Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 47: Ang Patotoo ni Pangulong Brigham Young Tungkol kay Propetang Joseph Smith


Kabanata 47

Ang Patotoo ni Pangulong Brigham Young Tungkol kay Propetang Joseph Smith

Sa isa sa maraming sermon sa mga Banal tungkol sa gawain at misyon ni Joseph, nagpatotoo si Pangulong Brigham Young na: “Ibig kong sumigaw ng Aleluya, tuwi-tuwina, kapag naaalaala kong nakilala ko si Joseph Smith, ang Propetang hinirang at inordenan ng Panginoon, at kung kanino ibinigay ang mga susi at kapangyarihang itatag ang Kaharian ng Diyos sa lupa at itaguyod ito” (DBY, 456). Sa buong buhay niya bilang isang pinuno ng Simbahan, nagpahayag siya ng pagmamahal at paghanga para sa Propetang Joseph Smith: “Tunay kong masasabi, na walang-salang nakita ko sa kanya ang lahat ng katangiang hinahanap ng sinumang tao sa isang tunay na propeta, at wala nang mas makahihigit pa sa kanya, bagama’t mayroon siyang mga kahinaan; at sino namang tao ang nabuhay ng walang kasalanan?” (Sinabi ni Brigham Young kay David P. Smith, ika-1 ng Hun. 1853, BYP). Ang matibay na pananalig sa buong buhay ni Pangulong Young sa Tagakita at sa kanyang gawain ay napagtibay bago siya bawian ng buhay sa kanyang huling paghahayag ng pagkilala at pagasa: “Joseph, Joseph, Joseph” (LSBY, 362).

Mga Turo ni Brigham Young

Inilatag ni Pangulong Joseph Smith ang saligan ng Simbahan ni Jesucristo sa dispensasyong ito.

Napagpasiyahan sa mga konseho ng kawalang-hanggan, noon pa man bago pa inilatag ang saligan ng mundo, na siya, si Joseph Smith, ang nararapat na tao, sa huling dispensasyong ito ng daigdig, na maghatid ng salita ng Diyos sa sangkatauhan, at tumanggap ng kabuuan ng mga susi at kapangyarihan ng Pagkasaserdote ng Anak ng Diyos. Binantayan siya ng Panginoon, at ang kanyang ama, at ang ama ng kanyang ama, at ang kanyang mga ninuno hanggang kay Abraham, at mula kay Abraham hanggang sa baha, mula sa baha hanggang kay Enoc, at mula kay Enoc hanggang kay Adan. Binantayan niya ang mag-anak na iyon at ang dugong nanalaytay mula sa pinagmulan niyon hanggang sa pagsilang ng taong ito. Siya ay inordenan noon pa sa kawalang-hanggan upang mamuno sa huling dispensasyong ito (DBY, 108).

Tinawag ng [Panginoon] ang kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jr., noong siya ay bata pa, upang maglatag ng saligan ng kanyang Kaharian sa huling pagkakataon. Bakit niya tinawag si Joseph Smith upang gawin ito? Dahil tiyak na gagawin niya ito. Si Joseph Smith lamang ba ang makagagawa ng gawaing ito? Walang alinlangang marami pang iba, sa ilalim ng tagubilin ng Panginoon, ang makagagawa ng gawing ito; ngunit pinili ng Panginoon ang taong nagbigay-lugod sa kanya, at iyon ay sapat na (DBY, 460).

Napakadalas hiyain ang mga Elder, habang sila ay nasa isang lugar at nangangaral, dahil si Joseph Smith, ang nagtatag ng Simbahan at relihiyon, ay isa lamang mahirap at walang pinag-aralang bata. Ito ang dating itinatanghal na pinakamalakas na argumento na inihaharap laban sa doktrina ng kaligtasan, ng mga marunong at may pinag-aralan sa daigdig na ito, bagama’t hindi naman ito isang argumento. Dapat daw ay inihayag ng Panginoon ang kanyang sarili sa mga may pinag-aralang saserdote o mahusay na taong may sapat na gulang, sabi nila, na makagagawa ng ilang kabutihan at maipagtatagumpay ang Ebanghelyo sa pamamagitan ng kanilang impluwensiya at pinag-aralan, at hindi sa isang mahirap, walang alam, at walang pinag-aralang kabataan. Hindi tinawag ang maraming marurunong, malalakas, at maharlika, ayon sa pananaw ng tao; sa halip ay pinili ng Diyos ang mga mangmang na bagay sa daigdig upang hiyain ang marurunong, at pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa daigdig upang hiyain ang mga bagay na malalakas; at ang mga bagay na mababa ng daigdig—mga bagay na hinahamak, ang pinili ng Diyos sa kanyang karunungan; oo ang mga bagay na walang halaga upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga, upang walang laman [tao] na magmapuri sa harapan ng Diyos [tingnan sa 1 Mga Taga Corinto 1:26–29] (DBY, 321–22).

Naramdaman ko sa mga panahong iyon [bago sumapi sa Simbahan], na kung makakaharap ko ang isang propeta, tulad ng nabuhay noong unang panahon, isang taong nakatanggap ng mga paghahayag, na kung kanino ay bukas ang mga kalangitan, na kilala ang Diyos at ang kanyang katangian, ay maluwag kong babagtasin ang buong mundo sa pamamagitan ng aking kamay at tuhod; iisipin kong walang kahirapan ang hindi ko dadanasin, kung aking makikita ang isang taong nakaaalam kung ano ang Diyos at ang kinalalagyan niya, ano ang kanyang katangian, at ano ang kawalanghanggan (DNW, 8 ika-8 ng Okt. 1856, 3).

Ano ang uri at kagandahan ng misyon ni Joseph? … Nang una ko siyang narinig na mangaral, pinagsama niya ang langit at ang lupa (DBY, 458).

Inilatag ni Joseph Smith ang saligan ng Kaharian ng Diyos sa mga huling araw; ang iba ang magpapatuloy sa pagbuo sa nalalabing bahagi nito (DBY, 458).

Wala akong nakita kailanman, hanggang sa makilala ko si Joseph Smith, na taong makapagsasabi sa akin tungkol sa katangian, katauhan at pinananahanan ng Diyos, o ng anumang kapani-paniwalang kaalaman tungkol sa mga anghel, o ng relasyon ng tao sa Maylikha sa kanya. Gayon pa man isa akong masigasig na tao na kailangang magtangka at makaalam ng mga bagay na ito (DBY, 458).

Kinuha niya ang langit, sa matalinghagang pananalita, at ibinaba ito sa lupa, at kinuha niya ang lupa, itinanghal ito, at isiniwalat, ang mga bagay ng Diyos, nang payak at simple; ito ang kagandahan ng kanyang misyon. Matagal na akong may patotoo, bago pa rito, na siya ay propeta ng Panginoon, at ito ay nakaaaliw. Hindi ba’t gayon din ang ginawa ni Joseph sa inyong pang-unawa? Hindi ba niya kinukuha ang banal na kasulatan at ipinaliliwanag ito nang gayon na lamang upang ito ay mauunawaan ng lahat? Bawat tao ay nagsasabing, “Oo, ito ay kahanga-hanga; pinagpipisan nito ang langit at ang lupa,” at tungkol sa buhay na ito, wala itong kabuluhan, maliban sa tuturuan tayo nito kung paano mamumuhay sa kawalang-hanggan (DBY, 458–59).

Iginagalang ko at pinagpipitaganan ang pangalan ni Joseph Smith. Ikinalulugod kong marinig ito; mahal ko ito. Mahal ko ang kanyang doktrina (DBY, 458).

Ano man ang tinanggap ko mula sa Panginoon ay tinanggap ko ito sa pamamagitan ni Joseph Smith; siya ang ginamit na instrumento. Kung tatalikuran ko siya, kailangan kong talikuran ang mga alituntuning ito; ang mga ito ay hindi ipinahayag, sinabi, o ipinaliwanag ng sinumang tao mula sa panahon ng mga Apostol. Kung hindi ko paniniwalaan ang Aklat ni Mormon, kailangan kong itatwa na si Joseph ay isang Propeta; kung hindi ko paniniwalaan ang doktrina at titigil sa pangangaral ng pagtitipon ng Israel at ng pagtatatag ng Sion, kailangan ay hindi ako maniwala sa Biblia; at samakatwid, mabuti pang umuwi ako sa halip na pangahasang mangaral nang wala ang tatlong bagay na ito (DBY, 458).

Walang nilalang na nagkaroon ng pribilehiyong marinig ang daan ng buhay at kaligtasan na inilahad sa kanya tulad ng pagkakasulat nito sa Bagong Tipan, at sa Aklat ni Mormon, at sa aklat ng Doktrina at mga Tipan, sa pamamagitan ng isang Banal sa mga Huling Araw, na nakapagsasabing buhay si Jesus, na ang kanyang Ebanghelyo ay totoo, at pagkatapos ay sasabihing si Joseph Smith ay hindi Propeta ng Diyos. Ito ay isang mabigat na patotoo, subalit ito ay totoo. Walang sinuman ang makapagsasabing ang aklat na ito (nakapatong ang kanyang kamay sa Biblia) ay totoo, na ito ay salita ng Panginoon, na ito ang daan, na ito ay ang karatula sa daan, na sa pamamagitan nito malalaman natin ang kalooban ng Diyos; at kasabay nito ay sasabihing, ang Aklat ni Mormon ay hindi totoo; kung nagkaroon siya ng pribilehiyong mabasa ito, o marinig na binasa ito, at natutuhan ang mga doktrina nito. Walang sinuman sa ibabaw ng mundong ito ang nagkaroon ng pribilehiyong matutuhan ang Ebanghelyo ni Jesucristo mula sa dalawang aklat na ito, ang makapagsasabing ang isa ay tama, at ang isa ay mali. Walang Banal sa mga Huling Araw, lalaki o babae, ang makapagsasabi na ang Aklat ni Mormon ay totoo, ang magsasabing ang Biblia ay hindi totoo. Kung ang isa ay totoo, kapwa sila totoo; kung ang isa ay mali, kapwa silang mali. Kung si Jesus ay buhay, at ang Tagapagligtas ng daigdig, si Joseph Smith naman ay isang Propeta ng Diyos, at naninirahan sa sinapupunan ni Abraham. Bagama’t pinatay nila ang kanyang katawan, gayon pa man siya ay buhay at nakikita palagi ang mukha ng kanyang Ama sa Langit; at ang kanyang kasuotan ay dalisay habang pinalilibutan ng mga anghel ang luklukan ng Diyos; at walang sinuman sa mundo ang makapagsasabi na si Jesus ay buhay, at kasabay nito ay itatatwa ang aking sinasabi tungkol kay Propetang Joseph. Ito ang aking patotoo, at ito ay matatag (DBY, 459).

Tinuruan ng Panginoon ang kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag, “katotohanan at pagkatapos ay karagdagan pang katotohanan.”

Mula sa araw na natamo ni Joseph ang mga lamina, at bago pa ang araw na ito ay tinagubilinan na siya ng Panginoon. Siya ay kanyang tinagubilinan sa araw-araw at bawat oras (DBY, 461).

Patuloy na tumanggap si Joseph ng paghahayag at karagdagan pang paghahayag, ordenansa at karagdagan pang ordenansa, katotohanan at karagdagan pang katotohanan, hanggang sa matamo niya ang lahat ng kailangan para sa kaligtasan ng sangkatauhan (DBY, 461).

Lahat ng naninirahan sa mundo ay tinawag ng Diyos; tinawag sila upang magsisi at magpabinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan (DBY, 461).

Dumaan tayo mula sa isang bagay patungo sa isa pa, at maaari kong sabihin mula sa isang antas ng kaalaman patungo sa isa pa. Nang unang tanggapin ni Joseph ang mga lamina sa burol Cumorah, hindi niya roon tinanggap ang mga susi ng Pagkasaserdoteng Aaron, tinanggap lamang niya ang kaalamang ang mga lamina ay naroroon, at na ilalabas ito ng Panginoon. … Tinanggap niya ang kaalaman na ang [mga naunang naninirahan sa Amerika] noong una ay may Ebanghelyo, at mula sa panahong iyon, unti-unti, hanggang tanggapin niya ang mga lamina, at ang Urim at Tummim at nagkaroon ng kapangyarihang isalin ang mga ito. Hindi siya naging Apostol dahil dito, hindi ito nagbigay ng susi ng Kaharian sa kanya, ni ginawa siyang Elder ng Israel. Siya ay isang Propeta, at nagkaroon ng diwa ng propesiya, at tinanggap ang lahat ng ito bago siya inordenan ng Panginoon. At nang sabihin sa kanya ng Panginoon, sa pamamagitan ng paghahayag, na magtungo sa Pennsylvania, ginawa niya ito, at tinapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon; at nang sabihin sa kanya ng Panginoon, sa isa pang paghahayag, na bumalik sa Estado ng New York at pumunta kay Amang Whitmer, na naninirahan sa lugar na kaharap ng Waterloo, at tumigil doon, ginawa niya ito, at nagdaos ng mga pagpupulong, at tinipon ang ilang naniniwala sa kanyang patotoo [tingnan sa HC, 1:48–51]. Tinanggap niya ang Pagkasaserdoteng Aaron, at pagkatapos ay tinanggap niya ang mga susi ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, at itinatag ang Simbahan [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 13; 20; 128:20]. Una niyang tinanggap ang kapangyarihang magbinyag, at hindi niya alam na makatatanggap pa siya ng higit pa rito hanggang sabihin ito sa kanya ng Panginoon. Pagkatapos ay tinanggap niya ang mga susi ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, at nagkaroon ng kapangyarihan na pagtibayin ang isang tao pagkatapos niyang magbinyag, na hindi niya tinaglay noon. Siya sana ay kapantay ni Juan Bautista, kung hindi ipinadala ng Panginoon ang kanyang ibang sugo, na sina Pedro, Santiago at Juan, upang ordenan si Joseph sa Pagkasaserdoteng Melquisedec. … At pagkatapos ay tinanggap [natin] ang iba pang mga ordenansa (DBY, 461–62).

Sa panahong iyon [1840] dumating ang paghahayag na maaari tayong mabinyagan para sa ating mga kaibigang namayapa na, ngunit noong una ay hindi ipinahayag na dapat tayong mag-ingat ng talaan ng mga nabinyagan; subalit nang makatanggap siya ng karagdagang paghahayag tungkol dito, nag-ingat na tayo ng talaan (DBY, 462–63).

Malinaw na itinuro ng Propetang Joseph Smith ang mga katotohanan ng ebanghelyo.

Ang ginawa lamang ni Joseph Smith ay ang ipangaral ang katotohanan—ang Ebanghelyo gaya ng pagkakahayag nito ng Panginoon sa kanya—at sabihin sa mga tao kung paano sila maliligtas, at ang mga tapat ang puso ay dumulog sa kanya at nagtipon sa paligid niya at minahal siya tulad ng pagmamahal nila sa sarili nilang buhay. Ipinangaral lamang niya ang totoong alituntunin, at ang mga alituntuning ito ay sapat na upang matipon ang mga Banal sa mga huling araw, maging ang mga tapat sa puso. Lahat ng naniniwala at sumusunod sa Ebanghelyo ni Jesucristo ay kanyang mga saksi sa katotohanan ng mga pangungusap na ito (DBY, 463).

Ang kadakilaan ng kaluwalhatian ng pagkatao ng Kapatid na si Joseph Smith ay ang kanyang kakayahang maipaunawa ang mga makalangit na bagay sa mga taong limitado ang kaalaman. Kapag nangangaral siya sa mga tao—nagpapahayag ng mga bagay tungkol sa Diyos, sa kalooban ng Diyos, sa plano ng kaligtasan, sa layunin ni Jehova, ang ating katayuan sa kanya, at sa lahat ng nilalang sa langit, nakukuha niyang ituro ang mga ito sa abotkaya ng pang-unawa ng bawat lalaki, babae, at bata, ginagawa niya itong malinaw na tulad ng isang tiyak na daan. Sapat na sana itong mapaniwala ang bawat taong nakarinig tungkol sa awtoridad at kapangyarihan niya mula sa langit, dahil walang sinuman ang makapagtuturo nang tulad niya, at walang sinumang makapaghahayag ng mga bagay ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng mga paghahayag ni Jesucristo (DBY, 463).

Walang sinumang tao ang matatagpuang makapagtuturo ng pagsisisi at pagbibinyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, nang may awtoridad upang mangasiwa sa mga ordenansa, hanggang sa atasan ng Diyos si Joseph Smith, at isinugo siya sa mga tao na lakip ang kanyang kautusan. Bago sumapit ang panahong ito, sinaliksik ko ang lahat ng bagay tungkol sa mga simbahan; nagsaliksik ako sa lahat ng dako upang malaman kung totoo ngang mayroong isang “dalisay na relihiyon” sa ibabaw ng mundo; naghanap ako ng taong makapagsasabi sa akin tungkol sa Diyos, sa langit, sa mga anghel at sa buhay na walang hanggan. Naniniwala ako sa Diyos Ama, at kay Jesucristo, ngunit hindi ako makapaniwala na ang Simbahan ni Cristo ay nasa mundo (DBY, 463).

Maaari akong magpatuloy na mag-aral ng Biblia at lahat ng aklat na isinulat, at kung walang paghahayag mula sa Diyos ako ay magmimistulang tanso na tumutunog, o batingaw na umaalingawngaw, na walang kaalaman tungkol sa Diyos, sa totoong relihiyon, at pagtubos sa mga buhay at sa mga patay; maaari akong mabuhay at mamatay sa kamangmangan; at ito ang kalagayan ng lahat ng naninirahan sa mundo (DBY, 463).

Ang tanong na ito ay maraming ulit nang itinanong kay Joseph Smith, ng mga ginoong dumadalaw sa kanya at sa kanyang mga tao, “Bakit napakadali mong pamahalaan ang iyong mga tao? Para bang wala silang gagawin kundi ang sasabihin mo lamang; bakit napakadali mo silang pamahalaan? Sinabi niyang, “Hindi ko sila pinamamahalaan. Nagpahayag ang Panginoon ng tiyak na mga alituntunin mula sa langit na kung saan kami ay nararapat na mamuhay sa mga huling araw na ito. Nalalapit na ang oras kung kailan titipunin ng Panginoon ang kanyang mga tao mula sa masasama, at paiikliin niya ang kanyang gawain ng kabutihan, at ang mga alituntuning kanyang ipinahayag ay itinuro ko sa mga tao at nagsisikap lamang silang mamuhay ayon dito, at sila ang namamahala sa kanilang sarili.”

Mga ginoo, ito ang kahanga-hangang lihim sa pamamahala sa mga taong ito. Inaakala lamang na pinamamahalaan ko sila, ngunit ito ay hindi totoo. Kaya ko lamang pamahalaan ang aking sarili at panatilihing matwid ang aking sarili at ituro sa mga tao ang mga alituntuning kanilang dapat ipamuhay (DBY, 470).

Naaalala ko ang maraming pagkakataong nag-iisip nang malalim si Kapatid na Joseph tungkol sa maraming dumudulog sa Kaharian ng Diyos at pagkatapos ay umaalis muli, na magsasabing, “Kapatid, hindi pa naman ako lubusang tumatalikod, at hindi ko naman iniisip na gawin ito.” Marami sa inyo, ang walang alinlangang makaaalala sa kanyang mga salita. Kailangang manalangin sa tuwina ni Joseph, manampalataya, ipamuhay ang kanyang relihiyon, at tumupad sa kanyang tungkulin, upang magtamo ng mga pagpapahayag mula sa Panginoon, upang siya ay manatiling matatag sa kanyang pananampalataya (DBY, 469).

Ngayon, ganito man ako kasama at ang mga kapatid, at napakalayo man sa hangarin namin, at sa mga pribilehiyong amin sanang tinatamasa, kung makikita lamang ni Joseph Smith, Jr., ang Propeta, ang kanyang mga tao noong kanyang panahon na handang sumunod sa kanyang tinig, katulad ng mga tao ngayon sa pagsunod sa tinig ng kanilang Pangulo, sana ay naging maligayang tao siya. Siya ay nabuhay, gumawa, naghirap, at nagtrabaho; ang kanyang tapang ay tulad ng katapangan ng isang anghel, at ang kanyang kalooban ay tulad ng kalooban ng Pinakamakapangyarihan, at siya ay naghirap hanggang siya ay patayin nila (DBY, 464).

Tinatakan ng Propetang Joseph Smith ng kanyang dugo ang kanyang patotoo.

Marami sa Propeta ang tinatakan ng kanilang dugo ang kanilang patotoo, upang ang kanilang patotoo ay sumulong nang may bisa. … Tulad sa mga sinaunang panahon, at gayon din sa mga makabagong panahon. Nang tinatakan ni Joseph Smith ng kanyang dugo ang kanyang patotoo, ang kanyang patotoo sa oras na iyon ay pinagtibay sa buong mundo; at aba sa mga kumakalaban dito (DBY, 467).

Noong nagtungo si [Joseph Smith] sa Carthage ay sinabi niyang, “ako ay patutungo sa kamatayan; ako ay patutungo gaya ng isang kordero sa katayan, ako ay patutungo sa aking kapalaran” (DBY, 467).

Sino ang nagligtas kay Joseph Smith sa kamay ng kanyang mga kaaway [hanggang] sa araw ng kanyang kamatayan? Ang Diyos; bagama’t maraming ulit siyang nabingit sa kamatayan, at sa akala ng tao ay hindi na maliligtas, at wala nang pagkakataong maligtas pa. Noong siya ay nasa piitan ng Missouri, walang sinuman ang umasang makaliligtas pa siya sa mga kamay ng kanyang kaaway, nasa ang pananampalatayang taglay ni Abraham noon at sinabi ko sa mga kapatid, “Yayamang buhay ang Panginoong Diyos, makaliligtas siya sa kanilang mga kamay.” Bagama’t nagpropesiya siyang hindi siya mabubuhay nang lalabis pa sa apatnapung taon, gayunpaman umasa kaming ito ay huwad na propesiya, at makakapiling namin siya sa tuwina; inakala naming makakayanang malampasan ito ng aming pananampalataya, ngunit kami ay nagkamali—sa huli siya ay naging martir sa kanyang relihiyon. Sinabi niya, “Ito ay mabuti na; ngayon ang patotoo ay may buo nang bisa, tinatakan na niya ito ng kanyang dugo” (DBY, 469-70).

Hindi inalis sa kanya ang kanyang tungkulin, nagtungo lamang siya sa ibang departamento ng pangasiwaan ng Pinakamakapangyarihan. Isa pa rin siyang Apostol, isa pa ring siyang Propeta, at gumagawa ng gawain ng isang Apostol at Propeta; nauna lamang siya ng isang hakbang kaysa sa atin at nagtamo ng tagumpay na hindi ko at hindi mo pa natatamo (DBY, 468).

Alam kong [si Joseph Smith] ay tinawag ng Diyos, at ito ay nalaman ko sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo sa akin, sa pamamagitan ng patotoo ng Espiritu Santo. Kung hindi ko nalaman ang katotohanang ito, hindi ako kailanman tatawaging isang “Mormon”, ni wala ako rito ngayon (DNW, ika-22 ng Okt. 1862, 2).

Mga Mungkahi sa Pag-aaral

Inilatag ni Pangulong Joseph Smith ang saligan ng Simbahan ni Jesucristo sa dispensasyong ito.

  • Ano ang papel na ginampanan ng mga ninuno ni Joseph Smith sa paghahanda sa kanya upang maging unang propeta sa dispensasyong ito? Sa paanong mga paraan naimpluwensiyahan ng pananampalataya ng inyong mga ninuno ang inyong buhay? Ano ang magagawa ninyo upang magkaroon kayo ng mabuting impluwensiya sa inyong mga inapo?

  • Ano ang kapakinabangang naidulot ng pagtawag ng Panginoon sa isang batang lalaki upang maglatag ng saligan ng kanyang kaharian sa mga huling araw na ito? Paano ito nakatulong sa inyo upang makita ang mga kamay ng Panginoon sa inyong buhay?

  • Sinabi ni Pangulong Young na inilatag ng Propetang Joseph Smith ang saligan ng Simbahan sa mga huling araw ni Jesucristo at na ipagpapatuloy ng iba ang pagbuo sa saligang kanyang itinayo. Ano ang saligang ito? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 5:9–10; 135:3.) Ano itong ipagpapatuloy na buuin ng iba? Ano ang katunayan na nakita mo na ang saligan ng Simbahan ay itinatayo? Paano kayo makatutulong sa gawaing ito?

  • Ano ang iminungkahi ni Pangulong Young na “uri at kagandahan ng misyon ni Joseph”? Paano natin matutularan ang paraan ng pagtuturo ni Propetang Joseph Smith sa pagtuturo natin sa ating mga anak at sa ibang tao?

  • Paano tayo tinuruan ni Pangulong Joseph Smith kung paano “mamuhay sa kawalang-hanggan”? Paano magagamit ang mga turong ito sa mortalidad?

Tinuruan ng Panginoon ang kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith sa pamamagitan ng paghahayag, “katotohanan at pagkatapos ay karagdagan pang katotohanan.”

  • Bakit sa palagay ninyo ipinahahayag ng Panginoon ang kanyang mga katotohanan sa pamamagitan ng “paghahayag at pagkatapos ay karagdagang paghahayag” at hindi sa pamamagitan ng pagbibigay ng lahat ng paghahayag nang minsan lamang? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 93:11–14.) Paano ito totoo sa buhay ni Propetang Joseph Smith? Paano ito nagkatotoo sa inyong buhay?

Malinaw na itinuro ng Propetang Joseph Smith ang mga katotohanan ng ebanghelyo.

  • Bakit gayon na lamang ang pagmamahal kay Propetang Joseph Smith at bakit siya maimpluwensiyang guro? Ano ang kanyang kahanga-hangang lihim sa pamamahala ng mga tao ng Panginoon? Paano natin magagamit ang alituntuning ito sa ating mga responsibilidad sa tahanan, sa gawain, at sa Simbahan?

  • Paano si Propetang Joseph “nakatanggap ng mga pagpapahayag mula sa Panginoon, upang siya ay manatiling matatag sa kanyang pananampalataya”? Paano natin malalaman ang kalooban ng Panginoon tungkol sa ating sarili? Bakit kailangan tayong magpatuloy na maging matapat upang mapanatili natin ang ating mga patotoo sa ebanghelyo?

Tinatakan ng Propetang Joseph Smith ng kanyang dugo ang kanyang patotoo.

  • Bakit kinailangan nina Joseph at Hyrum Smith na tatakan nila ng kanilang dugo ang kanilang patotoo? (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 135; 136:39.)

  • Sinabi ni Pangulong Young na, “Alam kong [si Joseph Smith] ay tinawag ng Diyos, at ito ay nalaman ko sa pamamagitan ng paghahayag ni Jesucristo sa akin.” Ano ang pakiramdam ninyo tungkol kay Propetang Joseph Smith? Paano ninyo angkop na maibabahagi ang inyong nararamdaman sa inyong mga mag-anak, kaibigan, at kakilala? Isaalangalang na itala sa anumang paraan ang inyong mga nararamdaman tungkol sa Propeta para sa inyong mga inapo.

Joseph Smith appearing to Brigham Young

Tulad ng nasa larawan, ang Propetang Joseph Smith, sa pagkamatay niya, ay nagpakita kay Pangulong Brigham Young sa isang pangitain.