Kabatana 38
Ang Daigdig ng mga Espiritu
Sa kanyang pagtatalumpati sa serbisyo sa paglilibing kay Elder Thomas Williams, nagsalita si Pangulong Young tungkol sa daigdig ng mga espiritu nang ganito: “Gaano kadalas lumabas ang katanungan sa isipan ng mga tao—’Sana ay batid ko kung saan ako pupunta!’ Malalaman ba ninyo? Buweno, mapupunta kayo sa daigdig ng mga espiritu kung nasaan na ngayon si Kapatid na Thomas. Siya ay nasa isang higit na mataas na antas ng kalagayan na ngayon, ibig kong sabihin ay ang espiritu niya, kaysa noong ito ay nasa katawan pa niya. ‘Bakit hindi ko siya makita? Bakit hindi ko makausap ang kanyang espiritu? Sana ay makita ko ang aking asawa o ang aking ama at makausap ko siya!’ Hindi makatwirang gawin ninyo ito; hindi wastong gawin ninyo ito; maaaring mawala sa inyo ang pangunahing layunin ng inyong buhay, kung magkaroon kayo ng ganitong tanging karapatan, at naroroon din ang ganoong katulad na pagsubok ng pananampalataya upang pagkaabalahan ninyo, ang hindi gaanong matinding landas ng kahirapan na lalakaran ninyo, ang hindi gaanong dakilang digmaang lalabanan, ang hindi gaanong dakilang tagumpay na pagwawagian, at mawawala sa inyo ang pangunahing layunin ng buhay na hinahangad ninyo. Nararapat lamang na ganito, na ang tabing ay maipinid; nang hindi natin makita ng Diyos, nang hindi natin makita ang mga anghel, nang hindi natin sila makausap maliban sa pamamagitan ng mahigpit na pagtupad sa kanyang mga hinihiling, at pananampalataya kay Jesucristo (DNSW, ika-28 ng Hul. 1874, 1).
Mga Turo ni Brigham Young
Ang mga espiritu ng patay ay pumupunta sa daigdig ng mga espiritu.
Kapag inihimlay na ninyo ang tabernakulong ito, saan kayo tutungo? Sa daigdig ng mga espiritu (DBY, 376).
Ang masasamang espiritu na umaalis dito at pumupunta sa daigdig ng mga espiritu, masama ba sila roon? Oo (DNW, ika-27 ng Ago. 1856, 3).
Kapag nililisan ng mga espiritu ang kanilang katawan, … sila ay nakahanda nang makita, mapakinggan at maunawaan ang mga bagay na espirituwal. … Nakakikita ba kayo ng mga espiritu sa silid na ito? Hindi. Ipagpalagay na hihipuin ng Panginoon ang inyong mga mata upang kayo ay makakita, makikita na ba ninyo sa gayon ang mga espiritu? Oo, kasing liwanag nang pagkakakita ninyo sa mga katawan, kagaya ng tagapaglingkod ni [Elisha] [tingnan sa 2 Mga Hari 6:16–17]. Kung pahihintulutan ito ng Panginoon, at layon niyang papangyarihin ito, makikita ninyo ang mga espiritung lumisan sa daigdig na ito, na kasing liwanag ng pagkakakita ninyo sa mga katawan sa pamamagitan ng inyong likas na mga mata (DBY, 376–77).
Binuksan ni Jesus ang pintuan ng kaligtasan para sa mga nasa daigdig ng mga espiritu.
Si Jesus ang pinakaunang tao na pumunta upang mangaral sa mga espiritu sa kulungan, na hawak ang mga susi ng Ebanghelyo ng kaligtasan sa kanila. Ang mga susing iyon ay inihatid sa kanya sa araw at oras na siya ay tumungo sa daigdig ng mga espiritu, at sa pamamagitan ng mga ito ay kanyang binuksan ang pintuan ng kaligtasan sa mga espiritu sa kulungan (DBY, 378).
Nais nating magtiis sapat upang magawa ang kalooban ng Diyos sa paghahanda na madala ang mga hindi nagkaroon ng tanging karapatan na mapakinggan ang Ebanghelyo habang nasa laman, sa payak na dahilang, sa daigdig ng mga espiritu, ay hindi sila maaaring mangasiwa sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos. Nadaanan na nila ang mga pagsubok, at nalampasan na nila ang pagkakataong makapangasiwa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan para sa kanilang kadakilaan, at kasunod nito ay nangangailangan silang manalig sa kanilang mga kaibigan, mga anak, mga anak ng kanilang mga anak na mangasiwa para sa kanila, nang sila ay maiakyat sa kahariang selestiyal ng Diyos (DBY, 406).
Ihambing ang mga naninirahan sa lupa na nakarinig ng Ebanghelyo sa ating panahon, sa milyun-milyong hindi kailanman nakarinig nito, o nagkaroon ng pagkakataon na mailahad sa kanila ang mga susi ng kaligtasan, at kaagad ninyong maipapalagay katulad ko, na may napakadakilang gawaing gagampanan sa daigdig ng mga espiritu (DBY, 377).
Pagmuni-munihin ang milyun-milyong tao na nabuhay at namatay nang hindi narinig ang Ebanghelyo sa lupa, na walang mga susi ng Kaharian. Hindi sila handa para sa kaluwalhatiang selestiyal, at walang kapangyarihang makapaghahanda sa kanila nang wala ang mga susi ng Pagkasaserdoteng ito (DBY, 378).
Si Tatay Smith [Joseph Smith Sr.] at Carlos [Smith] at Kapatid na [Edward] Partridge, oo, at lahat ng iba pang mabuting Banal, ay kasingabala sa daigdig ng mga espiritu kagaya ko at ninyo rito. Nakikita nila tayo, ngunit hindi natin sila makikita hangga’t hindi iminumulat ang ating mata. Ano ang ginagawa nila roon? Nangangaral sila, nangangaral sa lahat ng oras, at inihahanda ang daan para sa atin na mapabilis ang ating gawain na magtayo ng mga templo rito at kung saan pa (DBY, 378).
Ang gawain ng bawat matapat na tao ay magpapatuloy na kasing haba ng gawain ni Jesus, hanggang sa matubos ang lahat ng bagay na maaaring tubusin, at maiharap sa Ama. May dakilang gawaing nahaharap sa atin (DBY, 378).
Ang mga espiritung nananahan sa mga tabernakulo sa sanlibutang ito, kapag nililisan nila ang mga katawang ito ay pupuntang tuluy-tuloy sa daigdig ng mga espiritu. Ano! Isang kalipunan ng mga espiritung naninirahan doon, na nakikisalamuha sa bawat isa kagaya ng ginagawa nila rito? Oo, mga kapatid, magkakasama sila roon, at kung nakikisalamuha sila sa isa’t isa, at nagsama-sama, sa mga angkan o mga samahang katulad ng ginagawa nila rito, tanging karapatan nila ito. Walang pagdududang sila, humigit-kumulang, ay nagagawa pa rin nilang makita, marinig, makausap, at makipag-ugnayan sa isa’t isa, maging sa mabuti man o masama. Kung ang mga Elder sa Israel sa mga huling araw na ito ay pupunta at mangangaral sa mga espiritu sa kulungan, makikisalamuha sila sa kanila, kagaya ng pakikisalamuha ng mga Elder sa masasama sa laman, kapag sila ay pumupunta upang mangaral sa kanila (DBY, 378).
Ang daigdig ng mga espiritu ay isang buhay na lugar kung saan maaaring lumaki at umunlad.
Kapag kayo ay nasa daigdig ng mga espiritu, ang lahat ng bagay roon ay lalabas na katulad ng mga bagay na nakikita natin sa ngayon. Ang mga espiritu ay makakikilala sa mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu— makikipag-usap, makakikita, at makikipagtalastasan sa iba’t ibang uri ng paraan sa bawat isa katulad ng kanilang kinagawian at kinasanayan noong sila ay nandito pa sa laman. Doon, kagaya rito, ang lahat ng bagay ay magiging likas, at mauunawaan ninyo sila katulad ng pagkakaunawa ninyo sa mga likas na bagay. Mamamalas ninyo roon na ang mga espiritung pinaguusapan natin ngayon ay may ginagawa; hindi sila natutulog. At malalaman ninyong nagsusumikap sila nang may buong pagpupunyagi—gumagawa at gumaganap nang masigasig katulad ng ginagawa ng isang tao upang maisakatuparan ang isang gawain sa daigdig na ito (DBY, 380).
Ang mga espiritu ay nakakikila sa mga espiritu, kagaya rin naman ng mga katawang nakakikilala sa mga katawan, bagama’t ang mga espiritu ay binubuo ng mga bagay na napakapino upang madama ng mga katawan. Lumalakad sila, nag-uusap, at nagkakatipon; at ang espiritu ng mabubuting tao katulad ni Joseph at ng mga Elder, na lumisan sa Simbahang ito sa lupa sa ilang panahon upang gumawa sa ibang kalagayan, ay pinagsasama-sama ang kanilang mga lakas at pumupunta sa iba’t ibang lugar upang ipangaral ang Ebanghelyo, at si Joseph ang nangangasiwa sa kanila, na sinasabing, humayo kayo, mga kapatid ko, at kung haharangan nila ang inyong mga daan, magpatuloy at utusan silang magwatak-watak. Nasa inyo ang Pagkasaserdote at maaari silang pagwatak-watakin, ngunit kung sinuman sa kanila ang naghahangad na mapakinggan ang Ebanghelyo, mangaral sa kanila (DBY, 379).
Masasabi ko tungkol sa pagyao ng ating mga kaibigan, at sa mismong pagyao natin, na ako ay halos nakarating na roon upang maunawaan ang kawalang-hanggan kung kaya’t kinailangan ko ang higit pang pananampalataya upang mabuhay kaysa anupamang pananampalataya na aking ginawa sa buong buhay ko. Ang kaliwanagan at kaluwalhatian ng susunod na tahanan ay hindi maisasalarawan. Wala ritong kahirapang kagaya ng sa pagtanda natin ay natitisod tayo kaya’t kailangan nating magingat sa pag-aalalang tayo ay madapa. Nakikita nating kahit na ang ating kabataan ay natitisod at nadadapa. Ngunit doon, anong kaibahan! Madali ang kanilang pagkilos at kasing bilis ng kidlat. Kung nais nating pumasyal sa Jerusalem, o dito, o doon, o sa ibang lugar—at ipinalalagay kong pahihintulutan tayo kung nanaisin natin—maparoroon tayo, pinagmamasdan ang mga lansangan nito. Kung nais nating mamalas ang Jerusalem gaya noong panahon ng Tagapagligtas; o kung nais nating makita ang Halamanan ng Eden nang ito ay likhain, nandoon na tayo, at makikita natin kung paano ito sa kalagayang espirituwal, sapagkat una itong nilikhang espirituwal bago naging temporal, at espirituwal na nananatili ito. At kapag nandoon ay makikita natin ang mundo katulad sa simula ng paglikha, o maaari nating madalaw ang anumang lungsod na naisin natin na nasa ibabaw nito. Kung nanaisin nating maunawaan kung paano silang namumuhay dito sa kapuluang ito sa kanluran, o sa Tsina, nandoon na tayo; sa katunayan, katulad tayo ng liwanag sa umaga. … Inihayag ng Diyos ang ilang maliliit na bagay, hinggil sa kanyang mga pagkilos at kapangyarihan, at ang pagkilos at galaw ng kidlat ay nagbibigay ng mainam na halimbawa sa kakayahan ng Pinakamakapangyarihan (DBY, 380).
Kapag napunta na tayo sa daigdig ng mga espiritu ay mapapasaatin ang isang sukat ng kanyang kapangyarihan. Dito, walang tigil tayong pinahihirapan ng mga sakit at karamdamang may iba’t ibang uri. Sa daigdig ng mga espiritu ay magiging malaya tayo sa lahat ng ito at tatamasahin natin ang buhay, kaluwalhatian, at katalinuhan; at kasama natin ang Ama upang kumausap sa atin, si Jesus upang kumausap sa atin, at mga anghel upang kumausap sa atin, at tatamasahin natin ang pakikisalamuha sa mga makatarungan at dalisay na nasa daigdig ng mga espiritu hanggang sa pagkabuhay na mag-uli (DBY, 380–81).
Ipagpalagay, samakatwid, na ang isang tao ay masama sa kanyang puso—ganap na nagpadala sa kasamaan, at namatay sa kalagayang iyon, papasukin ng kanyang espiritu ang daigdig ng mga espiritu na naglalayong gumawa ng masama. Sa kabilang banda, kung pinagsusumikapan natin sa pamamagitan ng mga kapangyarihan at kakayahang ipinagkaloob sa atin ng Diyos na paunlarin ang ating mga talino, ihanda ang ating sariling manahan sa buhay na walang hanggan, at sa ganitong katayuan ay tanggapin ng libingan ang ating katawan, anong disposisyon mayroon ang ating espiritu sa pagpasok nito sa susunod na kalagayan? Ipagpapatuloy pa rin nila ang pagsusumikap na magampanan ang mga bagay ng Diyos, kaya nga lang ay sa higit na mataas na antas—natututo, umuunlad, lumalaki sa pagpapala at sa kaalaman ng katotohanan (DBY, 379).
Kung matapat tayo sa ating relihiyon, sa panahong pumunta tayo sa daigdig ng mga espiritu, ang nangahulog na mga espiritu—si Lucifer at ang ikatlong bahagi ng mga hukbo sa langit na sumama sa kanya, at ang mga espiritu ng masasamang tao na nanahan dito sa lupa, silang lahat na pinagsama ay hindi magkakaroon ng lakas sa ating mga espiritu. Hindi ba ito isang kapakinabangan? Oo. Ang natitira pa sa mga anak ng tao ay, humigit kumulang, mapapasailalim sa kanila, at mapapasailalim sila sa kapangyarihan nila kagaya ng pagkakasailalim nila noong nandito pa sila sa laman (DBY, 379).
Dito [ang matatapat] ay lilituhin at dadalawin niya; ngunit kung mapunta na tayo sa daigdig ng mga espiritu, doon ay tayo ang magiging amo ng mga kapangyarihan ni satanas, at hindi na niya tayo maaaring pahirapan, at sapat nang mabatid ko ito (DNW, ika-1 ng Okt. 1856, 3).
Kung ang isang tao ay mabinyagan para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at mamatay siya di pa nagtatagal pagkatapos nito, hindi siya kaagad nakahanda na tamasahin ang kaganapan ng kaluwalhatian na ipinangako sa mga matapat sa Ebanghelyo; sapagkat kinakailangan niya muling maturuan habang nasa espiritu, sa ibang mga bahagi ng bahay ng Diyos, na bumabagtas mula sa isang katotohanan tungo sa isang katotohanan, mula sa isang katalinuhan tungo sa isang katalinuhan, hanggang sa muli siyang maging handang tanggapin ang kanyang katawan at pumasok sa kinaroroonan ng Ama at Anak. Hindi tayo makapapasok sa kaluwalhatiang selestiyal sa ating kasalukuyang kalagayan ng kamangmangan at kadiliman ng isipan (DBY, 378–79).
Higit na marami tayong kaibigan sa kabila ng tabing kaysa bahaging ito, at babatiin nila tayo nang may higit na kagalakan kaysa anumang pagsalubong sa inyo ng inyong mga magulang at kaibigan sa daigdig na ito; at higit kayong magagalak kung makakatagpo ninyo sila kaysa anumang kagalakan kung nakakatagpo kayo ng kaibigan sa buhay na ito; at pagkaraan ay tutuloy tayo mula sa isang antas tungo sa isang antas, mula sa isang kagalakan tungo sa isang kagalakan, at mula sa isang katalinuhan at kapangyarihan tungo sa isa pa, na ang kaligayahan natin ay nagiging higit na katangi-tangi at nadarama habang nagpapatuloy tayo sa mga salita at kapangyarihan ng buhay (DBY, 379–80).
Kapag nilisan natin ang kalagayang ito, tungo sa kabilang kalagayan, masasabi kong ganoon, hindi tayo titigil doon. Magpapatuloy pa rin tayo, na gumagawa ng lahat ng mabuting magagawa natin, nangangasiwa at namamahala para sa lahat na pinahintulutang pangasiwaan at pamamahalaan natin, at pagkaraan ay tumuloy mga kasunod, hanggang sa putungan ng Panginoon ang lahat ng naging matapat sa lupa, at tapos na ang lahat ng gawain patungkol sa sanlibutan, at ang Tagapagligtas, na siya nating tinutulungan, ay tapos na sa kanyang gawain, at ang mundo, kasama ang lahat ng bagay patungkol dito ay ihaharap sa Ama. Samakatwid ay matatanggap ng matatapat na ito ang kanilang mga biyaya at mga putong, at ang kanilang mga pamana ay maitatatag para sa kanila at maipagkakaloob sa kanila, at pagkaraan ay magpapatuloy sila sa paglikha ng mga daigdig, patuloy na uunlad magpakailanman man (DBY, 376).
Mga Mungkahi sa Pagtuturo
Ang mga espiritu ng patay ay pumupunta sa daigdig ng mga espiritu.
-
Kapag namamatay ang katawan, saan pumupunta ang espiritu? (Tingnan din sa Alma 40:11–14.) Bakit hindi natin maaaring makita o makausap ang mga nasa daigdig ng mga espiritu?
Binuksan ni Jesus ang pintuan ng kaligtasan para sa mga nasa daigdig ng mga espiritu.
-
Ano ang ibig ipakahulugan ng “binuksan [ni Jesus] ang pintuan ng kaligtasan para sa mga espiritu sa kulungan”? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138; 1 Pedro 3:18–19.)
-
Makaraang buksan ni Cristo ang mga pintuan ng kaligtasan sa daigdig ng mga espiritu, paano naipangaral ang ebanghelyo roon? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:30.)
-
Kung walang alin man sa mga ordenansa tungkol sa laman ang pinangangasiwaan sa daigdig ng mga espiritu, bakit ipinangangaral ang ebanghelyo sa mga espiritu roon? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:58–59.) Ano ang magagawa natin para sa mga nasa daigdig ng mga espiritu na hindi pa nakatatanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan? Paano tayo masigasig na makalalahok sa pagtubos ng mga patay, kahit na walang malapit na templo?
-
Paano magkakaroon ng kinalaman ang buhay ninyo sa lupa sa magiging buhay ninyo sa daigdig ng mga espiritu?
Ang daigdig ng mga espiritu ay isang buhay na lugar kung saan maaaring lumaki at umunlad.
-
Ano ang itinuro ni Pangulong Young hinggil sa buhay sa daigdig ng mga espiritu? Paano magiging katulad ng buhay sa lupa ang buhay sa daigdig ng mga espiritu? Paano ito naiiba? Anong mga aspeto ng buhay sa daigdig ng mga espiritu ang pinananabikan ninyo?
-
Anong kapangyarihan at impluwensiya mayroon si Satanas sa daigdig ng mga espiritu?
-
Bakit hindi kaagad nakahandang tumanggap ng kaganapan ng kaluwalhatian ang taong kabibinyag pa lamang? Ano ang kailangang gawin ng taong iyon upang makapaghanda para sa biyayang ito? Saan ito maaaring gawin?