Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: Pagtatatag ng Sion


Kabanata 16

Pagtatatag ng Sion

Ang buong kaluluwa ni Pangulong Young ay nakalaan sa pagtatatag ng Sion. Pinangasiwaan niya ang pagtitipon ng halos isang daang libong Banal sa mga Huling Araw sa mga lambak ng Rocky Mountains at sinakop ang mga apat na daang lungsod at bayan. Siya ay nagtayo ng mga templo at tabernakulo, nagtatag ng mga istaka at purok sa buong kanluran ng Estados Unidos at nagpadala ng mga misyonero sa halos bawat sulok ng daigdig. Walang higit na nakaunawa sa sakripisyo at pagsisikap na kinakailangan, ngunit, gaya ng sinabi niya, “hindi tayo maghihintay sa mga anghel, … tayo [mismo] ang magtatatag ng [Sion] (DBY, 443).

Mga Turo ni Brigham Young

Ang Sion ay ang dalisay ang puso.

Hayaang bigkasin ko ang ilang salita tungkol sa Sion. Ipinangangaral nating tayo ng Sion. Tayo ay ganoon nga kung dalisay ang ating puso, sapagkat ang “Sion ay ang may dalisay na puso” [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 97:21] (DBY, 118). Nasaan ang Sion? Kung nasaan ang samahan ng Simbahan ng Diyos. At nawa’y espirituwal na manirahan ito sa puso ng bawat nilalang; at nawa ay mabuhay tayo na palaging taglay ang diwa ng Sion! (DBY, 118).

Ito ang Ebanghelyo; ito ang plano ng kaligtasan; ito ang Kaharian ng Diyos; ito ang Sion na binanggit at isinulat ng lahat ng Propeta simula nang magsimula ang mundo. Ito ang gawa ng Sion na ipinangako ng Panginoon na mangyayari (DBY, 118).

Sa kalaunan ang Sion ay lalaganap rin sa buong mundo. Walang sulok o panulukan sa mundo ang hindi magiging Sion. Lahat ay magiging Sion (DBY, 120).

Ang dapat na maging layunin natin sa buhay ay gawing banal ang ating mga sarili at itayo ang Sion ng ating Diyos.

Ang dapat na maging layunin ng ating buhay ay itayo ang Sion ng ating Diyos, tipunin ang Sambahayan ni Israel, isakatuparan ang kaganapan ng mga Gentil, ibalik at basbasan ang mundo ng ating kakayahan at gawin itong tulad ng Halamanan ng Eden, mag-ipon ng mga kayamanan ng kaalaman at karunungan sa ating sariling mga pang-unawa, dalisayin ang ating mga puso at ihanda ang tao na salubungin ang Panginoon kapag siya ay dumating (DBY, 88).

Wala tayong gagawin dito maliban sa itaguyod at itatag ang Sion ng Diyos. Kailangang gawin ito nang naaayon sa kalooban at batas ng Diyos [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 105:5], ayon sa huwaran at orden na ginamit ni Enoc sa pagtatayo at paggawang perpekto sa sinaunang Sion, na dinala sa langit, kaya nga nakarating sa ibang lugar ang kasabihan na ang Sion ay lumisan [tingnan sa Moises 7:69]. Hindi magtatagal at ito ay babalik na muli, at habang inihahanda ni Enoc ang kanyang mga tao na maging karapat-dapat sa paglipat sa langit nang hindi nakararanas ng kamatayan, gayundin naman tayo, sa pamamagitan ng ating katapatan, ay kailangang ihanda ang ating sarili na salubungin ang Sion mula sa itaas kapag ito ay bumalik sa lupa, at makayanan ang liwanag at kaluwalhatian ng pagdating nito (DBY, 443).

Hinihintay natin ang araw ng paghahanda ng Panginoon sa pagtatayo ng Bagong Jerusalem, sa paghahanda sa pagsasanib ng lungsod ni Enoc dito kapag ito ay itinayo na sa mundong ito [tingnan sa Moises 7:62–64]. Inaasam natin na malugod tayo sa araw na iyon, maging tayo man ay nahihimbing na sa kamatayan bago sumapit iyon o hindi. Hinihintay natin, nang buong pag-asam at pagtitiwala na makakamtan ng mga bata mula sa kanilang magulang, na tayo ay naroon kapag dumating si Jesus, at kung wala tayo roon, ay darating tayong kasama niya: alinman man sa dalawa ang mangyari tayo ay naroroon kapag siya ay dumating (DBY, 120).

Ang layunin ng pagtatayo ng Sion ay upang gawing banal ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa ng kaligtasan.

Tayo ay tinipon … sa tiyak na layunin na dalisayin ang ating mga sarili, na maging makintab na bato sa templo ng Diyos. Narito tayo sa layuning pagtatatag ng Kaharian ng Diyos sa ibabaw ng lupa. Upang makapaghanda sa gawaing ito kinakailangan tayong tipunin mula sa mga bansa at bayan ng mundo [upang tanggapin] ang mga ordenansa ng banal na Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos, na kinakailangan para sa kaganapan ng mga Banal sa paghahanda sa kanyang pagdating (DBY, 121).

Ang ordenansa ng pagbubuklod ay kailangang ganapin dito [anak na lalaki] sa [ama], at ang babae sa lalaki, at mga anak sa magulang, atbp., hanggang sa maging perpekto ang pagkakadugtung-dugtong ng salinlahi sa pamamagitan ng mga ordenansa ng pagbubuklod pabalik kay Amang Adan; dahil dito, tayo ay inutusang magtipun-tipon upang lumabas sa Babilonia [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 133:5, 7, 14], at pabanalin ang ating sarili, at itatag ang Sion ng ating Diyos, sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga lungsod at templo, pagsisibilisado sa mga ilang na lugar, hanggang ang mundo ay mapabanal at maihanda para sa pananahanan ng Diyos at mga anghel(DBY, 407).

Naglaan ng paraan ang Panginoon para maitayo ng mga Banal ng Sion.

Alam ba natin na upang matamasa natin ang Sion sa buhay na ito o sa kawalang-hanggan ay kailangang gawin natin ito para sa ating mga sarili? Na ang lahat, na may Sion sa kawalang- hanggan ng mga Diyos, na mismong gumawa, nagbalangkas, pinagsama, at ginawang ganap ito, at samakatuwid ay may karapatang tamasahin ito (DBY, 118).

Kapag nagpasiya tayong gumawa ng isang Sion ay magagawa natin ito, at ang gawaing ito ay magsisimula sa puso ng bawat tao. Kapag ninais ng ama ng mag-anak na gumawa ng Sion sa kanyang sariling tahanan, kailangang pangunahan niya ang magandang gawaing ito, na imposible niyang magawa maliban kung taglay niya ang diwa ng Sion. Bago niya magawa ang gawaing pagpapabanal sa kanyang mag-anak, kailangang gawin niyang banal ang kanyang sarili, at sa ganitong paraan ay matutulungan siya ng Diyos na gawing banal ang kanyang mag-anak (DBY, 118).

Ginawa na ng Diyos ang kanyang bahagi sa gawain; pinalibutan niya tayo ng mga elemento na nagtataglay ng trigo, karne, lino, lana, seda, prutas, at lahat ng bagay na kailangan sa pagtatayo, pagpapaganda, at sa kaluwalhatian ng Sion sa mga huling araw, at tungkulin nating hubugin ang mga elementong ito sa ating mga kagustuhan at pangangailangan, nang naaayon sa ating kaalaman ngayon at sa karunungang ating matatamo mula sa kalangitan sa pamamagitan ng ating katapatan. Sa ganitong paraan ibabalik muli ng Panginoon ang Sion sa lupa, at wala ng iba (DBY, 294).

Walang bagay na kakailanganin pa sa lahat ng gawa ng mga kamay ng Diyos upang gumawa ng Sion sa ibabaw ng lupa kapag nagpasiya ang mga tao na gawin ito. Makagagawa tayo ng Sion ng Diyos sa lupa kung kailan natin naisin, sa katulad na alituntunin na tayo ay makapag-aalaga ng taniman ng trigo, o makapagtatayo ng tirahan. Hindi kailanman nagkaroon ng panahon na kung kailan ang materyal sa pagpaparami ng mais, trigo, at iba pa ay nawala rito, at sa mabuting pangangasiwa at pagsasa-ayos nitong umiiral na materyal na ito ay patuloy na maitatayo sa lupa ang Sion ng Diyos (DBY, 118).

Ang pagtatayo ng Sion ay nangangailangan ng sakripisyo at malaking pagsisikap.

Ibig naming maunawaan ng lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw kung paano itinatatag ang Sion. Malalampasan ng lungsod ng Sion, sa ganda at karilagan nito, ang anumang bagay na ngayon ay tanyag sa ibabaw ng lupa. Ang sumpa ay aalisin mula sa mundo at ang kasalanan at kasamaan ay aalisin sa balat ng lupa. Sino ang gagawa ng dakilang gawaing ito? Papaniniwalain ba ng Panginoon ang mga tao na kanyang tutubusin ang sentro ng Istaka ng Sion, pagagandahin ito at ilalagay sila roon nang wala man lamang silang gagawing pagsisikap? Hindi. Hindi siya tutungo rito upang magtayo ng Templo, Tabernakulo, Browero, o maghanda ng mga punong kahoy, gumawa ng panapi [apron] na yari sa mga dahon o panapi na yari sa mga balat, o gumawa ng tanso at bakal, sapagkat alam na nating gawin ang mga bagay na ito. … Kailangan nating itayo ang Sion, kung gagawin natin ang ating tungkulin (DBY, 120).

May nakikita akong mga lalaki at babae sa kongregasyong ito—ilan lang sa kanila—na pinaalis sa sentrong Istaka ng Sion [sa Jackson County, Missouri; tingnan sa Doktrina at mga Tipan 57:2–3]. Tanungin ninyo sila kung dumanas sila ng kalungkutan o pagkabagabag; at hayaan tingnan nila ang magandang lupain na dapat ay naibigay sa kanila kung ang lahat ay naging tapat sa pagsunod sa kanyang mga kautusan, at lumakad nang nararapat sa kanyang harapan; at sila ay tanungin tungkol sa mga biyayang dapat ay kanilang natanggap. Kung sasabihin nila ang nilalaman ng kanilang isipan, sasabihin nilang sana ay naging magaang ang pamatok ni Jesus at naging magaang ang kanyang dinadala, nang sa gayon ay naging kaaya-aya sana ang pagsunod sa kanyang mga kautusan at sana ay naging kaisa sa puso at kaisa sa kaisipan; ngunit dahil sa pagkamakasarili ng ilan, pagsamba sa diyus-diyosan, sa kanilang pag-iimbot na kahalintulad rin ng una, at sa makamundong pagnanasa ng kanilang mga isipan, sila ay pinaalis at ipinagtabuyan mula sa kanilang mga tahanan (DBY, 113–14).

Turuan natin ang ating mga isipan hanggang sa ating makalugdan natin ang mabuti, maganda at banal, na patuloy na naghahangad ng karunungang makapagbibigay kakayahan sa atin na isakatuparan ang pagtatayo ng Sion, na kinapapalooban ng pagtatayo ng mga bahay, tabernakulo, templo, daan, at lahat ng bawat kaginhawahan at kinakailangan sa paggagayak at pagpapaganda, na ninanais gawin ang kalooban ng Panginoon sa tanang buhay natin, na pinagbubuti ang ating mga kaisipan sa lahat ng kaalaman sa siyensiya at mekanikal, na masikap na nagsasaliksik upang maunawaan ang dakilang balangkas at plano ng lahat ng nilikhang bagay, nang malaman natin kung ano ang gagawin sa ating mga buhay at paano mapagbubuti ang mga kagamitang inilagay sa abot ng ating makakaya (DBY, 247).

Naparito tayo upang itaguyod ang Sion. Paano natin gagawin ito?. … Kailangang magkaisa tayo sa ating mga pagsisikap. Kailangan tayong gumawa nang may nagkakaisang pananampalataya katulad ng puso ng isang tao; at lahat ng ating gagawin ay kailangang gawin sa ngalan ng Panginoon, at sa gayon tayo ay bibiyayaan at uunlad sa lahat ng ating ginagawa. Nahaharap tayo sa isang gawain sa ngayon na ang lawak ay napakahirap masabi (DBY, 284).

Inaakala ng maraming Banal sa mga Huling Araw na kapag nasunod nila ang Ebanghelyo, nakapagsakripisyo sa pamamagitan ng pagtalikod sa kanilang mga tahanan, marahil ang kanilang mga magulang, asawa, anak, bukirin, lupang tinubuan, o iba pang mga itinatanging bagay, na tapos na ang gawain; ngunit ito ay pasimula pa lamang. Ang gawaing pagpapadalisay sa ating mga sarili at paghahanda sa pagtataguyod ng Sion ng Diyos … ay nagsisimula pa lamang sa atin kapag naabot na natin ang gayong kalagayan (DBY, 444).

Ang lahat ng may kinalaman sa pagtataguyod ng Sion ay nangangailangan ng tunay at dibdibang paggawa. Walang saysay na pag-usapan ang tungkol sa pagtatayo ng kahit anong kaharian maliban sa pamamagitan ng paggawa; kinakailangan nito ang paggawa ng bawat bahagi ng ating samahan, ito man ay pangkaisipan, sa pisikal, o espirituwal at iyon lamang ang paraan upang maitaguyod ang Kaharian ng Diyos (DBY, 291).

Kung ating itataguyod ang Kaharian ng Diyos, o itatatag ang Sion dito sa lupa, kinakailangan tayong gumawa sa pamamagitan ng ating mga kamay, magplano sa pamamagitan ng ating mga isipan, at lumikha ng kaparaanan at pamamaraan upang maisakatuparan ang layuning iyon (DBY, 291).

Palaging nasa aking isipan ang Sion. Hindi tayo maghihintay sa mga anghel, o kay Enoc at sa kanyang kasamahan na dumating at itaguyod ang Sion, kundi tayo mismo ang gagawa nito. Magtanim tayo ng trigo, itatayo natin ang ating mga tahanan, babakuran ang ating mga bukirin, tatamnam ang ating mga ubusan at taniman ng bungang kahoy at aani ng lahat ng bagay na makapagpapaginhawa at makapagpapaligaya sa ating mga katawan, at sa ganitong paraan natin nilalayong itaguyod ang Sion sa lupa at dalisayin ito at linisin mula sa lahat ng mga karumihan. Hayaan magkaroon tayo ng pinagpalang impluwensiya sa lahat ng bagay na nasasakupan ng ating kapangyarihan; sa lupaing ating binubungkal, sa mga bahay na ating itinatayo, at sa lahat ng ating ari-arian; at kung tayo ay titigil sa pakikipagkaibigan doon sa masama at itatatag ang Sion ng Diyos sa ating mga puso, sa ating tahanan, sa ating lungsod, at sa ating buong bayan, sa huli ay mapagtatagumpayan natin ang mundo, sapagkat tayo ang mga panginoon ng mundo; at, sa halip na mga tinik, ang bawat kapakipakinabang na halaman na mabuti para sa pagkain ng tao at para sa pagpapaganda at pagpapalamuti ay sisibol sa ibabaw nito (DBY, 443–44).

Ako ay biniyayaan ng Panginoon; palagi niya akong binibiyayaan; mula noong simulan kong itaguyod ang Sion, ako ay labis na biniyayaan. Makapagsasalaysay ako ng di-pangkaraniwang pangyayari tungkol sa pagkalinga ng Diyos sa akin, kung kaya’t masasabi ng aking mga kapatid sa kanilang mga puso na, “Mahirap kong mapaniwalaan ito” (DBY, 452).

Ang aking espirituwal na kasiyahan ay kailangang makamit ng aking sariling buhay, ngunit makadaragdag sa kaginhawaan ng pamayanan, at sa aking kaligayahan, bilang isa sa kanila, kung ang bawat lalaki at babae ay ipamumuhay ang kanilang relihiyon, at tatamasahin ang liwanag at kaluwalhatian ng Ebanghelyo sa kanilang mga sarili, maging matahimik, mapagkumbaba at tapat; magalak nang tuluyan sa harap ng Panginoon, asikasuhin ang mga gawaing iniatang sa kanila, at tiyaking hindi kailanman gagawa ng anumang kamalian (DBY, 119).

Sa gayon ang lahat ay magkakaroon ng kapayapaan, kagalakan, at katahimikan sa ating mga daan at sa ating mga tahanan. Ang mga pagsasakdal ay matitigil, walang magiging paghihirap sa harap ng Mataas na Kapulungan at mga Korte ng Obispo, at ang mga hukuman, kaguluhan, at alitan ay hindi na makikilala (DBY, 119).

At tayo ay magkaroon ng Sion, sapagkat ang lahat ay magiging dalisay ang puso (DBY, 119).

Naitalaga na sa aking puso na gawin ang kalooban ng Diyos, na itaguyod ang kanyang Kaharian sa lupa, itatag ang Sion at ang mga batas nito, at iligtas ang mga tao; at masasabi ko, nang tunay at tapat, na hindi dumating sa aking isipan, sa lahat ng aking ginagawa, kung ano ang aking magiging gantimpala, o kung ang aking korona ay magiging malaki o maliit, o kung mayroong korona man, kaunting ari-arian, maraming ari-arian o kahit walang ari-arian. Hindi ko inisip o pinangarap ito kailanman, o nag-alala tungkol dito. Ang tanging nasa isip ko lamang ay kailangan kong gawin ang kalooban ng Diyos, at gumawa upang maitatag ang kanyang Kaharian sa lupa … sapagkat ang mga alituntuning inihayag ng Diyos para sa kaligtasan ng sanlibutan ay likas na dalisay, banal at nakapagpapadakila. Sa mga ito ay may karangalan at walang hanggang pag-unlad, ang mga ito ay humahantong sa dagdag na liwanag, sa dagdag na kalakasan, dagdag na kaluwalhatian, dagdag na kaalaman, at dagdag na kapangyarihan (DBY, 452).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Ang Sion ay ang dalisay ang puso

Ang layunin natin sa buhay ay upang gawing banal ang ating sarili at itatag ang Sion ng ating Diyos

  • Itinuro ni Pangulong Young na, “Ang layunin ng ating buhay ay itayo ang Sion ng ating Diyos.” Bilang isang Simbahan, ano ang dapat nating gawin upang itaguyod ang Sion? Paano kayo bilang isang indibidwal makatutulong sa gawaing ito?

  • Ano ang “huwaran at orden” na ginamit ni Enoc sa pagtatayo at paggawang perpekto sa sinaunang Sion? (Tingnan din sa Moises 7:10–11, 17–21.) Paano natin masusunod ang ganoong huwaran sa ating mga mag-anak at purok o sangay ngayon?

  • Paano makalilikha ng Sion ang mga mag-anak sa kanilang sariling tahanan?

Ang layunin ng pagtatayo ng Sion ay upang gawing banal ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa ng kaligtasan.

  • Paano natin mapababanal ang ating mga sarili at ating mga mag-anak?

  • Bakit tayo “inutusang tipunin ang ating mga sarili upang lumabas sa Babilonia” tungo sa Sion? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 44:4–6; 133:14.) Ano ang espirituwal na Babilonia at paano tayo makalalabas dito?

  • Ano ang kaugnayan sa pagitan ng pagtatayo ng Sion at ang mga ordenansa ng banal na pagkasaserdote?

Nagbigay ng paraan ang Panginoon sa mga Banal sa pagtatayo ng Sion.

  • Ano ang ipinagkaloob sa atin ng Panginoon upang makibahagi tayo sa pagtatatag ng Sion?

  • Ang Sion ay nagsisimula sa “puso ng bawat tao.” Ano ang mga kaloob o talino ninyo na makatutulong sa inyo sa pagtatayo ng Sion?

Ang pagtatayo ng Sion ay nangangailangan ng sakripisyo at malaking pagsisikap.

  • Noong mga unang panahon ng Simbahan, ang lugar ng sentrong istaka ng Sion ay inihayag (tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 57:2–3). Sangayon kay Pangulong Young, ano ang nakapigil sa mga Banal sa pagpasok sa kanilang mga mana at sa pagtatatag ng Sion noong panahong iyon?

  • Paano ipatutupad ng Panginoon ang pagtatatag ng Sion? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 105:5–6.)

  • Bakit mahalaga na “turuan ang ating isipan” habang nagsisikap tayong itayo ang Sion?

  • Itinuro ni Pangulong Young na kailangang magkaisa tayo sa ating pagsisikap upang maitatag ang Sion. Paano natin matatamo ang pagkakaisa sa ating mga mag-anak, korum, at purok o sangay?

  • Bakit hinihiling sa atin ng Panginoon ang “tunay, na dibdibang paggawa” sa pagtatatag ng Sion?

  • Ipinahayag ni Pangulong Young na, “Ako ay biniyayaan ng Panginoon … noong panahong sinimulan kong itayo ang Sion, ako ay labis na biniyayaan.” Anong mga biyaya ang nakalaan sa mga tumutupad ng kanilang tipan sa pagtatatag ng Sion? (Tingnan din sa Isaias 51:11.)

Manti Temple under construction

Ang Pangulong Brigham Young ay kilala bilang magaling na mananakop ng Intermountain West (USA). Inialay niya ang lugar para sa Templo sa Manti (makikita sa itaas na itinatayo) noong taong 1877.

Salt Lake Temple under construction

Larawan ng Templo sa Salt Lake habang ginagawa. Inialay ni Pangulong Young ang kanyang buhay sa pagtatatag ng Sion at itinuro na “ang dapat na maging layunin ng ating buhay ay itaguyod ang Sion ng ating Diyos” (DBY, 88).