ipinanumbalik ng Panginoon ang kanyang ebanghelyo at awtoridad ng pagkasaserdote sa huling dispensasyong ito sa pamamagitan ng Propetang Joseph Smith.
-
Ipinabatid ng Diyos ang kanyang katotohanan sa maaamo, sa mapagkumbabang kabataang nagmula sa abang pinagmulan, “sa tapat na nagsisiyasat sa kaalaman ng Diyos.” Ano ang kahulugan nito sa inyo at sa lahat ng iba pang tapat na naghahangad sa katotohanan?
-
Anong mga katangian ni Joseph Smith ang nakatulong sa kanya na magampanan ang kanyang tungkulin na maging ang “tao, sa huling dispensasyon ng mundong ito, na maghatid ng salita ng Diyos sa sangkatauhan”?
-
Ano ang bahaging ginampanan ng Aklat ni Mormon sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:6–16.) Ano ang matututunan ninyo sa patotoo ni Oliver Cowdery sa Aklat ni Mormon?
-
Ano ang patotoo ng Pangulong Young tungkol sa gawain ng mga Banal sa mga Huling Araw”?