Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 12: Paghadlang sa Personal na Lubusang Pagtalikod


KABANATA 12

Paghadlang sa Personal na Lubusang Pagtalikod

Habang nasa Kirtland, nakatagpo si Pangulong Brigham Young ng grupo ng mga taong tumalikod sa katotohanan na nagtatangka ng masama laban sa Propetang Joseph Smith sa loob mismo ng templo. Kanyang inihayag, “Tumayo ako, at sa simple at matatag na pagsasalita ay sinabi ko sa kanila na alam ko na si Joseph ay Propeta, at maaari nilang ireklamo, at siraan siya ng puri hangga’t gusto nila, hindi nila masisira ang pagkakahirang ng Propeta ng Diyos, maaari lamang nilang sirain ang sarili nilang awtoridad, putulin ang pisi na nagbubuklod sa kanila sa Propeta at sa Diyos at ibaon ang kanilang sarili sa impiyerno” (“History of Brigham Young,” DNW, ika-10 ng Peb. 1858, 386). Sa Kirtland, Missouri, Nauvoo, at Utah, nasaksihan ng Pangulong Young ang pagkasira ng mga personal na buhay na dumating sa mga sumuko sa lubusang pagtalikod. Marami sa mga tumalikod sa katotohanan ay dati niyang malalapit na mga kasamahan. Nalaman niya na madalas na “maliliit na bagay” ang pinagmumulan ng kanilang paghiwalay sa katotohanan, at mariin niyang binalaan ang bawat kasapi na masusing magbantay laban sa ano mang antas ng maling gawain.

Mga Turo ni Brigham Young

Ang lubusang pagtalikod ay ang paglayo sa Simbahan at humahantong sa pagtatakwil sa pananampalataya.

Ano ang nag-uudyok sa mga tao na lumayo sa Simbahan? Maliliit na bagay ang kadalasang pinagmumulan ng kanilang paglayo sa tamang daan. Kung susunod tayo sa kompas, na ang karayom ay hindi nakaturo nang tama, ang kaunting paglihis nito sa simula ay magdadala sa atin, kapag nakapaglakbay na tayo nang may kalayuan, nang napakalayo sa tamang lugar na ating nilalayon (DBY, 83).

Kung nakakalimot ang mga Banal na manalangin, at nilalabag ang araw na itinalaga para sa pagsamba sa Diyos, mawawala sa kanila ang kanyang Espiritu. Kung papayagan ng tao na manaig sa kanyang sarili ang galit, at sumumpa at magmura, na sinasambit ang ngalan ng Diyos na walang kabuluhan, hindi niya mapapanatili ang Banal na Espiritu. Sa madaling salita, kung gagawin ng tao ang anumang bagay na alam niyang mali, at hindi magsisisi, hindi niya matatamasa ang Banal na Espiritu, kundi lalakad sa kadiliman at magwawakas sa pagtatatwa ng pananampalataya (DBY, 85).

Nakamamangha sa bawat alituntunin ng katalinuhan na kahit sinong lalaki o babae ang ipipikit ang kanilang mga mata sa walang hanggang mga bagay pagkatapos na malaman nila ang mga ito, at hayaan ang … mga bagay sa mundong ito, ang pananabik ng mata, at pananabik ng laman, na guluhin ang kanilang kaisipan at bahagyang ilayo sila mula sa mga alituntunin ng buhay (DBY, 82).

Sinabi rito ngayong umaga na walang tao kailanman na lubusang tumalikod, nang walang ginawang tuwirang paglabag. Ang hindi pagganap sa tungkulin ay patungo sa paggawa ng kasalanan (DBY 82).

Marami kayong naririnig na nagsasabing, “Ako ay Banal sa mga Huling Araw, at hindi ako kailanman lubusang tatalikod;” “Ako ay Banal sa mga Huling Araw, at hanggang sa kamatayan.” Hindi ako gumagawa ng ganoong mga pahayag, at hindi kailanman. Sa palagay ko ay natutunan ko na sa aking sarili ay wala akong kapangyarihan, ngunit ang aking sistema ay binuo upang umunlad sa karunungan, kaalaman, at kapangyarihan, nakakakuha ng kaunti rito at kaunti doon. Ngunit kung sa akin lamang sarili, wala akong kapangyarihan, at ang aking karunungan ay kahangalan sa gayon; ako ay nanananganan sa Panginoon, at nagkakaroon ako ng kapangyarihan sa kanyang pangalan. Palagay ko ay natutunan ko ang Ebanghelyo upang malaman ko na sa akin at sa aking sarili ako ay walang magagawa [Tingnan sa Alma 26:12] (DBY, 84).

Kung ang lalaki o babae na nakatanggap ng maraming kapangyarihan ng Diyos, mga pangitain at paghahayag, ay tumalikod sa banal na mga kautusan ng Panginoon, at para bagang ang kanilang mga pandamdam ay inalis sa kanila, ang kanilang pang-unawa at pagtimbang sa kabutihan ay inalis, napupunta sila sa kadiliman, at nagiging katulad ng bulag na nangangapa sa bakod [tingnan Isaias 59:9–10; Deuteronomio 28:29] (DBY, 82–83).

Marami ang tumanggap sa Ebanghelyo sapagkat alam nilang ito ay totoo; sila ay nakumbinsi sa kanilang pagpapasiya na ito ay totoo; tinalo sila ng matinding paliwanagan, at makatwiran silang napilitang aminin na totoo ang Ebanghelyo matapos ang masusing pag-aaral. Tinanggap nila ito, at sinunod ang una nitong mga alituntunin, ngunit hindi kailanman hinangad na maliwanagan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo; ang mga ganito ay kadalasang tumatalikod sa katotohanan (DBY, 86).

Kapag nakakakita tayo ng kamalian sa mga pinuno ng Simbahan, sinisimulan nating ihiwalay ang ating mga sarili sa Simbahan.

Kailanman at may nakikitang saloobin sa sinumang kasapi ng Simbahang ito na tutulan ang karapatan ng Pangulo ng buong Simbahan na mamahala ng lahat ng bagay, nakikita ninyo ang malinaw na mga palatandaan ng lubusang pagtalikod—ng espiritu na, kung pababayaan, ay hahantong sa paghiwalay sa Simbahan at magwawakas sa pagkawasak (kapahamakan); saanman may saloobing labanan ang sinumang legal na hinirang na pinuno ng kahariang ito, hindi mahalaga saanmang tungkulin siya tinawag, kung ipagpapatuloy, masusundan din ito ng katulad na mga resulta (kahihinatnan); sila ay “magsisilakad” ng ayon sa laman sa masamang pita ng karumihan, at nangapopoot sa pagkasakop. Mga pangahas, mapagsariling kalooban, sila’y hindi natatakot na magsialipusta sa mga pangulo” [tingnan sa 2 Pedro 2:10] (DBY, 83).

Kapag ang tao ay nagsisimulang maghanap ng kamalian, tinatanong ang tungkol dito, doon at sa iba pa, nagsasabing, “Ito ba o iyon ay tila baga iniutos ng Panginoon?” malalaman mo na ang taong iyon ay humigit kumulang mayroon nang espiritu ng lubusang pagtalikod. Bawat tao sa kahariang ito, o sa balat ng lupa, na naghahangad nang buong puso na maligtas ang sarili” ay napakaraming gagawin na hindi na niya magagampanan, upang magtatanong pa ng mga bagay na hindi patungkol sa kanya. Kung magtatagumpay siya sa pagliligtas sa kanyang sarili, ang kanyang atensiyon at oras ay makabuluhang nagamit. Tiyakin ninyo na tama ang inyong sarili; tiyakin na ang mga kasalanan at kalokohan ay hindi nagpapamalas sa bawat panibagong araw (DBY, 83).

Marami ang nag-iisip na kaya nilang manguna sa pagtuturo ng mga alituntunin na hindi pa naituturo. Hindi nila alintana na sa sandaling bigyang daan nila ang guni-guning ito ang Diyablo ay may kapangyarihang akayin sila sa masamang kalagayan; bagamat ang kaalamang ito ay dapat na natutunan na nila noon pa, ganoon pa man isa ito sa mga natutunan ng iilan noong panahon ni Joseph (DBY, 77–78).

[Ang ganitong tao] ay gagawa ng mga maling pagpapahayag, ganoon pa man gagawin niya ito sa pamamagitan ng espiritu ng propesiya; mararamdaman niyang siya ay propeta at siya ay makapagpapahayag, ngunit gagawin niya ito sa pamamagitan ng ibang espiritu at kapangyarihan kaysa ibinigay sa kanya ng Panginoon. Ginagamit niya ang kaloob katulad ng paggamit ninyo at paggamit ko ng sa atin (DBY, 82).

Isa sa unang mga hakbang sa lubusang pagtalikod ay hanapin ng kamalian ang inyong Obispo; at kapag ito ay nangyari, kung hindi magsisisi ang ikalawang hakbang ay susunod kaagad, at hindi magtagal ang taong ito ay matitiwalag na sa Simbahan, at ito ang katapusan noon. Papayagan ba ninyo ang inyong mga sarili na hanapan ng kamalian ang inyong Obispo? (DBY, 86).

Walang sinuman ang makakakuha ng kapangyarihan mula sa Diyos upang maghasik ng kaguluhan sa anumang Sangay ng Simbahan. Ang ganoong kapangyarihan ay nakukuha mula sa masamang pinanggagalingan (DBY, 72).

Gayunpaman, iniiwan ng tao ang Simbahang ito, ngunit iniiwan nila ito dahil sa pagkakasala at kamangmangan, at nang araw rin na iyon na magpasiya sila na kailangang may demokratikong pagpili, o sa madaling sabi, dapat na may dalawa tayong kandidato para sa namumunong Pagkasaserdote sa gitna ng mga Banal sa mga Huling Araw, nagpasiya na sila na tumalikod sa katotohanan. Walang ganoong bagay tulad ng pagkalito, hidwaan, alitan, pagkapoot, pagkasuklam, malisya, o dalawang panig sa suliranin sa tahanan ng Diyos; mayroon lamang isang panig sa suliranin doon (DBY, 85).

Ang mga nawalan ng Espiritu ay puno ng kadiliman at pagkalito.

Kapag nawawala sa tao ang espiritu ng gawain na ating pinagkakaabalahan, nawawala ang kanilang paniniwala sa kanilang damdamin. Sinasabi nilang hindi nila alam kung totoo ang Biblia, kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, o tungkol sa mga bagong paghahayag, o kung mayroon o walang Diyos. Kapag nawawala sa kanila ang espiritu ng gawaing ito, nawawala sa kanila ang kaalaman ng mga bagay tungkol sa Diyos sa panahon at sa kawalang hanggan; lahat ay nawawala sa kanila (DBY, 83–84).

Nagsisimulang lubos na tumalikod ang mga tao sa pamamagitan ng pagpapalagay na may sariling lakas sila, pakikinig sa mga bulong nga kaaway na unti-unting nagliligaw sa kanila, hanggang sa matipon nila sa kanilang sarili ang tinatawag na karunungan ng tao; sa gayon ay nagsisimula silang lumayo sa Diyos, at ang kanilang isipan ay nalilito (DBY, 84).

Ano ang lubusang tatalikuran ng mga Banal sa mga Huling Araw? Lahat ng mabuti, dalisay, banal, maka-Diyos, makapagpapadakila, pagpapalawig ng mga kaisipan, ang kakayahan ng matatalinong nilikha na inilagay ng Ama sa Langit dito sa lupa. Ano ang matatanggap nila bilang kapalit? Maipaliliwanag ko ito sa iilang mga salita. Ito ang mga salita na gagamitin ko: kamatayan, impiyerno at ang libingan. Iyan ang kanilang matatamo bilang kapalit. Maaari nating pag-usapan ang mga detalye ng kanilang mga nararanasan. Nararanasan nila ang kadiliman, kamangmangan, pagdududa, sakit, kapighatian, hinagpis, dalamhati, kalungkutan; walang taong makikidalamhati sa oras ng kaguluhan, walang mahihingan ng tulong sa araw ng kalamidad, walang makikiramay kapag namamanglaw at nanghihina; at natatanto ko ito sa pagsasabi ng kamatayan, impiyerno at ng libingan. Ito ang kanilang matatamo kapalit ng kanilang lubusang pagtalikod sa Ebanghelyo ng Anak ng Diyos (DBY, 85).

May mga nakilala kayong mga tao na, habang nasa Simbahan, ay aktibo, maliksi at puno ng katalinuhan; ngunit pagkatapos nilang mawala sa Simbahan, nagiging maigsi ang kanilang mga pang-unawa, nagiging madilim ang kanilang isipan at lahat ay nagiging misteryo sa kanila, at tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa Diyos, sila ay nagiging katulad ng ibang nilalang sa mundo, na nag-iisip, umaasa at nananalangin na ang mga ganito at ganoong bagay ay maging gayun nga, ngunit hindi nila alam ang kahit na kaunti tungkol dito. Ito ang tiyak na kalalagyan ng mga lumilisan sa Simbahang ito; napupunta sila sa madilim, hindi sila makapagpasiya, makaisip o makaunawa ng mga bagay tulad ng kung ano talaga ang mga ito. Tulad sila ng lasing - iniisip niyang masama ang alak sa lahat maliban sa kanya, at siya lamang ang matino sa kanyang kapaligiran. Iniisip ng mga lubusang tumalikod na ang lahat ay mali maliban sa kanila (DBY, 84).

Ang mga umaalis sa Simbahan ay katulad ng balahibo na hinihipan ng hangin kahit saan. Hindi nila alam kung saan patutungo; wala silang nauunawaan tungkol sa kanilang sariling buhay; ang kanilang pananampalataya, pagpapasiya, at ang takbo ng kanilang pag-iisip ay walang katatagan katulad ng galaw ng balahibo na lumulutang sa hangin. Wala tayong makakapitang kahit ano, tanging pananampalataya sa Ebanghelyo (DBY, 84).

Tayo ay magiging matatag sa pamamagitan ng pamumuhay ng ating relihiyon at pagsisikap na matamo ang Banal na Espiritu.

Magkakaroon pa ba ng lubusang pagtalikod? Oo, mga kapatid, maaasahan ninyo na ang mga tao ay darating sa Simbahan at pagkatapos ay lubusang tatalikod. Maaasahan ninyo na ang ilang tao ay magiging tapat nang ilang panahon, at pagkatapos ay mawawala sa daanan (DBY, 85–86).

Bakit lubusang tumatalikod ang mga tao? Alam ninyo na tayo ay nasa “Minamahal na Barko ng Sion”. Tayo ay nasa kalagitnaan ng karagatan. May dumating na bagyo, at, sabi nga ng mga magdaragat, masyado siyang nahirapan sa paglalayag. “Hindi ako mananatili rito,” sabi ng isa; “Hindi ako naniniwala na ito and ‘Barko ng Sion.’” “Ngunit tayo ay nasa kalagitnaan ng karagatan.” “Wala akong pakialam, hindi ako mananatili dito.” Hinubad niya ang kanyang kasuotan, at tumalon sa dagat. Hindi ba siya malulunod? Oo. Ganoon rin ang mga titiwalag sa Simbahang ito. Ito ay ang “Minamahal na Barko ng Sion,” manatili tayo rito (DBY, 85).

Ang Diyos ang may kontrol sa malaking barkong ito, at iyan ang nagbibigay ng kasiyahan sa akin. … Hayaang lubusang tumalikod ang may gusto, ngunit ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga ibig maligtas (DBY, 86).

Kung ipamumuhay ng mga tao ang kanilang relihiyon, walang lubusang tatalikod at wala tayong maririnig na reklamo o pagpuna ng kamalian. Kung gutom ang mga tao sa mga salita ng buhay na walang hanggan, at nakasentro ang kanilang mga puso sa pagtatayo ng Kaharian ng Diyos, bawat puso at kamay ay magiging handa at magkukusa at ang gawain ay matatag na susulong at tayo ay uunlad tulad ng dapat nating gawin (DBY, 84).

Nais nating mamuhay nang matwid upang mapasaatin ang Espiritu arawaraw, bawat oras, bawat minuto, at bawat Banal sa mga Huling Araw ay may karapatan sa Espiritu ng Diyos, sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, na gabayan siya sa kanyang sariling mga tungkulin (DBY, 82).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang lubusang pagtalikod ay ang paglayo sa Simbahan at nagwawakas sa pagtatakwil sa pananampalataya.

  • Itinuro ng Pangulong Young ang ilan sa mga pagtalikod sa katotohanan na wari’y pangkaraniwan o maliit na bagay lamang. Ginamit niya ang larawan ng “kompas, na ang karayom ay hindi nakaturo nang tama”. Paano katulad ng totoo at tamang kompas ang ebanghelyo ay ? Ano ang ilang paglihis sa mga buhay natin na magliligaw sa atin paglipas ng ilang panahon? Ano ang mga pagtutuwid ng landas na dapat nating gawin?

  • Ano ang mga paalalang ipinabot ng Pangulong Young sa taong nagyayabang na, “Ako ay isang Banal sa mga Huling Araw, at hindi ako kailanman lubusang tatalikod”? ((Tingnan din sa 2 Nephi 28:25; Doktrina at mga Tipan 20:31–34.)

  • Anong babala ng propeta ang ipinarating ng Pangulong Young sa mga Banal na tumanggap ng “kapangyarihan ng Diyos” at pagkatapos ay “tumalikod sa mga banal na kautusan”?

  • Bakit hindi sapat ang matalinong pangangatwiran upang mapanatili tayo sa daan patungo sa buhay na walang hanggan?

Kapag nakakakita tayo ng kamalian sa mga pinuno ng Simbahan, sinisimulan nating ihiwalay ang ating mga sarili sa Simbahan.

  • Sa anu-anong paraan mapalalakas tayo nang sama-sama bilang mga indibiduwal, mag-anak, purok, at kasapi ng Simbahan ng pag-aasikaso sa ating sariling mga tungkulin sa halip na pagdududa sa inspirasyon ng pangkasalukuyang mga pinuno?

  • Ano ang babala ng Pangulong Young sa mga bumabatikos sa pamunuan ng kanilang purok o sangay? Ano ang magagawa natin sa simbahan at sa tahanan upang sang-ayunan ang Obispo ng ating purok, pangulo ng ating sangay, o iba pang mga pinuno ng Simbahan? Anong paraan ang dapat sundin upang magkaisa kapag nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan? (Tingnan din sa Mateo 18:15; Lukas 11:34.)

  • Ayon sa Pangulong Young, hind maaaring magkaroon ng “demokratikong pagpili” sa pagitan ng “dalawang kandidato para sa namumunong Pagkasaserdote” sa Simbahan. (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 28:2, 6–7.) Paano naiiba ang “pangkalahatang pagsang-ayon” sa “demokratikong pagpili”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 20:65; 26:2.)

  • Inaanyayahan tayo na ibigay ang ating pagsang-ayon sa mga pinuno ng Simbahan. Paano makapagpapalakas ng buong Simbahan ang ating kahandaan na sang-ayunan ang mga pinunong iyon? Paano makapagpapahina sa Simbahan ang hindi natin pagkukusang-loob na sang-ayunan sila?

Ang mga nawawalan ng Espiritu ay puno ng kadiliman at pagkalito.

  • Ano ang ibig sabihin ng Pangulong Young nang sabihin niya na ang mga lubusang tumatalikod ay nagpapalagay na may lakas sila? Ano ang panganib ng pag-asa sa sarili nating lakas? (Tingnan din sa Helaman 4:13.) Bakit pinipili ng ilan ang “karunungan ng mga tao” kaysa sa karunungan ng Diyos gaya ng paghahayag ng Espiritu? (Tingnan din sa Isaias 29:13–14; 1 Mga Taga Corinto 2:12–14.)

  • Basahin ang kasagutan ng Pangulong Young sa mga katanungang ito: “Ano ang lubusang tatalikuran ng mga Banal sa mga Huling Araw? “Ano ang matatanggap nila bilang kapalit”?

  • Paano nating gagampanan ang ating pananampalataya upang matulungan ang mga “katulad ng balahibo na hinihipan ng hangin kahit saan”?

Tayo ay magiging matatag sa pamamagitan ng pamumuhay ng ating relihiyon at pagsisikap na matamo ang Banal na Espiritu

  • Bakit patuloy na iiral ang lubusang pagtalikod sa Simbahan? Paano natin maiiwasang pumasok sa ating mga buhay ang mga simula ng lubusang pagtalikod? Paano nakatulong ang ibang kasapi ng Simbahan at ang impluwensiya ng Espiritu na mapanatili kayong tapat noong sana ay natukso kayong maging tapat nang ilang panahon [lamang]?

  • Kung mananatili tayo sa “Minamahal na Barko ng Sion”, ano ang ipinangangako sa atin?

Judas kissing the Savior’s cheek

Ipinagkakanulo ni Judas ang Tagapagligtas sa Hardin ng Getsemani. Nagbabala ang Pangulong Young na, “kapag ang tao ay nagsisimulang maghanap ng kamalian” sa mga pinuno at sa itinuturo ng Simbahan, “malalaman mo na ang taong iyon ay humigit kumulang mayroon nang espiritu ng lubusang pagtalikod” (DBY, 83).